51. Kung Bakit Itinago Ko ang Kalituhan Ko
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na mga pagtatangka lang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). “Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga layon at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling ka at gumagamit ng mga mapanlinlang na pamamaraan, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung gumagamit ka ng mga pandaraya at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Simple at hayagang magsalita ang matatapat na tao, at sinsero sila sa Diyos at sa iba. Sinasabi nila ang anumang nasa puso nila, nang walang pagpapanggap o panlilinlang. Gayong mga tao ang mga taong gustong iligtas ng Diyos. Napakamasalimuot ng mga kaisipan ng mga mapanlinlang na tao. Walang katapatan sa mga salita at kilos nila. Hindi sila nagtatanong o naghahanap kapag may hindi sila nauunawaan. Sa halip, palagi silang nagtatago at nagpapanggap. Ang gayong mga tao ay may mga mapanlinlang na disposisyon at hindi basta-bastang naliligtas. Sa pagbabalik-tanaw, madalas akong magpanggap para protektahan ang imahe at katayuan ko. Namuhay ako sa isang mapanlilang na disposisyon. Kapag nahaharap sa mga problema o paghihirap na hindi ko maunawaan o malutas sa mga tungkulin ko, hindi ako nagtatapat para maghanap. Bukod sa namumuhay ako sa kadiliman, pagiging negatibo, at pagdurusa, hindi rin ako epektibo sa mga tungkulin ko. Kalaunan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kabuluhan ng pagiging isang matapat na tao, at sinimulan kong sadyang isagawa ang pagiging isang matapat na tao.
Hunyo 2020 noon, at gumagawa ako ng mga video sa iglesia. Sa simula, naisip kong dahil nagsisimula pa lang akong magsagawa, sa tuwing may hindi ako nauunawaan sa gawain ko, nagkukusa akong magtanong at matuto mula sa mga kapatid. Hayagan ko ring pinagbabahaginan ang anumang kalagayang mayroon ako, at matiyaga akong pinagbabahaginan at tinutulungan ng lahat, at pagkalipas ng ilang panahon, sinabi ng lahat ng kapatid na mabilis akong humuhusay. Sa isang pagsusuri ng gawain, sinabi ng superbisor na kahit na bata pa ako, medyo mahusay ang kakayahan ko, na mabilis akong natututo sa gawain ko, at na isa akong kandidato para sa paglilinang. Tinagubilinan din niya ang iba na tulungan at gabayan pa ako, para sa ganitong paraan, lalo pang bumilis ang pag-usad ko. Talagang sumaya ako nang makitang napakataas ng tingin sa akin ng superbisor, pero nakadama rin ako ng kaunting presyur, “Malaki ang pag-asa sa akin ng superbisor, kaya magmula ngayon ay kailangan kong magtrabaho nang husto, magsikap na mabilis matutuhan ang mga bagay at makagawa ng mga video nang mag-isa. Hindi ako puwedeng maglantad ng masyadong maraming problema gaya ng dati, kung hindi ay tiyak na iisipin ng mga kapatid na wala akong kakayahan at hindi na ako ituturing ng superbisor na isang kandidato para sa paglilinang.” Pagkatapos niyon, kapag nahaharap ako sa mga isyung hindi ko nauunawaan habang gumagawa ng mga video, nag-aatubili akong magtanong. Naisip ko, “Kung palagi akong magtatanong, mapapaisip ba ang mga kapatid kung bakit pagkatapos magsagawa nang ilang buwan, napakarami ko pa ring tanong? Hahamakin ba ako ng superbisor kapag nalaman niya? Hindi ba’t masisira niyon ang imahe ko ng pagkakaroon ng mahusay na kakayahan sa paningin ng iba? Hindi bale na, hindi na ako magtatanong, magsasaliksik ako nang sarili ko. Sa ganitong paraan, mas kaunting pagkukulang ang mailalantad ko.” Kaya nagsimula akong mag-isang maghanap ng mga tutorial para pag-aralan at sumubok ako ng iba’t ibang pamamaraan para lutasin ang mga problema. Ang resulta, bumagal ang pag-usad ko sa paggawa ng video. Minsan, napansin ng isang sister na medyo mabagal ang pag-usad ko sa paggawa ng video, at tinanong niya kung nagkakaroon ako ng anumang paghihirap. Ang totoo, gusto ko talagang sabihing nagkakaroon ako ng mga paghihirap, para makahanap na ako ng solusyon agad-agad, makatipid ng malaking oras, at maiwasang gawin ang mga bagay-bagay sa mahabang paraan. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Nakapagtanong na ako tungkol sa problemang ito dati. Kung magtatanong ulit ako, anong iisipin ng sister? Iisipin ba niyang kulang ako sa kakayahan at hindi ko matandaan ang mga bagay na itinuro dati? Iisipin ba niyang hindi ako karapat-dapat linangin? Hindi bale na, sinabi ng superbisor na mahusay ang kakayahan ko at mabilis akong matuto, at maganda ang impresyon niya sa akin, kaya hindi ko puwedeng ipakita sa kanya kung gaano ako kakulang.” Kaya sinabi ko sa sister, “Walang mga problema sa ngayon, hindi ko pa lang kasi masyadong nagagamit ang ganitong klase ng teknolohiya noon. Kung magsasanay ako rito nang ilang beses pa, matututuhan ko ito.” Pagkirinig sa sinabi ko, hindi na siya nagtanong pa tungkol dito. Tulad lang nito, may ilang aspekto pa rin kung saan hindi ko alam kung anong gagawin, pero mas pinili kong mag-aral nang mag-isa at maghanap ng mga tutorial sa halip na magtanong sa mga kapatid ko. Ang resulta, mabagal ang pag-usad ng paggawa ko ng video at hindi ako masyadong nakakakuha ng magagandang resulta.
Kalaunan, diretsahang sinabi ng isang sister, “Noong una, akala ko ay bukas-loob at sinsero ka. Dati ay matapat kang nagsasabi tungkol sa anumang problemang mayroon ka at nagtatanong. Ano ang nagbago? Hindi namin makita ang puso mo at hindi namin alam kung ano ang iniisip mo. Nakikita naming mabagal ang pag-usad ng paggawa mo, pero hindi namin alam kung saan ka nalilito o kung paano ka tutulungan. Napagnilayan mo na ba ang mga kalagayang ito?” Alam na alam kong pinahintulutan ng Diyos ang mga salita ng sister, at na paalala ang mga iyon para pagnilayan ko ang sarili ko, pero natatakot ako na kung magtatapat ako tungkol sa tunay kong kalagayan, ganap akong makikilatis ng lahat, kaya patuloy akong nagkunwari. Tumagal ang sitwasyong ito nang dalawa o tatlong buwan, at habang patuloy na lumalala ang kalagayan ko, nagiging hindi rin epektibo ang mga tungkulin ko, at sa huli, natanggal ako. Sa sandaling mabalitaan ko ito, nasaktan at nabagabag ako nang husto. Pakiramdam ko ay masyado akong naging hangal. Nagpanggap ako hanggang sa puntong iyon, hindi kailanman ninanais na makita ng iba ang mga kakulangan ko, pero ano ba ang nakamit ko? Napalayo ako sa mga kapatid ko at hindi nila ako makilatis. At hindi ako nagkaroon ng pag-usad sa mga tungkulin ko at natanggal pa nga sa huli. Habang mas iniisip ko ito, lalo kong pinagsisisihan ang nagawa ko, at hindi ko mapigilang mapaluha. Tinanong ko sa sarili ko, “Malinaw na maraming bagay akong hindi nauunawaan o alam gawin, kaya bakit hindi ako maagap na naghanap at natuto mula sa iba? Malinaw na hindi maganda ang kalagayan ko, kaya bakit hindi ako handang magtapat?” Sa paghahanap ko, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kapabilidad sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kapabilidad, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, ‘Malapit na, malapit na!’ Pero sa kanilang puso, naiisip nila, ‘Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ko puwedeng isiwalat ang sekreto, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!’ Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o magagaling. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pagkaunawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. May ilang tao na hindi nakikita nang malinaw ang anumang bagay, ngunit sinasabing sa puso nila ay nakakaunawa sila. Kapag hiniling mong ipaliwanag nila ito, hindi nila magawa. Matapos itong maipaliwanag ng iba, sinasabi nila na iyon nga rin sana ang sasabihin nila ngunit hindi nila iyon nasabi kaagad. Ginagawa nila ang lahat ng kaya nila para magpanggap at subukang magpakitang-gilas. Anong masasabi mo, hindi ba’t namumuhay ang gayong mga tao nang lumilipad ang isip? Hindi ba nangangarap sila nang gising? Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ni minsan ay hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Kung araw-araw ka na lang lutang mag-isip, iniraraos lang ang gawain, walang ginagawang anumang praktikal, at laging namumuhay nang ayon sa sarili mong imahinasyon, problema ito. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali. Kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay talagang nasa kalagayan ako na inilantad ng Diyos. Palagi kong gustong maging nakatataas, na parang higit ako sa karaniwang tao, kaya palagi akong nagpapanggap kapag ibinubunyag ang katiwalian ko o nahaharap sa mga problemang hindi ko nauunawaan. Mahirap para sa ganoong mga tao na makamit ang katotohanan. Sa pagninilay noong nagsisimula pa lang akong gumawa ng mga video, wala akong anumang nauunawaan at walang presyur na nararamdaman, kaya handa akong maghanap at matuto mula sa iba kapag nahaharap sa mga problema at paghihirap. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nang ganito, pakiramdam ko ay marami akong nakamit at mabilis akong umusad. Pero kalaunan, nang marinig kong sabihin ng superbisor na mahusay ang kakayahan ko at isa akong potensiyal na taong may talento na lilinangin, hindi ko namamalayan na ibinilang ko ang sarili ko sa mahahalagang taong lilinangin sa loob ng iglesia. Pakiramdam ko ay maganda ang opinyon sa akin at pinahahalagahan ako ng superbisor, kaya pakiramdam ko ay kailangan kong protektahan ang imahe ko at hindi ako maglantad ng masyadong maraming pagkukulang, kung hindi, makikilatis at hahamakin ako ng mga tao. Palagi kong pinoprotektahan nang mabuti ang katayuan at imahe ko sa paningin ng iba, at kahit kapag nahaharap ako sa mga problema at paghihirap sa paggawa ng video na hindi ko alam kung paano lutasin, wala akong lakas ng loob na magtanong, dahil natatakot ako na ang paglalantad sa mga pagkukulang ko ay magdudulot sa ibang hindi na magkaroon ng mataas na tingin sa akin o hindi ako pahalagahan. Masyadong matindi ang pagnanais ko sa kasikatan, pakinabang, at katayuan! Namuhay ako sa kalagayan ng pagpapanggap, na nagreresulta sa hindi ko pagkakaroon ng pag-usad sa paggawa ng video sa loob ng ilang buwan, at sa huli ay nawalan ako ng pagkakataong gumawa ng mga video. Napakahangal ko! Sa pagbabalik-tanaw noong una akong magsagawa ng paggawa ng mga video, normal lang na magkaroon ng mga kapintasan at pagkukulang, at dagdag pa rito, imposible para sa aking pangasiwaan ang mga gampanin nang mag-isa, kaya kailangan kong mas magtanong, mas makipagtulungan at matuto mula sa mga kapatid ko. Sa paggawa lang niyon ako magkakaroon ng tuloy-tuloy na pag-usad. Kung isinantabi ko sana ang pride ko, at aktibo akong naghanap at natuto mula sa mga kapatid ko, hindi ako matatanggal dahil sa palaging pagiging hindi epektibo sa mga tungkulin ko. Nang mapagtanto ko ito, nadama kong ang pagtatanggal na ito ay ganap na dahil sa pagiging matuwid ng Diyos.
Pagkatapos, napaisip ako, “Bakit ba palagi akong nagpapanggap?” Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na tumulong sa aking makita nang mas malinaw ang kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pag-aangat at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na iniangat na siya, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag iniaangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, iniaangat at nililinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na pasok na siya sa pamantayan at mahusay bilang isang lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng pamumuno, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga iniangat. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga iniangat ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Mayroon ba silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng pamumuno, nagagawa ba nilang madalas na humarap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayanan sa gayong mga bagay. Hindi pa sila nakakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayanan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aangat at paglilinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Kaya, ano ang pakay at kabuluhan ng pag-aangat at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay iniaangat bilang isang indibidwal, para makapagsagawa siya, at para siya ay espesyal na madiligan at magsanay, na nagbibigay-daan sa kanya na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap niya alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Dati, palagi kong iniisip na dahil isa akong taong inangat at nilinang sa iglesia, tiyak na mas mahusay at mas may kakayahan ako kaysa sa iba, at na kailangan kong gawin nang maayos ang lahat ng bagay at hindi ako puwedeng makagawa ng masyadong maraming pagkakamali, para maipakita kong naiiba ako sa lahat. Lalo na nang makita ko ang mga kapatid sa paligid ko na magaling sa mga kasanayan at gampanin nila, at na mataas ang kalidad at mahusay ang pagkakagawa ng mga video na ginagawa nila. Nakadama ako ng matinding presyur, at palagi kong pinagsisikapang maabot o malagpasan sila para maipakita kong mahusay ang kakayahan ko at karapat-dapat akong linangin. Kaya nang maharap ako sa mga problemang hindi ko nauunawaan, patuloy akong nagtago at nagpanggap, nangangambang makikita ng mga kapatid ang mga pagkukulang ko, at na hindi ko mapapanatili ang imahe ko ng pagkakaroon ng “mahusay na kakayahan.” Ang totoo, isinaayos ng superbisor na gumawa ako ng mga video dahil lang may kaunti akong kalakasan sa paggawa ng video. Hindi ito nangangahulugang mas magaling ako kaysa sa iba, o na naging dalubhasa na ako sa mga kasanayang kailangan para sa trabaho. Pero hindi ko kayang harapin ang mga pagkukulang ko at inilagay ko ang sarili ko sa isang pedestal. Ito ang maling pagkaunawa ko sa pag-aangat at paglilinang, at isa ring tanda ng kawalan ko ng kamalayan sa sarili. Ngayon ay naunawaan kong ang pagkakaangat ay hindi isang kapital, hindi rin nito pinatutunayang mahusay ako para umako ng tungkulin, at alam kong hindi puwedeng patuloy akong magpanggap batay sa nakalilinlang na pananaw na ito. Kung kaya kong gawin ang isang bagay, dapat kong sabihing kaya ko. Kung hindi ko kaya, dapat kong sabihing hindi ko kaya. Kailangan kong magtapat sa mga kapatid at isagawa ang pagiging isang matapat na tao. Iyon ang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos niyon, nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko sa nagdaang ilang buwan, at pagkatapos magsalita, talagang guminhawa at naging malaya ang pakiramdam ko.
Kalaunan, isinaayos ng lider na gumawa ako ng gawain ng pagdidisenyo. Sa simula, hindi ko naarok ang mga prinsipyo ng gawain ng pagdidisenyo, at maraming naging problema sa mga larawang ginawa ko. Gusto kong banggitin ang mga problema at paghihirap ko sa gawain ko ng pagdidisenyo para maghanap ng mga solusyon kasama ang lahat. Sa puntong ito, sinabi ng isang sister sa lahat na dati akong gumagawa ng mga video sa iglesia, at mahusay ang kakayahan ng pag-iisip ko, at na mabilis akong matuto, at pagkasabi niya niyon, nagtinginan sa akin ang lahat ng kapatid. Ipinahiwatig ng mga salita niya na kahanga-hanga para sa isang taong napakabata na makagawa ng mga video. Naramdaman kong nag-iinit ang mukha ko, dahil ako lang ang nag-iisang nakakaalam na natanggal ako dati dahil lang hindi ako masyadong nagkaroon ng pag-usad sa paggawa ng video. Pero ngayon ay iniisip na ng lahat na kaya kong gumawa ng mga video at may potensiyal ako, at mataas ang tingin nila sa akin. Nang hindi ko namamalayan, nagsimula na namang mabunyag ang disposisyon ko, habang iniisip kong, “Malamang ay simple lang sa kanila ang mga gusto kong itanong, hahamakin ba nila ako kung babanggitin ko ang mga iyon? Siguro ay dapat alamin ko na lang nang mag-isa ang mga iyon.” Nang maisip ko ito, hindi na ako nagtanong ng kahit ano. Kalaunan, medyo nagsisi ako, napapaisip na, “Bakit nagtago at nagpanggap na naman ako? Ano ba ang tunay na dahilan sa likod nito?” Sa paghahanap ko, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang mithiin ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang mithiin na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na pagpapahalaga ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. … Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Ano ang palagay ng iba tungkol dito? Ano ang nadarama nila? Pagkasuklam at pagkamuhi. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at himayin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalinong tao. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na matapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng malalim na pagkaunawa at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Nagmumukha kang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamagaling, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas kagalang-galang sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay kahangalan. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal at mangmang ka ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong awtomatiko kong ipinagpatuloy ang pagtatago at pagpapanggap pangunahing dahil napakatindi ng pagnanais ko sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at talagang mapagmataas ang disposisyon ko. Kahit saan pa ako pumunta o saan ko pa gawin ang tungkulin ko, palagi kong gustong itaguyod ang sarili ko at maging maganda ang tingin ng iba sa akin at magkaroon sila ng magandang opinyon sa akin, kaya gumagamit ako ng iba’t ibang panlalansi para pagtakpan ang mga kakulangan ko at magpanatili ng magandang imahe sa puso ng mga tao. Sa pagbabalik-tanaw noong gumagawa ako ng mga video, kaya hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko at kalaunan ay natanggal ako ay dahil nagpanggap ako at ayaw kong maghanap. Sa pagkakataong ito, nang marinig kong may magsabi na may mahusay akong kakayahan at potensiyal, at na mataas ang tingin niya sa akin, hindi ko mapigilang ilagay na naman ang sarili ko sa isang pedestal at ginusto ko na namang magpanggap. Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi ko pa rin magagawa nang maayos ang tungkulin ko o hindi ako magkakaroon ng anumang pag-usad. Nang pag-isipan ko ito, talagang wala akong masyadong nauunawaan at maraming kulang sa akin sa maraming aspekto, pero nagkunwari pa rin ako para maging mataas ang tingin sa akin ng iba at para protektahan ang katayuan at imahe ko sa puso ng mga kapatid ko. Talagang masyado akong mapagpaimbabaw at mapanlinlang! Isa lang akong nilikha, kaya dapat akong manatili sa lugar ko at tumayo sa marapat na posisyon ko, at kahit ano pa ang antas ng kasanayan ko o ano pa ang wala sa akin, dapat akong maging matapat tungkol dito, hingin ko ang tulong ng mga kapatid para punan ang mga pagkukulang ko, at gumawa nang may maayos na pakikipagtulungan sa kanila. Ito ang katwirang dapat kong taglayin, at ganito ko rin dapat aktibong gawin nang maayos ang tungkulin ko at protektahan ang gawain ng iglesia. Pero kahit na malinaw na wala akong alam at wala akong anumang magawa, kumilos pa rin ako na parang alam ko. Masyado akong mapagmataas, kahiya-hiya, at mapagpaimbabaw, at wala akong kamalayan sa sarili! Naisip ko ang tungkol sa mga Pariseo sa Judaismo. Mukha silang deboto, nagdadasal pa nga sa mga sangandaan, pero ginagawa nila ito para makita ng iba, para linlangin ang mga tao at mabitag ang puso ng mga ito. Sumampalataya sila sa Diyos pero lumaban sa Kanya at kinondena at isinumpa sila ng Diyos. Ganoon din ako, at tinatahak ko ang landas na pareho ng sa mga Pariseo. Kung hindi ako magsisisi at magbabago, malalagay ako sa malaking panganib, at sa malao’t madali, mabubunyag at matitiwalag din ako ng Diyos. Nang mapagtanto ito, medyo natakot ako, at gusto ko agad baguhin ang kalagayan ko at hindi magpatuloy nang ganito.
Sa mga debosyonal ko, nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang balakid, na siyang pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang sisiyasating mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa, ito ay na kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko nauunawaan o hindi ko kayang gawin, dapat akong magsalita agad, at huwag magtago ng kahit ano sa Diyos o sa ibang tao, bagkus ay maging bukas-loob at matapat. Sa ganitong paraan, hindi ako mapapagod at mas madadalian akong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao, at ang pagkakaroon ng mga problema o kakulangan ay hindi bagay na dapat katakutan. Ang susi ay ang harapin nang tama ang mga pagkukulang at kapintasan natin, at maging simple, bukas-loob, at aktibong maghanap. Isa itong matapat na saloobin, at nakalulugod ito sa Diyos. Nang maisip ko ito, nagdasal ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang patnubayan ako para makaalis sa maling kalagayan ko at maging isang matapat na taong simple at bukas-loob. Kalaunan, binanggit ko ang mga problema at paghihirap na hinarap ko habang gumagawa ng mga larawan, at naghanap ako mula sa mga kapatid. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng lahat, nagkamit ako ng landas at nalaman ko kung ano ang gagawin, at lalo pang nakalaya at napalagay ang puso ko.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko na ang pagpapanggap alang-alang sa reputasyon at katayuan ay nagdudulot lang ng pasakit. Bukod sa idinudulot nito sa aking walang anumang matamo sa mga tungkulin ko at hindi magkaroon ng anumang pag-usad sa buhay, inilalayo rin ako nito sa mga kapatid ko. Wala talaga itong pakinabang sa akin. Makapamumuhay lang ako nang panatag at malaya sa pamamagitan ng pagtayo sa lugar ng isang nilikha at pagiging bukas-loob at matapat sa iba, pagsasabi sa nilalaman ng isip ko at hindi pagpapanggap o pagiging mapanlinlang.