38. Alam ko na Ngayon Kung Paano Tratuhin ang Aking Pagsalangsang
Noong 2012, noong isa akong lider ng iglesia, dahil sa pagtataksil ng isang Hudas, naaresto ako ng lokal na pulisya. Pinahirapan ako ng mga pulis sa loob ng apat na araw at tatlong gabi nang tuloy-tuloy, nagsasalitan ng pagbabantay sa akin. Sa tuwing nagsisimula akong maidlip, hinahampas nila ng palangganang gawa sa seramika ang ulo ko, at sinisigawan at iniinsulto nila ako. Pinilit nila ako na ihayag kung sino-sino ang mga nakatataas na lider, at nang makita nilang ayaw kong magsalita, buong lakas nilang hinila ang mga posas ko, at pinagbantaan ako, sinasabi na kung hindi ako magsasalita, mapapatalsik sa unibersidad ang dalawa kong anak. Hindi ako nagpalansi sa kanila at wala akong sinabi. Pagtagal, pagod na pagod na ako na hindi ko na talaga kaya. May tumutunog sa mga tainga ko, at umuugong ang ulo ko. Narinig kong sinabi ng isang pulis, “Tingnan natin kung makakatagal ka pa ng isang linggo. Marami pa kaming oras. Hahayaan ka lang namin nang ganito hanggang sa mawalan ka ng kontrol sa utak mo at sasabihin mo sa amin ang anumang gusto namin.” Litong-lito ako at pilit kong pinalilinaw kahit kaunti ang isip ko. Malupit na sinabi ng isang pulis, “Kung hindi ka aamin, palihim ka naming ililipat sa ibang probinsiya, at hindi ka na mahahanap ng pamilya mo.” Nang marinig ko ito, takot na takot ako. Naisip ko, kung ililipat nila ako sa ibang probinsiya, siguradong patuloy nila akong pahihirapan, at kung mamamatay ako sa pagpapahirap nila, hindi na ako magkakaroon ng pag-asang maligtas. Noong panahong iyon, iginiit ng mga pulis na ihayag ko ang mga pangalan ng hindi bababa sa pitong tao. Nahirapan ako nang husto na halos hindi ako makatayo, at natakot ako na kung mawawalan ako ng kontrol sa aking utak at maihahayag ko ang mga impormasyon tungkol sa iglesia, magiging Hudas ako na nagkanulo sa Diyos, at mas mabigat na parusa ang nakaatang doon. Naisip ko, “Ang apat na brother na naaresto ilang araw na ang nakalipas ay pinagmulta na at pinalaya. Kung ibibigay ko ang mga pangalan nila, hindi muna sila tutugisin ng mga pulis. May isa ring tao na naaresto at nagkanulo sa akin noon, at pinaalis na siya sa iglesia. Kahit mahuli siya ng mga pulis, dahil wala siyang anumang impormasyon tungkol sa iglesia, hindi magdurusa ng anumang kawalan ang iglesia.” Kaya pinangalanan ko ang limang taong iyon. Laking gulat ko nang mariing ihampas ng isang hepe ng pulis ang isang notebook sa harapan ko at dinuro ako habang sumisigaw, “Huwag mo akong niloloko. ‘Naturuan na namin ng leksiyon’ ang lahat ng taong iyan!” Nang makita ng ilan sa mga kampon na nagalit ang kanilang hepe, binalot nila ang ulo ko ng de-kuryenteng kumot at tinadyakan ang mga tuhod ko, at pagkatapos ay hinubad nila ang sapatos at medyas ko, at hinampas ng sinturong balat ang mga talampakan ko. Sinabi ng isa sa kanila, “Kung hindi ka magsasalita, tutusukin namin ng mga toothpick ang ilalim ng mga kuko mo.” Sa mga sinabi niyang ito, kinuha niya ang mga toothpick mula sa kotse. Takot na takot ako, iniisip na, “Kung talagang tutusukin nila ng mga toothpick ang ilalim ng mga kuko ko, paano ko ito kakayanin? Mukhang determinado silang pahirapan ako hanggang mamatay.” Labis akong pinanghinaan. Naisip ko ang tungkol sa isang brother na madalas magpatuloy sa akin sa kanyang bahay. Matanda na siya at nagagawa lang niyang mag-host ng mga pagtitipon sa bahay niya, kaya, pakiramdam ko, hindi magdudulot ng malalaking kawalan sa iglesia kung ipagkakanulo ko siya. Isinulat ko ang pangalan at tirahan niya. Nakita nilang hindi pa marami ang pinangalanan ko, kaya nagpatuloy sila sa pagtatanong sa akin. Noong sandaling iyon, naging malinaw ang isip ko, at biglang parang naging hungkag ang puso ko, na parang nawalan ako ng kaluluwa. Talagang natakot ako. Ipinagkanulo ko ang mga kapatid ko na para akong Hudas at hindi ako mapapatawad ng Diyos, at malapit nang magwakas ang buhay ko ng pananampalataya sa Diyos. Kinamuhian ko ang mga demonyong ito, at kinamuhian ko rin ang sarili ko dahil nagpalansi ako sa kanila. Pagkatapos niyon, nang muli silang magtangkang pagsalitain ako, matatag na akong tumanggi, at sa huli, pinakawalan nila ako.
Pagkauwi ko, wala nang naiwang lakas sa katawan ko. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ang Diyos ay matuwid at banal. Ipinagkanulo ko ang aking mga kapatid katulad ng ginawa ni Hudas, at sinalungat ko ang disposisyon ng Diyos. Naramdaman ko na tiyak na ayaw ng Diyos ang isang tulad ko. Sa tuwing naiisip ko kung paano kung paanong ipinagkanulo ko ang aking mga kapatid, binabalot ng kirot ang puso ko. Pinatuloy ako ng nakatatandang brother sa kanyang bahay, pero ipinagkanulo siya. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sinuklian ko ng poot ang kabutihan, dahil naging mas masahol pa ako kaysa sa hayop, at higit pa roon, pinagsisihan ko ang pagkakanulo ko sa Diyos. Noong mga araw na iyon, halos araw-araw akong umiiyak. Naalala ko kung gaano ako kasaya na nakikipagtipon at gumagawa ng mga tungkulin kasama ang mga kapatid ko, pero wala na magpakailanman ang mga araw na iyon. Naging Hudas ako na itinaboy ng Diyos. Nakagawa ako ng di-mapapatawad na kasalanan, at nadama ko na kahit pa magpatuloy ako sa aking pananalig, hindi ililigtas ng Diyos ang isang katulad ko. Ni ayaw kong basahin ang mga aklat ng mga salita ng Diyos o magdasal, at sa tuwing naiisip ko na malapit nang magwakas ang buhay ko ng pananampalataya sa Diyos, labis akong nagiging miserable at nasisiraan ng loob. Naisip ko na baka kapag namatay na ako, doon ako makakaramdam ng ginhawa. Nang masadlak sa pusali, narinig ko ang isang napakabanayad na boses na bumubulong sa aking tainga, “Hangga’t mayroon kang katiting na pag-asa, mag-aalay ang Diyos ng kaligtasan.” Mabilis akong naghanap ng mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Diyos: “Hangga’t may kaunti pa kayong pag-asa ngayon, naaalala man ng Diyos o hindi ang mga pagsalangsang ninyo sa nakaraan, anong kaisipan ang dapat ninyong panatilihin? ‘Dapat akong maghangad ng pagbabago sa aking disposisyon, maghangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, na hindi na muling maloko ni Satanas, at hindi na muling gumawa ng anumang bagay na magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos’” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang mabasa ang mga salita ng Diyos na pampatibay-loob, lubos akong naantig kaya napahagulhol ako. Hiyang-hiya ako. Hindi ako tinatrato ng Diyos ayon sa aking pagsalangsang kundi binibigyan niya pa ako ng pagkakataon na magsisi. Kailangan kong magpatuloy sa paghahangad. Puwede akong magbasa ng mga salita ng Diyos sa bahay kung hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko, at hindi ako puwedeng patuloy na lang na maglublob sa kawalan ng pag-asa. Kalaunan, nabalitaan ko mula sa mga kapatid na hindi hinabol ng mga pulis ang ibang tao na ipinagkanulo ko. Tungkol naman sa brother na nagpatuloy sa akin, nang pumunta ang mga pulis sa bahay niya para arestuhin siya, narinig niya ang ingay ng mga pulis na papalapit at nagtago siya, kaya hindi siya nahuli. Dahil hindi ako nakapagdulot ng malaking kawalan sa iglesia, hindi ako pinatalsik. Alam kong ito ang awa at pagtitimpi ng Diyos sa akin, at nakaramdam ako ng labis na pasasalamat at pagkakautang sa Diyos. Natagpuan ko ang sarili ko na puno ng pagsisisi at pagkakonsensiya. Habang nasa interogasyon ng mga pulis, kung nakilatis ko lang sana ang kanilang mga panlalansi at kung umasa lang ako sa Diyos para magtiis pa nang kaunti, mas naging mabuti pa sana ang kinahantungan ko at hindi ako naging Hudas, hindi sana ako nakapag-iwan ng ganoon kalaking kasiraan. Sa hinaharap, kung aarestuhin akong muli ng mga pulis, maninindigan ako sa aking patotoo, at kahit bugbugin pa nila ako hanggang mamatay, hindi ako susuko kay Satanas o ipagkakanulo ang mga kapatid ko.
Sa huling bahagi ng taglagas ng 2013, inutusan ng probinsiyal na National Security Brigade ang lokal na pulisya na puwersahan akong dalhin sa Public Security Bureau. Habang nasa biyahe kami, inisip ko, “Anuman ang mga panlalansing gagamitin ng mga pulis sa pagkakataong ito—kahit pahirapan pa nila ako hanggang mamatay, hindi ko ipagkakanulo ang mga kapatid ko o isisiwalat ang impormasyon tungkol sa iglesia.” Pagdating ko sa Public Security Bureau, pinagtatanong ako ng kapitan ng National Security Brigade tungkol sa kinaroroonan ng mga handog ng iglesia, sinasabi na kung hindi ako sasagot, ipapadala nila ako sa detention center ng mga kababaihan sa bayan. Nakita ko na hinahabol nila ang pera ng iglesia. Lubos silang kasuklam-suklam at walang kahihiyan, at gaano man nila ako pagbantaan, nanatili akong tahimik. Sa huli, pinakawalan nila ako. Pagkauwi ko, patuloy nila akong pinamanmanan, at inutusan din nila ang pamilya ko para bantayan ako. Sa loob ng halos dalawang taon, hindi ako nakadalo sa mga pagtitipon o normal na nakagawa ng mga tungkulin ko. Medyo nalungkot ako, at sa tuwing naiisip ko kung paanong minsan kong ipinagkanulo ang Diyos at kumilos bilang isang Hudas, na hindi ko na magagawa ang alinman sa mga tungkulin ko, na wala na akong pagkakataong pagbayaran ang aking nagawa, at na sa huli, isa ako sa mga ititiwalag, kumikirot ang puso ko na para bang sinasaksak ito ng patalim. Umiiyak ako habang nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako. Kalaunan, naalala ko ang himno ng mga salita ng Diyos na madalas kong kantahin noon “Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok”: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit anuman ang mangyari, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Ang dapat taglayin ng isang tao sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino ay ang tunay na pananalig sa Diyos. Kailangan kong magpasakop at huwag mawalan ng pananalig sa Diyos, at kahit hindi ako makalabas para gawin ang tungkulin ko, maaari naman akong magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan habang nasa bahay. Nang maisip ko ito, medyo nabawasan ang sakit na nararamdaman ko.
Noong 2015, isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Isang beses, nabalitaan ko na ikinukuwento ni Brother Zhang Ming ang tungkol sa karanasan niya sa pagkaaresto dahil sa kanyang pananalig. Sabi niya, “Kahit pa ipagkanulo ako at makulong ako, hindi ko ipagkakanulo ang iba. Kung gagawin ko iyon, lubusan na talaga akong walang pagkatao!” Nang marinig ko ang sinabing ito ng brother, ni hindi ako nangahas na iangat ang ulo ko. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko na para akong sinasaksak ng patalim. Mas gugustuhin ng brother na ito na makulong kaysa hindi manindigan sa kanyang patotoo, pero dahil sa takot ko para sa buhay ko, ipinagkanulo ko ang mga kapatid ko. Isa itong di-mapapatawad na pagsalangsang. Nasiraan ako ng loob nang maisip ko na hindi ililigtas ng Diyos ang isang taong katulad ko. Kalaunan, nakabasa ako ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid kung saan ipinanumpa nila ang kanilang buhay para makapanindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos, tumatangging maging Hudas. Bagaman bugbog-sarado sila, ang kanilang lakas sa pagbibigay ng patotoo at pagluluwalhati sa Diyos habang nakataas-noo ay tunay na kagila-gilalas. Pagkatapos, tiningnan ko ang sarili ko. Naging isa akong kahiya-hiyang Hudas para lang sa kaginhawahan ng katawan, ipinagkakanulo ang mga kapatid ko at nilalapastangan ang pangalan ng Diyos. Tunay akong naging makasarili at kasuklam-suklam, mas masahol pa kaysa sa hayop, at hindi karapat-dapat mabuhay! Lubha akong nasaktan, at naisip ko na kapag namatay ako balang-araw, magiging malaya ako at hindi na ako magtitiis sa pagpapahirap na nararamdaman ko sa aking kaluluwa. Hindi nagtagal, lumala ang matagal ko nang sakit sa tiyan, at namaga rin ang rayuma sa mga binti ko. Napakasakit nito na hindi ako makatulog sa gabi. Nang mga panahong iyon, pinaalalahanan ako ng mga sister na katuwang ko na hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang aking sarili. Naisip ko, “Ano ang dapat pagnilayan? Ang sakit na ito ay parusa ng Diyos at ang ganting nararapat sa akin. Sino ba ang nagsabi sa akin na matakot sa kamatayan at maging isang Hudas noon? Hindi kailanman mabubura ang mantsang ito. Gaano man ako maghangad, hindi ako magkakaroon ng pagkakataong maligtas tulad ng ibang mga kapatid. Gagawin ko na lang ang anumang ipinapagawa sa akin ng iglesia. Kung kaya kong magtrabaho, gagawin ko, at kapag natapos na ang pagtatrabaho ko, mamamatay na lang ako.” Dahil hindi ko hinahanap ang katotohanan, maraming taon akong naglulublob sa aking pagsalangsang nang walang nararamdamang pagpapalaya. Para itong isang tinik na nakabaon sa puso ko, at lubha akong nasasaktan kahit mabanggit lang ito.
Noong Disyembre 2023, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan. Naglalaman ang video ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na nauugnay sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isa pang sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa emosyon ng pagkalumbay, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nalulumbay sila dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng pagkalumbay ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng pagtukoy sa kung anong uri sila ng tao. … ang mga taong gumawa ng mga bagay na ito ay madalas na nababagabag nang hindi sinasadya, kapag may partikular na bagay na nangyayari, o sa ilang partikular na kapaligiran at konteksto. Dahil sa pagkabagabag na ito, hindi nila namamalayan na nalulumbayna sila nang husto sa, at sila ay naigagapos at napipigilan na ng kanilang pagkalumbay. Tuwing sila ay nakikinig sa isang sermon o sa isang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, unti-unting pumapasok ang pagkalumbay na ito sa kanilang isipan at sa kaibuturan ng kanilang puso, at nag-iisip sila nang husto, tinatanong ang kanilang sarili, ‘Kaya ko bang gawin ito? Kaya ko bang hangarin ang katotohanan? Kaya ko bang makamit ang kaligtasan? Anong uri ako ng tao? Nagawa ko ang bagay na iyon dati, dati akong ganoong uri ng tao. Wala na ba akong pag-asang mailigtas? Ililigtas pa ba ako ng Diyos?’ Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang emosyon na pagkalumbay. Ibinubuhos nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang enerhiya at ginagamit ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin, mga obligasyon, at responsabilidad, at nagagawa pa nga nilang buong puso at isip na hangarin ang katotohanan at pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at pinagsusumikapan nila nang husto ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, sa sandaling may maganap na espesyal na sitwasyon o pangyayari, muli silang nalulumbay, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay may sala. Iniisip nila, ‘Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mapapatawad ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?’ Madalas nilang pinupuna ang kanilang sarili at sa loob-loob nila ay nadarama nila na may sala sila, at palagi silang nagdududa, palaging ginigisa sa pagtatanong ang kanilang sarili. Hindi nila kailanman matalikdan o maiwaksi ang emosyong ito ng pagkalumbay at palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, bagamat maraming taon na silang nananalig sa Diyos, tila ba hindi nila napakinggan o naunawaan ang anumang sinabi ng Diyos. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kwalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nalulumbay. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang naaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong iniisip, inaalala nila kung paano ito nagsimula at kung paano ito nagwakas, inaalala nila ang lahat mula simula hanggang wakas. Paano man nila ito maalala, palagi nilang nadarama na makasalanan sila, kaya palagi silang nalulumbaytungkol sa bagay na ito sa loob ng maraming taon. Kahit na kapag sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin, kahit na kapag sila ay namumuno sa isang partikular na gawain, pakiramdam pa rin nila na wala silang pag-asa na mailigtas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, medyo naantig ako. Mula nang ipagkanulo ko ang mga kapatid ko, may naramdaman akong pagkakonsensiya sa puso ko. Ang dungis na ito ng pagiging isang Hudas ay parang tinik na bumaon sa puso ko, at ramdam ko na hindi patatawarin ng Diyos ang aking pagsalangsang o na hindi Niya ililigtas ang isang tulad ko. Lubha akong nabagabag. Bagaman hindi ako pinatalsik ng iglesia dahil sa pagsalangsang ko at binigyan pa rin ako ng pagkakataon na gawin ang mga tungkulin ko, sa tuwing naiisip ko ang aking pagsalangsang, nasusumpungan ko ang sarili ko na namumuhay sa pagkasira ng loob at determinado na wala akong pag-asang maligtas. Nakita ko na nakaya ng napakaraming kapatid na isantabi ang kanilang mga alalahanin tungkol sa buhay at kamatayan matapos silang maaresto, at nakita ko kung paanong tiniis nila ang iba’t ibang uri ng pagpapahirap nang hindi ipinagkakanulo ang Diyos at namuhay sila nang may tunay na dangal, nakaramdam talaga ako ng kahihiyan dahil dito. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil mas masahol pa ako sa hayop, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil wala akong paninindigan at dahil kumilos ako bilang isang kahiya-hiyang Hudas. Bagaman mukhang ginagawa ko ang mga tungkulin ko, madalas kong iniisip na, “Isa akong Hudas na nagkanulo sa Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang tulad ko? Mapapatawad ba ng Diyos ang mga pagsalangsang ko? Makakabawi ba ako sa aking pagsalangsang sa pamamagitan ng masigasig na paggawa sa mga tungkulin ko?” Pakiramdam ko, tiyak na kinasusuklaman ng Diyos ang isang tulad ko. Nang pag-usapan ng mga kapatid ang tungkol sa buhay pagpasok at paghahangad ng pagbabago sa disposisyon, naramdaman kong tunay akong hindi karapat-dapat. Napakatagal na panahon akong binagabag ng aking pagsalangsang, namumuhay sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob, nang walang determinasyong maghangad sa katotohanan. Naging kontento na ako sa pagtatrabaho lang nang kaunti para makabawi sa aking pagsalangsang. Ang layunin ng Diyos ay na, anuman ang sitwasyong kinakaharap ng isang tao o anuman ang mga pagsalangsang niya, maaari niyang hangarin na baguhin ang kanyang disposisyon. Pero nagkamali ako ng pag-unawa sa Diyos at lumayo ako sa Kanya sa ganitong paraan. Paanong masasabi na mayroon akong pagkatao?
Kalaunan, nagnilay ako, “Bakit masyado akong nasisiraan ng loob? Ano ba talaga ang ugat ng problema ko? Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay kailanman ay hindi matinag-tinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilantad ng Diyos ang mga intensiyon ng mga tao sa pananampalataya sa Kanya. Nagtitiis ng paghihirap ang mga tao at gumugugol ng kanilang sarili sa kanilang mga tungkulin alang-alang sa mga pagpapala, at para sa kanilang magandang kinabukasan at tadhana. Sa sandaling hindi sila makatanggap ng mga pagpapala at wala silang magandang kinabukasan o hantungan, nasisiraan sila ng loob, hindi na sila naghahangad sa katotohanan o nagsusumikap para isagawa ang katotohanan, at pakiramdam pa nga nila na wala nang anumang kabuluhan ang manampalataya sa Diyos. Pinagnilayan ko noong una akong magsimulang manampalataya sa Diyos, nagsakripisyo ako, gumugol ng sarili ko, at aktibong nangaral ng ebanghelyo, at kahit noong inusig ako ng pamilya ko, ginulo ng mga nasa mundo ng relihiyon, at siniraan ng mga tao sa mundo, nagpursige ako sa tungkulin ko. Naniwala ako na kung gagawin ko iyon, magkakaroon ako ng mga pagpapala at magandang hantungan sa hinaharap. Pagkatapos kong maaresto, ipinagkanulo ko ang aking mga kapatid dahil takot akong mamatay, at naging Hudas ko, gumagawa ng isang malubhang pagsalangsang, kaya naramdaman ko na hindi na ako ililigtas ng Diyos. Nang makita ko na hindi na ako makakatanggap ng mga pagpapala, nawalan ako ng pananalig na magsumikap na umangat at ginugol ko ang mga araw ko na parang isang naglalakad na bangkay. Kalaunan, muli kong ginawa ang tungkulin ko, pero hindi ko ito ginawa para palugurin ang Diyos. Gusto ko lang na makita ng Diyos ang halagang ibinabayad ko sa aking tungkulin at na patawarin Niya ang aking pagsalangsang at ipawalang-sala ako, umaasa na sa hinaharap, baka magkaroon ako ng pag-asang makatanggap ng mga pagpapala. Nakita ko ang ilang naarestong kapatid na nagtitiis ng pagpapahirap at isinusumpa nila ang kanilang buhay na hindi nila ipagkakanulo ang Diyos, at nakita ko kung paano sila nanindigan sa kanilang patotoo. Samantala, ipinagkanulo ko ang Diyos bilang isang Hudas, at nang maisip ko kung gaano kasuklam-suklam para sa Diyos ang pagsalangsang ko, at na hindi ako makatanggap ng mga pagpapala, huminto ako sa paghahangad sa katotohanan at sa pagsusumikap na umangat, at nasadlak ako sa kalagayan ng kawalan ng pag-asa at pagkasira ng loob. Naisip ko si Pablo na umamin na siya ang pinakamalaking makasalanan na kumokontra sa Diyos matapos siyang ilugmok ng Diyos, pero wala siyang pagkaunawa sa kalikasang diwa ng pagkontra niya sa Panginoong Jesus, at ginamit niya ang kanyang pagdurusa, pagkakabilanggo, pagpapakaabala, at mga paggugol bilang kapital para singilin ang Diyos ng korona at mga gantimpala. Ang mga intensiyon ni Pablo sa likod ng kanyang pagdurusa at mga paggugol ay para maghanap ng mga pagpapala at makipagtawaran sa Diyos. Hindi iyon tunay na pagsisisi. Nakagawa ako ng napakalaking kasamaan sa pamamagitan ng pagkakanulo ko sa mga kapatid ko, pero umasa pa rin ako na makukuha ko ang pagpapatawad ng Diyos sa mga kasalanan ko sa pamamagitan ng aking tungkulin, at na magkakaroon ako ng pagkakataon na makatanggap ng mga pagpapala. Hindi talaga ako makatwiran! Sa pagtitiyaga sa akin ng Diyos at pagbibigay sa akin ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko, kailangan kong magkaroon ng konsensiya at katwiran, at masigasig na gawin ang tungkulin ko, at hindi mahalaga kung makakatanggap man ako ng mga pagpapala sa hinaharap, kailangan kong magpasakop. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, palagi kong sinusubukang makipagtawaran sa Iyo para sa mga pagpapala, at tunay akong naging mapaghimagsik at walang pagkatao. Kahit na sirain Mo ako matapos kong makompleto ang aking pagtatrabaho, dapat ko pa ring purihin ang pagiging matuwid Mo. Diyos ko, handa po akong tunay na magsisi. Anuman ang kalalabasan ko, handa akong gawin nang maayos ang tungkulin ko bilang isang nilikha, at hindi na maghangad ng mga pagpapala.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakagawa ng maliit na paglabag, ipinagpapalagay ng ilang tao na: ‘Ibinunyag at itiniwalag na ba ako ng Diyos? Pababagsakin ba Niya ako?’ Naparito ang Diyos para gumawa sa pagkakataong ito hindi upang pabagsakin ang mga tao, kundi upang iligtas sila, sa pinakamalawak na paraang posible. Walang sinuman na walang pagkakamali—kung pababagsakin ang lahat ng tao, magiging pagliligtas ba iyon? Ang ilang paglabag ay ginagawa nang sadya, samantalang ang iba ay hindi sinasadya. Kung kaya mong magbago pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ginagawa mo nang hindi mo sinasadya, pababagsakin ka ba ng Diyos bago mo iyon magawa? Ililigtas ba ng Diyos ang mga tao sa ganoong paraan? Hindi Siya ganoon gumawa! Mayroon ka mang masuwaying disposisyon o kumilos ka man nang hindi sinasadya, tandaan mo ito: Dapat kang magnilay-nilay at kilalanin ang iyong sarili. Magbago ka nang tuluyan, kaagad, at magpunyagi ka nang buong lakas mo para sa katotohanan—at, anumang sitwasyon ang dumating, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang pagliligtas ng tao, at hindi Niya basta-bastang pababagsakin ang mga taong nais Niyang iligtas. Tiyak ito. Kahit may isa ngang mananampalataya sa Diyos na Kanyang pinabagsak sa huli, garantisado pa rin na ang ginawang iyon ng Diyos ay matuwid. Pagdating ng panahon, ipapaalam Niya sa iyo ang dahilan kaya Niya pinabagsak ang taong iyon, para lubos kang makumbinsi. Sa ngayon, pagsikapan mo lang ang katotohanan, pagtuunan ang pagpasok sa buhay, at hangarin na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Walang pagkakamali rito! Paano ka man pakitunguhan ng Diyos sa huli, sigurado itong matuwid; hindi ka dapat magduda rito at hindi mo kailangang mag-alala. Kahit na hindi mo nauunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos sa ngayon, darating ang araw na ikaw ay makukumbinsi. Gumagawa ang Diyos nang makatarungan at marangal; hayagan Niyang ibinubunyag ang lahat ng bagay. Kung maingat ninyo itong pagbubulayan, taos-puso ninyong mararating ang konklusyon na ang gawain ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao at baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi naman sa agad pinarurusahan ng Diyos ang mga tao pagkatapos nilang makagawa ng mga pagsalangsang. Tinatrato ng Diyos ang mga tao batay sa konteksto, sa kanilang mga intensiyon, at kanilang diwa. Sa panahon ng pagliligtas sa sangkatauhan, kung sasalangsang ang mga tao at kaya nilang mabilis na magsisi at magbago, at kung kaya nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga pagsalangsang at aktibong magsumikap para tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung magkagayon, binibigyan pa rin ng Diyos ang mga tao ng isa pang pagkakataon. Ito ang prinsipyo ng Diyos sa pagtrato sa mga tao. Pinahirapan ako ng mga pulis hanggang sa puntong halos mawalan ako ng ulirat, at sa kontekstong ito, saglit akong naging mahina, at ipinagkanulo ko ang aking mga kapatid. Hindi ito nagsanhi ng malalaking kawalan sa iglesia o sa mga kapatid ko, at pagkatapos nito, napuno ako ng pagsisisi at pagkamuhi sa sarili ko. Hindi ako pinatalsik ng iglesia at nagsaayos pa rin ito na gawin ko ang mga tungkulin ko. Ito ang habag at pagtitimpi ng Diyos para sa akin. Gayumpaman, sa iglesia namin, may dalawang indibidwal na maraming taon nang naging lider, na pagkatapos maaresto, naging mga Hudas sila at ipinagkanulo nila ang kanilang mga kapatid. Bukod sa wala silang naramdamang pagsisisi, pinirmahan din nila ang “Tatlong Pahayag,” at tinuruan pa ang mga pulis para matukoy at maaresto ang mga kapatid, kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ng malaking pulang dragon. Sila ay mga diyablo sa diwa at sa huli ay pinatalsik sila sa igelsia. Mula sa mga katunayang ito, malinaw na may mga prinsipyo ang Diyos sa pagtrato sa mga tao. Kung isisiwalat ng isang tao ang ilang di-importanteng impormasyon sa sandali ng kahinaan at pagkatapos ay nakakaramdam siya ng pagkakonsensiya at taos-puso siyang nagsisisi, binibigyan pa rin ng Diyos ang taong ito ng mga pagkakataon. Gayumpaman, ang mga nagkakanulo sa Diyos at may diwa ng isang Hudas ay mga mapanirang damo na nakalusot, at dapat silang mapatalsik at sa huli ay humarap sa parusa ng Diyos. Hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos at namuhay ako sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at nagkamali pa nga ako ng pag-unawa sa Diyos at sinukuan ko ang sarili ko. Tunay na naging magulo ang isip ko, at hindi ko matukoy ang tama sa mali o masabi ang kaibahan ng mabuti at masama.
Isang beses, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan na talagang umantig sa akin. Sa video, ipinagkanulo ng brother ang isang sister na nagpapatuloy sa bahay matapos siyang maaresto, at nahirapan siyang ipahayag sa mga salita ang kirot na nararamdaman niya sa puso niya, kaya nagnilay siya kung bakit siya nagkanulo sa Diyos at naging Hudas. Nalaman niya na ginawa niya ang mga bagay na ito dahil sa takot niya sa kamatayan. Sa pagninilay-nilay, nakita ko na ang ugat ng aking kabiguan ay ang takot ko rin sa kamatayan, isang kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos, at kawalan ko ng pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpili? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). Naunawaan ko na nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan. Nakasalalay sa Diyos kung bugbugin man ako ng mga pulis hanggang mamatay. Kahit na pahirapan ako hanggang sa mamatay, kung maninindigan ako sa aking patotoo at magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, magkakaroon ng halaga at kabuluhan ang kamatayan ko. Sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). Bagaman maaaring mamatay mula sa pag-uusig ang pisikal na katawan ng isang tao, kung kayang isakripisyo ng isang tao ang kanyang buhay para manindigan sa kanyang patotoo, sinasang-ayunan ito ng Diyos. Kagaya na lang ng mga disipulo na sumunod sa Panginoong Jesus. Nagdusa silang lahat ng pag-uusig dahil sa pagpapakalat ng ebanghelyo ng Panginoon. Ang ilan ay ipinahila sa kabayo hanggang magkahati-hati, ang iba ay pinugutan ng ulo, ang iba naman ay binato hanggang mamatay, at ipinako nang patiwarik si Pedro alang-alang sa Diyos. Ginamit nila ang kanilang mahalagang buhay para magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos, at bagaman tila namatay ang kanilang mga katawan, bumalik sa Diyos ang mga kaluluwa nila, at namuhay sila sa ibang paraan. Ipinahiya nila si Satanas gamit ang kanilang buhay bilang kabayaran. Kung matatakot ako na pahirapan ng mga pulis hanggang mamatay, ipagkakanulo ang mga kapatid ko at isisiwalat ang impormasyon tungkol sa iglesia, ipagkakanulo ang Diyos at magiging isang Hudas, mapapanatili ko ang buhay ko pero hindi ako magkakaroon ng patotoo ng pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Magiging katatawanan din ako ni Satanas. Bagaman patuloy na mabubuhay ang katawan ko, sa mga mata ng Diyos, mabibilang na ako sa mga patay, at sa huli, parurusahan pa rin ako sa impiyerno. Hindi ko malinaw na naunawaan ang kahulugan ng kamatayan at nakipagkompromiso kay Satanas para umiral nang miserable. Ang paghihirap ng kaluluwa ko dahil sa walang hanggang pagkondena ay higit na mas masakit kaysa pisikal na pagdurusa. Kung kaya kong isakripisyo ang buhay ko para manindigan sa aking patotoo at magdala ng kaluwalhatian sa Diyos, kung magkagayon, tunay akong mamumuhay bilang isang tao. Sa aking pagninilay-nilay, nakita ko na may isa pang dahilan ng aking pagkabigo. Akala ko, hindi magdudulot ng malalaking kawalan sa mga interes ng iglesia kung ipagkakanulo ko ang ilang kapatid na gumawa ng mga di-importanteng tungkulin o iyong mga kapatid na bago lang nahuli at pinakawalan, pero mali ang pananaw na ito. Kung ang pagkakanulo ko ang magiging dahilan ng pagkaaresto sa mga kapatid at pagkatapos ay hindi nila makayanan ang pagpapahirap, kung gayon, baka ipagkanulo nila ang iba, at maraming kapatid pa ang maaaresto. Ito mismo ang gusto ni Satanas. Nilalayon ni Satanas na mas marami pang kapatid ang magkakanulo sa isa’t isa sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbabanta at tukso, inaakay ang mas maraming tao na magtatwa at magtakwil sa Diyos, na sa huli ay nagreresulta sa paglipol ng Diyos sa mga tao dahil sa paglaban nila sa Kanya, at ganap silang nawawalan ng pagkakataon na maligtas. Sa realidad, kahit sino pang kapatid ang ipinagkanulo, ang pagkilos na ito ay pagiging Hudas sa kalikasan, na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, at isa itong di-mabuburang mantsa sa mga mata ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, mas lalo kong kinamuhian ang CCP, at kinamuhian ko rin ang sarili ko dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan at sobra akong naging kahabag-habag.
Kalaunan, hinanap ko kung paano ko dapat itrato ang aking mga pagsalangsang at kung paano magsagawa sa paraang maaari kong matanggap ang pagtitimpi ng Diyos. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano ka mapapawalang-sala at mapapatawad ng Diyos? Ito ay nakasalalay sa iyong puso. Kung sinsero kang magtatapat, kung tunay mong kikilalanin ang iyong pagkakamali at problema, at kikilalanin mo ang ginawa mo—isa man itong pagsalangsang o kasalanan—magkaroon ka ng saloobin ng tunay na pangungumpisal, makaramdam ngtunay na pagkamuhi sa iyong nagawa, at talagang ituwid ang sarili mo, at hindi mo na ulit gagawin ang maling bagay na iyon, kapag nagkagayon, balang araw, matatanggap mo ang pagpapawalang-sala pagpapatawad ng Diyos, ibig sabihin, ang iyong kalalabasan ay hindi na ibabatay ng Diyos sa mga mangmang, hangal, at maruruming bagay na iyong nagawa noon. Kapag nasa ganitong antas ka na, ganap na kalilimutan ng Diyos ang bagay na iyon; ikaw ay magiging katulad na lang ng ibang normal na tao, nang walang anumang pagkakaiba. Gayunpaman, bago ito mangyari ay kailangan mo munang maging sinsero at magkaroon ng tunay na saloobin ng pagsisisi, gaya ni David. Gaano karaming luha ang itinangis ni David para sa nagawa niyang paglabag? Hindi mabibilang ang kanyang iniluha. Ilang beses siyang umiyak? Nakaparaming beses. Maaaring ilarawan ang mga iniluha niya gamit ang mga salitang ito: ‘Gabi-gabing lumulubog sa aking mga luha ang higaan ko.’ Hindi Ko alam kung gaano kalubha ang iyong paglabag. Kung ito ay labis na malubha, maaaring kailangan mong umiyak hanggang ang higaan mo ay lumutang sa iyong mga luha—maaaring kailangan mong magtapat at magsisi sa ganoong antas bago mo matanggap ang pagpapatawad ng Diyos. Kung hindi mo ito gagawin, nangangamba Ako na ang iyong paglabag ay magiging isang kasalanan sa mga mata ng Diyos, at hindi ka mapapawalang-sala rito. Pagkatapos ay magkakaproblema ka at mawawalan na ng saysay na talakayin pa ito. … Kung nais mong matanggap ang pagpapawalang-sala ng Diyos, kailangan mo munang maging tapat: Dapat kang magkaroon ng saloobin na taimtim na magtapat, at kailangan mo ring ialay ang iyong sinseridad at maayos na gawin ang iyong tungkulin, kung hindi ay wala nang dapat pag-usapan pa. Kung magagawa mo ang dalawang bagay na ito, kung maaantig mo ang Diyos sa iyong sinseridad at tapat na pananampalataya, para mapapawalang-sala ka Niya sa iyong mga kasalanan, magiging kagaya ka ng ibang tao. Titingnan ka ng Diyos sa paraang katulad ng pagtingin niya sa ibang tao, pakikitunguhan ka Niya sa paraang katulad ng pakikitungo Niya sa ibang tao, at hahatulan at kakastiguhin, susubukin at pipinuhin ka Niya sa paraang katulad ng ginagawa Niya sa ibang tao—hindi magiging iba ang magiging pagturing sa iyo. Sa ganitong paraan, hindi ka lamang magkakaroon ng determinasyon at pagnanais na hangarin ang katotohanan, kundi ikaw ay bibigyang-liwanag, gagabayan, at tutustusan din ng Diyos sa parehong paraan sa iyong paghahangad sa katotohanan. Siyempre, dahil ngayon ay mayroon ka nang sinsero at tunay na hangarin at isang taimtim na saloobin, hindi magiging iba ang pagtrato sa iyo ng Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang iba at, tulad ng ibang tao, magkakaroon ka ng pagkakataon na mailigtas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano tinatrato ng Diyos ang mga pagsalangsang ng mga tao. Tinitingnan ng Diyos kung tunay na kayang kamuhian ng mga tao ang mga kasalanang nagawa nila, kung tunay ba na kaya nilang magsisi sa Diyos mula sa puso, at maghanap sa mga katotohanang prinsipyo para gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Kinasusuklaman ng Diyos ang masasamang gawa ng mga tao, pero pinahahalagahan din Niya ang kanilang mga pusong nagsisisi. Katulad ni Pedro na tatlong beses na nagtatwa sa Panginoon sa panahon ng paghihirap ng Panginoong Jesus, kalaunan, naalala niya ang mga salita ng Panginoong Jesus at pinagsisihan ang mga kilos niya, at mapait na tumangis habang nagtatapat at nagsisisi sa Panginoong Jesus. Pagkatapos niyon, tinanggap niya ang dakilang atas ng Panginoong Jesus na akuin ang responsabilidad ng pagpapastol sa iglesia, at sa huli, pinatotohanan niya ang kanyang pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapapako nang patiwarik para sa Diyos. Tunay na nagsisi si Pedro sa harap ng Diyos at ginawa siyang perpekto ng Diyos. May isa ring insidente tungkol kay David na nagkasala ng pangangalunya. Dumapo sa kanya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kaya’t sunod-sunod ang mga sakuna sa pamilya niya. Hindi siya nagreklamo sa Diyos, bagkus ay pinagsisihan niya ang mga nagawa niya para salungatin ang Diyos, at umiyak siya nang labis na para bang lulutang na sa luha ang kanyang higaan. Sa kanyang katandaan, isang mas batang babae ang nagsilbi para magpainit sa kanyang kama, pero hindi man lang niya ginalaw ang babae. Tunay na nagsisi sa harap ng Diyos si David. Handa akong tularan sina Pedro at David at taos-pusong magtapat at magsisi sa Diyos. Nagdasal ako sa Diyos para magsisi, “O Diyos, napakatagal akong ginapos ng aking naramdamang pagkasira ng loob, at ito ay dahil nabigo akong hangarin ang katotohanan at lubha akong nagkamali ng pag-unawa sa Iyo, at dahil din naging manhid ako na hindi ko hinanap ang katotohanan. Ngayong nabasa ko na ang mga salita Mo, nauunawaan ko na ang Iyong layunin. Gusto ko pong kumilos ayon sa Iyong mga hinihingi, na hindi na magkamali ng pag-unawa sa Iyos, at tunay na magsisi sa Iyo.” Pagkatapos, nagbukas-loob ako sa mga kapatid ko sa pakikipagbahaginan tungkol sa aking pagsalangsang, hinihimay-himay ang ugat ng aking pagkabigo. Isinaayos ng iglesia na magdilig ako ng mga baguhan, at masigasig kong sinangkapan ang sarili ko ng katotohanan. Nang maharap ako sa mga suliranin sa pagdidilig ng mga baguhan, nagdasal ako sa Diyos, umasa sa Kanya, at hinanap ko ang mga katotohanang prinsipyo. Paulit-ulit kong nasaksihan ang patnubay ng Diyos. Labis akong naantig. Bagaman nakagawa ako ng malubhang pagsalangsang, nang umasa ako sa Diyos sa aking mga suliranin, ginabayan at binigyang-liwanag pa rin Niya ako, ipinaparanas sa akin ang gawain at patnubay ng Banal na Espiritu. Nakita ko na basta’t tunay akong nagsisisi, aktuwal akong tutulungan ng Diyos. Puno ang puso ko ng walang tigil na pasasalamat sa Diyos. Sa paghahanap ng katotohanan at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, unti-unti akong nakaahon mula sa naramdaman kong pagkasira ng loob, at nagawa kong tratuhin nang tama ang aking pagsalangsang.
Matapos kong pagdaanan ito, napagtanto ko na ang pagtrato ng Diyos sa mga tao ay katulad ng sa mga magulang sa kanilang mga anak. Kapag mapaghimagsik ang mga anak o gumagawa ng mga pagkakamali, hindi sila palaging pinupuna o pinagsasabihan ng kanilang mga magulang, kundi matiyaga silang ginagabayan, umaasa na makakaya nilang tahakin ang tamang landas. Kapag nakikita ng Diyos na may mga pagsalangsang ang mga tao, bagaman naglalaman ng paghatol, paglalantad, pagkondena, at pagkastigo ang Kanyang mahihigpit na salita, itinuturo din Niya kung paano lutasin ang mga pagsalangsang para magkamit ng tunay na pagsisisi, umaasa na makakayang hangarin ng mga tao ang katotohanan at matatamo ang kaligtasan. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Salamat sa Diyos! Ang abilidad ko na makamit ang mga pagkaunawang ito ay ganap na dahil sa patnubay ng Diyos.