59. Ano ang Nasa likod ng Pag-aatubiling Magbuhat ng Pasanin
Noong Setyembre 2022, nakipagtulungan ako kay Sister Li Ming para diligan ang mga baguhan. Kakasimula ko pa lang magsanay sa tungkuling ito, at dahil matagal nang nagdidilig si Li Ming ng mga baguhan, naging labis akong palaasa sa kanya. Siya ang nag-asikaso ng karamihan sa mga gampaning may kinalaman sa paglinang ng mga tao at sa paglutas ng iba’t ibang paghihirap at problema ng mga baguhan. Minsan, kapag tinatalakay ni Li Ming sa akin ang mga isyung may kinalaman sa paglinang ng mga tao, binabalewala ko siya, iniisip na basta siya ang pangunahing tagapangasiwa, sapat na iyon, at na kailangan ko lang diligan ang mga baguhang nakaatas sa akin. Sa libreng oras ko, nakababasa rin ako ng mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid at nakapakikinig ng mga himno, at pakiramdam ko ay napakahusay ng paggawa ko sa aking mga tungkulin sa ganitong paraan.
Kalaunan, dahil sa mga pangangailangan sa gawain, inilipat si Li Ming sa ibang iglesia para gawin ang kanyang mga tungkulin, at bigla akong nakaramdam ng matinding presyur, iniisip na, “Magagawa ko bang diligan ang napakaraming baguhan nang mag-isa? Saan ako makahahanap ng isang taong makatutulong na diligan sila sa ganitong kaikling panahon? Kung kakailanganin kong maghanap at maglinang ng panibago, gaano karaming oras at lakas ang kakailanganin nito? Napaka-abala ko na nga sa pagdidilig ng mga baguhan, at ngayon ay kakailanganin ko pang maglinang ng bagito. Hindi ba gagawin akong mas abala pa ng lahat ng ito? Paano pa ako makahahanap ng libreng oras para sa sarili ko?” Nakaramdam ako ng kaunting paglaban sa puso ko, at ginusto ko lang na mabilis na magsaayos ang pamunuan ng isang tao para makipagtulungan sa akin para pagaanin ang bigat ng gawain ko. Pero mangangailangan ng oras para makahanap ng angkop na tagadilig. Bago umalis, nabanggit ni Li Ming ang isang sister na may mahusay na kakayahan at pagkaarok, pero bata pa ito at hindi pa matatag, at kaya hinikayat niya akong mas linangin pa ang sister na iyon. Sumang-ayon ako sa salita, pero sa loob-loob ko, nadama kong labis akong naapi at napipigilan, iniisip na, “Hindi isang madaling gampanin ang maglinang ng sister na iyon. Gaano karaming pagsisikap ang kakailanganin ng lahat ng ito?” Sa mga sumunod na araw, naging napakapasibo ko sa aking mga tungkulin, at kapag may mga problema o paghihirap ang mga baguhan, nawawalan ako ng ganang lutasin ang mga ito. Nagpabasta-basta lang ako sa pagdalo sa mga pagtitipon kasama ang mga baguhan, at wala itong ibinungang mga resulta. Isang araw, habang minamaneho ang aking electric bike, nasira ito sa kalagitnaan ng biyahe, kaya kinailangan ko itong itulak, at inabot ako nang mahigit isang oras bago makarating sa bahay. Pagod na pagod ako na halos hindi ko na maigalaw ang mga kalamnan ko, at nakaramdam ako ng labis na panlalata. Alam kong hindi nagkataon lang ang pangyayaring iyon, kaya nagnilay ako sa aking sarili at nanalangin sa Diyos: “O Diyos, mula nang nalaman kong ililipat si Li Ming, nakaramdam ako ng paglaban at nagreklamo ako sa loob-loob ko. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, at handa akong magnilay sa sarili ko at magsisi sa harap Mo. Pakiusap, gabayan Mo ako para maunawaan ang Iyong layunin.”
Pagkatapos manalangin, naalala ko ang isang linya mula sa mga salita ng Diyos: “Kapag mas marami ang pasaning mayroon ka para sa atas ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto.” Mabilis kong hinanap ang sipi. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagsasagawa ng panalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas marami ang pasaning mayroon ka para sa atas ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto). Sa pagninilay ko sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na mayroon o wala mang pagpapahalaga sa pasanin ang isang tao sa atas ng Diyos ay direktang nakaaapekto kung mapeperpekto ba siya. Kapag ginagawa ng isang tao ang kanyang mga tungkulin nang may pagpapahalaga sa pasanin at naghahangad ng katotohanan, isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, bibigyang-liwanag at gagabayan ng Banal na Espiritu ang taong iyon, pinahihintulutan siyang maunawaan ang katotohanan at makaranas ng paglago sa buhay habang ginagawa ang kanyang mga tungkulin. Sa kabilang banda, iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, ay napakatamad at ayaw umako ng mga responsabilidad at hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ay hindi kailanman makatatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu at walang mapapalang anuman sa huli. Sa pagninilay sa aking kalagayan, nakita ko na isa talaga akong uri ng tamad at naghahanap-ng-ginhawang tao na inilantad ng Diyos. Nang dumami ang gawain at nagdusa ako nang pisikal, nakaramdam ako ng paglaban at pag-ayaw na makipagtulungan. Nang may ganitong saloobin sa aking mga tungkulin, tiyak na hindi ko makakamit ang katotohanan o mapeperpekto. Sa pag-iisip nito, medyo nabagabag ako, at naunawaan ko ang masusing layunin ng Diyos. Ngayong inilipat na si Li Ming, sa akin na napunta ang gawain ng pagdidilig, pero hindi pinahihirap ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin, sa halip ay sinasanay Niya ako. Pagdidilig man ito ng mga baguhan o paglilinang sa iba, kapag nakatagpo ako ng mga problema at paghihirap, wala akong taong masandigan, na naghihikayat sa aking mas sumandig pa sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at matutong gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Ito ay biyaya ng Diyos! Pero inintindi ko ang aking laman, kinatakutan ang paghihirap at pagod at inayawang akuin ang mga responsabilidad. Itinulak ko palayo ang pagkakataon para perpektuhin ako ng Diyos at tulungan akong makamit ang katotohanan. Talagang hindi ko alam kung ano ang makabubuti para sa akin!
Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang taglay ang pag-iisip ng pagiging iresponsable. ‘Kung may mamumuno, susunod ako; saan man sila pumunta, pupunta ako. Gagawin ko ang anumang ipagagawa nila sa akin. Para naman sa pag-ako ng responsabilidad at alalahanin, o mas pag-aabala na gawin ang isang bagay, paggawa ng isang bagay nang buong puso at lakas ko—hindi ako interesado roon.’ Ang mga taong ito ay ayaw magbayad ng halaga. Handa lamang silang pagurin ang sarili nila, hindi para umako ng responsabilidad. Hindi ito ang saloobin ng tunay na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ang isang tao ay dapat na matutong isapuso ang pagganap sa kanyang tungkulin, at ang taong may konsensiya ay kayang isakatuparan ito. Kung ang isang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, nangangahulugan iyon na wala siyang konsensiya, at ang mga walang konsensiya ay hindi makakamit ang katotohanan. … Ang pagsasapuso ng inyong tungkulin at pagkakaroon ng kakayahang umako ng responsabilidad ay nangangailangan ng inyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga—hindi sapat ang pag-usapan lamang ang mga bagay na ito. Kung hindi mo isasapuso ang iyong tungkulin, sa halip ay palaging gusto mong kumayod, siguradong hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin. Tatapusin mo lamang ito nang hindi nag-iisip at wala nang iba pa, at hindi mo malalaman kung nagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin o hindi. Kung isasapuso mo ito, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung hindi, hindi mo ito mauunawaan. Kapag isasapuso mo ang pagganap sa iyong tungkulin at hahangarin ang katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, matutuklasan ang sarili mong katiwalian at mga kakulangan, at maiintindihan ang iyong iba’t ibang kalagayan. Kapag ang pinagtutuunan mo lang ay ang pagsusumikap, at hindi mo isinasapuso ang pagninilay-nilay sa iyong sarili, hindi mo matutuklasan ang tunay na mga kalagayan sa iyong puso at ang napakaraming reaksyon at mga pagpapakita ng katiwalian na mayroon ka sa iba’t ibang kapaligiran. Kung hindi mo alam kung ano ang mga kahihinatnan kapag hindi nalutas ang mga problema, kung gayon, ikaw ay nasa malaking alanganin. … Kung ang madalas mong pagnilayan sa iyong puso ay hindi mga bagay na nauugnay sa iyong tungkulin, o mga bagay na may kinalaman sa katotohanan, at sa halip ay nasasangkot ka sa mga panlabas na bagay, ang iniisip mo ay mga gawain ng laman, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin at makapamumuhay sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Hindi maliligtas ang taong tulad nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Nakita ko na inilalantad ng Diyos ang mga taong ayaw magbayad ng halaga sa kanilang mga tungkulin, na palaging naghahanap ng kaginhawahan at kaalwanan ng laman, at na ganap na iresponsable sa kanilang gawain, na hindi makapagkamit ng katotohanan, at hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos. Sa pagninilay ko sa panahong nagsimula akong magdilig ng mga baguhan, labis akong umasa sa nakatuwang kong sister, iniisip na dahil may mas marami siyang karanasan sa pagdidilig ng mga baguhan, magiging ayos lang na hayaan siyang makipagbahaginan para lutasin ang mga paghihirap nila. Hindi ko talaga inalala o itinanong ang tungkol sa mga bagay na iyon, umasta na parang isang ganap na tagalabas. Sa paggawa ng aking mga tungkulin, ginusto ko lang na iwasan ang pagdurusa at pagod, at sinisingitan ko pa ng oras para gawin ang mga bagay na ikinasisiya ko. Gayumpaman, hindi ko kailanman naramdaman na wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa aking mga tungkulin. Nang malaman kong ililipat si Li Ming, pakiramdam ko na parang nawalan ako ng sandigan, at nang naisip ko ang tungkol sa lahat ng gawaing mapupunta sa akin mag-isa, nakaramdam ako ng pagkalula. Sinimulan kong isalang-alang ang sarili kong kaginhawahan, palaging ginugustong piliin ang mas magagaan na gampanin, at kapag hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa aking kagustuhan, nagiging negatibo at pasibo ako, napababayaang linangin iyong mga kinakailangang linangin at nagpapabasta-basta sa pagdidilig ng mga baguhan. Sinasabi ko dati na gusto kong palugurin ang Diyos at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, pero pagdating sa aktuwal na pagdurusa at pagbabayad ng halaga, umaatras ako at ayaw man lang na magsikap kahit papaano. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng pusong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Sa pag-iisip nito, labis akong nakonsensiya. Pagkatapos, nagkusa akong siyasatin ang mga paghihirap at mga problema ng mga baguhan at nakipagbahagian para tulungan sila. Naglaan din ako ng oras para mas linangin pa ang iba. Bagaman mas nag-alala at mas nagdusa ako, nakaramdam ako ng kapayapaan at kagaanan sa aking puso.
Makaraan ang isang buwan, inilipat ako sa ibang iglesia para magdilig ng mga baguhan. Narinig ko mula sa mga lider na si Sister Yang Qing ay may mahihinang kapabilidad sa gawain at hindi karapat-dapat na maging lider ng pangkat, at gusto nilang tanggapin ko ang posisyon. Nakaramdam ako ng matinding presyur, iniisip na, “Ang pagiging lider ng pangkat ay hindi lang kinasasangkutan ng pagdidilig ng mga baguhan, kundi pagbubuod din ng mga paglihis sa gawain at pakikipagbahagian para lutasin ang mga problema ng mga tagadilig. Makakaya ko ba talagang asikasuhin ang lahat ng gawaing ito? Parang sobrang dami nito para alalahanin!” Kaagad kong sinubukang tanggihan ang posisyon at sinabing, “Maraming taon nang gumagawa ng gawain ng pagdidilig si Yang Qing at naaarok na niya ang ilang prinsipyo. Bakit hindi ninyo na muna siya hayaang magpatuloy bilang lider ng pangkat sa ngayon? Maaari ko siyang suportahan, at kung hindi talaga ito uubra, maaari natin siyang italaga sa ibang tungkulin sa susunod.” Nakita ng mga lider na ayaw ko maging lider ng pangkat, kaya hindi nila ako pinilit, at hindi ko maiwasang makahinga nang maluwag.
Kalaunan, nakita ko na si Yang Qing ay may mapagmataas na disposisyon, at na umaasa lang siya sa karanasan at pagsunod sa mga regulasyon sa kanyang mga tungkulin. Nang sinubukan kong makipagbahaginan sa kanya at itama siya, hindi niya ito matanggap, at nagpatuloy siya sa paggawa ng mga bagay gaya nang dati. Naisip ko, “Hindi lang mahihina ang kapabilidad sa gawain ni Yang Qing, hindi rin niya maunawaan ang mga prinsipyong ibinabahagi, at napakababa ng kakayahan niya. Kung magpapatuloy ito, maaantala nito ang gawain. Hindi talaga siya angkop na maging lider ng pangkat.” Pero naisip ko, “Kung tatanggalin namin siya, sino ang mamumuno? Ang ibang mga kapatid sa pangkat ay kasisimula pa lang magsanay at wala pang pagkaarok sa mga prinsipyo. Bagaman marami rin akong kakulangan, matagal-tagal na akong nagdidilig ng mga baguhan at nauunawaan ko na ang ilang prinsipyo, kaya mas magiging angkop akong pagpipilian.” Pero sa sandaling maisip ko na ang pagiging lider ng pangkat ay masyadong mabigat, na kakailanganin kong pangasiwaan ang lahat, at na baka mapagod ako sa lahat ng pag-aalalang kakailanganin kong gawin, kaagad kong isinantabi ang ideya, iniisip sa halip na, “Bakit hindi na lang ako mas makipagbahaginan pa kay Yang Qing at tulungan siya sa gawain? Ayos na siguro iyon.” Sa ganitong paraan, nakita ko ang mga problema ni Yang Qing pero hindi ko iniulat ang mga ito. Noon din, isang kapatid sa iglesia ang naaksidente sa sasakyan at nabalian ng braso. Narinig ko na patuloy siyang naging tuso at pabasta-basta sa kanyang mga tungkulin, at matapos matanggal, hindi niya kinilala ang sarili niya at hindi siya nagsisi o nagbago. Ngayong nabalian siya ng braso, hindi na niya magawa ang kanyang mga tungkulin kahit gustuhin pa niya. Lubha akong naapektuhan ng insidenteng ito. Nakita ko na sa pagtupad ng mga tungkulin nila, kung ang mga tao ay tuso, tamad, pabaya sa wastong gawain nila, at hindi kailanman nagsisisi, kapag nawala na sa kanila ang pagkakataong gawin ang mga tungkulin nila, masyado nang huli para sa pagsisisi. Naramdaman kong ang karanasan ng brother ay isang paalala at babala para sa akin, at naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at haharapin ito nang may saloobing walang galang, ano ang magiging resulta? Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay lubos na hindi masisiyahan sa saloobin mo sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nakipagtulungan ka sa ganitong paraan, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat ng bagay para sa iyo, nang sa gayon ay kapag nag-aasikaso ka ng mga bagay-bagay, ang lahat ay magiging nasa ayos, at makakukuha ng magagandang resulta. Hindi mo kakailanganing gumugol ng napakaraming lakas; kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay tuso at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang napupunta sa maling landas, hindi kikilos ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Wala kang silbi; hindi kita magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at tamad, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang masasabi ninyo: Ito ba ay kawalan o natamo? (Isang kawalan.) Ito ay isang napakalaking kawalan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naramdaman ko kung paanong hindi pinahihintulutan ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang pagkakasala ng tao. Ang pagkakataon ng mga tao na gawin ang mga tungkulin nila ay biyaya ng Diyos. Ang layunin ng Diyos ay para hanapin natin ang katotohanan at kumilos tayo nang ayon sa mga prinsipyo sa ating mga tungkulin, para makapagpasakop tayo sa Diyos at maging tapat tayo sa Kanya, at para magawa natin ang mga tungkulin natin sa paraang pasok sa pamantayan. Pero kung hindi ko pinahalagahan ang gayong mga pagkakataon, at ginawa ko ang mga tungkulin ko sa tuso at pabasta-bastang paraan nang hindi lubos na nagsisikap, hindi sineseryoso ang mga tungkulin ko, itataboy at isasantabi ako ng Diyos, babalewalain Niya ako. Noong una, ginusto ng mga lider na maging lider ako ng pangkat, pero natakot ako sa pagdurusa at hirap ng gawain kaya tinanggihan ko ang tungkulin. Pero ngayong natukay nang hindi angkop si Yang Qing na maging lider ng pangkat, ang patuloy na pagpapanatili sa kanya sa posisyon ay mag-aantala sa gawain ng pagdidilig, kaya kinailangan kong agarang iulat ang mga isyu niya. Pero natakot ako na kapag natanggal siya at inako ko ang posisyon bilang lider ng pangkat, mas darami ang aking magiging mga alalahanin, kaya para sa kaginhawahan ng aking laman, kahit na nakita ko ang mga problema ni Yang Qing, hindi ko iniulat ang mga ito, hinayaan ko pa nga siyang patuloy na hadlangan at pinsalain ang gawain ng iglesia. Pagkatapos ay napagtanto ko kung gaano kaseryoso ang mga kahihinatnan ng pagiging tuso at pabasta-basta sa aking mga tungkulin, at na kung hindi pa rin ako magsisisi, magiging katulad sa kapatid na iyon ang kahihinatnan ko, at na baka tuluyan mawala sa akin ang pagkakataong gawin ang aking mga tungkulin. Kaagad akong nanalangin sa Diyos, handang magsisi at hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking mga problema.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Dahil isa kang tao, dapat mong pagnilayan kung ano ang mga responsabilidad ng isang tao. Ang mga responsabilidad na pinakapinahahalagahan ng mga walang pananampalataya, gaya ng paggalang sa magulang, pagtustos sa mga magulang, at pagbibigay-karangalan para sa pamilya ay hindi na kailangang banggitin pa. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at walang tunay nag kahulugan. Ano ang pinakamababang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao? Ang pinakamakatotohanang bagay ay kung paano mo ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin ngayon. Hindi mo tinutupad ang iyong responsabilidad kung nasisiyahan ka nang iniraraos lang ang tungkulin, at hindi mo tinutupad ang iyong responsabilidad kung ang nagagawa mo lang ay ang bumigkas ng mga salita at doktrina. Tanging ang pagsasagawa ng katotohanan at paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa prinsipyo ay pagtupad sa iyong responsabilidad. Kapag epektibo na ang pagsasagawa mo ng katotohanan, at kapaki-pakinabang na ito sa mga tao, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, tanging kapag iginigiit mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Ang wala sa loob na paggawa ayon sa paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay pagiging pabasta-basta; ang pagkapit lamang sa mga katotohanang prinsipyo ang wastong paggampan sa iyong tungkulin at pagtupad sa iyong responsabilidad. At kapag tinutupad mo ang iyong responsabilidad, hindi ba ito pagpapamalas ng katapatan? Ito ang pagpapamalas ng tapat na paggampan sa iyong tungkulin. Tanging kapag mayroon ka ng ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, ng ganitong determinasyon at pagnanais, at ng ganitong pagpapamalas ng katapatan patungkol sa iyong tungkulin, saka ka lamang titingnan ng Diyos nang may pabor at pagsang-ayon. Kung hindi mo man lang taglay ang ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, ituturing ka ng Diyos na isang tamad, isang mangmang, at kasusuklaman ka Niya. … Dahil dito, kung gusto mong paboran ka ng Diyos, kahit papaano, dapat ay mapagkakatiwalaan ka sa mga mata ng ibang tao. Kung gusto mong pagkatiwalaan ka ng iba, paboran ka, pahalagahan ka, sa pinakamababa ay kailangan mong maging marangal, magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad, maging tapat sa iyong salita, at mapagkakatiwalaan. Higit pa rito, dapat kang maging masipag, responsable, at tapat sa harap ng Diyos—kung magkagayon, matutupad mo na sa kaibuturan ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Pagkatapos, magkakaroon ka ng pag-asa na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman kong malalim na tumagos ang mga ito sa aking puso at nabagabag ako. Napagtanto kong naging tuso at iresponsable ako sa aking mga tungkulin, dahilan para maging ganap akong hindi mapagkakatiwalaan. Alam ko namang hindi angkop si Yang Qing para sa papel ng lider ng pangkat dahil sa kanyang mahinang kakayahan at noong panahong iyon, walang iba pang angkop na kandidato para sa posisyon ng pamumuno sa pangkat, pero inayawan ko pa ring akuin ang pasanin ng pagprotekta sa gawain ng iglesia. Talagang wala akong anumang pagpapahalaga sa responsabilidad! Naisip ko kung paano pinalalaki ng ilang magulang ang kanilang mga anak hanggang sa pagtuntong ng mga ito sa hustong gulang, pero paglaki ng mga bata, iniisip lang ng mga ito ang sariling kaligayahan at kasiyahan, pinababayaan ang mga magulang nito kapag nagkakasakit o nangangailangan ng pag-aalaga sa kanilang pagtanda. Ang gayong mga tao ay walang konsensiya at pagkatao. Nagtamasa ako ng labis na pagdidilig at panustos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pero nang nangailangan ang gawain ng pagdidilig ng pakikipagtulungan ng mga tao, naging makasarili at kasuklam-suklam ako, at inintindi ko lang ang ginhawa ng aking laman, hindi man lang talaga isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Wala talaga akong pagkatao! Nagsimula akong kamuhian ang aking sarili at nakadama ako ng kahihiyan sa aking mga kilos, pero higit pa roon, nakaramdam ako ng pagsisisi at pagkakonsensiya, at ayaw ko nang mamuhay nang makasarili at kasuklam-suklam.
Pagkatapos nito, napaisip ako: “Bakit ba tuwing may tungkulin na nangangailangan ng pagdurusa ng laman, nakararamdam ako ng paglaban at ayaw kong makipagtulungan? Ano ba ang ugat ng problemang ito?” Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Kaya, ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Sa pagninilay ko sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang edukasyon sa paaralan, mga impluwensiya ng lipunan, pati na rin ang mga kaisipan at pahayag ng mga tanyag at dakilang tao para lasunin ang mga tao, itinatanim ang iba’t ibang satanikong lason at pilosopiya sa mga ito, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya.” Namumuhay ang mga tao batay sa mga ideyang ito, itinuturing na layunin at direksiyon ng paghahangad nila ang kasiyahan ng laman, at nagsisimula silang hangarin ang pagkain, kasuotan, at kasiyahan ng laman at masasamang kalakaran, na nagreresulta sa lalong pagbagsak ng buhay nila, walang konsensiya at katwiran ng isang normal na tao. Napagtanto kong ganito talaga ako, lalo na sa pagpapakasasa sa kaginhawahan ng katawan. Bago ko matagpuan ang Diyos, hinanap ko ang kaginhawahan sa gawain at iniwasan ang pagdurusa at pagod. Hindi mahalaga kung malaki o maliit man ang kinikita ko; basta’t may sapat na makakain at maiinom ako ay ayos na. Kapag nakikita ko ang mga tao sa paligid ko na nagdurusa, nagsusumikap, at nagpapakapagod para mabuhay nang mas maayos, iniisip ko na mga hangal sila, naniniwalang ang buhay ay nagtatagal lang ng ilang dekada, kaya bakit pa nila pinahihirapan ang sarili nila? Ngayon, habang ginagawa ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, pinanghahawakan ko pa rin ang mga makamundong pananaw, palaging hinahangad ang kaginhawahan ng laman at ayaw na magdusa o mapagod. Minsan, pagkatapos ng ilang abalang araw ng paggawa ng aking tungkulin at pakiramdam ng mental na pagkapagod, palagi akong naghahanap ng mga pagkakataon para pisikal na makapagpahinga at hindi mapagod nang husto. Pagdating sa oras para magdala ng pasanin, magdusa, at magbayad ng halaga, palagi kong gustong umatras o ipasa ang gampanin sa iba. Ang mga taong tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay isinasaalang-alang kung paano susuklian ang pagmamahal ng Diyos sa kanilang mga tungkulin, ginagawa ang lahat ng makakaya nila at nagkakamit ng magagandang resulta sa kanilang mga tungkulin, pero ako, isang makasarili at kasuklam-suklam na tao, ay nagsaalang-alang lang sa sarili kong mga pisikal na interes, at naging tuso at tamad ako, ayaw na ibigay ang buo kong lakas sa aking mga tungkulin. Habang kumportable ang katawan ko at hindi ako gaanong nagdurusa, nawalan ako ng maraming pagkakataon para makamit ang katotohanan. Paulit-ulit kong iniwasan at tinanggihan ang aking mga tungkulin at nagrebelde ako laban sa Diyos, at kung magpapatuloy ito, itataboy at itatakwil ako ng Diyos sa huli. Ito ay landas patungo sa kamatayan! Sa sandaling iyon, tunay kong naarok ang kahulugan ng nakasaad sa Aklat ng Kawikaan: “Ang kasaganaan ng mga hangal ang wawasak sa kanila.” Nakaramdam ako ng patuloy na takot sa puso ko. Kung hindi ko nabalitaan ang tungkol sa aksidente sa sasakyan ng brother na iyon, hindi sana ako nakapagnilay sa sarili ko, at hindi ko sana napagtanto ang malubhang kahihinatnan ng paghahangad ko sa kaginhawahan, lalong hindi sana ako nakapagsisi at nakapagbago. Tahimik akong nagpasalamat sa Diyos.
Kalaunan, nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, ‘Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.’ Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nakakaunawa ka at alam mo kung ano ang gagawin, pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay hindi mo ibinibigay sa tungkulin mo ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, ‘Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.’ Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao at iyong mga may pagpapahalaga sa pasanin at responsabilidad sa mga tungkulin nila. Maaaring may mabababang kakayahan ang gayong mga tao, pero maaaring ituon ang puso nila sa sambahayan ng Diyos. Inilalaan nila ang buong puso at lakas nila sa kanilang mga tungkulin nang hindi pinaplano ang sarili nilang mga interes. Sinasang-ayunan ng Diyos ang gayong mga tao. Naging handa akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Bagaman ang pagiging lider ng pangkat ay makatatagpo ng ilang paghihirap sa gawain, hindi naman nagbibigay ang Diyos ng mga pasanin sa mga tao na hindi nila kayang dalhin. Kailangan kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain sa iglesia, at gawin ang lahat ng aking makakaya, nang hindi nagiging tuso o tamad, kundi nang may pusong nagpapasakop sa Diyos sa aking mga tungkulin. Naisip ko ang pagbuo ni Noe ng arko. Noong panahong iyon, hindi pa maunlad ang industriya at limitado ang transportasyon, at si Noe ay hindi isang propesyonal na tagagawa ng barko. Ang pagbuo ng gayong kalaking arko ay napakahirap para kay Noe, pero nang naharap siya sa atas ng Diyos, hindi umatras si Noe, at hindi niya isinaalang-alang o pinlano ang sarili niyang mga pisikal na interes. Sa sandaling dumating ang utos ng Diyos sa kanya, kaagad siyang nagsimulang magsagawa nang walang pagkaantala. Iniayon ni Noe ang puso niya sa puso ng Diyos at ginawa niyang sariling pasanin ang pasanin ng Diyos. May payak at mapagpasakop siyang puso sa atas ng Diyos, at ito ang pinakamahalaga at ang sinasang-ayunan ng Diyos. Hiningi sa akin ng mga lider na maging lider ng pangkat para udyukan ang mga kapatid sa paggawa nang maayos ng kanilang gawain ng pagdidilig, at kakailanganin lang nito ako na magtiis ng kaunti pang pagdurusa at magbayad ng kaunti pang halaga, pero wala akong saloobin ng pagsunod. Ang saloobin ko sa aking tungkulin ay malayong-malayo kay Noe! Sa pagkukumpara ko sa aking sarili sa pagiging payak, pagkamatapat, at mapagpasakop ni Noe, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan at pagkakonsensiya. Ngayong nahadlangan na ang gawain ng pagdidilig, dapat kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos, magkusang pasanin ito, at gawin ang lahat ng aking makakaya, para maisakatuparan ko ang dapat at kaya kong gawin, nang hindi mag-iiwan ng anumang mga panghihinayang. Kaya matapat kong iniulat ang mga isyu ni Yang Qing; dahil dito, tinanggal siya ng mga lider, at naging lider ako ng pangkat.
Noong una, habang nagsasanay ako bilang lider ng pangkat, nagkulang ako sa maraming aspekto at maraming problemang kinailangang lutasin, at madalas akong mag-overtime. Sa paglipas ng panahon, nagsimula akong magkaroon ng ilang negatibong emosyon, pakiramdam ko ay masyadong maraming alalahanin ang pagiging lider ng pangkat, at na mas madali ang dati kong tungkulin. Nang naisip ko ito, napagtanto kong nagsisimula na naman akong intindihin ang aking laman, kaya nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, handang magrebelde laban sa aking laman. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ngayon, mahal Ko ang sinumang makakasunod sa Aking kalooban, ang sinumang makapagsasaalang-alang sa Aking mga pasanin, at ang sinumang makapagbibigay ng kanilang lahat-lahat para sa Akin nang may tunay na puso at sinseridad, at patuloy Ko silang liliwanagan, at hindi Ko sila hahayaang makalayo sa Akin. Madalas Kong sabihin, ‘Kayong mga taos-pusong gumugugol para sa Akin, tiyak na labis Ko kayong pagpapalain.’ Ano ang tinutukoy ng ‘pagpapalain’? Alam mo ba? Sa konteksto ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, tumutukoy ito sa mga pasaning ibinibigay Ko sa iyo. Para sa lahat ng nagagawang bumalikat ng pasanin para sa iglesia, at taos-pusong inaalay ang kanilang sarili para sa Akin, ang kanilang mga pasanin at kanilang sinseridad ay kapwa mga pagpapalang nagmumula sa Akin. Dagdag pa rito, ang Aking mga paghahayag sa kanila ay isa ring pagpapala mula sa Akin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 82). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Pagkatapos maging lider ng pangkat, nakasalamuha ko ang mas maraming tao, pangyayari, at bagay. Sa tuwing may kinahaharap akong problema o paghihirap, kinailangan kong matutong sumandig sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas ito. Mas kapaki-pakinabang ito sa aking buhay paglago, at ito ay biyaya ng Diyos! Sa pag-iisip nito, nakaramdam ako ng lakas ng loob at determinasyon. Pagkatapos, aktibo kong sinubaybayan ang gawain, at sa tuwing napapansin kong nasa hindi magandang kalagayan ang mga kapatid, ibinabahagi ko ang katotohanan sa kanila para mahanap ang solusyon. Hinanap ko rin ang mga katotohanang prinsipyo kaugnay sa mga isyu sa gawain. Sa ganitong pagsasagawa, naramdaman ko na sa buhay pagpasok man o sa aking mga tungkulin, nagkaroon ako ng kaunting progreso. Matapos ang bawat pakikipagpalitan sa mga kapatid, sinasabi nilang mayroon silang natutuhan, at labis akong natuwa. Nakita ko na sa pagiging handang akuin ang mga responsabilidad nang aktibo, hindi lang ako nakinabang, kundi nakatulong din ako sa iba. Napagtanto ko na ang hindi pamumuhay para sa laman at ang paghahangad na gawin nang maayos ang aking tungkulin ay nagbigay sa akin ng kagaanan at kapayapaan.