29. Paano Ako Nagpasya sa Gitna ng Panganib at Kasawian
Noong huling bahagi ng Abril 2023, sumailalim sa mga malawakang pag-aresto ang ilang iglesia sa Dongcheng, at nabalitaan ko na maraming lider, manggagawa, at kapatid ang inaresto. Noong panahong iyon, nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider, hinihiling sa akin na pangasiwaan ang kinalabasang gawain. Pagkasaba sa liham, pareho akong natuwa at kinabahan. Natuwa ako dahil pagtataas ng Diyos ang tungkuling ito. Bagaman maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko, at kamakailan lang ay natanggal ako dahil sa paggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, nang may iniwang mga pagsalangsang. Pero hindi ako tinatrato ng Diyos ayon sa aking mga pagsalangsang, at binibigyan Niya ako ng pagkakataon na gawin ang gayong napakahalagang tungkulin. Lubos akong nagpapasalamat at handang makipagtulungan. Pero nang maisip ko ang tungkol sa maraming kapatid na naaresto mula sa mga iglesiang ito, hindi ko napigilang pagpawisan ng lamig. Sa nakalipas na ilang taon, inaresto ng mga pulis ng CCP ang mga kapatid sa buong Dongcheng sa maraming pagkakataon, mayroong malilinaw na camera sa buong lungsod, at pakiramdam ko, ang pangangasiwa sa kinalabasang gawain ngayon ay parang pagsugod sa tiyak na kapahamakan. Bukod pa roon, sa pangangasiwa sa gawain ng kinalabasan, kailangang ilipat pareho ang mga handog at aklat ng mga salita ng Diyos, at wala akong ideya kung paano ako pahihirapan ng mga pulis kung maaaresto ako! Binugbog ang isang brother hanggang mamatay dahil lang sa paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, at nag-alala ako na kung maaaresto ako, walang makapagsasabi kung mabubuhay o mamamatay ako. Napaisip ako, “Kung mamamatay ako, posible pa ba akong maligtas?” Pero naisip ko na ang pag-iwas sa tungkulin ko ay hindi aayon sa layunin ng Diyos, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos! Ang magkaroon ng kakayahang gawin ang gayong mahalagang tungkulin ay pagtataas Mo, pero natatakot at nangangamba ako na maaresto, pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig.” Pagkatapos magdasal, medyo mas kumalma ang puso ko. Naisip ko ang maraming kapatid na naaresto at ang kinalabasang gawain na kailangang apurahang asikasuhin. Medyo pamilyar ako sa sitwasyon sa iglesia, at hindi ako puwedeng maging makasarili at kasuklam-suklam at isipin lang ang sarili kong seguridad. Kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko, magdasal sa Diyos, umasa sa Kanya para pangasiwaan nang maayos ang kinalabasang gawain na ito.
Kinabukasan ng gabi, nakipagkita ako sa isang sister na nagsabing mahigit sandaang kapatid ang naaresto sa Dongcheng sa nasabing malawakang pag-aresto na ito, at na kinailangang mailipat ang mga aklat mula sa mahigit sampung tahanan. Naisip ko, “Napakaraming kapatid ang naaresto, imposibleng matapos kaagad ang pag-aasikaso sa gawain ng kinalabasan. Kailangan ko pang maghanap ng mga kapatid na makakatulong, pero hindi ko alam kung sino ang naaresto at kung sino ang minamanmanan, at habang lantad kami sa labas, nagtatago lang sa sulok ang mga pulis. May mga kamera sa lahat ng dako sa lungsod, at kung mananatili pa kami rito nang napakatagal, tiyak na maaaresto rin kami!” Noong gabing iyon, nakahiga ako sa kama pero hindi talaga ako makatulog. Ang daming tumatakbo sa isip ko, sinusubukan kong alamin kung sino-sino sa mga kapatid ang puwede kong lapitan para makatulong, at gusto ko lang tapusin nang mabilis ang pag-aasikaso sa gawain ng kinalabasan at umalis na. Dahil maraming kapatid ang nanganganib, marami kaming kinaharap na suliranin sa paghahanap ng mga bahay na maiimbakan ng mga aklat, at napakabagal ng pag-usad ng gawain. Talagang napipigilan ako, pakiramdam ko, kung magpapatuloy ito, siguradong maaaresto ako sa malao’t madali. Hindi pa kasama riyan ang pisikal na pagdurusa—kung hindi ko matiis ang pagpapahirap at humantong ako sa pagiging Hudas, mawawala ang magandang kalalabasan at hantungan ko. Sa pag-iisip ng lahat ng ito, talagang nanghina ako at naisip kong napakahirap ng tungkuling ito. Kaya, kinausap ko ang Diyos tungkol sa kalagayan ko at hiniling sa Kanya na gabayan akong magpasakop. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung wala kang tunay na pananampalataya, hindi mo matatagalan ang pagsubok ng panahon o ang pagsubok ng kapaligiran. Kung hindi mo matatagalan ang pagsubok na ibinibigay ng Diyos sa iyo, hindi mangungusap ang Diyos sa iyo o magpapakita sa iyo. Nais makita ng Diyos kung naniniwala ka sa Kanyang pag-iral, kung kinikilala mo ang pag-iral Niya, at kung mayroon kang tunay na pananampalataya sa puso mo. Ganito sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Nasa kamay ba ng Diyos ang mga taong nabubuhay sa pagitan ng langit at lupa? Silang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Ganito talaga iyon. Hindi mahalaga kung ikaw ay nasa kaparangan o nasa buwan, ikaw ay nasa mga kamay ng Diyos. Ganyan iyan. Kung hindi nagpakita ang Diyos sa iyo, paano mo makikita ang pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Paano mo magagawang pahintulutan ang katotohanan na ‘ang Diyos ay umiiral at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay’ na mag-ugat sa puso mo at hindi na maglaho pa? Paano mo magagawang ang pahayag na ito ay maging buhay mo, ang puwersang nag-uudyok sa buhay mo, at ang tiwala at lakas na nagpapahintulot sa iyong magpatuloy na mabuhay? (Manalangin.) Iyan ay praktikal. Iyan ang landas ng pagsasagawa. Kapag lugmok na lugmok ka sa iyong pinakamahirap na panahon, kapag hindi mo masyadong nararamdaman ang Diyos, kapag nakararamdam ka ng labis na sakit at pag-iisa, kapag pakiramdam mo ay tila ba malayo ka sa Diyos, ano ang isang bagay na talagang dapat mong gawin nang higit sa lahat? Tumawag ka sa Diyos. Ang pagtawag sa Diyos ay nagbibigay sa iyo ng lakas. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng pag-iral Niya. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag tumatawag ka sa Diyos, nananalangin sa Diyos, at ipinauubaya mo ang iyong buhay sa mga kamay ng Diyos, mararamdaman mo na nasa tabi mo ang Diyos at na hindi ka Niya inabandona. Kapag nararamdaman mong hindi ka Niya inabandona, kapag tunay mong nararamdaman na Siya ay nasa tabi mo, lalago ba ang iyong tiwala? Kung ikaw ay may tunay na pagtitiwala, hihina ba ito at maglalaho sa paglipas ng panahon? Talagang hindi. Nalutas na ba ngayon ang problema ng pagtitiwala? Maaari bang magkaroon ang mga tao ng tunay na pagtitiwala sa pamamagitan lamang ng pagdadala ng Bibliya at istriktong pagsasaulo ng mga talata nang literal? Dapat ka pa ring manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos upang malutas ang problemang ito. Paano nalampasan ni Moises ang apatnapung taon na iyon sa kaparangan? Nang panahong iyon, walang Bibliya, at kakaunting tao lang ang nasa paligid niya. Mayroon lamang siyang tupa na kasama niya. Si Moises ay tiyak na ginabayan ng Diyos. Bagamat hindi itinala sa Bibliya kung paano siya ginabayan ng Diyos, kung ang Diyos ba ay nagpakita sa kanya, kung ang Diyos ba ay nangusap sa kanya, o kung pinahintulutan ba ng Diyos si Moises na maunawaan kung bakit pinatira Niya siya sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon, isang hindi maitatangging katotohanan na nakaligtas si Moises sa kanyang pamumuhay sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Hindi maitatanggi nang sinuman ang katotohanang ito. Yamang walang kahit isa sa paligid niya na mapagbabahaginan niya ng kung ano ang nasa puso niya, paano siya nakaligtas nang mag-isa sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon? Kung walang tunay na pananampalataya, ito ay imposible para sa sinuman. Ito ay magiging isang himala! Kahit gaano pa pag-isipang mabuti ng mga tao ang bagay na ito, nararamdaman nila na hindi ito maaaring mangyari kahit kailan. Ito ay masyadong salungat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao! Ngunit hindi ito isang alamat, hindi isang kakatwang kuwento, ito ay isang tunay, di-mapapalitan, at di-maitatangging katotohanan. Ano ang ipinakikita ng pag-iral ng katotohanang ito sa mga tao? Kung ikaw ay may tunay na pananampalataya sa Diyos, hangga’t mayroon kang natitirang hininga, hindi ka tatalikuran ng Diyos. Ito ay isang katotohanan ukol sa pag-iral ng Diyos. Kung mayroon kang ganoong totoong pagtitiwala at ganoong tunay na pagkaunawa sa Diyos, ang pagtitiwala mo kung gayon ay malaki na. Ano pa man ang kapaligiran na mapuntahan mo, at gaano man katagal ang ilagi mo sa kapaligirang ito, ang pagtitiwala mo ay hindi kukupas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao). Sinasabi ng Diyos na makakayanan ng tunay na pananalig ang mga pagsubok ng panahon at kapaligiran. Naalala ko na bago ako pumunta sa Dongcheng, sinabi kong aasa ako sa Diyos para maranasan ito, pero nang makita ko kung gaano kakila-kilabot ang sitwasyon at walang nangyayaring pag-usad sa gawain, nawalan ako ng pananalig sa Diyos, natatakot na kung mananatili ako rito nang napakatagal, maaaresto ako. Palagi kong iniisip ang sarili kong seguridad. Naisip ko si Moises na gumugol ng apatnapung taon sa ilang. Mapanglaw roon at lubhang mahirap ang mga kondisyon ng pamumuhay roon, pero nakaligtas siya dahil umasa siya sa Diyos. Sa loob ng apatnapung taong iyon, tunay na naranasan ni Moises na ang lahat ng bagay tungkol sa tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at ginawang perpekto ang kanyang pananalig at pagtitiyaga. Ngayon, ang maharap sa gayong sitwasyon ay pinahintulutan din ng Diyos, at nangyari ang sitwasyong ito para gawing perpekto ang aking pananalig, at hindi na ako puwedeng matakot at mangamba. Kailangan kong tularan si Moises at umasa sa Diyos para danasin ito, at kung mahuhuli man ako o hindi, kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, hinarap namin ang panganib sa paghahanap sa unang lider ng iglesia, si Li Zhen, para alamin pa ang tungkol sa mga bahay na pinagtataguan ng mga aklat. Matapos makipagkita kay Li Zhen, nalaman ko na pinuntahan siya ng mga pulis sa bahay niya, at na ni-reyd ang ilang bahay ng mga kapatid sa malapit, at pumunta rin ang mga pulis sa isa pang bahay na pinagtataguan ng mga aklat, pero salamat sa proteksiyon ng Diyos, hindi nakumpiska ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Gayumpaman, pagkaalis ng mga pulis, sinabi ng mister ng sister na tagapag-alaga, na isang walang pananampalataya, na ilipat kaagad ng sister ang mga aklat, at inusig ang sister ng kanyang mister, sinabi na kung makakakita siyang muli ng sinuman na nananampalataya sa Diyos na pupunta sa bahay nila, tatawag siya ng mga pulis. Naisip ko kailangan mailipat agad ang mga aklat na nakaimbak sa bahay ng sister, pero naisip ko, “Pinuntahan na ng mga pulis ang bahay na ito, at sinabi ng walang pananampalatayang mister ng sister na tatawag ito ng mga pulis. Kung pupunta ako roon, hindi ba’t susugod lang ako sa tiyak na kapahamakan? Kung talagang mahuhuli ako, hindi ba’t bubugbugin ako ng mga pulis hanggang sa mamatay? Kahit pa hindi ako bubugbugin hanggang sa mamatay, makakatanggap pa rin ako ng mabigat na sentensiya. Pero dapat mailipat kaagad ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, kung ang takot ko sa kamatayan ay hahantong sa pagkumpiska ng malaking pulang dragon sa mga aklat ng mga salita ng Diyos, makakagawa ako ng pagsalangsang.” Tahimik akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang magbayad ng anumang halaga. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daang ito? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking kabutihang-loob, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Kasama ang Diyos bilang aking suporta, ano ang dapat kong katakutan? Ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos, at nasa Diyos iyon kung mahuhuli man ako. Ang kailangan kong gawin ay isapuso ang mga kilos ko at gawin ang kinakailangang gawin. Ipagkakatiwala ko na ang iba sa Diyos. Pagkatapos, pinag-usapan namin ang paglipat sa mga aklat kapag wala sa bahay ang mister ng sister. Nong araw na iyon, nang lumabas ang mister ng sister, nagmadali kaming pumunta sa bahay na pinagtataguan ng mga aklat, pero laking gulat namin na bago pa man namin makausap ang sister, bumalik na ang mister niya. Talagang kinabahan ako, at tahimik akong nagdasal sa Diyos para gabayan kami. Nagkusa akong bumati sa mister ng sister, at sa gulat ko, bukod sa hindi niya kami isinumbong, tinulungan din niya kaming ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, ligtas na nailipat ang mga aklat mula sa unang bahay na pinagtataguan. Dahil sa karanasang ito, naramdaman ko ang patnubay ng Diyos at lumago nang kaunti ang pananalig ko sa Diyos.
Sumunod, pumunta ako sa pangalawang bahay na pinagtataguan ng mga aklat para mangalap ng impormasyon tungkol sa sitwasyon. Ni-reyd din ng mga pulis ang lugar na ito, pero sa kabutihang palad, wala silang nakitang alinman sa mga aklat ng mga salita ng Diyos. Nag-alala kami na babalik ang mga pulis para muling maghalughog, kaya gusto naming ilipat ang mga aklat sa lalong madaling panahon. Gayumpaman, mayroong ilang kamera sa paligid ng lugar na ito, at nasa tapat mismo ng pintuan ng sister ang isa sa mga camera. Bukod pa roon, nasa dulo ng isang eskinita ang bahay ng sister, at saang eskinita ka man dumaan, malinaw pa ring makikita ng mga kamera ang buong paligid. Talagang kinabahan ako, iniisip na, “May mga kamera sa kahit saan, wala na kaming madadaanan kung papasok kami sa eskinitang patungo sa bahay ng sister. Kung may papasok na tao, magiging mahirap nang tumakas, kaya, kung inililipat ang mga aklat, hindi ba’t mas lalong magiging mahirap na makalabas? Kung matutuklasan kami ng malaking pulang dragon, wala na kaming kawala!” Noong sandaling iyon, nakaramdam ako ng pagsisisi, iniisip ko, “Bakit ba ako pumunta para tingnan ang lugar na ito? Ngayon, parang ako na lang yata ang bahala sa paglipat ng mga aklat.” Nag-alala at natakot ako, at wala akong lakas ng loob na tingnan pa ang paligid. Hindi na ako nangahas na magtagal pa at nagmadali akong umalis doon. Pag-uwi ko, matapat kong sinabi sa lider ang nakita ko, ipinapaabot sa kanya na sa kasalukuyang sitwasyon, imposibleng mailipat ang mga aklat. Pero nagulat ako na galing na ang lider sa bahay na iyon na pinagtataguan ng mga aklat, at sinabi niya, “Hindi sarado ang eskinita sa tabi ng bahay ng sister. May maliit na daan sa gilid na puwede mong pasukan na hindi nakikita ng mga kamera.” Nang marinig ko ito, medyo nahiya ako. Hindi naman pala sarado ang daan doon sa bahay ng sister. Naisip ko, “Personal ko namang tiningnan ang lugar, bakit hindi ko napansin na may makitid na daan palabas ng eskinita?” Sa pagbabalik-tanaw, napagtanto ko na natakot ako sa mga kamera, at dahil natakot at kinabahan ako, hindi ako naglakas-loob na pumasok sa eskinita para lubusang tingnan ang lugar. Napagtanto ko na sa gayong kalagayan, imposibleng magagawa ko nang maayos ang gawaing ito, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nang makita ko ang mga kamera sa paligid, natakot at kinabahan ako, palaging nangangamba na maaaresto at magdurusa ako. O Diyos, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako para makilala ko ang aking sarili at matuto ako ng aral.”
Pagkatapos niyon, naghanap ako ng mga salita ng Diyos para lutasin ang aking mga isyu. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, ‘Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?’ Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? Ang ilang anticristo ay takot na takot sa kamatayan at umiiral sa buhay nang walang dangal…. Hindi sila naniniwala na kayang protektahan ng Diyos ang seguridad ng mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang pag-aalay ng sarili sa paggugol para sa Diyos ay isang paglalaan ng sarili sa katotohanan, at na isa itong bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Wala silang takot sa Diyos sa kanilang puso; kay Satanas lang sila natatakot at sa mga buktot na partidong pampulitika. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lalong hindi sila naniniwala na sasang-ayunan ng Diyos ang isang taong gumugugol ng lahat para sa Kanya, at alang-alang sa pagsunod sa Kanyang daan, at pagkumpleto sa Kanyang atas. Hindi nila nakikita ang alinman dito. Ano ang pinaniniwalaan nila? Naniniwala sila na kung mahuhulog sila sa mga kamay ng malaking pulang dragon, mapapahamak ang sarili nila, maaaring masentensiyahan sila o manganib na mawalan ng buhay. Sa puso nila, isinasaalang-alang lang nila ang kanilang sariling seguridad at hindi ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga ito? (Oo, ganoon sila.) Ano ang sinasabi ng Bibliya? ‘Ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon’ (Mateo 10:39). Naniniwala ba sila sa mga salitang ito? (Hindi, hindi sila naniniwala.) Kung hihilingin sa kanila na sumuong sila sa panganib habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, gugustuhin nilang magtago at hindi magpakita kahit kanino—gugustuhin nilang maging hindi-nakikita. Ganito kalaki ang kanilang takot. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang sandigan ng tao, na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na kung talagang may mangyayaring hindi maganda o mahuhuli sila, ito ay pinahihintulutan ng Diyos, at na dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop ang mga tao. Ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng ganitong puso, ganitong pang-unawa, o kahandaan. Tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya? (Oo.) Ganoon iyon. Ang mga ganitong tao ay sobrang mahina ang loob, labis na natatakot, at takot sa pisikal na paghihirap at takot na may masamang mangyari sa kanila. Natatakot sila na parang mga matatakuting ibon at hindi na nila magampanan ang kanilang gawain” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ang mga anticristo ay makasarili at kasuklam-suklam, at walang katapatan sa Diyos, na hindi sila naniniwala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay, at na kapag nahaharap sa panganib, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang mga interes at hindi man lang isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ganito ang kalagayan ko noon. Alam kong ni-reyd na ng mga pulis ang mga bahay kung saan nakaimbak ang mga aklat, at na kailangan kong ilipat ang mga aklat sa lalong madaling panahon, pero nang makita ko na may ilang kamera na nagmamanman sa lahat ng kilos sa bahay na ito, natakot ako na mahuli at namuhay ako sa sindak at pangamba, at ni wala akong lakas ng loob na suriin ang paligid. Pinagsisihan ko pa nga ang pagpunta roon para tingnan ang sitwasyon. Habang nahaharap sa mga katunayang ito, napagtanto ko na sariling seguridad ko lang ang inaalala ko, at hindi ko talaga iniisip kung paano ligtas na mailipat ang mga aklat, na parang ang mahalaga lang ay na hindi ako mahuli. Lubos akong naging makasarili at kasuklam-suklam, at nagbunyag ako ng anticristong disposisyon! Naisip ko kung paanong gumawa ang Diyos sa Tsina sa lahat ng taong ito. Tinutugis ng CCP si Cristo, inuusig ang mga Kristiyano, at ninanakaw ang mga handog para sa Diyos, pero ni hindi isinaalang-alang ng maraming kapatid ang sarili nilang seguridad sa gayong mga kakila-kilabot na sitwasyon. Wala silang pakialam kung mabubuhay sila o mamamatay, at nagawa nilang itaguyod ang kanilang mga tungkulin para protektahan ang gawain ng iglesia, tuparin ang mga tungkulin nila para palugurin ang Diyos, at magbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Muli kong tiningnan ang sarili ko, at nakita ko na talagang duwag ako, na parang ibon na nagulantang sa simpleng tunog ng pana, wala man lang tayog. Hiyang-hiya ako, at kinamumuhian ko ang sarili ko mula sa kaibuturan ng aking puso, at ayaw ko nang mamuhay sa gayong makasarili at kasuklam-suklam na paraan. Handa akong ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon.
Kinabukasan, nagpunta kami para pag-usapan kung paano ilipat ang mga aklat kasama ang kapatid na tagapag-alaga, pero nagulat kami nang handang tumulong ang anak ng sister kahit hindi ito isang mananampalataya, at siya pa mismo ang nagbaba ng mga aklat mula sa itaas ng bahay at isinakay niya ang mga ito sa kanyang kotse para maihatid. Sa ganitong paraan, ligtas na nailipat ang mga aklat mula sa bahay na iyon. Lubos kong naranasan na ang Diyos Mismo ay nangangalaga sa Kanyang gawain, at naramdaman ko na isinaayos ng Diyos ang ganitong uri ng sitwasyon para linisin at baguhin ang aking tiwaling disposisyon, binibigyang-daan na aktuwal kong maranasan ang gawain ng Diyos at maunawaan ang Kanyang mga gawa. Pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!
Sunod, nagnilay ako, “Palagi akong nag-aalala na baka mahuli at mabugbog ako hanggang mamatay, paano ba dapat lutasin ang isyung ito?” Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Ang mga disipulo ng Panginoong Jesus ay inusig ng pamahalaang Romano at ng komunidad ng relihiyon habang ipinapakalat ang ebanghelyo, pero gaano man sila usigin ng mga puwersa ni Satanas, nagpatuloy sila sa pagpapakalat at pagpapatotoo sa gawain ng Diyos. Mas pinili nilang isakripisyo ang sarili nilang buhay kaysa sumuko kay Satanas. Ang ilan ay pinagbabato hanggang sa mamatay, ang iba ay kinaladkad ng mga kabayo hanggang sa mamatay, at ang iba naman ay ipinako sa krus. Nagbigay sila ng matunog na patotoo para sa Diyos sa kanilang buhay. Bagaman namatay ang katawan nila, nasa mga kamay ng Diyos ang kaluluwa nila. Habang iniisip ko ang kanilang patotoo, labis akong nahiya at naantig. Pumarito ang Diyos para gumawa sa mga huling araw at nagpahayag Siya ng maraming katotohanan, inihahayag sa atin ang lahat ng katotohanan at misteryo. Sinunod ko ang Diyos sa loob ng maraming taon, tinamasa ang pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, pero hindi ko nagawang magpatotoo para sa Diyos. Sa gitna ng galit na galit na pag-uusig ng malaking pulang dragon, nag-alala ako na mahuli at mabugbog hanggang mamatay, palagi kong kinakalkula ang sarili kong mga pisikal na interes, at wala akong anumang katapatan sa Diyos. Talagang hindi ako maihahalintulad sa mga banal noong mga nakaraang panahon at hindi ako karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos. Ang buhay at kamatayan ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at sinasang-ayunan ng Diyos ang mga nag-aalay ng kanilang buhay para tuparin ang Kanyang atas. Sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, hindi na ako napigilan ng takot na maaresto, at nakaramdam ako ng lubos na pagpapalaya. Pagkatapos nito, nakipagtulungan ako sa mga kapatid, at ligtas na nailipat ang lahat ng aklat mula sa mahigit sampung bahay na pinagtataguan ng mga ito.
Noong unang bahagi ng Nobyembre, nakatanggap ako ng liham mula sa mga lider sa aming distrito, nagsasaad na mahigit tatlumpung tao mula sa dalawang iglesia ang naaresto ng mga pulis, at tatlong lider ng iglesia ang nawawala na. Hiniling nila sa akin na pumunta at pangasiwaan ang kinalabasang gawain. Medyo tutol ako, iniisip na, “Bakit ako na naman ang pinapapunta ninyo? Wala na ba talagang ibang puwedeng pumunta?” Pero pagkatapos ay kumalma ako at pinag-isipan ko ito. Dahil napakaraming lider at manggagawa at mga kapatid ang naaresto, talaga ngang mahirap na makahanap ng mga angkop na tao, at dahil medyo pamilyar ako sa mga iglesia roon, ako ang pinakaangkop na magpunta roon. Hindi ko na puwedeng iwasan ang tungkuling ito. Pero, habang nasa proseso talaga ako ng pakikipagtulungan, nakaramdam pa rin ako ng sobrang takot, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Sinabi ng Diyos na si Satanas ay isang kasangkapan na ginagamit para magserbisyo sa gawain ng Diyos, at na gaano man kabagsik si Satanas at gaano man kabuktot ang kalikasan nito, kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ang ni isang hibla ng buhok natin. Kung pahihintulutan man ng Diyos na maaresto ako, dapat akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at tularan ang mga disipulo ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ko, pero dahil hindi ako naaresto, dapat kong pangasiwaan nang maayos ang kinalabasang gawain. Naalala ko kung paanong matagal na kaming nagtutulungan dito, at bagaman kakila-kilabot talaga ang sitwasyon, ligtas naming nailipat ang ilang aklat. Ang lahat ng ito ay paggabay sa amin ng Diyos sa bawat hakbang, at ito ang kataas-taasang kapangyarihan at proteksiyon ng Diyos. Nang maisip ko ito, naging handa akong umasa sa Diyos para danasin ang sitwasyong ito.
Kalaunan, nalaman ko na may dalawang lider na naging Hudas matapos silang maaresto, ipinagkakanulo ang lahat ng kapatid sa iglesia at ang lahat ng bahay na pinagtataguan ng mga aklat. Nakumpiska ng mga pulis ang aklat ng mga salita ng Diyos mula sa tatlong bahay na pinagtataguan, habang may isang bahay na hindi nahanapan ng anumang aklat nang dumating ang mga pulis, at inilipat ng mga kapatid ang mga aklat kinagabihan. Gayumpaman, minamatyagan na ng mga pulis ang bahay na ito mula noon. Nagbanta rin ang mga pulis na naglagay sila ng di-matatakasang patibong para sugpuin ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. May isa pang bahay na pinagtataguan kung saan hindi rin nahanap ng mga pulis ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, at kailangan ding mabilis na mailipat ang mga iyon. Sa harap ng gayong kakila-kilabot na sitwasyon, medyo natakot ako, iniisip na, “Madalas kong nakakasalamuha ang mga naaresto, at maaari akong puntiryahin ng pulis anumang oras; maaaresto ba ako ng mga pulis kapag pumunta ako para ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos?” Parang gusto ko nang umatras. Gayumpaman, alam kong mali ang kalagayan ko, kaya patuloy akong nagdarasal sa Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang buhay nila ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). “Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na magagawa mong tuparin ang katapatan mo sa Diyos sa harap Niya sa mga huling araw na ito. Kung makikita mo ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kung ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin sa Diyos sa iyong panahon sa lupa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga huling araw na ito, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilikha para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatwid ang iyong sarili sa Diyos nang maaga, para mapamatnugutan ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang kalooban Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 41). Binigyang-inspirasyon ako ng mga salita ng Diyos. Bagaman hindi ako maihahalintulad kay Pedro, kailangan kong tularan ang kanyang halimbawa at pahintulutan ang Diyos na pamatnugutan ang lahat ng bagay para sa akin ayon sa Kanyang nais. Kailangan kong itaya ang buhay ko at ilipat ang mga aklat. Pagkatapos niyon, ligtas naming nailipat ng mga kapatid ang mga aklat.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkamit ako ng tunay na pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos at sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan, at lumago rin ang pananalig ko sa Diyos. Kasabay nito, nakilala ko ang aking makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Ang mga pagkatanto at mga nakamit na ito ay mga bagay na hindi ko sana matatamo kung nasa komportableng kapaligiran ako.