28. Ang Nakamit ko Mula sa Pag-uusig ng Aking Pamilya
Minsan akong nagkaroon ng magkakasundo at masayang pamilya, tinrato ako nang maayos ng mister ko, at kinainggitan kami ng mga kapitbahay at kaibigan namin. Noong 1994, tinanggap ko ang Panginoong Jesus bilang aking Tagapagligtas, at ibinahagi ko ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa aking mga magulang, biyenang babae, kuya, at hipag, at tinanggap din nilang lahat ito. Masyadong abala noon ang mister ko sa kanyang negosyo para dumalo sa mga pagtitipon, pero suportadong-suportado niya ang pananalig ko. Noong Oktubre 2006, may nangaral sa akin ng ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos. Sa pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at na nagsagawa Siya ng yugto ng gawain ng paghatol at pagdadalisay batay sa gawain ng Panginoong Jesus, binibigyang-daan ang mga tao na tuluyang makawala mula sa kasalanan at maligtas ng Diyos, at masaya kong tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos niyon, nagsimula akong magsanay sa pangangaral ng ebanghelyo, pinatototohanan ang bagong gawain ng Diyos sa mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at nananabik sa pagpapakita ng Panginoon. Noong una, hindi kinontra ng mister ko ang pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos, at kapag pumupunta ang mga kapatid sa bahay ko, malugod silang tinatanggap ng mister ko, sinasabi na kapag kumita siya ng kaunti pang pera, sasamahan niya akong manamapalataya sa Diyos. Pero makalipas ang ilang buwan, nabalitaan ng mister ko ang mga walang basehang sabi-sabi ng CCP na kumokondena at naninira sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at palagi siyang sinusulsulan ng mga lider ng relihiyon, kaya nagsimula siyang humadlang sa pananalig ko. Sa tuwing nakikita niya akong umaalis para pumunta sa mga pagtitipon, inuusig niya ako at hinaharangan niya ako.
Pagsapit ng 2007, tinanggap ko ang tungkulin bilang lider ng iglesia. Isang gabi, nang umuwi ako matapos gawin ang mga tungkulin ko, lampas alas-diyes na ng gabi. Pagpasok ko pa lang sa bahay, sumugod ang mister ko at sinita niya ako, sinasabing, “Sabihin mo nga ang totoo—bakit ngayon ka lang nakauwi? Pinupuntirya kayong mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ng pag-aresto ng estado, at kung mahuhuli kayo, ituturing kayong mga politikal na kriminal at papatayin pa nga nang walang laban. Mag-isip-isip ka naman!” Pagkatapos, mariin niyang sinabi sa akin, “Makinig ka lang sa akin, umuwi ako sa bayan ko kahapon, at sinabi ng tito ko na ang pagsuway sa gobyerno ay katulad ng isang itlog na bumabangga sa bato. Hindi mo kayang kalabanin ang pamahalaang lungsod. Ang mga anak ng mga mananampalataya ay hindi pahihintulutang magkolehiyo, at kung ipagpapatuloy mo ito, idadamay mo ang mga anak natin sa lahat ng ito. Sinabi ng tito ko na ayusin ko ang usaping ito para matapos na. Kung ipagpapatuloy mo ang pananalig mong ito, maghiwalay na tayo! Kung talagang isusuko mo ang pananalig mo, dapat kang sumulat sa akin ng panunumpa na nagsasabing hindi ka na mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, mananatili ka sa bahay at magpapakabait, at hindi pupunta kung saan-saan. Kung malalaman ko na ginagawa mo na naman ito, huwag mo akong sisisihin sa pagiging malupit.” Matapos marinig ang sinabi ng mister ko, galit na galit ako, iniisip na, “Ganap na likas at may katwiran na manampalataya ako sa Diyos at mangaral ng ebanghelyo. Paanong wala kang pagkilatis sa mga walang batayang sabi-sabi at maladiyablong salita ng malaking pulang dragon? At gusto mong sumulat ako ng panunumpa na hindi na ako mananampalataya sa Diyos? Iyan ay ubod ng sama!” Pero naisip ko, “Napakalalim ng pagkakalason sa asawa ko. Kung hindi ko pipirmahan ang panunumpang ito ngayon, tiyak na hihiwalayan niya ako—ano ang dapat kong gawin?” Sa sandaling ito, naisip ko ang ilang salita ng Diyos: “Dapat mong malaman na ang lahat ng iyong nakapaligid na kapaligiran ay tinutulutan at isinasaayos Ko. Dapat maging malinaw sa iyo ito at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). May awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng Diyos, at binibigyan ako ng mga ito ng pananalig. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng pakana para subukin at pilitin akong talikuran ang aking pananalig sa Diyos, pero hindi ako puwedeng makipagkompromiso kay Satanas. Nang maisip ko ito, sinabi ko sa mister ko, “Gusto kong linawin ito ngayon. Hindi naman sa gusto kitang hiwalayan; ikaw ang gustong makipaghiwalay sa akin dahil naniniwala ka sa mga walang batayang sabi-sabi at maladiyablong salita ng CCP. Kung talagang natatakot ka na idadamay kita, pumapayag akong makipagdiborsiyo. Wala akong nilabag na anumang batas sa pananampalataya ko sa Diyos, kaya hindi ko kailangang sumulat ng panunumpa para sa iyo. Determinado ako sa pananalig ko sa Diyos!” Nagngalit ang mga ngipin ng mister ko dahil sa galit at sinabi niya, “Wala ka na talagang pag-asa. Kung malaman ko na nagpapatuloy ka pa rin sa pananalig mong iyan, huwag mo akong sisihin sa pagiging walang puso.”
Isang araw noong Hunyo 2008, habang pauwi ako mula sa pangangaral ng ebanghelyo, nakita ko ang mister ko at ang tito niya na nakasakay sa motorsiklo at hinahanap ako. Pagkakita nila sa akin, agad nila akong sinundan. Nang may mabangis na ekspresyon sa mukha, sinugod ako ng mister ko at sinampal ako nang dalawang beses. Bago ako makatugon, umindayog ang kanyang kamao at marahas akong tinamaan sa mukha at ulo. Bumagsak ako sa lupa, at nakatayo lang ang tito niya, pinapanood ako habang binubugbog at minumura ako. Galit na galit ako, habang iniisip ko, “Ganap na likas at may katwiran ang pananampalataya ko sa Diyos, pero binabalewala mo ang anumang pagmamahal ng pamilya para hadlangan ang pananalig ko. Paanong masasabi na may pagkatao sa ganoong pagtrato?” Kaagad pagkatapos niyon, hinila ako ng mister ko mula sa lupa, at nagpatuloy siya sa pagsuntok at pagsipa sa akin habang pinapagalitan ako, “Nananampalataya ka pa rin ba sa Makapangyarihang Diyos?” Desperado akong tumawag sa Diyos, “O Diyos, ang mausig nang ganito ng pamilya ko, natatakot ako na hindi ko ito makakayanan dahil masyadong maliit ang tayog ko. Pakiusap, protektahan Mo po ako para makapanindigan ako.” Nanginginig ang mga labing sinabi ko sa kanya, “Nananampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos!” Nang makitang hindi ako sumusuko, nagngangalit ang ngiping minura niya ako, “Idedespatsa kita ngayon, tingnan natin kung kaya kang iligtas ng Diyos mo.” Nakahandusay ako sa lupa, pakiramdam ko ay nasasakal ako at nahihirapan akong huminga. Isang hindi maipaliwanag na pakiramdam ng kapanglawan ang bumalot sa puso ko, at patuloy na tumutulo sa mukha ko ang mga luha. Habang tinitingnan ang mabangis na ekspresyon ng msiter ko, naisip ko na kung patuloy ko pang sasabihin na nananampalataya ako sa Diyos, baka doon na ako mabugbog hanggang mamatay. Nasaktan ang damdamin ko at natakot ako. Sa pagbabalik-tanaw sa nakalipas na dalawang taon, tuwing lumalabas ako para dumalo sa mga pagtitipon at gumawa ng mga tungkulin ko, binubugbog ako ng mister ko pag-uwi ko, at napapaisip ako kung kailan matatapos ang mga araw na ito. Sa sandaling ito, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pananalig ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang miserable sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang buhay nila ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko sila ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Minulat ako ng mga salita ng Diyos. Ang takot at kaduwagan ko ay nangangahulugan na ako ay nahulog mismo sa mga pakana ni Satanas. Bagaman mukhang mabangis ang mister ko, nasa mga kamay siya ng Diyos, at kung walang pahintulot ng Diyos, wala siyang magagawa sa akin. Kung isasaalang-alang ko ang aking laman at makikipagkompromiso ako sa mister ko dahil takot akong mamatay, itinatatwa ang pangalan ng Diyos, kung gayon, mahuhulog ako sa mga pakana ni Satanas. Naisip ko si Job, na nawalan ng kanyang mga anak at yaman sa panahon ng kanyang mga pagsubok. Kinutya siya ng asawa niya, hinihimok siyang abandonahin ang Diyos; nagtiis si Job ng pagdurusa sa espiritu at laman, pero hindi niya itinatwa ang pangalan ng Diyos. Pinuri pa rin niya ito, at nanindigan siya sa kanyang patotoo para sa Diyos. Ang mabugbog ng mister ko ay pisikal na pasakit lang, na hindi maikukumpara sa paghihirap ni Job. Handa akong ipagkatiwala ang buhay at kamatayan ko sa Diyos. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, baka hindi na ako mabuhay, pero kahit sa kamatayan, hindi ako makikipagkompromiso kay Satanas, pipiliin ko pa ring sumunod sa Iyo. Hinihiling ko po sa Iyo na bigyan ako ng pananalig.” Sa sandaling iyon, dumaan ang isang babae at sinabi sa mister ko, “Itigil mo ang pambubugbog sa kanya. Baka mamatay siya kung ipagpapatuloy mo pa iyan.” Sa wakas, huminto na ang mister ko. Nagpasalamat ako sa Diyos sa puso ko. Kung hindi dahil sa proteksiyon ng Diyos, baka nabugbog na talaga niya ako hanggang sa mamatay.
Noong gabing iyon, wala pa ring balak ang mister ko na pakawalan ako, at dinala niya ako sa bahay ng nanay ko para sawayin ako. Nakita ng nanay ko na may mga pasa ang buong katawan ko at nagsimula siyang umiyak sa dalamhati, minumura ang mister ko dahil sa sobrang kawalan ng pagkatao. Pagkatapos, nagmadaling lumapit sa akin ang aking tatay, kapatid na lalaki, at hipag. Binulyawan ako ng hipag ko, “Kasalanan mo lahat kaya ka naghihirap ngayon. Matagal ko nang sinabi sa iyo na inaaresto ng CCP ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Napakaganda na nananampalataya tayo kay Jesus sa simbahan, at hindi tayo hinuhuli ng gobyerno. Hindi ba’t mas magandang mamuhay na lang sa tahimik? Tingnan mo ang sarili mo, iginigiit ang pananalig mo sa Makapangyarihang Diyos. Hindi ba’t sinusubukan mong magpakamatay sa pagkontra mong iyan sa CCP?” Sinigawan din ako ng tatay ko, “Hindi magiging malaking kawalan kung bubugbugin ka hanggang mamatay. Malaki ang pamilya natin at may magandang reputasyon, pero ngayon, dahil lang sa pananalig mo sa Makapangyarihang Diyos, pinagtatawanan ako ng mga tao. Nagdala ka ng kahihiyan sa pamilya natin. Kung pananatilihin mo ang pananalig mong ito, hindi na kita kikilalanin bilang anak.” Dumating din ang mga kamag-anak ng mister ko at binatikos ako, sinasabing, “Inaaresto ng gobyerno ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos sa buong lugar. Kung mahuhuli ka, makukulong ka. Kung hindi ka tatalikod, mawawasak ang pamilyang ito. Idadamay mo pa ang mga anak mo sa lahat ng ito dahil lang sa pananalig mo sa Diyos. Bakit mo pa kailangang pagdaanan ang lahat ng paghihirap na ito kung puwede ka namang magkaroon ng magandang buhay?” Pinagalitan nila ako na parang isa akong kriminal. Hindi maipaliwanag ang naramdaman kong lungkot sa puso ko, at galit na galit din ako. Inakala ko na mga mananampalataya ng Panginoon ang pamilya ko at na maiintindihan nila ako, pero hindi nila matukoy ang tama sa mali at naniwala sila sa mga walang batayang sabi-sabi ng mga CCP, at ganap silang walang puso alang-alang sa sarili nilang mga interes, walang pakialam kung mabubuhay o mamamatay man ako. Sinabi ko sa kanila, “Nagpasya na ako. Pinipili ko ang Makapangyarihang Diyos, at nakatitiyak ako sa aking pananalig.” Dahil tumanggi akong makipagkompromiso, hindi pa rin nila ako pinaalis hanggang sa hatinggabi na. Sobrang hina ko na hindi ko na kayang tumayo, at patuloy akong dumadausdos sa sahig mula sa upuan ko. Nakita ng nanay ko na hindi ko na talaga kaya pa at minura niya ang lahat ng taong ito bilang mga hayop. Sinabi niya, “Ang sinumang magtatangkang mangialam sa kanya muli ay kailangan munang dumaan sa akin.” Sa puntong ito, umalis na sila sa wakas. Nakita ko na ang lahat ng ito ay proteksiyon ng Diyos.
Kinabukasan, dumating ang ate ko, bayaw, kuya, at hipag. Pinilit nila akong pumirma ng isang panunumpa na naggagarantiya na hindi na ako mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Sinabi ng kuya ko, “Kung pipirmahan mo ito, dadalhin ka namin ng hipag mo sa bahay namin. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng gusto mo, at ipinapangako ko na aalagaan kita habang buhay. Pero kung hindi mo ito pipirmahan ngayon, puputulin namin ang lahat ng ugnayan.” Tumingin ako sa paligid ng sala; mahigit labindalawang tao ang naghihintay para pirmahan ko ang panunumpa. Sobra akong nalungkot. Kung pipiliin kong manampalataya sa Diyos, puputulin ng pamilya ko ang lahat ng ugnayan sa akin. Ano ang gagawin ko kapag tumanda ako? Saan ako pupunta? Kung makikipagkompromiso ako sa pamilya ko, ipagkakanulo ko ang Diyos. Lubhang nagtalo ang kalooban ko at pakiramdam ko ay masisiraan na ako ng loob. Tahimik akong nagdasal sa Diyos at inisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi nananampalataya. Gayunman, para sa Akin, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Magtiwala ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Gawin ang lahat ng makakaya mo para ilagay ang puso mo sa harap Ko, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kagalakan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Naisip ko rin ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Sinuman ang magkaila sa Akin sa harap ng mga tao, ay siyang ikakaila Ko rin sa harap ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 10:33). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na sinusubukang gamitin ni Satanas ang ugnayang pampamilya at ang kinabukasan ng aking laman para ilayo ako sa Diyos at ipagkanulo Siya. Kailangan kong makilatis ang kanilang mga pakana at hindi makipagkompromiso sa mga puwersa ni Satanas. Hindi nakakatakot ang itakwil ng mga tao, dahil kayang mabuhay ng mga tao nang wala ang iba, pero kung aabandonahin ako ng Diyos, hindi ko makakayang patuloy na mabuhay. Ang Diyos lang ang makapagliligtas sa mga tao. Natatakot sila na kung maaaresto ako, maaapektuhan ang kanilang kinabukasan at mapapahiya sila, kaya wala silang pakialam kung mabuhay o mamatay ako at gumamit sila ng parehong malumanay at malupit na taktika para pilitin akong umalis at ipagkanulo ang Diyos. Nakita ko na kontra sa Diyos ang diwa nila. Likas na hindi kami parehong uri ng mga tao. Nang maisip ko ito, Sinabi ko sa kanila, “Tay, kuya, bakit ninyo ako pinipilit na pirmahan ito? Naging tao at nagbalik na ang Panginoong Jesus na pinanabikan natin. Isinasagawa Niya ang gawain ng paghatol at pagdadalisay. Hindi lang ninyo tinatanggihang tanggapin ito, kundi kinokontra at kinokondena rin ninyo ito, at gusto ninyong itatwa at kontrahin ko ang Diyos katulad ninyo. Paanong naiiba ito sa mga Pariseo noong unang panahon? Talagang tumatanggi akong pirmahan ito. Kung pipirmahan ko ito, ipagkakanulo ko ang Diyos.” Nang marinig ng kuya ko ang sinabi kong ito, galit niya akong hinila mula sa upuan at binantaan ako, “Simula ngayon, wala na tayong ugnayan. Hindi ka na parte ng pamilya natin!” Nang marinig ko ito, hindi na ako gaanong nalulungkot, dahil nakatulong sa akin ang mga katunayang ito na makita ang kanilang tunay na kalikasan ng pagkontra sa Diyos. Nagpasya ako na kahit paano ako usigin ng mister at pamilya ko, patuloy akong susunod sa Diyos hanggang sa huli.
Pagkatapos ng tanghalian, sinabi ng kuya ko at ng hipag ko na dumadaan lang sila sa bahay ko para ihatid ako pauwi. Nang malapit na kami sa pintuan ng bahay, pinilit ako ng kuya at hipag ko na palabasin sa kotse. Nakita ko sa salamin na puno ng pasa ang mukha ko, at namumugto ang mga mata ko. Paika-ika akong naglakad sa likod nila, at patuloy akong tinutulak ng mister ko mula sa likuran, na para bang naghahatid siya ng isang kriminal, hinihimok akong magmadali. Nakita ako ng mga tindero sa magkabilang gilid ng kalye sa bayan at nagsimula silang magbulung-bulungan. Tinanong ako ng ilan, “Sino ang may gawa nito sa iyo?” Maraming sinabing mapanirang bagay tungkol sa akin ang mister ko, at binigyang-diin pa nga ng kuya ko ang pagsasabing, “Kapag nalaman kong nananampalataya ka pa rin sa Makapangyarihang Diyos, isusuplong kita sa CCP at ipapakulong para hindi kami mapahiya.” Ipinahiya rin ako ng hipig ko na nakatayo sa tabi. Noon ko lang napagtanto na planado nila ang lahat ng ito, at na ang pagpilit sa akin na lumabas ng kotse ay para palakarin ako sa kalye, upang makita ako ng lahat, para itakwil at pagsabihan ako ng lahat, pinipilit akong isuko ang pananalig ko sa Diyos. Pagkauwi ko sa bahay, sobra akong nasasaktan sa puso ko, at naramdaman ko na masyadong mahirap tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Naisip ko pa nga na makipagkompromiso sa pamilya ko. Bumagsak ako sa kama at sumigaw, nagdarasal sa Diyos, “Diyos ko, pakiramdam ko ay napakahirap tahakin ng landas na ito. Walang nakakaunawa sa akin, at pakiramdam ko ay parang hindi ko na kaya pang magtagal…” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang Ang tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon ng Diyos sa lupa sa katawang-tao ay isang napakasakit na bagay, at walang sinumang nakakaunawa sa Kanya. … Karamihan sa pagdurusang Kanyang tinitiis ay ang mamuhay sa piling ng sangkatauhan na sukdulan ang pagkatiwali, ang pagtitiis ng pangungutya, pag-insulto, panghuhusga, at pagkondena mula sa lahat ng uri ng tao gayundin ang matugis ng mga demonyo at ang pagtanggi at pagkapoot ng mundo ng relihiyon, na nakasusugat sa kaluluwa na hindi magagamot ninuman. Masakit na bagay ito. Inililigtas Niya ang tiwaling sangkatauhan nang may lubos na pagpapasensiya, minamahal Niya ang mga tao sa kabila ng Kanyang mga sugat, at napakasakit na gawain nito. Ang malupit na pagtutol ng sangkatauhan, pagkondena at paninirang-puri, mga maling paratang, pang-uusig, at ang kanilang pagtugis at pagpatay ang nagiging dahilan para gawin ng katawang-tao ng Diyos ang gawaing ito sa kabila ng malaking peligro sa Kanyang sarili. Sino ang makakaunawa sa Kanya habang dinaranas Niya ang mga pasakit na ito, at sino ang maaaring umalo sa Kanya?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Diwa ni Cristo ay Pagmamahal). Lubos akong naantig nang maisip ko ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan. Dalawang beses na naging tao ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, nagtitiis ng paghihirap at pagkapahiya na hindi matutumbasan. Ang Panginoong Jesus, upang makompleto ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, ay itinakwil, ininsulto, at siniraan ng mundo. Tiniis Niya ang mga pambubugbog at pangungutya ng mga sundalo, at nagsuot Siya ng koronang tinik, at sa huli ay ipinako sa krus, isinasakripisyo ang buhay Niya. Sa mga huling araw, muling naging tao ang Diyos para gumawa at iligtas ang mga tao sa lupain kung saan namamalagi ang malaking pulang dragon, nagdurusa sa pagtugis at pagkondena ng CCP, at pagtakwil at paninirang-puri ng komunidad ng relihiyon. Tahimik na tinitiis ng Diyos ang lahat ng paghihirap na ito para iligtas ang sangkatauhan. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Mapalad ako na makasunod sa bagong gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng tungkulin ko ay para sa pagkamit ng katotohanan at pagtamo ng pagliligtas ng Diyos; ano ngayon kung magdurusa ako ng kaunting pag-uusig para dito? Noon, madalas akong nakikipagbahaginan sa mga kapatid ko, sinasabi na anuman ang pag-uusig o kasawiang kahaharapin namin, dapat kaming sumunod sa Diyos hanggang sa huli, pero ngayong nahaharap ako sa sitwasyong ito, bakit wala akong pananalig na lampasan ito? Talaga ngang napakaliit ng tayog ko. Tahimik akong nagpasya sa harap ng Diyos, isinusumpa na kahit anong uri ng pag-uusig, paninirang-puri, o pangungutya ang kakaharapin ko sa hinaharap, maninindigan ako sa aking patotoo para sa Diyos, na hindi ako magpapapigil kaninuman, at na susunod ako sa Diyos magpakailanman.
Bago ko pa namalayan, dumating na ang Setyembre 2008. Nakita ng mister ko na nananampalataya pa rin ako sa Diyos at nangangaral ng ebanghelyo, at dahil pupunta siya sa Guangzhou para maghatid ng ilang kalakal, sapilitan niya akong isinama sa trak at kinuha ang lahat ng pera ko. Balisang-balisa ako, at mabilis kong itinago ang isang aklat ng mga salita ng Diyos, mahigpit itong niyakap habang hindi siya nakatingin. Pagkatapos, ikinulong niya ako sa isang hotel at pinabantayan ako sa landlady. Limang araw akong nakakulong, at talagang nasaktan at nahirapan ako, iniisip ko, “Ang makulong dito, hindi makita ang mga kapatid ko o magawa ang tungkulin ko, parang isang taon ang bawat araw.” Naisip ko kung paanong patindi nang patindi ang pag-uusig ng mister ko sa paglipas ng mga taon, at napaisip ako kung kailan matatapos ang mga araw na ito. Kapag iniisip ko pa lang ang lahat ng pasakit at paghihirap na kailangan kong harapin sa hinaharap, lalo akong nalulungkot, at naiisip ko na mas mabuti pang mamatay na lang. Habang iniisip ito, sinamantala ko ang pagtulog ng mister ko para tahimik na lumabas ng hotel habang mahigpit na yakap sa dibdib ko ang aklat ng mga salita ng Diyos, at naglakad patungo sa isang malapit na pavilion, naghahandang tumalon sa ilog para magpakamatay. Pero hindi ko kayang iwan ang Diyos. Pinagnilayan ko kung paanong sa wakas ay nasalubong ko ang pagbabalik ng Panginoon pagkatapos ng mahigit sampung taon ng pananampalataya sa Kanya—talaga bang iiwan ko na ang Diyos nang ganito? Pero tunay na hindi ko kayang lampasan ang realidad ng sitwasyon ko. Umiiyak ako habang nagdarasal ng pamamaalam sa Diyos, “Diyos ko, talagang nanghihina ako ngayon, ayaw ko nang magdusa sa pasakit na ito. Bago ko lisanin ang mundong ito, gusto kong basahin ang isang sipi ng mga salita Mo, nang sa gayon ay makaramdam ako ng kapayapaan pagkatapos kong mamatay.” Pagkatapos magdasal, binuksan ko ang aklat ng mga salita ng Diyos sa ilalim ng malamlam na ilaw, at binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at mapanglaw ang kinabukasan nila. Nagdurusa ang ilang tao hanggang sa isang partikular na antas, gusto pa ngang mamatay. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kakayahan! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin; bukod dito, hindi ka magkakaroon ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakataas ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang nasa iyo na hindi kayang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa habag ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Napakaganda ng siping ito! Para akong kinakausap ng Diyos nang harap-harapan, at parang may mainit na dumaloy sa puso ko, umaagos ang mga luha sa mukha ko na parang mga perlas mula sa isang nasirang kuwintas. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin na maunawaan ang Kanyang layunin sa tamang oras, at kasabay nito, pinagsisihan ko ang kagustuhang tumalon sa ilog para magpakamatay dahil hindi ko nakayanan ang pag-uusig ng mister ko. Masyado akong mahina at walang paninindigan. Isinaayos ng Diyos ang gayong sitwasyon para gawing perpekto ang pananalig ko, binibigyang-daan na manindigan ako sa aking patotoo sa gitna ng kasawian at pagdurusa, ipinapahiya si Satanas. Kung mamamatay ako, hindi ba’t magiging katatawanan lang ako ni Satanas? Habang iniisip ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Ano man ang paghihirap o pagsubok na kakaharapin ko sa hinaharap, aasa ako sa Iyo para magpatuloy. Ibinigay Mo sa akin ang hiningang ito, para mamuhay ako nang maayos at magpatotoo para sa Iyo, hindi na Kita palulungkutin o bibiguin.” Nang may pagkaunawa sa layunin ng Diyos, bumalik ako sa hotel. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na magbukas ng daan para sa akin. Kinabukasan ng tanghali, bumalik ang mister ko sa hotel at sinabihan akong magmadali at mag-impake ng mga gamit para makauwi. Pagkarinig ko sa sinabi ng mister ko, labis akong nasabik, at nakita ko na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay.
Noong Oktubre 2011, apurahang nangailangan ang iglesia ng mga manggagawa ng ebanghelyo, at gustong isaayos ng mga lider na ipangaral ko ang ebanghelyo sa ibang rehiyon. Handa akong gawin ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos. Gayumpaman, naisip ko na kapag umalis ako ng bahay, hindi ko na mabibigyan ng kompleto at masayang pamilya ang mga anak ko, kaya tumanggi ako sa kadahilanang walang mag-aalaga sa mga anak ko. Isang araw, binabasa namin ng anak kong babae ang mga salita ng Diyos sa silid, at nang makita ito ng mister ko, inagaw niya sa mga kamay ko ang aklat ng mga salita ng Diyos, at marahas na sinabi sa akin, “Mula nang magsimula kang manampalataya sa Makapangyarihang Diyos, alam kong tapos na ang buhay may-asawa natin! Gusto mong manampalataya sa Diyos at maligtas? Mangarap ka! Kahit mamatay ako, isasama kita. Inihinto ko na ang lahat ng negosyo ko sa transportasyon dahil sa iyo, at sa pagkakataong ito, mananatili ako sa bahay at babantayan kita. Tingnan natin kung sa tingin mo ay makakatakas ka pa. Ngayon tatanungin kita muli, gusto mo pa bang manampalataya sa Diyos?” Sumagot ako, “Hindi mababawi ng sinuman ang karapatan kong manampalataya sa Diyos. Mananampalataya ako sa Diyos magpakailanman.” Matapos itong marinig, hinampas ng mister ko ang aking mukha gamit ang aklat, at basta niya itong itnapon sa labas ng bintana. Nang makita kong itinapon ng mister ko ang aklat ng mga salita ng Diyos, parang pinupunit ang puso ko, at gusto kong magmadaling lumabas para kunin ang libro. Tapos, lumapit siya at tinadyakan niya ako para bumagsak ako sa sahig, napakalakas nito na hindi ko man lang magawang bumangon. Lumapit ang anak kong babae at kinuwestiyon siya, “Tay, anong batas ba ang nilabag ni Nanay sa pananampalataya niya sa Diyos para patuloy mo siyang usigin nang ganito?” Nagalit nang husto ang mister ko, hinila niya sa buhok ang anak kong babae at paulit-ulit itong sinasampal sa mukha. Nagkapasa ang mukha ng anak ko at namamaga dahil sa pagkakabugbog. Nakahandusay sa sahig, galit kong pinagsabihan ang mister ko, “Hayop ka, diyablo ka!” Nang makitang pati sarili niyang anak ay hindi pinatawad ng mister ko, mas lalo ko pa siyang kinamuhian. Nag-alala ako na maaaring masira anumang oras ang aklat ng mga salita ng Diyos, at kaya, patuloy kong tinatawag ang Diyos sa puso ko. Sa mga sandaling iyon, biglang pumasok ang mister ko sa banyo. Agad kong sinabi sa anak ko na bumaba siya para hanapin ang aklat, at ipadala ito sa bahay ng isang siter para mapangalagaan.
Nagbalik-tanaw ako sa lahat ng taong nananampalataya ako sa Diyos. Hinadlangan ako ng mister ko sa lahat ng posibleng paraan, at sa pambubugbog at pagpapahiya niya, talagang nasasaktan at napipigilan ako. Gusto ko talagang umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko, pero pagdating ng oras para umalis, hindi ko matiis na humiwalay sa mga anak ko, at palagi akong nakakaramdam ng pagkakautang sa kanila. Noong mga gabing iyon, sobra akong nabagabag na hindi ako makatulog, kaya nagdasal ako sa Diyos. Kalaunan, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Ang mga mapanirang impluwensya ng libu-libong taon na ‘matayog na diwa ng nasyonalismo’ ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang kagustuhang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga huwaran, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang huwarang mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, sa pagtapos ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit hindi ko kailanman matalikuran ang aking pamilya ay dahil naiimpluwensiyahan ako ng mga maling kaisipang ikinintal ni Satanas, sinasabi sa akin na kailangan kong maging isang “mabuting asawa at mapagmahal na ina,” at magkaroon ng “masayang pamilya,” at iba pa. Hinangad ko na maging mabuting asawa at mapagmahal na ina, at kapag dumating ang oras para gawin ko ang tungkulin ko sa labas ng tahanan, palagi akong nag-aatubili, dahil natatakot ako na kung aalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko, hindi ko mabibigyan ang mga anak ko ng isang kompleto at masayang pamilya. Naunawaan ko sa wakas na ginagamit ni Satanas ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito para igapos at pigilan ang mga tao, na nagiging dahilan para lumayo sila sa Diyos at ipagkanulo Siya, nangangahulugan na sa huli ay nawawalan sila ng pagkakataon na maligtas dahil nagmamalasakit sila sa laman. Habang iniisip ko ito, patuloy kong pinagninilayan ang sarili ko, “Bilang isang nilikha, ang responsabilidad ko lang ba ay alagaang mabuti ang mga anak ko? Bigay ng Diyos ang buhay ko, kaya dapat akong mamuhay para hangarin ang katotohanan at tuparin ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos.” Kung tatanggi akong gawin ang tungkulin ko para mapanatili ang isang masayang pamilya, lubha kong ipagkakanulo ang Diyos! Kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at gawin ang tungkulin ko. Sasang-ayunan ito ng Diyos. Tapos, naisip ko kung paanong palaging naniniwala ang mister ko sa mga walang batayang sabi-sabi na ipinapakalat ng CCP. Paulit-ulit niya akong binugbog at ininsulto para pigilan akong manampalataya sa Diyos, tumatanggi pa ngang palabasin ako. Sa unang ilang taon ng aming pag-aasawa, tinrato ako nang maayos ng mister ko dahil may impluwensiya ang pamilya ng nanay ko, at kaya kong magnegosyo, kumita ng pera, mag-anak para sa kanya, at mangasiwa sa lahat ng usaping pambahay. Pero nang pinili kong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko, natakot ang mister ko na maaresto ako at na madawit siya nito at maapektuhan ang kinabukasan ng mga anak namin, kaya nagsimula siyang usigin at hadlagan ako, itinuturing akong parang kaaway. Paanong masasabi na mayroon siyang anumang bahid ng pagmamahal bilang mister? Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na walang tunay na pagmamahal sa pagitan ng mga tao, at ang pagmamahalan ng mag-asawa ay nakabatay rin sa pansariling interes. Sa pamamagitan ng pag-uusig sa akin ng mister ko, nakita ko sa wakas ang malademonyon niyang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nalinawan ang puso ko, at nagkaroon ako ng determinasyong umalis ng tahanan para gawin ang tungkulin ko.
Kalaunan, naghain ng diborsiyo ang mister ko at sa prosesong iyon, walang anumang maiiwan sa akin. Galit na galit ako, iniisip na, “Mapupunta sa kanya ang lahat ng ari-arian, at hindi ako magkakaroon ng ugnayan sa mga anak namin. Pagtanda ko, ni wala na akong matitirhan. Pero kung hindi ko pipirmahan ang mga papeles ng diborsiyo, patuloy niya akong uusigin at kokontrolin dahil lang sa pananampalataya ko sa Diyos.” Naipit ako sa masuliraning kalagayang ito, hindi alam kung ano gagawing pasya. Kalaunan, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pamilya, katiwasayan, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang di-mahalaga at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nagkaroon ng halaga at kabuluhan ang pagtitiis sa pag-uusig at pagpapahirap na ito dahil sa pananampalataya sa Diyos. Palagi akong nag-aalala na kung hihiwalayan ko ang mister ko, mawawalan ng proteksiyon ang buhay ko, at kaya, nag-aatubili ako. Ngayon, alam ko na, na gaano man kaganda ang mga kaginhawaan sa laman, walang kabuluhan ang mga ito. Tanging ang Diyos ang aking suporta, at sapat na ang pag-aaruga at proteksiyon ng Diyos. Tungkol sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap, hindi ko kailangang mag-alala o mabalisa, at habang nabubuhay ako, dapat kong hangarin ang katotohanan nang maayos at tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Ito ang magiging pinakamakabuluhan at may halagang paraan ng pamumuhay. Naisip ko si Pedro. Inusig at hinadlangan siya ng mga magulang niya dahil sa pananampalataya niya sa Diyos, kaya nilisan niya ang kanyang tahanan at naglakbay siya sa iba’t ibang lugar para mangaral. Nang marinig niya ang tawag ng Panginoon, iniwan niya ang lahat para sumunod sa Diyos nang walang pag-aalinlangan, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Nang maisip ko ito, napuno ng pakiramdam ng pagpapalaya ang puso ko, at napagpasyahan kong lisanin ang bahay para gawin ang tungkulin ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nabawasan din ang mga pag-aalala ko tungkol sa anak kong babae. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang iyong maaaring pinagmulan, at anumang paglalakbay ang maaaring nasa iyong harapan, walang makakatakas sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang makakakontrol sa sarili nilang kapalaran, dahil Siya lamang na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang may kakayahan sa gayong gawain. Mula nang umiral ang tao sa simula, palagi nang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa ganitong paraan, pinamamahalaan ang sansinukob, at pinangangasiwaan ang mga batas ng pagbabago para sa lahat ng bagay at ang takbo ng kanilang paggalaw. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na namumuhay siya sa ilalim ng pamamatnugot ng kamay ng Diyos. Ang puso at espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito humahawak ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kung ano ang kakaharapin ng anak ko sa hinaharap at kung anong pagdurusa ang titiisin niya ay lahat pauna nang itinakda ng Diyos, na ang direksiyon niya sa hinaharap ay matagal nang paunang itinakda ng Diyos, at na ang magagawa ko lang ay ang ipagkatiwala ang lahat sa Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ang mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwirang dapat kong taglayin. Sa ganitong kaisipan, nilisan ko ang tahanan namin at nakipaghiwalay ako sa mister ko. Makalipas ang tatlong taon, nakatanggap ako ng liham mula sa anak ko, na nagsasabing umalis na siya ng bahay para gawin ang tungkulin niya sa ilalim ng patnubay ng Diyos. Sa sandaling natanggap ko ang liham, lubos akong naantig, at napagtanto ko na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa harap ng napakadakilang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso.
Bagaman nagdusa ako ng ilang paghihirap sa dinaanang proseso, may halaga at makabuluhan ang pagdurusang ito. Sa pamamagitan ng pag-uusig ng aking mister at pamilya, nagkamit ako ng pagkilatis sa kanilang buktot na diwang kumokontra sa Diyos, at napagtanto ko na ang Diyos ang lihim na nagmamalasakit at nagpoprotekta sa akin sa bawat gitna ng sunod-sunod na suliranin, at Siya ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas na kinailangan ko para makalaya mula sa mga gapos ng aking pamilya at magawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha, Ang Diyos ang umakay sa akin papunta sa tamang landas sa buhay, at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso.