42. Mga Araw ng Pagpapahirap Gamit ang Kuryente
Isang araw noong Hunyo 2004, bandang 1:30 ng hapon, habang umiidlip ako kasama ang dalawang sister, bigla na lang sumugod ang mahigit isang dosenang pulis. Pinatalungko nila kami sa isang sulok, at kahit walang ipinakitang ID, nagsimula silang maghalughog sa bahay. Sinuyod nila ang bawat sulok ng bahay, hanggang sa makakita sila ng ilang CD, mga aklat ng mga salita ng Diyos, isang cellphone, at isang resibo para sa isang handog na 200,000 yuan. Pagkatapos, inihatid kami ng mga pulis sa Public Security Bureau ng lalawigan. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas, at tulungan akong makapanindigan sa aking patotoo, na hindi maging isang Hudas, at hindi Siya ipagkanulo. Pagkatapos, pinag-uusisa ako ng isang pulis, tinatanong ang aking pangalan at kung saan ako nakatira. Hindi ako umimik, kaya nagmadali siya, hinablot ang buhok ko, at malakas akong sinampal nang pito o walong beses. Tiim-bagang niyang sinabi sa akin, “Akala mo magagawa mong manahimik na lang, ha? Mapapagsalita rin kita!” Sinampal niya ako nang napakalakas na parang umikot ang ulo ko at uminit ang pisngi ko. Pagkatapos, inutusan ako ng isa pang pulis na tumayo nang nakadikit ang ilong ko sa pader, Pero hindi dapat sumayad sa pader ang katawan ko habang nakataas ang mga kamay sa magkabilang tagiliran, kapantay ng balikat. Mahigit isang oras akong nakatayo nang ganito, pinagpapawisan nang husto mula sa sobrang pagod, parang mababali ang likod ko sa sobrang sakit, at halos hindi ko na makaya ang bigat at sakit ng mga braso ko.
Nang gabing iyon, dinala ako ng mga pulis sa isang guesthouse at pinahirapan nila ako nang gabing iyon mismo para mapaamin ako. Pinaupo nila ako sa sementadong sahig, nakabuka ang mga binti ko, nakaunat ang mga braso sa harap, magkahiwalay nang ga-balikat ang lapad, kailangang nakatingin lang ako sa harap at hindi ako puwedeng tumungo. Hindi ko puwedeng itiklop ang mga braso ko, at kailangang manatiling tuwid ang likod ko. Pinag-uusisa nila ako tungkol sa pangalan ko, kung saan ako nakatira, at kung kailan ako nagsimulang manampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Wala akong sinabi, at pagkatapos, inilabas ng isang pulis ang resibo ng handog na 200,000 yuan at sinabi sa akin, “Nasaan ang 200,000 yuan? Sabihin mo na! Alam na namin ang lahat tungkol sa iyo, at isa kang lider sa iglesia, kaya sabihin mo na lang sa amin ang totoo!” Nang marinig ko iyon, medyo natakot ako, dahil ngayong nakita nila ang resibo ng handog at nalaman na isa akong lider, hindi nila ako basta-bastang pakakawalan, at hindi ko alam kung paano nila ako susunod na pahihirapan. Sa sandaling iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, dapat kang manatiling matatag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daang ito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at gaano man kalupit ang mga pulis, nasa mga kamay pa rin sila ng Diyos, at alam ko na hangga’t bumabaling ako sa Diyos, umaasa sa Kanya, at tumatayo nang matatag sa tabi Niya, gagabayan ako ng Diyos na mapagtagumpayan si Satanas. Nang maisip ko ito, hindi na ako masyadong natatakot. Pagkatapos na pagkatapos nito, patuloy ang pag-uusisa sa akin ng mga pulis, tinatanong kung nasaan ang pera ng iglesia at kung sino ang mga nakatataas na lider. Nanatili akong tahimik sa buong panahon. Sa sobrang galit, idinikit ng isa sa mga pulis ang de-kuryenteng batuta sa likod ng mga kamay ko at sinimulan akong kuryentehin, pero hindi ako pinayagang gumalaw habang kinukuryente. Nanginginig nang kusa ang mga kamay ko, at habang lalo akong nanginginig, lalo naman niya akong kinukuryente. Sa bawat kuryente, gumigiwang ang buong katawan ko, at napapasigaw ako sa sakit. Pagkatapos, inapakan ng pulis ang mga lulod ko at ginamit niya ang de-kuryenteng batuta para kuryentehin ang buong paa ko, kaya kusang nagkakaroon ng kontraksiyon ang mga binti ko. Nagpatuloy sa pag-uusisa sa akin ang pulis, “Sabihin mo na! Nasaan ang 200,000 yuan?” Wala pa rin akong sinabi. Sumabog siya sa galit, at sinimulan niya akong kuryentehin kung saan-saan, sa aking panga, likod, at likod ng ulo ko. Nang kuryentehin niya ang likod ng ulo ko, pakiramdam ko ay parang may matigas na bagay na marahas na tumama sa ulo ko. Napakatindi ng sakit, at nahilo ako. Nang kuryentehin niya ako sa panga, nanginig ang mga labi ko at nagsalpukan ang mga ngipin ko. Kusa akong bumagsak sa sahig para protektahan ang sarili ko. Sa sobrang galit ng pulis, hinablot niya ang kuwelyo ko at hinila ako para maupo. Pagkatapos ay kinuha niya ang remote control at sinimulang hampasin nang halos isang dosenang beses ang magkabilang pisngi ko gamit ito. Habang hinahampas ako, galit siyang nagsalita: “Tingnan natin kung hanggang kailan mo magagawang manahimik! Hindi ka gawa sa bato!” Sa huli, napagod siya sa paghampas sa akin, at pagkatapos, inutusan niya akong maupo ulit habang nakataas ang mga braso sa parehong posisyon tulad ng dati. Sa tuwing nawawala sa ayos na gusto niya ang pagkakaupo ko, ginagamit niya ang de-kuryenteng batuta para kuryentehin ang mga kamat at paa ko, at hinahampas niya ang mukha ko gamit ang remote kontrol at mga magasin. Nagpatuloy ang ganitong pagpapahirap ng mga pulis hanggang hatinggabi. Matapos kuryentehin at bugbugin ng mga pulis nang ganito, pinanghinaan ako sa puso ko. Sa ganitong pagpapahirap nila sa akin matapos na matapos akong dakipin, hindi ko alam kung ano pang mga pagpapahirap ang susunod nilang gagawin sa akin. Hindi ko alam kung kakayanin ko ito. Kaya naisip ko, “Siguro kung may sasabihin ako sa kanila na hindi naman importante, maiiwasan ko nang kaunti ang paghihirap, at hindi ako magdurusa ng napakatinding sakit.” Pero muli akong napaisip, “Kung magsasalita ako, hindi ba’t magiging isang Hudas ako?” Noong sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ginabayan ako ng mga salita ng Diyos at ipinaunawa sa akin na hindi nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at na kinamumuhian ng Diyos ang mga taong nagkakanulo sa Kanya. Kung ipagkakanulo ko ang Diyos bilang Hudas para lang hindi magdusa ang katawan ko, habang-buhay akong magiging makasalanan, nararapat sa mga sumpa ng Diyos. Nang maisip ko ito, nagpasya akong tiisin ang sakit, iniisip na, “Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, maninindigan ako sa aking patotoo para ipahiya si Satanas.”
Kinabukasan, dinala ako ng mga pulis sa ibang hotel, at pinaupo nila ako sa sementadong sahig, sa parehong posisyon gaya ng dati. Lumapit sa akin ang isang pulis na mga nasa trenta ang edad at mariin niya akong sinampal nang ilang beses, sinusubukan akong ipresyur na ihayag ang aking buong pangalan, tirahan, at kung sino ang mga nakatataas na lider. Nagsalita rin siya ng mga kalapastanganan laban sa Diyos. Nang makitang wala pa rin akong anumang sinasabi, galit niyang hinablot ang de-kuryentent batuta at kinuryente ang mga palad ko, ang likod ng mga kamay ko, ang likod ng ulo ko, at ang panga ko. Napakalakas ng pagkakuryente niya sa akin na gumiwang ako habang nakaupo sa sahig. Pagkatapos ay ipinasok niya ang de-kuryenteng batuta sa aking manggas at kinuryente ang magkabilang braso ko. Hindi mapigil na nanginig ang mga braso ko, at napahandusay ako sa sahig, sumisigaw sa sakit. Sunod niyang inapakan ang ibabang bahagi ng mga binti ko, ipinasok ang batuta sa loob ng pantalon ko, at kinuryente ang mga binti ko. Makalipas ang halos limang minutong ganito, bumagsak ako sa sahig, ganap na nanlalata. Basang-basa ako sa pawis, at sumasakit at namamanhid ang mga binti at braso ko. Tunay na hindi matiis ang sakit. Pagkatapos ay hinablot ako ng pulis sa kuwelyo at hinila ako paupo. Hinubad niya ang kanyang sapatos na gawa sa balat at ilang beses akong tinampal sa pisngi ko. Habang pinapalo niya ako, kinukutya niya ako, sinasabing, “Sumasampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos, hindi ba? Kung gayon, bakit hindi ka inililigtas ng Diyos mo?” Binugbog ako nang husto na nahilo na ako, at nag-init nang husto ang mga pisngi ko. Bumagsak ako sa sahig, hindi ako makagalaw. Natakot ako na baka hindi ko na makayanang tiisin ang brutal na pagpapahirap ng mga pulis, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, napakaliit ng tayog ko. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at determinasyon na magdusa, para makapanindigan ako sa aking patotoo para sa Iyo.” Noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan at kumokontrol sa lahat ng bagay, at Siya ang aking suporta at sandigan. Nasa mga kamay rin ng Diyos ang mga pulis, kaya wala akong dapat ikatakot. Napagpasyahan ko na gaano man ako magdusa o gaano man ako pahirapan, aasa ako sa Diyos para manindigan sa aking patotoo.
Nang makitang wala pa rin akong anumang sinasabi, nagsimulang gumamit ng mas mga banayad na taktika ang mga pulis sa akin. Nang hapong iyon, bandang alas-singko, lumapit sa akin ang isang pulis na nasa edad singkwenta at mahinahon niyang sinabi, “Hindi mo kailangang magmatigas. Kung sasabihin mo sa amin ang nalalaman mo, ipinapangako ko sa iyo na makakauwi ka na. Kasasampalataya mo pa lang sa Diyos, hindi ba? Hindi iyan malaking bagay. Basta’t sasabihin mo lang sa amin kung ano ang nalalaman mo, makakauwi ka na at makakapagpatuloy sa buhay mo. Tingnan mo ang sarili mo, hindi naman talaga sulit na magdusa ka nang ganito dahil sa pananalig mo. Alam na alam mo na kung gaano kasakit ang mga de-kuryenteng batutang iyon. Pag-isipan mong mabuti kung ano ang pipiliin mo!” Naisip ko, “Mula nang maaresto ako, binubugbog, minumura, at kinukuryente ako ng mga pulis, pero itong taong ito, hindi siya gaanong malupit sa akin. Nararamdaman ko na mga pakana ito ni Satanas.” Nang sandaling iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na binabantayan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, na ang oras kung kailan magiging huling-huli na para magsisi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Ipinaunawa sa akin ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos na walang humpay na nagpapakana si Satanas. Pinahihirapan ako ng mga pulis para pilitin akong umamin at para ipagkanulo ko ang mga kapatid ko at ang Diyos, pero ngayon, binago nila ang kanilang kilos at nagkukunwari silang mabait para lang linlangin ako. Tunay silang napakasama at kasuklam-suklam! Pagkaraan ng ilang sandali, nang makita niyang wala akong sinasabi, sa wakas ay inilabas niya ang kanyang mga pangil at mahigpit niyang sinabi sa akin, “Ang pananalig mo sa Makapangyarihang Diyos ay hindi pinahihintulutan ng estado, at bukod pa roon, tinututulan ito ng CCP. Kung hindi ka aamin, hindi makakapasok sa kolehiyo ang mga anak mo, hindi sila makakasali sa militar, sa CCP, o magiging mga lingkod ng gobyerno…. Hindi mo man lang ba sila iniisip? Masisira ang kinabukasan ng mga anak mo dahil sa iyo. Pag-isipan mong mabuti!” Nang banggitin niya ang mga anak ko, nadurog ang puso ko sa sakit, “Kung hindi makakapag-aral o makakahanap ng magandang trabaho ang mga anak ko sa hinaharap, maghihinakit ba sila sa akin?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nababagabag. Habang nasa pasakit at pagkabagabag, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). Agad akong naliwanagan ng mga salita ng Diyos. Nasa mga kamay ng Diyos ang tadhana ng mga anak ko, at pauna nang itinakda lahat ng Diyos ang mga sitwasyong pagdadaanan nila sa buhay at kung gaano kalaking paghihirap ang kailangan nilang tiisin. Gaano man kabangis ang malaking pulang dragon, hindi nito mababago ang kapalaran ng mga anak ko. Kinailangan kong ipagkatiwala sa Diyos ang aking mga anak at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sinusubukang gamitin ng mga pulis ang kinabukasan ng mga anak ko para subukin at takutin ako, at para ipagkanulo ko ang mga kapatid ko at ang Diyos. Hindi ko puwedeng hayaang magtagumpay ang mga pakana nila. Mga bandang alas-siyete ng gabi, dinala ako ng mga pulis sa istasyon ng pulis sa isang bayan kung saan ipinakita sa akin ng mga lokal na pulis ang ilang litrato para tukuyin ko ang mga nasa larawan. Naisip ko, “Hinding-hindi ninyo ako mapipilit na ipagkanulo ang mga kapatid ko!” Kaya anuman ang itanong ng mga pulis, umiling lang ako at nanatiling tahimik. Matapos kunin ang halos isang dosenang litrato, biglang nagkaproblema ang makina at wala na silang makuha pa, at kinailangan akong ibalik ng mga pulis sa hotel. Habang pabalik sa hotel, pinresyur pa ako ng isang hepe ng pulis na ang apelyido ay Qin tungkol sa kinaroroonan ng perang handog. Sinabi ko na hindi ko alam, at sumabog siya sa sobrang galit at sinuntok niya ako nang ilang beses sa noo. Umugong ang ulo ko dahil sa mga suntok. Sa bawat baryong nadadaanan namin, tinatanong ako ni Qin, “Nakapunta ka na ba rito dati?” at sinasabi ko lang na, “Hindi pa ako nakapunta rito.” Nang madaanan namin ang huling baryo, muli siyang nagtanong, “Malamang ay nakapunta ka na rito dati, tama ba? Ilang mga bahay rito ang nagpapatuloy? Kung makikipagtulungan ka sa amin at tutulungan mo kami na may mahuli, pakakawalan ka namin. Ito na ang pagkakataon mo para tubusin ang sarili mo.” Naisip ko, “Pinagdusahan ko na ang malupit ninyong pagpapahirap pagkatapos akong maaresto. Hinding-hindi ko ipagkakanulo ang mga kapatid ko at hahayaan silang maaresto at magtiis ng paghihirap na ito.” Kaya, sinabi ko sa kanya, “Naguguluhan na ako at wala talaga akong alam sa pasikot-sikot dito. Hindi ko alam kung may mga tahanang nagpapatuloy rito.” Nahihilo ako sa biyahe at parang masusuka na ako. Natatakot sila na madumihan ko ang sasakyan, kaya napilitan silang ibalik ako sa hotel. Pasado alas-onse na ng gabi nang nakabalik ako sa hotel. Pinaupo ako ng pulis sa sahig sa parehong posisyon tulad ng dati. Dapat nakatutok lang sa harap ang mga mata ko at hindi nila ako patutulugin, at limang pulis ang nagsalitan sa pagbabantay sa akin. Sa tuwing bumibigat ang mga talukap, kukuryentehin nila ako gamit ang batuta, o hahampasin nila ako ng remote control, o hahablutin ang buhok ko sa unahan ng ulo ko. Sa tuwing bumababa ang mga kamay ko, papasuin nila ang mga palad at daliri ko gamit ang lighter. Magdamag akong pinahirapan nang ganito.
Pagkaumaga ng ikatlong araw, pinalibutan ako ng anim o pitong pulis, pinag-uusisa ako tungkol sa aking tirahan, buong pangalan, at kung sino ang mga nakatataas na lider. Nanatili akong tahimik. Dinampot ng isa sa mga pulis ang isa sa mga tsinelas ko, hinawakan ang buhok ko, at marahas na hinatak. Pagkatapos, sinampal niya ang mukha ko gamit ang tsinelas nang pito o walong beses. Habang sinasampal niya ako, sinabi niya, “Hindi ka gawa sa bakal, at ngayon, bubugbugin ka namin hanggang sa magsalita ka.” Pagkatapos, sinabi niya sa ibang mga pulis, “Huwag kayong maging maluwag sa kanya!” Pagkatapos niyang sabihin iyon, galit siyang umalis. Tig-iisang sinunggaban ng dalawang pulis ang aking magkabilang braso, habang itinutok ng isa pang pulis ang de-kuryenteng batuta sa batok at panga ko, at brutal niya akong kinuryente. Sa bawat kuryente, walang pigil na nanginginig ang katawan ko. Pagkatapos, ipinasok ng pulis ang batuta sa isa sa mga manggas ko at kinuryente ang braso ko sa loob ng mga dalawang minuto. Walang pigil na nanginig ang braso ko dahil sa mga kuryente, at pagkatapos, ganoon din ang ginawa niya sa kabila kong braso. Sa puntong iyon, basang-basa na ang buhok ko, at gumapang ang pawis sa noo ko at sa mga mata ko. Basang-basa sa pawis ang mga mata ko na hindi ko man lang maibukas ang mga ito. Napatiim-bagang na lang ako at nagtiis. Nang makita nilang ayaw ko pa ring magsalita, tinapakan nila ang ibabang bahagi ng mga binti ko, at sinimulang kuryentehin ang mga binti ko gamit ang batuta. Bumagsak ako sa sahig, lupaypay ang buong katawan at basang-basa ng malamig na pawis. Wala na akong lakas para lumaban, at ang tangi kong nagawa ay magsisigaw sa sakit. Nakita ng pulis na pagod na pagod na ako at huminto siya, tinatanong ako, “Gusto mo na bang magsalita? Kung hindi, babalik na naman tayo sa umpisa.” Natakot ako na makuryenteng muli, kaya wala na akong nagawa kundi ibigay sa kanila ang tirahan ko, buong pangalan, at edad. Pagkatapos, matagumpay na sinabi ng pulis na may apelyidong Wu, “Ikaw nga mismo ang hinahanap namin. Ipinagkanulo ka na ng isang naghahatid ng mga aklat, at ikaw raw ang nagsaayos sa kanya na maghatid ng mga aklat. Ang kapal talaga ng mukha mo, nangangahas ka pa na magpaimprenta sa mga tao ng mga aklat tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Talaga bang iniisip mo na papakawalan ka namin? Hayaan mong sabihin ko sa iyo ito. Dalawang buwan ka na naming minamanmanan, at kinunan ka namin ng mga litrato. Pero hindi ko akalain na napakatigas ng ulo mo! Naghahanap ka lang talaga ng problema!” Pagkarinig ko sa sinabi ng pulis, binalot ako ng takot. Hindi ko akalain na dalawang buwan na pala nila akong sinusubaybayan. Ibig sabihin, kilala nila ang lahat ng nakausap ko noong panahong iyon, at hindi ko alam kung may iba pang kapatid na nadamay. Noong sandaling iyon, tahimik na lamang akong nagdasal para sa mga kapatid ko, hinihiling sa Diyos na protektahan sila. Pagkatapos, hiniling sa akin ni Officer Wu na tukuyin ang mga kapatid ko. Binanggit niya ang ilang pangalan ng mga sister at tinanong kung kilala ko ang mga ito. Paulit-ulit kong sinasabi, “Hindi ko sila kilala.” Bigla siyang tumayo at ilang beses akong sinampal, hinahampas ako habang minumura, “Palagi mong sinasabi na hindi mo sila kilala, pero ikaw ang lider nila! Huwag kang masyadong magmatigas! Mag-isip ka nang mabuti at magsabi ka ng totoo; kung hindi, mahihirapan ka talaga!” Nanatili akong tahimik. Sa puntong iyon, itinutok sa akin ng isa sa mga pulis ang de-kuryenteng batuta at sinigawan ako, “Kung hindi ka magsasalita, ipapatikim ko sa iyo kung ano ang tunay na sakit!” Pagkatapos, itinaas niya ang batuta at kinuryente ang bibig ko. Sa lakas ng pagkakuryente sa akin, nanginig ang mga labi ko, umalog ang buong katawan ko, at kusa akong napaatras. Kinuryente niya rin ang panga ko nang ilang beses, pati na ang likod ng mga kamay ko sa loob ng mga dalawang minuto. Napaurong ang mga kamay ko nang kusa at napaatras ang katawan ko. Pagkatapos, tinapakan niya ang ibabang bahagi ng mga binti ko at kinuryente ang mga paa ko gamit ang batuta. Kinuryente ako nang malala na walang kontrol na nangisay ang mga paa ko at napasigaw ako sa sakit. Basang-basa ang buong katawan ko sa malamig na pawis, at ganoon din ang buhok ko. Bumagsak ako sa sahig, desperadong tumatawag sa Diyos sa puso ko. Hiniling ko sa Diyos na bigyan ako ng kalooban na tiisin ang paghihirap na ito. Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Muli akong binigyan ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas, at nagkaroon ako ng determinasyon at lakas ng loob na labanan si Satanas hanggang sa wakas. Pinagtagis ko ang mga ngipin ko at wala pa rin akong sinabi. Noong sandaling iyon, lumapit sa likuran ko ang isang pulis at sinipa ako nang malakas sa ibabang bahagi ng likod ko. Pakiramdam ko ay parang mababali ang baywang ko, at dumaloy sa buong katawan ko ang matinding sakit. Pagkatapos ay inutusan niya akong umupo muli sa parehong posisyon. Pero dahil ilang araw na akong nakaupo sa ganoong posisyon gaya ng utos nila, sobrang bigat na ng mga braso ko na hindi ko na talaga kayang itaas ang mga ito. Sa sobrang galit, sinunggaban ng pulis ang mga posas ko at marahas na hinila pataas. Pagkatapos, bigla niyang binitiwan ang mga ito. Paulit-ulit niya itong ginagawa at hindi siya tumigil hanggang sa basang-basa na siya sa pawis. Pagkatapos ay sinampal niya ako nang ilang beses at minura, “Hindi ako naniniwalang gawa ka sa bato. Babalikan pa kita mamaya!” Maga at manhid na ang mukha ko dahil sa pagkakasampal, at nagsimula nang dumugo ang mga pulso ko dahil sa mga posas. Ilang sandali lang, sinimulan na naman akong kuryentehin ng pulis tulad ng dati, at pinahirapan ako hanggang sa wala na talagang naiwan na lakas sa katawan ko. Parehong parang nalinsad ang magkabilang braso ko, at hindi matiis ang sakit. Nang gabing iyon, nagsalitan ang ilang pulis sa pagbabantay sa akin at hindi ako pinapatulog. Pagkatapos ay nagdala sila ng papel at bolpen, at pinasulat nila sa akin ang mga pangalan at adres ng mga tahanang alam ko na nagpapatuloy. Naisip ko na hinding-hindi ko ipagkakanulo ang mga kapatid ko, pero talagang hindi ko na kaya ang pagpapahirap nila sa akin. Kaya nagkunwari na lang akong nagsusulat habang hawak ang bolpen. Akala nila ay aamin na ako, kaya hindi na nila ako sinaktan nang gabing iyon.
Sa ikaapat na araw, nakita ng pulis na wala akong anumang isinulat, kaya ipinataas nila ang dalawa kong kamay sa ibabaw ng ulo ko, at hindi nila ako pinayagang ipahinga ang mga braso ko o itiklop ang mga ito. Wala pang sampung minuto kong naitataas ang mga kamay ko nang magsimula itong sumakit at kusang bumagsak. Mahigpit na bumaon sa aking laman ang mga kapit ng posas. Wala pang kalahating oras, sumakit na nang husto ang mga braso ko na hindi ko na talaga kayang itaas ang mga ito. Sumabog sa galit ang isa sa mga pulis at sumugod sa akin, hinahablot ang posas ko at puwersahang hinahatak paitaas at pababa ang mga ito nang mahigit sa isang dosenang beses. Sa bawat hatak niya sa mga ito, napupunta sa mga pulso ko ang buong bigat ng katawan ko. Parang hinihiwa ng kutsilyo ang mga pulso ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na talaga kakayanin. Kaya nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, natatakot po ako sa mga pagpapahirap ng mga demonyong ito, at natatakot ako na baka hindi ko ito matiis at ipagkanulo Kita. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas, at protektahan Mo po ako para makapanindigan ako sa aking patotoo at maipahiya si Satanas.” Nang sandaling iyon, naalala ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nagsakripisyo ng sarili nila, nag-alay ng buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Nagawa ni Abraham na ibalik sa Diyos ang kaisa-isa niyang anak, at nawala kay Job ang lahat ng kanyang kayamanan at anak, at napuno ng mga sugat ang katawan niya, pero hindi siya nagreklamo laban sa Diyos, at nagawa pa rin niyang purihin ang banal na pangalan ng Diyos. Maraming mga banal sa buong kasaysayan ang nag-alay ng buhay nila para sa ebanghelyo ng Diyos. Lahat sila ay may tunay na pananalig sa Diyos at kaya nilang ihandog ang lahat para sa Kanya. Pero ano ang nagawa ko para sa Diyos? Kapag nahaharap sa ganitong sitwasyon, takot at pangamba lang ang nararamdaman ko sa puso ko. Kung ikukumpara sa mga banal noon, wala talaga akong panama. Labis akong nahiya sa kaisipang ito, pero kasabay nito, napuno ng lakas ang puso ko, at nagkamit ako ng pananalig na harapin ang pagpapahirap ng mga pulis. Nagdasal ako sa puso ko, “Diyos ko, ipinagkakatiwala ko po ang sarili ko sa Iyo ngayon. Gaano man kabigat ang pagdurusang titiisin ko, maninindigan ako sa aking patotoo para sa Iyo.” Pagkatapos, tig-isang hinawakan ng dalawang pulis ang mga braso ko, at kinuryente ng isang pulis ang batok ko at ang panga ko gamit ang batuta. Pagkatapos, ipinasok niya ang batuta sa manggas ko para kuryentehin ang aking mga braso. Kumuha sila ng isang basong tubig at sinaboy ito sa aking ibabang binti. Dalawang pulis ang tumapak sa mga lulod ko, at pagkatapos ay ginamit nila ang batuta para kuryentehin ang mga binti ko. Nangangatog ang buong katawan ko at sumisigaw ako sa sakit. Sa huli, ni wala na akong lakas na sumigaw, at bumagsak na lang ako sa sahig. Basang-basa ang mukha ko sa pinaghalong luha at pawis, na parang hinugot ako mula sa tubig. Pagkatapos, sinigawan ako ni Officer Wu, “Ikaw ang lider ng iglesia sa lugar na ito, kaya sabihin mo sa amin, nasaan ang 200,000 yuan? Sino ang mga nakakataas mong lider? Ilan ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos sa lugar na ito? Aling palimbagan ang ginamit mo para sa inyong mga aklat? Sasabihin mo sa akin ang lahat ngayon, o kung hindi, lalo ka lang masasaktan pa!” Habang tinitingnan ko ang mababagsik at nagbabanta nilang mga mukha, buong puso kong kinamuhian ang mga demonyong ito! Pero naisip ko ang kasalukuyan kong sitwasyon. Walang puwang para lumaban ako, at ang tangi kong magagawa ay hayaan na lang silang pahirapan at sirain ako. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot, at natatakot akong mamatay ako sa mga kamay nila. Nang sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Ang Diyos ang kumokontrol at siya ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at nasa mga kamay ng Diyos iyon kung pahihirapan ako hanggang sa mamatay. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man kabrutal ang mga demonyong ito, wala silang magagawa sa akin. Kailangan kong manalig sa Diyos. Naisip ko rin kung paanong nagawa ni Pedro na magpapako nang patiwarik para sa Diyos. Nagawa niyang ibigay ang buhay niya sa Diyos nang walang pag-aalinlangan. Nagkamit siya ng pagpapasakop hanggang sa kamatayan at sukdulan niyang minahal ang Diyos. Makabuluhan at may halaga ang pagkamatay ni Pedro, at sinang-ayunan siya ng Diyos. Gusto kong tularan ang halimbawa ni Pedro, at kahit na ang ibig sabihin nito ay ang mamatay, maninindigan ako sa aking patotoo para sa Diyos.
Bandang alas-dos ng hapon, nagdala ang pulis ng isang tambak ng mga litrato at inutusan akong isa-isang tukuyin ang mga naroon. Paulit-ulit kong sinabi na wala akong kilala ni isa sa mga taong iyon. Hinablot ng isa sa mga pulis ang folder at hinampas ang mukha ko gamit nito. Hinampas niya ako nang napakalakas na nahilo ako at bumigat ang ulo ko. Pagkatapos, isa pang pulis ang lumapit sa akin at hinampas niya ang mukha na hindi ko na mabilang sa sobrang dami. Habang hinahampas ako, nagngangalit ang ngipin niya, at sinabi niya, “Bubugbugin kita ngayon hanggang sa mapilitan kang umamin!” Bugbog-sarado ako na dumudugo na ang gilid ng bibig ko, at namamaga ang mga labi ko. Nahihilo ako, at nakaupo lang ako sa kinalalagyan ko, hindi gumagalaw. Pagkatapos, nag-utos ang pulis na maupo ako sa parehong posisyon gaya ng dati, pero dahil wala akong anumang kinain o ininom sa nakalipas na tatlong araw, at pinahirapan ako ng mga pulis, wala na talaga akong naiwang lakas sa katawan ko. Matapos kong saglit na maitaas ang mga kamay ko, nagsimulang bumagsak ang mga ito. Pagkatapos, kumuha ang pulis ng isang lighter at ipinuwesto ang apoy sa ilalim ng mga daliri ko, at sa sandaling bumaba ang mga kamay ko, nakaramdam ako ng matinding sakit habang tinutusta ang mga daliri ko. Nalapnos ang mga kamay ko sa pagkakasunog, at napakatindi ng sakit na hindi ko man lang kayang hawakan ang mga ito. Pagkatapos, sinabi sa akin ng pulis na hawakan ang de-kuryenteng batuta gamit ang dalawang kamay, at sa tuwing bumabagsak ang mga kamay ko, pinapaandar nila ito at kinukuryente ang mga palad ko. Mga apat o limang beses nila akong kinuryente sa halos kalahating oras. Maya-maya, may isa pang pulis na nagdala ng isang kawayang pamalo na mga isang talampakan ang haba at kasingkapal ng isang daliri, at sinimulan niyang paluin nang malakas ang likod ng mga kamay ko sa abot ng kanyang makakaya. Namaga nang husto ang mga kamay ko, na parang mga siopao na sa laki. May malalalim na asul na pasa sa likod ng mga kamay ko, at umagos ang dugo mula sa mga ito. Pagkatapos, hinablot ng pulis ang mga posas ko at marahas na hinatak ang mga ito pataas-pababa nang halos isang dosenang beses. Bumaon sa aking laman ang mga kapit ng posas, at nagsimulang dumaloy ang dugo mula sa aking mga pulso. Mariin niyang sinampal ang mukha ko habang tinatanong ako, “Aamin ka na ba ngayon? Nasaan ang 200,000 yuan?” Hindi ko siya pinansin. Galit na galit siya at kinuha niya ulit ang batuta, ipinasok ito sa aking manggas at kinuryente ang mga braso ko. Nagngangalit ang ngiping sinabi niya, “Tingnan natin kung gaano ka talaga katigas!” Muli akong bumagsak sa sahig, pero hinila niya akong muli at binuhusan ng tubig ang ibabang bahagi ng mga binti ko. Pagkatapos, ipinasok niya ang batuta sa loob ng pantalon ko at kinuryente ang mga binti ko. Sobrang lakas ng pagkakuryente sa akin na walang kontrol na nangisay ang mga paa ko, at hindi ko napigilang subukang takpan ang mga binti ko gamit ang mga kamay ko. Sumasabog sa galit, paulit-ulit na kinuryente ng pulis ang aking mga braso, paa, at likod ng aking mga kamay. Sa huli, mariin niyang inapakan ang mga lulod ko nang ilang beses. Parang nabali ang mga ito, at napasigaw ako sa sobrang sakit. Saka lang tumigil sa wakas ang mga pulis. Bumagsak ako sa sahig, lupaypay sa sobrang pagod. Pinaligiran ako ng ilang pulis at pinagmasdan nila ako. Habang ang ilan ay nakaturo sa akin, kinukutya ako, ang iba naman ay nagbubulung-bulungan. Buong puso kong kinamumuhian ang mga demonyong ito, pero natatakot din ako na patuloy nila akong pahihirapan. Patuloy akong tumatawag sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na protektahan at gabayan ako. Sa mga sandaling iyon, naalala ko ang isang awit sa iglesia na minsan ko nang kinanta, “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos”: “Nang may mga ipinagkatiwala ng Diyos sa aking puso, hindi ako kailanman magpapasakop kay Satanas. Kahit mapugot ang aking ulo at dumanak ang aking dugo, hindi mapapayuko ang gulugod ng mga tao ng Diyos. Magbibigay ako ng matunog na patotoo para sa Diyos, at ipapahiya ang mga diyablo at si Satanas. Pauna nang itinakda ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap, magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi ko na siya pag-aalalahanin. Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang mas umaawit ako sa puso ko, lalo akong lumalakas. Paano man ako pahirapan ng mga pulis sa susunod, kahit lumpuhin o patayin nila ako, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos, at determinado akong maninindigan sa aking patotoo para sa Diyos.
Sa ikalimang gabi, muling nagdala si Officer Wu ng papel at bolpen, at sinabi niyang isulat ko raw sa papel ang mga sagot sa mga tanong nila. Sabi pa niya, “Isulat mo ito nang malinaw bago magbukang-liwayway, kung hindi, buong buhay mong makakasama ang de-kuryenteng batuta!” Dahil limang araw na akong walang pahinga, palagi akong nakakatulog habang nakaupo roon. Pinatayo ako ng isa sa mga pulis para manatiling alerto, at sa tuwing pumipikit ang mga mata ko, sinisigawan nila ako o hinahampas nila ng de-kuryenteng batuta ang upuan. Lubha akong tensiyonado, at nasisindak ako sa bawat hampas. Pagiwang-giwang akong nakatayo roon, pakiramdam ko ay wala nang laman ang utak ko. Dumoble na ang paningin ko, masyado nang nanlabo ang kamalayan ko, at hindi ko na marinig nang malinaw ang mga tanong ng pulis, at kahit ano pa ang itanong nila, sumasagot lang ako ng “Oo.” Natakot akong mamanipula ng mga pulis, kaya mariin kong kinurot ang itaas ng labi ko at ang pagitan ng hinlalaki at hintuturo ko, sinisikap na manatiling gising. Kasabay nito, palagi akong tumatawag sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko! Hindi ko na kayang kontrolin ang sarili ko. Natatakot ako na madulas sa sasabihin ko at maipagkanulo ko ang mga kapatid ko. Pakiusap, magbukas Ka po ng daan para sa akin.” Paglipas ng ilang sandali, nakita kong nakayuko na ang mga pulis na nagbabantay sa akin at nakatulog na sila. Napagtanto ko na ito ang pagbubukas ng Diyos ng daan para sa akin, at nagpasya akong tumakas. Dahan-dahan akong gumapang papunta sa pinto, at hindi nagtagal, umabot na ako sa pinto. Maingat kong binuksan ang pinto at bumaba ng hagdan, natatakot na makagawa ng anumang ingay na gigising sa mga pulis. Masasal ang tibok ng puso ko habang ginagawa ko ito. Pagkalabas ko, desperado akong tumakbo papunta sa isang eskinita. Dahil limang araw at gabi na akong walang pagkain, tubig, o tulog, at dahil na rin sa brutal na pagpapahirap ng mga pulis, ubos na ubos na ang lakas ng katawan ko, at pagkatapos ng ilang hakbang, nanghina ang aking mga paa at halos bumigay na, pero dahil sa takot na maabutan ng mga pulis, pinilit ko ang sarili ko na patuloy na tumakbo. Pasuray-suray akong naglakad, hindi ko alam kung ilang eskinita o kalye ang tinawid ko, hanggang sa nakarating ako sa isang patyo sa wakas kung saan may isang bahay na pinapatayo. Noong gabing iyon, habang umuulan, nahiga ako nang nakadapa sa isang sulok sa tambak ng basura at tinakpan ko ang sarili ko ng isang bunton ng damo. Nilalamig ako nang sobra at nanginginig ang buong katawan ko habang umuulan. Sa sandaling iyon, narinig kong sumigaw ang pulis na humahabol sa akin, “Kapag nahuli natin siya, kahit hindi natin siya patayin, babalatan natin siya nang buhay!” Binalot ako ng takot sa pagsigaw ng pulis at hindi ko alam ang gagawin. Paulit-ulit akong tumatawag sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko! Ano ang gagawin ko? Diyos ko! Pakiusap, protektahan Mo po ako.” Pinigil ko ang hininga ko at nanatili akong walang kibo, nang nakadapa. Paglipas ng ilang sandali, unti-unting tumahimik uli ang paligid, at sa wakas ay gumaan ang tensiyon sa puso ko.
Mga bandang alas-dos ng madaling-araw, wala na akong narinig na ingay sa paligid, kaya naglakas-loob akong lumabas. Matapos ang ilang aberya, natagpuan ko ang bahay ng isang may-edad na sister. Pagkakita niya sa akin na puno ng mga sugat, nagmadali siyang magpakulo ng tubig para makaligo ako, at pagkatapos ay dinalhan niya ako ng isang mangkok ng mainit na pansit miki para kainin. Alam ko na ang lahat ng ito ay pagmamahal ng Diyos, at labis akong naantig na napahagulhol ako, at hindi ko magawang tumigil. Patuloy akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko. Maya-maya pa, bumili ang sister ng maliit na lagari, at matapos ang mahigit dalawang oras ng paglalagari, natanggal din niya sa wakas ang mga posas ko. Nang tuluyang maputol ang mga posas, hinawakan ng sister ang mga pulso ko gamit ang dalawang kamay, umiiyak nang may simpatiya. Umabot ng mahigit dalawang buwan bago gumaling ang mga sugat sa mga pulso ko. Pagkatapos ng sunod-sunod na limang araw na walang tulog, nagkaroon ako ng migraine at tinnitus. Dahil din sa napakaraming beses na pagkakuryente sa akin gamit ang batuta, takot na takot na rin ako sa kuryente. Hindi ako nangangahas na hawakan ang mga saksakan ng anumang de-kuryenteng kasangkapan sa bahay, dahil masagi ko lang ito nang kaunti, nagkakaroon na ako ng ilusyon na nakukuryente ang kamay ko.
Sa panahong iyon na naaresto ako, hindi ko nabilang kung ilang beses akong kinuryente, at sa tuwing pinahihirapan ako, nasasaktan, o nanghihina, tumatawag ako sa Diyos at nagdarasal ako sa puso ko. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. Nakita ko ang awtoridad ng mga salita ng Diyos at naranasan ko ang pagmamahal at proteksiyon ng Diyos para sa akin, at lalo pang lumakas ang pananalig ko sa Diyos. Kasabay nito, sa pamamagitan ng lahat ng pagpapahirap na ito, malinaw ko ring nakita ang maladiyablong diwa ng CCP ng pagkamuhi sa Diyos at paglaban sa Diyos. Isa itong buhay na demonyo na lumalamon sa kaluluwa ng mga tao at nagpapahirap sa kanilang katawan. Natuto akong magtakwil at maghimagsik laban dito mula sa kaibuturan ng aking puso, at mas naging determinado na ako ngayon kaysa dati na sumunod sa Diyos hanggang sa pinakadulo!