44. Isang Mapanganib na Kapaligiran ang Nagbunyag ng Aking Pagkamakasarili
Noong 1998, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Kalaunan, naging kilala ako dahil sa pananalig ko at naging pangunahing pakay ako ng pagmamanman ng mga pulis ng CCP. Noong 2016, umalis kami ng asawa ko sa bahay namin at umupa kami sa ibang lugar para gawin ang tungkulin namin. Maya-maya, sinabi sa akin ng mga kapatid mula sa bayan namin na hinahanap pa rin ako ng mga pulis, at na sinuhulan ng mga pulis ang isang kapitbahay para isumbong ako kung sakaling makita niya ako. Dahil dito, nag-ingat talaga kami habang nasa ibang lugar kami na gumagawa ng mga tungkulin namin, palaging nakaalerto, takot na masubaybayan at maaresto.
Isang umaga sa unang kalahati ng 2023, biglang dumating si Sister Zhang Ning sa bahay ko, may pag-aalala sa mukha niya at sinabi niya na naaresto ang katuwang niyang sister, at naaresto rin ang ilan pang kapatid mula sa iglesia. Nagpunta pa nga ang mga pulis sa ilang bahay-tuluyan para magtanong-tanong. Wala silang mapuntuhan ni Sister Liu Ming at gusto nilang tumuloy sa bahay ko pansamantala. Nang maisip ko kung paanong tinutugis sila at hindi sila makauwi, agad akong pumayag. Pero makalipas ang dalawang araw, nalaman ko na pareho silang ipinagkanulo, at na nakakuha ang mga pulis ng litrato ni Liu Ming at tinutugis siya ng mga ito. Nang mabalitaan ko ito, labis akong kinabahan, at pakiramdam ko ay parang binalot ng madilim na ulap ang buong Tsina, na wala nang ligtas na lugar kahit saan. Hindi ko rin mapigilang mag-alala, iniisip ko, “Dahil tinutugis din ako ng mga pulis ng CCP, hindi ba’t sobrang delikado na manatili sa bahay ko ang dalawang sister na ito ngayon? Lalo na si Liu Ming, may litrato na ang mga pulis sa kanya at aktibo nilang sinusubaybayan ang mga kinaroroonan niya. Marami siyang dinaanang surveillance camera habang papunta sa bahay ko, at kung susuriin ng mga pulis ang footage, mabilis nilang masusubaybayan ang mga galaw niya at mahahanap ang tirahan ko. Kung gayon, maaaresto rin kami!” Naisip ko rin na maraming taon na akong may altapresyon at sakit sa puso, at napaisip ako, “Kung sa huli ay maaaresto at mapapahirapan ako, makakaya ko ba itong tiisin? Paano kung hindi ko kayanin ang pagdurusa at ipagkanulo ko ang Diyos, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang pananalig ko? At mapaparusahan din ako sa hinaharap.” Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong natatakot, at nakaramdam ako ng matinding presyur. Nang sandaling iyon, may pumasok sa isip ko, “Kung nalaman ko lang na magiging mapanganib ang lahat ng ito, hindi na sana ako pumayag na patuluyin sa bahay ko sina Zhang Ning at Liu Ming. Nang sa gayon, hindi sana ako gaanong manganganib. Sa sobrang kilabot ng sitwasyon ngayon, habang mas nagtatagal sila rito, mas lalo akong nanganganib.” Pagkatapos kong maisip ito, kapag nag-uusap kami, nagpaparinig ako sa kanila na hindi ligtas ang tirahan ko, nilalayon kong himukin nina Zhang Ning at Liu Ming ang mga lider na maghanap ng ibang bahay-tuluyan para sa kanila sa lalong madaling panahon. Sa tuwing sinasabi ko ang ganitong mga bagay, pareho silang tila walang magawa. Pagkatapos, nakokonsensya ako, iniisip na hindi ko sila dapat tratuhin nang ganoon, lalo na si Liu Ming. Mahina na nga ang kalusugan niya, at ngayon naman ay tinutugis siya. Hindi pa ganoon katagal nang maaresto ang nanay niya, at walang nakakaalam kung ano na ang nangyari rito, at minsan pa nga, nakita ko si Liu Ming na umiiyak nang mag-isa sa kusina. Nasa malaking panganib sila, at hindi ko na dapat sila itinutulak na umalis, pero nang maisip ko ang sarili kong seguridad, umasa pa rin akong umalis na sana sila sa madaling panahon.
Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, at labis akong naantig nito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na nagseserbisyo si Satanas sa gawain ng Diyos, at na kung wala ang pahintulot ng Diyos, wala itong magagawa. Bagaman tila napakabagsik ng malaking pulang dragon, ito rin ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung minamanmanan at sinusubaybayan man si Liu Ming noong pumunta siya rito, o kung maaaresto man ako, ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, at ang Diyos ang may huling pasya. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, hindi kami mahahanap ng mga pulis. Hindi pa nga ako naaaresto, pero sobra na akong naduduwag at natatakot, at naisip ko pa ngang tanggihan ang pagpapatuloy sa dalawang sister sa bahay ko. Ipinakita nito na wala talaga akong tunay na pananalig sa Diyos. Nang mangyari sa akin ang mga bagay-bagay, walang puwang ang Diyos sa puso ko. Sa anong paraan masasabi na isa akong taong tunay na nananampalataya sa Diyos? Isa akong aktuwal na hindi mananampalataya. Nakita ko na napakababa pa rin ng tayog ko matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil hindi ko hinahangad ang katotohanan. Nang mangyari sa akin ang mga sitwasyon, ibinunyag ng mga ito kung gaano ako kakahabag-habag na walang mga katotohanang realidad.
Kalaunan, nang magtipon-tipon kami, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Sa bansa ng malaking pulang dragon, nagawa Ko na ang isang yugto ng gawain na hindi maarok ng mga tao, na dahilan upang umindayog sila sa hangin, pagkatapos ay marami ang tahimik na natatangay ng ihip ng hangin. Tunay na ito ang ‘giikan’ na malapit Ko nang linisin; ito ang kinasasabikan Ko at ito rin ang plano Ko. Sapagkat maraming masasamang nakapasok habang gumagawa Ako, ngunit hindi Ako nagmamadaling itaboy sila. Bagkus, ikakalat Ko sila pagdating ng tamang panahon. Pagkatapos lamang noon Ako magiging bukal ng buhay, na nagtutulot sa mga tunay na nagmamahal sa Akin na matanggap mula sa Akin ang bunga ng puno ng igos at ang halimuyak ng liryo. Sa lupain kung saan pansamantalang naninirahan si Satanas, ang lupain ng alikabok, walang nananatiling purong ginto, buhangin lamang, kaya nga, sa pagtugon sa mga sitwasyong ito, ginagawa Ko ang yugtong ito ng gawain” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na pinapahintulutan ng Diyos ang pang-uusig at pag-aresto ng malaking pulang dragon sa hinirang na mga tao ng Diyos upang gamitin ito para subukin ang bawat isa. Sa isang banda, ginawa ito para gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao, at sa kabilang banda, ibinubunyag din nito ang mga hindi mananampalataya at mga duwag na tao. Dati, madalas kong sinasabi na isasaalang-alang ko ang mga layunin ng Diyos, at na handa akong magpasakop at maging tapat sa Diyos. Sinabi ko rin na dapat tulungan at mahalin ng mga kapatid ang isa’t isa, pero ibinunyag ng mga katunayan na naglilitanya lang ako ng mga doktrina at islogan, nang walang anumang realidad. Dumating sina Zhang Ning at Liu Ming para tumira sa bahay ko, at noong una, handa akong patuluyin sila. Pero pagkatapos kong makita ang mangilan-ngilang tao na hinuhuli, at mabalitaan na ipinagkanulo ang dalawa sa kanila, at na tinutugis ng mga pulis si Liu Ming, pakiramdam ko ay masyadong mapanganib ang pagpapatuloy ko sa kanila sa bahay ko, at na kung maaaresto ako, masesentensiyahan ako ng mabigat na parusa. Alang-alang sa sarili kong proteksiyon, ayaw ko na silang patuluyin sa bahay ko. Ang naramdaman ko sa puso ko at sinabi ng bibig ko ay nilayong mapaalis sila sa lalong madaling panahon. Naisip ko ang sarili ko. Tinutugis din ako ng malaking pulang dragon at may bahay ako na hindi ko mauwian, at kapag dumaranas ng sakit ang katawan ko at nagdurusa ang puso ko, umaasa rin ako na makatanggap ng tulong mula sa iba. Ngayon, naghanda ang Diyos ng isang angkop na lugar para sa akin, pero nang hindi na makauwi ang mga sister at wala silang ibang mapuntahan, binalewala ko ang seguridad nila, at palagi ko silang gustong itulak palayo. Napagtanto ko na wala akong anumang pagmamahal para sa mga kapatid ko. Gumawa ng mahahalagang tungkulin sa iglesia sina Zhang Ning at Liu Ming, pero sa kritikal na sandaling ito, hindi ko isinaalang-alang kung paano protektahan ang seguridad nila o pangalagaan ang gawain ng iglesia. Sa anong paraan masasabi na mayroon akong anumang katapatan sa Diyos? Napakamakasarili ng kalikasan ko, at wala akong pagkatao! Ngayon ko lang napagtanto na nagseserbisyo ang malaking pulang dragon sa gawain ng Diyos, at na kung wala ang ganitong uri ng sitwasyon, hindi ko sana makikilala ang mga katiwalian ko. Pagkatapos, nagpasya ako na kahit na talagang maaresto ako isang araw, determinado akong maninindigan sa aking patotoo at hindi magkakanulo sa Diyos. Kaya, nakipag-usap ako kina Zhang Ning at Liu Ming tungkol sa kung paano tumugon at lumikas kung darating ang mga pulis para maglahughog sa bahay o kung sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari. Dahil dito, nabawasan ang takot ko.
Makalipas ang ilang panahon, lumipat na sina Zhang Ning at Liu Ming. Dumating naman ang nakababata kong kapatid na babae at ang mister niya para paalalahanan ako na mag-ingat, sinasabi na tinutugis pa rin ako ng mga pulis, at dagdag pa rito, na inakala raw ng mga pulis na isa akong lider, at na kung mahuhuli ako, tiyak na masesentensiyahan ako. Ang bigat ng puso ko, at napaisip ako kung ang mga naaresto at pagkatapos ay nagkanulo sa mga kapatid ay tumukoy at nagkanulo rin sa akin. Alang-alang sa seguridad, itinago ko ang lahat ng importanteng gamit sa bahay ko. Naisip ko na kung may anumang mangyari, lilisanin ko ang bayan at magtatago ako pansamantala. Sa sandaling iyon, biglang bumalik si Liu Ming. Hindi niya nagawang tumira sa bahay-tuluyan na pinuntahan niya dahil minamanmanan ito. Nagulat ako, iniisip na, “Tinutugis si Liu Ming, at may mga kamera kahit saan. Ngayon na bumalik siya matapos lumipat, kung minamanmanan nga siya, madaling matutunton ng mga pulis ang kinaroroonan niya. Noon, medyo ligtas pa ang bahay ko, pero kung gagamitin ng mga pulis ang mga surveillance footage para matunton si Liu Ming, hindi ba’t madidiskubre rin ang bahay ko?” Nang gabing iyon, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, bigla bumalik si Liu Ming. Nag-aalala ako na kung minamanmanan at sinusundan siya, baka madamay ako, at natatakot akong maaresto. Pakiusap, O Diyos, protektahan Mo ang puso ko at patnubayan Mo ako para matuto ng mga aral sa sitwasyong ito.” Pagkatapos magdasal, medyo mas napayapa ang pakiramdam ko. Handa akong pahintulutan si Liu Ming na tumuloy sa bahay ko pansamantala.
Makalipas ang ilang araw, nalaman ko na alam na ng nanay ni Liu Ming kung nasaan ang tahanan ko. Alam din ng isang kamag-anak niya na isang mananampalataya na tumutuloy si Liu Ming sa bahay ko. Naisip ko, “Walang maaasahan sa ngayon. Kung mahuhuli ang kamag-anak na ito at ibubunyag niya na nasa bahay ko si Liu Ming, hindi ba’t mas lalo akong malalagay sa panganib?” Muli akong nakaramdam ng kaba, iniisip na, “Nanganganib nang husto ang seguridad ni Liu Ming, dapat ay pinayuhan ko siya noong umalis siya ilang araw na ang nakakaraan na dahil paalis na siya, hindi na siya puwedeng bumalik, nang sa gayon, hindi na sana ako kailangang mag-alala sa ganitong mga panganib ngayon.” Dahil sa naisip kong iyon, hiniling ko sa kanya na sumulat sa mga lider para sabihin sa kanila na magmadali at humanap ng bahay-tuluyan na malilipatan niya. Pero lumipas ang mga araw, at wala pa ring palatandaan na darating ang mga lider para kunin si Liu Ming, kaya nagsimula akong mabalisa. Walang magawang sinabi ni Liu Ming, “Talagang kakila-kilabot ang buong kapaligiran ng iglesia ngayon, at mahirap makahanap ng angkop na bahay-tuluyan sa sandaling ito.” Nang makita ko ang malungkot na ekspresyon sa mukha ni Liu Ming, nakaramdam ako ng pagsisisi at hindi ko siya magawang paalisin. Kalaunan, napagpasyahan ng mga lider na hindi rin ligtas ang lugar ko, kaya inilipat nila si Liu Ming sa ibang tahanan.
Pagkatapos niyon, nagsimula akong magnilay-nilay at mag-isip-isip, tinatanong ang sarili ko kung anong mga aral ang natutuhan ko sa pagpapatuloy kina Zhang Ning at Liu Ming sa bahay ko sa dalawang pagkakataong ito. Sa pagbabalik-tanaw, nagbunyag ako ng karuwagan sa parehong pagkakataong iyon, dahil gusto kong protektahan ang sarili ko, at palagi kong gustong iwasan ang mga tungkulin ko at hindi ako handang patuluyin ang mga sister sa bahay ko. Kaya, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na babasahin tungkol sa kalagayang ito. Sabi ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na talagang makasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo. Ang inaalala lang nila ay ang maprotektahan ang sarili nila at ang sarili nilang mga interes, at wala silang kahit katiting na pagsasaalang-alang sa pagprotekta sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga kapatid nila. Umasal ako kagaya ng isang anticristo, na sarili ko lang ang iniisip ko sa oras ng mga problema at inuuna ang sarili kong mga interes, nang hindi man lang isinasaalang-alang ang seguridad ng mga kapatid ko o ang gawain ng iglesia. Gumagawa sina Zhang Ning at Liu Ming ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, na isang mahalagang gampanin para sa iglesia. Ngayong nahaharap ang iglesia sa malawakang pag-aresto, maraming bahay-tuluyan ang hindi na makapagbigay ng kanlungan. Medyo mas ligtas pa ang inuupahan kong bahay, kaya, sa ganitong uri ng sitwasyon, dapat sana ay ikinarangal ko pang tanggapin sila para maaari silang magkaroon ng tahimik na kapaligiran kung saan magagawa nila ang mga tungkulin nila. Dagdag pa rito, hindi mabuti ang kalusugan ni Liu Ming, nababagabag siya dahil naaresto ang nanay niya, at dahil siya mismo ay tinutugis din, wala siyang tahanan na mauuwian, kaya dapat ay tinanggap ko siya at inalagaan para maramdaman niyang kampante siya rito at payapa niyang magagawa ang mga tungkulin niya. Gayumpaman, ang inisip ko lang ay kung maaari akong maaresto, kung kaya ko bang manindigan kung maaresto ako, at kung maaari ba akong magkaroon ng magandang hantungan pagkatapos, pero hindi ako nakisimpatiya sa mga sitwasyon o damdamin nila. Para protektahan ang sarili kong seguridad, sinubukan ko pang itaboy sila. Mga sarili kong interes lang ang isinasaalang-alang ako, iniisip na basta’t ligtas ako, iyon lang ang mahalaga. Nakita ko na katulad ako ng mga anticristong inilantad ng Diyos, makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Naisip ko ang mga kapatid sa iglesia, at ang ilan sa kanila, sa kabila ng mga mapanganib na sitwasyon, ay tumatanggap ng mga kapatid na tinutugis. Handa silang sumuong sa panganib para protektahan ang mga kapatid nila, nang walang anumang reklamo. Inaasikaso pa nga ng ilan ang kinalabasang gawain sa kabila ng malaking panganib, inililipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos nang hindi isinasaalang-alang ang personal nilang seguridad, at ang ilan ay sumusulong para protektahan ang mga kapatid nila kapag inaaresto at inuusig ang mga ito. Marami pa ang gayong mga tao. Kaya ng mga taong ito na magtiwala sa Diyos, maghimagsik laban sa kanilang laman, pinangangalagaan ang gawain ng iglesia, pinoprotektahan ang kanilang mga kapatid, at ipinapakita ang katapatan nila para palugurin ang Diyos. Kumpara sa kanila, talagang ang layo ko pa. Naisip ko rin iyong mga Hudas na, matapos silang maaresto, ay nagkanulo sa mga ari-arian ng iglesia at sa mga kapatid nila. Ginawa nila iyon dahil lubusang makasarili ang kalikasan nila, at dahil natatakot silang mamatay at gusto nilang pangalagaan ang buhay nila. Nang bantaan, takutin, at pahirapan sila ng malaking pulang dragon, ayaw nilang magdusa ang laman nila, kaya naman, sumunod sila sa malaking pulang dragon, ipinagkakanulo at nilalapastangan ang Diyos, at sinasalungat ang disposisyon ng Diyos. Naging makasarili rin ako sa ganitong paraan, at kung aarestuhin ako ng malaking pulang dragon, manganganib din akong ipagkanulo ang Diyos! Kinailangan kong mabilis na hanapin ang katotohanan para lutasin ang kalagayan ko.
Sa paghahanap ko, pinagnilayan ko rin ang sarili ko, tinatanong ang aking sarili, “Bakit ba palagi akong natatakot na maaresto?” Ang totoo, ito ay dahil natatakot ako na kung mamamatay ako, hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan o hantungan pagkatapos. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpili? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. … Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng bawat isa sa atin, at na pauna nang itinakda ng Diyos kung kailan at paano mamamatay ang isang tao. Maraming paraan ang pagkamatay ng isang tao, pero malaki ang kaibahan ng halaga at kabuluhan ng mga kamatayang ito, at magkaiba rin ang mga pangwakas na kalalabasan at hantungan ng mga tao. Tulad na lang ng mga disipulo ng Panginoong Jesus na kumilala na ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao, nagawa nilang maging tapat sa Diyos hanggang sa huli, isinasakripisyo ang buhay nila para manindigan sa patotoo nila para sa Kanya. Marami ring mga banal sa paglipas ng mga kapanahunan ang naging martir sa pagpapakalat ng ebanghelyo ng Panginoon. May halaga at makabuluhan ang pagkamatay nila. Bagaman namatay sa iba’t ibang paraan ang katawan nila, hindi namatay ang kaluluwa nila. Sa mga huling araw, nananampalataya tayo sa Diyos at ginagawa natin ang mga tungkulin natin sa ateistang bansang ito, at hindi maiiwasang mahaharap tayo sa pang-uusig at mga kapighatian. Dapat din nating sundan ang halimbawa ng mga banal noong nakaraan, at dapat tayong magkaroon ng determinasyon na sundin ang Diyos hanggang sa kamatayan. Pero sa sitwasyong ito na pinamatnugutan ng Diyos, inisip ko lang kung paano makatakas at protektahan ang sarili ko. Wala akong pananalig o katapatan sa Diyos, ni wala akong anumang pagmamahal para sa mga kapatid ko. Bagaman buhay ang laman ko, hindi ko isinagawa ang katotohanan at wala akong tunay na patotoo, kaya hindi ko talaga nakuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung hindi ako maghahangad sa katotohanan, magsisisi, at magbabago, tiyak na matitiwalag ako.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi mula sa mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Upang magpatotoo sa Diyos at upang hiyain ang malaking pulang dragon, dapat mayroong prinsipyo ang isang tao, at dapat matugunan niya ang isang kondisyon: Dapat niyang mahalin ang Diyos sa puso niya at pumasok sa mga salita Niya. Kung hindi ka papasok sa mga salita ng Diyos, wala kang magiging paraan upang hiyain si Satanas. Sa pamamagitan ng paglago sa buhay mo, naghihimagsik ka laban sa malaking pulang dragon at dinadalhan ito ng lubos na kahihiyan; tanging ito lamang ang tunay na makapagpapahiya sa malaking pulang dragon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos). “Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Kung ano ang pipiliin ng isang tao—ang kanyang mga interes o ang katotohanan—ay labis na nagbubunyag. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at na sumunod sa Kanya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes para mahangad ang katotohanan. Gaano man nila kailangang magdusa, determinado silang panindigan ang kanilang patotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag nahaharap sa mga kakila-kilabot na sitwasyon, dapat akong maghimagsik laban sa laman ko at isantabi ko ang mga pansarili kong interes. Kahit pa nangangahulugan ito ng pagsuong sa panganib o pagdurusa ng mga kawalan sa mga pansarili kong interes, dapat ko pa ring itaguyod ang gawain ng iglesia at protektahan ang seguridad ng mga kapatid ko. Hindi nagtagal matapos umalis si Liu Ming, madalas pumunta sa bahay ko ang ilang kapatid dahil sa mga pangangailangan ng mga tungkulin ko. Naaresto pa nga dati ang isa sa mga brother. Naisip ko, “Madalas na nasa labas ang mga pulis sa mga sasakyan nila at nagpapatrolya sa mga lansangan; nasa rekord na ng mga pulis ang brother na ito, at maraming surveillance camera sa daan papunta sa bahay ko. Kung nagbabantay ang mga pulis, siguradong maaaresto ako sa malao’t madali!” Medyo naging matatakutin na naman ako, at naisip kong sabihan ang mga kapatid na huwag munang madalas na magpunta sa bahay ko. Pero naisip ko na pumupunta sila rito dahil sa mga pangangailangan ng mga tungkulin nila, at kung sasabihin ko ito, siguradong mapipigilan sila. Naalala ko ang karanasan ko noon sa pagpapatuloy ng dalawang sister sa bahay ko, at alam ko na sa pagkakataong ito, hindi puwedeng isaalang-alang ko lang ang sarili kong mga interes. May pananalig ako na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay, at dapat kong unahin ang pagtataguyod sa gawain ng iglesia. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, ipinagkakatiwala ang lahat sa Kanya, at hindi na ako gaanong napipigilan.
Sa pagninilay-nilay sa mga karanasan ko sa panahong ito, nakita ko na tunay na makasarili ang kalikasan ko, at na masyadong mahina ang pananalig ko sa Diyos. Bagaman nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, wala akong tunay na pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ni wala talaga akong anumang mga katotohanang realidad. Ibinunyag ako ng karanasang ito ng pagpapatuloy sa mga kapatid sa bahay ko at ito rin ang pagliligtas ng Diyos sa akin, ipinapakita sa akin ang aking katiwalian at mga pagkukulang at inuudyukan ako na hangarin ang katotohanan. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko!