93. Kung Paano Naglaho ang Aking Mga Intensiyon na Mapagpala

Ni Yi Shan, Tsina

Noong 2003, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Talagang nasasabik ako, dahil sa wakas ay nagbalik na ang matagal na nating hinihintay na Panginoong Jesus. Pagkatapos niyon, aktibo akong nangaral ng ebanghelyo, gusto kong ibahagi ang magandang balitang ito sa mas marami pang tao na sabik sa pagpapakita ng Diyos. Gaano man ako hinadlangan, binugbog, o minura ng mga tao sa relihiyon, o gaano man ako tinangkang usigin at arestuhin ng malaking pulang dragon, nagpatuloy pa rin ako sa pangangaral ng ebanghelyo. Makalipas ang ilang panahon, milagrosong gumaling ang bukol sa dibdib ko na ilang taon ko nang dala-dala kahit walang operasyon, dumoble ang kinita ng negosyo ng pamilya namin, at mula noon, mas lalo akong nagsikap sa mga tungkulin ko. Kahit saan ako magpunta para ipangaral ang ebanghelyo, gaano man kalayo o kahirap ang mga kondisyon, tunay akong handa. Noong 2012, naglilingkod ako bilang lider ng iglesia at abala ako sa mga tungkulin ko, kaya matagal-tagal akong hindi nakakauwi. Isang araw, habang papunta ako sa isang pagtitipon, nasalubong ko ang anak kong lalaki. Sinabi niya na nagkaroon ng malignant brain tumor ang apo ko, na kahit na gumastos na sila ng daan-daang libong yuan, hindi pa rin ito magamot, at sinabi ng doktor na dalawang buwan na lang ang itatagal niya. Kumabog ang puso ko at parang umalingawngaw ang isip ko: “Naku, paano nagkaroon ng ganitong sakit ang isang napakabata pang babae?” Pag-uwi ko sa bahay, nakita ko ang apo ko na nakabenda ang ulo at bulag na ang isa niyang mata, pero sumasayaw pa rin siya sa harap ng TV. Bigla akong binalot ng matinding lungkot, at talagang hindi ko matanggap ang realidad na ito, at napaiyak na lang ako. Tatlong taong gulang pa lang ang apo ko, punong-puno ng sigla; talaga bang matatapos na ang buhay niya sa napakamurang edad? Napuno ang puso ko ng hindi maipaliwanag na sakit, at dali-dali kong tinanong ang mister ko kung pwede namin siyang dalhin sa pinakamagaling na ospital para magpatingin muli, pero sabi ng mister ko, “Wala nang magagawa iyon, huli na, hindi na siya magagamot, dalawang buwan na lang daw ang itatagal niya.” Pagkarinig ko sa sinabi ng mister ko, hindi ako nakatulog buong gabi. Naisip ko, “Paanong nagkaroon ng ganitong karamdaman ang apo ko? Ginagawa ko ang mga tungkulin ko mula nang matagpuan ko ang Diyos, at nagdusa ako nang husto. Bakit hindi pinrotektahan ng Diyos ang apo ko? Bakit ganito kalaki ang pagsubok na dumating sa akin?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nasasaktan, at ayaw ko nang lumabas para gawin ang mga tungkulin ko. Alam kong hindi tama ang kalagayang ito, kaya nagdasal ako sa Diyos para maghimagsik laban sa aking sarili, pero sa puso ko, umaasa pa rin ako na pagagalingin ng Diyos ang apo ko. Naalala ko ang kuwento sa Bibliya kung saan namatay ang isang batang babae. Hinawakan ng Panginoong Jesus ang kamay niya, at nabuhay siyang muli. Kaya nagdasal ako, at ipinagkatiwala ko sa Diyos ang aking apo. Naisip ko na kailangan kong magmadali at ipagpatuloy ang paggawa ng mga tungkulin ko, naniniwala na kung nakikita ng Diyos kung gaano ako nagsasakripisyo at gumugugol ng aking sarili, marahil ay pagagalingin Niya ang apo ko. Sinabihan ko rin ang anak at mister ko na mas lalo pang ipagdasal ang apo ko.

Noong mga panahong iyon, sa puso ko, umaasa akong gagaling ang apo ko, at hindi ko mapigilan ang pag-iisip tungkol sa kanya habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko. Ang mga alaala ng kanyang pagiging masigla at kaibig-ibig ay patuloy na pumapasok sa isipan ko na parang isang pelikula. Bagaman ginagawa ko pa rin ang mga tungkulin ko, hindi na ito katulad ng dating pagpapahalaga sa pasanin, at lalo na noong naisip ko kung gaano kakyut ang apo ko at dalawang buwan na lang ang natitira niya para mabuhay, kumirot ang puso ko na para itong hinihiwa ng kutsilyo, Hindi ako makatulog sa gabi, at madalas akong naiiyak nang hindi ko namamalayan. Namuhay ako sa pagiging mahina at negatibo, hindi ako naging epektibo sa tungkulin ko, at napagtanto kong mapanganib ang kalagayan ko. Alam ko na kung hindi ko mabilis na itutuwid ang mga bagay-bagay, mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, napakalubha ng karamdaman ng apo ko, at labis po akong nasasaktan. Hinihiling ko po sa Iyo na bantayan Mo ang puso ko at bigyang-liwanag ako para maunawaan ko ang Iyong layunin.” Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit anuman ang mangyari, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nahahawakan; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang pananalig. Kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan sa iyo ay magkaroon ng pananalig at tumayo nang matatag at manindigan sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, kapag may pananalig ka ay saka mo lamang makikita ang Diyos. Kapag mayroon kang pananalig, gagawin kang perpekto ng Diyos, at kung wala kang pananalig, hindi Niya ito magagawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinahintulutan ng Diyos ang karamdaman ng aking apo, at na isa itong pagsubok mula sa Diyos, na naglalayong gawing perpekto ang aking pananalig. Naisip ko si Job, na alam na ang lahat ng kanyang kayamanan at lahat ng mayroon siya ay ibinigay ng Diyos, at na ganap na natural at makatarungan para sa Diyos na bawiin ang lahat ng ito. Nang isailalim siya ng Diyos sa mga pagsubok, pinili ni Job na sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan kaysa magreklamo tungkol sa Diyos. At kaya niyang sabihin na: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Mayroon siyang tunay na pananalig at ibinigay niya ang buhay niya sa Diyos, na nagpapahintulot sa Diyos na pamatnugutan ang lahat ng bagay. Napakatuwid at napakabuti ng pagkatao ni Job. Napaisip ako sa sarili ko. Masigasig ako sa paggawa ng tungkulin ko noon, at gaano man katindi ang pagdurusang tiniis ko habang ipinangangaral ang ebanghelyo, at gaano man ako tinangkang usigin at kondenahin ng mundo ng relihiyon o ng malaking pulang dragon, hindi ako kailanman naging negatibo. Sa halip, ipinagpatuloy ko lang ang pangangaral ng ebanghelyo at pagsasakripisyo gaya ng dati. Pero hindi ito tunay na pananalig. Ito ay dahil, pagkatapos mahanap ang Diyos, umunlad ang negosyo ng pamilya ko, at pinagaling ng Diyos ang karamdaman ko. Tinatamasa ko ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Pero ngayong may kanser sa utak ang apo ko, at dalawang buwan na lang ang itatagal, at hindi siya pinagagaling ng Diyos gaya ng hiniling ko, nagsimula akong makipagtalo sa Diyos batay sa aking mga dating sakripisyo, nagrereklamo tungkol sa hindi Niya pagprotekta sa apo ko. Pakiramdam ko pa nga ay walang pagsasaalang-alang ang ginagawa ng Diyos, at na hindi Niya dapat hinayaang may ganoon katinding pagsubok na sumapit sa akin. Napagtanto ko na wala akong pagkatao at katwiran. Wala akong tunay na pananalig o pagpapasakop sa Diyos. Sa pag-iisip ko nito, pakiramdam ko ay parang talagang nabigo ko ang Diyos. Labis ang naibigay sa akin ng Diyos, hindi ako puwedeng patuloy na maging napakasakim. Dapat tularan ko si Job at magpasakop ako sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos.

Kalaunan, habang ginagawa ang tungkulin ko, sa tuwing nakikita ko ang mga anak ng mga kapatid, naiisip ko ang apo ko, pinapangarap kung kailan maaari ding maging malusog ulit ang apo ko, tumatalon at tumatakbo sa paligid ko. Naalala ko rin noong may tumor ako sa dibdib, at kung paanong sinabi ng doktor na lumaki ang tumor at magiging delikado kung hindi ako magpapaopera. Umasa ako sa Diyos at nagpatuloy akong gawin ang tungkulin ko, at himalang nawala ang tumor. Sa pagkakataong ito, gusto kong gawin nang masigasig muli ang tungkulin ko, kaya pinuno ko ang iskedyul ko, madalas akong nakikipagtipon sa mga kapatid at nakikipagtalakayan tungkol sa gawain. Aktibong ipinangaral ng mga kapatid ang ebanghelyo at sinuportahan nila ang mga baguhan at walang gawain na naantala. Naisip ko, “Baka isang araw, biglang gumaling ang karamdaman ng apo ko.” Pagkalipas ng dalawang buwan, pag-uwi ko sa bahay, nalaman ko na bukod sa hindi bumuti ang karamdaman ng apo ko, kumalat na rin sa buong katawan niya ang kanser. Bilang na lang ang mga hininga niya. Nakahanda na ang isang maliit na kabaong. Walang tigil sa pag-iyak ang anak at manugang ko. Nadurog ang puso ko at hindi ko na napigilan ang sarili ko na umiyak. Muli kong sinubukan na mangatwiran sa Diyos, sinasabi sa loob-loob ko, “Hindi ko naman pinabayaan ang tungkulin ko nitong nakaraang dalawang buwan habang may sakit ang apo ko. Simula nang manampalataya ako sa Diyos, palagi na akong nagsasakripisyo at gumugugol ng sarili ko. Huminto ako sa pagnenegosyo, sinisiraan ako ng mundo, tinalikuran ako ng mga kamag-anak ko, at tinutugis din ako ng malaking pulang dragon. Gaano man kalupit ang kapaligiran, nagpursige ako sa aking mga tungkulin. Paanong naging ganito ang resulta? Wala naman akong ginawa na lantarang lumalaban sa Diyos! Bakit nangyari sa akin ito? Bakit hindi pinrotektahan ng Diyos ang apo ko?” Bumagsak ang kalagayan ko. Wala akong anumang lakas para maglakad, at ni ayaw kong kumain. Nasa sobrang pasakit at pagkanegatibo ako at lumitaw ang mga kaisipan na ayaw kong gawin ang mga tungkulin ko. Alam kong hindi ako dapat magreklamo, pero nang makita ko ang aking apo sa bingit ng kamatayan, sadyang hindi ko mapigilan ang sarili ko. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Ayaw ko pong magreklamo tungkol sa Iyo, pero hindi ko talaga ito malampasan. Masyado akong nanghihina at walang magawa, pakiusap, huwag Mo pong hayaang magreklamo ang puso ko.” Hindi nagtagal, pumanaw ang apo ko. Lubhang nasaktan ang puso ko. Wala akong pagnanais na basahin ang mga salita ng Diyos o makipagbahaginan sa mga pagtitipon. Lalo na kapag nakikita ko ang mga anak ng mga kapatid na kaedad ng apo ko, hindi ko mapigilang umiyak. Namuhay ako sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa, at matagal-tagal na hindi bumuti ang kalagayan ko. Wala rin akong mga resulta sa mga tungkulin ko. Noon ako lumapit sa Diyos para magdasal at maghanap.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at lubos na lumiwanag ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang naghanda ng isang itinakdang mga kapaligiran para sa bawat kapanganakan ng isang tao, tiyak na nagsaayos din Siya ng isang itinakdang mga kapaligiran para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak nang nagkataon lang, walang pagkamatay ang biglaan, at ang kapanganakan at kamatayan ay kapwa marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Kung ano ang mga kapaligiran sa kapanganakan ng isang tao, at kung ano ang mga kapaligiran sa kanyang kamatayan, ay nauugnay sa mga paunang itinakda ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, tiyak na mayroon ding iba’t ibang espesyal na sitwasyon para sa pagkamatay ng isang tao. Sa ganitong paraan, umiiral ang magkakaibang haba ng buhay at magkakaibang paraan at oras ng kanilang mga kamatayan sa sangkatauhan. May ilang tao na malakas at malusog, ngunit namamatay nang maaga; ang iba ay mahina at sakitin, ngunit nabubuhay hanggang sa pagtanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Namamatay ang ilan nang malayo sa kanilang tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay nalulunod sa tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakalampas sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring magplano ng kung ano-ano ang mga tao para sa kanilang kinabukasan, subalit walang sinuman ang makakapagplano kung paano siya isisilang o kung ano ang paraan at panahon ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagama’t ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at labanan ang pagdating ng kamatayan, tahimik pa ring lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, o lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw, na hindi ang tao ang may hawak ng pinakamataas na kapangyarihan sa buhay at kamatayan, ni sinumang buhay na nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na nagtataglay ng natatanging awtoridad. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng kung anong batas ng natural na mundo, kundi resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang kapalaran, buhay, at kamatayan ng tao ay lahat nasa mga kamay ng Diyos. Kung kailan ipapanganak at mamamatay ang isang tao ay pauna nang itinakda ng Diyos. Hindi iyon mababago ng mga tao. Kagaya ng karamdaman ng apo ko at kung kailan siya mamamatay ay pauna na ring itinakda ng Diyos, at hindi ito isang bagay na kayang baguhin ng aking mga pansariling intensiyon. Hindi ito mababago sa pamamagitan ng aking gawain, pagdurusa, o mga sakripisyo. Hindi puwedeng magpasakop ako sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, habang umaasa rin na sa pamamagitan ng paggawa at paggugol ko ay babaguhin ng Diyos ang kapalaran ng apo ko. Hindi ba’t sa esensya ay kinokontra ko ang Diyos? Ang buhay at kamatayan ng apo ko ay may kaugnayan sa kanyang nakaraan at kasalukuyang buhay. Maaari lang siyang mabuhay sa ilang taon na ito, at iyon ang kapalaran niya. Sa katunayan, maraming bata mula sa mga di-nananampalatayang pamilya ang namamatay rin dahil sa iba’t ibang uri ng malulubhang karamdaman. Halimbawa, may kilala akong walang pananampalataya na ang anak ay nagkaroon din ng tumor sa utak. Noong una, gumaling ito, pero bumalik ang sakit ng bata nang mag-edad ito ng dose anyos at tuluyan itong namatay. Dahil dito, nakita ko na ang haba ng buhay ng isang tao ay itinatakda ng Diyos, at na wala itong kinalaman sa kung nananampalataya ba sa Diyos ang mga kapamilya niya. Pero inisip ko na dahil nananampalataya ako sa Diyos, hindi dapat mamatay ang apo ko sa karamdaman niya. Iyon ay isang nakalilinlang na pananaw. Matapos ko itong mapagtanto, hindi na ako gaanong nasasaktan sa puso ko. Nagawa ko ring tumanggap mula sa Diyos at nakapagpasakop ako sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos tungkol sa pagkamatay ng aking apo. Ibinahagi ko sa mister at anak ko ang mga pagkaunawa kong ito para hindi na rin sila magreklamo tungkol sa Diyos.

Isang araw, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga isyu. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pagdating sa mga pagpapala at paghihirap, may katotohanan na dapat hanapin. Ano ang matalinong kasabihan na dapat sundin ng mga tao? Sinabi ni Job, ‘Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng paghihirap?’ (Job 2:10). Katotohanan ba ang mga salitang ito? Mga salita ito ng isang tao; hindi puwedeng itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan, bagama’t medyo naaayon sa katotohanan ang mga ito. Sa anong paraan naaayon sa katotohanan ang mga ito? Nasa mga kamay ng Diyos kung pagpapalain o magdurusa man ng paghihirap ang mga tao, nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng ito. Ito ang katotohanan. Pinaniniwalaan ba ito ng mga anticristo? Hindi, hindi nila ito pinaniniwalaan. Hindi nila ito kinikilala. Bakit hindi nila ito pinaniniwalaan o kinikilala? (Ang pananampalataya nila sa Diyos ay para pagpalain sila—gusto lamang nilang mapagpala.) (Dahil masyado silang makasarili, at hinahangad lamang nila ang mga interes ng laman.) Sa kanilang pananampalataya, nais lamang ng mga anticristo na mapagpala, at ayaw nilang magdusa ng paghihirap. Kapag nakikita nilang pinagpala ang isang tao, nakinabang, nabiyayaan, at nakatanggap ng higit pang materyal na kasiyahan, malalaking bentaha, naniniwala silang ito ay ginawa ng Diyos; at kung hindi sila nakakatanggap ng mga gayong materyal na pagpapala, kung gayon ay hindi ito gawa ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay, ‘Kung talagang ikaw ay diyos, puwede mo lang pagpalain ang mga tao; dapat mong iiwas ang mga tao sa paghihirap at hindi sila hayaang magdusa. Sa gayon lamang magkakaroon ng halaga at saysay ang pananampalataya ng mga tao sa iyo. Kung, pagkatapos sumunod sa iyo, patuloy pa ring nakakaranas ng paghihirap ang mga tao, kung patuloy silang nagdurusa, ano pa ang saysay na manampalataya sa iyo?’ Hindi nila kinikilala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. At bakit hindi nila ito kinikilala? Dahil natatakot ang mga anticristo na magdusa ng paghihirap. Gusto lamang nilang makinabang, magsamantala, magtamasa ng mga pagpapala; ayaw nilang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan o pamamatnugot ng Diyos, kundi gusto lamang nilang makatanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Ito ang makasarili at kasuklam-suklam na pananaw ng mga anticristo. Ito ay isang serye ng mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo tungkol sa mga gayong salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala. Sa kabuuan, ang mga pagpapamalas na ito ay pangunahing kinasasangkutan ng mga perspektiba ng mga anticristo sa likod ng kanilang paghahangad, pati na rin ng kanilang mga pananaw, pagsusuri, at pagkaunawa sa ganitong uri ng bagay na ginagawa ng Diyos para sa mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaanim na Bahagi)). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mga kasuklam-suklam na intensiyon sa likod ng pananampalataya ng mga anticristo sa Diyos. Nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos para lang magtamo ng mga pagpapala at pakinabang, pero sa sandaling dumanas sila ng kasawian, nagrereklamo at nagkakanulo sila sa Diyos. Ang lahat ng ginagawa nila ay nakabase sa ekspektasyon nila sa mga pagpapala at pakinabang. Sa esensya ay sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Sa pagninilay-nilay sa aking mga intensiyon at layon sa pananampalataya sa Diyos, napagtanto ko na hindi gaanong naiiba ang mga ito sa mga intensiyon at layon din ng isang anticristo. Naghahanap din ako ng mga pagpapala. Sa pagbabalik-tanaw noong una akong manampalataya sa Diyos, gumaling ang breast tumor ko nang hindi ko man lang namamalayan, at lumago ang negosyo ng pamilya ko. Binigyan ako ng Diyos ng maraming pagpapala at biyaya, at sobrang saya ko na hindi ko mapigilang ngumiti at kumakanta pa nga ako habang naglalakad. Puno ng halakhakan ang pamilya namin, at pati mister at mga anak ko ay nagsabing tunay ngang mabuti ang Diyos. Nakaramdam ako ng di-maubos na enerhiya sa paggawa ng mga tungkulin ko, at naramdaman kong sulit ang mga pagsasakripisyo, paggugol ng sarili ko, at pagdurusa. Pinuri at pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso. Pero nang makita kong na-diagnose na may tumor sa utak ang apo ko at dalawang buwan na lang ang itatagal niya, nagreklamo ako tungkol sa Diyos sa hindi Niya pagprotekta sa apo ko. Araw-araw akong nagdasal at nagsumamo sa Diyos, hinihiling na gumaling ang apo ko, na sana ay pagalingin siya ng Diyos. Nagsumikap din akong gawin ang mga tungkulin ko, umaasa na, batay sa katapatan ko sa paggampan ng aking tungkulin, mahimalang gagawing malusog muli ng Diyos ang apo ko. Pero nang pumanaw ang apo ko, naging negatibo ako at nagsimulang magreklamo muli, at ni ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin ko. Binanggit ko pa nga ang mga dati kong sakripisyo at paggugol para subukang mangatwiran sa Diyos. Sa anong paraan masasabing isa akong mananampalataya sa Diyos? Naisip ko kung paanong inilaan ni Pablo sa Diyos ang buhay niya, nagtatatag ng mga simbahan kahit saan, nagdurusa pa nga sa pagkakulong, ang lahat ay dahil sa umaasa siyang makatanggap ng mga gantimpala at pagpapala ng Diyos. Itinuring niya ang lahat ng paggugol niya bilang mga bentaha para makakuha ng isang putong ng katuwiran, ginagamit ang mga bagay na ito para pilitin ang Diyos. Malubha niyang sinalungat ang disposisyon ng Diyos, at sa huli ay sumapit sa kanya ang parusa at mga sumpa ng Diyos. Katulad ng kay Pablo ang pananaw ko sa paghahangad. Inakala ko na habang mas nagsasakripisyo at gumugugol ako ng aking sarili para sa Diyos, mas dapat Niya akong suklian, at nang hindi ako pinagpala ng Diyos, nagreklamo ako tungkol sa Kanyang pagiging hindi matuwid. Nakita ko kung gaano ako tunay na makasarili at kasuklam-suklam, naghahangad lang ng pakinabang, na para akong nagtatrabaho sa mundo sa labas, iniisip na kapag mas maraming trabaho ang ginawa ko, mas malaking bayad ang dapat kong matanggap, at kung hindi ko ito makukuha, hindi ako magtatrabaho. Ang paggawa ng tungkulin ng isang tao ay ganap na natural at makatwiran, pero ginagawa ko lang ang tungkulin ko para pagpalain at biyayaan ako ng Diyos. Ginagawa ko lang ang mga tungkulin ko alang-alang sa sarili kong mga interes. Wala akong sinseridad at transaksiyonal lang ako. Dahil sa aking mga kasuklam-suklam na intensiyon, tunay akong kinapootan ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa karaming bagay ang mangyari sa kanya, ang uri ng tao na isang anticristo ay hindi kailanman sumusubok na harapin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan na nasa mga salita ng Diyos, lalong hindi niya sinusubukang makita ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos—ito ay ganap na dahil hindi siya naniniwala na ang bawat linya ng mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Paano man ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, nananatiling hindi tumatanggap ang mga anticristo, at bunga nito ay wala silang tamang saloobin anuman ang sitwasyong kinakaharap nila; partikular na, pagdating sa kung paano nila hinaharap ang Diyos at ang katotohanan, matigas na tumatanggi ang mga anticristo na isantabi ang kanilang mga kuru-kuro. Ang diyos na kanilang pinaniniwalaan ay isang diyos na nagsasagawa ng mga tanda at kababalaghan, ang isang sobrenatural na diyos. Sinumang nakakagawa ng mga tanda at kababalaghan—si Guanyin Bodhisattva man, si Buddha, o si Mazu—tinatawag nilang mga diyos. Naniniwala sila na tanging ang mga makakagawa ng mga tanda at kababalaghan ay ang mga diyos na may taglay na pagkakakilanlan ng diyos, at ang mga hindi nakakagawa, gaano man karami ang katotohanang kanilang naipapahayag, ay hindi tiyak na mga diyos. Hindi nila nauunawaan na ang pagpapahayag ng katotohanan ay ang dakilang kapangyarihan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; sa halip, iniisip nila na ang paggawa lamang ng mga tanda at kababalaghan ang dakilang kapangyarihan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng mga diyos. Kaya, tungkol sa praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagpapahayag ng katotohanan para lupigin at iligtas ang mga tao, sa pagdidilig, pagpapastol, at pangunguna sa mga hinirang na tao ng Diyos, sa pagpaparanas sa kanila ng aktuwal na paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, at para maunawaan ang katotohanan, maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, at maging mga tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos, at iba pa—itinuturing ng mga anticristo ang lahat ng ito bilang gawain ng tao, at hindi ng Diyos. Sa isipan ng mga anticristo, dapat magtago ang mga diyos sa likod ng isang altar at tumanggap ng mga handog, kinakain ang mga pagkaing inihahandog ng mga tao, nilalanghap ang usok ng insensong sinusunog ng mga tao, tumutulong kapag may problema ang mga ito, ipinapakitang napakamakapangyarihan nila at nagbibigay ng agarang tulong sa mga tao sa saklaw ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao, at tinutugunan ang kanilang mga pangangailangan, kapag humihingi ng tulong ang mga tao at taimtim sila sa kanilang mga taimtim na kahilingan. Para sa mga anticristo, ang diyos lamang na kagaya nito ang isang tunay na diyos. Samantalang hinahamak naman ng mga anticristo ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan. At bakit ganoon? Kung pagbabatayan ang kalikasang diwa ng mga anticristo, ang kinakailangan nila ay hindi ang gawain ng pagdidilig, pagpapastol, at pagliligtas na ginagawa ng Lumikha sa mga nilikha, kundi ang kasaganaan at katuparan ng kanilang mga kahilingan sa lahat ng bagay, upang huwag maparusahan sa buhay na ito, at mapunta sa langit sa mundong darating. Kinukumpirma ng kanilang pananaw at mga pangangailangan ang kanilang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabinlimang Aytem (Unang Bahagi)). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na sa kabila ng pagsunod sa Diyos sa loob ng maraming taon, nananampalataya pa rin ako sa isang malabong diyos. Tinrato ko ang Diyos kagaya ng isang Bodhisattva, na ang tingin ko sa Kanya ay isa lang bagay na nagkakaloob ng mga pagpapala, naniniwala na hangga’t taos-puso akong nananampalataya sa Diyos at ginagawa ang aking mga tungkulin, pagpapalain ako ng Diyos at titiyakin Niyang panatag ang pamilya ko, at pananatilihin silang malaya sa karamdaman at sakuna. Nang ma-diagnose ng nakamamatay na sakit ang apo ko, akala ko na puwede kong hingin sa Diyos na gumawa ng mga himala at pagalingin ang apo ko sa pamamagitan ng higit kong paggawa sa mga tungkulin ko. Itinuring ko ang Diyos bilang isang kasangkapan na nagkakaloob ng malalaking biyaya, iniisip na dapat tugunan ng Diyos ang mga hinihingi ko batay sa aking mga “taos-pusong” pagsasakripisyo. Paanong masasabi na ito ay tunay na pananampalataya sa Diyos? Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay hindi para gumawa ng mga himala o magpagaling ng mga tao at magpalayas ng mga demonyo, kundi para ipahayag ang katotohanan upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo, para dalisayin ang mga tao at iligtas ang mga tao mula sa kanilang tiwaling disposisyon nang sa gayon ay maligtas sila. Pero hindi ko alam ang gawain ng Diyos at hindi ko pinagnilayan kung ano ang naging mga pananaw ko sa paghahangad sa mga taon ng aking pananalig, at kung ano ang landas na tinahak ko. Hindi ko binigyang-pansin ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos, hindi ko rin praktikal na dinanas ang mga salita ng Diyos o hinangad ang pagbabago sa disposisyon sa mga kapaligirang ipinamatnugot ng Diyos. Sa halip, sinusubukan ko lang na makipagtawaran sa Diyos, humihingi ng biyaya at mga pagpapala. Ano ba ang ipinagkaiba ng saloobin ko sa pananampalataya sa Diyos at ng sa mga sumasamba sa diyus-diyusan? Hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Hindi ako tumuon sa paghahangad ng katotohanan sa pananalig ko sa Diyos, sa halip ay tumuon ako sa pagtatamo ng Kanyang biyaya at mga pagpapala. Lumaban pa nga ako at nagreklamo sa puso ko dahil sa pagkamatay ng aking apo, iniisip na hindi matuwid ang Diyos. Ni ayaw ko na ngang gawin ang mga tungkulin ko. Tumindig ako nang ganap na kontra sa Diyos, at kung hindi ako magsisisi, gaano man ako magsakripisyo o gumugol ng sarili ko, hinding-hindi ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos.

Kalaunan, higit pa akong nagbasa ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa kung ano dapat ang paghahangad ko sa pananampalataya sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong mga kahilingan, inaasahan, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat tungkol sa paghahanap ng mga pagpapala o paggamit ng aking mga tungkulin para makamit ang aking mga layon, sa halip, dapat akong tumuon sa paghahanap sa katotohanan sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para lutasin ang aking tiwaling disposisyon, gamit ang aking mga tunay na karanasan para magpatotoo sa Diyos at tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Ito ang tamang pananaw tungkol sa paghahangad sa pananampalataya sa Diyos. Kasabay nito, napagtanto ko rin na ang paggawa ng mga tungkulin ko sa aking pananalig ay walang kaugnayan sa pagtanggap ng mga pagpapala o pagdurusa ng kasawian, dahil responsabilidad natin ang pagtupad sa mga tungkulin ng isang nilikha, at makaranas man tayo ng mga pagpapala o kasawian, dapat masunurin nating gawin ang ating mga tungkulin nang hindi iniiwasan ang mga ito. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ako dapat magreklamo tungkol sa Iyo o humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Iyo. Ang lahat ng ginagawa Mo ay mabuti, at bulag ako dahil hindi ko hinangad ang katotohanan o inunawa ang Iyong gawain, habang sinusubukan ko ring makipagtawaran sa Iyo. Ngayon, handa po akong talikuran ang aking maling pananaw sa paghahangad at magpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.”

Matapos kong maranasan ang pagsubok at pagpipino na ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa maruming intensiyon ng paghahangad ng mga pagpapala sa pananalig ko sa Diyos, nagbago nang kaunti ang perspektiba ko sa pananampalataya sa Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nauunawaan ko rin na isang mabuting bagay ang pagdanas ng mga pagsubok at pagpipino, at na ito ay pagmamahal ng Diyos para sa akin. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!

Sinundan:  92. Mga Pagninilay-nilay Tungkol sa Mapagkompetensiyang Pakikibaka Para Magtagumpay

Sumunod:  94. Mga Aral na Natutunan Mula sa Pagkakatalaga ko sa Ibang Tungkulin

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger