57. Hindi Na Ako Nababagabag Dahil sa Aking Karamdaman
Noong Disyembre 2022, nagkaroon ako ng trigeminal neuralgia. Pagkatapos ng operasyon, manhid pa rin ang kanang bahagi ng ulo ko at madalas akong nahihilo at hindi komportable. Minsan kapag naglalakad ako, para akong lasing, at sa sobrang pagkahilo ko, halos hindi na ako makatayo. Sabi ng mga doktor, ito ay dahil kulang ang suplay ng dugo sa utak ko. Na-diagnose rin nila ako ng mild mild cerebral artery sclerosis, at sinabi nilang hindi ko dapat masyadong pinapagod ang sarili ko at huwag raw akong magpuyat. Pagkarinig ko nito, naisip ko, “Nagkaroon ng cerebral hemorrhage ang dalawang kapitbahay ko dahil sa tumigas na mga daluyan ng dugo, at naging parang lantang gulay sila at hindi nagtagal ay pumanaw rin. Paano kung isang araw mahilo ako, aksidenteng matumba, pumutok ang ugat sa utak ko, at maging parang lantang gulay?” Naisip ko rin ang mga sakit ko sa puso, at naramdaman kong hindi ko talaga dapat masyadong pagurin ang sarili ko sa hinaharap. Kung tutuusin, kung bibigay ang katawan ko dahil sa sobrang pagod at hindi ko na magagawa ang mga tungkulin ko, hindi ba’t makahahadlang ito sa paglago ng buhay ko? Paano ko makakamit ang kaligtasan kung gayon? Kaya, nagsimula akong mag-ehersisyo araw-araw, umaasang makakabawi ang katawan ko sa lalong madaling panahon. Pagsapit ng Abril 2023, medyo nanumbalik ang kalusugan ko, kaya nagboluntaryo akong gampanan ang ilang tungkulin ng mga pangkalahatang usapin ng iglesia. Maalalahanin ang mga sister na katuwang ko, mga magaan at simpleng gampanin lang ang ibinibigay nila sa akin. Masayang-masaya ako. Pakiramdam ko, ang ganda-ganda ng tungkulin ko, na hindi ko na kailangang mag-alala o magpakapagod nang husto, at na sa paggawa ko ng tungkuling ito, hindi maaantala ang paghahangad ko ng kaligtasan.
Noong Mayo 2023, dahil sa mga isyung pangseguridad, hindi na makapagpatuloy sa paggawa ng kanilang mga tungkulin ang diyakono ng pangkalahatang usapin at ang mga sister na katuwang ko, at bigla na lang bumagsak sa akin mag-isa ang lahat ng responsabilidad nila. Medyo nakaramdam ako ng pagtutol, iniisip na, “Hindi pa ako lubusang gumagaling, at napakaraming gawain. Paano kung umatake ang sakit ko, mahilo ako, at matumba sa daan?” Napagtanto ko na walang ibang mahanap ang iglesia na angkop para sa gawain ng pangkalahatang usapin, at na ako lang ang pamilyar sa gawain, kaya hindi ako puwedeng tumanggi. Naisip ko na kung aktibo akong makikipagtulungan para itaguyod ang gawain ng iglesia, poprotektahan ako ng Diyos. Kaya, nagpasakop ako. Maraming gawaing dapat asikasuhin, at abala ako araw-araw. Makalipas ang ilang panahon, lumala ang pagkahilo ko, at kung minsan pagkatapos ng pisikal na trabaho sa umaga, parang ayaw nang sumunod ng mga kamay at paa ko sa gabi. Dagdag pa roon, sumama pa ang kondisyon ng aking herniated disc, at nanakit ang ibabang bahagi ng likod ko. Naisip ko, “Kung patuloy akong magpapakapagod nang ganito, mauuwi ba akong nakaratay na lang at parang lantang gulay gaya ng mga kapitbahay ko? Baka nga mamatay pa ako. Kung hindi ko man lang kayang gawin ang mga simpleng tungkulin, paano pa ako maliligtas? Inakala ko na sa pamamagitan ng pagpapasan ng mga responsabilidad, poprotektahan at babantayan ako ng Diyos at tutulungan akong mabilis na gumaling. Pero ngayon, sa halip na bumuti, mas lumala ang kondisyon ko. Mukhang hindi ko dapat masyadong intindihin ang mga tungkulin ko, dapat kong unahin ang kalusugan ko.” Noong panahong iyon, wala pang napiling diyakono ang iglesia para sa mga pangkalahatang usapin, at ilang aytem ang kailangang pangasiwaan agad-agad, pero naisip ko na mangangailangan ng paggugol ng lakas at pagsisikap ang pangangasiwa sa mga aytem na ito, kaya ayaw kong gawin ito. Naisip ko, “Hindi maganda ang kalusugan ko, at kung bumigay ang katawan ko dahil sa sobrang pagod, hindi ito magiging sulit. Sabagay, hindi naman ako ang diyakono ng mga pangkalahatang usapin, kaya dapat kong unahin ang kalusugan ko.” Dahil dito, isinaalang-alang ko lamang ang aking pisikal na kalusugan at hindi ko pinangasiwaan ang mga aytem na ito. Kalaunan, pagkatapos magsubaybay at magtanong ang lider tungkol dito, saka lang ako nakipagtulungan sa ilang kapatid para asikasuhin ang mga aytem na ito. Pagkatapos niyon, hiniling sa akin ng lider na pansamantala kong pamahalaan ang buhay iglesia para sa ilang tauhan ng mga pangkalahatang usapin. Naisip ko, “Hindi ko talaga naiintindihan ang mga taong ito. Kung may isang taong nasa masamang kalagayan, kakailanganin kong maghanap ng mga nauugnay na katotohanan para makipagbahaginan sa kanila at mag-alok ng solusyon. Masyado na akong pagod sa mga tungkulin ko, lumala ang pagkahilo ko kamakailan, at sumasakit ang ibabang bahagi ng likod ko. Mas gugustuhin ko na lang na magpahinga sa bakanteng oras ko. Hindi ba’t mas nakakapagod para sa akin na mag-host ng mga pagtitipon para sa kanila?” Kaya tumanggi ako, sinasabi na hindi naman ako superbisor. Kalaunan, nalaman ko na may isang sister sa kanila ang nahihirapan sa karamdaman at nasa mahinang espirituwal na kalagayan. Medyo nakonsensiya ako. May kaunting oras naman sana ako, pero natakot lang akong mapagod nang husto at lumala ang kondisyon ko. Dahil hindi ko kailanman nilutas ang kalagayan ko, sa tuwing medyo nagiging mas abala ang mga tungkulin ko o gumagawa ako ng pisikal na gawain, at napapagod ako o hindi komportable, nag-aalala ako, iniisip na, “Lumalala na naman ba ang kondisyon ko? Paano kung isang araw ay matumba ako sa aking bisikleta at mamatay sa kalsada?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot. Natatakot akong lumala ang kondisyon ko at mapigilan ako nito sa paggawa ng mga tungkulin ko, o mas masahol pa, na mawawalan ako ng buhay at ng pagkakataon ko na maligtas. Kaya paulit-ulit kong hinihimok ang lider na pumili na ng isang diyakono para sa mga pangkalahatang usapin sa lalong madaling panahon. Sa ganoong paraan, hindi ko na kailangang mag-alala at magpakapagod nang husto. Nagulat ako nang isang araw noong Agosto 2023, nahalal ako bilang diyakono ng mga pangkalahatang usapin. Nang marinig ko ang balitang ito, nakaramdam ako ng matinding pagtutol, iniisip na, “Akala ko, kapag may napili nang diyakono ng mga pangkalahatang usapin, puwede na akong bumalik sa paggawa ng magagaan at mga simpleng tungkulin gaya ng dati. Hindi ko inasahan na ako ang gagawin nilang diyakono ng mga pangkalahatang usapin. Kailangang subaybayan ng diyakono ng mga pangkalahatang usapin ang lahat ng pangkalahatang usapin ng iglesia, at kailangan niya ring gumawa ng pisikal na gawain minsan. Kung masira ang kalusugan ko o mawalan pa nga ng buhay, paano pa ako maliligtas? Hindi ko talaga gagawin ang tungkuling ito.” Kaya, naghanap ako ng dahilan, sinasabing, “Hindi sapat ang kakayahan ko para sa tungkulin ng isang diyakono ng mga pangkalahatang usapin.” Nakipagbahaginan sa akin ang lider tungkol sa layunin ng Diyos, hinihiling sa akin na higit akong maghanap. Medyo nakonsensiya ako, at napagtanto ko na may pahintulot ng Diyos ang pagkakapili sa akin ng mga kapatid bilang diyakono. Hindi na ako puwedeng tumutol pa, kaya nagdasal ako sa Diyos at tinanggap ko ito pansamantala.
Kalaunan, napagtanto ko na dahil sa palagian kong pagtutok sa aking karamdaman, naipakita nito ang kawalan ko ng pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kaya naghanap ako ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Isang araw, napanood ko ang isang video ng patotoong batay sa karanasan na naglalaman ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa pagganap sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? May magbibigay ba ng kongkretong paraan para harapin ito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong may mahinang kalusugan at hindi maayos na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko. May ganito akong karamdaman at hinihiling ko sa Diyos na protektahan ako. Kapag nariyan ang proteksiyon ng Diyos, hindi ko kailangang matakot, ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?’ May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manampalataya sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Sa paghahambing sa sarili ko sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ako ang eksaktong uri ng taong inilalarawan ng Diyos. Matapos ang operasyon, nanghihina ang katawan ko at matindi ang pagkahilo ko, at simula nang ma-diagnose ako na kulang ang suplay ng dugo sa utak at may mild cerebral artery sclerosis, namumuhay ako sa patuloy na pagkabagabag at pagkabalisa, palaging nag-aalala na baka lumala ang kondisyon ko, na maiiwan akong paralisado at nakaratay at hindi makagawa ng aking mga tungkulin, na nangangahulugang mawawalan ako ng pag-asang maligtas. Matapos simulan ang tungkulin ko sa mga usapin ng iglesia sa partikular, lumala ang kalagayan ko sa halip na bumuti. Nag-alala ako na baka isang araw, dahil sa sobra kong pagpapakapagod sa aking mga tungkulin, bibigay ang katawan ko at maging parang lantang gulay, kaya ayaw kong gawin ang mga gampaning nangangailangan ng pagsusumikap at atensiyon. Gusto ko lang magtipid ng lakas at makapagpahinga nang mas madalas. Ni ayaw kong pangasiwaan ang mga aytem ng iglesia, at nag-atubili pa nga akong mag-host ng mga pagtitipon para sa mga kapatid sa takot na mapagod ako. Bilang resulta, nabigo akong lutasin ang kalagayan ng isang sister sa tamang oras, na umaantala sa kanyang buhay pagpasok. Sa tungkulin ko, palagi kong iniisip ang katawan ko, at hangga’t maaari, gusto kong hindi gaanong mapagod para protektahan ang kalusugan ko. Wala akong naramdamang anumang pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin. Matapos mapili bilang diyakono ng mga pangkalahatang usapin, mas lalo ko pang pinroblema na baka mag-alala ako hanggang sa puntong mahapo at magkasakit ako, na mawawalan ako ng pagkakataong maligtas, at nakaramdam ako ng pagtutol. Nanlinlang pa nga ako, sinasabing hindi ako kalipikado para sa tungkuling ito dahil sa mahina kong kakayahan. Sa realidad, lumala man ang kalagayan ko o hindi, at mabuhay man ako o mamatay, ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Pero namumuhay ako sa pagkabalisa at pagkabagabag, sinusubukang protektahan ang katawan ko sa pamamagitan ng pag-asa sa sarili kong mga paraan. Wala akong tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kumikilos ako na parang isang hindi mananampalataya. Nang mapagtanto ko ito, naging handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang kondisyon ko at hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking mga isyu.
Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Sinasabi ng Diyos na ang karamdaman ay hindi sumasapit sa atin para panatilihin tayong mamuhay sa pagkabalisa at pagkabagabag, o para subukan nating iwasan ito, kundi para hayaan tayong matuto ng mga aral mula rito, para makilala ang mga katiwalian at mga karumihan at mga maling intensiyon na ibinubunyag natin kapag tinatamaan tayo ng sakit, para makapagpasakop tayo sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa pagninilay-nilay ko sa aking sarili, nakita ko na kapag nahaharap sa sakit, palagi akong nag-aalala na magiging paralisado at nakaratay na lang ako dahil sa paggawa ko ng tungkulin at ang sobrang pagpapakapagod, at hindi na ako makakagawa ng mga simpleng tungkulin at mawawalan ng pagkakataon na maligtas. Pagkatapos, kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ko, palagi kong sinusubukang iwasang magpakapagod hangga’t maaari, at kahit nang mapili ako bilang diyakono ng mga pangkalahatang usapin, sinubukan kong manlinlang at iniwasan ko ito. Palagi akong nababahala tungkol sa kalusugan ko, nag-aalala sa kinabukasan at mga landas ko sa hinaharap, nang hindi man lang iniisip ang gawain ng iglesia. Sobra akong makasarili at kasuklam-suklam! Kung hindi dahil sa karamdaman na ito, hindi sana mabubunyag ang aking panloob na paghihimagsik at katiwalian, at lalong hindi ako malilinis at mababago. Kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos at hanapin ang katotohanan para matuto ng aral.
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Mangyaring ibahagi ang inyong mga saloobin. (Upang matupad ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. Sabihin ninyo sa Akin, kung ang pang-araw-araw na kilos at kaisipan ng isang tao sa buong buhay niya ay nakatuon lamang sa pag-iwas sa sakit at kamatayan, sa pagpapanatiling malusog at malaya sa mga sakit ang kanilang katawan, at pagsusumikap na magkaroon ng mahabang buhay, ito ba ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? (Hindi.) Hindi iyon ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao. … Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, at tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng anumang halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin ang pagkaunawa sa katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka mag-aatubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng lahat ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung makaranas ka ng kaunting karamdaman sa panahong ito, hindi ito mahalaga, hindi ka nito madudurog. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan, kalayaan, at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang makapamuhay nang makabuluhan. Ibig sabihin nito, sa puso mo, may makakamit ka at makadarama ka ng ginhawa. Paano naman iyong mga busog, at nagpapanatili ng kulay-rosas na kutis hanggang kamatayan? Hindi sila naghahangad ng makabuluhang buhay, kaya, ano ang nararamdaman nila kapag namatay sila? (Na parang namuhay sila nang walang kabuluhan.) Ang apat na salitang ito ay tumatagos—namumuhay nang walang kabuluhan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang kakayahang manampalataya sa Diyos, sumunod sa Kanya, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha sa buhay na ito, paggawa nang maayos sa tungkulin, at pagkamit ng pagsang-ayon ng Lumikha ay makabuluhan at may halaga, kahit na may kaugnay itong pagdurusa at sobrang pagod. Kung mabibigo akong gawin ang tungkulin ko nang masigasig at maghahanap lang ako ng pisikal na kaginhawahan, kahit na mapanatili ko ang aking kalusugan at mabuhay ako hanggang sa katandaan, mamumuhay ako nang walang saysay at walang kabuluhan. Pagtataas sa akin ng Diyos ang magawa ko ang tungkulin ng isang diyakono ng mga pangkalahatang usapin. Bagaman kalakip dito ang pag-aalala at sobrang pagkapagod minsan, kung magagawa ko nang maayos ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo, mapoprotektahan nang mabuti ang mga aytem ng iglesia at nang alinsunod sa mga prinsipyo, at matitiyak na maiingatan nang walang pagkawala ang mga handog at mga aklat ng salita ng Diyos, kung gayon, mapapayapa at mapapanatag ang puso ko. Gayumpaman, kung nakatutok lang ako sa pangangalaga ng aking kalusugan, hindi handang gumawa ng anumang gampanin na nangangailangan ng mga kaisipan at pagsisikap, kung gayon, kahit magtagumpay ako sa pangangalaga ng kalusugan ko, kung mabibigo akong gawin nang maayos ang tungkulin ko at mapipinsala ang mga interes ng iglesia, at mag-iiwan ako ng bakas ng mga pagsalangsang at mantsa sa harap ng Diyos, sa huli, itataboy lang ako ng Diyos at mawawalan ako ng pag-asa na maligtas. Sa pag-unawa sa layunin ng Diyos, hindi ko na ginustong mamuhay tulad ng dati. Nais kong gawin nang maayos ang aking tungkulin para palugurin ang Diyos. Minsan kapag dumarami ang mga gampanin, natatakot pa rin ako na mag-alala nang husto at mapagod nang husto ang sarili ko, pero nagdarasal ako sa Diyos, handang magpasakop sa mga sitwasyong pinamatnugutan Niya. Hindi na ako nag-aalala kung lalala ang sakit ko o kung bibigay ang katawan ko dahil sa sobrang pagod, at tumutuon na lang ako sa kung paano gawin nang maayos ang tungkulin ko.
Sa isang pagtitipon, nalaman kong may sakit din ang isa pang sister, kaya ibinahagi ko sa kanya ang karanasan ko. Pagkatapos, nakinig kami sa isang himno ng mga salita ng Diyos:
Ang Haba ng Buhay ng Tao ay Pauna nang Itinakda ng Diyos
…………
2 Kapag nagkakasakit ang mga tao, maaari silang lumapit nang madalas sa Diyos, at tiyakin na gawin nila ang nararapat, nang may pagsisinop at pag-iingat, at tratuhin ang kanilang tungkulin nang may higit na pag-iingat at kasipagan kaysa sa iba. Pagdating sa mga tao, ito ay isang proteksyon, hindi mga kadena. Ito ay isang pamamaraan sa pasibong aspekto. Dagdag pa riyan, ang haba ng buhay ng bawat tao ay naitakda na ng Diyos noon pa man. Maaaring nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng medisina, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan mo pang mabuhay at hindi pa ito ang iyong oras, hindi ka mamamatay kahit gusto mo.
3 Kung mayroon kang atas mula sa Diyos, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi ka mamamatay, kahit na magkaroon ka ng isang karamdaman na nakamamatay—hindi ka pa kukunin ng Diyos. Kahit hindi ka magdasal at maghanap ng katotohanan, at hindi mo ipagamot ang iyong karamdaman, o kahit maantala ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong may mahalagang atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila agad mamamatay; mabubuhay sila hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon.
…………
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang haba ng buhay ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang buhay at kamatayan ay pauna nang itinakda ng Diyos. Kahit malubha ang isang karamdaman, kung hindi pa tapos ang buhay ng isang tao, hindi siya mamamatay, kahit hindi inaalagaan, pero kung dumating na ang oras niya, kahit sa pinakamainam na pangangalaga, mamamatay pa rin siya. Naalala ko ang sakit sa puso ng kuya ko na dulot ng diabetes sampung taon na ang nakararaan. Ilang beses na naglabas ang ospital ng mga abiso ng kritikal na kondisyon, na nagsasabing hindi na siya maliligtas. Gayumpaman, pagkatapos magpahinga sa bahay nang ilang panahon, unti-unting nanumbalik ang kalusugan niya, at buhay pa siya hanggang ngayon. Pero ang kanyang anak na lalaki, isang malakas na binata na nasa bente anyos, ay umuwi nang naka-leave sa hukbo dahil masama ang pakiramdam, at na-diagnose siya sa ospital na may acute leukemia. Ginamit nila ang pinakamahusay na gamot at kagamitan, at kinunsulta ang mga nangungunang espesyalista, pero pumanaw siya sa loob ng isang linggo. Ipinakita sa akin ng mga pangyayaring ito na ang buhay at kamatayan ng tao ay talaga ngang inorden ng Diyos. Pero palagi akong nag-aalala na baka lumala ang kondisyon ko dahil sa pagtatrabaho nang husto, at kaya, pinipili ko ang magagaan at madadaling gampanin kapag ginagawa ang aking tungkulin, iniisip na hindi nito mapapalala ang karamdaman ko. Ipinakita nito na hindi ako naniniwala na nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan. Sa realidad, pauna nang itinakda ng Diyos ang haba ng buhay ko, at walang saysay ang mag-alala pa, dahil ginagapos at sinasaktan lang ako nito, at pinipigilan ako nitong maging tapat sa tungkulin ko at gawin nang maayos ang tungkulin na kaya kong gawin nang maayos. Sa pagkaunawang ito, nagkaroon ako ng pananalig. Patuloy kong iniinom ang gamot ko gaya ng nakagawian at nag-eehersisyo ako kapag may oras ako, at hindi na ako napipigilan ng takot sa kamatayan. Bagaman abala pa rin ako sa mga tungkulin ko araw-araw, hindi ko naramdamang lumalala ang kondisyon ko. Sa katunayan, mas nagiging masigla ako sa araw-araw.
Kalaunan, habang nakikipag-usap sa isang sister tungkol sa kalagayan ko kamakailan, sa pamamagitan ng kanyang mga paalala, napagtanto ko na sa likod ng patuloy na pag-aalala at pagkabalisa ay ang intensiyon ko na makatanggap ng mga pagpapala. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilalantad ng Diyos na nananampalataya tayo sa Kanya nang may intensiyon na humingi ng iba’t ibang pakinabang mula sa Kanya. Sa likod nito, may mga karumihan at motibo. Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ako mismo ang uri ng taong inilalantad ng Diyos. Nanampalataya ako sa Diyos para makatanggap ng mga pagpapala at biyaya. Sinubukan kong makipagtawaran sa Diyos. Noong una kong natagpuan ang Diyos, gumaling ang aking chronic allergic rhinitis, kaya itinuring kong makapangyarihang manggagamot ang Diyos, na hindi lang kayang magpagaling ng mga sakit, kundi nagbibigay-daan din sa atin na makaiwas sa sakuna, maligtas, at patuloy na mabuhay, kaya handa akong masigasig na gawin ang tungkulin ko. Pagkatapos ng operasyong ito sa utak, natakot ako na hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko at hindi ako maliligtas, kaya nagboluntaryo akong umako ng mga tungkulin sa kabila ng aking kahinaan. Akala ko hangga’t magagawa ko ang aking tungkulin, may pag-asa ako na maligtas. Nang maharap sa mga alalahanin sa seguridad at nagtago ang diyakono ng mga pangkalahatang usapin at ang mga katuwang ko na sister, dapat sana ay inuna ko ang mga interes ng iglesia, at pinasan ang mga tungkulin ng mga pangkalahatang usapin na kaya ko namang gawin, pero natakot ako na kung sobra akong magpapakapagod, hindi ko patuloy na magagawa ang mga tungkulin ko, at mawawalan ako ng pagkakataong maligtas, kaya ayaw kong makipagtulungan. Kahit noong labag sa loob na sinalo ko ang gawain ng mga pangkalahatang usapin, umasa ako na poprotektahan ako ng Diyos at pagagalingin ako sa madaling panahon. Kalaunan, bukod sa hindi bumuti ang karamdaman ko, lumala pa ito, kaya ayaw ko nang magbayad ng halaga, at naging pasibo ako sa aking tungkulin, madalas na hinihimok ang lider na humanap kaagad ng diyakono ng mga pangkalahatang usapin para makabalik ako sa magaan na tungkulin. Nakita ko na ang pananampalataya ko sa Diyos ay tungkol lang sa paghahanap ng Kanyang biyaya at mga pagpapala. Gusto ko palaging mas malaki ang makukuha ko kaysa sa ibinibigay ko, at hindi ko iniisip kung paano gawin nang maayos ang tungkulin ko at isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Sobrang makasarili at kasuklam-suklam ang kalikasan ko. Nananampalataya lang ako sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala at kapayapaan. Ang paggawa ng mga tungkulin ay responsabilidad ng isang nilikha, pero nananampalataya lang ako sa Diyos para gamitin ang mga tungkulin ko upang magkamit ng kaligtasan at patuloy na mabuhay. Ang ganitong uri ng pananalig ay isang pagtatangkang linlangin at manipulahin ang Diyos. Wala akong may-takot-sa-Diyos na puso kahit kaunti. Ang gayong pag-uugali ay kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos. Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko, kaya dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at pasanin ang aking mga responsabilidad sa abot ng aking makakaya. Anuman ang kalalabasan o hantungan ng Diyos para sa akin o ang aking pisikal na kondisyon, hindi ko na ninanais na makipagtawaran sa Diyos. Nais ko lang na tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha.
Sa pamamagitan ng karamdamang ito, nakita ko ang pagliligtas ng Diyos para sa akin. Ginamit ng Diyos ang karamdamang ito para akayin ako na hanapin ang katotohanan, nagbibigay-daan sa akin na magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon. Isa pala itong pagpapalang nakatago sa likod ng karanasang ito!