35. Ang Pagiging Tuso at Taksil ay Nakahahadlang sa Maayos na Paggawa ng Iyong Tungkulin
Noong 2020, inatasan ako ng mga lider na akuin ang responsabilidad para sa gawain sa larangan ng sining at disenyo. Bilang panimula, nakita kong madalas na sinusubaybayan ng mga lider ang pag-usad ng aking gawain, at inaalam nila kung ano ang nangyayari sa gawain ko. Nag-alala ako na may makitang mga pagkukulang sa aking gawain ang mga lider at ako ay kanilang pungusan o tanggalin. Kung kaya, nagtrabaho ako nang lampas sa itinakdang oras para matutunan kung paano gumawa ng mga imahe at mapabuti ang aking propesyonal na antas. Madalas ko ring sinusubaybayan kung paano umuusad ang lahat ng pangkat sa kanilang mga pag-aaral at kung kumusta na ang kanilang paggawa ng mga imahe. Kapag nakakatuklas ako ng mga paglihis, agad akong tumutulong at gumagabay sa mga kapatid ko. Sa pagsapit ng 2021, lalong naging abala ang gawain ng ebanghelyo, at pamilyar na ako sa iba’t ibang aytem ng gawain, kaya hindi na ako madalas na sinusubaybayan ng mga lider tulad noong simula. Noong umpisa pa lang, madalas ko nang pinaaalalahanan ang sarili ko na kung may sumusubaybay at nagmamasid man sa gawain ko o wala, kailangan ko pa ring gawin nang maayos ang tungkulin ko. Hindi ako maaaring maging tuso at taksil o pabaya. Gayumpaman, pagkalipas ng ilang panahon, nakita ko na marami pang trabaho ang kailangang gawin, at nang may mga problemang lumitaw sa bawat trabaho, kinailangan ng oras at pagsisikap para malutas ang lahat ng ito. Nagsimula akong makaramdam ng kaunting pagod. Naisip ko na, “Ngayon, hindi na ganoon kadalas na binabantayan at sinusubaybayan ng mga lider ang aking gawain. Kung gagawin ko nang maayos ang gawain ko, hindi ito mapapansin ng maraming tao. Kung hindi ko naman ito gagawin nang maayos, walang babatikos sa akin. Hindi ko dapat masyadong pagurin ang sarili ko. Tutal, kahit na medyo tamad ako, wala namang makakaalam. Ano pang silbi ng labis na pagtitiis?” Pagkatapos, naging medyo maluwag ako sa pagsubaybay sa gawain. Mula sa pagtatanong tungkol dito isang beses sa isang linggo, naging isang beses kada dalawa o tatlong linggo na lang ang pagtatanong ko tungkol dito. Kalaunan, natuklasan ko na ang isang pangkat ay hindi nakakakuha ng magagandang resulta sa kanilang mga propesyonal na pag-aaral. Minsan, ang itinakdang direksyon ng pag-aaral at ang ibinuod na mga paglihis ay hindi tumutugma sa pangangailangan ng nakararami, at pagkatapos mag-aral ng ilang panahon, walang sinuman ang nagpakita ng malinaw na pag-usad. Gayumpaman, ayaw kong gumugol ng oras sa paglutas ng isyu. Ipinasa ko ang problema sa lider ng pangkat at hiniling ko sa kanyang subaybayan at lutasin ito. Hindi ko inasahan na sasabihin ng lider ng pangkat na, “Kamakailan, hindi ka na masyadong nagtatanong kung kumusta na ang takbo ng mga propesyonal na pag-aaral. Wala rin akong pasanin. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagbunga ng magagandang resulta ang mga pag-aaral ng pangkat at hindi gaano nagkaroon ng pag-usad ang mga kapatid.” Tahimik kong ipinagtanggol ang sarili ko, “Hindi ba’t sinusubaybayan ko na ito ngayon? Kung hindi nakakakuha ng magagandang resulta sa kanilang pag-aaral ang iyong pangkat, pangunahing responsabilidad mo ito bilang lider ng pangkat.” Basta sinabi ko na lang na, “Kung gayon ay baguhin natin ito at pumasok tayo nang magkasama,” at nalampasan ko ito nang pabasta-basta. Kalaunan, natuklasan ko ang sunod-sunod na mga problema sa gawain at nais kong magsaayos ng isang pagbubuod ng gawain. Pero naisip ko na, “Ang pagbubuod ng gawain ay nangangailangan ng pagkaunawa sa mga paghihirap at paglihis na hinarap ng mga kapatid sa kanilang propesyonal na gawain. Nangangailangan din ito ng pag-iisip para makahanap ng direksyon at landas patungo sa pag-unlad. Talaga namang labis na nakakapagod ito sa isipan. Mas mabuti pang hindi na lang talaga ako gumawa ng buod. Tutal, wala namang nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito at wala namang makakaalam kung ginawa ko ba ang buod.” Sa ganitong paraan, ipinagpaliban ko pa ito nang kaunti. Pinanood ko habang ang mga problemang lumitaw noong ginawa ng aking mga kapatid ang mga imahe ay hindi nagpakita ng anumang pag-unlad. Sa puso ko, nakaramdam ako ng kaunting paninisi ng sarili. Natuklasan ko na ang mga problema pero hindi ko ito nilulutas dahil ayaw kong maabala. Ito ay pagiging pabaya at hindi paggawa ng tunay na gawain! Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko sa buong panahong ito, at naghanap ako ng ilang kaugnay na salita ng Diyos para basahin.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mahigpit na ipinagbabawal ang basta lamang iraos ang mga bagay-bagay. Kung palagi mong iniraraos lang ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may katapatan, dapat mo munang ayusin ang problema mo na iniraraos lang ang tungkulin. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat palagi mong isapuso ang tungkulin mo. Napakahirap dumating ng pagkakataong ito sa mga tao! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gawin ang tungkulin ng isang tao. … Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumanap sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, mag-atubili, o magplano ng pagtakas. Kung ikaw ay nagiging maluwag, mapagkalkula o tuso at nagpapakatamad, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, ‘Walang nakakita na nagiging tuso ako at nagpapakatamad. Ang galing!’ Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa maikling panahon ang iyong katiwalian at pagiging ubod ng sama, at bagama’t hindi nila iyon sasabihin nang tahasan, susuriin ka nila sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil napakaraming iba pa ang nakaunawa sa mga ito. Nang mahalata ng lahat ang diwa ng mga ito, inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong iyon at pinatalsik ang mga ito. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat nilang gamitin ang kanilang konsiyensiya sa paggawa ng mga praktikal na bagay. Maaaring mayroon kang mga depekto, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung lagi mong iniisip na ayos ka lang, na nakatitiyak kang hindi ka ititiwalag, kung hindi ka pa rin nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo ang iyong mga wastong gawain, kung palagi kang pabaya, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at malamang talaga na ititiwalag ka. Iyon ay dahil nahalata ka na ng lahat at nawalan ka na ng dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, maaari ka bang pagtiwalaan ng Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Talagang hindi Niya mapagkakatiwalaan ang gayong tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin). Ang tinutukoy ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Sa ganitong paraan ko mismo tinrato ang tungkulin ko. Kapag may nagmamasid, mas nagsusumikap ako, pero kapag walang nagbabantay sa akin, nagiging tuso at taksil ako, at kumikilos ako nang pabasta-basta. Naalala ko noong madalas na sinusubaybayan ng mga lider ang gawain ko. Noon, natatakot ako na kapag hindi ako gumawa ng tunay na gawain, malalaman ito ng mga lider at tatanggalin nila ako. Kaya bilang resulta ay naging maagap ako sa paggawa ng aking tungkulin. Palagi kong sinusubaybayan ang gawain ng iba’t ibang pangkat at madalas kong ginagabayan at tinutulungan ang mga kapatid ko na mapabuti ang mga epekto ng mga ginagawa nilang imahe. Gayumpaman, nang tumigil ang mga lider sa regular na pagsubaybay sa gawain ko, nagsimula akong kumilos nang pabasta-basta. Inisip ko na kahit maging medyo tamad ako, walang makakaalam, at hindi mapapahamak ang reputasyon at katayuan ko. Kung kaya, hindi ko pinagtuunan ang pagsubaybay at pagbabantay ng gawain, at hindi ko pinagtuunan ang paglutas ng mga tunay na problema. Dahil dito, naging maluwag at mabagal ang aking mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at palaging may mga lumilitaw na problema. Ipinaalala sa akin ng lider ng pangkat na may kaugnayan ang mga problema sa hindi ko pagtatanong tungkol sa gawain, pero bukod sa hindi ako nagnilay sa aking sarili, ipinasa ko pa ang problema sa kanya, at nagreklamo pa ako na naging pabaya siya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Talagang wala akong katwiran! Naging tuso at taksil ako sa paggawa ng aking tungkulin. Nagkulang ako sa pagsisikap sa tuwing maaari, at naging tamad sa tuwing may pagkakataon. Hindi ko itinuring na seryosong bagay ang gawain ng iglesia. Kahit na niloko ko ang mga lider sa loob ng ilang panahon, sinisiyasat ng Diyos ang lahat, at hindi ko Siya kayang linlangin. Kung patuloy akong kikilos nang pabasta-basta, hindi ko lang sasayangin ang aking integridad at dignidad, balang araw ay mabubunyag din ako at matatanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain. Sa sandaling ito, sa wakas ay napagtanto ko ang bigat ng mga kahihinatnan sa paggawa ko ng aking tungkulin nang pabasta-basta.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ano ba ang ibig sabihin ng ‘itaguyod ang sariling tungkulin’? Ibig sabihin nito ay kahit anong mga paghihirap pa ang kaharapin ng mga tao ay hindi sila sumusuko sa tungkulin nila, hindi sila nagiging mga taong lumilisan, o hindi nila pinababayaan ang kanilang responsabilidad. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya. Iyon ang ibig sabihin ng itaguyod ang sariling tungkulin. Halimbawa, sabihin nang isinaayos na gawin mo ang isang bagay, at walang sinumang naroroon para bantayan ka, subaybayan ka o udyukan ka. Paano mo maitataguyod ang iyong tungkulin? (Tatanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos at mamumuhay sa presensiya Niya.) Ang unang hakbang ay tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos; iyon ang isang bahagi nito. Ang isa pang bahagi ay ang gawin ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo. Ano ba ang kailangan mong gawin para magawa mo iyon nang buong puso at isip mo? Dapat mong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito; ibig sabihin, kailangan mong tanggapin ang anumang hinihingi ng Diyos at magpasakop dito; kailangan mong asikasuhin ang iyong tungkulin gaya ng iyong pag-aasikaso sa mga personal na bagay, nang hindi nangangailangan ng sinuman para bantayan ka, subaybayan ka, at siguraduhing ginagawa mo ito nang tama, para tingnan ka, pangasiwaan ang iyong ginagawa, o pungusan ka pa nga. Dapat mong іsipin sa iyong sarili, ‘Responsabilidad ko na gampanan ang tungkuling ito. Papel ko ito, at dahil ibinigay ito sa akin para gawin ko, at nasabi na sa akin ang mga prinsipyo at naintindihan ko naman ang mga ito, patuloy ko itong gagawin nang may determinasyon. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para tiyaking magagawa ito nang maayos.’ Kailangan mong pagsikapang gawin ang tungkulin na ito, at hindi mapigilan ng sinumang tao o ng anumang pangyayari o bagay. Ito ang ibig sabihin ng itaguyod ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo, at ito ang dapat na maging wangis ng mga tao. Kaya, ano ang dapat masangkap sa mga tao para maitaguyod nila ang kanilang tungkulin nang buong puso at isip nila? Kailangan muna nilang magkaroon ng konsiyensiya na dapat taglayin ng mga nilalang. Kahit iyon man lang sana. Higit pa roon, dapat tapat din siya. Bilang isang tao, para matanggap ang tagubilin ng Diyos, kailangan siyang maging tapat. Kailangang maging ganap siyang tapat sa Diyos lamang, at hindi maaaring wala siyang sigla, o hindi tumatanggap ng pananagutan; mali ang kumilos batay sa sarili niyang interes o pakiramdam—hindi ito pagiging tapat. Ano ang ibig sabihin ng maging tapat? Ang ibig sabihin nito ay ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at hindi ka naiimpluwensyahan o nalilimitahan ng iyong pakiramdam, kapaligiran, o ng ibang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay. Kailangan mong isipin, ‘Natanggap ko ang tagubiling ito mula sa Diyos; ibinigay na Niya ito sa akin. Ito ang dapat kong gawin, kaya gagawin ko ito kung paano ko gagawin ang sarili kong mga bagay-bagay, sa anumang paraang nagbubunga ng magagandang resulta, na ang kahalagahan ay nakatuon sa pagbibigay-lugod sa Diyos.’ Kapag nasa ganito kang kalagayan, hindi ka lamang kontrolado ng iyong konsensiya, kundi may pagkamatapat din sa iyong kalooban. Kung nasisiyahan ka na na magawa lamang ito, nang hindi mo hinahangad na maging mahusay at magkamit ng mga resulta, at nadarama mo na sapat nang ibuhos mo lamang dito ang iyong buong pagsisikap, pag-abot lamang ito sa pamantayan ng konsiyensiya ng mga tao, at hindi maituturing na pagkamatapat. Ang pagiging tapat sa Diyos ay mas mataas na hinihingi at pamantayan kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya. Hindi lamang ito pagbubuhos dito ng lahat ng iyong pagsisikap; kailangan mo ring ilaan dito ang iyong buong puso. Sa iyong puso, kailangan mong palaging ituring ang iyong tungkulin bilang trabaho na dapat mong gawin, kailangan mong magdala ng pasanin para sa gawaing ito, kailangan kang mapangaralan kung makagagawa ka ng kahit katiting na pagkakamali o kung medyo padaskol kang magtrabaho, at kailangan mong madama na hindi ka maaaring umasal nang ganito dahil ginagawa ka nitong may labis na pagkakautang sa Diyos. Ang mga taong talagang may konsensiya at katwiran ay ginagampanan ang kanilang tungkulin na para bang sarili nila itong trabahong gagawin, mayroon man o walang sinumang nagbabantay o nangangasiwa sa kanila. Masaya man sa kanila o hindi ang Diyos at paano man Niya sila tinatrato, laging mahigpit ang kahilingan nila sa kanilang sarili na tuparin nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at tapusin ang tagubiling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang tawag dito ay pagkamatapat. Hindi ba mas mataas na pamantayan ito kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya? Kapag kumikilos sila ayon sa pamantayan ng konsiyensiya, madalas na naiimpluwensyahan ang mga tao ng mga panlabas na bagay, o iniisip nila na sapat nang ibuhos na lang sa kanilang tungkulin ang lahat ng kanilang pagsisikap; ang antas ng kadalisayan ay hindi gayon kataas. Subalit, kapag pinag-uusapan ang pagkamatapat at matapat na pagtataguyod sa tungkulin ng isang tao, ang antas ng kadalisayan ay mas mataas. Hindi iyon tungkol lang sa pagsisikap; hinihingi nito na ibuhos mo sa iyong tungkulin ang iyong buong puso, isipan, at katawan. Upang maayos mong magampanan ang iyong tungkulin, kung minsan ay kailangan mong magtiis ng kaunting pisikal na hirap. Kailangan mong magbayad ng halaga, at ilaan ang iyong buong kaisipan sa paggampan sa iyong tungkulin. Anumang pangyayari ang iyong kaharapin, hindi nakaaapekto ang mga ito sa iyong tungkulin o nakaaantala sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at nagagawa mong mapalugod ang Diyos. Upang magawa ito, may halagang kailangan mong pagbayaran. Kailangan mong talikuran ang iyong pamilya ng laman, mga personal na bagay, at pansariling interes. Ang iyong banidad, pagpapahalaga sa sarili, mga damdamin, pisikal na kaaliwan, at maging mga bagay tulad ng pinakamasasayang taon ng iyong kabataan, ang iyong pag-aasawa, ang iyong kinabukasan, at ang iyong tadhana ay kailangan mong bitawan at talikuran, at kailangan mong kusang-loob na gampanang mabuti ang iyong tungkulin. Sa gayon ay makakamit mo ang pagkamatapat, at magtataglay ka ng wangis ng tao sa pamamagitan ng pamumuhay nang ganito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang iniisip ko ang mga salita ng Diyos, labis akong nahiya. Dati, palagi kong inakala na kaya kong magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga sa paggawa ng aking tungkulin. Ngayon, ibinunyag ako ng sitwasyon, at sa wakas ay nakita ko na ang katapatang pinakita ko noon ay isang ilusyon lamang. Ito ay dahil lamang sa may sumusubaybay sa akin at may nagbabantay sa gawain ko, at natatakot ako na kapag hindi ko nagampanan nang maayos ang tungkulin ko ay mapupungusan ako o baka matanggal pa, kaya napilitan lamang akong magpakita ng kaunting katapatan para protektahan ang sarili ko. Sa sandaling wala nang sumusuri o sumusubaybay sa gawain ko, nagsimula akong maging pabaya, tuso at taksil. Ang mga may tunay na katapatan sa kanilang tungkulin ay itinuturing ang tungkulin nila bilang kanilang sariling responsabilidad, at tinatanggap nila ang pagsisiyasat ng Diyos habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Paano man magbago ang sitwasyon sa kapaligiran, o kung mayroon ba o walang mga taong nagbabantay at sumusubaybay sa kanilang gawain, kaya nila laging ilaan ang kanilang puso at kaluluwa para magampanan nang maayos ang gawain. Bagama’t hindi na madalas sinusubaybayan ng mga lider ang gawain ko ngayon, ang sitwasyong ito ay isang pagsubok para sa akin. Hindi ako maaaring magpatuloy sa pagiging pabaya. Dapat kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, tuparin ang sarili kong mga responsabilidad, at tunay na akuin ang gawaing ito. Naisip ko kung paanong may ilang problema sa lahat ng pangkat, at hindi malinaw ang pag-usad ng mga kapatid. Kinailangan kong agad na ayusin para maibuod ng lahat ang mga paglihis at matalakay ang mga tamang landas ng pagsasagawa. Sa ganitong paraan, mapapabuti ang propesyonal na antas ng mga kapatid ko, at doon lamang nila makakamtan ang mas magagandang resulta sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Kalaunan, naunawaan ko ang mga tunay na paghihirap ng mga lider ng pangkat at ibinuod ko ang nakita kong mga problema. Nakatagpo rin ako ng ilang kapatid na may karanasan na lalahok sa pagbubuod at tatalakay sa mga landas para malutas ang mga problema. Sinabi ng lahat na napakahusay ng pagbubuod sa ganitong paraan, at marami silang nakamit mula rito. Kalaunan, agad kong sinubaybayan at tinutukan ang gawain ng bawat pangkat. Kapag nakakita ako ng mga paglihis, agad kong binabago ang mga ito. Medyo bumuti ang mga resulta ng gawain kaysa dati.
Inakala ko noong una na ang saloobin ko sa aking tungkulin ay medyo nagbago na, pero dahil ang tiwaling disposisyon ko ay may napakalalim na ugat, makalipas ang ilang panahon, nagsimula na naman akong mamuhay sa pabayang kalagayan. Noong Setyembre 2021, isinaayos ng iglesia na maging superbisor ako ng gawain ng pagdidilig. Noong panahong iyon, nagpasya ako na gagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, kaya nagsikap akong maging pamilyar at maunawaan ang mga detalye ng gawain, at pinag-aralan ko ang mga kaugnay na prinsipyo. Madalas ay gabing-gabi na ako natutulog. Dahil hindi ko pa kailanman naranasang maging responsable sa ganitong gawain noon, may mga gampanin pa ring hindi ko lubos na naaarok kahit na ilang araw na akong pamilyar sa mga ito. Nakaramdam ako ng matinding presyur. Nag-aalala ako na kung malalaman ng lider ang tungkol sa gawain ay hindi ako makakapagbigay ng anumang kasagutan. Ano kaya ang iisipin niya tungkol sa akin? Iisipin ba niya na hindi ko kayang gampanan nang maayos ang trabahong ito? Nang maisip ko ito, lalo pa akong nagsikap na maging pamilyar sa gawain at sangkapan ang sarili ko ng mga prinsipyo. Nang malaman ng lider ang tungkol sa gawain, alam niyang kakaumpisa ko pa lang sa trabahong ito kaya hinikayat niya lang akong maging pamilyar sa iba’t ibang aytem ng gawain sa lalong madaling panahon, at hindi man lang niya ako binatikos. Nakaramdam ako ng labis na kapanatagan, na para bang nawala sa puso ko ang isang mabigat na pasanin. Naisip ko na hindi naman masyadong mabibigat ang hinihingi sa akin ang lider, kaya hindi ako dapat labis na mabahala tungkol sa pagiging pamilyar ko sa gawain. Pagod na pagod ako noong panahong iyon, at ngayon ay maaari na akong magpahinga nang kaunti. Kalaunan, hindi na ako nababahala na maunawaan ang gawain ng bawat pangkat, at hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang pagsasangkap sa sarili ko ng mga prinsipyo. Inisip ko na lang na maaari akong matuto at mag-aral nang unti-unti habang nakikilahok ako sa gawain, at sapat na iyon. Kapag wala akong ginagawa, nakikinig ako ng mga himno, at nakahanap pa ako ng maiikling sekular na video na nakakaaliw para marelax ang aking sarili. Kalaunan, isa-isang nalaman ng lider, na maraming lider ng pangkat na nasa ilalim ng aking responsabilidad ang hindi gumagawa ng tunay na gawain, at nakakaantala ito sa gawain ng iglesia. Sa aking pagkabigla, hindi ko man lang nalaman ang mga problemang ito. Hindi maganda ang mga resulta ng gawain sa panahong iyon, pero hindi ko maingat na isinaalang-alang kung saan nagmumula ang mga problema, at hindi ko hinanap ang opinyon ng mga kapatid. Ang ibig sabihin nito ay nanatiling hindi nalulutas ang mga problema sa mahabang panahon.
Hindi nagtagal, itinalaga ako sa ibang tungkulin dahil, mula simula hanggang wakas, hindi ko kailanman nagampanan ang trabaho ng isang superbisor. Noong panahong iyon, pakiramdam ko ay para bang wala nang laman ang puso ko. Balisa ako at hindi mapalagay. Bagama’t sinabi sa akin ng lider na tinanggal lamang ako dahil wala akong kakayahan para sa trabahong ito, alam ko sa puso ko na sa nakalipas na ilang buwan, naging pabaya ako sa paggawa ng aking tungkulin, at halos wala akong ginawang tunay na gawain. Talagang nararapat akong tanggalin. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na pagkabagabag sa aking puso. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo dapat ituring ang mga atas ng Diyos. Isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat mong tanggapin ang iyong kaparusahan. Ganap na likas at may katwiran na tapusin ng mga tao ang mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung kaswal mo lang na tinatrato ang mga atas ng Diyos, ito ay isang napakalubhang pagkakanulo sa Diyos. Dito, mas kasuklam-suklam ka kaysa kay Hudas, at dapat kang sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang mga atas ng Diyos at kahit papaano, dapat nilang maunawaan: ang pagkakatiwala ng Diyos sa tao ng mga atas ay ang Kanyang pagtataas sa tao, ang Kanyang espesyal na pagpapakita ng biyaya sa tao, ito ang pinakamaluwalhati sa lahat ng bagay, at ang lahat ng iba pang bagay ay maaaring abandonahin—maging ang sariling buhay ng isang tao—pero dapat makompleto ang mga atas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Habang iniisip ko ang mga salita ng Diyos, naramdaman ko na harap-harapan akong isinisiwalat ng Diyos. Sa partikular, nang mabasa kong sinabi ng Diyos na, “hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat mong tanggapin ang iyong kaparusahan.” “isang napakalubhang pagkakanulo sa Diyos.” at “dapat kang sumpain,” ang mga salitang ito ay tumagos sa puso ko tulad ng isang matalim na kutsilyo. Labis akong nabagabag, at napuno ng paninisi ng sarili. Napagtanto ko na isinaayos ng iglesia na maging isang superbisor ako para mabigyan ako ng pagkakataon na magsanay. Responsabilidad ko rin ito. Dapat ay nagpakita ako ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, nag-alay ng buong lakas ko, at nagbayad ng anumang halaga para magampanan nang maayos ang tungkuling ito. Gayumpaman, tinrato ko ang tungkulin ko nang walang galang. Para maiwasan na hindi makasagot sa mga tanong kapag pumupunta ang lider para kumustahin ang gawain, at na mapungusan o matanggal bilang resulta, mas nag-ingat ako at nagsikap na maging pamilyar sa iba’t ibang aytem ng gawain. Gayumpaman, kalaunan, nang makita kong hindi masyadong nagtanong ng detalye ang lider, sinamantala ko ang sitwasyon at naging tuso at taksil ako. Hindi ako nabahala na maging pamilyar sa gawain; lalong hindi ko pinagtuunan ang paglutas sa mga tunay na problema. Kapag ginagampanan ko ang tungkulin ko, ako ay mabagal at napipilitan, padalos-dalos at walang pagmamadali, at lubos na nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman. Naisip ko si Sister Liu Xin, na responsable rin para sa gawain ng pagdidilig. Dati, hindi rin siya kailanman naging responsable sa gawaing ito. Gayumpaman, palagi siyang masigasig at responsable sa paraan ng pagtrato niya sa kanyang tungkulin. Nagtuon siya sa pag-unawa at paglutas ng mga tunay na problema, at pagkatapos ng dalawang buwan, nakagawa na siya ng ilang tunay na gawain. Pero tatlong buwan ko nang ginagawa ang tungkuling ito at hindi pa rin ako pamilyar sa gawain. Hindi ko man lang matuklasan ang isang mabigat na problema na gaya ng hindi paggawa ng tunay na gawain ng mga lider ng pangkat at pagkaantala ng gawain ng pagdidilig. Isa itong matinding kapabayaan sa aking mga tungkulin! Napakarami ko nang nakain at nainom na mga salita ng Diyos, at natanggap ko ang biyaya ng Diyos nang itaas Niya ako para maging isang superbisor. Gayumpaman, sinamantala ko ang anumang pagkakataon para maging tuso at taksil at iniiwasan ko ang paggawa ng tunay na gawain. Naging resulta ito ng pagkaantala at pagkahadlang sa gawain ng iglesia. Dati, noong ako ay isang superbisor, naging tuso, taksil at pabaya ako; ngayon, ginagawa ko na naman ang parehong bagay. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakakaramdam ng paninisi ng sarili at pagkakonsensiya. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, hindi ko nagampanan nang maayos ang tungkulin ko at nahadlangan ko ang gawain ng iglesia. Puno ako ng pagsisisi at hindi ko na nais pang magpatuloy sa ganitong paraan. Mahal kong Diyos, akayin Mo ako para matuto ako ng aral mula sa kabiguang ito. Handa akong magsisi.”
Kalaunan, paulit-ulit kong inisip ang tanong na ito: Bakit ba palagi kong niloloko at nililinlang ang Diyos nang hindi ko namamalayan? Anong disposisyon ang kumokontrol sa akin? Isang beses, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung palagi kang pabasta-basta sa iyong tungkulin, anong uri ng problema ito? Ito ay isang problema na may kinalaman sa iyong pagkatao. Tanging mga taong walang konsensiya at pagkatao ang palaging pabasta-basta. Sa tingin ba ninyo ay maaasahan ang mga taong palaging pabasta-basta? (Hindi.) Sila ay lubhang hindi maaasahan! Ang isang taong pabasta-basta kung gumawa ng kanyang tungkulin ay isang taong iresponsable, at ang isang taong iresponsable sa kanyang mga kilos ay hindi isang matapat na tao—siya ay isang taong hindi mapagkakatiwalaan. Anumang tungkulin ang ginagawa niya, ang isang taong hindi mapagkakatiwalaan ay pabasta-basta, dahil ang kanyang karakter ay hindi umaabot sa isang katanggap-tanggap na pamantayan, hindi niya minamahal ang katotohanan, at talagang hindi siya isang matapat na tao. Maipagkakatiwala ba ng Diyos ang anumang bagay sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan? Hinding-hindi. Dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, hinding-hindi Niya ginagamit ang mga taong mapanlinlang upang gumawa ng mga tungkulin; ang mga tapat lang ang pinagpapala ng Diyos, at gumagawa lamang Siya sa mga tapat at nagmamahal sa katotohanan. Sa tuwing gumaganap sa tungkulin ang isang mapanlinlang na tao, isa itong pagsasaayos na ginawa ng tao, at ito ay pagkakamali ng tao. Ang mga taong mahilig maging pabasta-basta ay walang konsensiya o katwiran, mababa ang kanilang pagkatao, hindi sila mapagkakatiwalaan, at sila ay labis na hindi maaasahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Pamamahala ng Diyos). “Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos ni bahagya, at iresponsable sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Agad itong malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Walang sinumang hindi maayos ang pagganap sa tungkulin ang nagmamahal sa katotohanan o isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay lahat mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, dapat magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at pasanin ang mga tao. Sa paraang ito, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Nakakabahala lang kapag may isang taong walang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, kapag kailangan siyang himukin na gawin ang lahat ng bagay, kapag palagi siyang pabasta-basta, at sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, na humahantong sa pagkaantala ng kanyang pagpapasya. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin? Ayaw nilang gawin ang alinmang gampanin na isinaayos para sa kanila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa gawain, hindi nila pinapansin ang mga ito. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inutusan sila, kapag kinakailangan na talaga nilang kumilos, at wala silang magawa. Hindi ito paggampan sa tungkulin—ito ay may bayad na pagtatrabaho! Ang isang bayarang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, gumagawa ng isang araw na trabaho para sa isang araw na sahod, isang oras ng trabaho para sa isang oras na sahod; naghihintay siyang mabayaran. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi mabayaran sa anumang ginagawa niya, nagtatrabaho lamang siya bilang pakitang-tao—na ang ibig sabihin ay wala siyang katapatan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Naantig ang puso ko ng mga salita ng Diyos. Naunawaan ko na patuloy akong naging tuso at taksil sa paggawa ng aking tungkulin. Ang ugat na sanhi nito ay ang pagiging labis na mapanlinlang ng aking disposisyon. Sa tingin ko, ang mga tao na ang alam lang ay kung paano maging subsob at magsikap sa trabaho, at hindi nila alam kung paano isaalang-alang ang kanilang mga sarili, ay masyadong walang muwang at masyadong totoo. Sa kabilang banda, ang mga taong kayang mag-aksaya ng oras sa gitna ng pagiging abala, kayang magpakana at mandaya para linlangin ang iba: Sila ang tunay na matatalino. Kung kaya, ginampanan ko ang tungkulin ko sa ganitong paraan. Kapag masugid akong binabantayan at sinusubaybayan ng mga lider, masigasig kong ginagampanan ang tungkulin ko. Gayumpaman, sa sandaling wala nang nagbabantay sa akin, nagsisimula akong magpakasasa sa laman at hindi ko na nagagampanan ang mga gawaing dapat kong gawin. Ginawa ko ang isang bagay kapag nakatingin ang mga tao, at iba naman kapag nakatalikod na sila sa akin. Nilinlang ko ang lahat ng mga kapatid ko at pinaniwala ko sila na ako ay may dalang malaking pasanin. Ang totoo, lubos akong nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman nang hindi nila alam, at hindi talaga ako gumagawa ng anumang tunay na gawain kahit kaunti. Talagang napakatuso ko at mapanlinlang! Naisip ko ang mga tao sa mundo, na nagpapanggap na kaya nilang tiisin ang paghihirap at buong lakas na nagsusumikap kapag nasa harap ng amo, pero nagiging tuso at taksil sa sandaling wala na ang amo. Gumagamit sila ng mga pakana para makapanlinlang, at wala silang konsensiya at pagkatao. Para sa kanila, nauuna ang pakinabang. Sa ganitong paraan ko tinrato ang tungkulin ko. Hindi ko inisip kung paano ko gagampanan nang maayos ang tungkulin ko para matugunan ko ang Diyos; patuloy kong isinaalang-alang ang sarili kong mga interes. Naging tuso at taksil ako, at ginagawa ko lang ang mga trabaho para magmukhang mabuti, nililinlang at niloloko ko ang iba. Sa mahahalagang trabaho, binalewala ko ang mga tungkulin ko. Bilang resulta, nahadlangan at naantala ko ang gawain ng iglesia. Hindi ko ginagampanan ang tungkulin ko. Naging isang upahang manggagawa ako, isang trabahador. Dati, inakala ko na ang pagiging tuso at taksil sa likod ng mga tao ay talagang matalino, pero ngayon sa wakas ay nakita ko na ang mga mapanlinlang na tao ay hindi matalino. Sila ay kasuklam-suklam at hangal. Ang pagsandig sa isang mapanlinlang na disposiyon para gawin ang tungkulin ko ay magiging dahilan lamang ng aking mas higit na pagiging tuso. Magiging dahilan din ito upang mas lalo pa akong maghimagsik at lumaban sa Diyos, at upang mawalan ako ng normal na pagkatao. Sa pamumuhay nang ganito, wala akong kahit katiting na integridad o dignidad. Ngayon, ang pagkakatanggal ko ay isang bagay na ako rin ang nagdulot. Kung hindi pa rin ako magsisisi, sa huli ay hindi ko na magagampanan nang maayos ang anumang tungkulin, at hindi ko na makakamtan ang anumang katotohanan. Maibubunyag at maititiwalag lang ako ng Diyos!
Kalaunan, kumain at uminom ako ng mga salita ng Diyos para mahanap ko ang isang landas ng pagsasagawa bilang tugon sa aking mga problema. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, sa katunayan, ginagawa nila ang dapat nilang gawin. Kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa Diyos nang may pag-uugali ng katapatan at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang ugaling ito? Kaya paano mo dapat gamitin ang ugaling ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Dapat mong gawing realidad mo ang ‘pagsamba sa Diyos nang may puso at katapatan.’ Tuwing gusto mong magpakakupad at iraos lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing naaabala ka o mas ginugustong magpakasaya na lamang, dapat mong isaalang-alang: ‘Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsasapuso ko sa paggawa ng aking tungkulin? Ako ba ay nagiging di-tapat sa paggawa nito? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong tuparin ang inaasahan sa akin sa atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?’ Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay palaging pabasta-basta sa iyong tungkulin, na ikaw ay hindi tapat, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, ‘Nadama ko sa sandaling iyon na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; pinahapyawan ko lang iyon nang walang-ingat. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!’ Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin nang lubusan ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin ay mali. Nawalan ka ng ingat doon, tulad ng pagkakaroon ng dagdag na trabaho, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at hayaan Siyang disiplinahin at ituwid ka. Dapat magkaroon ka ng gayong kalooban sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka ka lamang tunay na makapagsisisi. Makapagbabago ka lamang nang lubusan kapag malinis ang iyong konsensiya at nagbago na ang iyong saloobin sa pagganap mo sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dapat magkaroon ng tapat na saloobin ang mga tao kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Ang matatapat na tao lang ang maaaring maging tapat sa Diyos at karapat-dapat na pagkatiwalaan. Katulad ni Noe, na tumuring sa ibinigay na gawain ng Diyos nang may-takot-sa-Diyos at tapat na puso. Kahit na siya ay naharap sa maraming paghihirap sa paggawa ng arka, at labis na napagod, hindi niya kailanman isinaalang-alang ang sarili niyang mga interes at hindi niya kailanman binilang ang kanyang mga pakinabang at kawalan. Sa halip, inisip niya kung paano tatapusin nang buong puso ang ibinigay na gawain ng Diyos sa lalong madaling panahon. Kahit na walang nagbabantay sa kanya, nagawa pa rin niyang magpakita ng pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos at panghawakan ang kanyang tungkulin sa loob ng isang daan at dalawampung taon. Si Noe ay isang taong may tunay na pagkatao. Hindi ko maaaring ikumpara ang sarili ko kay Noe, pero mula sa mga salita ng Diyos at sa mga karanasan ni Noe, naunawaan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Mula noon, kinailangan kong gampanan ang tungkulin ko nang may matapat na puso, at regular na suriin ang aking sarili kapag ginagampanan ko ang tungkulin ko. Nang mapagtanto ko na nagiging pabaya ako, kinailangan kong magdasal sa Diyos at taimtim na maghimagsik laban sa aking sarili. Hindi alintana kung may nagbabantay o sumusubaybay man sa gawain ko o wala, kailangan ko pa ring palaging tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Nagdasal din ako sa Diyos, hiniling ko sa Kanya na ituwid at disiplinahin ako kapag kumilos ako nang pabasta-basta o muling nandaya.
Kalaunan, nagdidilig na ako ng mga baguhan sa iglesia. Minsan, medyo abala ang lider ng pangkat at hindi niya masubaybayan ang gawain ko, at may pagnanais pa rin akong maging pabaya. Naisip ko, “Nakakapagod magdilig ng mga baguhan. Hindi ibig sabihin na bawat problema ay kayang lutasin ng ilang salita at tapos na. Kailangan kong magbayad ng malaking halaga. Dahil hindi sinusubaybayan ng lider ng pangkat ang gawain ko, hindi niya malalaman kung medyo tamad ako. Maghahanap lang ako ng ilang oras para magpahinga, at hindi na magiging isang malaking isyu kung ang mga problema ng mga baguhan ay malulutas pagkalipas ng ilang araw.” Nang maisip ko ito, agad kong napagtanto na mali ang ganitong saloobin. Kahit na hindi sinusubaybayan ng lider ng pangkat ang gawain ko, sinisiyasat naman ng Diyos ang lahat. Hindi na ako maaaring maging tuso at taksil o mandaya pa. Kailangan kong tratuhin ang aking tungkulin nang may matapat na puso at ilaan ang lahat ng aking lakas dito. Kaya nagmadali akong suportahan at tulungan ang mga baguhan na hindi kayang makipagtipon nang regular. Kapag hindi sumasagot ang ilang baguhan sa mga mensahe ko, sinusubukan kong gumamit ng iba’t ibang paraan para makausap sila. Sa pamamagitan ng pagsuporta at pagtulong sa kanila, dahan-dahan at unti-unti, maraming baguhan ang nagbalik sa pakikipagtipon nang regular. Mas maganda ang mga resulta ng tungkulin ko kaysa noon, at talagang nakaramdam ako ng kapanatagan sa pagsasagawa ko nang ganito. Simula ngayon, handa na akong suriin nang madalas ang aking sarili habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, at gamitin ang aking puso at matapat na saloobin para magampanan ko nang maayos ang aking tungkulin. Salamat sa Diyos!