30. Kung Paano Ko Hinarap ang Kanser Ko sa Buto
Isang araw noong Oktubre 2019, sumakit nang matindi ang binti ko, at kahit ang pag-inom ng mga painkiller ay hindi nakakatulong. Naisip ko ang isang sister na nagkaroon din ng pananakit ng binti at pagkatapos ng gamutan sa ospital ay maayos na siya. Naisip ko, “Malamang naman ay hindi ito malubha. Tutal, maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos, at gumagawa ako ng mga tungkulin ko sa iglesia. Noon, isinuko ko ang matatag na trabaho at ang asawa ko. Dumanas din ako ng pag-uusig mula sa malaking pulang dragon at pangugutya at paninirang puri mula sa mundo. Pero palagi akong nagpupursige sa pananalig at mga tungkulin ko. Nakapagbayad ako ng napakalaking halaga, kaya kahit na talagang may sakit ako, sumasampalataya akong poprotektahan at pagagalingin ako ng Diyos.” Kahit na umiika-ika ako, hindi ko pa rin itinigil ang paggawa sa mga tungkulin ko.
Noong Hunyo 2020, patuloy na lumalala ang kaliwang binti ko, at hindi na ako nakakalakad nang normal. Pagkatapos pumunta sa ospital para magpatingin, tiningnan ng doktor ang X-ray ng binti ko at sinabi sa akin, “May kanser ka, at ang pananakit ng binti mo ay dulot ng isang tumor. Kailangan mong maospital, at kailangan ay hindi ka muna tumayo sa ngayon.” Nang marinig kong sabihin ng doktor na may kanser ako, naglaho ang lahat ng lakas sa katawan ko, at ayaw tumigil sa pag-agos ng mga luha sa mukha ko. Takot na takot ako, iniisip na, “Paanong kanser ito? Ngayon, nasa huling yugto na ang gawain ng Diyos. Aktibong ginagawa ng lahat ng kapatid ang mga tungkulin nila, pero ngayong may kanser ako, ibig bang sabihin niyon ay hindi ko na magagawa ang mga tungkulin ko? Hindi ba’t mangangahulugan iyong wala akong bahagi sa kaligtasan at pagpasok sa kaharian?” Naisip ko ang nanay ko na nagkaroon ng kanser sa kolon. Pinatanggal lang niya ang tumor at hindi siya sumailalim sa chemotherapy, at makalipas ang maraming taon, hindi bumalik ang kanser niya. May ilan ding kapatid sa iglesia na gumaling pagkatapos magkakanser. Pakiramdam ko, dahil gumagawa na ako ng mga tungkulin ko magmula nang matagpuan ko ang Diyos, poprotektahan Niya ako. Pagkatapos ay sumailalim ako sa sunud-sunod na pagsusuri sa ospital. Kanser sa buto ang naging diagnosis, at lumaki na nang walong sentimetro ang tumor. Sinabi ng doktor na kung hindi ito magagamot sa oras, maaaring kailanganing putulin ang kaliwang binti ko. May nakita rin silang anino sa baga ko. Hindi sila sigurado kung kumalat na roon ang mga selula ng kanser, pero kung ganoon, hindi na kakailanganin ng operasyon, dahil malamang na mabubuhay na lang ako nang tatlo pang buwan. Pagkarinig sa diagnosis na ito, hindi ko mapigilang muling mabalisa, at naisip ko, “Kung kumalat na sa mga baga ko ang mga selula ng kanser, hindi ba’t mamamatay na ako?” Noong gabing iyon, pabaling-baling ako sa kama, hindi makatulog. Naisip ko kung paanong isinuko ko ang lahat para gawin ang mga tungkulin ko. Sa mga nagdaang taon, nagsikap ako nang husto at naging abalang-abala, pero ngayon, bukod sa hindi ko natanggap ang mga pagpapala ng Diyos, nagkakanser din ako. Pakiramdam ko ay hindi ako pinrotektahan ng Diyos. Habang mas iniisip ko ito, lalong bumibigat ang puso ko. Kalaunan, hindi ko mapayapa ang puso ko para magbasa ng mga salita ng Diyos, at ginugol ko ang mga araw ko na palaging nag-aalala. Humarap ako sa Diyos at nagdasal, “O Diyos, nag-aalala akong kakalat ang mga selula ko ng kanser, at na mamamatay ako, at natatagpuan ko ang sarili kong namumuhay sa kalungkutan at pagkabalisa. Pakiusap, patnubayan Mo akong matuto ng aral sa sitwasyong ito.” Sa paghahanap ko, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang Makapangyarihang Diyos, ang Pinuno ng lahat ng bagay, ay gumagamit ng Kanyang kapangyarihan bilang hari mula sa Kanyang luklukan. Namumuno Siya sa sansinukob at sa lahat ng bagay, at ginagabayan Niya tayo sa buong daigdig. Maging malapit tayo sa Kanya sa bawat sandali, at lumapit sa Kanya nang tahimik, nang hindi pinalalampas kailanman ni isang sandali, at may mga aral tayong dapat matutuhan sa lahat ng oras. Lahat, mula sa nakapalibot na kapaligiran hanggang sa mga tao, usapin, at bagay, ay umiiral sa pahintulot ng Kanyang luklukan. Huwag hayaang magkaroon ng hinaing sa inyong puso sa anumang dahilan, kung hindi ay hindi ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang Kanyang biyaya. Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabuting kalooban ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko, at tatanglawan at bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Kumusta ang naging pananalig ni Job? Ang Makapangyarihang Diyos ay ang pinakamakapangyarihang manggagamot! Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling. Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ang Diyos ang kumokontrol sa sansinukob at sa lahat ng bagay, kaya hindi ba’t nasa mga kamay Niya ang buhay ko? Ang pagkakaroon ko ng kanser ay sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos, at may aral akong kailangang matutuhan. Naisip ko ang karanasan ng isang sister. May rectal kanser siya na nasa huling yugto, at sinabi ng lahat ng doktor na hindi na magagamot ang karamdaman niya. Pero patuloy siyang nagdasal sa Diyos, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at nakalagpas sa sitwasyong ito sa pamamagitan ng pag-asa sa pananalig. Sa huli, himalang gumaling ang karamdaman niya. Nakita ko na ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, hindi natutukoy ng mga doktor. Kahit na nagkaroon ako ng kanser na ito, kung hahayaan ako ng Diyos na mabuhay, kahit pa kumalat ang mga selula ng kanser, hindi ako mamamatay. Pero kung darating na ang oras ko, walang sinumang makakatulong sa akin. Ang mga bagay na ito ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos. Kailangan kong ipagkatiwala ang sarili ko sa Diyos, at habang hinihintay ang mga resulta ko, kailangan kong kumain at uminom nang mas marami sa mga salita ng Diyos at mas mapalapit sa Kanya. Kailangan ko talagang umasa sa Diyos at maranasan ang mga salita Niya. Tulad ni Job, kahit paano pa gumawa ang Diyos, dapat akong magpanatili ng isang may-takot-sa-Diyos na puso at magpasakop sa Kanya. Ito ang umaayon sa layunin ng Diyos. Pinayapa ng mga salita ng Diyos ang puso ko, at hindi na ako masyadong nabagabag.
Makalipas ang kalahating buwan, sinabi ng doktor na hindi kumalat ang mga selula ng kanser, at na puwedeng isagawa ang operasyon. Talagang naantig ako, at hindi ko mapigilang magpasalamat sa Diyos. Kahit na sinabi ng Diyos na talagang malaki ang tumor sa balakang ko at na napakadelikado ng operasyon, hindi na ako natatakot. Dahil sa proteksyon ng Diyos, naging isang malaking tagumpay ang operasyon. Makalipas ang sampung araw, pumunta ako sa isang ospital ng rehabilitasyon para simulan ang pagpapagaling ko. Dahil sa sakit sa buto ng balakang ko at sa pamamanhid ng binti ko, hindi ako makaupo sa wheelchair nang mahigit isang oras, at kailangan kong uminom ng maraming painkiller kada araw. Hindi rin ako makaikot sa kama, at patuloy akong nagigising sa gabi sa sakit. Naisip ko, “Kailan ba matatapos ang mga araw ng paghihirap na ito? Nagdadasal at kumakain at umiinom naman ako ng mga salita ng Diyos, kaya bakit hindi pa iniibsan ng Diyos ang pagdurusa ko? Kahit kaunting ginhawa lang ay mabuti na at hindi masyadong magiging miserable ang pakiramdam ko! Sa sakit ng mga buto ko, pakiramdam ko ay mas mabuti pang mamatay na ako. Mas gugustuhin ko nang mamatay na lang at makalaya rito.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Hindi ba’t nakikipagtalo ako sa Diyos?” Sa pagdurusa ko, lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “O Diyos, masyado akong nanghihina at nasisiraan ng loob, at hindi ko na makayanan ang sakit ng katawan ko. Pakiusap, pigilan Mo akong lalong magreklamo o magkasala gamit ang mga salita ko, at pakiusap, bigyang-daan Mo akong makapanindigan sa patotoo ko sa sitwasyong ito.” Sa sandaling iyon, naalala ko na naman ang karanasan ni Job, at nakahanap ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pagkatapos makuha ang pahintulot ng Diyos, mabilisang pumunta si Satanas kay Job at iniunat ang kamay nito upang magdala ng sakit sa balat ni Job, at lagyan ang buo niyang katawan ng mahahapding pigsa, at naramdaman ni Job ang sakit sa kanyang balat. Pinuri ni Job ang pagiging kamangha-mangha at kabanalan ng Diyos na si Jehova, na mas lalong nagpasidhi ng kapangahasan ni Satanas. Dahil nakadama ito ng kaligayahan sa pamiminsala sa tao, iniunat ni Satanas ang kamay nito at kinayas ang laman ni Job, na naging dahilan upang magnana ang kanyang mahahapding pigsa. Agad na naramdaman ni Job ang walang kapantay na sakit at paghihirap sa kanyang laman, at wala siyang magagawa kundi ang hilutin ang sarili niya mula ulo hanggang paa gamit ang kanyang mga kamay, na para bang mapapawi nito ang dagok na tinanggap ng kanyang espiritu na nanggaling sa sakit ng laman na ito. Naunawaan niya na nasa tabi niya ang Diyos na nagmamasid sa kanya, at ginawa niya ang kanyang makakaya upang magpakatatag. Minsan pa siyang lumuhod sa lupa, at nagsabi: ‘Tumitingin Ka sa loob ng puso ng tao, napagmamasdan Mo ang kanyang paghihirap. Bakit Ka nababahala sa kahinaan niya? Purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova.’ Nakita ni Satanas ang matinding sakit na nararamdaman ni Job, pero hindi nito nakitang itinakwil ni Job ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Dahil dito, buong pagmamadali itong nag-unat ng kamay upang saktan ang mga buto ni Job, desperado na baliin ang kanyang mga binti at braso. Sa isang iglap, nadama ni Job ang walang kapantay na paghihirap; na para bang pinunit ang kanyang laman mula sa kanyang mga buto, at tila unti-unting dinudurog ang kanyang mga buto. Ang matinding pagdurusang ito ang dahilan kung bakit naisip niya na mas mabuti pa ang mamatay…. Umabot na sa hangganan ang kanyang kakayahang magtiis…. Nais niyang sumigaw, nais niyang pilasin ang balat sa kanyang katawan upang bawasan ang sakit—ngunit pinigilan niya ang kanyang pagsigaw, at hindi niya pinilas ang balat sa kanyang katawan, sapagkat hindi niya nais na makita ni Satanas ang kanyang kahinaan. At muli siyang lumuhod, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya nadama ang presensya ng Diyos na si Jehova. Alam ni Job na ang Diyos na si Jehova ay madalas na nasa kanyang harapan, likuran, at magkabilang panig. Ngunit sa panahon ng kanyang paghihirap, ang Diyos ay hindi kailanman tumingin; tinakpan Niya ang Kanyang mukha at nagtago, dahil ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa tao ay hindi upang pahirapan ang tao. Noong mga panahong ito, si Job ay umiiyak, at ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang pagtiisan ang pisikal na sakit, subalit hindi niya mapigilan ang sarili niya na magpasalamat sa Diyos: ‘Ang tao ay bumabagsak sa unang dagok, siya ay mahina at walang kapangyarihan, siya ay musmos at mangmang—bakit Mo nanaisin na maging mapag-alaga at mapagmahal sa kanya? Hinampas Mo ako, ngunit nasasaktan Kang gawin ito. Anong mayroon ang tao na karapat-dapat sa Iyong pag-aalaga at pag-aalala?’ Umabot ang mga panalangin ni Job sa mga tainga ng Diyos, at ang Diyos ay tahimik, nanonood lamang nang walang imik …” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naluha ako. Nakita ko ang lahat ng paraan ng pamiminsala ni Satanas kay Job. Nagnaknak ang mga pigsa ni Job, at dahil sa pananakit ng laman at mga buto niya, pakiramdam niya ay mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay, pero pinigilan niya ang mga paghiyaw niya at lumuhod siya para magdasal sa Diyos, at tiniis niya ang matinding sakit nang hindi nagsasabi ng ni isang reklamo, at pinuri pa rin niya ang banal na pangalan ng Diyos. Sa huli, nanindigan siya sa patotoo niya, ipinapahiya si Satanas. Nang ikumpara ko ang sarili ko kay Job, talagang nahiya ako, at nakita ko kung gaano kaawa-awa ang pagiging maliit ng tayog ko. Sinabi ko sa harapan ng Diyos na magpapasakop ako sa Kanya at tatanggapin ko ang mga pagsubok Niya, pero nang magpatuloy ang sakit ng katawan ko, nagsimula akong makipagtalo sa Diyos, hinihingi sa Kanyang ibsan ang pagdurusa ng katawan ko, at ginusto ko pa ngang gamitin ang kamatayan ko para pilitin ang Diyos. Talagang wala ako sa katwiran! Gusto kong tularan ang halimbawa ni Job at manindigan sa patotoo ko tungkol sa Diyos, at anumang sakit sa mga buto ko o hirap sa katawan ko, hindi ako puwedeng magreklamo! Kahit na masyado akong nahihirapan dahil sa sakit ng katawan ko, tinutustusan naman ako ng mga salita ng Diyos, at araw-araw ay binabasa ko ang mga patotoo ng mga kapatid na batay sa karanasan, pinakikinggan ang mga sermon at pagbabahaginan tungkol sa buhay pagpasok, at hindi na masyadong naghinanakit ang puso ko.
Hindi nagtagal, isang hapon, biglang nagsimulang labasan ng maraming nana at dugo ang sugat ko, at pagkatapos kuhanan ng doktor ng X-ray, natuklasan niyang natanggal ang suportang kaha sa hita ko at kailangang muling ikabit. Pagkatapos ng operasyon, nagkaroon ako ng mataas na lagnat na ayaw humupa, at nasa bingit na ako ng kamatayan. Sinabi ng doktor na malubhang naimpeksiyon ang sugat ko, na may panganib sa buhay ko, at na kailangang tanggalin ang suportang kaha, at kakailanganin kong sumailalim sa operasyong pagtatanggal ng napinsalang tisyu nang dalawa hanggang tatlong beses kada linggo. Sa tuwing may MRI ako, kailangan kong humiga nang mga apatnapung minuto, at napakasakit ng puwetan ko, na parang tinutusok ang mga iyon ng isang matalim na bagay. Sa sandaling iyon, tuluyan na akong nanlupaypay, iniisip na, “Malubha ang karamdaman ko, hindi na para isiping gumaling at makalakad ulit, anumang sandali ay puwede akong mamatay. Pinaparusahan kaya ako ng Diyos? Hindi ba naaalala ng Diyos ang mga nagawa kong sakripisyo at kung paano ko ginugol ang sarili ko? Maaaring wala akong anumang naiambag, pero nakapagtiis ako ng paghihirap. Mas mabuti pang mamatay kaysa magpatuloy nang ganito. Pero ang paghahangad sa kamatayan ay hindi naaayon sa layunin ng Diyos. Pero hindi ko na talaga kayang tiisin ang palagiang sakit na ito. Sana ay maibsan ng Diyos nang kaunti lang ang pagdurusa ko. Bakit ba hindi ako pinapakitaan ng Diyos ng awa at pinagagaling ang karamdaman ko?” Kalaunan, napagtanto kong nakikipagtalo at lumalaban na naman ako sa Diyos, at labis akong nakonsensiya. Umiyak at nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, biglang lumala ang karamdaman ko, at ginugugol ko ang mga araw ko nang nahihirapan. Kahit na alam kong may mga katotohanan akong nararapat hanapin sa sitwasyong ito, hindi ko pa rin mapigilang makipagtalo sa Iyo. Talagang mapaghimagsik ako! O Diyos, pakiusap, bigyang-liwanag at patnubayan Mo akong malaman ang mga isyu ko.” Pakatapos magdasal, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ipinagkakaloob Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Tumagos sa puso ko ang bawat salita ng Diyos. Ang kalagayan at pag-uugali ko ay eksakto sa inilantad ng Diyos. Hindi ko tinatrato bilang Diyos ang Diyos sa pananalig ko, tinatrato ko lang ang Diyos bilang isang doktor, na puwede kong hingan ng biyaya at mga pagpapala. Ang magawang tumalikod sa lahat ng bagay para magawa ang mga tungkulin ko sa pananalig ko sa Diyos ay para lang makatanggap ng biyaya at mga pagpapala galing sa Diyos. Inakala kong basta’t masipag kong gagawin ang tungkulin ko, magdurusa, at magbabayad ng halaga, kung magkakasakit ako, poprotektahan at pagagalingin ako ng Diyos. Naniwala ako na kapag dumating ang malaking kalamidad, mabubuhay ako at maililigtas ng Diyos, at makakapasok sa kaharian Niya. Kaya, nang hadlangan ako ng pamilya ko, nang usigin ako ng malaking pulang dragon, at kahit paano pa ako nagdusa sa mga tungkulin ko, sumunod pa rin ako sa Diyos. Lalo na nang makita kong gumaling ang nanay ko sa kanser, inakala kong pagagalingin din ng Diyos ang karamdaman ko. Dahil dito ay lalo akong naging aktibo sa mga tungkulin ko. Pero nang magdusa ako sa pagpapagamot ko, nang magsimulang lumala ang kondisyon ko, at nang maharap ako sa kamatayan, nakipagtalo ako sa Diyos at nagreklamo. Iginiit ko na tingnan ng Diyos ang lahat ng taon ng sakripisyo at paggugol ko at pagalingin ako, ibsan ang pagdurusa kong ito. Ginagamit ko ang mga sakripisyo at paggugol ko para subukang makipagtransaksiyon sa Diyos, at sinusubukan kong makipagtawaran sa Diyos. Tinrato ko ang Diyos bilang isang doktor na makakapagpagaling sa akin at isang lanseta. Puno ako ng mga hingi at hiling sa Diyos. Mayroon pa ba akong konsensiya, katwiran, o ng isang may-takot-sa-Diyos na puso? Kung hindi ko hahanapin ang katotohanan para lutasin ang tiwaling disposisyon ko, siguradong kamumuhian at ititiwalag ako ng Diyos sa huli. Kailangan kong baguhin ang pag-uugali kong ito.
Kalaunan, nakabasa pa ako ng mas marami sa mga salita ng Diyos: “Ano ang problema sa mga taong palaging humihingi sa Diyos? At ano ang problema sa palagi nilang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos? Ano ang nakapaloob sa kalikasan ng tao? Natuklasan Kong, anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling katawan, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay pagbibigay-katwiran sa sarili nilang laman at pagpaplano para sa kapakanan ng sarili nilang kinabukasan. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at minimithi, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang humingi ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ‘ito ang kalikasan ng tao,’ na tama naman! Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng mga taong masyadong maraming hinihingi sa Diyos? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos. Sinasabi ng ilang tao: ‘Kung hindi namin itinuring ang Diyos bilang Diyos, bakit nananalig pa rin kami sa Kanya? Kung hindi namin Siya itinuring bilang Diyos, makasusunod pa rin ba kami sa Kanya hanggang ngayon? Matitiis ba namin ang lahat ng pagdurusang ito?’ Sa panlabas, nananalig ka sa Diyos, at nagagawa mong sumunod sa Kanya, ngunit sa iyong saloobin sa Kanya, at sa iyong mga pananaw sa maraming bagay, hindi mo talaga itinuturing ang Diyos bilang ang Lumikha. Kung itinuturing mo ang Diyos bilang Diyos, kung itinuturing mo ang Diyos bilang ang Lumikha, dapat kang tumayo sa iyong posisyon bilang isang nilalang, at magiging imposible para sa iyo na humingi ng kahit ano sa Diyos, o magkaroon ng anumang labis-labis na hangarin. Sa halip, sa iyong puso, magagawa mong tunay na magpasakop, at magagawa mong ganap na manalig sa Diyos alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, at magpasakop sa lahat ng Kanyang gawain” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Nang mabasa ko ang paglalantad ng mga salita ng Diyos, naisip ko ang sarili kong pag-uugali pagkatapos magkasakit. Ang kalagayan ko ay kaparehong-kapareho ng inilarawan ng Diyos. Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos, pero tinalikuran ko ang asawa, pamilya, at trabaho ko para gawin ang mga tungkulin ko para sa biyaya at mga gantimpala. Ang paggawa ko ng mga tungkulin, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga ay para din sa sarili kong kaligtasan at pagpasok sa kaharian ng langit. Noong magsimula ang pananakit ng binti ko, sinubukan ko ang makakaya ko para ipagpatuloy ang mga tungkulin ko sa pag-asang idudulot nito sa Diyos na protektahan at pagalingin ang karamdaman ko. Nang pahirapan ako ng hindi makayanang sakit, hiningi ko sa Diyos na bawasan ang sakit na nararamdaman ko. At nang lumala ang kondisyon ko at paulit-ulit akong naharap sa kamatayan, natagpuan ko ang sarili kong humihingi nang sunud-sunod sa Diyos, hinihingi sa Kanyang isaalang-alang ang kahinaan ko at alisin ang sakit na nararamdaman ko. Nang hindi gawin ng Diyos ang hiniling ko, nagreklamo at nakipagtalo ako sa Diyos. Natagpuan ko ang sarili ko sa isang kalagayan ng paglaban sa Diyos, hindi ninanais na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o magdasal. Ang diumano’y katapatan, mga sakripisyo, at mga paggugol ko ay para lang sa sarili ko, para tumanggap ng biyaya at mga pagpapala sa Diyos, para manatiling buhay sa malaking kalamidad at mailigtas at makapasok sa kaharian ng langit. Sinusubukan kong makipagtransaksiyon sa Diyos, at sinusubukang linlangin ang Diyos at samantalahin Siya! Naisip ko si Pablo mula sa Kapanahunan ng Biyaya. Kahit na gumawa siya ng mga sakripisyo at ginugol niya ang sarili niya para ipakalat ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa halos buong Europa, sa huli, sinabi niya, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ang mga paggugol at pagsasakripisyo ni Pablo ay para sa layuning makakuha ng mga pagpapala at ng isang korona, at hindi siya tumatayo sa lugar ng isang nilikha para gawin ang mga tungkulin niya. Sa halip, sinusubukan niyang makipagtransaksiyon sa Diyos, ganap na nilalabag ang mga hinihingi ng Diyos. Tinahak ni Pablo ang isang landas ng paglaban sa Diyos, at sa huli, pinarusahan siya ng Diyos. Hindi ba’t katulad lang ng kay Pablo ang pananaw ko sa kung ano ang dapat hangarin at ang landas na tinatahak ko sa pananampalataya sa Diyos? Matuwid at banal ang Diyos, at kahit na maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos, hindi nagbago ang layunin kong maghangad ng mga pagpapala. Wala akong sinseridad o pagmamahal sa Diyos, at hindi talaga nagbago ang disposisyon ko. Sa anong paraan ako karapat-dapat sa mga pagpapala o na pumasok sa kaharian ng Diyos? Ang pagtalikod sa lahat ng bagay ay hindi nagbibigay sa akin ng kapital, at ang pagdurusa at paggugol sa sarili ko para gawin ang mga tungkulin ko ay hindi isang kondisyon na nangangahulugang puwede ko nang subukang makipagtransaksiyon sa Diyos. Dapat ko lang gawin ang mga ito bilang isang nilikha. Kung hindi ko tatalikuran ang layunin kong maghangad ng mga pagpapala, sinserong hahangarin ang katotohanan, at pagtutuunan ang pagtatamo ng pagbabago sa buhay disposisyon ko at ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, kahit gaano pa ako magsakripisyo at gumugol ng sarili ko, kahit pa magpakapagod ako, hindi ko matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos, at sa huli, kamumuhian at parurusahan lang ako ng Diyos.
Mula noon, kahit gaano pa katindi ang sakit na dulot ng mga sugat ko, naging handa akong magpasakop at umasa sa Diyos para maranasan ang sitwasyong ito. Kapag lumala na naman ang karamdaman, magdadasal ako sa loob ko, at hindi na ako hihiling ng mga hindi makatwirang bagay sa Diyos gaya ng dati. Sa halip, maghihimagsik ako laban sa laman ko at magpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ginugol ko ang karamihan sa oras ko sa pagtuon sa pagdadasal sa Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita Niya, pag-aaral ng mga himno, at panonood ng mga video ng patotoong batay sa karanasan. Makalipas ang isang buwan, unti-unting gumaling ang katawan ko. Nang makalabas ako sa ospital, hindi man lang binanggit ng doktor ang chemotherapy. Sinabi lang niya sa aking kailangan kong pumunta para sa mga pagsusuri kada tatlong buwan.
Sa isang debosyonal isang araw, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Natatandaan ba ninyo ang sinabi ni Pedro? (‘Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?’) Tungkol ito sa pagpapasakop. Kung ganito mo nararanasan ang mga bagay-bagay, unti-unti mong matututunan ang katotohanan at siguradong makakakuha ka ng mga resulta. Una, kailangan mo ng saloobing nagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan. Huwag mong alalahanin kung anong uri ng tingin ang ipinupukol sa iyo ng Diyos, kung ano ang Kanyang saloobin at tono ng boses sa iyo, kung tutol ba Siya sa iyo o hindi, at kung ibubunyag ka ba Niya o hindi. Magsimula ka sa pamamagitan ng paglutas sa mga sarili mong paghihirap at problema. Madali bang maabot ng mga ordinaryong tao ang sinabing ito ni Pedro? (Hindi madali, hindi.) Anong mga karanasan ang mayroon siya at anong mga realidad ang tinaglay niya kaya nasabi niya iyon? (Lubos siyang nanalig na kahit paano pa tratuhin ng Diyos ang tao, ito ay para iligtas ang tao at ito ay pagmamahal at wala nang iba. Iyon ang dahilan kung bakit masaya siya na makapagpasakop.) Sinabi ni Pedro, ‘Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan,’ at sinabi mo, ‘kahit paano pa tratuhin ng Diyos ang tao.’ Tinitingnan mo ang iyong sarili bilang isang nilikha, bilang isang tagasunod ng Diyos, at bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kaya, may pagkakaiba ba sa pagitan ng dalawa? Oo, mayroon. May pagkakaiba! Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang laruan at ng isang tao? Ang isang laruan ay wala talagang kabuluhan—wala itong kwenta, isang abang bagay. Tawagin mo itong laruan, o tawagin mo man itong hayop—ganoong uri ng bagay ito. Pero paano naman ang isang tao? Ang isang tao ay may mga kaisipan at may utak; nagagawa niyang magsalita at gumawa ng mga bagay, at kaya niyang gumawa ng mga normal na aktibidad ng tao. Kung ikukumpara sa laruan, may kaibahan ba sa halaga at katayuan ng isang tao? … Kung itinuturing kang isang tao, anong uri ng pagtrato ang hihingin mo? Na igalang ka, na konsultahin ka, na isaalang-alang ang damdamin mo, na bigyan ka ng sapat na espasyo at kalayaan, at na isaalang-alang ang iyong dignidad at reputasyon. Ganoon tinatrato ang mga tao. Pero paano ang mga laruan? (Wala talagang kabuluhan ang mga ito. Puwedeng sipain ang mga ito.) (Puwede mong gamitin ang mga ito kapag gusto mong gamitin ang mga ito, at ihagis sa isang tabi kapag ayaw mo.) Angkop na sabihin iyon. Ito ang kailangan ninyong sabihin tungkol sa pagtrato sa mga laruan, kaya paano ninyo ilalarawan ang pagtrato sa isang tao bilang isang laruan? (Ginagamit ninyo sila kapag kailangan ninyo sila, at binabalewala lang kapag hindi ninyo kailangan.) Tinatrato ninyo sila nang walang anumang respeto, at hindi kailangang protektahan ang kanilang mga karapatan. Hindi ninyo sila binibigyan ng anumang karapatan, o awtonomiya, o kalayaang pumili. Hindi sila kailangang konsultahin sa mga bagay-bagay, o isaalang-alang ang kanilang dangal, o anumang gaya niyon. Puwede kang maging mabait sa kanila kapag maganda ang pakiramdam mo, pero puwede mo silang sipain kapag hindi. Ganoon ang saloobin tungkol sa isang laruan. Kung tinrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan, ano ang mararamdaman nila? Mararamdaman pa rin kaya nilang kaibig-ibig ang Diyos? (Hindi.) Pero nagawa ni Pedro na purihin ang Diyos. Anong mga katotohanang realidad ang tinaglay niya na nagpahintulot sa kanyang makamit ang pagpapasakop hanggang sa punto ng kamatayan? Hindi talaga tinrato ng Diyos ang tao na parang isang laruan. Pero nang maabot ng pang-unawa ni Pedro ang antas na ito, naisip niya: ‘Kung tatratuhin ako ng Diyos sa paraang iyon, dapat pa rin akong magpasakop dito. Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?’ Nakamit ni Pedro ang kahandaang ito, ang pagpayag na ito. Ano ang tinutukoy ng pagiging ‘handa at payag’? (Ipasailalim ang sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at sa lubos na pagpapasakop sa mga ito.) Iyon ang katotohanan tungkol sa pagpapasakop. Hindi ba’t paraan ng pagtrato sa isang laruan ang ibigay ka kay Satanas? Itatapon ka kapag hindi ka kailangan, ibibigay kay Satanas para matukso ka nito at mapagmukha kang hangal. Ano ang naging saloobin ni Pedro? Nagkaroon ba siya ng anumang reklamo? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Bumaling ba siya kay Satanas? (Hindi.) Pagpapasakop ang tawag dito. Wala siyang anumang reklamo, wala siyang mga pagpapakita ng pagiging negatibo o paglaban. Hindi ba nalutas ang kanyang tiwaling disposisyon? Ito ay perpektong umaayon sa Diyos. Hindi ito usapin ng kung pagtataksilan ba niya ang Diyos o hindi. Usapin ito ng: ‘Saan man ako ilagay ng Diyos, nasa puso ko ang Diyos; saan man ako ilagay ng Diyos, ako ay sa Kanya. Kahit gawin pa Niya akong abo, mananatili akong sa Diyos. Hindi ako kailanman babaling kay Satanas.’ Nagawa niyang maabot ang antas na ito ng pagpapasakop. Madali itong sabihin, pero mahirap itong gawin. Kailangang nagtataglay ka ng katotohanan sa ilang panahon hanggang sa makita mo ang lahat ng ito nang kumpleto at malinaw, sa gayon ay magiging lalong mas madali ang pagsasagawa ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan). Patuloy kong pinag-isipan ang mga salitang ito ng Diyos, at sa wakas ay naunawaan ko kung bakit ginamit ng Diyos ang karanasan ni Pedro bilang isang halimbawa para tularan natin. Sinabi ni Pedro, “Kahit pa pinaglalaruan ng Diyos ang mga tao na para bang mga laruan sila, ano ang magiging reklamo ng mga tao?” Nakapagpasakop si Pedro sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at kahit sa panahon ng mga pagsubok at pagpipino, nakakuha siya ng kagalakan sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at nagkaroon siya ng may-takot-sa-Diyos na puso. Sinabi ni Pedro na kahit pa tratuhin siya ng Diyos na parang isang laruan, wala siyang magiging reklamo. Tumayo si Pedro sa karapat-dapat na lugar niya, hindi nagkaroon ng pagnanais na makipagtransaksiyon o humingi sa Diyos, at nagpasakop lang, at kahit ano pa ang ginawa ng Diyos, hinayaan niya ang Diyos na mamatnugot sa lahat ng bagay. Sa huli, nagawang perpekto ng Diyos si Pedro. Naisip ko kung paanong hindi ako tumayo sa karapat-dapat na lugar ko nang magkasakit ako, at kung paanong naghangad lang ako ng kapayapaan para sa laman ko. Nang hindi tinupad ng Diyos ang mga kahilingan ko, nagdusa ang katawan ko, at nasira ang pagnanais ko sa mga pagpapala, sinubukan kong makipagtalo at makipagkompetensiya sa Diyos, at naisip ko pa ngang tapusin ang lahat. Kumpara kay Pedro, mayroon pa ba akong anumang pagkatao o katwiran? Lubos akong hindi karapat-dapat mamuhay sa harapan ng Diyos! Ang Diyos ang lumikha sa mga tao, at anuman ang gawin ng Diyos sa akin ay angkop. Hindi abot ng pang-unawa ko ang mga layunin sa likod ng mga kilos ng Diyos. Mula sa perspektiba ng isang tao, parang mabubuting bagay ang biyaya at kapayapaan ng katawan. Pero sa realidad, ang paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao ay humihingi ng higit pang paghatol, pagkastigo, pagdurusa, at pagpipino. Katulad lang nang dumating sa akin ang karamdamang ito, kahit na hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ko, sa totoo ay kapaki-pakinabang ito sa buhay ko, at lalo pa itong kapaki-pakinabang sa paglutas sa tiwaling disposisyon ko. Espesyal na pagpapala ito ng Diyos sa akin. Sa sandaling iyon, natuklasan kong may layon akong hahangarin sa puso ko. Gusto kong tularan ang halimbawa ni Pedro, at kahit paano pa mabuo ang kanser o mamatay man ako, handa akong tumayo sa karapat-dapat na lugar ko bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, unti-unting nagsimulang gumaling ang katawan ko, at nagsimula akong gumamit ng isang tungkod at natutong maglakad gamit ang isang binti. Pagkalipas ng tatlong buwan, pumunta ako sa ospital para sa isang pagsusuri, at sinabi ng doktor na naging maayos ang paggaling ko, at na dahil hindi bumalik ang kanser, hindi ko kailangan ng chemotherapy. Noong Marso 2023, bumalik ako sa bayan ko para sa isang follow-up consultation. Nagulat ang doktor nang makita niya ang mga resulta ng pagsusuri, at sinabi niya, “Para sa ganitong uri ng kanser sa buto, 99% ng mga pasyente ang mangangailangan ng chemotherapy, pero bukod sa hindi mo na kailangan ng chemotherapy o radiotherapy, hindi rin bumalik ang kanser. Talagang isa itong himala!” Nang marinig kong sabihin ito ng doktor, tahimik akong nagbigay ng pasasalamat at pagpupuri sa Diyos sa puso ko. Kalaunan, ipinagpatuloy ko ang mga tungkulin ko iglesia. Kahit na namamanhid pa rin ang binti ko sa pag-upo nang matagal, at sumasakit ang mga buto ng balakang ko, hindi na ako napipigilan o humihingi sa Diyos dahil dito. Sa halip, naging napakamapagpasalamat ko at pinahalagahan ko ang naging pagkakataon ko na magawa ang mga tungkulin ko. Nang bitiwan ko ang layuning maghangad ng mga pagpapala, nang magpasakop ako, at gawin ko ang mga tungkulin ko, nakadama ako ng matinding katiwasayan sa puso ko.