73. Para Mamuhay Nang Marangal, Mamuhay Nang may Pagkamatapat
Noong 2015, para maiwasan ang pag-aresto at pag-uusig ng CCP, umalis ako patungo sa ibang bansa. Nagtrabaho ako habang nananampalataya sa Diyos. Nakahanap ako ng trabaho bilang kahera sa isang malaking supermarket, at ito ang una kong trabaho sa labas. Pinahalagahan ko ang trabahong ito at nais ko itong gampanan nang maayos, pero dahil wala akong karanasan, dagdag pa rito ang katunayang napakaraming iba’t ibang aytem ang ibinebenta sa supermarket, at lahat ng komunikasyon ay nasa banyagang wika, hindi ako sanay sa alinman sa mga ito. Nagagalit ang amo ko at minamadali niya ako kapag mabagal ako, pero kapag nagtrabaho ako nang mabilis, mas madali naman akong magkamali, at napagsasabihan ako ng amo ko dahil sa aking kapabayaan, at kapag mali ang mga talaan, kinailangan kong ibalik ang eksaktong halaga. Sa pagtatrabaho nang ganito, araw-araw akong nababalisa. Pati sa gabi, napapanaginipan kong nagbibilang ako ng pera sa kaha. Noong panahong iyon, araw-araw akong nakakaramdam ng matinding presyur at ayaw ko na talagang pumasok sa trabaho, pero naisip ko rin kung gaano kahirap makahanap ng trabaho sa ibang bansa, at kung gaano kahirap maghanap ng ibang trabaho kung magbibitiw ako rito. Sa ganitong sitwasyon, kinailangan ko na lang magtiis. Isang araw, tinanong ko ang isang kaherang may karanasan, “Paano ko maiiwasang magkamali kung napakaraming kostumer at napakaraming nangyayari?” Ngumiti sa akin ang kahera at sinabi niya na, “Hindi maiiwasan ang mga pagkakamali. Kung tutuusin, sino nga ba ang hindi nagkakamali? Ang mahalaga ay alam mo kung paano lutasin ang problema. Isipin mo, araw-araw na abala ang asawa ng amo, kaya paano niya sisiyasatin ang bawat transaksyon? Basta’t tugma ang kabuuang halaga sa system, ayos na iyon. Minsan kapag bumibili ng ilang aytem ang mga kostumer, tinatanggap ko na lang ang pera nang hindi nagbibigay ng resibo o nililista ito, sa ganoong paraan, maaari kong ayusin nang tahimik ang mga talaan at maiwasang masermonan, o kaya naman, ginagawa kong mas maliit ang diperensiya.” Nabigla ako. Ang paraan pala para hindi mapagalitan ay manlinlang at magmanipula, at ang lahat ng ito ay nakasalalay lang sa panloloko sa asawa ng amo. Hindi ko ito matanggap sa aking puso. Nananampalataya ako sa Diyos at kailangan kong maging isang matapat na tao. Ang panlilinlang at pandaraya ay kinasusuklaman ng Diyos, kaya hindi ko iyon magagawa. Kailangan kong manatiling metikuloso at gampanan nang maayos ang trabaho ko, sa ganoong paraan, magkakaroon ako ng kapayapaan ng isipan.
Gayumpaman, kahit na maingat at metikuloso ako, kapag maraming kostumer at maraming nangyayari, hindi pa rin maiiwasang magkamali. Isang araw, muling nagbabala ang amo sa akin, “Kung makakagawa ka ng isa pang pagkakamali, magbabayad ka ng tatlong beses ng halaga, o aalis ka na dito!” Nang marining kong sinabi ng amo ko ang masasakit na salitang iyon nang wala man lang kahit kaunting awa, agad akong humagulgol. Kung hindi ako makakahanap agad ng solusyon, mapapatalsik ako. Kaya, sinimulan kong gawin ang mga bagay sa paraang ginagawa ng mas may karanasang kahera. Kapag may nakita akong hindi pagkakatugma sa mga talaan, kinukuha ko na lang ang bayad nang hindi nagbibigay ng resibo kapag bumibili ng maliliit na bagay ang mga kostumer. Sa ganitong paraan, nababalanse ang pera, at walang naiiwang rekord sa sistema ng kompyuter, at kapag medyo naayos na ang diperensiya, bumabalik ako sa normal na proseso ng paggamit sa kaha. Noong una, talagang kinakabahan ako at natatakot na baka may makaalam, dahil nasa ilalim lang ng mga surveillance camera ang kaha, kaya kung mayroong sinumang nanonood sa mga kuha ng camera, makikita nila nang malinaw ang bawat kilos ko. Minsan, lalapit ang amo ko at tatanungin ako, “Bakit hindi ka nagbigay ng resibo sa mamimiling iyon?” at agad akong kikilos na parang walang pakialam at sasabihing, “Sinabi nilang maliit na halaga lang iyon, kaya hindi na nila kailangan ng resibo, at nakalimutan ko na lang.” Pagkarinig niyon, hindi na magsasalita ang amo ko. Naging “perpekto” ang pagtatago ng mga hindi pagkakatugma sa ganitong paraan. Pero kahit anong mangyari, hindi pa rin ako nasisiyahan dito. Nang makauwi ako, bumagsak ako sa kama, iniisip ko na ako ay mananampalataya sa Diyos, at na dapat akong magsalita ng katotohanan at maging isang matapat na tao, pero hindi ko kailanman inasahan na madali akong matitinag ng pansariling interes. Medyo nakonsensiya ako, at nababagabag ang konsensiya ko, pero naisip ko na, “Ginawa ko lang ito dahil wala na akong magawa, kailangan kong manatili sa trabaho ko.” Kaya ginamit ko ang katwirang ito para aluin ang sarili ko.
Sa aking pagkabigla, sa mga sumunod na araw, may ilang hindi inaasahang bagay ang nangyari sa akin. Pinagpalit-palit ng ilang kostumer ang mga price tag sa mga paninda, at dahil walang mga barcode ang ilang paninda at hindi ko matukoy ang ilang kagamitan, naibenta ko ang isang panindang nagkakahalaga ng $55 sa halagang $5 lamang. May tseke ring nagkakahalaga ng higit $400, na tinanggap ko nang walang pirma ng kostumer. Nalaman ng amo ko ang tungkol sa lahat ng insidenteng ito. Natulala ako, naisip ko na, “Paano ako nakagawa ng napakaraming pagkakamali na sangkot ang ganoon kalalaking halaga?” Matapos marinig ang lahat ng ito, mariing sinabi ng amo ko na, “Katapusan mo na. Susuriin ko ang surveillance footage mamaya para makita kung paano mo nagawa ang mga pagkakamaling ito. Kapag hindi bumalik ang pera, magbabayad ka ng tatlong beses ng halaga nito!” Pakiramdam ko ay katapusan ko na noon, na baka mawalan ako ng trabaho, at lahat ng perang pinaghirapan ko ay kailangan kong ibalik. Pakiramdam ko ay gumuguho na ang lahat. Pagdating ko sa bahay, hindi ako makalma, at pakiramdam ko ay wala akong magawa. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa mga kawalang ito, pero napagtanto ko na may kinalaman ang layunin ng Diyos sa mga sitwasyong ito, kaya lumapit ako sa Diyos at nagdasal, hiniling ko sa Diyos na gabayan at bigyang-liwanag ako na maunawaan ko ang Kanyang layunin, para malaman ko kung paano kumilos nang wasto. Pagkatapos magdasal, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Sa diwa, tapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Oo. Ang diwa ng Diyos ay banal at tapat, at nagsasalita Siya ng katotohanan. Mahal ng Diyos ang matatapat na tao. Sinasabi niya sa atin na sa pamamagitan lang ng pagiging matapat na tao tayo maliligtas at makakapasok sa kaharian ng langit. Bilang isang Kristiyano, dapat kong isagawa ang pagiging matapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, at tawagin ang mga bagay sa tunay nilang anyo at huwag maging mapanlinlang kahit kailan. Kapag nakikisalamuha at nakikipagtulungan sa iba, dapat kong sikaping maging mapagkakatiwalaan, iparamdam sa iba na sila ay ligtas at na maaari nila akong pagkatiwalaan. Ang pamumuhay nang ganito ay nagdudulot ng dignidad at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Pero noong panahong iyon, para maiwasang mapagsabihan ng amo ko o matuklasan ang mga pagkakamali ko, nagsimula akong kumilos nang mapanlinlang, katulad ng mga walang pananampalataya. Nagbebenta ako ng mga aytem, kinukuha ang pera, at hindi nagbibigay ng mga resibo para mapagtakpan ang mga hindi pagkakatugma. Ginamit ko ang mga kasuklam-suklam na pamamaraang ito para linlangin ang amo ko at lokohin ang mga tao. Bagama’t nakakaramdam ako ng pagkakonsensiya, gumamit pa rin ako ng ilang marangal na dahilan para aluin ang sarili ko. Maaaring hindi agad mapansin ng mga tao ang ginawa ko, pero malinaw na sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Sa puntong iyon, mas naunawaan ko ang layunin at mga kahilingan ng Diyos. Napagtanto ko na ang pagiging matapat na tao ay sumasalamin sa tunay na wangis ng tao, at napagtanto ko rin na ang mga kamakailang sagabal at pagkaantalang ito ay paraan ng Diyos para magpaalala at magbabala sa akin na huwag magpatuloy sa maling landas.
Pagkatapos niyon, nagsimula akong magnilay, tinanong ko ang aking sarili, “Ano ang nag-udyok sa akin na sundan ang mga tao sa paligid ko sa panlilinlang? Ano ang kumokontrol sa akin?” Habang naghahanap, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Bakit pinaglalaruan ng mga tao ang pagiging mapanlinlang? Ito ay upang maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin, upang makamit ang sarili nilang mga layunin, kung kaya’t gumagamit sila ng mga pailalim na pamamaraan. Sa paggawa nito ay hindi sila bukas at tuwiran, at hindi sila matatapat na tao. Sa ganitong mga pagkakataon ay inihahayag ng mga tao ang pagiging mapanira at tuso nila, o ang pagiging mapaminsala kasuklam-suklam nila. Dahil nasa puso ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ito, pakiramdam nila ay napakahirap na maging matapat na tao. Ito ang mahirap sa pagiging matapat na tao. Ngunit kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, hindi masyadong magiging mahirap ang pagiging matapat na tao. Madarama mo na higit na madali ito. Alam na alam ng mga mayroong personal na karanasan na ang pinakamalalaking balakid sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging mapaminsala ng mga tao, ang kanilang pagiging mapanlinlang, kanilang kabuktutan, at kanilang mga kasuklam-suklam na hangarin. Hangga’t nananatili ang mga tiwaling disposisyong ito, magiging napakahirap ng pagiging matapat na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, napunta ako sa malalim na pag-iisip. Lumabas na kumilos ako nang mapanlinlang para protektahan ang aking mga personal na interes. Nang harapin ko ang pagkawala ng pera at dangal, at pati na rin ang panganib na mawalan ako ng trabaho, nagsimula akong kumilos nang mapanlinlang at may pandaraya, at ipinahamak ko pa ang interes ng iba para mapagtakpan ang mga pagkakamali ko. Ang mas masaklap, kahit pa ang pagkakonsensiya ko ay hindi ako nagising. Inakala ko na ang lahat ay gumagawa nang ganitong panlilinlang, kaya ang mga kilos ko ay hindi lumalampas sa hangganan. Pagkatapos kong magkamali, gumawa ako ng mga pakana, at kumilos nang may panlilinlang, at hindi ako nahiya, sa halip ay nakahanap pa ako ng mga matatayog katwiran para sa sarili ko. Talagang wala akong pagkatao! Namumuhay ako ayon sa aking tiwaling satanikong disposisyon, nagsisinungaling at nanlilinlang. Ito ang naging sanhi ng pagkasuklam sa akin ng Diyos, at nagdulot sa akin ng napakatinding sakit. Matatagpuan ko lang ang kapayapaan at hindi mararamdaman ang labis na kapaguran sa pamamagitan ng pagsisisi sa Diyos at pagtuon sa pagsasabi ng katotohanan at pagiging matapat. Ginagamit ng Diyos ang mga sitwasyong ito para gisingin ang manhid kong puso, at hindi na ako maaaring magsinungaling o manlinlang. Ang pagkawala ng pera at dangal ay isang bagay, pero ang pagkawala ng dignidad at integridad ay ganap na ibang usapin. Dala ang kaisipang ito, nagpasya akong akuin ang responsabilidad, at na gagamitin ang sahod ko sa buwan na iyon para bayaran ang mga pagkaluging ito. Sa hindi inaasahan, nakilala ng ibang empleyado ng supermarket ang taong hindi pumirma sa tseke sa pamamagitan ng panonood ng surveillance footage, at nakahanap sila ng paraan para matunton siya. Tungkol naman sa mga kagamitang naibenta ko nang mali, sinabi ng asawa ng amo ko na may responsabilidad din ang mga kostumer, at dahil bata pa ako, hindi talaga maasahang makilala ko ang ilang kagamitan, kaya kalahati lamang ng halaga ang ipinabayad sa akin. Madaling nalutas ang mga isyung ito. Alam kong ang Diyos ang namatnugot at nagsaayos ng mga tao, pangyayari at mga bagay-bagay sa paligid ko para tulungan ako. Ipinahayag ko ang taos-puso kong pasasalamat at papuri sa Diyos, at tumibay ang pananalig ko sa pagiging isang matapat na tao.
Isang gabi, habang sinusuri ko ang mga talaan, napansin kong kulang ako ng walong dolyar. Naisip ko na, “Sumobra ba ang nailagay kong panukling pera kagabi? Hindi. May mga kupon ba na hindi naisama sa bilang? Hindi. May mali ba sa mga talaan? Wala.” Pinag-isipan ko ito mula sa bawat anggulo pero hindi ko pa rin matukoy kung saan ako nagkamali. Nakaramdam ako ng bugso ng pagkabalisa, iniisip ko kung paano ako mapagsasabihan ng asawa ng amo kinabukasan, at ako ay nabalisa at nag-alala. Sinabi ng amo ko na kapag muli akong nagkamali, mapapatalsik ako sa trabaho, at ngayon dahil nagkamali na naman ako, hindi ako sigurado kung mananatili pa ako sa aking trabaho. Pero naisip ko na, “Karaniwang sinusuri lang ng asawa ng amo ang mga talaan tuwing ikalawa o ikatlong araw, kaya malamang ay hindi niya ito susuriin ngayon. Makakahanap ako ng pagkakataon bukas para ‘mapunan’ ang kakulangan sa pera, sa paraang iyon, hindi ako mapagsasabihan o mawawalan ng trabaho.” Pero nang maisip ko na gumawa ako ng pagpapasya sa harap ng Diyos na magsabi ng katotohanan at maging matapat, medyo nakonsensiya ako. Nang makauwi ako, muli akong nagdasal sa Diyos tungkol sa mga paghihirap ko, hiniling ko sa Diyos na muli akong gabayan at pagkalooban ng landas na aking tatahakin. Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kapag nabubuhay ang mga tao sa mundong ito, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, pinamamahalaan at kinokontrol ng puwersa nito, imposible para sa kanilang maging matapat. Maaari lang silang maging lalo pang mapanlinlang. Sa pamumuhay sa gitna ng isang tiwaling sangkatauhan, ang pagiging matapat na tao ay talagang nangangailangan ng maraming paghihirap. Malamang na tayo ay kutyain, alipustahin, husgahan, ibukod at itaboy pa nga ng mga walang pananampalataya, mga diyablong hari, at mga buhay na demonyo. Kaya, posible bang manatiling buhay bilang isang matapat na tao sa mundong ito? May anumang puwang ba para manatili tayong buhay sa mundong ito? Oo, mayroon. Tiyak na mayroong puwang para manatili tayong buhay. Pauna na tayong itinalaga ng Diyos at hinirang Niya tayo, at talagang nagbubukas Siya ng daan palabas para sa atin. Nananampalataya tayo sa Diyos at ganap natin Siyang sinusunod sa ilalim ng Kanyang patnubay, at lubos tayong nabubuhay sa hininga at buhay na Kanyang ipinagkakaloob. Dahil tinanggap na natin ang katotohanan ng mga salita ng Diyos, may mga bago tayong panuntunan kung paano mabuhay, at mga bagong layunin para sa ating mga buhay. Nabago na ang mga saligan ng ating mga buhay. Gumagamit na tayo ng bagong paraan ng pamumuhay, isang bagong paraan ng pag-asal, lubos na alang-alang sa pagtatamo ng katotohanan at kaligtasan. Gumagamit tayo ng bagong paraan ng pamumuhay: Nabubuhay tayo upang gampanan nang mabuti ang ating mga tungkulin at bigyang-lugod ang Diyos. Talagang wala itong kinalaman sa kung ano ang pisikal nating kinakain, kung ano ang ating isinusuot, o kung saan tayo nakatira; ito ang ating espirituwal na pangangailangan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). “Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, talagang napanatag ako. Sa masamang lipunang ito, nabubuhay ang mga tao sa pamamagitan ng pagsandig sa mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Para sa kapakanan ng mga sarili nating interes, nililinlang natin ang isa’t isa, at nauunawaan ng lahat ang mata sa mata, ngipin sa ngipin. Para bang kung hindi tayo kikilos sa ganitong paraan, hindi tayo mabubuhay. Nananampalataya ako sa Diyos at alam ko na galing sa Kanya ang buhay ko, na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa tadhana ko, at na ang katunayang nabubuhay ako at humihinga ay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at proteksyon ng Diyos. Nakasalalay ang uri ng gawaing mayroon ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi sa sinumang indibidwal. Bakit ko papagurin ang utak ko na lumaban para sa mga bagay sa pamamagitan ng panlilinlang? Hindi ba’t mas mabuting magkaroon ng bukas na puso, para gawin ang kailangan kong gawin, at ipagkatiwala ang lahat sa Diyos? Dala ang ganitong kaisipan, mas napanatag ako, at determinado akong maging isang matapat na tao at na tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa anumang gawin ko. Dahil nakagawa ako ng mga pagkakamali, kailangan kong akuin ang responsabilidad, at kung paano ko mababayaran at kung mananatili pa ba ako sa trabahong ito, lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos.
Kinabukasan, habang nagtatrabaho ako sa kaha, nagkaroon ako ng pagkakataong hindi magbigay ng resibo, na nangangahulugang maaari ko nang mapunan ang walong dolyar na kakulangan ko. Muling nayanig ang puso ko, at nang kikilos na ako, bigla kong naalala ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat kang maging isang taong taos-puso; huwag mong subukang mambola, at huwag maging mapanlinlang na tao. (Dito ay muli Kong hinihingi sa inyo na maging isang matapat na tao.)” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno). Napagtanto ko na pinapaalalahanan ako ng Diyos na maging isang matapat na tao at hindi isang mapanlinlang. Kahiya-hiya ang mga taong mapanlinlang. Naalala ko ang salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang matapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may lakas kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Naunawaan ko na sa sandaling ito, sinisiyasat ako ng Diyos para tingnan kung maisasagawa ko ang katotohanan. Bagama’t tila hindi ito isang malaking bagay, ang pasya at ang kilos na ito ay may kaakibat na patotoo. Batid na batid ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao, pero namumuhay pa rin ako sa mga prinsipyong pamumuhay ni Satanas, gumagamit ng mga pakana at panlilinlang. Hindi ba’t nagdadala ako ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos? Bagama’t hindi ako makapagbibigay ng napakalaking patotoo, kailangan kong isagawa ang katotohanan sa maliliit na bagay na dumarating sa araw-araw kong pamumuhay. Pagkatapos maunawaan ang layunin ng Diyos, gumawa ako ng isang matibay na pagpapasya na anuman ang sitwasyon, ako ay magiging isang matapat na tao at tutugunan ko ang Diyos. Pagkatapos niyon, tumigil na ako sa pag-iisip kung paano mapagtatakpan ang kulang na walong dolyar, at nagsimula akong magtrabaho nang masigasig. Lumipas ang araw nang ganito, at nang dumating na ang oras ng pagbalanse ng mga talaan noong gabi, tahimik akong nagdasal sa Diyos, at inihanda ko ang aking sarili sa posibilidad na mawalan ng pera. Pagkatapos magdasal, sinimulan ko nang bilangin ang pera, at laking gulat ko, tama ang kabuuang halaga! Namangha ako. Siguradong may kulang ako na walong dolyar noong nakaraang gabi, kaya paano naging tama ang kabuuang halaga ngayon? Ilang beses ko itong binilang, at walang duda, tama talaga ang halaga! Labis akong nagpasalamat sa Diyos at nakahinga ako nang maluwag na hindi ko na kailangang gumamit ng panlilinlang. Napanatag ang puso ko dahil naisagawa ko ang pagiging matapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos.
Mula noon, anuman ang mga problemang lumitaw sa gawain o kung kailangan kong akuin ang responsabilidad para sa isang bagay, kusa akong nakikipag-usap sa amo ko para malutas ang mga ito. Pinuri ako ng aking amo at mga kasamahan dahil sa pagiging masigasig at responsable ko sa aking gawain, at makalipas ang ilang buwan, binigyan ako ng aking amo ng dagdag na sahod. Kalaunan, tinanong ko ang amo ko kung pwede kong bawasan ang oras ng aking pagtatrabaho, at sa aking pagkagulat, masayang pumayag ang amo ko, na kadalasang istrikto sa kanyang mga empleyado. Isang araw, hindi ko sinasadyang marinig ang pag-uusap ng isang kahera at isa pang empleyado. Sinabi ng kahera na, “Talagang may kinikilingan ang amo natin; napakaluwag niya kay Meredith, binibigyan siya ng dagdag na sahod, binabawasan ang kanyang oras, at hinahayaan pa siyang baguhin ang kanyang iskedyul. Tinatanggihan lang ng amo natin ang anumang hilingin ko.” Sumagot ang empleyado, “Eh sino ba naman ang ayaw makatrabaho ang isang taong matapat, matatag, at nagbibigay kapanatagan sa iba?” Nang marinig ko ito, nagpasalamat ako sa Diyos at pinuri ko Siya mula sa kaibuturan ng aking puso, dahil alam kong ang pamumuna sa akin ng aking amo ay napalitan ng paggalang at pagmamalasakit, hindi dahil mabuti ako, kundi dahil binago ako ng mga salita ng Diyos. Nang isagawa ko ang pagiging isang matapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos, muli kong nabawi ang dignidad ko bilang isang tao, at nakamit ko ang respeto ng iba. Naramdaman ko sa kaibuturan ng aking puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at na ang mga ito ang pamantayan ng pag-uugali at asal ng tao. Talagang napakagandang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos!