37. Ang Karanasan ng Isang Otsenya Anyos na Babae Matapos Mabingi
Noong 2005, tumuntong ako sa edad na animnapu’t walo, at isang araw noong simula ng Oktubre ng taong iyon, nangaral sa akin ang isang kaibigan ng ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, natiyak ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nag-iisang tunay na Diyos na nagliligtas sa sangkatauhan, at tinanggap ko ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Wala pang isang taon mula nang magsimula akong manampalataya sa Diyos, isinaayos ng lider na ako ang mamahala sa mga aklat ng mga salita ng Diyos ng iglesia. Naisip ko na, “Dahil tinanggap ko ang tungkuling ito, kailangan kong maging masigasig at responsable. Hindi ako dapat magkamali. Makakamtan ko ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ko sa tungkulin ko nang maayos.” Pagkatapos niyon, aktibo kong ginampanan ang aking tungkulin, inoorganisa at nilalagyan ko ng numero ang lahat ng aklat, at malinaw kong inililista ang lahat. Naisip ko na, “Basta’t buong-puso kong inilalaan ang sarili ko sa aking tungkulin, hindi lang ang lider at ang mga kapatid ang matutuwa, kundi tiyak na masisiyahan din ang Diyos at pagpapalain din niya ako.” Ang pag-iisip na pagpapalain at maliligtas ako sa hinaharap ay labis na nagpasaya sa akin. Makalipas ang dalawang taon, isinaayos ng lider na maghatid ako ng mga aklat at liham sa dalawang kalapit na iglesia. Bagama’t medyo nakakapagod ang tungkuling ito para sa isang taong nasa edad ko, sa sandaling maisip ko na sa paggawa ng tungkuling ito ay mabibigyang kasiyahan ko ang Diyos at makakamit ang Kanyang mga pagpapala, at lalo na nang maisip ko ang kagandahan ng kaharian sa hinaharap, labis akong nagalak, kaya kahit pagod ako, hindi ako nagreklamo.
Lumipas ang mga taon, dumating ang 2024, at nasa katandaan na ako sa edad na walumpu’t pito. Taon-taon ay humihina ang aking kalusugan, at nakararanas ako ng maraming karamdaman, tulad ng iregular na tibok ng puso, hyperlipidemia, alta-presyon, at mataas na blood sugar, at tatlong taon bago iyon, nagkaroon ako ng degenerative lumbar disease, at kapag talagang sumusumpong ito, sumasakit nang husto ang ibabang bahagi ng likod ko na hindi ako makatayo, at bawat galaw ay nagdudulot ng matinding kirot. Pero ang totoo, hindi gaanong nakaapekto ang mga karamdamang ito sa damdamin ko dahil hindi naman ito nakakahadlang sa paggawa ko ng aking tungkulin, at hindi nito naapektuhan ang paghahangad ko ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig ko sa Diyos. Ang nakapagdulot sa akin ng labis na sakit ay ang pagkabingi ko sa parehong tainga. Hindi ko man lang marinig ang mga normal na pag-uusap ng pamilya ko, at kailangan pa nilang sumigaw sa tainga ko para makarinig ako kahit kaunti. Binilhan ako ng pamilya ko ng maraming hearing aids, pero wala ni isa ang tumagal. Nagpunta ako sa ospital at na-diagnose na ang pagkawala ng pandinig ko ay dulot ng katandaan, na hindi na magagamot. Pagkatapos niyon, para akong namumuhay sa isang tahimik na mundo. Hindi ko marinig ang mga sermon ng Diyos o ang pagbabahaginan, ni hindi ko rin marinig nang malinaw ang mga himno ng mga salita ng Diyos. Sa mga pagtitipon, hindi ko masundan ang pagbabahaginan ng iba tungkol sa kanilang mga karanasan o pagkaunawa sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at kahit subukan kong basahin ang kanilang mga labi, hindi ko pa rin maintindihan ang sinasabi nila. Dahil sa aking pisikal na kondisyon, itinigil ng iglesia ang pagtatalaga ng mga tungkulin sa akin. Nakaramdam ako ng labis na kalungkutan at maraming beses akong umiyak nang mag-isa. Naisip ko na, “Tapos na talaga ang lahat. Kung wala na akong gagampanang tungkulin, makakaasa pa ba ako sa mga pagpapala o sa isang magandang hantungan? Naging ilusyon na lang ba ang lahat? Inabandona na ba ako ng Diyos? Ngayong bingi na ako, hindi ba’t isang dekorasyon na lang ako, isang taong walang silbi? Anong tungkulin pa ang maaari kong gampanan? Ang ilang matanda sa mundo ng mga walang pananampalataya ay nabubuhay nang higit sa isang daang taon at may maayos pa ring pandinig at paningin. Labingwalong taon ko nang sinusunod ang Diyos; at sa lahat ng taong ito, masigasig kong ginugugol ang sarili ko at aktibo kong ginagampanan ang mga tungkulin ko. Anumang mga tungkulin ang isinaayos ng iglesia para sa akin, palagi kong ginagawa ang mga ito nang taimtim at responsable, at hindi ko kailanman hinayaan na hadlangan ng edad ko ang aking mga tungkulin. Kaya nararapat akong pagpalain at protektahan ng Diyos, at huwag hayaang mabingi. Baki ba ako nabingi? Ngayon, hindi ko na marinig ang tinig ng Diyos o magampanan ang mga tungkulin ko. Paano ko mahahanap ang katotohanan nang ganito? Wala na akong pag-asa sa kaligtasan at ang kagandahan ng kaharian ay hindi ko na maabot. Tapos na ang lahat. Tila ayaw na sa akin ng Diyos. Hindi bale na, halos siyamnapung taong gulang naman na ako at hindi ko alam kung ilang araw pa ang natitira sa akin. Iraraos ko na lang at kakayaning mabuhay sa bawat araw.” Namuhay ako sa mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, talagang nararamdaman ko ang pagkanegatibo at pagkabalisa. Nagsimula kong gugulin ang oras sa aking telepono para palipasin ang oras, at ayaw ko nang magdasal o magbasa ng mga salita ng Diyos. Nang makita ng aking anak ang masamang kalagayan ko, madalas siyang sumisigaw sa tainga ko, “Hindi ba’t nananampalataya ka pa rin sa Diyos? Hindi ba’t dapat nating tanggapin ang mga sitwasyong dumarating sa atin mula sa Diyos? Kung makakamtan man natin ang pagliligtas ng Diyos o hindi ay nakasalalay sa kung hahanapin natin ang katotohanan. Napakarami nang sinabing salita ang Diyos at napakaraming ipinahayag na katotohanan, at sa bawat problema, mayroong landas ng paglutas sa mga salita ng Diyos. Maayos ang iyong mga mata, kaya maaari ka pang magbasa ng mga salita ng Diyos. Basahin mo kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga nakatatanda at kung ano ang Kanyang mga layunin kapag tayo ay dinadapuan ng karamdaman. Tanging sa pagsasangkap sa ating mga sarili ng mas maraming katotohanan natin malulutas ang mga problema natin. Anong kabutihan ang maidudulot ng pagiging negatibo at balisa lang?” Namulat ako sa mga salita ng anak ko. Naging malayo sa Diyos ang puso ko, at bihira na akong magdasal, Hindi ako nakatuon kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos, at ginugugol ko lang ang oras sa telepono ko para palipasin ang oras. Nasadlak ako sa pagiging negatibo at hindi ako makawala. Alam ko na ang karamdaman ko ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pero sadyang hindi ko magawang magpasakop. Pagkatapos, naalala ko ang isang linya mula sa mga salita ng Diyos: “Ang pinakasimpleng tuntunin sa paghahangad sa katotohanan ay na dapat mong tanggapin ang lahat ng bagay mula sa Diyos at magpasakop sa lahat ng bagay. Iyon ay isang parte nito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Naunawaan ko na layunin ng Diyos na tanggapin natin ang lahat ng nangyayari mula sa Kanya, at na dapat tayong magkaroon ng ganap na pagpapasakop. Ibinunyag ng mga katunayan na hindi ako nagpapasakop sa Diyos, at na hindi ako naghahangad ng katotohanan. Yumuko ako sa harap ng Diyos at nagdasal, “Diyos ko, mula nang mawala ang pandinig ko, naging masama ang kalagayan ko. Nararamdaman ko na dahil sa pagkabingi, hindi ko na makakamtan ang pagliligtas o ang mga pagpapala, at namumuhay ako sa paghihirap. Nagtakda ako ng mga kahilingan sa Iyo nang walang katwiran at nagreklamo ako laban sa Iyo. Wala talaga akong konsensiya o katwiran! Diyos ko, bigyan-liwanag at gabayan Mo akong makalabas sa maling kalagayan na ito.”
Kalaunan, nagnilay ako, tinanong ko ang aking sarili, “Bakit nagdulot sa akin ng ganitong paghihirap ang aking pagkabingi? Bakit hindi ako nagkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos?” Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananalig. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga intensyon at mga ninanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng kaliwanagan at paggabay ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na palagi akong nananampalataya sa Diyos alang-alang sa mga pagpapala. Naniwala ako na hangga’t ginagampanan ko nang wasto ang tungkulin ko, may pag-asa akong maligtas. Para sa isang magandang hantungan at para makatanggap ng mga pagpapala, tinatanggap at sinusunod ko, at masigasig na hinaharap ang tungkulin na isinaayos ng iglesia para sa akin. Bagama’t matanda na ako at ang pamamahala ng mga aklat ay mahirap, hindi ko kailanman inireklamo ang mga paghihirap o hinayaang makaapekto ang edad ko sa tungkulin ko. Pero nang ako ay mabingi, hindi ko na marinig ang mga sermon ng Diyos o ang pagbabahaginan o hindi ko na matutunan ang mga himno ng mga salita ng Diyos, at kapag nakikipagtipon ako sa mga kapatid, hindi ko marinig ang mga pagbabahagi nila tungkol sa kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kaya pakiramdam ko, noong tanggapin ko ang yugtong ito ng gawain ay matanda na ako, at ngayong wala na akong marinig, mas kaunti na ang makakamtan kong katotohanan. Lalo na nang tumigil ang iglesia sa pagsasaayos ng mga tungkulin para sa akin, nag-alala ako na hindi na ako makakatanggap ng mga pagpapala, at talagang nasaktan ako. Tumigil ako sa pagdadasal at paghahangad sa katotohanan, at ginugol ko na lang ang oras ko sa aking telepono. Nagkaroon ako ng negatibo, mapanlaban na saloobin, na sinusubukan na lang makaraos. Kung hindi ako nabunyag sa pamamagitan nito, hindi ko pagninilayan at kikilalanin ang aking sarili, at iisipin ko pa rin na maayos ang ginagawa ko sa mga tungkulin ko. Ngayon ko nakita na ang lahat ng ginawa ko ay para sa aking mga pagpapala at sa isang magandang hantungan, at hindi man lang para matugunan ang Diyos. Sa pagninilay na ito, napagtanto ko kung gaano kasama at kasuklam-suklam ang kalikasan ko. Paano ko nasabi na isa akong tao? Paano ako nagkaroon ng lakas ng loob para sabihing, “Labingwalong taon akong nanampalataya sa Diyos, kaya dapat lang na pagpalain at protektahan Niya ako”? Labis akong nahiya. Talagang naging walang-hiya ako! Hindi nagbago ang disposisyon ko kahit kaunti; balewala ang labingwalong taon ng pananampalataya ko—kahit nanampalataya pa ako nang dalawampu’t walo o tatlumpu’t walong taon, wala pa rin itong magiging silbi.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang itiniwalag ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. … Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang pag-isipan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ang mga kilos ng Diyos ay tumutugma sa aking mga pananaw, kaya kong tanggapin ang mga ito at tawaging matuwid ang Diyos, pero kapag hindi, hindi ko kayang tanggapin na matuwid ang Diyos. Palagi kong pinaniniwalaan na pagkatapos kong matagpuan ang Diyos, anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa akin, kaya kong magpasakop, at na masigasig kong ginampanan ang mga tungkulin ko at hindi ko kailanman hinayaang makaantala sa mga ito ang katandaan ko, kaya naisip ko na dapat akong pagpalain ng Diyos at hindi Niya dapat hinayaan na mabingi ako, at kapag nagawa niya ito ay saka lamang Siya magiging matuwid. Ngayong hindi ko na magampanan ang mga tungkulin ko dahil sa aking pagkabingi at ang layon kong makatanggap ng mga pagpapala ay hindi natutugunan, pakiramdam ko ay hindi matuwid ang Diyos. Pero matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pinaniniwalaan ko lang ay ang aking mga kuru-kuro at imahinasyon, at na hindi tumutugma ang mga ito sa katotohanan. Ginamit ko ang makamundong pananaw na “Kapag mas marami kang ginagawa, mas marami kang makukuha; kapag mas kaunti, mas kaunti rin ang makukuha mo; walang gawa, walang gantimpala” para sukatin ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Mali ang aking pananaw. Kung tumutugma man o hindi ang mga kilos ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, palagi pa ring nasa tao ang mabubuti Niyang layunin. Anuman ang gawin ng Diyos sa anumang nilikha ay matuwid. Dahil ang diwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Hindi ko ito dapat sukatin ayon sa aking mga kuru-kuro. Sabi ng Diyos: “Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos.” Isa lamang akong ordinaryong nilikha, anong karapatan ko para magtakda ng kahilingan sa Diyos? Nang maisip ko ang mga hindi makatwirang kahilingan ko sa Diyos, nakaramdam ako ng malalim na kalungkutan at pagsisisi, at tumulo ang mga luha ko sa aking mukha. Ako ay 87 taong gulang na at kaya ko pang magbasa ng mga salita ng Diyos, ito na ang proteksyon at biyaya ng Diyos. Mula noon, hindi ko na kayang magtakda ng mga kahilingan sa Diyos, at kailangan ko nang magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos.
Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, dami ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi hinahatulan ng Diyos ang destinasyon ng isang tao batay sa kung gaano katindi ang tiniis niyang pagdurusa o kung gaano karami ang kanyang nagawa, kundi sa kung nagbago ba ang kanyang disposisyon. Sa lahat ng taong ito, bagama’t palagi kong ginagampanan ang tungkulin ko at tinitiis ang ilang paghihirap, wala akong masyadong alam tungkol sa tiwaling disposisyon ko, at kapag hindi tumutugma ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ko, nagagawa ko pa ring magreklamo at lumaban sa Kanya. Nakita ko na pagkatapos ng lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos, hindi pa rin nagbago ang disposisyon ko, pero umaasa pa rin ako sa kaligtasan at sa isang magandang hantungan, na pawang panaginip lamang. Bagama’t nabingi na ako, maayos pa rin ang mga mata ko, at kaya ko pa ring magbasa ng mga salita ng Diyos, kaya sa hinaharap, kailangan kong higit na pagtuonan ang mga salita ng Diyos higit na hangarin ang katotohanan para maunawaan at malutas ang tiwaling disposisyon ko, at makamit ang pagbabago ng disposisyon.
Kalaunan, matapos pakinggan ng isang sister ang aking karanasan, inilahad niya na hindi ko naunawaan ang kaugnayan sa paggawa ng tungkulin at pagtanggap ng mga pagpapala o kasawian. Ibinahagi rin niya ang isang sipi ng mga salita ng Diyos para aking basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Habang binabasa ko at pinag-iisipan, napagtanto ko na ang tungkulin ng isang tao ay isang gawain na ibinigay ng Diyos, at na ito ay responsabilidad ng isang tao sa kanyang tungkulin, walang kaugnayan sa pagtanggap ng mga pagpapala o kasawian. Ang kakayahang magampanan ang tungkulin ko ay isang pagpapala at karangalan, at makakamit ko lamang ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at pagkakaroon ng pagbabago sa disposisyon habang ginagampanan ang aking tungkulin. Kung hindi nagbago ang diposisyon ko, gaano man karami ang mga tungkulin na aking ginampanan o gaano man karami ang mga daan na aking tinahak, kung hindi ko hinangad ang katotohanan, magiging walang saysay ang lahat, at hindi ko makakamit ang kaligtasan. Mas maraming nagawa si Paul kaysa sa sinuman, pero hindi nagbago ang kanyang disposisyon. Ang mga sakripisyo at pagsusumikap niya sa kanyang gawain ay hindi para matugunan ang Diyos, kundi para magkamit ng mga korona at gantimpala. Taliwas ito sa mga hinihingi ng Diyos, at naglakad siya sa isang landas ng paglaban sa Diyos. Bilang resulta, naparusahan siya at nauwi sa impiyerno. Kinailangan kong isuko ang aking layunin na maghanap ng mga pagpapala, at magkakaroon man ako ng isang magandang hantungan o hindi, kailangan ko pa ring hangarin ang katotohanan. Bagama’t nabingi ako at pansamantalang hindi nagagampanan ang tungkulin ko, maaari pa rin akong magsanay na sumulat ng mga patotoong batay sa karanasan para magpatotoo sa Diyos. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dahil ang mapagpala ay hindi isang naaangkop na layuning dapat hangarin ng mga tao, ano ang isang naaangkop na layunin? Ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad ng mga pagbabago sa disposisyon, at ang magawang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos: ito ang mga layuning dapat hangarin ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lumapit ako sa Diyos sa dasal, “O Diyos! Sa loob ng maraming taon, ginampanan ko ang mga tungkulin ko para lamang makamtan ang mga pagpapala, lumalakad sa isang landas ng paglaban sa Iyo. Handa akong magsisi sa Iyo, isuko ang pagnanais ko ng mga pagpapala at pagtuonan ang paghahangad ng katotohanan. Maghahangad ako ng pagbabago sa disposisyon at magpapasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Pagkatapos, araw-araw kong kinain at ininom ang mga salita ng Diyos, at isinulat ko kung ano ang naging pagkaunawa ko tungkol sa tiwaling disposisyon ko. Nanood din ako ng mga video ng patotoong batay sa karanasan para makita kung paano hinarap ng mga kapatid ang gawain ng Diyos. Minsan, nakikipagbahaginan ako sa aking anak, at nararamdaman ko na bawat araw ay masaya at makabuluhan. Ngayon, napakabuti ng aking kalagayan at kondisyon, at hindi na ako namumuhay sa pasakit dahil sa aking pagkabingi. Salamat sa Diyos!