94. Mga Aral na Natutunan Mula sa Pagkakatalaga ko sa Ibang Tungkulin
Noong Abril 2023, itinalaga ako sa ibang tungkulin dahil ilang buwan na akong walang nakuhang resulta sa aking tungkuling nakabatay sa teksto. Sinabi ng lider na mahina ang kakayahan ko at na hindi ako angkop para sa tungkuling nakabatay sa teksto, at kaya, ipapahatid nila sa akin ang mga liham para sa mga kapatid. Nang marinig ko ito, kumirot ang puso ko, at naisip ko, “Sa sinasabing ito, halos binabansagan na ako ng lider bilang isang taong may mahinang kakayahan, at hinding-hindi ako magkakaroon ng pagkakataon na gumawa muli ng isang tungkulin gaya ng tungkuling nakabatay sa teksto!” Pagkatapos, naisip ko pa ang paghahatid ng mga sulat sa mga kapatid, at lalo pang bumigat ang puso ko. Pakiramdam ko, mababang trabaho lang ito, at na hindi man lang ito mahalaga. Naisip ko, “Tanging ang mga taong may pinag-aralan at malalim kung mag-isip ang makakagawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, at kaugnay din sa tungkuling ito ang buhay pagpasok at nangangailangan ito ng mahusay na pagkaunawa sa katotohanan. Isa itong medyo marangal na tungkulin. Ngayong itinalaga ako sa mga tungkulin ng pangkalahatang usapin, ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa paligid ko tungkol sa akin? Tiyak na hindi na magiging katulad ng dati ang halaga ko sa puso nila. Mahina ang kakayahan ko, kaya hindi ko kayang gawin ang tungkulin ng isang lider o manggagawa, at hindi rin ako magaling sa mga salita, kaya hindi rin ako angkop para sa gawain ng ebanghelyo o pagdidilig ng mga baguhan. Kaya, mula ngayon, mukhang maiipit ako sa paggawa ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin.” Parang sinaksak ang puso ko ng mga kaisipang ito. Pakiramdam ko ay parang bumagsak ang katayuan ko at nabawasan ang aking halaga, na parang mula sa pagiging isang taong iginagalang, ako ay naging isang kung sinong tao na lang. Hindi ko ito matanggap, at talagang naging negatibo at nanlumo ako. Tinanong ako ng lider kung ano ang mga iniisip ko, at gusto ko talagang sabihin na ayaw kong gawin ang tungkuling ito, pero pakiramdam ko ay hindi ako magiging makatwiran kung sasabihin ko iyon. Kasi naman, hindi ba’t pagtanggi iyon sa aking tungkulin at pagkakanulo sa Diyos? Sa huli, hindi ko sinabi ang opinyon ko. Noong gabing iyon, talagang hindi ko mapakalma ang puso ko, at paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang mga sinabi ng lider na hindi raw ako angkop sa tungkuling nakabatay sa teksto dahil mahina ang kakayahan ko. Napagtanto ko na hindi maganda ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at akayin ako para mabaligtad ang kalagayan ko.
Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa pagkakatatalaga sa ibang tungkulin. Sabi ng Diyos: “Sa mga usapin kung saan ang mga tao ay nabigong manatili sa wastong lugar nila, at nabigong tuparin ang dapat nilang gawin—sa madaling salita, kapag nabibigo sila sa kanilang tungkulin—magiging sagabal iyon sa loob nila. Ito ay sobrang praktikal na problema, at problemang kailangang lutasin. Kung gayon paano ito lulutasin? Anong klaseng saloobin ang dapat taglayin ng mga tao? Una sa lahat, dapat maging handa silang magbago. At paano dapat isagawa ang kahandaang ito na magbago? Halimbawa, dalawang taon nang lider ang isang tao, pero dahil mahina ang kakayahan niya ay hindi niya nagagawa nang maayos ang gawain niya, hindi niya makita nang malinaw ang anumang sitwasyon, hindi niya alam kung paano gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi siya makagawa ng anumang tunay na gawain; kaya, tinanggal siya. Kung, pagkatapos siyang tanggalin, ay nagagawa niyang magpasakop, patuloy niyang ginagampanan ang tungkulin niya, at handa siyang magbago, ano ang dapat niyang gawin? Una sa lahat, dapat niyang maunawaan ito, ‘Tama ang Diyos na gawin ang ginawa Niya. Napakahina ng kakayahan ko, at napakatagal na akong walang ginawang tunay na gawain at sa halip ay naantala ko lamang ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Masuwerte ako na hindi ako agad pinatalsik ng sambahayan ng Diyos. Talagang wala akong kahihiyan, kumapit ako sa posisyon ko sa buong panahong ito at naniwala pa nga na nakagawa ako ng napakadakilang gawain. Talagang hindi ako makatwiran!’ Ang makaramdam ng pagkamuhi sa sarili at ng pagsisisi: ito ba ay pagpapahayag ng kahandaang magbago o hindi? Kung nasasabi niya ito, ibig sabihin ay handa siya. Kung sinasabi niya sa puso niya, ‘Sa tagal ko nang nasa posisyon bilang lider, palagi akong nagpunyagi para sa mga pakinabang ng katayuan; palagi kong ipinangangaral ang doktrina at sinasangkapan ang aking sarili ng doktrina; hindi ako nagsikap para sa buhay pagpasok. Ngayong pinalitan na ako ay saka ko lamang nakita kung gaano ako hindi husto at may kakulangan. Tama ang ginawa ng Diyos, at dapat akong magpasakop. Dati, may katayuan ako, at maayos akong tinrato ng mga kapatid; pinalilibutan nila ako saanman ako pumunta. Ngayon ay wala nang pumapansin sa akin, at tinatalikuran na ako; ito ang kabayaran, ito ang parusang nararapat sa akin. Bukod pa rito, paanong ang isang nilikha ay magkakaroon ng katayuan sa harap ng Diyos? Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi ito ang kalalabasan ni ang destinasyon; binibigyan ako ng atas ng Diyos hindi para makapagyabang ako o makapagsaya sa katayuan ko, kundi para magampanan ko ang aking tungkulin, at dapat ay gawin ko ang anumang makakaya ko. Dapat akong magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring mahirap ang pagpapasakop, dapat akong magpasakop; tama ang Diyos na gawin ang ginagawa Niya, at kahit pa ipagpalagay na mayroon akong libu-libong palusot, wala sa mga iyon ang magiging ang katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang katotohanan!’ ito ang mga mismong pagpapahayag ng kahandaang magbago. At kung may isang taong magtataglay ng lahat ng ito, ano kaya ang magiging tingin ng Diyos sa gayong tao? Sasabihin ng Diyos na isa itong taong may konsensiya at katwiran. Mataas ba ang pagtinging ito? Hindi ito sobrang mataas; ang pagkakaroon lamang ng konsensiya at katwiran ay malayo pa sa mga pamantayan ng pagpeperpekto ng Diyos—pero pagdating sa taong ito, hindi na ito maliit na tagumpay. Ang makapagpasakop ay mahalaga. Pagkatapos nito, kung paano hahangarin ng taong ito na mabago ng Diyos ang pananaw Niya sa taong ito ay nakadepende sa daang pinipili nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na dapat akong magkaroon ng saloobin ng pagsisisi tungkol sa pagtatalaga sa akin sa ibang tungkulin. Anuman ang dahilan o ang mga bagay na hindi ko maunawaan, kailangan kong isantabi ang sarili ko, tumanggap at magpasakop muna, kilalanin ang mga isyu ko, at makaramdam ng pagsisisi at pagkakonsensiya sa hindi paggawa nang maayos sa tungkulin ko. Hindi ako nagkamit ng anumang resulta sa aking tungkuling nakabatay sa teksto at inantala ko ang gawain sa loob ng mahabang panahon, kaya dapat kong tanggapin ang kaukulang pagkakatalaga sa akin sa ibang tungkulin. Anuman ang isinaayos ng iglesia para sa akin o paano man ako nito tinrato, hindi ako dapat magkaroon ng mga sarili kong kagustuhan, at dapat akong tumanggap at sumunod. Ito ang ibig sabihin ng pagiging makatwiran. Pero bukod sa hindi ako nagsisi o nakaramdam ng pagkakautang sa pagkabigo ko sa aking tungkulin at pag-antala sa gawain ng iglesia, nalulugmok din ako sa mga emosyon ng pagkasira ng loob at paglaban dahil pakiramdam ko ay nawalan ako ng reputasyon at katayuan. Tunay na wala akong katwiran! Matapos mapagtanto ang mga bagay na ito, bagaman medyo naayos ko ang pag-iisip ko, minsan ay nag-aalala pa rin ako tungkol sa kung ano kaya ang magiging tingin sa akin ng mga kapatid, at sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito, sobra akong nababalisa. Nagkimkim pa rin ako ng kaunting pag-asa sa puso ko, iniisip na, “Baka bibigyan ako ng isa pang pagkakataon ng lider na muling gumawa ng tungkuling nakabatay sa teksto? Sa gayon, maibabalik ko ang dignidad ko,” pero pagkatapos ay naisip ko, “Malinaw sa lahat ang mga resulta ng tungkulin ko. Kung pahihintulutan akong gumawa muli ng tungkuling nakabatay sa teksto, hindi ba’t patuloy ko lang maaantala ang gawain ng iglesia?” Nang mapagtanto na hindi talaga nabaligtad ang kalagayan ko, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, alam kong tama lang na maitalaga ako sa ibang tungkulin, pero masama pa rin talaga ang loob ko. Palagi kong nararamdaman na ang paggawa ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin ay mas mababa at inaalala ko pa rin kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa akin. O Diyos, sadyang hindi ko kayang magpasakop at nakatuon pa rin ako sa aking reputasyon at katayuan. Ito ang tiwali kong disposisyon, pero handa akong hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Pakiusap, gabayan Mo po ako na mabaligtad ang kalagayan ko.”
Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nahanap ko ito para basahin. Sabi ng Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya kinokonsidera nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga layon, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan; ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na palaging inuuna ng isang anticristo ang kanyang reputasyon at katayuan sa anumang ginagawa niya, at na nangingibabaw ang reputasyon at katayuan sa puso niya. Anuman ang mga sitwasyon niya o ang ginagawa niya, hindi mababago ng mga ito ang layon niya na maghangad ng reputasyon at katayuan. Ito ay dahil nakabaon ito sa kanyang buto at sa buhay niya. Ito ang kanyang kalikasang diwa. Umaasal ako kagaya ng isang anticristo. Nang sabihin ng lider na hindi sapat ang kakayahan ko para sa tungkuling nakabatay sa teksto at isinaayos niya na gumawa ako ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin, hindi ko matrato nang tama ang mga problema ko at hindi ako makapagpasakop nang makatwiran. Sa halip, bigla kong naramdaman na nabawasan ang halaga ko. Palagi kong iniisip kung ano na lang ang magiging tingin sa akin ng iba, at takot na takot ako na lumiit ang puwang ko sa puso ng mga kapatid, at natakot ako na magiging isang hamak lang na manggagawa ng pangkalatang usapin ang tingin nila sa akin. Mahina ang kakayahan ko at hindi ako mahusay sa tungkuling nakabatay sa teksto, kaya itinalaga ako ng lider sa ibang tungkulin, na base sa pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia, at ganap itong naaangkop. Ang usaping ito ay tatanggapin at tatratuhin nang tama ng isang makatwirang tao, pero masyado kong binigyan ng halaga ang reputasyon at katayuan. Palagi akong nag-aalala na mamaliitin ako ng iba sa paggawa ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin, kaya talagang hindi ako makapagpasakop, kahit hanggang sa punto na kapag nararamdaman ko na hindi natutugunan ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, wala akong nahahanap na kabuluhan sa mga tungkulin ko. Naisip ko pa ngang tanggihan ang tungkulin ko at ipagkanulo ang Diyos. Namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya gaya ng “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad” at “Dapat laging magsikap ang mga tao na maging mas magaling kaysa sa kanilang mga kasabayan.” Naniniwala ako na sa buhay, dapat malampasan ng isang tao ang iba at pahangain ang mga ito, at saka lang magkakaroon ng kaluwalhatian at halaga ang buhay. Mula nang matagpuan ko ang Diyos, palagi kong gustong magkaroon ng mataas na posisyon sa iglesia, at mapahalagahan ng mga kapatid ko. Sa mga tungkulin ko, madalas kong ibinubunyag ang tiwaling disposisyon ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at bagaman marami akong nabasang mga salita ng Diyos patungkol dito, mapagmatigas pa rin akong naghahangad ng reputasyon at katayuan. Napakalalim nang nakaugat sa akin ang mga satanikong lasong ito! Kung patuloy akong maghahangad ng reputasyon at katayuan nang hindi nagbabago, mananatili ako sa kalagayang ito ng pagkasira ng loob, at sa huli, walang dudang iiwan ko ang Diyos dahil hindi natutugunan ang mga pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan. Kailangan kong maghimagsik laban sa sarili ko at ihinto ang paghahangad sa reputasyon at katayuan.
Isang araw, hiniling sa akin ng lider na maghatid ng ilang liham sa mga kapatid. Sa puso ko, muli kong naisip, “Tagasunod lang ng utos ang tungkuling ito.” Hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga para ilabas ang pakiramdam ko na napipigilan ako. Nang mapagtanto ko ang mali kong kalagayan, agad akong nagdasal sa Diyos, handang maghimagsik laban sa aking tiwaling disposisyon at hindi tumuon sa pride o katayuan. Sa wakas, medyo napayapa ako sa pag-iisip sa ganitong paraan. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na makipagtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gampanin na nangangailangan ng pakikipagtulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Kaya, kapag ikinukumpara ang tungkuling ito sa iyong makamundong misyon, alin ang mas mahalaga? (Ang aking tungkulin.) Bakit ganoon? Ang tungkulin ang hinihingi ng Diyos na gawin mo, ito ang Kanyang ipinagkatiwala sa iyo—ito ay bahagi ng dahilan. Ang isa pang pangunahing dahilan ay na kapag umaako ka ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at tumatanggap ng atas ng Diyos, nagiging makabuluhan ka sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, sa tuwing may isinasaayos na gawin mo, mahirap man ito o nakapapagod na gawain, at gusto mo man ito o hindi, tungkulin mo ito. Kung maituturing mo itong isang atas at responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Diyos, sa gayon ay may kabuluhan ka sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao. At kung ang ginagawa mo at ang tungkuling ginagampanan mo ay may kabuluhan sa gawain ng Diyos ng pagliligtas ng tao, at kaya mong taimtim at taos-pusong tanggapin ang atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, paano ka Niya ituturing? Ituturing ka Niya bilang isang miyembro ng Kanyang pamilya. Isa ba iyong pagpapala o isang sumpa? (Isang pagpapala.) Isa itong malaking pagpapala” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang magkaparehong gawain o gampanin ay may magkaibang kalikasan sa mundo ng mga walang pananampalataya at sa sambahayan ng Diyos. Ang bawat tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay nagmumula sa plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan at mula sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, at walang pagkakaiba sa ranggo o pagdating sa kung ano ang mas mabuti o mas masahol, matayog o mababa. Ganoo man magmukhang hindi mahalaga ang isang gampanin, isa pa rin itong tungkulin na dapat gawin ng isang tao. Pero hiniwa-hiwalay ko ang mga tungkulin ayon sa mga ranggo at ginamit ko ang mga tungkulin para iklasipika ang katayuan at mga posisyon ng mga tao. Inakala ko na ang pagiging isang lider o isang maggagawa, o ang paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto ay mga intelektuwal na gampaning kaugnay sa buhay pagpasok, at na ang paggawa sa mga tungkuling ito ay marangal, maluwalhati, mataas na uri, at nagbibigay ng importansiya sa isang tao. Samantala, itinuring ko ang mga tungkulin ng pangkalahatang usapin bilang pansuportang gawain lang ng iglesia, na mano-manong trabaho lang ang mga tungkuling ito at may maliit na halaga, at na ang mga gumagawa ng mga iyon ay mas mababa, at nasa mas mababang antas kaysa sa mga gumagawa ng iba pang mga tungkulin. Ang paghusga sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay hindi naaayon sa katotohanan. Sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ng lahat ang kanilang mga tungkulin para mag-ambag ng kanilang mga pagsisikap sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo. Katulad ng mga parte ng isang makina, ang bawat piyesa ay may papel na ginagampanan, at lahat ay kailangang-kailangan ng kabuuan. Kailangan din para sa gawain ng iglesia ang mga ginagawa kong tungkulin ng pangkalahatang usapin. Ang mga gampaning tulad ng paghahatid ng mga liham at mga aklat ng mga salita ng Diyos sa mga kapatid ay maaaring mukhang mga pangkalahatang gampanin lang, pero dahil konektado ang mga ito sa gawain ng iglesia, ang mga tungkuling ito ay hindi ginagawa para sa sinumang tao, kundi ang mga ito ay responsabilidad na tinutupad sa harap ng Diyos. Higit pa rito, sa pamamagitan ng pagtatalaga sa akin sa ibang tungkulin, nabunyag ang aking maling landas ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, pati na ang mga nakalilinlang kong pananaw sa mga tungkulin. Pagliligtas ito ng Diyos para sa akin!
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagturo sa akin kung paano wastong harapin ang pagkakatalaga sa ibang tungkulin. Sabi ng Diyos: “Tinatrato ng Diyos nang patas at pantay ang lahat ng tao; dahil wala kang kayang gawin, hiniling sa iyo na ipangaral ang ebanghelyo—ginawa ito para bigyan ka ng pagkakataong gampanan ang huling posibleng papel mo, sa mga sitwasyong hindi mo magawang umako ng anumang ibang tungkulin. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ka ng isang pagkakataon at kaunting pag-asa; hindi ka pinagkakaitan ng karapatang gawin ang iyong tungkulin. Mayroon pa ring atas ang Diyos para sa iyo, at wala Siyang pagkiling laban sa iyo. Samakatwid, ang mga itinalaga sa mga pangkat ng ebanghelyo ay hindi ipinapadala sa isang napabayaang sulok, ni inaabandona, sa halip, ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ibang lugar. … hindi mahalaga kung saan ka inilagay, kung anong oras o lugar ka naroroon, kung sinong mga tao ang nakakasalamuha mo, at kung anong tungkulin ang ginagawa mo. Palagi kang nakikita ng Diyos at sinisiyasat ang kaibuturan ng puso mo. Huwag mong isipin na dahil miyembro ka ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo ay hindi ka na binibigyang-pansin ng Diyos o na hindi ka Niya nakikita, at kaya puwede mong gawin ang anumang gusto mo. At huwag mong isipin na kung itinalaga ka sa isang pangkat ng ebanghelyo, wala ka nang pag-asa na maligtas, at pagkatapos ay negatibo mo itong haharapin. Ang ganitong mga paraan ng pag-iisip ay parehong mali. Saan ka man inilagay o anuman ang tungkuling isinaayos para gawin mo, iyon ang dapat mong gawin, at dapat mo itong gawin nang masigasig at nang may pananagutan. Hindi nagbabago ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, at kaya, hindi rin dapat magbago ang pagpapasakop mo sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang katayuan ng mga manggagawa ng ebanghelyo ay katulad ng sa mga taong gumagawa ng iba pang mga tungkulin; ang halaga ng isang tao ay hindi nasusukat sa tungkuling ginagawa niya, kundi sa kung hinahangad ba niya ang katotohanan at nagtataglay ba siya ng katotohanang realidad” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9)). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, naitama ang aking mga nakalilinlang na pananaw tungkol sa pagkakatalaga sa ibang tungkulin. Sa simula, palagi kong nararamdaman na sa paggawa ko ng mga pangkalahatang gawain, nangangahulugan ito na pagiging isang taong iginagalang, ako ay naging isang walang kuwentang tao sa lansangan. Pakiramdam ko pa nga noon na parang inilagay ako sa isang sulok para makalimutan, magpasawalang hanggang hindi mapapansin. Pero dahil sa liwanag ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na nakalilinlang ang pagkaunawang ito. Dahil sa mahina kong kakayahan, hindi ako angkop sa tungkuling nakabatay sa teksto. Isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng mga tungkulin ng pangkalahatang usapin ayon sa kakayahan ko. Dito, binigyan ako ng oportunidad na gumawa ng isang tungkulin sa abot ng makakaya ko, at gampanan ang papel ko. Nang mapagtanto ito, nakonsensiya talaga ako. Wala akong anumang mga espesyal na kasanayan at hindi ko magawa ang iba pang mga tungkulin, pero nagsaayos pa rin ang sambahayan ng Diyos ng isang tungkulin para sa akin sa abot ng aking makakaya, binibigyan ako ng pagkakataon na maligtas. Pero paano ko ba tiningnan ito? Tiningnan ko ang pagkakatalagang ito sa ibang tungkulin bilang pangmamaliit at pagsasantabi sa akin. Masyadong katawa-tawa ang pagkaunawa ko, at hindi ko alam kung ano ang nakakabuti para sa akin! Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nakakaramdam ng pagkakautang sa Diyos. Naisip ko na kailangan kong gawin nang maayos ang tungkulin ko ayon sa mga hinihingi at mga prinsipyo ng gawain ng pangkalahatang usapin, at tratuhin ito bilang isang atas mula sa Diyos, at na kailangan kong gawin nang maayos ang tungkuling ito para hindi biguin ang masisidhing layunin ng Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa ay ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa ay nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Kailangan kong gawin ang makakaya ko at lubos na gamitin kung ano ang mayroon ako. Kailangan kong tumayo sa posisyon ko at ibigay ang buong lakas ko nang hindi isinasaalang-alang ang reputasyon o katayuan ko. Habang ginagawa ang tungkulin ko, kailangan kong hangarin ang katotohanan at buhay pagpasok at magsikap na tugunan ang mga layunin at hinihingi ng Diyos sa abot ng aking makakaya.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at lalo pang naliwanagan ang puso ko. Sabi ng Diyos: “Kung idinudulot ng Diyos na magdusa ng sakit at kahirapan ang isang tao, ibig sabihin ba niyon ay wala siyang pag-asang maligtas? Kung mababa ang halaga niya at mababa ang katayuan sa lipunan, hindi ba siya ililigtas ng Diyos? Kung mababa ang katayuan niya sa lipunan, mababa rin ba ang katayuan niya sa paningin ng Diyos? Hindi ganoon. Saan ito nakadepende? Nakadepende ito sa landas na tinatahak ng taong ito, sa paghahangad niya, at sa saloobin niya sa katotohanan at sa Diyos. Kung napakababa ng katayuang panlipunan ng isang tao, napakahirap ng kanyang pamilya, at mababa ang antas ng edukasyon niya, pero nananampalataya siya sa Diyos sa isang praktikal na paraan, at minamahal niya ang katotohanan at mga positibong bagay, kung gayon sa mata ng Diyos, mataas o mababa ba ang halaga niya, marangal o aba ba ito? Mahalaga siya. Kung titingnan ito sa ganitong perspektiba, saan ba nakadepende ang halaga ng isang tao—kung mataas man o mababa, marangal man o hamak? Nakadepende ito sa kung paano ka nakikita ng Diyos. Kung nakikita ka ng Diyos na isang taong naghahangad ng katotohanan, kung gayon ikaw ay may kabuluhan at mahalaga—ikaw ay isang mahalagang sisidlan. Kung nakikita ng Diyos na hindi mo hinahangad ang katotohanan at na hindi mo tapat na ginugugol ang sarili mo para sa Kanya, kung gayon ikaw ay walang kabuluhan at walang halaga—ikaw ay isang hamak na sisidlan. Gaano man kataas ang pinag-aralan mo o gaano man kataas ang katayuan mo sa lipunan, kung hindi mo hinahangad o inuunawa ang katotohanan, kung gayon kailanman hindi magiging mataas ang halaga mo; kahit na maraming taong sumusuporta sa iyo, nagtataas sa iyo, at sumasamba sa iyo, isa ka pa ring hamak na kasuklam-suklam. … Kung titingnan ito ngayon, ano ang batayan sa pagtukoy ng halaga ng isang tao bilang marangal o hamak? (Ito ay ang kanilang saloobin sa Diyos, katotohanan, at mga positibong bagay.) Tama iyon. Una sa lahat, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ang saloobin ng Diyos. Ang maunawaan ang saloobin ng Diyos at maunawaan ang mga prinsipyo at mga pamantayan kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga tao, at pagkatapos ay sukatin ang mga tao batay sa mga prinsipyo at mga pamantayan ng pagtrato ng Diyos sa mga tao—ito lamang ang pinakatumpak, pinakaangkop, at pinakapatas” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi sinusukat ng Diyos ang halaga ng isang tao ayon sa katayuan nito na nakikita sa lipunan, ni sa tungkuling ginagawa nito, kundi ayon sa saloobin nito sa katotohanan at sa Diyos. Ang mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan, anuman ang tungkuling ginagawa nila o kung hinahangaan ba sila ng iba, ay may halaga sa mga mata ng Diyos. Pero para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, kahit na magmukha silang maluwalhati at prominente, at hangaan sila ng marami dahil sa mga tungkulin nila, mananatili pa rin silang aba at walang kuwenta sa mga mata ng Diyos. Hindi lamang binabalewala ng Diyos ang gayong mga tao kundi kinasusuklaman at kinapopootan din sila. Nang mapagtanto ang mga bagay na ito, lumiwanag at gumaan ang puso ko. May isa lang akong naisip, “Anuman ang tungkuling ginagawa ko, pagtutuunan ko lang ang paghahangad sa katotohanan.” Sa sandaling ito, nagawa kong tunay na tanggapin ang gawain ng pangkalahatang usapin bilang tungkulin ko, at nagsimula akong aktibong mag-isip kung paano ko magagawa nang maayos ang tungkuling ito. Nang italaga ulit ng lider na maghatid ako ng mga liham at aklat ng mga salita ng Diyos sa mga kapatid, hindi na ako nakaramdam ng pagtutol. Sa halip, nakita ko ito bilang tungkulin ko at bilang isang bagay na dapat kong gawin, at nagpasya akong gawin nang maayos ang tungkulin ko. Matapos mabaligtad ang kalagayan ko, napanatag ang puso ko, at nagawa ko ang tungkulin ko nang may payapang isip. Tunay akong nagpapasalamat sa kaliwanagan at paggabay ng mga salita ng Diyos dahil sa pagpapahintulot sa akin na magkamit ng pagkaunawa at pagbabagong ito!