5. Isang Hindi Mapapawing Sakit
Isang araw sa huling kalahati ng 2002, bigla akong inaresto ng mga pulis habang ginagawa ang mga tungkulin ko. Dinala nila ako sa isang guesthouse at ipinakita sa akin ang video footage ng mga transaksiyon ko sa bangko, walang tigil akong tinatanong tungkol sa kung saan ko nakuha ang pera, kung saan ako nakatira, sino ang namuno sa iglesia, at iba pa. Nang tumanggi akong sumagot, pinahirapan nila ako gamit ang iba’t ibang paraan—pinipilit akong tumalungko, malupit na sinasampal ang mukha ko gamit ang sapatos na yari sa balat, at isinailalim ako sa interogasyon ng mahigit sa isang dosenang pulis, ginagamit ang mga taktika ng “hindi pagpapatulog” sa akin. Ibig sabihin, hindi nila ako pinapayagang matulog. Sa tuwing nakapikit ang mga mata ko, sinasampal ako ng mga pulis sa buong mukha o marahas akong sinisipa, o bigla akong sinisigawan nang malakas sa tainga ko. Dahil sa matagal na kawalan ng tulog, dumanas ako ng kalituhan, mataas na lagnat, pagkahilo, at pagkuliling sa mga tainga ko. Nagsimula pa ngang dumoble ang paningin ko.
Sa ikadalawampung araw ng pagpapahirap ng mga pulis, umabot na sa limitasyon ang katawan ko. Bumagsak ako sa lupa at hindi ako makaipon ng lakas para bumangon. Ayaw bumukas ng mga mata ko, at nagsimulang lumabo ang ulirat ko. Nahirapan din ako sa paghinga, at pakiramdam ko ay maaari akong mamatay anumang sandali. At napuno ako ng takot, hindi ko mapigilan ang pag-iisip tungkol sa nanay, asawa, at mga anak ko. Nag-alala ako na kung mamamatay ako, baka hindi nila kakayanin at magkakaroon sila ng hirap sa pag-iisip—paano na sila mabubuhay pagkatapos niyon? Habang nasa kalituhan, narinig ko na sinabi ng pulis, “Kahit mamatay pa ang mga taong matigas ang ulo na katulad mo, mawawalan ng saysay ang kamatayan mo! Ililibing ka namin sa kung saang lugar lang na walang makakaalam!” Sinabi rin niya, “Sabihin mo lang kung saan ka nakatira, at tatapusin na namin ang kaso! Ayaw naming magpuyat magdamag na kasama kang naghihirap.” Naisip ko, “Kung wala akong anumang sasabihin ngayong gabi, malamang na hindi ko ito malalampasan. Baka puwede akong magsabi sa kanila ng hindi importanteng bagay.” Naisip ko ang matandang sister na nagpatira sa akin—kaunti lang ang alam niya tungkol sa mga usapin ng iglesia. Kung aaminin ko ang pagtira sa bahay niya, hindi naman niyon mapipinsala ang iglesia, hindi ba? Dalawampung araw na mula nang maaresto ako, at malamang na matagal nang nailipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa bahay niya. Kung wala silang mahanap na ebidensya, malamang na walang anumang magagawa ang mga pulis sa sister. Sa isiping ito, hindi ko alam kung paano magdasal sa Diyos, at nang ipakita sa akin ng mga pulis ang bahay ng sister na ito, inamin ko na sa kanya iyon at binanggit ko pa nga kung ilan sila sa pamilya niya. Sa sandaling namutawi sa mga labi ko ang mga salita, agad na naging malinaw ang isipan ko, at napagtanto ko na naging Hudas ako. Lalo akong natakot at namanhid ang buong katawan ko. Sinisi ko ang sarili ko at pinagsisihan ko ito nang husto, namumuhi kung paanong kaya kong maging isang Hudas at ipagkanulo ang sister. Sana maibalik pa ang oras para mabawi ko ang sinabi ko, pero huli na ang lahat. Naisip ko kung paanong pinatira ako ng sister sa bahay niya sa kabila ng sarili niyang seguridad, pero ipinagkanulo ko siya para iligtas ang sarili ko—mas lalo akong inusig ng konsensiya ko, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa kawalan ng anumang pagkatao, lalo na nang maalala ko ang mga salita ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Parang kutsilyong tumagos sa puso ko ang mga salitang ito, at mas lalo akong inusig at sinumbatan ng konsensiya ko. Alam ko sa puso ko na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, hindi kumukunsinti ng pagkakasala ng tao. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong nagkakanulo sa Kanya at sa mga kapatid para iligtas ang kanilang sarili. Naging isa akong kahiya-hiyang Hudas sa pamamagitan ng pagkakanulo sa sister na iyon, at nasugatan ko ang puso ng Diyos. Posibleng hindi ako maililigtas ng Diyos ngayon; ako ang pumutol sa landas ko ng pananalig sa Diyos. Habang iniisip ko ang lahat ng ito, tila napupunit ang puso ko sa sobrang sakit. Gabi-gabi akong hindi makatulog, at namuhay ako sa dalamhati at paninisi sa sarili. May pagkakautang ako sa Diyos at sa sister na iyon. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Pagkatapos niyon, nang makita ng mga pulis na wala na silang makukuha pa sa akin, nag-imbento sila ng mga paratang laban sa akin at sinentensyahan ako ng isa at kalahating taon ng pagkakakulong. Noong panahong iyon, sobrang hina ng katawan ko; hinihingal na ako matapos lang ang ilang hakbang kapag nag-eehersisyo ako sa labas. Natakot ang pulis na baka sila pa ang maging dahilan ng pagkamatay ko, kaya pinalaya nila ako sa medical parole pagkalipas ng limampung araw, pero hindi nila ako pinahintulutang umalis sa lokal na lugar. Kinailangan kong iulat ang mga kinaroroonan ko sa kanila buwan-buwan at gumawa ng ideolohikal na ulat sa istasyon ng pulisya kada tatlong buwan. Kalaunan, nalaman kong binisita ng mga pulis ang bahay ng sister noong panahong iyon, at hindi na niya maaaring gawin ang mga tungkulin niya.
Nanatili ako sa bahay nang higit sa isang buwan, pero pagkatapos ay dumating ang mga pulis para arestuhin akong muli, kaya dali-dali akong tumakas sa ibang lungsod para magtrabaho. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, natunton ako ng mga pulis sa lugar ng konstruksiyon para arestuhin ako, at magdamag na tumakas ako mula sa lugar na iyon. Ang panahong iyon ang pinakamahirap para sa akin. Nawalan ako ng ugnayan sa iglesia, at itinakwil ako ng mga kamag-anak at kaibigan ko. Wala akong mapagtaguan at kung saan-saan lang ako naglagalag, madalas na natutulog sa ilalim ng mga tulay. Labis kong naramdaman ang kawalan ng magawa, na para bang ayaw na sa akin ng Diyos. Alam kong nasalungat ko ang disposisyon ng Diyos at nararapat lang sa akin ang gayong kaparusahan. Sa realidad, kaya kong tiisin ang pisikal na pagdurusa, pero ang pagkawala ng Diyos, buhay iglesia, at pagkakataong mabasa ang mga salita ng Diyos ay naging dahilan para gustuhin ko na lang mamatay kaysa mabuhay. Hindi ako naglakas-loob na magdasal sa Diyos, at hindi ko naramdaman na karapat-dapat akong magdasal sa Kanya. Pakiramdam ko ay naging isa akong Hudas, isang taong kinasusuklaman ng Diyos. Pakikinggan pa kaya ng Diyos ang mga panalangin ko? Hindi ako makatulog gabi-gabi, at napuno ako ng labis na pagsisisi na hindi ko alam kung ilang beses kong sinampal ang sarili ko, at maraming beses kong ginustong tapusin ang pasakit ko sa pamamagitan ng kamatayan. Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos at unti-unti kong naunawaan nang kaunti ang Kanyang layunin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at mapanglaw ang kinabukasan nila. Nagdurusa ang ilang tao hanggang sa isang partikular na antas, gusto pa ngang mamatay. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kakayahan! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga sitwasyong kinakaharap ko ay dahil sa pagiging matuwid ng Diyos—isang nararapat na kaparusahan para mga kilos kong mala-Hudas. Gayumpaman, nilikha ako ng Diyos at hindi ko dapat piliin ang kamatayan para sa aking sarili; dapat kong tanggapin ang parusa ng Diyos. Sa hinaharap, kung magkakaroon man ako ng pagkakataon, patuloy akong susunod sa Diyos. Kahit na nangangahulugan ito ng pagseserbisyo para sa Diyos, kusang-loob kong gagawin iyon. Kaya, iwinaksi ko ang kaisipan ng kamatayan at lumuhod ako nang umiiyak sa panalangin, “Diyos ko! Nararapat akong mamatay; nararapat akong sumpain …” Sa loob ng mahabang oras, ito lang ang nasabi ko sa panalangin sa Diyos bago ako tuluyang hindi makapagsalita.
Noong 2008, nahanap ako ng mga kapatid at sinabi nila na ang pagkakanulo ko sa sister ay isang sandali ng kahinaan sa aking laman, na hindi nagdulot ng malaking kawalan sa iglesia. Sinabi nila na mahusay ang aking patuloy na paggampan sa tungkulin at muli akong inatasan ng tungkulin ng iglesia. Noong sandaling iyon, napaiyak ako. Naniniwala ako na nararapat lang akong parusahan at ipadala sa impiyerno dahil sa pagkakanulo ko sa Diyos at pagiging Hudas. Pero hindi ako tinrato ng Diyos ayon sa aking pagsalangsang; binigyan niya ako ng pagkakataong magsisi. Lalo kong naramdaman ang pagsisisi at pagkamuhi sa sarili ko, napagtatanto ko kung gaano kalaki ang pagkakautang ko sa Diyos. Nagpasya ako sa puso ko na anuman ang mga tungkuling itinalaga sa akin ng iglesia sa hinaharap, pahahalagahan at tutuparin ko ang mga ito para masuklian ang Diyos. Kalaunan, nagsimulang arestuhin ng Partido Komunista ang mga mananampalataya sa iba’t ibang lugar, at inaresto rin ang dalawang lider mula sa aming iglesia. Hindi nagtagal, nabalitaan ko na ginampanan nila ang pagiging Hudas at pinatalsik sila sa iglesia. Noong panahong iyon, naisip ko, “Kung pinatalsik sila dahil sa pagiging Hudas, at kumilos din ako nang ganoon, hindi ba’t mapapatalsik din ako sa madaling panahon?” Sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na ito, medyo kumirot ang puso ko. Pakiramdam ko ay napakalaki ng pagsalangsang ko, at gaano man ako maghangad, tila maliit ang pag-asa ko na maligtas. Marahil isang araw, kung magkakamali ako sa paggawa ng mga tungkulin ko, baka patalsikin ako ng iglesia. Lalo akong nagsisi noon, kinamumuhian ko ang sarili ko dahil sa hindi ko paninindigan sa aking patotoo. Kung nanindigan lang sana ako sa aking patotoo noon, hindi sana ako magdurusa nang ganito. Ang lahat ng ito ay dahil sobra akong natakot sa kamatayan at mas pinili kong mamuhay nang mababa. Inayos ko ang higaan ko, at ngayon ay kailangan kong humiga rito; hindi ko puwedeng sisihin ang ang sinuman. Kaya, lalo akong nagsusumikap sa paggawa ng aking mga tungkulin, umaasang mapunan ang pagsalangsang ko ng mas maraming mabuting gawa. Tungkol naman sa mga pagpapala, pangako, at mga salitan ng Diyos na nagbibigay-ginhawa at lakas ng lob sa mga tao, pakiramdam ko ay wala na akong kinalaman sa mga ito. Kalaunan, habang tumutulong ako sa pag-oorganisa ng mga materyal para sa pagpapaalis ng mga tao, sa tuwing kinokolekta at inoorganisa ko ang mga materyal tungkol sa mga Hudas na iyon, naaalala ko ang pinsalang naidulot ko sa sister sa pamamagitan ng paggampan ko bilang Hudas. Ang usaping ito ay parang isang tatak na sinunog sa puso ko. Sa tuwing naiisip ko ito, pakiramdam ko ay inakusahan ako, at ang sakit ay parang sinaksak ako ng kutsilyo. Ang usaping ito ay naging isang panghabambuhay na dungis at pasakit sa puso ko. Kalaunan, nagkaroon ako ng iba’t ibang karamdaman gaya ng sakit sa puso at altapresyon, at unti-unting humina ang kalusugan ko. Nagsimula akong mapaisip: Dumaranas ba ako ng kaparusahan? O inabandona na ba ako ng Diyos? Lalo akong nahirapan at pinanghinaan ng loob dahil dito. Minsan, kapag nagbubunyag ako ng katiwalian sa paggampan ng aking tungkulin, alam kong kailangan kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking tiwaling disposisyon. Pero pagkatapos, naiisip ko kung gaano kalaki ang pagsalangsang ko at kung gaano kabigat ang kalikasan nito, at napapaisip ako: Maliligtas pa rin ba ako ng Diyos? Bibigyang-liwanag pa rin kaya Niya ako para maunawaan ko ang katotohanan? Dahil dito, namuhay ako sa kalagayan ng pagkasira ng loob.
Isang araw, nalaman ng isang sister ang tungkol sa kalagayan ko at nakipagbahaginan siya tungkol sa kanyang mga karanasan para tulungan ako. Binasa rin niya sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Pinagpapasyahan ba ng Diyos kung maliligtas o hindi ang isang tao batay sa antas ng kanyang katiwalian? Pinagpapasyahan ba ng Diyos kung hahatulan at parurusahan ang tao batay sa laki ng kanyang mga pagsalangsang o sa dami ng kanyang katiwalian? Pinagpapasyahan ba ng Diyos ang hantungan at kapalaran ng tao batay sa hitsura nito, sirkumstansiya ng pamilya nito, antas ng kakayahan nito, o kung gaano na ito nagdusa? Hindi ginagamit ng Diyos ang mga bagay na ito bilang batayan ng Kanyang mga desisyon; ni hindi Niya tinitingnan ang mga bagay na ito. Kaya dapat mong maunawaan na yamang hindi sinusukat ng Diyos ang mga tao batay sa mga bagay na ito, hindi mo rin dapat sukatin ang mga tao batay sa mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng isang tao batay sa laki ng kanyang pagsalangsang o sa lawak ng kanyang katiwalian. Sa halip, tinitingnan ng Diyos kung ang isang tao ay tunay na nagsisisi pagkatapos gumawa ng mga pagsalangsang at sa huli ay tinutukoy ang kalalabasan at hantungan ng isang tao batay sa kung taglay niya ang katotohanan at kung nagbago na ba ang kanyang disposisyon. Dapat kong bitiwan ang sarili kong mga kuru-kuro, hanapin ang katotohanan, pagnilayan, at lutasin ang sarili kong mga isyu. Ito ay naaayon sa layunin ng Diyos. Sa pagkaunawa sa mga bagay na ito, nailabas ang karamihan sa mga pinipigilang emosyon na dala-dala ko sa loob ng maraming taon. Kasabay ng pag-agos ng aking mga luha, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos ko! Sa loob ng maraming taon, namumuhay ako sa isang negatibong kalagayan, nag-aalala tungkol sa kinabukasan at hantungan ko, at wala akong puso na hangarin ang katotohanan. Salamat sa pagtulong sa akin sa pamamagitan ng sister. Handa na po akong magsisi sa Iyo. O Diyos! Pakiusap, gabayan Mo po ako na malutas ang sarili kong mga isyu.”
Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May isa pang sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa emosyon ng pagkalumbay, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nalulumbay sila dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng pagkalumbay ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng pagtukoy sa kung anong uri sila ng tao. … Tuwing sila ay nakikinig sa isang sermon o sa isang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, unti-unting pumapasok ang pagkalumbay na ito sa kanilang isipan at sa kaibuturan ng kanilang puso, at nag-iisip sila nang husto, tinatanong ang kanilang sarili, ‘Kaya ko bang gawin ito? Kaya ko bang hangarin ang katotohanan? Kaya ko bang makamit ang kaligtasan? Anong uri ako ng tao? Nagawa ko ang bagay na iyon dati, dati akong ganoong uri ng tao. Wala na ba akong pag-asang mailigtas? Ililigtas pa ba ako ng Diyos?’ Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang emosyon na pagkalumbay. Ibinubuhos nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang enerhiya at ginagamit ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin, mga obligasyon, at responsabilidad, at nagagawa pa nga nilang buong puso at isip na hangarin ang katotohanan at pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at pinagsusumikapan nila nang husto ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, sa sandaling may maganap na espesyal na sitwasyon o pangyayari, muli silang nalulumbay, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay may sala. Iniisip nila, ‘Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mapapatawad ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?’ Madalas nilang pinupuna ang kanilang sarili at sa loob-loob nila ay nadarama nila na may sala sila, at palagi silang nagdududa, palaging ginigisa sa pagtatanong ang kanilang sarili. Hindi nila kailanman matalikdan o maiwaksi ang emosyong ito ng pagkalumbay at palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, bagamat maraming taon na silang nananalig sa Diyos, tila ba hindi nila napakinggan o naunawaan ang anumang sinabi ng Diyos. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kwalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nalulumbay. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang naaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong iniisip, inaalala nila kung paano ito nagsimula at kung paano ito nagwakas, inaalala nila ang lahat mula simula hanggang wakas. Paano man nila ito maalala, palagi nilang nadarama na makasalanan sila, kaya palagi silang nalulumbaytungkol sa bagay na ito sa loob ng maraming taon. Kahit na kapag sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin, kahit na kapag sila ay namumuno sa isang partikular na gawain, pakiramdam pa rin nila na wala silang pag-asa na mailigtas. Samakatuwid, hindi nila kailanman direktang hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan at itinuturing ito bilang isang bagay na pinakatama at pinakamahalaga. Naniniwala sila na ang kanilang mga pagkakamali o ang mga bagay na kanilang nagawa sa nakaraan ay hindi maganda sa paningin ng karamihan, o na maaaring sila ay makondena at kasuklaman ng mga tao, o na makondena pa nga ng Diyos. Nasa anong yugto man ang gawain ng Diyos o gaano man karami ang Kanyang sinabi, hindi nila kailanman hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan sa tamang paraan. Bakit ganito? Wala silang lakas ng loob na talikdan ang kanilang pagkalumbay. Ito ang panghuling konklusyon ng ganitong uri ng tao mula sa kanyang karanasan sa ganitong uri ng bagay, at dahil hindi tama ang kanyang konklusyon, hindi niya kayang talikdan ang kanyang pagkalumbay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos, at ang inilantad ng mga ito ay ang tunay kong kalagayan. Inaresto ako at ginampanan ko ang pagiging Hudas, ipinagkakanulo ang Diyos at ang sister. Nakatatak sa puso ko ang usaping ito. Bagaman tinanggap ako ng iglesia at pinahintulutan akong gawin ang mga tungkulin ko, hindi ko pa rin nalampasan ang hadlang na ito. Sa tuwing naiisip kong gumampan bilang Hudas at ang pinsalang naidulot ko sa sister, napagpasyahan ko na isa akong taong walang pag-asang maligtas. Sa tuwing pinapanood ko ang mga video na batay sa karanasan ng mga kapatid na inaaresto at pinahihirapan pero naninindigan sa kanilang mga patotoo, nahihiya at nakokonsensiya ako, at inuusig ako ng konsensiya ko. Sa bawat pagkakataon na kinokolekta at inoorganisa ko ang mga materyal kaugnay sa pagpapaalis sa mga Hudas, parang sinasaksak ng kutsilyo ang puso ko, at kinamumuhian ko ang sarili ko dahil hindi ako nanindigan sa aking patotoo noon. Kung nanindigan lang sana ako, hindi sana magiging ganoon ang paghihirap ko. Bagaman sa panlabas ay ginagampanan ko ang mga tungkulin, sa loob-loob ko, palagi na lang akong nasisiraan ng loob, pakiramdam ko ay hindi ako katulad ng iba. Ipinagkanulo ko ang Diyos at ginampanan ko ang pagiging Hudas—isang taong kinasusuklaman ng Diyos. Gusto pa ba ako ng Diyos? Ililigtas pa ba Niya ako? Sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na ito, napuno ako ng pasakit at pagkabalisa. Hindi man lang ako naglakas-loob na magdasal sa Diyos, pakiramdam ko ay kinasusuklaman ako ng Diyos at ayaw niyang makinig sa mga panalangin ko. Ganoon din ang pababasa ng mga salita ng Diyos; sa tuwing nagbabasa ako ng mga salita ng panghihikayat, pagbibigay-ginhawa, pangako, o pagpapala, pakiramdam ko ay hindi para sa isang katulad ko ang mga iyon. Hindi ako karapat-dapat sa mga pangako o pagpapala ng Diyos; nararapat lang sa akin ang mga sumpa at parusa! Matagal na akong namuhay sa isang kalagayan ng maling pagkaunawa sa Diyos, walang determinasyon na hangarin ang katotohanan, at kontento na lang sa paggawa nang maayos sa gawain para pagbayaran ang aking pagsalangsang. Sa katotohanan, hindi ako pinagkaitan ng Diyos ng karapatang kumain at uminom ng Kanyang mga salita, at ibinigay Niya sa akin ang pagkakataong gawin ang mga tungkulin ko at hangarin ang katotohanan. Ang lahat ng ito ay pabor ng Diyos. Gayumpaman, namuhay ako sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob. Nang mabunyag ang katiwalian sa paggampan ko ng mga tungkulin, alam kong dapat kong hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Pero sa tuwing naiisip ko ang paggamapan ko bilang Hudas, pakiramdam ko, kahit anong sikap ko o gaano man ako maghangad, wala pa ring saysay ang lahat. Maililigtas pa kaya ng Diyos ang mga nagkanulo sa Kanya? Kung magpapatuloy akong higit na magtrabaho at tutuparin ang mga tungkulin ko para makabawi sa mga kamaliang nagawa, baka isang araw ay makikita ng Diyos ang aking tapat na pagtatrabaho at magiging mas magaan ang parusa. Palagi akong nabibigatan ng aking pagsalangsang, namumuhay sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob. Sa paglipas ng mga taon, bagaman maraming bagay ang nangyari, kontento na ako na basta lang magsikap at tapusin ang mga bagay nang hindi tumutuon sa aking buhay pagpasok, nawawalan ng maraming pagkakataon na makamit ang katotohanan.
Sa aking pagninilay-nilay, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay kailanman ay hindi matinag-tinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o napipigilan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilantad ng Diyos na ang pananampalataya ng mga tao sa Kanya ay may lihim na mga motibo, lahat alang-alang sa kanilang kapalaran at kinabukasan, pati na sa mga personal na pagpapala. Kung isang araw ay hindi nila makakamit ng mga pagpapala o wala silang makitang kapalaran o kinabukasan pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, namumuhay bilang resulta sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob. Naisip ko si Pablo: Noong una, nilabanan niya ang Panginoong Jesus, inaaresto at inuusig ang mga disipulo ng Panginoon. Pagkatapos, sa daan patungong Damascus, inilugmok ng Diyos si Pablo gamit ang isang malaking liwanag at tinawag siya na isang apostol. Maraming taong ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo, sa simula ay para pagbayaran ang kanyang mga kasalanan at makabawi sa mga kamaliang nagawa. Pero hindi man lang niya hinangad ang katotohanan para baguhin ang kanyang tiwaling disposisyon. Bilang resulta, pagkatapos ng maraming taon ng gawain, hindi niya binago ang kanyang satanikong kalikasan ng paglaban sa Diyos at pakiramdam pa nga niya na ang kanyang pagpapakapagod at paggawa sa loob ng maraming taon ay nakapagbayad na sa kanyang mga kasalanan, na ang kanyang mga merito ay lumalamang na sa kanyang mga kamalian, at hayagan siyang humingi ng korona mula sa Diyos at sa huli, itiniwalag siya ng Diyos. Sa pagninilay-nilay sa aking sarili, napagtanto ko na tinahak ko ang parehong landas ni Pablo. Dahil ipinagkanulo ko ang sister at ginampanan ko ang pagiging Hudas, naisip ko na parang malabo na ang pag-asang magkaroon ng mga pagpapala. Lalo na nang makita kong pinatalsik ang dawalang lider ng iglesia dahil sa pagiging Hudas, nag-alala ako na baka mapatalsik din ako ng iglesia balang araw. Naging negatibo ako at nagpakatamad, nang walang determinasyon na hangarin ang katotohanan, at pakiramdam ko ay hindi na ako ililigtas ng Diyos. Gaano man ako magsikap o maghangad, walang magiging magandang kalalabasan o hantungan para sa akin. Nakita ko na ang layon ko sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin ay para sa mga pagpapala, hindi para makamit ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, o palugurin Siya sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa nakalipas na ilang taon, palagi akong pinahihirapan ng aking pagsalangsang, nababalisa tungkol sa aking kinabukasan at hantungan. Bagaman nakaramdam ako ng kaunting pagsisisi at pagkamuhi sa aking pagsalangsang, hindi pa rin nalutas ang aking nakatanim na pananaw tungkol sa paghahangad ng mga pagpapala. Dahil dito, napagtanto ko na hindi ako tunay na nagsisi sa Diyos, sa halip, sinusubukan kong pagbayaran ang aking pagsalangsang sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga at paggugol ng sarili ko, nang sa gayon ay baka hindi na ako usigin ng konsensiya ko. Nakita ko na naghahanap pa rin ako ng mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos pagkatapos gumawa ng napakalaking kasamaan—ito ay tunay na pangit, makasarili, at ubod ng sama. Dahil dito, nakaramdam ako ng mas matinding pagsisisi at pagkasuklam sa sarili.
Habang naghahanap, nakatagpo ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan pa nang kaunti ang Kanyang matuwid na disposisyon. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay sumalangsang at dinungisan ang kanilang sarili sa ilang partikular na paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban sa Diyos at nagsalita ng mga kalapastanganang bagay; tinanggihan ng ilang tao ang atas ng Diyos at hindi ginampanan ang kanilang tungkulin, at itinaboy ng Diyos; ipinagkanulo ng ilang tao ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ipinagkanulo ng ilan ang Diyos nang lagdaan nila ang ‘Tatlong Pahayag’ noong arestuhin sila; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay ginulo nang madalas ang buhay-iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo ng mga pangkat at pinagmalupitan ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagpakalat ng mga kuru-kuro at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay gumawa ng kalaswaan at kahalayan, at naging masamang impluwensiya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga paglabag at dungis. Pero nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi at mamamatay bago magsisi. Kaya dapat tratuhin ang mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang hindi nagbabagong pag-uugali. Ang mga puwedeng magsisi ay ang mga tunay na nananalig sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, ang mga dapat alisin at patalsikin ay aalisin at patatalsikin. Ang ilang tao ay masama, ang ilan ay hangal, ang ilan ay mangmang, at ang ilan ay mga halimaw. Magkakaiba ang bawat isa. Sinasapian ng masasamang espiritu ang ilang masasamang tao, habang ang iba naman ay mga kampon ni Satanas at ng mga diyablo. Ang ilan ay partikular na masama ayon sa kalikasan, ang ilan ay partikular na mapanlinlang, ang ilan ay sadyang sakim pagdating sa pera, at ang iba naman ay nagpapakasasa sa kahalayan. Magkakaiba ang pag-uugali ng bawat tao, kaya dapat tingnan ang lahat ng tao sa komprehensibong paraan alinsunod sa kanilang indibiduwal na kalikasan at mga hindi nagbabagong pag-uugali. … Ang pakikitungo ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Kapag ang Kanyang saloobin ukol sa isang tao ay pagkamuhi o pagkasuklam, o pagdating sa sinasabi ng taong ito sa isang partikular na konteksto, nauunawaan Niyang mabuti ang mga kalagayan nito. Ito ay dahil masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging iniisip ng mga tao, ‘Ang Kanyang pagka-Diyos lamang ang taglay ng Diyos. Siya ay matuwid at hindi pinalalampas ang pagkakasala ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa sitwasyon ng mga tao. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.’ Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang pagiging matuwid, Kanyang gawain, at Kanyang pagtrato sa mga tao, maling-mali ang taong ito. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa nagawa nila. Ang Diyos ay matuwid, at sa malao’t madali, titiyakin Niya na lahat ng tao ay lubusang nakumbinsi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Bawat taong tumanggap sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng ilang pagkakataon para maligtas; sa pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magiging maluwag Siya sa kanila hangga’t maaari. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na kaluwagan. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na tunay na matuwid ang disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang pagiging matuwid, hindi lang paghatol at poot ang mayroon kundi pati na rin ang awa at pagpaparaya. Ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao ay labis na nakabatay sa mga prinsipyo. Hindi Niya hinahatulan ang mga tao batay sa kanilang mga pansamantalang pagsalangsang, kundi komprehensibo Niyang sinusuri ang kalikasan at pinagmumulan ng kanilang mga kilos, pati na ang kanilang tayog at ang mga kahihinatnang idinudulot nila. Kung ang isang tao, dahil sa isang sandali ng kahinaan, ay nagkakanulo sa isang tao nang hindi nakakapagsanhi ng malaking kawalan sa iglesia at nang hindi buong-pusong nagtatatwa o nagkakanulo sa Diyos, at kalaunan ay tunay siyang nagsisisi, nagpapakita pa rin ng awa ang Diyos at binibigyan Niya ang tao na ito ng pagkakataong magsisi. Ganap na inaayon ng ilang tao ang kanilang sarili sa malaking pulang dragon pagkatapos ng kanilang pagkaaresto; ipinagkakanulo nila ang mga kapatid at ang mga interes ng iglesia, at nagiging mga kasabwat pa nga sila ng malaking pulang dragon. Ang lahat ng ito ay ibinunyag ng masasamang tao na hindi na matutubos. Para sa gayong mga indibidwal, hindi nagpapakita ng habag ang Diyos. Naalala ko ang sarili kong karanasan nang madakip at mapahirapan ako, nasagad ang limitasyon ng katawan ko dahil sa matagal na kawalan ng tulog, at pagkatapos, ipinagkanulo ang nakatatandang sister nang hindi nagdudulot ng malaking kawalan sa iglesia. Pagkatapos niyon, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at pagkasuklam sa sarili ko. Ang mga kilos ko ay bumuo ng matinding pagsalangsang, at binigyan pa rin ako ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon na magsisi. Tungkol naman sa dalawang lider ng iglesiang iyon, matapos madakip at nang hindi nagtitiis ng anumang paghihirap, pinili nilang gumampan bilang Hudas dahil takot silang magdusa ang katawan nila, bukod sa hindi sila pumirma sa “Tatlong Pahayag” ipinagkanulo rin nila ang mga lider at manggagawa mula sa mahigit isang dosenang iglesia, humahantong sa pagkahinto sa gawain ng maraming iglesia at pagdudulot ng malaking kawalan. Ang mga kilos nila ay hindi dulot ng panandaliang kahinaan; ang diwa nila ay kay Hudas, at sila ay masasamang tao na hindi matutubos. Ang desisyon ng iglesia na patalsikin sila ay ganap na nakaayon sa mga prinsipyo—ito ay pagiging matuwid ng Diyos. Napagtanto ko na nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, pero hindi ko Siya kilala. Namuhay ako sa isang kalagayan ng maling pagkaunawa at pag-iingat laban sa Diyos, naniniwalang kokondenahin ng Diyos ang mga tao sa sandaling gumawa sila ng mga pagsalangsang nang hindi sila binibigyan ng pagkakataong maligtas. Nakita ko kung gaano ako naging mapanlinlang at buktot.
Kalaunan, natagpuan ko ang landas ng pagsasagawa sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung gusto ng mga tao na lutasin ang kanilang mga maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos, sa isang panig ay dapat nilang kilalanin ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at suriin at intindihin ang dati nilang mga pagkakamali, maling landas, paglabag, at kapabayaan. Sa ganitong paraan ay mauunawaan at makikita nila nang malinaw ang sarili nilang kalikasan. Bukod pa rito, dapat makita nila nang malinaw kung bakit naliligaw ang mga tao at gumagawa ng napakaraming bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at ang kalikasan ng mga gawaing ito. Higit pa rito, dapat nilang maunawaan kung ano ba mismo ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, kung bakit laging walang kakayahan ang mga tao na kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at kung bakit lagi silang sumasalungat sa Kanyang mga layunin at ginagawa ang magustuhan nila. Dalhin ninyo ang mga bagay na ito sa harap ng Diyos at manalangin kayo, unawain ninyo nang malinaw ang mga ito, at pagkatapos ay mababago na ninyo ang inyong kalagayan, mababago na ninyo ang takbo ng inyong pag-iisip, at malulutas na ninyo ang maling pagkakaunawa ninyo sa Diyos. May mga tao na laging nagkikimkim ng mga di-wastong layunin anuman ang ginagawa nila, lagi silang mayroong masasamang ideya, at hindi nila masiyasat kung tama ba o mali ang lagay ng kanilang kalooban, ni makilatis ito ayon sa mga salita ng Diyos. Magulo ang isip ng mga taong ito. Ang isa sa mga pinakamalinaw na katangian ng isang taong magulo ang isip ay na matapos niyang gumawa ng isang masamang bagay ay nananatili siyang negatibo kapag naharap sa pagpupungos, nagpapakalugmok pa nga siya sa kawalang pag-asa at nagpapalagay na katapusan na niya at hindi na siya maililigtas pa. Hindi ba’t ito ang pinakakalunos-lunos na asal ng isang taong magulo ang isip? Hindi niya mapagnilayan ang kanyang sarili nang ayon sa salita ng Diyos, at hindi niya kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang problema kapag nahaharap siya sa mahihirap na bagay. Hindi ba’t ito ay pagkakaroon ng napakagulong pag-iisip? Malulutas ba ng pagpapakalugmok mo sa kawalang pag-asa ang mga problema? Malulutas ba ng laging pakikibaka nang negatibo ang mga problema? Dapat maintindihan ng mga tao na kung magkamali o magkaproblema sila ay dapat nilang hanapin ang katotohanan para lutasin iyon. Kailangan muna nilang magnilay-nilay at maunawaan kung bakit sila nakagawa ng masama, kung ano ba ang layunin nila at ang pinagmulan ng paggawa niyon, kung bakit nila gustong gawin iyon at ano ang layon nila, at kung mayroon bang taong nanghimok, nag-udyok, o nanlilihis sa kanila na gawin iyon o kung sadya nilang ginawa iyon. Ang mga tanong na ito ay dapat na mapagnilayan at malinaw na maintindihan, at pagkatapos ay malalaman na nila kung ano ang mga kamaliang nagawa nila at kung ano ba sila. Kung hindi mo makilala ang diwa ng masasamang gawain mo o hindi ka matuto ng leksyon mula roon, hindi malulutas ang problema. Maraming tao ang gumagawa ng masasamang bagay at hindi kailanman pinagninilayan ang kanilang mga sarili, kaya ang gayong mga tao ba ay totoong makapagsisisi kailanman? May pag-asa pa ba silang maligtas? Ang sangkatauhan ay mga inapo ni Satanas, at nilabag man nila o hindi ang disposisyon ng Diyos, ang kanilang kalikasang diwa ay pareho lang. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang mga sarili at higit na makilala ang kanilang mga sarili, makita nang malinaw kung hanggang sa anong antas sila nagrebelde at lumaban sa Diyos, at kung matatanggap pa rin ba nila ang katotohanan at maisasagawa ang katotohanan. Kung malinaw nilang makikita ito, malalaman nila kung gaano sila nanganganib. Sa katunayan, batay sa kanilang mga kalikasang diwa, lahat ng tiwaling tao ay nasa panganib; kinakailangan ng matinding pagsisikap para matanggap nila ang katotohanan at hindi ito madali para sa kanila. May mga taong nakagawa ng masama at naghayag ng kanilang kalikasang diwa, samantalang may ilan na hindi pa nakagagawa ng masama subalit hindi naman ibig sabihin noon ay mas mabuti sila kaysa iba—hindi pa lang sila nagkaroon ng sitwasyon o pagkakataong gawin iyon. Dahil mayroon kang ganitong mga paglabag, dapat na maging malinaw sa puso mo kung anong saloobin ang dapat mayroon ka ngayon, kung ano ang dapat mong panagutan sa Diyos, at kung ano ang gusto Niyang makita. Dapat mong linawin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap; pagkatapos ay malalaman mo kung paano ka dapat maghangad sa hinaharap, at hindi ka na maiimpluwensiyahan o mapipigil ng mga pagkakamaling nagawa mo dati” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, labis na naantig ang puso ko. Hindi lang tinitingnan ng Diyos ang mga nakaraang pagsalangsang ng mga tao. Hangga’t lumalapit ang isang tao sa Diyos, tinatanggap niya ang katotohanan, ginagawa niya ang kanilang mga tungkulin nang tapat at responsable, at nagpapakita siya ng pagsisisi sa pamamagitan ng mga tunay na kilos, kung makikita ng Diyos ang pagbabago ng taong ito, bibigyan Niya ito ng pagkakataon na maligtas. Kunin nating halimbawa si Pedro. Nang madakip ang Panginoong Jesus, tatlong beses Siyang itinatwa ni Pedro. Labis niyang pinagsisihan ito at pagkatapos ay tumuon siya sa paghahangad sa katotohanan, naghahangad na mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya. Sa huli, ipinako si Pedro sa krus nang patiwarik para sa Diyos, nagbibigay ng isang magandang patotoo. Pagkatapos, si David. Kinuha niya ang asawa ni Uriah at dinanas niya ang matinding pagtutuwid mula sa Diyos. Labis na nagsisi si David at hindi niya kailanman inulit ang pagkakasala, kahit na noong mas matanda na siya nang may isang batang babaeng nagpainit sa kanyang kama. Ginugol niya ang buhay niya sa paghahanda ng pagtatatayo ng templo at pag-aakay sa mga tao ng Israel sa pagsamba sa Diyos, na nagpapakita ng pagsisisi sa Diyos sa pamamagitan ng tunay na kilos. Ipinakita sa akin ng pagninilay-nilay ko sa mga karanasan ni Pedro at David ang daan pasulong. Kailangan kong harapin nang tama ang aking pagsalangsang, lubusang pagnilayan ang aking sarili, hanapin ang katotohanan para malutas ang aking pagsalangsang, at tunay na magsisi sa harap ng Diyos. Kalaunan, napagtanto ko na nawala ko ang aking patotoo sa pamamagitan ng pagkakanulo sa sister sa dalawang dahilan. Una, nilamon ako ng aking pagmamahal. Noong pinahirapan ako ng mga pulis at pinagbantaan ang buhay ko, hindi ko kayang bitiwan ang aking nanay, mga anak, at asawa. Natakot ako na kung mamamatay ako, hindi nila kakayanin ang dagok na ito kaya ipinagkanulo ko ang Diyos at ang sister, gumampan bilang ang kahiya-hiyang Hudas. Sa katunayan, nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng pamilya ko. Anuman ang pagdurusa o pasakit na kakailanganin nilang tiisin sa buhay ay pauna nang inorden ng Diyos. Kahit nanatili ako sa tabi nila, kakailanganin pa rin nilang harapin ang pagdurusa na kailangan nilang harapin—isa itong bagay na hindi ko kayang baguhin. Pero hindi ko malinaw na maunawaan ang mga bagay na ito, napigilan pa rin ako ng aking pagmamahal—tunay na naging hangal ako. Ang isa pang dahilan ay na dahil hindi ko malinaw na maunawaan ang mga usapin ng kamatayan—wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Nang pahirapan ako ng mga pulis sa loob ng dalawampung araw, umabot sa limitasyon ang kayang tiisin ng katawan ko. Noong sandaling iyon, labis akong natakot sa kamatayan at nakipagkompromiso ako kay Satanas. Naalala ko ang mga disipulo ng Panginoong Jesus, na, upang ipakalat ang ebanghelyo ng Panginoon, ay binato hanggang sa mamatay, kinaladkad ng mga kabayo hanggang sa mamatay, o ipinako sa krus. Tiniis nila ang pang-uusig alang-alang sa pagiging matuwid. Ang kanilang kamatayan ay isang patotoo ng pagkapanalo laban kay Satanas at pagpapahiya kay Satanas, at sila ay ginugunita ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Pero naging sakim ako sa buhay at takot sa kamatayan, at ipinagkanulo ko ang sister at kumapit ako sa isang walang dangal na pag-iral. Bagaman buhay pa rin ako sa pisikal, araw-araw kong tinitiis ang mental na pagpapahirap, namumuhay tulad ng isang naglalakad na bangkay. Ngayon, napagtanto ko na kahit mapilayan o mapatay ako ng mga pulis dahil sa aking pananalig, ito ay isang bagay na ikalulugod ng Diyos. Nang mapagtanto ito, nagpasya ako sa puso ko na kung sakaling muli akong madadakip ng malaking pulang dragon, kahit pa nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng buhay ko, maninindigan ako sa aking patotoo para sa Diyos at babawi sa aking mga nakaraang pagsalangsang.
Hindi nagtagal, muling naharap ang iglesia sa isa pang malawakang pag-aresto, at isinaayos ng iglesia na pangasiwaan ko ang mga kinalabasan na gawain. Sa mga talakayan tungkol sa iba’t ibang gampanin, aktibo akong nakilahok, tumutuon sa pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagtupad sa mga responsabilidad ko sa abot ng aking makakaya. Sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin ko, sa tuwing kusang nabubunyag ang aking tiwaling disposisyon, aktibo kong hinahanap ang katotohanan para lutasin ito. Nagsanay rin ako ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Nagpasya ako sa puso ko na kahit walang magandang kalalabasan o hantungan sa aking hinaharap, magsusumikap pa rin ako na tuparin ang aking mga tungkulin at taimtim na maghahangad sa katotohanan, na nagbibigay ng kaunting ginhawa sa puso ng Diyos.
Sa mga taong iyon, namumuhay ako sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob. Bagaman nakaramdam ako ng pagsisisi at pagkasuklam sa sarili, hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan para matugunan ang mga problema ko. Nagresulta ito sa hindi pag-usad ng buhay ko sa nakalipas na ilang taon, at napalampas ko ang maraming pagkakataong makamit ang katotohanan. Sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nalutas ko ang mga maling pagkaunawa at mga hadlang sa Diyos, pinalalaya ang sarili ko mula sa pagkakagapos at pagpipigil ng aking pagsalangsang, nagbibigay-daan sa akin na magawa ang mga tungkulin ko at mahangad ang katotohanan nang normal. Tunay akong nagpapasalamat sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso.