32. Kung Paano Ko Dapat Tratuhin ang mga Pagsalangsang Ko
Noong 2020, ginawa ko ang tungkulin ko habang naghahangad ng kasikatan at katayuan, inaatake at ibinubukod ang iba, na nakagambala at nakagulo sa gawain ng iglesia, at natanggal ako. Naging napakanegatibo ko, iniisip kung paano ako nakagawa ng ganoon katinding kasamaan na puwede akong matiwalag, at na wala na akong pag-asang maligtas. Kalaunan, nakita ng mga lider na medyo nakapagnilay na ako at na naunawaan ko ang pag-uugali ko at ang landas na tinahak ko kung kaya’t isinaayos nilang gawin ko ulit ang mga tungkulin ko. Gulat na gulat ako. Nang makitang binibigyan pa rin ako ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong gawin ang mga tungkulin ko, nangilid ang mga luha sa mga mata ko, at napuno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos. Sa puso ko, nagpasya ako, “Dapat kong gawin nang maayos ang mga tungkulin ko para makabawi sa mga dati kong pagsalangsang, at hindi ko na puwedeng hangarin ang kasikatan at katayuan at tahakin ang maling landas gaya ng dati.”
Kalaunan, ginawa akong responsable sa gawain ng ebanghelyo sa dalawang iglesia. Sa simula, hindi ko naarok ang mga prinsipyo sa pangangaral ng ebanghelyo, at naharap ako sa maraming problema at paghihirap sa gawain ko na hindi ko alam kung paano lutasin, kaya nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, at sa tuwing may oras ako, pinagsisikapan kong pag-isipan ang mga bagay-bagay at hanapin ang mga prinsipyo. Sa mga pagtitipon, nakikinig ako sa pagbabahagi ng mga kapatid sa mga karanasan at nakamit nila sa pangangaral ng ebanghelyo. Naiinggit ako, iniisip na habang puwedeng matanggap ng iba ang patnubay ng Diyos sa paggawa ng mga tungkulin nila, iba ako, dahil isa akong taong nakagawa ng malulubhang pagsalangsang. Pakiramdam ko, dahil binibigyan pa rin ako ng Diyos ng pagkakataong magsisi, kailangan kong mas puspusang magtrabaho kaysa sa iba, at hindi na ako puwedeng makagawa ng anupamang pagkakamali. Nagpapabalik-balik ako sa mga iglesia araw-araw, at kahit kapag sumusumpong ang vertigo ko, nagpupursige ako sa mga tungkulin ko nang hindi nagpapahinga, iniisip na, “Basta’t mas pagsisikapan ko ang mga tungkulin ko at hindi ako gagawa ng mga kasamaan o magdudulot ng mga pagkagambala, makakabawi ako sa mga dati kong pagsalangsang at magkakaroon pa rin ng pagkakataong maligtas.” Pagkalipas ng ilang panahon, nagsimulang magpakita ng kaunting resulta ang gawain ng ebanghelyo na responsabilidad ko, at normal nang nakakadalo ang mga baguhan sa mga pagtitipon. Nang talakayin ko ang tungkol sa mga nakamit ko sa pangangaral ng ebanghelyo sa panahong ito, sumang-ayon ang superbisor sa pakikipagbahaginan ko, at sumaya ako nang husto, iniisip na, “Nagtrabaho ako nang husto sa mga tungkulin ko at nagkamit ng pagkilala ng mga kapatid, at nagkaroon ng kaliwanagan sa pagbabahaginan sa mga pagtitipon, at nararamdaman ko rin ang patnubay ng Banal na Espiritu. Basta’t pananatilihin ko ang kasalukuyang kalagayan ko, masipag na gagawin nang mas mabuti ang mga tungkulin ko, hindi magdudulot ng mga paggambala o panggugulo, at maghahanda ng mas maraming mabuting gawa, paglaon, maaaring hindi na isaalang-alang ng Diyos ang mga dati kong pagsalangsang.” Kalaunan, isinaayos ng mga lider na maging responsable ako sa gawain ng ebanghelyo sa mas maraming iglesia, at nalaman kong napakalayo sa bahay ko ng ilan sa mga iglesiang ito. Naisip ko kung paanong hindi maganda ang kalusugan ko, at kung paanong tiyak na mapapagod akong magpatuloy nang ganito, kaya naisip kong sabihin sa mga lider ang tungkol sa sitwasyon ko. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung tatanggihan ko ang mga tungkulin ko, paano na ako titingnan ng Diyos?” Kaya hindi ako nagsalita. Pagkatapos, para mas mabilis akong maging pamilyar sa gawain, nagtrabaho ako mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, at kahit kapag masama ang pakiramdam ko, pinipilit ko ang sarili kong magpatuloy, at kung minsan ay nagpapahatid ako sa mga sister sa mga bisikleta nila para makarating sa mga pagtitipon. Dahil madalas akong magpuyat, lalong humina ang kalusugan ko. Nanghina ang buong katawan ko, at nanlambot ang mga braso at binti ko, at sumasandal na lang ako sa uluhan para pilitin ang sarili kong dumalo sa mga pagtitipon. Ang totoo, hinang-hina ako at gusto kong umuwi para magpagaling, pero dahil nakikita ko kung paanong kailangan ng gawain ng iglesia ang pakikipagtulungan ng mga tao, nag-alala ako, iniisip na, “Kung uuwi ako para magpagaling at susukuan ko ang mga tungkulin ko sa kritikal na sandaling ito, paano ako titingnan ng Diyos? Magkakaroon pa rin ba ako ng magandang hinaharap? Magiging posible pa rin ba na maligtas ako?” Kaya kahit gaano pa maging kahirap ang mga bagay-bagay, ipinagpatuloy ko ang paggawa sa mga tungkulin ko. Kalaunan, sa pamamagitan ng gamutan, unti-unting bumuti ang kondisyon ko.
Pagkalipas ng ilang buwan, napili ako bilang superbisor ng gawain ng ebanghelyo. Nang harapin ko ang tungkuling ito, nag-alala ako na dahil sa mahinang kalusugan ko ay hindi ko kakayanin ang gampanin, pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung magagawa ko nang maayos ang mga tungkulin ko kahit habang may sakit ako, siguro ay papatawarin ng Diyos ang mga dati kong pagsalangsang, at pagkatapos ay magkakaroon na ako ng pagkakataong maligtas.” Nang maisip ko ito, handa na akong akuin ang tungkuling ito. Minsan, sinabihan ako ng mga lider na dumalo sa isang pagtitipon, pero noong hapon bago ang pagtitipon, biglang lumala ang kondisyon ko. Sumakit nang husto ang tiyan ko, nanghina ang buong katawan ko, at sumakit ang ulo ko, at halos hindi talaga ako makagalaw. Sinabi sa akin ng doktor na kailangan kong magpasuwero at magpahinga sa kama. Noong oras na iyon, gulong-gulo ang damdamin ko, at napaisip ako, “Bakit ba lumala na naman ang karamdaman ko? Napakaabala ng mga tungkulin ko ngayon. Abala ang mga sister na katrabaho ko sa pangangaral ng ebanghelyo araw-araw, pero sa ganito kakritikal na oras, hindi ko magawa ang mga tungkulin ko. Ginagamit ba ng Diyos ang kapaligirang ito para ibunyag at itiwalag ako? Kung talagang hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko, ano ang magiging hinaharap ko?” Sa pag-iisip lang nito ay nabagabag ako nang husto, na para bang inabandona ako ng Diyos. Dahil sa suwero, nagsimula akong mahilo at pagkatapos ay nakatulog ako nang mahimbing noong gabing iyon. Kinabukasan, habang pinag-iisipan ko ang bagay na ito sa puso ko, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Sa panahon ng mapait na pagpipino, pinakamadaling mahulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong pukawin ang iyong kalooban, ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong huling sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang tuparin ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagniig. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na habang mas nagdurusa ang isang tao sa mga pagpipino, lalo niyang dapat hanapin ang katotohanan at ang layunin ng Diyos. Hindi ko na puwedeng isaalang-alang ang hinaharap at destinasyon ko, at kailangan kong mas magdasal sa Diyos, at may maganda mang hinaharap o destinasyon para sa akin, handa akong ilagay ang puso ko sa harapan ng Diyos, at kahit paano pa gumawa ang Diyos, handa akong magpasakop. Pakiramdam ko ay pinapanood ako ng Diyos, hinihintay akong bumangon at magpatuloy. Unti-unting napayapa ang puso ko, at mas napalagay ako, handang hanapin ang katotohanan sa gayong kapaligiran.
Isang araw, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi alam ni Pablo ang sarili niyang diwa o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang paghihimagsik. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na paglaban kay Cristo, ni hindi siya masyadong nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang sumuko sa Diyos. Bagama’t bumagsak siya sa daan patungong Damasco, hindi siya tumingin sa kanyang sariling kaibuturan. Kontento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga problema ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Masaya na siya sa pagsasalita lamang ng katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsensiya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang layong kanyang hinangad ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at pansamantalang gawain, ang layong kanyang hinangad ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi niya hinangad na umusad nang mas malalim sa katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samakatwid ay masasabi na ang kanyang kamalayan tungkol sa kanyang sarili ay peke, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay may taglay na siyang kamalayan tungkol sa kanyang sariling kalikasan o diwa; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasyang gawin, ni hindi ito gawaing naganap matapos niyang matanggap ang pagpupungos ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi naging bayad para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang tiyak na papel sa mga simbahan noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nagkamit ng kaligtasan, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinanggap ng Panginoong Jesus. … Naniwala siya noon pa man: ‘Kaya kong gumawa, mas mahusay ako kaysa sa karamihan ng mga tao; isinasaalang-alang ko ang pasanin ng Panginoon nang higit kaninuman, at walang sinumang nagsisisi nang lubos na katulad ko, sapagkat ang nasinagan ako ng dakilang liwanag, at nakita ko na ang dakilang liwanag, kaya nga mas malalim ang aking pagsisisi kaysa kaninuman.’ Sa panahong iyon, ito ang nasasaloob ng kanyang puso. Sa katapusan ng kanyang gawain, sinabi ni Pablo: ‘Pinagbuti ko ang paglaban, natapos ko na ang aking lakbayin, at may nakalaan sa akin na isang korona ng katuwiran.’ Ang kanyang laban, gawain, at lakbayin ay lubos na para sa kapakanan ng korona ng katuwiran, at hindi siya aktibong sumulong. Bagama’t hindi siya pabigla-bigla sa kanyang gawain, masasabi na ang kanyang gawain ay ginawa para lamang punan ang kanyang mga pagkakamali, punan ang mga panunumbat ng kanyang konsiyensya. Inasam lamang niyang kumpletuhin ang kanyang gawain, tapusin ang kanyang lakbayin, at pagbutihin ang kanyang paglaban sa lalong madaling panahon, upang matamo niya ang kanyang inaasam na korona ng katuwiran nang mas maaga. Ang kanyang inasam ay hindi upang makilala ang Panginoong Jesus sa kanyang mga karanasan at tunay na kaalaman, kundi upang tapusin ang kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang matanggap niya ang mga gantimpalang nakamit ng kanyang gawain para sa kanya nang makilala niya ang Panginoong Jesus. Ginamit niya ang kanyang gawain upang aliwin ang kanyang sarili, at makipagkasunduan kapalit ng isang korona sa hinaharap. Ang kanyang hinanap ay hindi ang katotohanan o ang Diyos, kundi ang korona lamang. Paano makakaabot sa pamantayan ang gayon pagsisikap? Ang kanyang pangganyak, kanyang gawain, ang halagang kanyang ibinayad, at lahat ng kanyang pagsisikap—lumaganap sa lahat ng iyon ang kanyang kamangha-manghang mga pantasya, at gumawa siya ayon lamang sa kanyang sariling mga hangarin. Sa kabuuan ng kanyang gawain, wala ni katiting na pagkukusa sa halagang kanyang ibinayad; pumasok lamang siya sa isang kasunduan. Ang kanyang mga pagsisikap ay hindi kusang ginawa upang gampanan ang kanyang tungkulin, kundi kusang ginawa upang makamit ang layunin ng kasunduan. May anumang halaga ba ang gayong mga pagsisikap? Sino ang pupuri sa kanyang maruruming pagsisikap? Sino ang may interes sa gayong mga pagsisikap? Ang kanyang gawain ay puno ng mga pangarap para sa hinaharap, puno ng kamangha-manghang mga plano, at walang anumang landas para mabago ang disposisyon ng tao. Napakalaking bahagi ng kanyang kabutihan ay pagkukunwari; ang kanyang gawain ay hindi tumustos ng buhay, kundi isang paimbabaw na kabutihan; pakikipagkasunduan iyon. Paano maaakay ng gawaing gaya nito ang tao tungo sa landas ng pagbawi sa kanyang orihinal na tungkulin?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Inilantad ng Diyos na walang tunay na pagkaunawa si Pablo sa mga dati niyang masamang kilos ng pag-uusig sa Panginoong Jesus at pag-aresto sa mga alagad Niya, hindi rin niya tunay na naunawaan ang diwa ng paglaban niya sa Diyos. Kontento lang siyang malaman na mali siya at na hindi na niya gagawin ang ganoong mga bagay para labanan ang Diyos sa hinaharap. Pagkatapos ay sinubukan niyang pagbayaran ang mga kasalanan niya sa pamamagitan ng mga panlabas na kilos ng pagsasakripisyo, paggugol, at pagtatrabaho nang husto. Sa huli, sinabi pa niyang may nakalaang korona ng katuwiran para sa kanya. Napagtanto ko na ang mga kilos ni Pablo ng pagsasakripisyo at paggugol ay hindi pagganap sa tungkulin ng isang nilikha, hindi rin tunay na pagsisisi ang mga iyon, kundi sa halip ay isang pagsubok na gamitin ang gawain niya para pagbayaran ang mga kasalanan niya at ipagpalit sa isang korona ng katuwiran. Pagpapaimbabaw ito, at isa itong pagsubok na linlangin ang Diyos at makipagtawaran sa Kanya. Pinagnilayan ko ang dati kong mga tungkulin, noong naghangad ako ng reputasyon at katayuan, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, at sumalangsang, pero hindi ko pinagnilayan nang malalim o inalam ang mga pagsalangsang ko, hindi ko rin naramdaman nang madalas na may pagkakautang ako sa Diyos o sa mga kapatid ko dahil dito. Nakita ko lang ang pinsalang idinulot sa gawain ng iglesia, at ang epekto sa mga kapatid ko. Napagtanto kong nilabanan ko ang Diyos at haharap ako sa kaparusahan Niya kung magpapatuloy ako nang ganito, at natakot ako. Kaya nang muli kong akuin ang mga tungkulin ko, nagtrabaho ako nang husto at naggugol ng sarili ko, tinatanggap at nagpapasakop sa anumang tungkuling isaayos ng iglesia para sa akin. Kahit na sa tindi ng karamdaman ko ay halos hindi na ako makatayo, nagpursige pa rin ako sa paggawa ng mga tungkulin ko. Ang lahat ng sakripisyo ko ay para pagbayaran ang mga kasalanan ko, sa walang saysay na pag-asang isang araw, maipagpapalit ko ang mga iyon para sa kapatawaran at mga gantimpala ng Diyos. Napagtanto kong hindi sinsero ang mga pagsasakripisyo, paggugol, at puspusang pagtatrabaho ko, lalong hindi pagganap ang mga iyon sa tungkulin ng isang nilikha. Katulad ni Pablo, ang mga kilos kong ito ay naglalayong pagbayaran ang mga kasalanan ko at bumawi sa mga dati kong pagsalangsang, at ang mga iyon ay pangunahing sa paghahangad ng isang kanais-nais na kalalabasan at destinasyon. Ginamit ko ang mga kapansin-pansing sakripisyo, paggugol, at puspusang pagtatrabaho sa mga walang saysay na pag-asang ipagpalit ang mga ito sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at sa magandang kalalabasan at destinasyon, na nagresulta sa tahasang ugnayan ng mga interes sa Diyos. Pinagnilayan ko kung paanong kamuntik nang humantong sa pagpapatalsik sa akin ang mga dating paggambala at panggugulo ko, dahil magmula nang sumampalataya ako sa Diyos, naghangad na ako ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Nakita kong mas magaling sa akin si Xiaoyu, ang sister na kapareha ko, na nagparamdam sa aking nasasapawan ako at naagawan ako ng magandang reputasyon, na humahantong sa mga damdamin ko ng pagkainggit, pagtanggi, at panghuhusga laban sa kanya. Alam kong katatalaga lang kay Xiaoyu bilang isang lider at hindi talaga siya pamilyar sa gawain, kaya nang sabihan kami ng nakatataas na pamumuno na dumalo sa mga pagtitipon para siyasatin ang mga isyu sa gawain, siniguro kong padaluhin siya, iniisip na ipapahiya niya ang sarili niya kung wala siyang anumang masasabi sa panahon ng pagtitipon, at na makikita ng mga lider na hindi rin siya ganoon kagaling, hinahdalangan siyang agawin ang atensiyon. Nang ipaalam sa akin ni Xiaoyu ang mga isyu ko sa gawain, pakiramdam ko ay napahiya ako, pero sa halip na pagnilayan ang sarili ko, sinunggaban ko ang katiwalian niya at ipinagkalat ito kung saan-saan, idinudulot sa ibang ibukod siya. Kalaunan, nagkaroon ako ng mga alalahanin sa seguridad at puwede ko lang gawin ang mga tungkulin ko sa bahay. Habang araw-araw na lumalabas si Xiaoyu para sa gawain, at handang makipagbahaginan sa kanya ang mga kapatid, lalo pang tumindi ang pakiramdam ko na nasapawan niya ako, at tumindi ang inggit ko, pati na ang negatibong panghuhusga ko sa kanya. Nang dumating ang taunang halalan ng iglesia, sinunggaban ko ang mga isyu ni Xiaoyu para palakihin ang mga iyon, sinasabing hindi siya angkop na makibahagi sa halalan. Sa ganitong paraan, umasa akong masisiguro na walang sinumang magiging banta sa katayuan ko. Ginambala ko ang proseso ng halalan at nagdulot ako ng malaking pinsala kay Xiaoyu. Ibinunyag ng mga kilos na ito ang mapaminsala kong disposisyon, at ipinakitang nasa landas ako ng isang anticristo. Hindi ko pinagnilayan ang mga bagay na ito para tukuyin ang satanikong kalikasan ko na lumalaban sa Diyos, hindi rin ako nagsisi o nagbago, kundi sa halip, hinangad kong pagbayaran ang mga pagsalangsang ko sa pamamagitan ng kapansin-pansing pagdurusa at paggugol, umaasang maipagpalit ang mga ito para sa isang magandang destinasyon. Pailalim kong sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, at sa diwa, isa itong pagsubok na linlangin ang Diyos. Ang patuloy na pagtahak sa landas na ito ay hindi magbibigay-daan sa aking mapagbayaran ang mga kasalanan ko bagkus ay mag-iipon lang ng masasamang gawa, at sa huli ay mapaparusahan ako ng Diyos dahil sa paglaban sa Kanya. Sa pagbabalik-tanaw sa landas na tinahak ko sa maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, bigla kong nadama na lubos na katawa-tawa ang paghahangad ko sa mga nagdaang taon, at sa sandaling iyon, nakadama ako ng pagkasuklam at pagkamuhi sa sarili ko. Gusto ko talagang batukan nang malakas ang sarili ko. Kung bakit kasi hindi ko na lang hinangad ang katotohanan!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mas marami sa mga salita ng Diyos, at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa kalikasang diwa ko. Sabi ng Diyos: “Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanang mabuti ang aking tungkulin. Ang kalagayang ito ay pinangingibabawan ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ng ilang salita at doktrina ang kanilang pagkaunawa na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng walang pananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: ‘Dapat kong talikuran ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa diyos. Dapat akong maging tapat sa harap ng diyos, at sa huli, tatanggapin ko ang pinakamalalaking gantimpala at mga pinakadakilang korona.’ Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay. Wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at magkatulad sila ng kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla. Kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan. Ang landas na tinatahak ng mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tuwirang salungat sa landas ni Pedro” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Nakita ko ang kalagayan ko tulad ng inilantad ng Diyos. Tinalikuran ko ang lahat para gawin ang tungkulin ko alang-alang sa mga pagpapala, nagdusa at nagbayad ako ng halaga para magkamit ng mga pagpapala, nagpursige sa tungkulin ko habang may karamdaman, at ginawa ang lahat ng magagawa ko para gampanan nang maayos ang tungkulin ko alang-alang sa mga pagpapala. Kumilos ako nang masyadong masunurin at maamo alang-alang sa mga pagpapala. Ang lahat ng ginawa ko ay udyok ng pagnanais na makatanggap ng mga pagpapala. Nang magulo ko ang gawain ng iglesia sa tungkulin ko, naniwala akong nag-iwan ako ng mga mantsa at nakagawa ng mga pagsalangsang sa harapan ng Diyos, at inakala kong mahaharap ako sa kaparusahan ng Diyos kung hindi ko ito pagbabayaran. Kaya, hindi ako nangahas na pabayaan ang tungkulin ko. Kapag nakakaranas ako ng vertigo sa paggawa ng tungkulin ko, umiinom ako ng gamot habang ginagawa ang tungkulin ko, iniisip na katapatan ito sa Diyos. Nang makakita ako ng kaunting resulta sa tungkulin ko at makita ko ang patnubay ng Diyos, pakiramdam ko ay abot-kamay na ang mga pagpapala, kaya lalo pang tumindi ang sigasig ko para sa tungkulin ko, at madalas akong magtrabaho nang walang reklamo kahit kapag may karamdaman ako. Naging kapital ko ang pagdurusang ito, at naniwala ako na pagkatapos ng lahat ng ibinigay ko, dapat akong sang-ayunan at biyayaan ng Diyos. Pero kalaunan, nang lumala ang karamdaman ko, nasiraan ako ng loob at nagsimulang magreklamo, iniisip na, “Bakit ba ang tindi ng karamdaman ko gayong gusto kong gawin ang tungkulin ko? Kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko, paano ako maliligtas?” Ang mga dati kong pagsalangsang ay parang isang malalim na hidwaan sa pagitan namin ng Diyos, na nagpaparamdam sa aking malabo ang tsansa kong maligtas, naniniwalang mapupunan ko lang ang puwang sa paggawa ng mas maraming gawain para pagbayaran ito, at muling matatamo ang habag ng Diyos at maliligtas. Sa sandaling iyon, napagtanto kong hindi ko talaga nauunawaan ang katotohanan, wala rin akong tunay na pagkaunawa sa Diyos. Mali kong pinaniwalaang habang mas nagdurusa ang isang tao habang ginagawa ang tungkulin niya, lalo niyang mabibigyang-lugod ang Diyos, kaya kahit bumibigay na ang katawan ko, hindi ako nagpahinga, iniisip na kung magtatrabaho ako habang may karamdaman, makikita ng Diyos ang pagdurusa ko at sasang-ayunan at pagpapalain ako. Ang totoo, hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Hinihingi lang Niya na gawin ng mga tao ang mga tungkulin nila sa saklaw ng mga kakayahan nila. Pero, parang naging malabo ang mga kaisipan ko, at walang humpay akong nagsagawa ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ko hanggang sa napagod ko na ang katawan ko at bumigay na ito, at nagreklamo pa rin ako laban sa Diyos dahil sa hindi pagpoprotekta sa akin, ibinubunton ang lahat ng sisi sa Diyos. Talagang wala ako sa katwiran at nagpaparatang nang walang batayan! Napagtanto ko rin na ang karamdamang hinarap ko ay hindi paraan ng Diyos ng pagtitiwalag sa akin, kundi sa halip ay isang repleksiyon ng mga maling layunin at maling landas ko. Ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito para ibunyag ang katiwalian at mga kakulangan ko, binibigyang-daan akong matukoy at mapagnilayan ang sarili ko. Inililigtas ako ng Diyos. Pero hindi ko hinanap ang ibig sabihin ng Diyos at sa halip ay nagkamali ako ng pagkaunawa at nagreklamo laban sa Kanya. Talagang wala akong konsensiya at katwiran. Nakadama ako ng matinding pagsisisi sa puso ko at umiyak sa Diyos sa panalangin, “O Diyos, sa nakaraang taon na ito, nagsaayos Ka ng mga sitwasyon para linisin at iligtas ako, pero hindi ko talaga hinanap ang layunin Mo. Sa halip, palagi akong naghahangad ng mga pagpapala at nagkamali pa nga ng pagkaunawa sa Iyo. Naging masyado akong makasarili at kasuklam-suklam, at napakalaki ng pagkakautang ko sa Iyo. Handa akong magsisi at magbago.”
Kalaunan, nakarinig ako ng isang himno ng mga salita ng Diyos, na talagang nakatulong sa akin.
Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakasalalay sa Paghahabol ng Tao
1 Bilang isang nilikha, dapat hangaring tuparin ng tao ang tungkulin ng isang nilikha, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi gumagawa ng iba pang pagpili, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak.
2 Kung ang hinahangad mo ay ang mga pagpapala ng laman, at ang isinasagawa mo ay ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at talagang hindi ka mapagpasakop kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o ititiwalag ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Paulit-ulit kong pinakinggan ang himno, at mas gumaan ang puso ko. Napagtanto kong hindi isinasaalang-alang ng Diyos kung gaano karaming gawain ang ginagawa ng isang tao o kung hanggang saan ang kapansin-pansing pagdurusa niya, kundi sa halip, kung hinahangad ng isang taong mahalin at bigyang-lugod ang Diyos, at kung ginagawa niya ang tungkulin niya ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kung nagbago ang tiwaling disposisyon niya. Katulad lang ni Pedro, hinangad niya ang katotohanan at sa huli ay dumating sa punto ng sukdulang pagmamahal sa Diyos at pagsunod sa Kanya hanggang kamatayan, sa gayon ay nagsasabuhay ng marapat na wangis ng isang nilikha. Ito ang sinasang-ayunan ng Diyos. Pero kung patuloy na hahangarin ng isang tao ang mga pagpapala, tutuon lang sa paggawa at pagdurusa para sa Diyos, nang hindi hinahanap ang katotohahan o kumikilos ayon sa mga prinsipyo sa mga tungkulin niya, at kaya pa rin niyang humingi sa Diyos at makipagtawaran sa Kanya, hindi nagkakaroon ng mga pagbabago sa tiwaling disposisyon niya, isa itong landas na patungo sa pagkabigo. Naunawaan ko rin na ang gawain ng Diyos ngayon ay ang ibalik ang konsensiya at katwiran ng sangkatauhan, para makapakinig ang mga tao sa mga salita ng Diyos, makasunod sa Kanya, at makasamba sa Kanya. Ito ang marapat na wangis ng isang nilikha. Nang matukoy ito, guminhawa ang pakiramdam ko, at naunawaan ko kung paano ako dapat magpatuloy sa mga susunod na hakbang ng landas ko. Kalaunan, sa panahon ng tungkulin ko, sadya kong pinagninilayan ang sarili ko sa tuwing mahaharap ako sa anumang bagay, isinasaalang-alang kung anong mga maling pananaw ang mayroon ako at kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag ko, nagtatapat sa mga kapareha kong sister tungkol sa kalagayan ko, at hinahanap ang mga salita ng Diyos para isagawa at pasukan. Sa pamamagitan ng pagsasagawang ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ko, at gumanda ang mga resulta ng gawain ko.
Kalaunan, tinanong ko sa sarili ko kung paanong palagi akong napipigilan ng mga pagsalangsang ko, at napaisip ako kung paano ko dapat tratuhin ang isyung ito. Isang araw, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi maiiwasan na maraming tao ang makagawa ng kung anong paglabag, maliit man o malaki, ngunit malamang na iilan-ilan lamang ang nakagawa ng malulubhang paglabag, ang uri ng paglabag na imoral. Hindi natin pag-uusapan dito ang mga nakagawa ng iba’t ibang uri ng mga iba pang paglabag, pag-uusapan lang natin kung ano ang dapat gawin ng mga taong nakagawa ng malulubhang paglabag, at ng mga taong nakagawa ng uri ng paglabag na imoral at hindi etikal. Tungkol naman sa mga taong gumawa ng malulubhang paglabag—at dito ay tinutukoy Ko ang mga paglabag na imoral—hindi kabilang dito ang paglabag sa disposisyon ng Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo. Nauunawaan ba ninyo? Hindi Ko tinutukoy ang mga paglabag sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang diwa, o sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, at hindi Ko rin tinutukoy ang mga paglabag na lumalapastangan sa Diyos. Ang Aking tinutukoy ay ang mga imoral na paglabag. Kailangan ding matalakay kung paano malulutas ng mga taong nakagawa ng mga ganitong paglabag ang kanilang emosyon ng pagkalumbay. Ang gayong mga tao ay may dalawang landas na maaaring tahakin, at ito ay isang simpleng bagay. Una, kung sa iyong puso ay nadarama mong kaya mong kalimutan ang bagay na iyong ginawa, o kung may pagkakataon kang humingi ng tawad at bumawi sa taong nagawan mo ng kasalanan, maaari kang bumawi sa kanya at humingi ng tawad, at ang pagkaramdam ng kapayapaan at kaginhawahan ay babalik sa iyong espiritu; kung wala kang pagkakataon na gawin ito, kung hindi ito posible, kung tunay mong nauunawaan ang iyong sariling problema sa kaibuturan ng iyong puso, kung napagtatanto mo kung gaano kalubha ang bagay na iyong ginawa, at tunay kang nagsisisi, kailangan mong lumapit sa Diyos upang magtapat at magsisi. Tuwing iyong naiisip ang bagay na iyong nagawa at nadarama mong ikaw ay nagkasala, ito mismo ang panahong kailangan mong lumapit sa Diyos upang magtapat at magsisi, at dapat mong ialay ang iyong sinseridad at tunay na mga damdamin upang matanggap mo ang pagpapawalang-sala at kapatawaran ng Diyos. At paano ka mapapawalang-sala at mapapatawad ng Diyos? Ito ay nakasalalay sa iyong puso. Kung sinsero kang magtatapat, kung tunay mong kikilalanin ang iyong pagkakamali at problema, at kikilalanin mo ang ginawa mo—isa man itong pagsalangsang o kasalanan—magkaroon ka ng saloobin ng tunay na pangungumpisal, makaramdam ngtunay na pagkamuhi sa iyong nagawa, at talagang ituwid ang sarili mo, at hindi mo na ulit gagawin ang maling bagay na iyon, kapag nagkagayon, balang araw, matatanggap mo ang pagpapawalang-sala pagpapatawad ng Diyos, ibig sabihin, ang iyong kalalabasan ay hindi na ibabatay ng Diyos sa mga mangmang, hangal, at maruruming bagay na iyong nagawa noon. Kapag nasa ganitong antas ka na, ganap na kalilimutan ng Diyos ang bagay na iyon; ikaw ay magiging katulad na lang ng ibang normal na tao, nang walang anumang pagkakaiba. Gayunpaman, bago ito mangyari ay kailangan mo munang maging sinsero at magkaroon ng tunay na saloobin ng pagsisisi, gaya ni David. Gaano karaming luha ang itinangis ni David para sa nagawa niyang paglabag? Hindi mabibilang ang kanyang iniluha. Ilang beses siyang umiyak? Nakaparaming beses. Maaaring ilarawan ang mga iniluha niya gamit ang mga salitang ito: ‘Gabi-gabing lumulubog sa aking mga luha ang higaan ko.’ Hindi Ko alam kung gaano kalubha ang iyong paglabag. Kung ito ay labis na malubha, maaaring kailangan mong umiyak hanggang ang higaan mo ay lumutang sa iyong mga luha—maaaring kailangan mong magtapat at magsisi sa ganoong antas bago mo matanggap ang pagpapatawad ng Diyos. Kung hindi mo ito gagawin, nangangamba Ako na ang iyong paglabag ay magiging isang kasalanan sa mga mata ng Diyos, at hindi ka mapapawalang-sala rito. Pagkatapos ay magkakaproblema ka at mawawalan na ng saysay na talakayin pa ito. Kaya naman, ang unang hakbang para matanggap ang pagpapawalang-sala at pagpapatawad ng Diyos ay dapat kang maging sinsero at kumilos nang praktikal upang tunay na magtapat at magsisi” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag hinaharap ang mga pagsalangsang ko, dapat muna akong humarap sa Diyos, magtapat sa Kanya, at magnilay sa sarili ko. Pagkatapos, dapat kong hanapin ang katotohanan tungkol sa mga pagsalangsang ko para magtamo ng tunay na pagkaunawa at pagkamuhi sa sarili ko, sa gayon ay tunay na nakakapagsisi. Katulad lang ni David, na, pagkatapos makagawa ng pagsalangsang ay kayang tunay na pagsisihan ang kilos niya, magsisi sa Diyos at hindi na ito gawin ulit kailanman. Napakahalaga ng sinserong pusong ito na nagsisisi! Hindi ko na puwedeng takasan ang mga pagsalangsang ko. Kailangan kong aminin ang mga kasalanan ko sa Diyos at magsisi, sinisigurong hindi na ako kikilos nang ganoon sa hinaharap. Kalaunan, nang matagpuan ko ang sarili kong naghahangad ng kasikatan at katanyagan sa tungkulin ko, nagdasal ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang sumpain at parusahan ako, para hindi na ako kumilos ayon sa mga tiwaling disposisyon ko. Sa pamamagitan ng pagsasagawang ito, tumibay ang determinasyon kong maghimagsik laban sa laman ko. Dati, interesadong-interesado ako kung ano ang tingin sa akin ng iba, at palagi kong gustong protektahan ang imahe ko sa puso ng iba. Pero ngayon ay sadya kong ipinagtatapat at inilalantad ang katiwalian ko, at sa pamamagitan ng pagsasagawang ito, napapanatag at napapayapa ang puso ko. Kapag nahaharap sa mga problema sa tungkulin ko, sadya ko nang nagagawang hanapin ang mga salita at prinsipyo ng Diyos, hindi na ako napipigilan ng mga dati kong pagsalangsang, at lalo pang napapalaya ang puso ko.
Ibinunyag ng karamdamang ito ang mga nakalilinlang kong pananaw, at ipinakita nito sa akin ang maling landas na tinahak ko sa pananalig ko. Kung hindi dahil sa mga sitwasyong ito, hindi ako magkakamit ng anumang kamalayan sa sarili at magpapatuloy ako sa landas na ito, sa huli ay walang matatamo at matitiwalag. Mula ngayon, handa na akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at gawin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha para bigyang-lugod ang puso ng Diyos at suklian ang pagmamahal Niya.