56. Pagpupursige sa mga Tungkulin sa Gitna ng Kasawian

Ni Li Yan, Tsina

Noong umaga ng Marso 21, 2023, nakatanggap ako ng liham mula sa isang sister, nagsasabi na pagkatapos ng kanilang pagtitipon, naaresto ang isang lider na nagngangalang Zhao Jun habang nangangasiwa ng ilang bagay, at hiniling sa amin ng sister na agad naming asikasuhin ang kinalabasang gawain. Pagkarinig ko sa balitang ito, binalot ako ng pagkabalisa, at kumabog ang puso ko, “Mahigit isang taon nang gumagawa si Zhao Jun sa iglesia namin, at nakapunta na siya sa maraming bahay-tuluyan, kaya kailangang ilipat sa ibang lugar ang mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin sa mga bahay na iyon pati na rin ang mga aklat ng mga salita ng Diyos doon. Saan namin sila puwedeng ilipat sa ganitong panahon? Kapag malalaman ng mga pulis na si Zhao Jun pala ang pangunahing lider na responsable sa gawain dito, malamang babantayan nila ang lugar na ito para manghuli ng mga tao. Ilang araw lang ang nakalipas, nandoon si Zhao Jun sa bahay-tuluyan na tinirhan ko.” Pakiramdam ko ay nasa malaking panganib ako at na maaari akong maaresto anumang oras. Patuloy akong tumatawag sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko. Pagkatapos magdasal, medyo mas nakaramdam ako ng kapayapaan. Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang pananalig ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang miserable sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang buhay nila ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko sila ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na isang pagsubok para sa akin ang sitwasyong ito. Kung duwag ako at mabigong tuparin ang mga responsabilidad ko, at mauwi ito sa pagkumpiska ng mga pulis ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, hindi ba’t kapabayaan ito sa tungkulin ko? Kailangan kong protektahan ang mga interes ng iglesia at danasin ang gawain ng Diyos nang may pananalig. Nagkaroon ako ng kumpiyansa nang mapagtanto ko ito, at nagmadali akong talakayin ito sa aking mga katuwang na kapatid, at naghiwalay kami para ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ang mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin.

Pagkatapos na pagkatapos ng aming paglipat sa mga gamit, nakatanggap kami ng isang liham mula sa nakatataas na pamunuan, na nagsasaad na naaresto na rin si Sister Liu Wei na nakikipagtulungan sa akin dati. Nahaharap sa sunod-sunod na mga pag-arestong ito, bigla akong nanghina at nanlambot ang buong katawan ko, iniisip na, “Paano nangyaring naaresto rin si Liu Wei? Mahigit isang taon akong nakikipagtulungan sa kanya sa aming mga tungkulin Ibig bang sabihin niyon ay binabantayan din ako ng mga pulis? Kung binabantayan ako, maaari akong maaresto anumang oras o kahit saan! Kapag mahuhuli ako ng mga pulis, bugbugin nila ako hanggang sa bingit ng kamatayan. Paano kung totoo ngang bubugbugin nila ako hanggang sa mamatay o malumpo ako?” Naalala ko rin na alam ni Liu Wei ang mga tirahan ng maraming kapatid na gumagawa ng kanilang mga tungkulin, kaya kailangan kong mabilis na ilipat ang mga kapatid at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na nasa panganib. Balisang-balisa ako habang iniisip ang lahat ng ito, kaya dali-dali akong lumuhod para magdasal sa Diyos, “O Diyos! Talagang nababalisa at natatakot ako dahil sa balita ng pagkaaresto kay Liu Wei, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa oras na ito. O Diyos! Napakababa ng tayog ko, at hindi ko alam kung paano lagpasan ang sitwasyong ito. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, at bigyan ako ng pananalig.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat mong malaman na ang lahat ng iyong nakapaligid na kapaligiran ay tinutulutan at isinasaayos Ko. Dapat maging malinaw sa iyo ito at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas ng loob. Ang Diyos ang aking suporta, at hangga’t umaasa at bumabaling ako sa Kanya, sasamahan Niya ako. Ngayon na naaresto si Liu Wei, kailangan kong maghanap ng paraan para mailipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ang mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin— ito ang tungkulin at responsabilidad ko. Sa pag-iisip nito, hindi na ako gaanong balisa. Noong gabing iyon, mga lampas alas 10:00 ng gabi, naghati kami ng isang brother sa mga gampaning ito.

Hindi nagtagal, nakatanggap kami ng isa pang liham mula sa nakatataas na pamunuan, na nagsasaad na inamin ni Zhao Jun ang lahat ng tungkuling ginawa niya, pero sa pagkakataong ito, hindi pa rin alam kung mayroon ba siyang ibang ipinagkanulo, kaya binalaan kami na mag-ingat. Naisip ko, “Kung ibubunyag ni Zhao Jun na isa akong lider, magiging maluwag ba sa akin ang mga pulis? Kung maaaresto ako, makakaya ko ba ang pagpapahirap ng mga demonyong CCP na iyon? Paano kung patayin nila ako sa bugbog?” Habang mas iniisip ko ito, mas natatakot ako, at talagang gusto kong takasan ang mapanganib na lugar na ito sa lalong madaling panahon. Pero naisip ko kung paanong naaresto ang mga nakatuwang kong kapatid, at tungkol sa kung paanong may kinalabasang gawain na kailangang tapusin. Kung mabibigo akong tuparin ang mga responsabilidad ko sa kritikal na sandaling ito, hindi ba’t magiging parang pagong lang ako na umaatras pabalik sa bahay nito? Kung magtatago ako sa harap ng panganib, ibinabalewala ang seguridad ng mga aklat ng salita ng Diyos at ng mga kapatid, lubos itong iresponsable at isang matinding pagkakanulo sa Diyos! Pero natakot ako na kung hindi ako aalis, maaaresto ako. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, gusto kong talikuran ang aking tungkulin at lisanin ang lugar na ito, pero alam kong hindi ito naaayon sa mga layunin Mo. O Diyos, pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas para makapanindigan ako sa sitwasyong ito.”

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng pananalig at lakas, at napagtanto ko na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari. Gaano man kabangis at kabuktot ang malaking pulang dragon, nasa ilalim lang ito ng kontrol ng Diyos, at isang kasangkapan na nagseserbisyo sa Diyos para gawing perpekto ang Kanyang hinirang na mga tao. Kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa si Satanas sa atin, gaano man ito kabangis. Naalala ko ang isang gabi noong Disyembre 2012, sa isang pagtitipon, nang biglang sumugod ang pito o walong pulis. Nang hindi nila ako napansin, sinamantala ko ang pagkakataon para tumakas. Pero nang makarating ako sa gate ng komunidad, hinarangan ako ng dalawang pulis na nagbabantay, kaya tumalikod ako at tumakbo pabalik. Nagpakilos ang mga pulis ng isang pangkat para halughugin ang bawat bahay sa komunidad para mahuli ako. Nang hahalughugin na sana nila ang ikalawang palapag kung saan ako nagtatago, nagtago ako sa sulok ng hagdan, at nang dumating ang mga pulis para maghanap sa gilid nito, nakatakas ako sa mismong entrada ng komunidad. Sa gulat ko, hindi man lang ako nakilala ng dalawang guwardiya, at nakatakas ako sa muntik na pagkapahamak. At sa pagkakataon ding ito, sa pagkakaaresto kina Zhao Jun at Liu, ayon sa mga imahinasyon namin, tila napakadelikado ng lokasyon namin, at sa panahong ito, tuloy-tuloy ang pag-aasikaso ko sa mga kinalabasang gawain, at nanganganib akong mamanmanan at maaresto anumang oras. Pero kung hindi pahihintulutan ng Diyos, hindi ako mahuhuli ng mga pulis kahit gaano pa sila kabangis. Mula sa mga katunayang ito, nakita ko ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos, hindi ako mahuhuli ng pulis kahit gaano nila kagusto, at kung pahihintulutan ng Diyos na maaresto ako, hindi ako makakatakas kahit saan ako magtago. Nang mapagtanto ko ito, nagkamit ako ng pananalig at lakas, at nagpatuloy ako sa pangangasiwa sa kinalabasang gawain.

Noong umaga ng Mayo 16, nalaman ko na naaresto rin ang isa pang katuwang na sister, si Xin Yi, at parang bumigat ang puso ko. Nagpadala ng liham ang nakatataas na pamunuan, hinihimok kami na agad na mag-abiso sa mga kapatid sa tahanan ni Xin Yi para lumipat sila sa ibang matutuluyan. Naisip ko, “Kung pupunta ako roon para abisuhan sila at naghihintay pala roon ang mga pulis, hindi ba’t para na rin akong pumasok sa patibong? Paano kung malaman ng mga pulis na isa akong lider? Pahihirapan nila ako nang mas matindi. Kahit hindi nila ako patayin, siguradong lulumpuhin nila ako! At paano kung mamatay ako? Maliligtas pa ba ako?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot. Pakiramdam ko ay nasa malaking panganib ako. Lumapit ako sa bintana at napabuntong-hininga nang malalim, napapaisip na, “Pupunta ba ako o hindi? Kung hindi ako pupunta, hindi mahahanap ng ibang mga kapatid ang tahanang matutuluyan ni Xin Yi. Papanoorin ko na lang ba habang inaaresto ang mga kapatid doon?” Matagal ko itong pinag-isipang mabuti ito, nahihirapan at hindi sigurado kung ang ang dapat gawin. Lumuhod at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, napakaliit ng pananalig ko; namumuhay ako sa takot at pagiging duwag, at ayaw kong lumabas para abisuhan ang mga kapatid. Napakamakasarili ko! Diyos ko, gusto ko pong umasa at bumaling sa Iyo. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig at lakas para malagpasan ko ang sitwasyong ito nang may pananalig, at pakiusap, gabayan Mo po ako na maunawaan ko ang aking katiwalian.”

Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili. Hindi sila nag-aalala sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga kasunod na gawain. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong lihim na pagkakanulo sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga kasunod na gawain, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanila ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na talagang makasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo. Kapag may nangyayari, sariling seguridad lang nila ang kanilang isinasaalang-alang at inuuna nila ang kanilang mga pansariling interes, binabalewala ang buhay ng mga kapatid at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Wala silang anumang katapatan sa Diyos. Hindi ba’t umaasal ako na parang isang anticristo? Kapag nahaharap sa panganib, isinasaalang-alang ko muna ang seguridad ko. Nang mahuli si Xin Yi, alam kong dapat akong lumabas at mag-abiso sa mga kapatid na nakatira kasama niya na lumipat ng ibang tirahan, kung hindi, baka maaresto sila ng mga pulis. Pero natakot akong maaresto rin, malumpo, o mapatay sa bugbog, kaya hindi ayaw kong pumunta para mailigtas ko ang buhay ko. Kapag may nangyayari, sarili ko lang ang iniisip ko, binabalewala ang seguridad ng aking mga kapatid. Tunay akong makasarili at kasuklam-suklam at walang pagkatao! Kayang isantabi ng isang taong may tunay na pagkatao at tapat sa Diyos ang kanyang mga interes para protektahan ang gawain ng iglesia kapag nahaharap sa panganib. Pero nang maharap ako sa panganib, umatras ako na parang isang pagong sa bahay nito, umiiral sa isang miserableng buhay. Hindi ko binigyang-pansin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang seguridad ng aking mga kapatid. Ano ang ipinagkaiba ko sa isang kahiya-hiyang Hudas? Naisip ko kung paano isinakripisyo ng mga banal sa buong kasaysayan ang kanilang kabataan at buhay para lang ipangaral ang ebanghelyo. Nagbigay sila ng magandang patotoo para sa Diyos sa gitna ng pag-uusig at kapighatian. Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at tinatamasa ko ang mga katotohanang ipinahayag Niya. Binigyan tayo ng Diyos ng higit pa kaysa sa mga natamo ng mga apostol at propeta noon. Sa pagdating ng pag-uusig at kapighatian, sunod-sunod na inaresto ang mga lider at ang mga katuwang kong kapatid sa paligid ko, habang pinrotektahan ako ng Diyos mula sa pagkakahuli. Kung mayroon akong anumang konsensiya, dapat akong tumayo para protektahan ang mga interes ng iglesia, at protektahan ang seguridad ng aking mga kapatid. Pero ang isinaalang-alang ko lang ay ang aking mga interes sa lahat ng oras at hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Mas tapat pa sa akin ang isang asong-bantay sa amo nito. Tunay akong hindi karapat-dapat na tawaging tao! Nang mapagtanto ko ito, kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging sobrang makasarili at kasuklam-suklam.

Kalaunan, muli akong napaisip, tinatanong ang sarili ko, “Talagang pinahahalagahan ko ang buhay ko, at palagi akong natatakot na maaresto o mapahirapan hanggang mamatay. Paano malulutas ang problemang ito?” Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaunawa ako. Kung tunay kong makikita ang halaga ng buhay at kamatayan, at mauunawaan ang kabuluhan ng buhay, maiiwasan kong mapigilan ako ng kamatayan sa harap ng pag-uusig at kapighatian, at maitataguyod ko ang aking tungkulin at magiging handang isakripisyo ang buhay ko para manindigan sa aking patotoo. Naisip ko ang mga banal sa buong kapanahunan na nagsakripisyo ng kanilang buhay at nagbigay ng kanilang dugo para ipangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Napakaraming naging martir para sa Diyos. Ang ilan ay binato hanggang mamatay, at ang ilan ay kinaladkad ng mga kabayo hanggang mamatay. Ibinayad nila ang halaga ng kanilang buhay para magbigay ng malakas at matunog na patotoo sa Diyos. May kabuluhan ang pagkamatay nila, dahil nagdusa sila sa pag-uusig alang-alang sa pagiging matuwid at sinang-ayunan sila ng Diyos. Bagaman namatay ang kanilang katawan, hindi naman namatay ang kanilang kaluluwa. Ang ilang tao, pagkatapos mahuli, ay nagkakanulo sa Diyos at sa kanilang mga kapatid dahil sa takot na mapahirapan, at sila ay nagiging mga kahiya-hiyang Hudas. Lubha nilang sinasalungat ang disposisyon ng Diyos at hindi sila inililigtas ng Diyos. Mabuhay man ang katawan nila, para silang mga naglalakad na bangkay, at sa huli, sila ay bababa sa impiyerno para parusahan, at doon, magdurusa sila magpakailanman! Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon(Mateo 16:25). Sa sandaling ito, naunawaan ko sa wakas ang kahulugan ng talatang ito ng mga salita ng Diyos. Dati, hindi ko makita nang malinaw ang usapin ng kamatayan. Natakot akong mahuli at mapatay ng mga pulis, iniisip na kung mamamatay ako, hindi na ako maliligtas. Ngayon napagtanto ko na ang pagkamatay ng katawan ay hindi tunay na kamatayan, at bagaman maaaring mamatay ang katawan, ang kaluluwa ay kasama ng Diyos. Ang taong kayang mamatay para sa pagiging matuwid sa harap ng pag-uusig ay sinasang-ayunan at ginugunita ng Diyos. Ngayong nasa panganib ang mga kapatid, sa kritikal na sandaling ito, hindi ko na puwedeng isipin ang aking seguridad. Kailangan kong mabilis na mag-isip ng isang paraan para ipaalam sa mga kapatid na lumipat sila. Kahit na mahuli pa ako ng pulis at mapahirapan hanggang sa mamatay, magiging makabuluhan ang ganoong uri ng kamatayan. Nang maunawaan ko ito, naging tahimik at panatag ang pakiramdam ko. Nang gabing iyon, nagtungo ako sa bahay-tuluyan kung saan tumira si Xin Yi, at habang nasa daan, patuloy akong nagdarasal sa Diyos. Nang dumaan ako sa ilalim ng hi-tech na CCTV, natakot na naman ako, kaya lumiko ako sa isang liblib na eskinita sa likod. Nang makarating ako sa ibaba ng gusali, kinabahan na naman ako, at labis akong nag-aalala na baka may mga pulis na nagtatago at nagbabantay. Patuloy akong tumatawag sa Diyos sa puso ko. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig, at hindi na ako gaanong natatakot. Sa huli, matagumpay na nakalipat ang lahat ng kapatid, at tuluyang kumalma ang nag-aalala kong puso.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nakatulong sa akin na maunawaan ang kabuluhan ng paggamit ng Diyos sa malaking pulang dragon sa paglilingkod sa Kanya. Sabi ng Diyos: “Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan na nasusubok ang kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong nagiging kongklusyon ng tao. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi magagawan ng kongklusyon ng tao. Walang duda na ang ‘trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.’ Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang hindi maganda ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Pinahihintulutan ng Diyos ang malaking pulang dragon na usigin at hulihin ang mga Kristiyano, para gamitin ang serbisyo ng malaking pulang dragon upang subukin ang ating gawain, at tingnan kung mayroon ba tayong tunay na pananalig at katapatan sa Kanya. Isa itong pagsubok para sa bawat mananampalataya sa Diyos. Ang ilang tao, dahil sa kaduwagan, ay walang lakas ng loob na ipagpatuloy ang pananalig nila sa Diyos, ang ilan ay nagtatago dahil sa takot na mahuli at wala silang lakas ng loob na gawin ang kanilang mga tungkulin, at ang iba naman ay hindi nakakayang tiisin ang pagpapahirap matapos mahuli, nagkakanulo sila sa Diyos at nagiging mga Hudas. Ang mga taong ito ay ang mga mapanirang damo at mga hindi mananampalataya na ibinunyag ng gawain ng Diyos, at ititiwalag sila sa huli. Gayumpaman, may ilan na kahit gaano kakila-kilabot ang sitwasyon, ay nananatiling tapat sa kanilang tungkulin at pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, at kahit mahuli at mapahirapan, mas gugustuhin nilang makulong kaysa maging Hudas. Nagbibigay sila ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ang mga ito ang mga taong tunay na nananampalataya at mga tapat sa Diyos. Sa pamamagitan ng serbisyo ng malaking pulang dragon, nabunyag lahat ang mga tunay at mga huwad na mananampalataya, gayundin ang trigo at mga mapanirang damo sa iglesia. Nang hindi namamalayan, nahahati-hati na ang mga tao ayon sa kanilang uri. Napakatalino ng gawain ng Diyos! Kasabay nito, sa gitna ng mga pag-aresto at pag-uusig ng CCP, nakita ko kung gaano kaliit ang pananalig ko. Kadalasan, kapag wala ako sa mapanganib na sitwasyon, nagdarasal ako sa harap ng Diyos na handa akong talikuran at igugol ang sarili ko para sa Kanya at suklian ang pagmamahal Niya. Pero kapag nahaharap sa panganib, sarili ko lang ang iniisip ko, at sa mga kritikal na sandali, binabalewala ko ang seguridad ng mga kapatid ko at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nililinlang ko ang Diyos? Kung hindi dahil sa paghahayag sa mga katunayang ito at sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, hindi ko sana malalaman ang aking makasarili at kasuklam-suklam na satanikong disposisyon, baka iniisip ko pa rin na kaya kong talikuran ang pamilya at propesyon ko at tapat ako sa Diyos, at na tiyak na sasang-ayunan Niya ako, at baka iniisip ko pa rin na kapag natapos na ang gawain ng Diyos, maliligtas ako at makakapasok sa kaharian ng langit. Tunay na kahabag-habag na hindi ko kilala ang sarili ko!

Sa panahong ito, ang pag-uusig at mga pag-aresto na isinagawa ng malaking pulang dragon ay nagbunyag ng aking katiwalian. Nakita ko na wala akong mga katotohanang realidad, at na lubha itong mapanganib, at ito rin ang nag-udyok sa akin na hangarin ang katotohanan at magsumikap umangat, para makayanan ko ang mga pagsubok kapag nahaharap sa mas mahihirap na sitwasyon sa hinaharap, at sa huliy ay mapagtagumpayan si Satanas at makapagpatotoo sa Diyos. Labis na naging kapaki-pakinabang sa buhay ko ang pagdanas ko ng mga sitwasyong ito. Pagliligtas ito ng Diyos sa akin! Matapos kong pagdaanan ito, napuno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos. Sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa awtoridad at pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinagtitibay ang aking pananalig. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  55. Bakit Ba Napakahirap Magsabi ng Totoo?

Sumunod:  57. Hindi Na Ako Nababagabag Dahil sa Aking Karamdaman

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger