34. Ang Natutuhan Ko Sa Pagpapakitang-gilas ng Aking Sarili
Noong Oktubre 2016, ginagawa ko ang tungkulin ng isang tagapangaral. Noong panahong iyon, dahil sa mga panggugulo at pagsabotaheng dinulot ng mga anticristo, nahinto ang gawain ng ilang iglesia na ako ang responsable. Ako at ang dalawang sister na katuwang ko ay kakukuha pa lamang sa tungkuling ito at hindi pamilyar sa mga tao sa mga iglesiang ito, at dahil sa napakalawak ng saklaw ng gawaing ako ang responsable, hindi ko alam ang gagawin at hindi ko kayang pasanin ang lahat ng responsabilidad na ito, kaya gusto kong umatras. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Marami na akong nakain at nainom sa mga salita ng Diyos, pero kung kailan kailangang-kailangan, gusto kong iwan ang tungkulin ko. Hindi ba’t tanda ito ng kahihiyan?” Kaya inayos ko ang pag-iisip ko at nagsuportahan at nagbahaginan kami ng mga katuwang kong sister, at nanghingi ng tulong sa mga kapatid na mas pamilyar sa sitwasyon. Pagkatapos ng isang panahon ng pagtutulungan, napagtagumpayan namin ang isang gang ng anticristo, at nagsimulang magpakita ng mga tanda ng pagbuti ang gawain. Pagkatapos pagdaanan ang karanasang ito, nakita kong ito ay tunay na isang bagay na hindi ko makakamit nang mag-isa, at na ito ay pawang resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sumailalim ang iglesia sa walang habas na mga pang-aaresto at pang-uusig ng CCP, at ang mga tahanan kung saan nakatira ang mga kapatid na ginagawa ang kanilang mga tungkulin ay hindi na ligtas at kinailangang ilipat kaagad ang mga taong ito. Nang marinig ko ang balitang ito, parang gumuho ang mundo ko, at sa tingin ko ay magiging imposible na ilipat ang mga taong ito ngayon. Napakaraming kapatid na ginagawa ang kanilang mga tungkulin ang kailangang ilipat, pero saan naman ako posibleng sabay-sabay na makakita ng napakaraming matutuluyang bahay para sa kanila? Nasa mahirap akong sitwasyon at tunay na hindi alam kung ano’ng gagawin, pero pagkatapos ay naisip ko, “Ito ay isang usapin na kinasasangkutan ng kaligtasan ng mga kapatid at ng mga interes ng iglesia. Walang ibang paraan kundi ang ilipat sila.” Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat kang maniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at na nakikipagtulungan lang ang mga tao. Kung ikaw ay taos-puso, makikita ito ng Diyos, at magbubukas Siya ng daan para sa iyo sa bawat sitwasyon. Walang paghihirap ang hindi kayang lampasan; dapat mayroon ka nitong pananalig” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Nang nabasa ko ito, para bang nakakita ako ng liwanag sa kadiliman, sumigla kaagad ang puso ko, at mas lumakas ang pananalig ko. Tinalakay ko sa aking mga katuwang na sister ang usapin sa paghahanap ng mga matutuluyang bahay. Makalipas ang tatlong araw, isang sister mula sa iglesia ang sumulat upang sabihin sa akin na nakakita na ng ilang matutuluyang bahay, at aktibo pa ring nag-aalok ng mga tahanan ang mga kapatid. Labis akong naantig na nagsimulang dumaloy ang mga luha sa aking mukha. Hindi ko inasahan na ang iglesiang ito ay kayang magbigay ng napakaraming matutuluyang bahay nang saba-sabay, at talagang nadama ko na kasama namin ang Diyos na ginagabayan kami, at na hangga’t sinsero kaming nakikipagtulungan, makikita namin ang mga gawa ng Diyos. Pagkatapos nito, lalo pang lumakas ang aming pananalig, at maayos naming natapos ang aming gampanin ng relokasyon. Noong nakita ko na maayos na umuusad ang gawain sa kabila ng pagharap sa paulit-ulit na paghihirap, masayang-masaya ako. Habang nagpapasalamat sa Diyos, sinimulan ko ring bilangin ang sarili kong mga ambag. Naniwala ako na bagaman ang resultang ito ay tunay na nakamit sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, hindi ito magagawa nang wala ang mga pagsisikap at pakikipagtulungan ko. Bagaman hindi pa ako matagal na nananampalataya sa Diyos, ang katunayan na ang gawaing ito ay nagkamit ng gayong mga resulta ay nagpapatunay na may kaunti akong mga katotohanang realidad, kung hindi, paano naisagawa nang napakatagumpay ang gayong kahirap na gampanin? Habang lalo akong nag-iisip nang ganito, lalo kong naiisip na malaki ang mga ambag ko, at na isa akong bihirang talento, at lalo na nang purihin kami ng lider dahil sa aming kapabilidad sa gawain, lalo pa akong nakumbinsi na mayroon akong mga katotohanang realidad, at na walang sinuman sa iglesia ang kasinggaling ko. Pagkatapos noon, kumilos ako nang taas-noo, at tuwing mayroong pagkakataon, isinasalaysay ko ang mga karanasan ko at ikinukuwento ang mga iyon sa lahat sa malinaw na paglalarawan, sa kagustuhang ipaalam sa mga kapatid na mayroon akong mga katotohanang realidad at na alam ko kung paano danasin ang mga bagay na nakaharap ko.
Minsan, nasa isang pagtitipon ako kasama ang mga lider mula sa ilang iglesia, at habang pinatutupad ang gawain, walang magawang sinabi ng isang lider, “Hindi mo alam kung ano’ng mga nangyayari sa aming iglesia, mahirap ngang pumili ng isang diyakono. Napakahirap ng gawaing ito!” Naisip ko, “Tinatawag mong mga paghihirap ang mga iyon? Ang mga hamon na pinagdaanan ko ay mas matindi pa kaysa sa mayroon ka. Kailangan kong ibahagi sa iyo kung paano ko napagtagumpayan ang mga paghihirap ko, para makita mo na may mga katotohanang realidad ako at malaman mo kung paano dadanasin ang mga bagay na kinakaharap ko.” Kaya ibinahagi ko kung paano, noong una kong kinuha ang tungkulin ko at naharap sa mga problema, ay lumapit ako sa Diyos at umasa sa Diyos, at kung paano Niya ako ginabayan, at ipinaliwanag ko nang buo mula sa simula hanggang sa wakas, dahil sa takot na baka may makalimutan akong isang detalye. Sa pagkukuwento ng lahat ng ito, nilaktawan ko ang sarili kong pagkanegatibo at kahinaan sa mga mahihirap na panahong iyon, dahil ayaw kong makita ng mga kapatid na may mga pagkukulang ako. Pagkatapos kong magsalita, ang lahat ng sister ay tiningnan ako nang may paghanga, at naiinggit na sinabi ng isang sister, “Talagang alam mo kung paano umasa sa Diyos at danasin ang mga bagay na kinakaharap mo. Namumuhi talaga ako sa sarili ko sa pagiging hangal—kapag nahaharap ako sa mga problema, hindi ko alam kung paano umasa sa Diyos o kung paano danasin ang mga iyon.” Ang ibang sister ay tumango rin sa pagsang-ayon. Masayang-masaya ako, iniisip na, “Mas magaling ako kaysa sa inyong lahat. Kaya ko napagtagumpayan ang lahat ng paghihirap na ito ay ganap na dahil sa pamumuno ko, kung hindi, paano ako magiging isang tagapangaral!” Gayumpaman, pinanatili ko ang isang kalmadong anyo at nakipagbahaginan sa sister, “Walang mas pinapaboran ang Diyos, at hangga’t hinahanap mo Siya, gagabayan ka Niya. Hindi tayo puwedeng basta lang magsabi ng mga islogan nang hindi isinasagawa ang mga iyon!” Dahil masyado akong nakatuon sa pagpapakitang-gilas at hindi ko ibinahagi ang mga layunin ng Diyos o ang landas ng pagsasagawa tungkol sa mga problemang kinakaharap ng mga kapatid, pagkatapos ng pagtitipon, hindi pa rin nila alam kung paano magsasagawa.
Noong panahong iyon, napansin ko na ang sister na nagpapatuloy sa amin ay madalas magpakitang-gilas, at na paminsan-minsan ay minamaliit niya kami, sinasabing hindi pa kami matagal na nananampalataya sa Diyos at na wala kaming mga karanasan. Isang beses, talagang nagalit siya sa amin dahil sa isang maliit na usapin. Nakipagbahaginan sa kanya ang mga sister na katuwang ko, pero habang lalo silang nakikipagbahaginan sa kanya, lalo siyang nagagalit. Sinabi pa niya, “Hindi ko na kayang gawin pa ang tungkuling ito! Kailangan na ninyong maghanap ng iba!” Kalaunan, lumapit sa akin ang sister na nagpapatuloy sa bahay upang humingi ng tawad dahil sa pag-init ng ulo niya noong nakaraang araw. Nadama ko na ang galit niya ay hindi lang dahil sa isang pangyayaring ito, pero hindi ko masyadong makilatis kung ano ang mali. Nang makipag-usap ako sa kanya, sa wakas ay nalaman ko na ang lahat ng ito ay dahil sa nadismaya siya na itinalaga siya sa mga tungkuling pagpapatira sa bahay at hindi ginawang lider ng grupo. Tinukoy ko kung paano siya nagpakitang-gilas at kung paano niya kami minaliit at pinigilan. Pagkatapos bumalik ng aking mga katuwang na sister, ngumiti ako sa kanila at ipinagmalaki kung paano ko kinilatis ang sister na nagpapatira sa bahay at inilantad siya. Sinaway ko rin ang mga katuwang kong sister, na nagsasabing, “Hindi ba ninyo napansin na hindi talaga siya nakinig noong nakipagbahaginan kayo sa kanya? Pero patuloy pa rin kayong nakipagbahaginan sa kanya.” Talagang hinangaan nila ako at sinabing talagang may kakayahan ako sa pagkilatis ng mga bagay-bagay. Tuwang-tuwa ako at naisip na nauunawaan ko ang katotohanan at mayroon akong pagkilatis. Isang beses pa, dumalo ako sa isang pagtitipon kasama ang superbisor ng gawaing nakabatay sa teksto. Inisip ko, “Hindi ko gaanong kilala ang superbisor na ito, at hindi niya alam ang kapabilidad ko sa gawain. Kailangang makakita ako ng paksa na magbibigay-daan sa akin para masabi kung paano ko kayang kilatisin ang mga tao, para hangaan niya ako.” Sa sandaling iyon, binanggit niya sa akin ang sister na nagpapatuloy sa bahay, kaya ginamit ko ang paksang ito para sabihin, “Matagal ko nang nakilatis ang diwa ng paghahangad niya sa katayuan, pero ang mga sister na katuwang ko ay patuloy lang na nakipagbahaginan sa kanya.” Tumango ang superbisor sa pagsang-ayon. Kalaunan, tuwing may nangyayari, direktang nakikipagtalakayan sa akin ang superbisor, at kahit na napag-usapan na ang mga bagay kasama ng mga katuwang kong sister, tatanungin niya pa rin ang opinyon ko. Natural kong kinuha ang papel ng pamumuno, at karamihan sa gawain ay ako ang nagsaayos. Isang beses, sinabi ng isang sister sa akin, “Bakit ba sa tingin ko ay ikaw ang boss, kapag nagtutulungan kayong tatlo?” Nagulat ako nang marinig ito, “Paano niya nasabi iyon? Dapat ay nagtutulungan kaming tatlo, paano niya nasabing ako ang boss? Hindi kaya masyado akong mapagmataas at palaging nagpapakitang-gilas? Ginagamit kaya ng Diyos ang sister na ito para paalalahanan ako?” Medyo natakot ako, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko, at pagkatapos, patuloy akong umasal sa parehong paraan, nagpapakitang-gilas saan man ako pumunta.
Dahil sa pamumuhay sa ganitong kalagayan, nadama kong itinago ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin. Habang nagbabahagi sa mga pagtitipon, hindi ko maramdaman ang presensiya ng Diyos, at hindi ko makilatis ang anumang isyu. Napakarami ring pagkakamali sa gawain ko. Inilantad ako ng mga nakatataas na lider dahil sa patuloy na pagtataas sa aking sarili at pagpapakitang-gilas, dahil sa ginagawa kong tau-tauhan lamang ang aking dalawang katuwang na sister, at sa pag-angkin ko sa lahat ng desisyon sa gawain. Sinabi nilang tinatahak ko ang landas ng isang anticristo, at tinanggal nila ako. Pagkatapos mawala ang aking tungkulin, natagpuan ko ang sarili ko na walang pag-asa at nasa matinding pasakit. Nadama ko na sa isang iglap, bumagsak ako sa lupa mula sa langit, at talagang hindi ko ito matanggap. Gaano ko man ito pag-isipan, hindi ko maunawaan kung bakit ang isang tulad ko, na may pagpapahalaga sa pasanin at may mga katotohanang realidad, ay tatanggalin. Naisip ko kung paanong palagi akong nangunguna sa gawain ng iglesia, pero sa ganito lang ito nagtapos. Aping-api ako at masama ang loob ko na hindi ako makatulog sa gabi. Sa aking pasakit, patuloy akong lumapit sa Diyos sa pananalangin, hinihingi sa Diyos na gabayan at bigyang-liwanag ako upang maunawaan ang mga layunin Niya para matuto ako ng aral.
Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Itinataas at pinapatotohanan ang kanilang sarili, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang kanilang sarili? Paano nila natatamo ang pakay na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang pakay na ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, matatalinong diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ang pagtataas at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan. Ito ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Hindi mabubutasan ang kanilang mga salita at malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at pakana, nagpapakitang-gilas sila, gayumpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Pinagnilayan ko kung paanong kapag dumadalo sa mga pagtitipon kasama ng mga lider ng iglesia, kapag nakita kong may mga paghihirap sila, kukunin ko ang pagbabahagi ng mga solusyon bilang pagkakataon upang itaas ang sarili ko at magpakitang-gilas, at sasadyain kong banggitin ang mga detalya kung paano ako naghanap ng katotohanan at nanalangin sa Diyos, pero itatago ko ang pagkanegatibo at kahinaang nadama ko noong naharap ako sa mga problema, hindi man lang babanggitin ang mga ito. Para hangaan ako ng mga katuwang kong sister, sa usapin ng pagkilatis sa sister na nagpapatuloy sa bahay, sadya kong nilaktawan ang kawalang-abilidad ko na makilatis ang usapin, at sinabi ko lamang kung paano ko ito nakilatis. Ginawa ko ito para isipin ng mga katuwang kong sister na nauunawaan ko ang katotohanan, na kaya kong kilatisin ang mga usapin, at na mas magaling ako kaysa sa kanila. Kapag nakikipagpulong sa superbisor ng gawaing nakabatay sa teksto, mas lalo akong mapagkalkula, naghahanap ng mga pagkakataong magpakitang-gilas. Sa mga bagay na sinabi ko, sadya ko ring minaliit ang aking dalawang katuwang na sister, ipinahihiwatig na mas mababa sila sa akin para itaas ang sarili ko. Dahil patuloy akong nagpapakitang-gilas sa harap ng aking mga kapatid, tumigil silang tumingin sa Diyos o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap sila sa mga problema, sa halip ay umasa sila sa akin para sa pagbabahagi at mga solusyon. Nagdulot ito na maging tau-tauhan lamang ang mga katuwang kong sister. Para makuha ang paghanga ng iba, hindi ako nagpalampas ng pagkakataon para magpakitang-gilas, at ang bawat kilos at salita ko ay udyok ng aking lihim na motibo. Tunay akong kasuklam-suklam at buktot! Ang puso ng isang tao ay templo ng Diyos, at dapat sambahin ng mga tao ang Diyos. Pero sinubukan kong ako ang sambahin ng ibang tao. Hindi ba umaasta ako na gaya ng isang tulisan? Ayon sa mga kilos at gawa ko, nararapat akong sumpain at parusahan! Pero hindi ako pinarusahan ng Diyos ayon sa mga kilos ko. Sa halip, binigyan Niya ako ng pagkakataong magsisi. Ang puso ko ay puno ng pagsisisi at pagkakonsensiya.
Kalaunan, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong may pinapanigan; ang hinihiling ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos; higit pa rito, ang gawaing ito ay may kinalaman sa ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. … Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit hindi pinapansin ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya yaong mga naglilingkod sa Diyos ay naging yaong mga lumalaban sa Diyos. Ang mga taong ito, na naglilingkod na sa Diyos at nagmiministeryo sa tao sa loob ng napakaraming taon, ay itinuring na lamang na pagpasok ang paggawa at pangangaral, at walang sinumang nagturing sa kanilang indibiduwal na espirituwal na karanasan bilang isang mahalagang pagpasok. Sa halip, itinuring na nila ang kaliwanagang natatamo nila mula sa gawain ng Banal na Espiritu bilang puhunan para magturo sa iba. Kapag nangangaral, lubha silang nabibigatan at tinatanggap nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan nito ay inilalabas nila ang tinig ng Banal na Espiritu. Sa sandaling ito, yaong mga gumagawa ay kampante na, na para bang naging indibiduwal na espirituwal na karanasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu; pakiramdam nila ay nabibilang sa kanilang indibiduwal na pagkatao ang lahat ng salitang kanilang sinasambit, ngunit para bang ang sarili nilang karanasan ay hindi kasinglinaw ng kanilang nailarawan. Bukod dito, bago magsalita ay wala silang malay kung ano ang kanilang sasabihin, ngunit kapag gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, tuluy-tuloy na dumadaloy palabas ang kanilang mga salita. Matapos kang makapangaral nang minsan sa gayong paraan, pakiramdam mo ay hindi kasingliit ng iyong akala ang iyong aktwal na katayuan, at tulad sa isang sitwasyon kung saan ilang beses nang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, saka mo nalalaman na mayroon ka nang tayog at nagkakamali kang maniwala na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang iyong sariling pagpasok at iyong sariling pagkatao. Kapag palagi mo itong nararanasan, magiging pabaya ka tungkol sa iyong sariling pagpasok, magiging tamad nang hindi mo napapansin, at hindi mo na pahahalagahan kahit kaunti ang iyong sariling pagpasok. Dahil dito, kapag nagmiministeryo ka sa iba, kailangan mong malinaw na makatukoy sa pagitan ng iyong tayog at ng gawain ng Banal na Espiritu. Mas mapapadali nito ang iyong pagpasok at maghahatid ng higit na pakinabang sa iyong karanasan. Kapag itinuring ng tao na indibiduwal nilang karanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, pinagmumulan ito ng kabuktutan. Kaya nga sinasabi Ko, anumang tungkulin ang inyong ginagampanan, dapat ninyong ituring ang inyong pagpasok bilang isang mahalagang aral” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (2)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na bagaman nagagawa kong gumawa, mangaral, magkaroon ng kaunting pagkilatis, at lutasin ang kaunting problema, ang mga ito ay pawang resulta ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi kinakatawan ng mga ito ang totoong tayog ko. Nagbalik-tanaw ako noong unang naging mangangaral ako. Huminto ang gawain ng ilang iglesia, at noong panahong iyon, wala akong ideya kung ano’ng gagawin. Sa taos-pusong pananalangin at pagtawag sa Diyos, tinulungan kami ng Diyos sa pamamagitan ng mga kapatid, at sa pakikipagtulungan ng lahat, matagumpay naming naalis ang gang ng anticristo. Kalaunan, dahil sa mga pang-aaresto ng CCP, kinailangan naming isaayos na ilipat sa ibang lugar ang mga kapatid. Namumuhay kami sa mga paghihirap, at ang gabay ng mga salita ng Diyos ang nagbigay ng pananalig sa amin, at ang mga kapatid ang aktibong nagbigay ng mga matutuluyang bahay. Ito ang Diyos na pinoprotektahan ang Kanyang sariling gawain. Higit pa ang pagkukulang ko pagdating sa pagkilatis, at kalaunan, sa pagsasaayos ng Diyos sa mga sitwasyong ito, pagbubunyag ng mga bagay sa akin, at paggabay sa akin sa pamamagitan ng Kanyang mga salita kaya nagawa kong kilatisin ang sister na nagpapatuloy sa bahay. Ang mga ito ay pawang resulta ng gawain ng Diyos, pero inako ko ang lahat at nagpakitang-gilas at ipinagmalaki ang sarili ko saan man ako pumunta. Tunay na ginawa kong kamuhian ako ng Diyos! Ngayon ay nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu, nasa dilim ako, hindi magawang makita nang malinaw ang anumang bagay, at bumaba nang husto ang pagiging epektibo ng iba’t ibang aytem ng gawain. Bagaman mas nagsisikap ako kaysa sa dati para lutasin ang mga problema, patuloy akong nagkakamali, at puno ng kapalpakan ang gawain. Isang taon ko nang pinangangasiwaan at sinasanay ang mga iglesiang ito, pero ganito lang natapos ang gawain ko. Nakita ko na wala akong mga katotohanang realidad. Naging hangal at bulag ako, at hindi nagawang kilalanin ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkamali ako sa pagturing sa mga resulta ng gawain ng Banal na Espiritu bilang aking totoong tayog, iniisip na may mga katotohanang realidad ako, kaya ginamit ko ang mga ito bilang kapital upang magpakitang-gilas sa harap ng iba. Tunay na wala akong kahihiyan! Nang makita ko kung gaano ko nasira ang gawain, lubos akong nagsisi at nakonsensiya, at nanalangin ako kaagad sa Diyos, “Diyos ko, nakagawa ako ng napakaraming kasamaan nang hindi ito namamalayan. Kung ang pagtutuwid at pagdidisiplina Mo ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana mapagninilayan ang sarili ko. Ang pagkakatanggal ay tunay na nagligtas sa akin! Diyos ko, lubos kong pagninilayan ang sarili ko at magsisisi sa Iyo.”
Kalaunan, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang sumama ang kanilang likas na pagkatao, at unti-unti nilang nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding paghahangad; nalagpasan na nila ang katayuan ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas. Ano ang tinutukoy ng ‘mas mataas’ na ito? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mayabang ang kalikasan ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang ‘kayabangan.’ Isa itong mapanirang-puri na termino. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Sa tuwing masyadong mayabang ang isang tao, inaakala lagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong matawag na ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, ‘Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay mabait at masunurin na ako.’ Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, palalo, at mapagmagaling, magtatayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Aakayin din nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang magiging puwang sa puso nila para sa Diyos, at isasantabi nila ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at ititiwalag ka” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na, pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang mga tao, nagkaroon sila ng isang satanikong kalikasan, at nawala ang kanilang katwiran dahil sa kayabangan at ayaw nilang tumayo sa posisyon ng isang nilikha para sambahin ang Diyos. Dahil napamamahalaan ako ng aking mayabang na kalikasan, gusto ko ang papuri at paghanga ng iba. Pagkatapos kong lutasin ang kaunting problema sa iilang iglesia, nagsimula akong maniwala na mayroon akong mga katotohanang realidad at naging mayabang ako. Sinumang nakakaugnayan ko, palagi akong naghahanap ng mga pagkakataong magpakitang-gilas at magyabang. Nagdulot ito na hangaan ako ng mga katuwang ko na sister, at kapag lumilitaw ang anumang isyu, umaasa sila sa akin upang humanap ng solusyon. Alam ko na mali ang kalagayan nilang ito, pero hindi ko sila tinulungan o nakipagbahaginan sa kanila, sa kabaligtaran, ikinatuwa ko talaga ang tingalain. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga problema at paghihirap, hindi ako naghahanap ng katotohanan o nakikipagbahaginan para lutasin ang mga iyon, sa halip ay nagpapakitang-gilas ako ng aking mga kaloob at kakayahan, ipinagmamalaki lamang ang mga nakamit ko at ang mabubuting aspekto ng sarili ko, samantalang hindi binabanggit ang anumang tungkol sa aking pagiging negatibo at mahinang kalagayan. Itinataas ko pa nga ang sarili ko sa harap ng mga kapatid, minamaliit ang aking dalawang katuwang na sister para isipin ng lahat na mas magaling ako kaysa sa kanila at tingalain ako. Kapag lumilitaw ang mga isyu, lumalapit sila sa akin para sa huling desisyon, at sa huli, nagawa kong mga tau-tauhan lamang ang aking dalawang katuwang na sister. Kahit ganoon, hindi ako natakot. Sa kabaligtaran, ikinatuwa ko ang lahat ng ito, iniisip na tama na tingalain ako ng mga kapatid, at kahit na noong paalalahanan ako ng sister, hindi ko pa rin pinagnilayan ang sarili ko. Isa lamang akong nilikha, hamak at hindi mahalaga, pero hindi ko nakilala ang aking pagkakakilanlan at katayuan. Sa halip na tumayo sa posisyon ng isang nilikha upang sambahin ang Diyos, sinubukan kong dalhin sa harap ko ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapakitang-gilas. Napakayabang ko na nawalan ako ng katwiran! Kahit na pagkatapos makagawa ng gayong malaking kasamaan, hinangaan ko pa rin ang aking sarili. Tunay akong walang kahihiyan, ubod ng sama, at kasuklam-suklam! Gusto ko na lang lamunin ako ng lupa. Hiyang-hiya ako para humarap sa Diyos, at hiyang-hiya para humarap sa aking mga kapatid. Nang sandaling iyon, sa wakas ay napagtanto ko na naprotektahan ako dahil sa pagtatanggal sa akin. Kung hindi ako tinanggal at pinatigil sa pagpapatuloy ng aking masasamang gawa, patuloy sana akong mamumuhay sa aking mayabang na disposisyon at patuloy na tatahak sa maling landas ng paghahangad sa katayuan, at sa huli, malalabag ko sana ang disposisyon ng Diyos at maipapatapon sana ako sa impiyerno para parusahan. Nakita ko na ang pagtatanggal na ito sa katunayan ay isang anyo ng pagliligtas, at sa puso ko, puno ako ng pasasalamat sa Diyos.
Kalaunan, hinanap ko kung paano dadakilain ang Diyos at patototohanan Siya. Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang tungkol sa mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Tinukoy ng mga salita ng Diyos ang isang landas kung paano ko dadakilain ang Diyos at patototohanan Siya, binabanggit ang katiwaliang ipinakita ko noong naharap sa mga isyu, kung paano ako lumaban at naghimagsik sa Diyos, kung paano ko hinanap ang katotohanan upang maunawaan ang sarili ko, binubuksan at inilalantad ang aking katiwalian at aking kalikasang diwa, at pinatototohanan kung paano ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang dalisayin at baguhin ako. Ang pagbabahagi nang ganito ay dadakilain at patototohanan ang Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa aking mga karanasan, dapat kong isalaysay ang pagkanegatibo at kahinaan ng aking puso, at dapat kong sabihin kung paano ako binigyang-liwanag at ginabayan ng Diyos, at kung anong pagkaunawa ang nakamit ko tungkol sa aking sarili at kung anong mga landas ng pagsasagawa ang natagpuan ko. Tutulutan nito ang aking mga kapatid na makita na kung walang gabay ng Diyos, walang anumang maisasakatuparan ang tao, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, binibigyang-kakayahan ang mga tao na makilala ang Diyos. Tanging sa paggawa nito tunay na madadakila at mapapatotohanan ang Diyos. Sa pagninilay-nilay kung paano ako nagsasalita tungkol sa aking mga karanasan, napagtanto ko na ang mga layunin ko ay upang tingalain ako ng iba, at na sinasadya kong laktawan ang aking negatibo at mahinang kalagayan, at masinsing isinasalaysay kung paano ako tumingala at umasa sa Diyos sa panahon ng paghihirap, at kung paano ako ginabayan ng Diyos. Dahil dito, nakita ng aking mga kapatid na alam ko kung paano danasin ang mga bagay na nakaharap ko at tiningala ako, pero hindi sila nagkamit ng anumang kaalaman sa Diyos. Palagi kong itinataas ang sarili ko at nagpapakitang-gilas ako, na naging dahilan para kamuhian ako ng Diyos! Labis akong nagsisi at nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ang pagpalo at pagdidisiplina mo ang gumising sa manhid kong puso, at sa wakas, dahil dito ay nakita ko na nilalabanan Kita at naghihimagsik ako sa Iyo mula pa noon. Kung mayroon akong isa pang pagkakataon upang gawin ang mga tungkulin ko sa hinaharap, tiyak na babaguhin ko ang aking maling paghahangad, tatayo sa aking tamang kinalalagyan, at masunuring kikilos bilang isang nilikha.”
Noong Mayo 2021, isinaayos ng mga lider na pumunta ako sa isang iglesia para lutasin ang isang problema. May isang masamang tao sa iglesia na nagngangalang Ma Li, na inaatake ang bagong halal na lider, nagdudulot sa lider na iyon na maging negatibo. Pagkarating ko, nalaman ko na ibinukod si Ma Li noong 2018 para sa pagninilay dahil sa pag-atake sa isang lider, pero tulad pa rin siya ng dati. Nadama kong isa siyang masamang tao, pero natatakot akong magkamali, kaya iniulat ko sa mga nakatataas na lider ang kanyang hindi nagbabagong pag-uugali. Sumagot ang mga lider, ibinabahagi na ayon sa mga prinsipyo: Si Ma Li ay isang masamang tao, at ang mga materyal tungkol sa kanya ay dapat ayusin at dapat siyang paalisin. Kaya, ibinahagi ko sa lahat ang pagkilatis at pinaalis ang masamang taong ito. Pagkatapos nito, bumalik sa normal ang buhay iglesia ng mga kapatid, at nagsimulang gumana nang normal ang gawain ng iglesia. Sa isang pagtitipon, sinabi sa akin ni Sister Fang Xin, “Talagang may mga katotohanang realidad ka. Pagkarating na pagkarating mo ay nagawa mong kilatisin na isang masamang tao si Ma Li at naayos mo ang usaping ito sa tamang panahon. Kung hindi ka dumating, talagang hindi ko magagawa ang gawaing ito.” Pagkatapos kong marinig ang sinabi niyang ito, naisip ko, “Kung hindi ako dumating, talagang hindi nila magagawang pangasiwaan ang masamang taong ito, at hindi makababalik sa normal ang buhay iglesia.” Pero nang naisip ko ito, napagtanto ko kaagad na ang gawain ng Banal na Espiritu ang nagdala ng resultang ito, pero hinahangaan ko ang sarili ko at ninanakaw ang kaluwalhatian ng Diyos. Ganito ako nabigo noon, at hindi ko puwedeng hayaan ang sarili ko na magpakitang-gilas pa. Kaya sinabi ko na sa simula ay hindi ko makilatis ang isyung ito na kinasasangkutan ni Ma Li kaya sumulat ako ng liham sa mga nakatataas na lider para sa gabay, at na pagkatapos magbahagi ng mga lider batay sa mga prinsipyo, saka ko lang nagawang makita nang malinaw na si Ma Li ay isang masamang tao. Pagkatapos magbahagi, nakaunawa si Fang Xin, at sinabi niya na may tendensiya siyang idolohin ang mga tao at na kailangan niyang baguhin ito.
Dahil naranasan ko na ito, napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Kung hindi dahil sa kabiguan at pagkatisod na ito, at sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, hindi ko sana malalaman ang maling landas kung nasaan ako, ni magkakamit ng tunay na pagkaunawa ng aking kalikasan na mapagmataas at lumalaban sa Diyos. Ang karanasang ito ay naging isang mahalagang kayamanan sa aking buhay pagpasok, nagbibigay-tanda sa malaking pagbabago sa aking paglalakbay sa pananalig, at pagtatama sa aking maling paghahangad. Kasabay nito, tinulungan ako nitong maunawaan pa nang kaunti ang katotohanan tungkol sa pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos, at nagkamit ako ng isang landas ng pagsasagawa tungkol dito.