27. Ang Takot sa Pag-ako ng Responsabilidad ay Nagbunyag ng Pagiging Makasarili at Kasuklam-suklam Ko
Noong 2023, gumagawa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto sa iglesia. Noong Hunyo, sinabi sa akin ng superbisor na si Yang Feng na balak ng mga lider na italaga siya sa ibang lugar para gawin ang kanyang tungkulin, at na gagawin daw akong superbisor. Nang marinig ko ito, agad akong nabigatan, iniisip na, “Gagawin akong superbisor? Paano magiging posible iyon! Mula nang matagpuan ko ang Diyos at sinimulang gawin ang tungkulin ko, isa lang akong ordinaryong miyembro ng iglesia. Hindi pa ako kailanman naging superbisor. Marami ang responsabilidad at malawak ang saklaw ng gawain ng mga superbisor. Bukod sa responsable sila sa propesyonal na gawain, kailangan din nilang lutasin ang mga kalagayan ng mga kapatid at solusyonan ang samu’t saring problemang lumilitaw sa gawain. Mas higit na komplikado ito kaysa sa gawain ng mga ordinaryong miyembro. Kadalasan, hindi ako magaling makipag-usap sa mga tao, at wala akong pagkilatis. Marami rin akong hindi nauunawaan o hindi marunong gawin tungkol sa gawain na dapat gawin ng isang superbisor. Hindi ba’t napakabigat ng tungkuling ito para sa akin? Bukod pa riyan, mas higit na mabigat ang responsabilidad ng isang superbisor kaysa sa isang ordinaryong miyembro. Noong kasisimula ko pa lang gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, hindi sinala ng isang superbisor noon ang mga artikulo ayon sa mga prinsipyo at palagi niyang tinatanggihan ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid batay sa sarili niyang kagustuhan. Ginambala at ginulo nito ang gawain at kaya natanggal siya. Kung gagawin ko ang tungkuling ito, at hindi maganda ang mga resulta o kung lumitaw ang anumang problema, kakailanganin kong managot. Sa pinakamainam na senaryo, mapupungusan lang ako, pero sa pinakamasahol, kung magagambala at magugulo ang gawain, maaari akong alisin sa iglesia. Kung mangyari iyon, tapos na ang kinabukasan at hantungan ko!” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdamang napakahirap gawin ng tungkuling ito, kaya sinabi ko kay Yang Feng, “Hindi ko kayang gawin ang tungkuling ito. Posible bang maglipat ng isang superbisor mula sa ibang lugar?” Sinabi ni Yang Feng na wala pa silang nahahanap na angkop na tao sa sandaling iyon. Napagtanto ko na pinahintulutan ng Diyos ang sitwasyong ito, at na maling basta ko na lang gustuhing tumanggi at hindi magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop. Kaya, nagpasya akong magpasakop muna. Bagaman pumayag akong akuin ang tungkulin ng superbisor, nang maisip ko na na bukod sa propesyonal na gawain ay wala pa akong masyadong karanasan sa iba pang klase ng gawain, nakaramdam ako ng matinding presyur, at hindi ko alam kung paano ko dapat gawin ang gawain sa hinaharap, at umasa na lang ako na sana ay magtalaga ang mga lider ng ibang taong papalit bilang superbisor.
Pagkatapos, napaisip ako, “Hindi ko pa kailanman nagawa ang tungkuling ito, at marami akong hindi nauunawaan tungkol dito, kaya bakit isinaayos ng Diyos ang sitwasyong ito para sa akin? At paano ko dapat harapin ang usaping ito?” Habang iniisip ko ang mga bagay na ito, biglang sumagi sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag bago pa lang na naiaangat ang ilang tao, hindi nila alam kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin o kung paano gawin ang mga ito, at medyo nalilito sila. Normal lang ito; sino ba ang ipinanganak na may kakayahang gawin ang lahat ng bagay? Kung kaya mong gawin ang lahat, tiyak na ikaw ang magiging pinakamayabang at pinakapalalo sa mga tao, at hindi ka susuko kaninuman—sa gayong kaso, kaya mo pa rin bang tanggapin ang katotohanan? Kung kaya mong gawin ang lahat, aasa ka pa rin ba sa Diyos at titingala sa Kanya? Hahanapin mo pa rin ba ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng iyong sariling katiwalian? Tiyak na hindi. Sa kabaligtaran, magiging mayabang at palalo ka at tatahak sa landas ng mga anticristo, makikipaglaban ka para sa kapangyarihan at katayuan at hindi susuko kaninuman, at ililihis at bibitagin mo ang mga tao, at gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia—sa gayong kaso, magagamit ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos? Kung alam mong marami kang pagkukulang, dapat kang matutong sumunod at magpasakop, at gawin nang maayos ang iba’t ibang gampanin ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; magpapahintulot ito sa iyo na unti-unting maabot ang punto kung saan magagawa mo ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Agad na binigyang-liwanag ng mga salita ng Diyos ang puso ko, at mas naunawaan kong mabuti ang layunin ng Diyos. Napagtanto ko na may mali akong pananaw. Akala ko na ang mga taong may alam sa lahat ng bagay at kayang gawin ang anumang bagay ang tanging kalipikadong iangat para gawin ang tungkulin ng superbisor. Sa katunayan, maraming tao na rin ang naiangat at nalinang ng sambahayan ng Diyos, at hindi lahat sa kanila ay nakaunawa na sa lahat ng bagay nang mag-umpisa sila, sa halip, unti-unti nilang naarok ang mga prinsipyo sa pamamagitan ng hakbang-hakbang na pagsasanay. Normal lang na hindi maunawaan o matutunan ang lahat ng bagay kapag nagsisimula ng isang bagong tungkulin, at kailangan kong magkaroon ng tamang saloobin sa usaping ito. Sa pagbabalik-tanaw, hindi ba’t ganoon din ang nangyari sa akin sa lahat ng taong ito ng paggawa ko sa mga tungkulin ko? Anuman ang tungkuling ginagawa ko, hindi ko nauunawaan ang lahat noong una akong magsanay, pero itinalaga akong magsanay dahil may kaunti na rin akong naunawaang prinsipyo. Kalaunan, dahil sa kaliwanagan ng Diyos at tulong ng aking mga kapatid, kasama ang pagdanas ng ilang kabiguan, pagkabunyag, at sa pamamagitan ng pagbubuod at pagninilay-nilay, unti-unti kong naunawaan at naarok ang ilang prinsipyo. Sa pagkakataong ito, isinaayos ng iglesia na gawin ko ang tungkulin ng isang superbisor, at bagaman hindi ko alam kung paano ito gagawin sa una, at magkakaroon ako ng ilang suliranin, ganap na normal lang ito, at ang una kong kailangang gawin ay magpasakop at umasa sa Diyos para magsanay. Napagtanto ko rin mula sa mga salita ng Diyos na, makakatulong ang maraming pagkukulang ko sa tungkuling ito na manatili akong mapagpakumbaba, at kapag nahaharap sa mga isyu, maaari kong higit na hingin ang mga opinyon ng iba, nang sa gayon ay hindi ko magambala at magulo ang mga tungkulin ko dahil sa kayabangan at kapalaluan, at pagkapit sa sarili kong mga pananaw. Dahil medyo mayabang ako, at inisip ko na mayroon akong kaunting katalinuhan at kakayahan, at nakaunawa ako ng ilang katotohanang prinsipyo, palagi kong minamaliit ang iba. Kapag nahaharap ako sa magkakaibang opinyon, iniisip ko na ako ang tama, at kaya, madalas akong kumakapit sa sarili kong mga pananaw. Nagambala at nagulo nito ang gawain, at muntik na akong matanggal. Kung alam at kaya ko ang lahat ng bagay, talaga ngang may tendensiya akong gawin ang mga bagay-bagay batay sa mayabang kong disposisyon. Pero sa pagkakataong ito, sa tungkulin ng superbisor, may mga pagkukulang ako sa maraming aspekto, at hindi ako makapagyayabang kahit gustuhin ko man. Sa katunayan, proteksiyon ito sa akin.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider, binibigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng mas mabigat na pasanin para sanayin siya, para sumandal siya sa Diyos, at para magsumikap siya sa katotohanan; saka lamang mabilis na lalago sa lalong madaling panahon ang kanyang tayog. Kapag mas mabigat ang pasaning ibinigay sa kanya, mas matinding kagipitan ang nararanasan niya, at mas napipilitan siyang hanapin ang katotohanan at umasa sa Diyos. Sa huli, magagawa niya ang kanyang gawain nang maayos at masusunod ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay tatapak siya sa tamang landas ng pagkaligtas at pagiging nagawang perpekto—ito ang epektong nakakamtan kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi sa paggawa ng mga partikular na gampaning ito, hindi nila malalaman kung ano ang kulang sa kanila, hindi nila malalaman kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila malalaman ang ibig sabihin ng magtaglay ng katotohanang realidad. Kaya, natutulungan sila ng paggawa ng partikular na gawain na matuklasan ang kanilang mga pagkukulang at makita na, bukod sa kanilang mga kaloob, wala silang katotohanang realidad; natutulungan sila nitong madama kung gaano sila kahirap at kaawa-awa, ipinapatanto sa kanila na kung hindi sila aasa sa Diyos at hindi nila hahanapin ang katotohanan, hindi nila makakaya ang anumang gawain; ginagawa sila nitong tunay na makilala ang kanilang sarili at malinaw na makita na kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon, magiging imposible para sa kanila na maging angkop para gamitin ng Diyos. Ang mga ito ang lahat ng epektong dapat makamtan kapag nililinang at sinasanay ang mga lider at manggagawa. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga aspektong ito makakayang hangarin ng mga tao ang katotohanan nang may praktikal na saloobin, umaasal nang hindi nagpapasikat, makatitiyak na hindi na magyabang tungkol sa kanilang sarili kapag ginagawa ang gawain nila, at patuloy na dinadakila ang Diyos at nagpapatotoo sa Diyos sa paggawa ng kanilang tungkulin, at unti-unting papasok sa katotohanang realidad. … Kapag mas maraming pagkakataon sa pagsasanay, mas marami ang karanasan ng mga tao, mas malawak ang kanilang mga kabatiran, at mas mabilis silang lalago. Kung hindi gagawin ng mga tao ang gawain ng pamumuno, gayumpaman, dadanas at sasailalim lang sila sa personal na pag-iral at personal na mga karanasan, at makikilala lang ang mga personal na tiwaling disposisyon at iba’t ibang personal na kalagayan—lahat ng ito ay nauugnay lang sa sarili nila. Sa sandaling maging mga lider sila, nahaharap sila sa mas maraming tao, pangyayari, at kapaligiran, na naghihikayat sa kanila na palaging lumapit sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Para sa kanila, hindi namamalayang nagiging pasanin ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito, at likas din na lumilikha ng labis na mga kanais-nais na kondisyon para sa kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na isang mabuting bagay. At kaya, ang isang taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kapabilidad sa gawain ay mabagal na makapapasok bilang isang ordinaryong mananampalataya, at mas mabilis bilang isang lider o manggagawa” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko nang kaunti ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga tao. Ang pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga tao ay hindi ginagawa para magbunyag o magtiwalag ng mga tao, kundi, para bigyan ang mga tao ng pasanin at mas maraming pagkakataon na magsanay. Kapag mas malalaki ang responsabilidad, dumarami rin ang mga problemang nakakaharap sa gawain, at magiging mas madalas din ang pagpupungos, mga balakid, at kabiguan. Maaaring mukhang kailangang magdusa ng laman, pero tiyak na ginagamit ng Diyos ang mga gayong sitwasyon para tulungan tayong makita ang ating mga tiwaling disposisyon, matuklasan ang ating mga pagkukulang at kahinaan, at pilitin tayo na higit na umasa sa Kanya at maghanap sa katotohanan. Nakakabuti ito para sa atin na maunawaan ang ating sarili, makapasok sa mga katotohanang realidad, at magtamo ng kaligtasan. Kung mas kaunti ang ating nararanasan at wala tayong anumang suliranin, hindi magiging sapat ang pagkakabunyag ng ating mga tiwaling disposisyon, at kaya, mahihirapan tayong makita nang malinaw ang ating mga pagkukulang at malilimitahan ang ating pagkaunawa sa ating mga tiwaling disposisyon, pinapabagal ang ating paglago sa bawat aspekto. Habang mas pinag-iisipan ko ito, lalo kong napagtatanto na ang pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa isang tao ay naglalaman ng masisidhing layunin ng Diyos. Ang pagsasaayos ng iglesia para akuin ko ang tungkulin ng superbisor ay hindi upang sadyang pahirapan ako, ni upang ibunyag o itiwalag ako, kundi upang mas makapagsanay ako, makapasok sa mga katotohanang realidad nang mas mabilis, at upang magawa ko nang mas mabuti ang mga tungkulin ko. Pero hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos at nagreklamo at tumutol pa rin ako. Tunay na wala akong pagkatao at katwiran!
Kalaunan, nag-isip pa ako nang kaunti, “Bakit ba ayaw kong akuin ang tungkulin ng superbisor? Bukod sa mga maling pananaw, anong iba pang tiwaling disposisyon ang nasa likod nito?” Sa aking pagninilay-nilay, higit ko pang binasa ang mga salita ng Diyos: “Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw niyang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga niya na mababasag ng mga dahon ang kanyang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang niya sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nangangaral ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong gawain—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanyang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin niya ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala siyang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. … Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan—pagiging mapanlinlang ito. Gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang pananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na sa paggawa ng mga tungkulin ko, dapat ko munang isaalang-alang kung paano ilaan ang puso at lakas ko, at kung paano itaguyod ang mga interes ng iglesia. Sinasabi ng Diyos na kung palaging natatakot ang mga tao na umako ng responsabilidad, palaging nagpaplano at nag-iisip para sa kanilang mga pansariling interes, at tumatanggi at umiiwas sa kanilang mga tungkulin, siya ay madaya, makasarili, kasuklam-suklam, at hindi naiiba sa mga walang pananampalataya. Kinasusuklaman at kinayayamutan ng Diyos ang gayong mga tao. Noong una, akala ko na dahil hindi ko kailanman nagawa ang tungkulin ng isang superbisor at wala akong karanasan, normal lang sa akin na tanggihan ang tungkuling ito, at na hindi ito isang seryosong usapin, pero ngayon, napagtanto ko na mga kuru-kuro ko at imahinasyon ko lang ang mga ito, at hindi naaayon sa katotohanan. Naalala ko noong una kong nabalitaan na gagawin akong superbisor, hindi ko naramdaman na ito ay pagtataas ng Diyos, at hindi ko rin inisip kung paano gagawin nang maayos ang tungkuling ito. Sa halip, ang mga una kong inisip ay ang maraming responsabilidad na kailangan kong pasanin bilang superbisor, na kung hindi ko huhusayan, mapupunsugan ako, at kung makapagdulot ako ng anumang pagkagambala at kaguluhan, maaaring katapusan na ng kinabukasan at hantungan ko. Pakiramdam ko, mas ligtas ako bilang isa lang regular na miyembro ng pangkat, dahil sa ganitong paraan, hindi ko kailangang umako ng napakaraming responsabilidad at mas mababa ang tendensiya na maibunyag o maitiwalag ako. Kalaunan, kahit tinanggap ko ang tungkulin, ginawa ko ito nang may matinding pag-aatubili, at palagi akong umaasa na sana ay makahanap ang mga lider ng ibang papalit sa akin. Naisip ko kung paanong kapag nakikisalamuha ang mga taong walang pananampalataya, palagi silang mapagbantay sa isa’t isa, palaging natatakot na baka kumilos ang iba laban sa sarili nilang mga interes, kaya, palagi silang may tinatagong plano. Pero kahit natagpuan ko na ang Diyos at ginagawa ko ang mga tungkulin ko, palagi pa rin akong mapagbantay laban sa Diyos. Kapag nararamdaman kong wala namang banta sa kinabukasan ko ang mga tungkuling isinasaayos ng iglesia para sa akin, handa akong magbayad ng halaga at gawin ang mga ito, pero sa sandaling naramdaman ko na ang mga tungkuling ito ay maaaring magdala ng kaunting panganib, ayaw ko nang gawin ang mga ito. Madalas kong sinasabi na dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, pero nang maharap ako sa isang tungkuling nangangailangan ng kooperasyon ko, isinaalang-alang ko lang ang personal kong kinabukasan at hantungan. Ginamit ko pa ang kakulangan ko sa karanasan bilang dahilan para iwasan ko ang mga tungkulin ko, nang hindi man lang isinasaalang-alang ang Diyos. Nakita ko na naging lubusan akong makasarili, kasuklam-suklam, tuso, at mapanlinlang. Inuuna ng mga walang pananampalataya ang mga pansariling interes higit sa lahat, at hindi ba’t ang mga iniisip kong ito at ang mga bagay na ibinubunyag ko ay katulad ng sa mga walang pananampalataya? Nakita kong talagang wala akong konsensiya at katwiran. Bagaman maraming bagay akong hindi nauunawaan bilang superbisor, dapat muna akong magsanay at tingnan kung paano ang takbo ng mga bagay-bagay. Kung ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko pero hindi pa rin ako mahusay sa mga tungkulin ko, wala akong pagsisisihan. Kalaunan, inilibot ako ni Yang Feng para maging pamilyar ako sa gawain ng iba’t ibang grupo. Noong una, nalito talaga ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin o kung paano ito gagawin. pero kalaunan, habang ginagawa ko ito nang tinatantiya ko ang mga susunod na hakbang, nakahanap ako ng landas pasulong.
Hindi nagtagal, muling naglunsad ang CCP ng malawakang pag-aresto sa mga mananampalataya, at kinailangan naming agarang lumipat dahil hindi na ligtas ang lugar na tinitirhan namin. Masama rin ang sitwasyon sa ibang lugar. Hiniling ng mga nakatataas na lider na magpadala ang mga iglesia sa iba’t ibang lugar ng mga tauhan na may mahusay na kakayahan para sa mga tungkuling nakabatay sa teksto. Naisip ko, “Sa malalang sitwasyon natin ngayon, mahirap nang ipatupad ang ilan sa mga gawain ng iglesia. Kung ililipat sa malayo ang mga taong may mahusay na kakayahan, paano tayo makakaasa na magiging epektibo ang gawain sa hinaharap? Kung aalis din si Yang Feng sa kritikal na sandaling ito, tapos, kung hindi epektibo ang gawain o lilitaw ang anumang problema, kakailanganin kong pasanin ang responsabilidad. Kung talagang magkakaproblema, maaari akong matanggal o maitiwalag, at pagkatapos, wala akong magandang kinabukasan o tadhana.” Sa naisip kong ito, pinagsisihan ko na tinanggap ko pa ang tungkuling ito. Nagkataon lang na hindi makaalis sa rehiyon si Yang Feng pansamantala dahil sa mga problema sa seguridad, at naisip ko, “Kung hindi siya aalis, responsable pa rin siya sa gawain. Kahit superbisor ako, magiging katulong lang ako. Kung talagang magkakaproblema, siya pa rin ang lalapitan ng mga lider.” Noong panahong iyon, ginamit ko ang pagiging abala sa gawaing hawak ko bilang isang dahilan at hindi ko gaanong binigyang-pansin ang pangkalahatang gawain. Naisip ko, “Dahil hindi pa naman umaalis si Yang Feng, kaya na niyang asikasuhin ang anumang problemang darating.” Hindi nagtagal, naunawaan ng mga lider ang kalagayan ko at pinadalhan nila ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagkakamit ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Sa partikular, may ilang tao na, kapag sinabihang akuin ang responsabilidad para sa ilang partikular na trabaho, ay hindi iniisip kung paano nila maiaalay ang kanilang katapatan, o kung paano gagampanan ang tungkuling ito at gagawin ang gawaing ito nang maayos. Sa halip, iniisip nila kung paano makaiiwas sa responsabilidad, kung paano makaiiwas sa pagpupungos, kung paano makaiiwas na umako ng anumang responsabilidad, at kung paano lilitaw na walang pinsala kapag may mga nangyayaring problema o pagkakamali. Iniisip muna nila ang kanilang sariling ruta sa pagtakas at kung paano matutugunan ang kanilang mga sariling kagustuhan at interes, hindi kung paano gagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at iaalay ang kanilang katapatan. … Kaya, anong uri ng mga tao ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Ang mga taong tulad nito ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hinahangad nilang tamasahin ang ilang pagpapala, maging sikat, at maging sentro ng atensyon sa sambahayan ng Diyos, tulad noong nakararaos sila sa lipunan. Pagdating sa diwa, anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga hindi mananampalataya” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). “Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ at ‘Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.’ Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Inilalantad ng Diyos na itinuturing ng mga anticristo bilang ang layon sa pananampalataya sa Diyos ang pagtanggap ng mga pagpapala. Hindi nila pinagsisikapan ang paghahangad sa katotohanan at inuugnay nila ang lahat ng bagay na nangyayari sa pagtanggap ng mga pagpapala. Tungkol sa mga tungkuling itinalaga ng iglesia sa partikular, palagi silang natatakot na umako ng responsabilidad o gumawa ng pagsalangsang dahil sa pagkakaantala sa gawain, at palagi silang mapagbantay laban sa Diyos dahil sa takot na maitiwalag at mawalan ng pagkakataon na makatanggap ng mga pagpapala. Tunay silang buktot at mapanlinlang! Nakita ko na katulad ng sa isang anticristo ang pag-uugali ko. Simula nang italaga sa akin ang tungkulin ng isang superbisor, ang tangi kong iniisip ay na kung hindi ko huhusayan, maaaring mapinsala ang gawain at posibleng humantong ito sa pagbubunyag at pagtitiwalag sa akin, at kawalan ko ng pagkakataon para sa mga pagpapala. Hindi ko iniisip kung paano ako mabilis na magiging pamilyar sa gawain, o kung paano lutasin ang iba’t ibang isyu sa gawain. Mga pansariling interes ko lang ang isinaalang-alang ko. Sa pagninilay-nilay sa aking pag-uugali, napagtanto ko na kinokontrol ako ng satanikong lason ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ang lahat ng ginagawa at sinasabi ko ay batay sa prinsipyo ng pansariling interes, at lubos akong naging makasarili at kasuklam-suklam. Alam na alam ko na nang itinalaga si Yang Feng sa ibang tungkulin, walang mangangasiwa sa gawaing nakabatay sa teksto ng ilang iglesia at na maaapektuhan ang gawain, pero nag-alala pa rin ako tungkol sa mga pansarili kong interes at nag-atubiling tanggapin ang tungkuling ito. Bagaman nabasa ko ang ilang salita ng Diyos at naunawaan ko na kapag iniaangat ng iglesia ang isang tao, ang layunin ng Diyos ay para magsanay at maunawaan nito ang katotohanan, hindi para ibunyag at itiwalag ito, nakaramdam pa rin ako ng kawalang-kasiguruhan at wala akong lakas ng loob na ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay. Lalo na pagkatapos ng mga pag-aresto ng CCP, naharap sa iba’t ibang suliranin ang gawain, at ang isang taong may konsensiya at katwiran ay aktibo sanang aako sa responsabilidad. Pero ang inisip ko lang ay ang sarili kong kinabukasan at kung paano ako makakahanap ng reserbang plano. Para makaiwas sa pagpasan ng responsabilidad, ginamit kong dahilan ang pagiging abala ko sa kasalukuyang gawain ko para hindi makilahok sa pangkalahatang gawain, at inisip ko pa na dahil delikado ang lagay ni Yang Feng, hindi magiging mainam para sa kanya na gawin ang tungkulin niya sa ibang lugar, kaya hindi ko na kailangang maging superbisor at ilagay ang sarili ko sa panganib. Mga pansariling interes ko lang ang inisip ko at hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Ninais ko pa ngang mapasama ang iba at nagbunyag ako ng mga mapaminsalang kaisipan. Paanong masasabing mayroon akong anumang pagkatao? Nakita ko na nanampalataya lang ako sa Diyos para tumanggap ng mga pagpapala at gantimpala, at na kahit kaya kong gumawa ng ilang tungkulin, sinusubukan ko lang makipagtawaran sa Diyos. Kapag talagang kinakailangan kong umako ng responsabilidad, nagtatago ako sa malayo. Wala akong sinseridad sa Diyos o sa tungkulin ko sa puso ko! Ang mga bagay na palagi kong sinasabi gaya ng “Gagawin ko nang maayos ang tungkulin ko at isasaalang-alang ko ang mga layunin ng Diyos” ay pawang mga hungkag na salita lamang. Nagsasalita lang ako ng magagandang-pakinggan na bagay para subukang kunin ang pabor ng Diyos, upang bigyan Niya ako ng magandang hantungan sa hinaharap. Hindi ba’t sinusubukan ko lang na linlangin at gamitin ang Diyos? Napagtanto ko na hindi lang ako makasarili at kasuklam-suklam, kundi mayroon din akong tunay na buktot na disposisyon. Habang mas nagninilay-nilay ako, mas lalo kong nararamdaman na ang mga bagay na ibinunyag ko ay kasuklam-suklam at kamuhi-muhi para sa Diyos. Naisip ko ang aking limitadong tayog at karanasan, at nakita ko na biniyayaan ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng pagkakataong magsanay sa tungkulin ng isang superbisor, at ito ay para mabilis kong maarok ang mga prinsipyo at makapasok sa mga katotohanang realidad. Pero hindi ko pinahalagahan ang pagkakataong ito na ibinigay ng Diyos, ni hindi ko inisip kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ko at susuklian ang pagmamahal ng Diyos. Sa halip, tumanggi ako at umiwas sa tungkulin ko. Tunay na wala akong konsensiya at katwiran, at hindi ko matukoy ang mabuti sa masama! Nang magpagtanto ko ito, napuno ako ng mga damdamin ng pagkakonsensiya at pagkakautang, at gusto kong samantalahin ang pagkakataon para matuto sa abot ng aking makakaya mula kay Yang Feng habang nandiyan pa siya. Hindi nagtagal, inaresto ng mga pulis si Yang Feng at ang ilang kapatid, at napunta sa akin ang lahat ng gawain. Bagaman may kaunting presyur, alam kong hindi ko puwedeng takbuhan ang sitwasyong ito at na kailangan kong akuin ang tungkulin ko, kaya, nakipagtulungan ako sa mga kapatid para maisagawa ang mga tungkulin.
Isang beses, tinanggihan ko ang isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan base lang sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider para subaybayan at siyasatin ang usapin. Naisip ko, “Hindi ito maliit na bagay. Maaaring hindi lang ito isang usapin ng pagkakapungos, at sa pinakamalalang senaryo, maaari pa akong matanggal.” Pinag-isipan ko ang mga dahilan ng problemang ito habang hinihintay ang mga lider na pangasiwaan ito. Nalaman ng mga lider na ito ang unang beses naming magkaroon ng gayong problema, kaya hindi nila kami pinanagot, pero hinikayat nila kaming higit na magnilay-nilay at magbuod. Noong sandaling iyon, naisip ko. “Masyadong malaki ang responsabilidad ng tungkuling ito. Bakit hindi ko na lang sabihin sa mga lider na hindi ko kayang gawin ang tungkuling ito at hilingin sa kanila na umako na lang ako ng tungkuling mas magaan ang responsabilidad?” Habang iniisip ko ito, napagtanto ko na mali ang mga kaisipang ito, at naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang tao na may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi tayo tinatrato ng Diyos batay lamang sa kinalabasan ng mga pangyayari, kundi isinasaalang-alang din Niya ang mga layunin natin sa ating mga tungkulin at ang kontekstong pinanggagalingan ng mga problema. Halimbawa, maaaring kasisimula lang ng ilang tao sa pagtanggap ng isang tungkulin, at dahil hindi pa sila nakapagsanay nang matagal at may limitadong pagkaunawa sa mga prinsipyo, maaaring magkaroon ng mga paglihis sa kanilang mga tungkulin, at dapat muna silang pagbahaginan at tulungan. Kung pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasanay ay wala pa rin silang pag-unlad dahil sa mahinang kakayahan, kung gayon, dapat silang italaga sa ibang mas naaangkop na tungkulin. Gayumpaman, kung angkop naman ang kanilang kakayahan pero palagi silang umaasa sa sarili nilang mga intensiyon at tiwaling disposisyon sa kanilang mga tungkulin, at nilalabag nila ang mga prinsipyo at nagsasanhi sila ng mga paggambala at panggugulo, kung gayon, kailangan silang pungusan. At kung hindi pa rin sila magsisisi, dapat silang tanggalin at itiwalag. Sa sambahayan ng Diyos, tinatrato ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, anuman ang tungkuling ginagawa nila o kung sila ba ay mga superbisor. Katulad na lang ng natanggal na superbisor na nakita ko noong bago pa lang akong gumagawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, matagal na siyang namumuhay sa maling kalagayan, at ginagawa niya ang tungkulin niya nang mayabang at mapagmagaling, at hindi naghahanap ng mga prinsipyo, at lubha niyang nagambala ang gawain. Humantong ito sa pagkatanggal sa kanya. Pero hindi siya pinatalsik ng sambahayan ng Diyos dahil dito, at nang sinimulan niyang pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili at naging handa siyang magsisi, binigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng isa pang pagkakataon, at ginagawa pa rin niya ang tungkulin niya hanggang ngayon. Sa kabilang banda, may ilang taong nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay sa kanilang mga tungkulin, at ginagambala at ginugulo nila ang gawain at tumatangging magsisi. Ang gayong mga tao, kahit na pumapasan sila ng kaunting responsabilidad o hindi mga superbisor o lider at manggagawa, ay ititiwalag din. Nang mapagtanto ko ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Noon, itinuring ko ang Diyos na parang isang opisyal ng gobyerno na magpapahirap at susupil sa mga tao kung makikita niya silang gumagawa ng mali na nakaapekto sa kanyang mga interes, at isang taong hindi nagsasaalang-alang sa konteksto ng mga sitwasyon kahit kaunti, at lalong hindi niya tinatrato ang mga tao batay sa kanilang diwa. Inakala ko na kung may sinabing mali ang isang tao o ginawang medyo labag sa mga gusto niya, puwede niyang gamitin ang kapangyarihan niya para parusahan ang taong iyon. Ang husgahan ang Diyos sa pamamagitan ng gayong pananaw ay paninirang-puri at kalapastanganan laban sa Kanya! Nang mapagtanto ko ito, binitiwan ko ang pagiging mapagbantay ko laban sa Diyos at ang mga maling pagkaunawa ko tungkol sa Kanya, at nagawa kong harapin ang mga tungkulin ko nang mahinahon. Kapag nangangasiwa ng gawain o nagsusuri ng mga artikulo, mas sineseryoso ko ang mga bagay-bagay at ginagawa ko ang makakaya ko, at kung talagang may problemang lumitaw na kailangan kong panagutan, nagpapasakop ako, haharapin ko ito, at dadanasin ko ito.
Kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ko ngayon, isinasaalang-alang ko pa rin ang kinabukasan at kapalaran ko kung minsan, natatakot na kung hindi ko huhusayan, magdudulot ito ng paggambala at panggugulo at baka mabunyag at magtiwalag ako, pero nagagawa ko nang magdasal sa Diyos, maghimagsik laban sa mga kaisipang ito, at gawin nang normal ang mga tungkulin ko. Minsan, maaaring hindi ko malinaw na nakikita ang mga bagay-bagay o maprinsipyong ginagawa ang mga tungkulin ko, na humahantong sa mga problema, pero hindi ako namumuhay lang sa pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa. Sa halip, kaya kong tratuhin nang tama ang mga bagay-bagay, pagnilayan ang aking sarili at hanapin ang mga dahilan ng mga isyung ito sa tamang oras, at agarang ituwid ang mga bagay-bagay kapag may natutuklasan akong mga problema. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nararamdaman ko ang kapayapaan at kapanatagan sa puso ko. Salamat sa Diyos!