47. Ibinunyag ng Karamdaman ang Hangarin kong Magkamit ng mga Pagpapala
Noong Setyembre 1999, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Naunawaan ko na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay ginagawa para linisin at gawing perpekto ang mga tao, at sa huli ay ihatid ang mga tao sa kaharian ng Diyos. Napakasaya ko. Naisip ko na, “Dapat akong masigasig na maghangad, mangaral ng ebanghelyo, at maghanda ng higit pang mabubuting gawa para maligtas ako.” Kalaunan, umalis ako ng bahay para gampanan ang tungkulin ko. Umulan man o umaraw o kahit habang hinahanap at inuusig ng malaking pulang dragon, hindi ako kailanman tumigil sa paggawa ng aking tungkulin. Isang araw, sumailalim ako sa isang medikal na pagsusuri at nalaman ko na ako ay hepatitis B carrier. Sinabi ng doktor na ang hepatitis B virus ay panghabang-buhay at hindi nagagamot. Sa sandaling iyon, hindi ako nakaramdam ng takot at nagpatuloy ako sa pagiging abala sa tungkulin ko araw-araw. Hindi inaasahan, makalipas ang anim na buwan, sa isa pang pagsusuri, hindi na nakita ang virus sa aking katawan, at normal na rin ang kalagayan ng aking atay. Nang makita ko na himalang gumaling ang karamdaman ko, labis akong nagpasalamat sa Diyos, at naging mas masigasig ako sa tungkulin ko.
Noong 2019, makalipas ang dalawampung taon, nagsimula akong makaramdam ng panghihina, pagkahilo at pananakit sa ibabang bahagi ng aking likod, kaya nagtungo ako sa ospital para sa isang pagsusuri. Seryosong sinabi ng doktor na, “Napakataas ng presyon ng dugo mo. Ang systolic pressure ay mahigit 190 mmHg at ang diastolic ay 110 mmHg. Ito ay lubhang mapanganib, at maaari itong maging sanhi ng biglaang kamatayan. Kung hindi man, maaari itong humantong sa stroke o pagkaparalisa.” Talagang natakot ako rito. Pero naisip ko na, “Hindi ko lubos na mapagkakatiwalaan ang sinasabi ng mga doktor. Tutal, maraming taon ko nang isinusuko ang aking pamilya at propesyon, ipinapangaral ang ebanghelyo at ginagampanan ang tungkulin ko sa aking pananalig, at naniniwala ako na babantayan at poprotektahan ako ng Diyos. Basta’t patuloy kong ginagampanan ang tungkulin ko, marahil isang araw ay gagaling ang karamdaman ko.” Sa panahong iyon, namumuhay ako sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi ako uminom ng gamot para sa altapresyon ni hindi ako naghanap kung paano isasagawa at haharapin ang karamdaman ko. Sa halip, patuloy kong ibinuhos ang sarili ko sa aking mga tungkulin. Noong panahong iyon, ginagampanan ko ang mga tungkuling nakabatay sa teksto. Sa araw, nakikipagbahaginan ako sa mga kapatid upang lutasin ang mga isyu sa kanilang mga tungkulin, at tuwing gabi, sinusuri ko ang mga sermon at sinasagot ko ang mga liham. Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ng pag-usad ang gawain. Gayumpaman, hindi bumaba ang altapresyon ko, at araw-araw ay nakakaramdam ako ng pagkahilo at bigat, na para bang may suot akong helmet na bakal.
Isang araw, narinig kong sinabi ni Sister Wang Lan na ang kanyang ina ay namatay dahil sa altapresyon. Maayos naman ang nanay niya nang bumisita ito sa isang kapitbahay, pero pag-uwi, bigla itong nahilo at isinugod sa ospital. Sinabi ng doktor na dahil ito sa altapresyon na humantong sa pagdurugo sa utak, at siya ay namatay sa kabila ng mga pagsisikap na maligtas siya. Pagkatapos, narinig kong sinabi ng host sister na nagkaroon din ng pagdurugo sa utak dahil sa altapresyon ang kanyang kapitbahay, bumagsak, at naging paralisado, at namatay sa loob lamang ng mahigit dalawang linggo. Noong mga araw na iyon, labis akong nabalisa, at lumitaw ang lahat ng aking alalahanin, pangamba at pagkabalisa. Naisip ko na, “Napakataas pa rin ng presyon ng dugo ko at hindi ito bumababa. Puputok ba ang mga ugat sa utak ko balang araw, at bigla na lang din ba akong mamamatay? Mapaparalisa ba ako? Kung mararatay ako sa kama, paano ko gagampanan ang mga tungkulin ko? Maliligtas pa rin ba ako kung hindi ko magagampanan ang mga tungkulin ko?” Naisip ko ang sinabi ng doktor, na hindi dapat magpuyat at malagay sa matinding pag-aalala ang mga taong may altapresyon, kaya pakiramdam ko ay hindi ko dapat labis na pagurin ang sarili ko sa aking tungkulin, at kapag nakaramdam ako ng labis na pag-aalala at tumaas ang presyon ng dugo ko, na magdudulot ng pagdurugo sa utak, maaari akong mamatay nang bigla, at mawawala na ang pagkakataon kong maligtas. Naramdaman ko na kailangan kong alagaan ang aking kalusugan, at ito ang pinakamahalagang bagay. Pagkatapos niyon, tuwing may naririnig akong mga lunas para sa altapresyon, agad ko itong sinusubukan. Hindi na ako nakakaramdam ng pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin, at kahit na may mga sermon na naghihintay ng pagsusuri, hindi ko minamadali ang sarili ko. Hindi ko na nga tinanong ang mga paghihirap na hinaharap ng mga kapatid sa pagsusulat ng mga sermon, at kahit na hindi ako nakakaramdam ng pagod sa gabi, natutulog pa rin ako nang maaga. Sinikap kong magrelax at huwag pag-alalahanin ang sarili ko, at naging pasibo ako sa aking tungkulin. Bilang resulta, hindi nagbunga ng anumang resulta ang gawain. Kalaunan, sa pamamagitan ng medikasyon, bumalik sa normal ang presyon ng dugo ko.
Pagkatapos, isang araw noong 2021, hiniling ng lider na makipagkita sa akin. Sinabi niya na itinalaga ako ng mga kapatid na maging lider ng iglesia. Naisip ko na, “Tumatanda na ako at may altapresyon. Hindi na maganda ang daloy ng dugo sa utak ko, kaya kailangan ko ng mas maraming pahinga. Ang paggawa ng tungkulin ng isang lider ay nangangahulugan ng pagharap sa maraming gampanin araw-araw, kasama ng mabigat na trabaho at maraming alalahanin. Paano kung magkasakit ako dahil sa labis na pagkapagod? Kung muling tumaas ang presyon ng dugo ko at magkaroon ako ng pagdurugo sa utak, maaari akong mamatay nang bigla at mawalan ng kaligtasan.” Kaya sinabi ko sa lider na mayroon akong altapresyon at hindi karapat-dapat na maging isang lider. Hiniling ng lider na sumailalim ako sa isang pagsusuri sa ospital Nakita sa resulta ng pagsusuri na bahagyang tumaas ang presyon ng dugo ko ngunit hindi naman labis. Naisip ko na, “Maayos naman ang presyon ng dugo ko sa ngayon, pero may kaakibat na maraming gawain at stress ang pagiging isang lider. Paano kung magkasakit ako? Pero mas mabuti nang tanggapin ko ito, yamang maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, at talagang nangangailangan ang iglesia ng mga taong tutulong sa gawain ngayon. Makokonsensiya ako kung tatanggihan ko ang tungkulin ko.” Kaya tinanggap ko ang tungkulin.
Sa isang pagtitipon, nakaupo ako sa harap ng bintana. Mainit ang araw noon, kaya bahagya kong binuksan ang bintana at umupo para magpahangin. Tinanong ng lider ang kalagayan ko, pero nang magsalita ako, nagsimulang manigas ang bibig ko. Labis akong nag-alala, naisip ko na, “Hindi ba’t sinabi ng doktor na ang altapresyon ay maaaring humantong sa pagkaparalisa? Ito ba ay isang tanda niyon? Magiging paralisado ba talaga ako? Palagi kong ginagampanan ang mga tungkulin ko, kaya bakit hindi ako binantayan at pinrotektahan ng Diyos? Halos tapos na ang gawain ng Diyos, at kung magiging paralisado ako ngayon at hindi ko magagampanan ang anumang tungkulin, paano na ako maliligtas at makakapasok sa kaharian?” Sa sandaling iyon, napagtanto ko na mali ang pag-iisip ko at mabilis akong nagdasal nang tahimik, “Diyos ko, nararamdaman ko na naninigas ang bibig ko, na maaaring isang tanda ng pagkaparalisa. Diyos ko, protektahan mo ang puso ko. Kahit na maging paralisado ako, hindi ako magrereklamo. Handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos Mo.” Pagkatapos ng dasal, isinara ko ang bintana, at matapos ang ilang sandali, medyo bumuti ang pakiramdam ko.
Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa pagganap sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? May magbibigay ba ng kongkretong paraan para harapin ito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong may mahinang kalusugan at hindi maayos na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko. May ganito akong karamdaman at hinihiling ko sa Diyos na protektahan ako. Kapag nariyan ang proteksiyon ng Diyos, hindi ko kailangang matakot, ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?’ May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manampalataya sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Isiniwalat ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Noong una kong matagpuan ang Diyos, na-diagnose ako bilang hepatatis B carrier. Sinabi ng doktor na hindi ito magagamot, pero sa pagkamangha ko, gumaling ang karamdaman ko pagkatapos ng anim na buwan nang walang anumang gamutan, kaya mas tumindi ang pagiging masigasig ko sa aking tungkulin. Kalaunan, na-diagnose ako na may malalang altapresyon, at naisip ko na, “Hangga’t nagpupursigi ako sa aking mga tungkulin, nagtitiis ng higit na paghihirap at nagbabayad ng mas mataas na halaga, poprotektahan at papagalingin ako ng Diyos.” Kaya, umulan man o umaraw, humangin man o magnyebe, hindi ako tumigil sa paggawa ng aking mga tungkulin. Nang makita kong nananatiling mataas ang presyon ng dugo ko, nagsimula akong mag-alala na ang labis na pagpapakapagod ko sa aking mga tungkulin ay maaaring magpalala ng kondisyon ko at magdulot ng biglaang kamatayan, kaya nagsimula akong dinggin ang aking laman, at tuwing may naririnig akong lunas para sa altapresyon, humahanap ako ng paraan para subukan ito. Nilamon ng karamdaman ko ang puso ko. Bagama’t patuloy kong ginagampanan ang mga tungkulin ko, hindi na ako maagap katulad ng dati. Hindi ako nagmadali sa pag-organisa ng mga naipong sermon at hindi ko agad na tinugunan ang mga isyu sa gawain. Nawalan ako ng gana sa tungkulin ko, pinapatagal ko ang mga bagay kapag may pagkakataon, at bilang resulta, hindi nagbunga ang gawain. Nang maharap ako sa karamdamang ito, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos o tinanggap ito mula sa Kanya, at hindi talaga ako naniwala na ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Iniisip ko palagi ang tungkol sa hinaharap at tadhana ko, namumuhay ako sa pagkabalisa at pag-aalala, hindi ko maramdaman ang kalayaan.
Pagkatapos, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag dumarating ang karamdaman sa atin, hindi layunin ng Diyos na malugmok tayo sa mga alalahanin, kalungkutan, o pagkabalisa dahil dito. Sa halip, ang layunin Niya ay magpasakop tayo sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, matuto ng mga aral sa pamamagitan ng karamdaman, pagnilayan at kilalanin ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag natin, hangarin ang katotohanan, at iwaksi ang ating mga katiwalian. Napagtanto ko na nang maharap ako sa karamdaman, hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos, at ang inisip ko lang ay kung paano mawawala ang karamdamang ito. Nang marinig ko na may ilang taong namatay dahil sa altapresyon, nagsimula akong magplano at mag-alala sa sarili ko. Kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, ayaw kong labis na mapagod ang katawan ko, at wala akong pagmamadali na tugunan ang mga naipon na sermon. Palagi akong nag-iisip at nagpaplano para sa aking laman. Hindi ko pa nga naunawaan at nagreklamo pa ako laban sa Diyos. Paano ko masasabing tunay akong nananampalataya at nagpapasakop sa Diyos? Ginamit ng Diyos ang karamdamang ito para ibunyag ang maruruming layunin ko para sa mga pagpapala. Lahat ng ito ay para tulungan akong magnilay at magsisi sa tamang panahon, at magpasakop sa Kanya sa huli. Ngayon, napagtanto ko na ang karamdamang ito ay ang pagmamahal at kaligtasan mula sa Diyos!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga intensyon at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang intensyon ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasunduan, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong intensyon, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung pagbabatayan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng determinasyon nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya. Kapag hinuhusgahan at tinatrato ng mga tao ang iba, tinutukoy nila kung sino ang mga tao batay lamang sa panlabas na kilos ng mga ito, kung gaano nagdurusa ang mga ito, at kung anong halaga ang ibinabayad ng mga ito, at isa itong mabigat na pagkakamali” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na madalas na isinasakripisyo at ginugugol ng mga anticristo ang mga sarili nila sa kanilang mga tungkulin bilang paraan para subukang makipagkasunduan sa Diyos, naghahangad ng mga pagpapala bilang kapalit. Ang mga pananaw ko sa kung ano ang dapat hangarin ay katulad ng sa mga anticristo. Ginagampanan ko ang aking tungkulin para subukang makipagkasunduan sa Diyos. Nang balikan ko, noong una kong matagpuan ang Diyos, ginampanan ko ang aking tungkulin para matiyak ang pisikal na kaligtasan ko at maiwasan ang karamdaman at sakuna, at sa huli ay maligtas at makapasok sa kaharian. Nang ako ay ma-diagnose bilang isang carrier ng hepatitis B virus, at bumuti ang kondisyon ko nang walang gamutan, lalo akong naging masigasig sa mga tungkulin ko, at hindi ako nakaramdam ng pagkahapo mula sa pagpapakapagod araw-araw. Kalaunan, nang ma-diagnose ako na may altapresyon, nag-alala ako na baka lumala ang kondisyon ko at humantong sa pagkaparalisa, kaya nabawasan ang pagiging masigasig ko sa aking mga tungkulin. Nang hindi bumaba ang presyon ng dugo ko, nagsimula akong magkamali ng pagkaunawa at magreklamo laban sa Diyos. Inisip ko na pagkatapos kong manampalataya sa Diyos nang napakaraming taon at talikuran ang aking pamilya at propesyon para sa aking mga tungkulin, dapat akong panatilihing ligtas ng Diyos at ilayo Niya ako mula sa karamdaman at sakuna. Pero, sa hindi inaasahan, nagkasakit ako, at nagsimula akong mangatwiran at lumaban sa Diyos, at nawala rin ang pagnanais kong gampanan ang aking tungkulin bilang isang lider. Naalala ko ang ilang salita ng Diyos: “Itinakda Ko ang mahigpit na pamantayan sa tao sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga layunin at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Ang diposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, at kinamumuhian Niya ang mga taong may mga lihim na motibo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Pero palagi kong ginagampanan ang aking tungkulin nang may mga lihim na motibo para makipagkasunduan sa Diyos. Isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong laman, natatakot na kung labis kong papagurin ang sarili ko, lalala ang aking kondisyon, at pagkatapos ay mamamatay ako at mawawalan ako ng pagkakataon sa mga pagpapala. Napakamakasarili ko! Naisip ko si Pablo, na nagtrabaho at ginugol ang kanyang sarili at nagtiis para sa Diyos. Ginamit niya ito bilang puhunan para hingin mula sa Diyos ang mga gantimpala at ang korona ng katuwiran. Walang kahihiyan pa niyang sinabi na: “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8) Naniwala at nagtrabaho si Pablo para sa Diyos na ang pangunahing dahilan ay makatanggap ng mga pagpapala, naglakad siya sa isang landas na tumututol sa Diyos, at sa huli, pinarusahan siya ng Diyos. Pagkatapos ng lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos, napakaliit pa rin ng pagkaunawa ko sa Kanya. Ang aking paggugol at mga sakripisyo para sa Diyos ay ginawa rin para humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Kanya. Hindi ba’t sinusundan ko ang landas na katulad ng kay Pablo? Kung hindi ako magbabago, kapopootan at kamumuhian ako ng Diyos.
Nagsimula akong magnilay, “Palagi kong pinaniniwalaan na dahil isinakripisyo ko ang aking pamilya at propesyon upang igugol ang aking sarili para sa Diyos, Dapat akong pagpalain ng Diyos. Tama ba ang aking pananaw sa mga bagay na ito?” Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang paggawa ng tungkulin ay walang kaugnayan sa pagtanggap ng mga pagpapala o pagharap sa kasawian. Bilang isang nilikha, ang paggawa ng tungkulin ay tunay na likas at makatarungan, at obligasyon ito ng lahat ng tao. Hindi dapat gamitin ng isang tao ang kanyang tungkulin para makipagtawaran o makipagkasunduan sa Diyos. Katulad ng kapag ang mga anak ay mabuti sa kanilang mga magulang, kung ginagawa nila ito dahil nais lang nilang tumanggap ng pamana mula sa kanilang mga magulang, hindi sila mabubuting anak. Ang pagiging mabuting anak ay responsabilidad at obligasyon ng isang anak, at hindi dapat makipagkasunduan ang mga anak sa kanilang mga magulang ukol dito. Inisip ko na dahil nagsikap ako nang husto sa aking tungkulin, dapat akong protektahan ng Diyos, at kung magkakasakit ako, dapat Niya akong pagalingin. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan, sinusubukan kong makipagkasunduan sa Diyos at lokohin Siya para makamit ko ang sarili kong mga layon, at sinusubukan kong linlangin ang Diyos. Paano makakaasa ang isang makasarili at kasuklam-suklam na taong tulad ko na pagpapalain siya ng Diyos at makakapasok sa kaharian ng Diyos? Nananaginip lang ba ako? Isa akong nilikha, at kung ang aking kinalabasan ay may kaakibat man na mga pagpapala o sakuna, nararapat pa rin akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Iyon ang pag-uugali ng isang makatwirang tao. Matapos mapagtanto ang mga bagay na ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, salamat sa pamamatnugot ng ganitong mga sitwasyon para sa akin at sa paggabay sa akin sa pamamagitan ng Iyong mga salita para maunawaan ko ang maruruming layunin sa aking pananalig. Ngayon, handa na akong bitawan ang mga layunin ko para sa mga pagpapala, at gaano man lumala ang aking karamdaman, hangga’t may natitira pa akong hininga, mananatili ako sa aking tungkulin at magpapasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.”
Isang araw, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ikaw man ay maharap sa malala o simpleng karamdaman, sa sandaling ang iyong sakit ay maging malubha o ikaw ay maharap sa kamatayan, tandaan mo lamang ang isang bagay: Huwag mong katakutan ang kamatayan. Kahit pa ikaw ay nasa mga huling yugto na ng kanser, kahit pa napakalaki ng posibilidad na mamatay sa iyong partikular na karamdaman, huwag mong katakutan ang kamatayan. Gaano man katindi ang iyong pagdurusa, kung ikaw ay natatakot sa kamatayan, hindi ka magpapasakop. … Kung ang iyong karamdaman ay lumala nang husto na maaari mo na itong ikamatay, at malaki ang posibilidad na mamatay rito anuman ang edad ng tao na tinamaan ng sakit, at ang panahon mula sa pagkakasakit ng tao hanggang sa mamatay siya ay labis na maikli, ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? ‘Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, ang lahat naman ay namamatay sa huli. Gayumpaman, ang magpasakop sa Diyos ay isang bagay na hindi magawa ng karamihan sa mga tao, at magagamit ko ang karamdamang ito upang maisagawa ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat akong magkaroon ng kaisipan at saloobing nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ko dapat katakutan ang kamatayan.’ Ang mamatay ay madali, higit na mas madali kaysa mabuhay. Maaaring ikaw ay labis na nasasaktan at hindi mo ito namamalayan, at sa sandaling pumikit ang iyong mga mata, humihinto ang iyong paghinga, lumilisan ang iyong kaluluwa mula sa katawan, at ang iyong buhay ay nagwawakas. Ganito mamatay; ganito ito kasimple. Ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang saloobing dapat taglayin. Bukod dito, hindi mo dapat alalahanin kung lalala ba ang iyong sakit o hindi, o kung mamamatay ka ba kapag hindi ka magagamot, o kung gaano pa katagal bago ka mamatay, o kung anong kirot ang mararanasan mo kapag dumating na ang oras ng kamatayan. Hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito; ito ay mga bagay na hindi mo dapat alalahanin. Ito ay sapagkat darating ang araw na iyon, at darating iyon sa partikular na taon, buwan, at araw. Hindi mo ito mapagtataguan at hindi mo ito matatakasan—ito ang iyong kapalaran. Ang iyong diumano’y kapalaran ay pauna nang itinakda ng Diyos at isinaayos na Niya. Ang haba ng iyong mga taon at ang edad mo at ang oras kung kailan ka mamamatay ay naitakda na ng Diyos, kaya ano ang inaalala mo? Maaari mo itong alalahanin, pero wala itong mababago; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo ito mapipigilang mangyari; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng araw na iyon. Samakatwid, ang iyong pag-aalala ay walang kabuluhan, at ang idinudulot lamang nito ay ang pabigatin pa lalo ang pasanin mo sa iyong karamdaman” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi dapat mag-alala o mabagabag ang mga tao tungkol sa kanilang mga karamdaman. Kung lalala man ang karamdaman o hahantong sa kamatayan ay hindi nakasalalay sa indibidwal, ni hindi ito malulutas ng pag-aalala ng tao. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng isang tao. Itinakda ng Diyos kung kailan at sa anong edad mamamatay ang isang tao. Kapag dumating na ang oras, mamamatay ang isang tao kahit gaano man siya matakot. Pero kung hindi pa dumarating ang oras, hindi siya mamamatay kahit gustuhin man niya. Naisip ko ang isang dalaga sa pamilya ng aming kapitbahay na nasa labingwalo o labinsiyam na taong gulang pa lamang. Nilagnat lang siya, pumunta sa ospital para magpaturok, at wala pang isang araw mula nang makauwi, namatay siya. May kilala rin akong matandang babae na nasa kanyang walumpung taon, na minsang dinapuan ng malubhang sakit. Nakahanda na ang kanyang kabaong, at nakasuot na rin siya ng kanyang damit panlibing, pero hindi siya namatay. Mula sa mga katunayang ito, nakita ko na itinakda ng Diyos ang buhay at kamatayan ng isang indibidwal, at walang kaugnayan sa karamdaman o sa kalubhaan nito. Kung bubuti man ang karamdaman ko o kung mamamatay man ako ay isang bagay na hindi ko makokontrol. Kapag oras na ng kamatayan ko, kahit na hindi ako nagdurusa o labis na nagpapakapagod sa aking sarili, kailangan ko pa ring mamatay, at kung hindi pa dumarating ang oras, hindi ako mamamatay, kahit magpakapagod man ako nang sobra. Kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos at gampanan nang maayos ang tungkulin ko.
Sa huling bahagi ng 2023, isinaayos ng mga lider na akuin ko ang mas malaking responsabilidad sa isa pang iglesia. Noong panahong iyon, halos normal na ang presyon ng aking dugo, pero bahagya itong tumataas kapag nagpupuyat ako, at bumubuti na ulit ako pagkatapos magpahinga nang kaunti. Pagdating ko sa iglesiang ito, nataranta ako nang makita ko na wala ni isa mang gawain ang nagbubunga ng resulta, at kapag nagpupuyat ako sa pagtatrabaho, nahihilo ako, at tumataas ang presyon ng dugo ko. Sumasakit nang matindi ang kanang binti ko, at minsan sa gabi, hindi ako makatulog dahil sa sakit. Naalala ko ang sinabi ng doktor na ang hindi kontroladong altapresyon ay maaaring humantong sa stroke, magdulot ng pamamanhid, sakit, at pati na rin pagkaparalisa. Hindi ko maiwasang mag-alala, iniisip ko na, “Ang pananakit bang ito sa binti ko ay maaaring tanda ng nalalapit na pagkaparalisa? Kapag naparalisa ako, hindi ko na talaga magagampanan ang mga tungkulin ko, at pagkatapos, ano na lang ang magiging silbi ko?” Napagtanto ko na nag-aalala na naman ako tungkol sa hinaharap ko, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, hiniling ko na huwag Niya akong hayaang magreklamo. Pagkatapos, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o hindi kaaya-ayang pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,’ hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, ‘Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.’ Paano kaya kung sa ganitong paraan ka mag-isip? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, ‘Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging matapat. Paano ako magiging matapat kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilalang?’ Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi maghatid ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ako ay isang maliit na nilikha at hindi ko dapat bigyan ng mga kondisyon ang Lumikha, at dapat akong tumayo sa tamang lugar ko at gampanan nang maayos ang mga tungkulin ko. Ito ang katwiran na dapat kong taglayin. Binigyan ako ng Diyos ng buhay at pinahintulutan niya akong mabuhay hanggang sa araw na ito, at marami na Siyang sinabing salita para diligan at tustusan ako, na nagbigay-daan para maunawaan ko ang ilang katotohanan. Ngayon, sa pamamagitan ng karamdaman ko, ibinubunyag ng Diyos ang tiwaling disposisyon na nasa loob ko at ang mga motibo ko sa paghahangad ng mga pagpapala, at ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para gabayan ako na makilala ang aking sarili, na naging dahilan para mabago at malinis ang tiwaling disposiyon ko. Ito ay isang pagpapala na mula sa Diyos! Kaya ko pa ring gampanan ang mga tungkulin ko ngayon, kaya dapat kong isipin kung paano ko gagampanan nang maayos ang mga ito, at kahit gaano pa umusad ang karamdaman ko, kung ito man ay lalala, o kung ako ay mapaparalisa, dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Humarap ako sa Diyos para magdasal, “Diyos ko, ibinibigay ko sa Iyo nang buo ang sarili ko. Hangga’t may natitira pa akong hininga at kaya ko pang mabuhay ng isa pang araw, mananatili ako sa aking mga tungkulin.” Nang tumigil ako sa pag-aalala at sa pagiging balisa tungkol sa karamdaman ko, nakaramdam ako ng higit na kapanatagan at kalayaan. Bagama’t tumataas pa rin minsan ang presyon ng dugo ko, umiinom ako ng gamot para makontrol ito; kapag sumasakit ang binti ko, nagpapahid ako ng ilang herbal na gamot, at nag-eehersisyo ako tuwing may oras. Wala sa mga bagay na ito ang nakakaapekto sa kakayahan kong gampanan ang aking mga tungkulin. Salamat sa Diyos!