49. Paano Tatratuhin ang Kabutihan ng Ating Pamilya sa Pagpapalaki sa Atin
Isinilang ako sa isang medyo maliit na bansa na may ekonomiyang hindi pa ganoon kaunlad. Ang mga magulang at ang lolo at lola ko ay mga magsasaka, at hindi ganoon kaganda ang mga kondisyon ng aming pamilya. Gayumpaman, mahal na mahal nila ako, at palagi silang naghahanap ng mga paraan para matugunan ang mga nais ko. Kalaunan, napagtanto ko na ang lahat ng iyon ay nakuha nila sa pamamagitan ng kanilang pagiging matipid. Makalipas ang panahon, humiram ng pera ang mga magulang ko upang makapagsimula ng isang negosyo sa pagsasaka para mabigyan ako ng mas magandang buhay. Pinanood ko ang mga magulang ko na nagtatrabaho araw at gabi, araw-araw, pinapagod nila ang kanilang mga sarili hanggang sa nagkakasakit na sila, kaya hinikayat ko silang huminto. Sinabi ng tatay ko na ayaw naman talaga niyang gawin ang lahat ng ito, pero dahil kakailanganin kong magkaroon ng sariling buhay sa hinaharap, nais niyang magtabi ng kaunti pang pera para sa akin, dahil ayaw niyang maranasan ko ang mga paghihirap na naranasan niya. Ang mga salitang binitiwan ng tatay ko ay nagparamdam sa akin ng lungkot at pasasalamat. Nang makita ko ang lahat ng pagsasakripisyo ng mga magulang ko para sa akin, pakiramdam ko ay labis ang pagkakautang ko sa kanila. Tungkol naman sa lolo at lola ko, pareho silang nasa edad setenta na at lalong humihina, pero kahit ganoon, ayaw pa rin nilang gumastos para sa pagkain at damit, at kapag sila ay nagkakasakit, ayaw nilang pumunta sa ospital, natatakot sila sa dagdag na gastusin. Kalaunan, sinabi sa akin ng aking lola na nakapag-ipon siya ng kaunting pera para sa akin sa mga nakalipas na taon. Hindi ako mapakali nang marinig ko ito. Matandang-matanda na sila, pero pinili pa rin nilang tiisin ang paghihirap para makapag-ipon para sa akin. Sa harap ng kabutihan sa akin ng aking mga magulang at ng lolo at lola ko, pakiramdam ko ay walang paraan para masuklian ko sila. Sinabi ko sa aking puso na kapag lumaki ako, aalagaan ko sila nang mabuti at pararangalan.
Pagsapit ng 2012 nangaral ang nanay ko sa akin ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at nagsimula akong dumalo sa mga pagtitipon at gumanap sa aking mga tungkulin. Sa hindi inaasahan, noong taglagas ng 2018, na-stroke ang tatay ko at siya ay pumanaw. Nakaramdam ako ng matinding pasakit at pagkakonsensiya, naniniwala akong nagsikap ang aking ama para kumita ng pera para sa akin, at kung hindi siya nagtrabaho araw at gabi, hindi sana napagod ang kanyang katawan at hindi sana siya na-stroke. Naisip ko na, “Nagtrabaho nang husto ang aking ama sa trabahong pisikal buong buhay niya, pero pumanaw siya nang hindi niya nakitang nasuklian ko ang kanyang kabutihan. Ngayon, ang aking lolo at lola, na nasa wdad setenta na, ay namumuhay pa rin nang matipid, at hindi pa nila natatamasa ang mga benepisyo mula sa kanilang mga anak at apo. Sa pagkawala ng aking ama, kailangan kong akuin ang responsabilidad ng pag-aalaga sa kanila, at hayaan silang tamasahin ang kanilang mga huling araw nang may kapayapaan. Sa ganitong paraan, hindi ako magkakaroon ng mga pagsisisi.” Kalaunan, pumunta ang nanay ko sa ibang lugar para gampanan ang kanyang mga tungkulin, at nanatili ako sa bahay para alagaan ang lolo at lola ko. Palagi kong sinusubukan ang lahat ng posibleng paraan para malutuan ko sila ng masasarap na pagkain at mabilhan ko sila ng magagandang damit, at kapag nagkakasakit sila, naghahanap ako ng tulong medikal saanman maaari, umaaasa ako na mananatili silang malusog. Isang araw, bigla na lang nahirapang huminga ang lolo ko, at matapos ang pagsusuri sa ospital, sinabi ng doktor na ito ay malubhang panghihina ng puso, at kailangan niyang maospital agad. Sinabi rin sa akin ng doktor na ihanda ko ang aking isipan, dahil nasa kritikal na yugto ang lolo ko at maaaring malagay sa peligro ang kanyang buhay anumang oras, at kahit makaligtas siya sa kritikal na yugtong ito, patuloy pa ring hihina ang kanyang puso. Kapag inalagaan nang mabuti, maaaring mabuhay siya nang dalawang taon pa. Nang marinig ko ang sinabing ito ng doktor, nakaramdam ako ng labis na pagkakonsensiya, iniisip ko na ang kabiguan kong maalagaan ang lolo ko ang naging dahilan kaya lumala ang kondisyon niya. Lalo na nang marinig kong sinabi ng doktor na baka dalawang taon na lang ang itagal ng buhay niya kung maalagaan siya nang mabuti, lalo kong pinahalagahan ang maikling panahong ito, iniisip ko na mula ngayon, kailangan kong alagaan nang mabuti ang lolo ko, lumalaban para matulungan siyang mabuhay nang isa o dalawang taon pa. Kalaunan, pagkatapos ng ilang gamutan, bahagyang bumuti ang kondisyon ng lolo ko, at lumabas kami sa ospital at bumalik sa bahay.
Noong Mayo 2023, bigla akong nakatanggap ng liham mula sa mga lider, na nagsasabing may isang gampanin na kailangang agad asikasuhin at ako ang nararapat na tao para dito, at tinatanong nila kung maaari ba akong umalis ng bahay para gampanan ang tungkuling ito. Nang makita ko ang liham na ito, alam kong dapat kong piliin ang tungkulin ko, pero nang maisip ko ang mahinang kalusugan ng lolo at lola ko, at na wala nang mag-aalaga sa kanila, hindi ako napanatag. Sa huli, tinanggihan ko ang tungkulin, pero hindi mapalagay ang loob ko. Kalaunan, nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nasaan ang inyong katapatan? Nasaan ang inyong pagpapasakop? … Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nagsakripisyo ng sarili nila, nag-alay ng buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). “Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Sa pagharap sa mga dismayadong katanungan ng Diyos, labis akong nasaktan. Nang humarap sa mga pagsubok si Job, nawala ang malaking kayamanan niya at lahat ng kanyang anak, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng masasakit na pigsa, pero hindi nagreklamo si Job kahit kaunti bagkus ay pinuri niya ang karangalan ng Diyos. Si Job ay may totoong pananalig at tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nariyan din si Abraham, na sumunod sa utos ng Diyos, inialay ang nag-iisa niyang anak na si Isaac sa altar at itinaas ang kutsilyo. May tunay ring pagpapasakop sa Diyos si Abraham. Nang makita kong kayang ialay ni Job at Abraham ang lahat sa Diyos, nakaramdam ako ng hiya. Nanampalataya ako sa Diyos nang mahigit sampung taon, nagtamasa ng maraming pagdidilig at pagtustos mula sa mga salita ng Diyos, pero hindi ko kailanman naisip na suklian ang Diyos, ang alam ko lang ay ang pagtamasa sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Nang bigyan ako ng iglesia ng mga pagkakataong gampanan ang aking tungkulin, gumawa pa ako ng mga dahilan para takasan ito. Wala talaga akong pagkatao! Ngayon, nangangailangan ng agarang kooperasyon ang gawain ng iglesia, at hindi ako maaaring magpatuloy sa pamumuhay nang makasarili at kasuklam-suklam sa aking pagmamahal. Kailangan kong gampanan ang aking tungkulin at mabuhay para sa Diyos kahit minsan. Kaya umalis ako ng bahay para gampanan ang tungkulin ko.
Pero hindi ko inaasahan na dalawang buwan pa lang mula nang ako ay umalis para gampanan ang tungkulin ko, ipinaalam sa akin ng mga lider ng iglesia na ang taong kasama kong gumagawa ng tungkulin ay inaresto at ipinagkanulo ako bilang isang Hudas, at ang ilan sa mga kamag-anak kong nananampalataya ay inaresto rin ng mga pulis. Higit sa sampung pulis ang pumunta sa bahay ko para arestuhin kami ng aking ina, kinuha ng mga pulis ang aming pagkain at pera, at sinimulan akong tugisin ng mga pulis. Nalaman ko rin na na-ospital ang lolo ko hindi nagtagal matapos akong umalis. Nang marinig ito, talagang nabagabag ako. Naisip ko kung paano sinalakay at hinalughog ng mga pulis ang aming bahay, at kung paanong tiyak na natakot nang sobra ang lolo at lola ko. Sa kanilang edad, dapat ay tinatamasa nila ang kanilang mga huling taon at may kasama silang taong maasahan, pero nadamay sila sa pagsubok na ito dahil sa akin. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakokonsensiya para sa kanila, at mas lumala ang kalagayan ko Naisip ko pa nga na lihim na bumalik sa bahay para alagaan sila. Sa aking pagdurusa, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, medyo nanghihina ako sa sitwasyong ito. Gabayan at tulungan Mo akong makalabas sa maling kalagayan na ito.”
Pagkatapos magdasal, sadya kong hinanap ang mga salita ng Diyos tungkol dito. Nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “May kasabihan sa mundong walang pananampalataya: ‘Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang taong suwail sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihang, sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayumpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng mga buhay na nilalang. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao ay sumusunod sa batas na ito, at higit itong nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay instinto ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong instinto. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa instinto at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at instinto, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng mga buhay na nilalang ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong instinto. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng instintong ito, kung gayon, ang mga tao ay mas masahol kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatwid, gaano ka man inalagaan ng iyong mga magulang at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo habang pinapalaki ka nila, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—instinto nila ito. … Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga instinto at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi nila binibigyang pansin ang kanilang mga damdamin, at hindi sila namumuhay ayon sa mga damdamin gaya ng ginagawa ng mga tao, palaging gustong suklian ang kabaitan na ipinakita sa kanila ng kanilang mga magulang sa pagpapalaki sa kanila, palaging nag-aalala na kung hindi sila magiging mabuting anak sa mga magulang nila, kokondenahin sila ng ibang tao, kagagalitan sila, at pupunahin sila kapag nakatalikod sila. Ang mga ideyang ito ay hindi umiiral sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang ideya at mga pangkalahatang pinanghahawakang pananaw na hindi tama. Matapos maimpluwensiyahan, unti-unting masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya sa buong buhay nila pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, nakokonsensiya na nabigo silang suklian ang kabaitan ng kanilang mga magulang, dahil minsan ay gumawa sila ng isang bagay na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi naaayon sa kagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay namumuhay sa gitna ng kanilang mga damdamin, kaya maaari lamang silang masakop at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito. Ang mga tao ay namumuhay sa isang kapaligirang kinukulayan ng ideolohiya ng tiwaling sangkatauhan, kaya’t nasasakop at nagugulo sila ng iba’t ibang nakalilinlang na ideya, na ginagawang nakakapagod at hindi gaanong simple ang kanilang buhay kumpara sa mga ibang buhay na nilalang. Gayumpaman, sa ngayon, dahil ang Diyos ay gumagawa, at dahil ipinapahayag Niya ang katotohanan para sabihin sa mga tao ang katotohanan ng lahat ng katunayang ito, at para bigyan sila ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan, hindi na magpapabigat sa iyo ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw na ito, at hindi mo na gagamitin ang mga ito bilang gabay sa kung paano mo pangasiwaan ang relasyon mo sa mga magulang mo. Sa puntong ito, magiging mas matiwasay ang buhay mo. Ang maluwag na pamumuhay ay hindi nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang iyong mga responsabilidad at obligasyon—alam mo pa rin ang mga bagay na ito. Depende lang ito sa kung aling perspektiba at mga pamamaraan ang pipiliin mo sa pagharap sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ang isang landas ay ang piliin ang damdamin, at harapin ang mga bagay na ito nang emosyonal, at nang batay sa mga pamamaraan, ideya, at pananaw na itinuturo ni Satanas sa tao. Ang isa pang landas ay ang harapin ang mga bagay na ito batay sa mga salitang itinuro ng Diyos sa tao. Kapag pinangangasiwaan ng mga tao ang mga usaping ito ayon sa mga nakalilinlang na ideya at pananaw ni Satanas, maaari lamang silang mamuhay sa mga komplikasyon ng kanilang damdamin, at hindi nila kailanman nakikilala ang kaibahan ng tama at mali. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, wala silang magagawa kundi ang mamuhay sa isang patibong, palaging naiipit sa mga usapin tulad ng, ‘Tama ka, mali ako. Marami kang naibigay sa akin; mas kaunti ang naibigay ko sa iyo. Wala kang utang na loob. Wala ka sa lugar.’ Dahil dito, hindi sila kailanman nagsasalita nang malinaw. Gayumpaman, pagkatapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kapag nakatakas sila mula sa kanilang mga nakalilinlang na ideya at pananaw, at mula sa samo’t saring damdamin, nagiging simple na para sa kanila ang mga usaping ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagpapalaki, pag-aalaga at pag-aaruga sa akin ng aking mga magulang at ng lolo at lola ko ay pagtupad lamang sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Sinusunod nila ang mga batas at alituntunin na itinatag ng Diyos, at likas na gawin rin ito ng tao. Tulad ng lahat ng nilalang na nilikha ng Diyos, namumuhay sila ayon sa mga batas at alituntunin na itinakda ng Diyos. Kung ang isang hayop ay mabangis man o maamo, ang pagpapalaki nila sa kanilang mga anak ay likas na ugali nila at kanila ring responsabilidad at obligasyon. Ganoon din ang mga tao. Pero itinuring ko ang pagpapalaki at pag-aalaga sa akin ng aking mga magulang at ng lolo at lola ko bilang isang kabutihan, at nang makita kong hindi ko kayang suklian ang kanilang mga sakripisyo at pagdurusa, palagi akong namumuhay sa pagkakonsensiya at pagsisisi sa sarili. Ngayon ay naunawaan ko na ito ay dahil sa pagtanggap ko sa maraming nakalilinlang na ideya na itinanim ng lipunan, paaralan at pamilya, tulad ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat” at “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang.” May isang kasabihan na labis na nakaapekto sa akin, ito ay ang, “Ang puno ay nagnanais ng katahimikan ngunit ang hangin ay hindi tumitigil; nais ng anak na alagaan ang kanyang magulang, ngunit ang kanyang mga magulang ay wala na.” Ang mga nakalilinlang na ideyang ito ay umugat ng malalim sa aking puso at naging pamantayan ko sa aking mga pagkilos. Nang pumanaw ang aking ama dahil sa karamdaman, palagi kong nararamdaman na nagtrabaho siya nang husto buong buhay niya, pero hindi ko siya naalagaan sa kanyang pagtanda at hindi ko nagampanan ang aking tungkulin bilang mabuting anak noong nabubuhay pa siya. Kaya, para maiwasan ang pagsisisi pagdating sa aking lolo at lola, naisip ko na dapat kong akuin ang responsabilidad ng pag-aalaga sa kanila para masuklian ang kanilang kabutihan. Kapag hindi ko matiyak na nagsasaya sila sa kanilang mga huling taon, pakiramdam ko ay labis akong hindi mabuting anak at namuhay ako nang may pakiramdam ng pagkakautang sa kanila. Dahil sa mga nakalilinlang na ideya na itinanim sa akin ni Satanas, palagi kong iniisip na suklian ang kabutihan ng aking mga magulang at ng lolo at lola ko, at naging dahilan pa ito para ituring kong mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa paggawa ng mga tungkulin ng isang nilikha. Nakita ko na ang mga tradisyonal na ideyang pangkultura na ito ay mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas para ilihis at gawing tiwali ang mga tao, at ang pamumuhay ayon sa mga ito ay hahantong lamang sa pagsalungat at pagkakanulo sa Diyos.
Kalaunan, nakakita ko ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at natutunan kong husgahan ang pag-uugali ng pagiging mabuti at hindi mabuting anak. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, regular silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito maaaring gawin. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging suwail na anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng ilang paghihirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging suwail na anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka suwail na anak; hindi ka pa umabot sa punto ng pagiging walang pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka suwail na anak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng kaliwanagan. Dati, palagi akong namumuhay ayon sa mga ideya na “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang” at “Magpalaki ka ng mga anak na susuporta sa iyo sa pagtanda.” Naniwala ako na dahil pinalaki ako ng aking mga magulang at ng lolo at lola ko, kapag tumanda sila, dapat ay naroroon ako sa kanilang tabi para alagaan sila at maging mabuting anak sa kanila, at kung hindi ko iyon magagawa, nangangahulugan ito na hindi ako mabuting anak at wala akong pagkatao. Tulad dati, kapag hindi ko maalagaan ang lolo at lola ko, palagi akong kinokondena ng aking konsensiya, at nakakaramdam ako ng pagkakautang sa kanila, ng pagkakonsensiya at para bang nabigo ko sila. Ang totoo, ang kawalan ko ng kakayahan na makasama at maalagan sila at maging mabuting anak sa kanila ay hindi dahil sa kawalan ko ng pagnanais na maging mabuting anak o magampanan ang aking responsabilidad, kundi dahil sa mga obhetibong sitwasyon, kaya naging imposible para sa akin na magawa iyon. Sa isang banda, abala ako sa mga tungkulin ko, at sa kabilang banda naman, inuusig at tinutugis ako ng mga pulis, kaya naging imposible para sa akin na makauwi para alagaan ang aking pamilya. Hindi ito nangangahulugan ng pagiging masamang anak. Kung may kakayahan ako pero pinili kong huwag alagaan ang aking lolo at lola, iyon ang tunay na nagpapakita ng pagiging hindi mabuting anak at kawalan ng pagkatao.
Isang araw, sa aking mga debosyonal, nakakita ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na higit na nakapagbigay-linaw sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung tunay kang nananalig na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat kang manalig na nasa mga kamay rin ng Diyos ang isyu ng kung gaano katinding hirap ang kanilang dinaranas at kung gaano sila kasaya sa buong buhay nila. Mabuting anak ka man o hindi, hindi nito mababago ang anumang bagay—hindi mababawasan ang pagdurusa ng iyong mga magulang dahil ikaw ay mabuting anak, at hindi sila higit na magdurusa dahil sa isa kang suwail na anak. Matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran, at wala rito ang magbabago dahil sa iyong saloobin sa kanila o sa lalim ng damdamin sa pagitan ninyo. Mayroon silang sarili nilang kapalaran. Sila man ay mahirap o mayaman sa kanilang buong buhay, nagiging maayos man ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila, o anumang uri ng kalidad ng buhay, mga materyal na benepisyo, katayuan sa lipunan, at kalagayan sa pamumuhay ang tinatamasa nila, wala rito ang may gaanong kinalaman sa iyo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). “Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, pagkamatay, at pagharap sa iba’t ibang malaki at maliit na bagay sa buhay ng mga tao ay mga napakanormal na pangyayari. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat kang magkaroon ng mature na pag-iisip, at dapat mong harapin ang bagay na ito nang mahinahon at tama: ‘May sakit ang mga magulang ko. Sinasabi ng ilang tao na iyon ay dahil masyado silang nangulila sa akin, possible ba iyon? Totoong nangulila sila sa akin—paanong hindi mangungulila ang isang tao sa sarili niyang anak? Nangulila rin ako sa kanila, kaya bakit hindi ako nagkasakit?’ May tao bang nagkakasakit dahil nangungulila siya sa kanyang mga anak? Hindi iyon ganoon. Kung gayon, ano ang nangyayari kapag nahaharap ang iyong mga magulang sa mahahalagang usaping ito? Masasabi lamang na inihanda ng Diyos ang ganitong uri ng bagay sa kanilang buhay. Ito ay pinamatnugutan ng kamay ng Diyos—hindi ka maaaring tumuon sa mga obhetibong dahilan at mga sanhi—nakatakda talaga na mahaharap ang iyong mga magulang sa bagay na ito kapag umabot na sila sa ganitong edad, nakatakda nang matatamaan sila ng sakit na ito. Naiwasan kaya nila ito kung nandoon ka? Kung hindi isinaayos ng Diyos na magkasakit sila bilang parte ng kanilang kapalaran, walang mangyayari sa kanila, kahit na hindi ka nila nakasama. Kung nakatadhana silang maharap sa ganitong uri ng malaking kasawian sa kanilang buhay, ano ang maaaring naging epekto mo kung nandoon ka sa tabi nila? Hindi pa rin naman nila ito maiiwasan, hindi ba? (Tama.) Isipin mo iyong mga taong hindi nananampalataya sa Diyos—hindi ba’t magkakasama ang kanilang mga pamilya, taon-taon? Kapag nahaharap sa malaking kasawian ang mga magulang na iyon, kasama nilang lahat ang mga miyembro ng kanilang malaking pamilya at ang kanilang mga anak, tama? Kapag nagkasakit ang mga magulang, o kapag lumala ang kanilang mga karamdaman, dahil ba ito sa iniwan sila ng kanilang mga anak? Hindi iyon ang kaso, ito ay nakatadhanang mangyari” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang kapanganakan at kamatayan, ang karamdaman o mabuting kalusugan, ang kayamanan o kahirapan, ang mga pagtaas at pagbaba, walang tao ang maaaring kumontrol sa mga ito. Ang lahat ng ito ay itinakda ng kataas-taasang kapangyarihan at pag-orden ng Diyos. Sa katunayan, kahit nasa tabi ako ng aking mga magulang at ng aking lolo at lola, nag-aalaga at nagiging mabuting anak sa kanila sa bawat posibleng paraan, hindi nito mababago ang kanilang kapalaran. Magkakasakit pa rin sila kung oras na nila, at mamamatay pa rin sila kapag dumating na ang kanilang oras. Katulad noong na-stroke ang aking ama, nadala ko siya sa ospital sa loob lamang ng mahigit sampung minuto, pero wala nang nagawa ang mga doktor, at sa huli, pinanood ko na lang ang pagpanaw ng aking ama. Napag-isip-isip ko, palagi kong iniisip na ang pagkamatay ng aking ama ay dahil sa pagsisikap niyang kumita ng pera para sa akin, at naniwala ako na ang mahinang kalusugan ng aking lolo at lola ay dahil sa malnutrisyon na sanhi ng kanilang pagiging matipid. Ang mga kaisipang ito ay nagmula sa kawalan ko ng pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan at pag-orden ng Diyos. Madalas kong ipinapahayag na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, pero kapag humaharap na ako sa aktuwal na sitwasyon, kumikilos ako na parang isang hindi mananampalataya. Hindi talaga ako naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao at na Siya ang nagpapasya sa kanilang mga buhay at tadhana. Sa anong paraan ako nagkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos? Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, mas nakaramdam ako ng kapayapaan sa aking puso, at naging handa akong ipagkatiwala ang aking lolo at lola sa mga kamay ng Diyos, hinahayaan ko ang Diyos na mangasiwa sa lahat ng may kinalaman sa kanila.
Kalaunan, nakakita ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Unang sinabi ng Diyos na igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, at pagkatapos, ipinanukala ng Diyos ang mas matataas na hinihingi para sa mga tao tungkol sa kanilang pagsasagawa sa katotohanan, pagganap sa kanilang mga tungkulin, at pagsunod sa daan ng Diyos—alin sa mga ito ang dapat mong sundin? (Ang mas matataas na hinihingi.) Tama bang magsagawa ayon sa mas matataas na hinihingi? Maaari bang hatiin ang katotohanan sa mas matataas at mas mabababang katotohanan, o sa mga mas luma at mas bagong katotohanan? (Hindi.) Kaya kapag isinasagawa mo ang katotohanan, sa ano dapat naaayon ang iyong pagsasagawa? Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan? (Ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo.) Ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo ang pinakamahalaga. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos sa iba’t ibang oras, lugar, kapaligiran, at konteksto; hindi ito tungkol sa mapagmatigas na paglalapat ng mga patakaran sa mga bagay-bagay, tungkol ito sa pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, wala talagang salungatan sa pagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga hinihinging ipinanukala ng Diyos. Sa mas kongkretong pananalita, wala talagang salungatan sa pagitan ng paggalang sa iyong mga magulang at pagkumpleto sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos. Alin sa mga ito ang mga kasalukuyang salita at hinihingi ng Diyos? Dapat mo munang isaalang-alang ang tanong na ito. Magkakaibang bagay ang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang tao; mayroon Siyang mga natatanging hinihingi sa kanila. Ang mga naglilingkod bilang lider at manggagawa ay tinawag ng Diyos, kaya dapat silang tumalikod, at hindi sila maaaring manatili kasama ng kanilang mga magulang, dahil sa paggalang sa mga ito. Dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos at talikuran ang lahat upang sumunod sa Kanya. Isang uri iyon ng sitwasyon. Ang mga regular na tagasunod ay hindi tinawag ng Diyos, kaya maaari silang manatili kasama ng kanilang mga magulang at igalang ang mga ito. Walang gantimpala sa paggawa nito, at wala silang makakamit na anumang pagpapala dahil dito, ngunit kung hindi sila magpapakita ng paggalang sa mga magulang, wala silang pagkatao. Sa katunayan, ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at malayo ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos. Bilang buod, ang pinakamahalagang gawaing nasa harapan mo ay ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Iyon ang pagsasagawa sa katotohanan, at isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos. Kaya, ano ang katotohanan na dapat pangunahing isagawa ng mga tao ngayon? (Ang pagganap sa tungkulin.) Tama iyan, ang matapat na pagganap sa tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi taos-pusong isinasagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, nagtatrabaho lang siya” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). “Sa presensiya ng Lumikha, ikaw ay isang nilikha. Ang dapat mong gawin sa buhay na ito ay hindi lamang ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, kundi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad at tungkulin bilang nilikha. Matutupad mo lamang ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay para sa kanila batay sa iyong mga pang-emosyonal na pangangailangan o sa mga pangangailangan ng iyong konsensiya” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang responsabilidad lamang na kailangang tuparin ng mga tao, at hindi ito itinuturing na pagsasagawa ng katotohanan. Tanging ang pagtalikod sa lahat para sumunod sa Diyos, at ang paggawa ng tungkulin bilang isang nilikha ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang tunay na naaalala ng Diyos. Naisip ko ang mga disipulo ng Panginoong Jesus, tulad nina Pedro, Juan, at Santiago, na tinalikuran ang kanilang mga pamilya at iniwan ang kanilang mga magulang para mangaral ng ebanghelyo ng Panginoon. Bagama’t hindi nila natupad ang responsabilidad ng pagiging mabuting anak sa kanilang mga magulang, ang lahat ng ginawa nila ay nagsilbing patotoo sa Diyos, at nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ngayon, mapalad akong makasunod sa Diyos, makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, kaya dapat kong gampanan ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Ito lamang ang aking misyon.
Bagama’t minsan ay naiisip ko pa rin ang lolo at lola ko, hindi na nito naaapektuhan ang kalagayan ko, dahil alam ko na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat. May mga sariling kapalaran ang aking lolo at lola, at may sarili akong misyon. Dapat kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at ito lamang ang paraan para makapamuhay ako ng isang buhay na may halaga at kabuluhan.