48. Ang Pag-aalis ng aking mga Pagpapanggap ay Tunay na Nakakarelaks
Dahil mayroon akong kaunting kaalaman sa pagkumpuni ng mga elektronikong kagamitan, madalas na pumupunta ang mga kapatid sa akin kapag may mga problema ang kanilang mga kagamitan, at kadalasan ay kaya kong ayusin ang mga ito. Minsan, nagkaroblema ang kagamitan ng isang brother, at tinulungan ko siyang suriin at kumpunihin ito. Sinabi ng brother na, “Alam mo kung paano ito gawin? Sana matutuhan ko ring gawin ang mga bagay na ito balang araw.” Labis akong nasiyahan at sinabi ko na, “Hindi naman ito ganoon kakomplikado. Kapag naunawaan mo na ang mga prinsipyo, mabilis ka nang matututo.” Tumango ang brother nang may paghanga, at nakadama ako ng labis na pride at superyoridad.
Minsan, kinailangan ng mga kapatid ng tulong sa pag-assemble ng dalawang kompyuter at hiningi nila ang tulong ko. Naisip ko na, “Sina Brother Liam at Michael ang dating namamahala sa pagbuo ng mga kompyuter dati. Ngayong umalis na sila, ako na lang ang natitirang may kaunting alam sa elektroniks, pero kailanman ay hindi pa talaga ako nakapag-assemble ng isang kompyuter. Kapag dinala rito ng mga kapatid ang kagamitan, at hindi ko ito ma-assemble nang maayos, labis na nakakahiya ito! Iisipin ng mga kapatid na, ‘Akala ko ba ay may alam ka sa elektroniks, pero hindi mo man lang kayang i-assemble ang isang kompyuter.’” Kaya naghanap ako ng ilang video tutorial tungkol sa pag-assemble ng kompyuter para pag-aralan muna, at nakahanap ako ng isang kompyuter na maaari kong kalasin at muling i-assemble. Pagkatapos ng ilang ulit na pagsasanay, halos nakabisado ko na ang pag-assemble at pag-setup ng system ng mga kompyuter, at nakahinga na ako nang maluwag. Hindi nagtagal, nagdala ng kompyuter ang isang brother, naka-assemble na ito at kailangan na lamang ng system set-up. Akala ko ay madali lang ito. Pero nang umpisahan ko na itong i-setup, nakita ko na ang system ng kompyuter na ito ay medyo iba kumpara sa mga na-set up ko na dati, at hindi ako makapasok sa setup interface. Natakot akong makita ng iba na hindi ko ito kayang gawin at maliitin nila ako, kaya nanahimik ako, nagkukunwaring abala habang sinusubukan kong alamin kung paano ito aayusin. Makaraan ang ilang sandali, hindi ko pa rin ito mapagana. Ang mga kapatid sa tabi ko ay nag-aalok ng kanilang mga opinyon, ang iba ay nagmumungkahi ng ganitong paraan, habang ang iba naman ay nagsasabi na dapat itong gawin sa ibang paraan. Ang ilan ay nagmungkahi na maghanap ng mga video tutorial, at may mga nagmungkahing tawagan si Michael. Nabalisa ako dahil sa mga suhestiyong ito. Naisip ko na, “Kailangan ko itong ma-set up agad. Kung hahayaan kong diktahan ako ng iba kung paano ito aayusin, hindi ba’t magmumukha akong walang kakayahan? Pagkatapos, tiyak na mamaliitin ako ng mga kapatid.” Kaya hindi ko sila pinansin at patuloy kong sinubukang ayusin ito nang mag-isa. Makaraan ang ilang sandali, tumawag kay Michael ang isa sa mga kapatid. Hindi ko talaga ito pinapansin, pero nagkataong narinig kong sinabi ni Michael na, “Pindutin mo nang matagal ang key na ito, huwag mong bibitawan, at makakapasok ka na sa setup interface.” Ginawa ko ito at ni-reset, at hindi nagtagal, natapos ang pag-setup. Pagkatapos, pinagnilayan ko ang ibinunyag ko sa sitwasyong ito at pakiramdam ko ay medyo hindi ako naging makatwiran. Malinaw na hindi ko alam kung paano ito gawin pero hindi ako naglakas loob na aminin ito, natatakot na maliitin ako ng iba. Nang humihingi ang iba ng tulong, pakiramdam ko ay itinatanggi nila ang mga kakayahan ko, at nakaramdam ako ng paglaban. Nang pagnilayan ko ang ibinunyag ko, medyo nakaramdam ako ng pagkasuklam sa sarili ko. Naisip ko na, “Sa susunod, hindi ko na puwedeng pagtakpan ang aking sarili at magpanggap nang ganoon.”
Kinabukasan, umalis ako para mag-asikaso ng ilang gawain, at tinawagan ako ng isang brother na magmadaling bumalik, sinabi niyang may isang kompyuter na kailangang i-assemble, at hindi nila alam kung paano ito gagawin. Agad akong nakaramdam ng pagpapahalaga sa aking presensya. Naisip ko, “Tila nasisira na lang ang mga bagay kapag wala ako! Bagama’t hindi pa ako kailanman nakapag-assemble ng isang kompyuter, may kaalaman naman ako sa pagkukumpuni, at dapat na mabilis kong matututuhan ang mga pangunahing prinsipyo. Mamaya, ipapaliwanag ko sa kanila ang mga prinsipyo at ipapakita kong mas marami pa rin akong nalalaman.” Nang makauwi ako, nakita ko na ang kompyuter na ito ay iba kumpara sa mga nahawakan ko dati, at bahagya akong nataranta, iniisip ko na, “Kung aaminin ko na hindi pa ako nakapag-assemble ng ganitong uri ng kompyuter dati, sasabihin ba nilang, ‘May mga bagay pala siyang hindi alam?’ at mamaliitin nila ako?” Kaya ipinaliwanag ko ang mga prinsipyo ng pag-assemble batay sa nakaraang karanasan ko, at kung paano ito patatakbuhin, pero habang ina-assemble ko ito, hindi ako sigurado kung tama ba ang ginagawa ko. Labis akong nabalisa kaya pinagpawisan ako. Nais kong tawagan si Liam para humingi ng payo, pero sadyang hindi ko magawang humingi ng tulong. Naisip ko na, “Iniisip ng mga kapatid na alam ko kung paano ito gawin, pero kung hihingi ako ng tulong kay Liam, tiyak na iisipin nilang hindi sapat ang mga kasanayan ko. Gagalangin pa rin ba nila ako? Hihingin pa rin ba nila ang tulong ko? Hindi. Hindi ko maaaring hayaan na maliitin ako ng mga kapatid. Aalamin ko ito nang mag-isa. Dapat malutas ko ito.” Kaya binasa ko ang manwal habang ginagamit ko ang dati kong pamamaraan sa pagdugtong ng mga kable at sinubukan ko ito. Pero pagkadugtong ko pa lamang ng mga kable at pagkabukas ng power, umusok ang kaha ng kompyuter, at agad kong binunot ang saksakan ng kuryente. Nagtanong si Brother Charlie, “Anong nangyari?” Namula ang mukha ko, at sinabi ko na, “Baka mali ang pagkakasaksak ko ng mga kable at nasunog ang circuit board.” Para hindi ako masisi, sinabi ko na, “Kukuha ako ng multimeter para suriin kung nasunog na ito.” Nang makabalik ako sa silid, magulo ang utak ko, at naisip ko na, “Paano nangyari ito? Bukod sa hindi ko ito na-assemble, nasunog ko pa ang circuit board. Hiyang-hiya ako. Ayaw ko nang humarap sa kahit sino. Kung alam ko lang na mangyayari ito, tinawagan ko na sana si Liam para humingi ng payo, at hindi na sana ito nangyari.” Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong pinagsisisihan ang ginawa ko, at gusto kong sampalin ang sarili ko. Paglabas ko ng silid, kausap na ni Charlie si Liam sa telepono, at sinabi ni Liam sa kanya kung paano pagdudugtungin ang mga kable. Talagang napakasimple lang ng solusyon, pero hindi ko ito naisip. Sa sandaling iyon, labis akong nagsisi, naisip ko na, “Kung hinayaan ko lang na mayroong gumabay sa akin, hindi sana ako naligaw ng landas, pero ngayong nasunog na ang circuit board, kailangan namin itong palitan. Makakaantala ito sa mga kapatid sa paggamit nito para sa kanilang mga tungkulin.”
Pagkatapos, nagnilay ako, tinatanong ko ang sarili ko, “Anong tiwaling disposisyon ang ibinunyag ko sa dalawang pangyayaring ito ng pag-setup ng system at pag-assemble ng isang kompyuter?” Sinabi ko sa isang brother ang tungkol sa kalagayan ko, at tinukoy niya sa akin na, “Kapag may kaunti tayong alam sa isang kasanayan, kumikilos tayo na parang nakatataas. Parang inilalagay natin ang ating mga sarili sa apoy at hinihiling na masunog.” Nang marinig ko ito, napagtanto ko na ito ang problema ko, kaya naghanap ako ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan dito. Sabi ng Diyos: “Ang pagtayo sa tamang lugar ng isang nilikha at ang maging isang ordinaryong tao: Madali ba itong gawin? (Hindi ito madali.) Ano ang mahirap dito? Ito iyon: Pakiramdam lagi ng mga tao na maraming limbo at titulo ang nakapatong sa kanilang ulo. Binibigyan din nila ang kanilang sarili ng pagkakakilanlan at katayuan ng mga dakilang tao at superman at nakikibahagi sila sa lahat ng pakunwari at huwad na pagsasagawa at pakitang-taong palabas na iyon. Kung hindi mo bibitiwan ang mga bagay na ito, kung laging napipigilan at nakokontrol ng mga bagay na ito ang iyong mga salita at gawa, mahihirapan kang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos. Magiging mahirap na huwag kainipan ang mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan at dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi mo ito magagawa. Ito ay dahil mismo ang iyong katayuan, mga titulo, pagkakakilanlan, at ang lahat ng gayong mga bagay ay huwad at hindi totoo, dahil sinasalungat at kinokontra ng mga ito ang mga salita ng Diyos, kaya nagagapos ka ng mga bagay na ito para hindi ka makalapit sa harapan ng Diyos. Ano ang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo? Dahil sa mga ito, nagiging mahusay kang magbalatkayo, magkunwaring nakakaunawa, magkunwaring matalino, magkunwaring isang dakilang tao, magkunwaring isang sikat na tao, magkunwaring may-kakayahan, magkunwaring marunong, at magkunwari pa nga na alam mo ang lahat ng bagay, na may kakayahan ka sa lahat ng bagay, at na kaya mong gawin ang lahat ng bagay. Ginagawa mo ito para sambahin at hangaan ka ng iba. Lalapit sila sa iyo dala-dala ang lahat ng kanilang problema, umaasa sa iyo at tinitingala ka. Kaya, para bang isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Sabihin mo sa Akin, masarap bang masalang sa apoy? (Hindi.) Hindi mo nauunawaan, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo nauunawaan. Hindi mo makita kung ano ang totoo, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo makita kung ano ang totoo. Halata namang nagkamali ka, pero wala kang lakas ng loob na aminin ito. Nagdadalamhati ang iyong puso, pero wala kang lakas ng loob na sabihin, ‘Sa pagkakataong ito ay kasalanan ko talaga, may pagkakautang ako sa Diyos at sa aking mga kapatid. Nakapagdulot ako ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, pero wala akong lakas ng loob na tumayo sa harapan ng lahat at aminin ito.’ Bakit hindi ka naglalakas loob na magsalita? Naniniwala ka, ‘Kailangan kong ingatan ang reputasyon at limbo na ibinigay sa akin ng aking mga kapatid, hindi ko maaaring madismaya ang mataas na pagtingin at tiwala nila sa akin, lalo na ang mga inaasahan nila sa akin na pinanghawakan nila sa loob ng maraming taon. Samakatwid, kailangan kong patuloy na magkunwari.’ Anong klaseng pagbabalatkayo iyon? Matagumpay mong ginawang dakilang tao at superman ang iyong sarili. Gusto kang lapitan ng mga kapatid para pagtanungan, konsultahin, at hingan pa nga ng payo tungkol sa anumang problemang kinakaharap nila. Tila hindi nila kayang mabuhay nang wala ka. Pero hindi ba’t nagdadalamhati ang iyong puso? Siyempre, hindi nararamdaman ng ibang tao ang pagdadalamhating ito. Hindi nararamdaman ng isang anticristo ang pagdadalamhating ito. Sa halip, naaaliw siya rito, iniisip na ang kanyang katayuan ay nakahihigit kaninuman. Subalit, ang isang pangkaraniwan at normal na tao ay nakakaramdam ng pagdadalamhati kapag nasasalang siya sa apoy. Pakiramdam niya ay wala siyang kuwenta, na tulad lamang siya ng isang ordinaryong tao. Hindi siya naniniwala na mas malakas siya kaysa sa iba. Hindi lamang niya iniisip na hindi niya maisakatuparan ang anumang praktikal na gawain, kundi maaantala rin niya ang gawain ng iglesia at maaantala ang mga hinirang ng Diyos, kaya aakuin niya ang sisi at magbibitiw siya. Isa itong taong may katwiran. Madali bang lutasin ang problemang ito? Madali para sa mga taong may katwiran na lutasin ang problemang ito, pero mahirap ito para sa mga walang katwiran. Kung, sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, tinatamasa mo nang walang kahihiyan ang mga kapakinabangang dulot ng katayuan na ang resulta ay mabubunyag at matitiwalag ka dahil sa kabiguan mong gumawa ng totoong gawain, ikaw mismo ang may kagagawan nito at nararapat lamang na mangyari ito sa iyo! Ni hindi ka marapat tumanggap ng kahit katiting na awa at habag. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil nagpupumilit kang tumayo sa isang mataas na lugar. Isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Ikaw ang may gawa ng iyong sugat” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Inilantad ako ng mga salita ng Diyos, na nagdulot sa akin ng labis na pagkapahiya. Para mapanatili ang katayuan ko sa mga mata ng tao, palagi akong nagpapanggap at nagpapakita ng pekeng imahe. Bagama’t may kaunti akong kaalaman sa pagkukumpuni, hindi ko pa talaga nasusubukang mag-assemble ng isang kompyuter. Nang hilingin ng mga kapatid na i-assemble ko ang mga kompyuter, natakot akong maliitin nila ako, kaya nag-aral ako at nagsanay nang maaga. Pagkatapos, naunawaan ko nang kaunti ang tungkol sa mga prinsipyo ng pag-assemble ng kompyuter. Pero marami pang iba’t ibang configuration, at hindi ko lubos na nauunawaan ang kakayahan at pagkakaiba ng bawat configuration. Para maiwasang maliitin ng mga kapatid, kapag nahaharap ako sa mga kompyuter na hindi ko pa na-setup o na-assemble dati, hindi ako naglakas-loob na aminin na hindi ko alam kung paano ito gawin. Natakot akong sabihin nila na, “Hindi ba’t dapat ay alam mo ang tungkol sa mga elektronikong kagamitan? Paano nangyari na hindi mo man lang kayang mag-assemble ng isang kompyuter?” Para mapanatili ang imahe ko sa mga kapatid bilang may kaalaman sa elektroniks at teknolohiya, nagpatuloy akong pagtakpan ang sarili ko at magpanggap. Sa unang kompyuter, kahit malinaw na hindi ko ito kayang i-setup, hindi ako naglakas-loob na aminin ang katotohanan. Nanahimik ako, sinusubukan kong ayusin ito nang mag-isa. Nang tumawag ang isang brother para humingi ng tulong, ayaw ko pa ngang makinig. Kalaunan, nang mag-assemble ako ng isa pang kompyuter, lalo ko pang itinaas ang sarili ko, inisip ko na hindi nila nauunawaan, at ako ang nakakaunawa, kaya inilagay ko ang sarili ko bilang “guro,” ipinaliwanag ko ang mga prinsipyo at kung paano ang pag-assemble nito. Alam na alam ko na ang kompyuter na ito ay iba sa mga na-assemble ko dati, at maaaring hindi gumana ang pamamaraan ko dati ng pagkabit ng mga kable, at naisip ko na tawagan si Liam para humingi ng payo, pero natakot akong mawalan ng magandang imahe bilang may kaalaman sa elektroniks at teknolohiya sa mata ng mga kapatid. Kaya nagtiyaga na lang ako habang sinusubukan kong ipaliwanag ang mga bagay at ikonekta ang mga kable, at sa huli, may lumabas na maitim na usok mula sa kompyuter. Tuluyan nang naalis ang pagpapanggap ko, at hindi ko na kayang ituloy pa ang pagpapanggap. Hindi lang ako nabisto ng mga kapatid, kundi nasunog ko pa ang motherboard. Nakaantala ito sa mga kapatid sa paggamit ng kompyuter sa kanilang mga tungkulin. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad ng mga salita ng Diyos na natutunan ko na namumuhay ako sa isang satanikong disposisyon at hindi ko man lang kayang magsabi ng kahit isang tapat na salita. Palagi kong pinagtatakpan ang sarili ko at nagpapanggap, sinusubukan kong panatilihin ang magandang imahe ko bilang isang may kaalaman sa elektroniks at teknolohiya. Sa pamamagitan ng ganitong pagpapanggap, hindi lamang ako nabigong itago ang mga pagkukulang at kahinaan ko, kundi sa halip ay isiniwalat ko pa ang sarili ko sa kung sino talaga ako, na nagtulot na makita ng lahat na hindi ko talaga nauunawaan ang teknolohiyang ito. Nakita rin nila nang mas malinaw kung gaano ako kamapanlinlang at kamapagpaimbabaw. Bilang resulta, sinayang ko ang aking integridad. Doon ko napagtanto kung gaano ako kahangal sa pagpapanggap ko.
Pagkatapos, higit pa akong nagnilay, tinanong ko ang sarili ko, “Anong tiwaling disposisyon ang nagtulak sa akin para palaging magpanggap?” Pagkatapos, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang mithiin ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang mithiin na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na pagpapahalaga ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. Ang mga tiwaling disposisyon ang pinakamahirap makilala sa lahat: Madaling makilala ang sarili mong mga pagkakamali at pagkukulang, pero hindi ang makilala ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ang mga taong hindi kilala ang kanilang sarili ay hindi kailanman tinatalakay ang kanilang mga tiwaling kalagayan—palagi nilang iniisip na maayos sila. At nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang magpakitang-gilas: ‘Sa lahat ng mga taong sumasampalataya ako, dumaan na ako sa napakaraming pag-uusig at pinagdusahan ko na ang napakaraming paghihirap. Alam ba ninyo kung paano ko ito napagtagumpayang lahat?’ Mapagmataas na disposisyon ba ito? Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang pagpapasikat? (Para tumaas ang tingin sa kanila ng mga tao.) Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kung gayon ay kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipagpaligsahan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagnanais na palaging pagtakpan ang sarili at magpanggap ay itinutulak ng mapagmataas at mapanlinlang na mga disposisyon. Ang mapagmataas na disposisyon ko ay nagtutulak sa akin para maghangad ng paghanga at pagsamba mula sa iba, at ang mapanlinlang na disposisyon ko ay nag-udyok sa akin para pagtakpan ang aking sarili at magpanggap dahil sa aking mga pagkukulang at kahinaan, ang tanging ipinapakita ko ay ang magandang katangian ko sa pagtatangkang makuha ang paghanga ng iba. Katulad ito ng CCP, na sanay sa pagtatakip at pagpapabango ng mga bagay. Kahit gaano katindi ang kanilang bangayan o gaano karami ang masasamang bagay na kanilang nagawa, hindi nila pinahihintulutang iulat ito ng media kahit kailan, dahil sa takot na makita ng mga tao ang kanilang demonyong anyo at tumigil ang mga ito sa pagsuporta sa kanila. Ginagamit din nila ang media para gawin ang lahat ng kanilang makakaya na itaguyod at sambahin ang kanilang imahe ng kadakilaan, kaluwalhatian at pagiging tama, nililinlang at pinapaniwala ang mga tao, na may layong maghari sa mga tao magpakailanman. Talagang ito ay kasuklam-suklam at buktot! Nang mag-assemble ako ng mga kompyuter, ibinunyag ko rin ang isang satanikong disposisyon. Para maprotektahan ang aking pride at katayuan, hindi ko inamin ang mga bagay na hindi ko alam o hindi ko kayang gawin. Pinagtakpan ko ang lahat ng aking mga pagkukulang at kahinaan, nagpapanggap na may kaalaman at kakayahang gawin ang lahat. Lahat ng ito ay para hangaan ako ng iba. Hindi ba’t ang lahat ng pagtatakip at pagpapanggap na ito ay panlilinlang at pandaraya sa mga kapatid? Hindi ba’t ako ay naging kasuklam-suklam at buktot tulad ni Satanas? Nang pagnilay-nilayan ko ito, talagang naramdaman ko na wala akong hiya. Palagi kong hinahangad na hangaan at sambahin ako ng iba para palibutan nila ako, lalapitan nila ako para sa lahat ng bagay at tatratuhin nila ako nang may respeto at paggalang. Nang tawagan ako ng mga kapatid, sinabing hindi nila alam kung paano i-assemble ang kompyuter at hiniling na ako ang gumawa nito, sa sandaling iyon, nakaramdam ako ng matinding pagpapahalaga sa aking presensya, pakiramdam ko ay mas magaling ako kaysa sa kanila, at labis na nasiyahan ang banidad ko. Dahil nasiyahan ako sa pakiramdam na iyon kaya ginawa ko ang lahat para pagtakpan ang aking sarili at magpanggap, para hangaan ako ng mga tao.
Tinanong ko ang aking sarili, “Kung ipagpapatuloy ko ang paghahangad ng reputasyon at katayuan, at ang pagtatamasa sa paghanga ng iba, ano ang magiging mga kahihinatnan?” Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t may kaunting katangian ng pagiging antagonistiko sa Diyos sa lahat ng ito? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Malinaw na inilahad ng mga salita ng Diyos ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan. Ang palaging paghahangad ng reputasyon at katayuan, sa diwa, ay pagsalungat sa Diyos, at ang resulta ay ang makarating sa daang walang patutunguhan. Dahil tayong mga tao ay maliliit na nilikha lamang, dapat nating sambahin at tingalain ang Diyos, isakatuparan ang ating mga tungkulin nang tapat at masunurin. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Ipinahayag ng Diyos ang katotohanan sa mga huling araw para itanim ang Kanyang mga salita sa mga tao, gawin itong buhay natin, na magtutulot na maisabuhay natin ang normal na pagkatao at maging mga nilikha na pasok sa pamantayan. Ayaw ng Diyos na maghangad ang mga tao ng reputasyon, katayuan, o ng paghanga ng iba habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung palagi akong magpapanggap at maghahangad ng reputasyon at katayuan, at hindi ako magsisisi, magbabago, o magsasagawa ng katotohanan, tiyak na ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos sa huli. Naisip ko kung paanong ang karamihan sa mga anticristo na pinatalsik mula sa sambahayan ng Diyos ay naghangad ng reputasyon at katayuan. Hindi sila nag-atubiling pinsalain at seryosong gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, na sa huli ay humantong sa pagpapatalsik sa kanila. Nang mapagtanto ko ang bigat ng problemang ito, nagdasal ako sa Diyos, handang baguhin ang kalagayan ko, hindi na naghahangad ng paghanga ng mga tao, sa halip ay tapat na magiging isang maliit na nilikha.
Kalaunan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung ayaw mong masalang sa apoy at maihaw, dapat mong isuko ang lahat ng titulo at limbo na ito at sabihin sa iyong mga kapatid ang tunay na mga kalagayan at mga kaisipan sa iyong puso. Sa ganitong paraan, matatrato ka nang tama ng mga kapatid at hindi mo na kailangang magbalatkayo. Ngayong nasabi mo na ang iyong saloobin at nabigyang linaw mo na ang tunay mong kalagayan, hindi ba’t lalong nakakaramdam ang puso mo ng kapanatagan, at kapahingahan? Bakit ka maglalakad nang may ganoong kabigat na pasan sa iyong likod? Kung ipagtatapat mo ang tunay mong kalagayan, magiging mababa nga ba ang pagtingin sa iyo ng mga kapatid? Talaga bang aabandonahin ka nila? Hinding-hindi. Sa kabaligtaran, sasang-ayunan at hahangaan ka ng mga kapatid dahil sa lakas ng loob mong sabihin kung ano ang laman ng iyong puso. Sasabihin nilang isa kang tapat na tao. Hindi nito hahadlangan ang gawain mo sa iglesia, ni hindi magkakaroon ng bahagya mang negatibong epekto rito. Kung talagang nakikita ng mga kapatid na may mga paghihirap ka, kusa ka nilang tutulungan at sasamahan sa paggawa. Ano ang masasabi ninyo? Hindi ba’t ganito ang mangyayari? (Oo.) Ang palaging magbalatkayo para tingalain ka ng iba ang pinakahangal na bagay. Ang pinakamainam na paraan ay ang maging ordinaryong tao na may karaniwang puso, ang magawang magtapat sa mga hinirang ng Diyos sa dalisay at simpleng paraan, at ang madalas na makibahagi sa mga taos-pusong usapan. Huwag na huwag mong tanggapin kapag ikaw ay tinitingala, hinahangaan, labis na pinupuri, o binobola ng mga tao. Dapat tanggihang lahat ang mga bagay na ito. … Paano ka ba dapat magsagawa para maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang normal na tao? Una, dapat mong itatwa at bitiwan ang mga bagay na iyon na iniingatan mo na sa tingin mo ay napakabuti at napakahalaga, pati na ang mabababaw, magagandang salita na ginagamit ng iba para hangaan at purihin ka. Kung, sa iyong puso, malinaw sa iyo kung anong klaseng tao ka, kung ano ang diwa mo, kung ano ang iyong mga kapintasan at kung anong katiwalian ang inilalantad mo, dapat mo itong hayagang ibahagi sa ibang tao, upang makita nila kung ano ang tunay mong kalagayan, kung ano ang mga saloobin at opinyon mo, upang malaman nila kung ano ang kaalaman mo sa gayong mga bagay. Anuman ang gawin mo, huwag kang magkunwari o magpanggap, huwag mong itago ang sarili mong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nang sa gayon walang sinumang makaalam sa mga iyon. Ang ganitong uri ng huwad na pag-uugali ay isang hadlang sa iyong puso, at isa rin itong tiwaling disposisyon at mapipigilan nito ang mga tao na magsisi at magbago. Dapat kang magdasal sa Diyos, at itaas para mapagnilayan at mahimay ang mga huwad na bagay, tulad ng papuri na ibinibigay sa iyo ng ibang tao, ang karangalang ibinubuhos nila sa iyo, at ang mga koronang ipinagkakaloob nila sa iyo. Dapat mong makita ang pinsalang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo. Sa paggawa niyon ay masusukat mo ang iyong sarili, magkakamit ka ng pagkakilala sa sarili, at hindi mo na makikita ang iyong sarili bilang isang superman, o kung sinong dakilang tao. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kamalayan sa sarili, magiging madali na sa iyong tanggapin ang katotohanan, tanggapin sa iyong puso ang mga salita ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, tanggapin ang pagliligtas sa iyo ng Lumikha, matatag na maging isang pangkaraniwang tao, isang tao na matapat at maaasahan, at para magkaroon ng normal na ugnayan sa pagitan mo—na isang nilikha, at ng Diyos—na ang Lumikha. Ito mismo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ay isang bagay na talagang kaya nilang makamit” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Itinama ng mga salita ng Diyos ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw ko, at ipinakita sa akin ang isang landas ng pagsasagawa. Dati, palagi akong nag-aalala na kung ilalantad ko ang aking mga pagkukulang at kahinaan, mamaliitin ako ng mga tao, kaya palagi kong pinagtatakpan ang sarili ko at nagpapanggap. Pero ang totoo, kahit na magpanggap ako at hindi magsabi, nakikita na ng aking mga kapatid kung sino talaga ako, at kung magsasalita ako nang tapat at ihahayag ko ang aking mga pagkukulang, hindi nila ako mamaliitin. Sa halip, makikita nila na nagsasanay akong maging matapat na tao at igagalang nila iyon at sasang-ayunan. Pinili kong pagtakpan ang sarili ko at magpanggap, hindi ako nagtangkang ilantad ang mga bagay na hindi ko alam at hindi ko kayang gawin. Bilang resulta, nang lumabas ang katotohanan, hindi lamang ako nabigong makuha ang paghanga ng mga kapatid, kundi nagmukha akong hangal, na naging dahilan para ayawan at kasuklaman ako ng iba. Ngayon, napagtanto ko na mali at hangal ang aking pananaw, at na kailangan kong maghimagsik laban sa mga kaisipang ito at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa katunayan, ang lahat ng normal na tao ay may mga pagkukulang at kahinaan. Kahit na ang isang tao ay nagtrabaho nang maraming taon sa isang partikular na larangan at nagkaroon ng mataas na kasanayan dito, may mga pagkakataon pa rin na may ilang bagay siyang hindi alam. Hindi dapat ikinahihiya ang pagkakaroon ng mga pagkukulang at kahinaan. Kung alam ng isang tao ang lahat at kaya niyang gawin ang lahat, magiging superhuman na siya. Dahil inakala ko rin na ako ang may pinakamahusay na kaalaman sa grupo tungkol sa elektroniks, at dumagdag pa ang papuri ng iba, kumilos ako na parang nakatataas, pero sa propesyonal na pananaw, mga simpleng kaalaman lang ang mayroon ako. Sa pagbabalik-tanaw, noong nandito si Liam, mas bihasa siya sa mga elektronikong kagamitan, at kumpara sa kanya, talagang mas mababa ang kasanayan ko. Ngunit maging siya ay kinailangang kumonsulta sa mga kapatid na mas may kaalaman tungkol sa ilang kagamitan na hindi niya nauunawaan, na lalong nagpakita ng agwat ko sa kaalaman. Kaya saanman tingnan, hindi ko dapat itinaas ang aking sarili. Sa halip, dapat ay hinarap ko nang wasto ang aking mga pagkukulang at kahinaan, at naging bukas sa lahat para maunawaan nila ako. Ito sana ang makatwirang pag-uugali.
Kalaunan, nasira ang isa pang kagamitan, at hiniling ng isang kapatid na tumulong akong kumpunihin ito. Pagkatapos ko itong suriin, hinusgahan ko na may sira ang isang parte at pinalitan ko ito, pero nang subukan, hindi pa rin ito gumana. Ginawa ko ito nang ilang sandali pa, pero hindi ko pa rin ito naayos. Pagkatapos, naisip ko na, “Mali ba ang pagkakahusga ko sa isyu? Dapat ko bang tawagan si Michael para humingi ng payo? Mas marami na siyang nahawakan na ganitong uri ng kagamitan, kaya baka naranasan na niya ang problemang ito.” Pero naisip ko na, “Kung hindi ko ito malulutas at kailangan kong humingi ng tulong, tiyak na iisipin ng mga kapatid na hindi sapat ang aking kasanayan, at hindi na nila ako hahangaan. Hindi ko maaaring hayaan na maliitin nila ako. Kung patuloy kong susubukan, tiyak na maaayos ko rin ito nang mag-isa.” Nang maisip ko iyon, napagtanto ko na muli kong sinusubukan na pagtakpan ang aking sarili at magpanggap, kaya nagdasal ako sa aking puso, “Diyos ko, hindi ko pa gaanong nagagawa ang ganitong klase ng makina, at hindi ako sigurado kung saan nanggagaling ang isyu. Natatakot ako na maliitin ako ng mga kapatid, at nais kong muling magpanggap. Diyos ko, patnubayan Mo ako para maging isang matapat na tao, para makayanan kong harapin ang aking mga pagkukulang at kahinaan, at para aktibo akong makahanap ng tulong mula sa iba.” Pagkatapos magdasal, tinawagan ko si Michael para humingi ng payo. Sinunod ko ang kanyang payo, sinuri ko at natukoy ang ugat ng problema, at agad ko itong naayos. Ang pagsasagawa nang ganito ay nakapagparelaks at nakapagpanatag sa akin. Sa isang banda, hindi ko naantala ang mga kapatid sa paggamit ng kagamitan para sa kanilang mga tungkulin, at sa kabilang banda, sinadya kong magsagawa ng kaunting katotohanan sa pamamagitan ng hindi na muling pagtatakip sa sarili at pagpapanggap. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng tamang layon na dapat hangarin. Handa akong maghangad at magsagawa ng katotohanan, gampanan ang aking mga tungkulin nang tapat, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan.