13. Hindi na Ako Nababahala Tungkol sa Pag-aasawa ng Anak Kong Lalaki
Ipinanganak ako sa isang pamilya ng mga magsasaka noong dekada ‘60. Bumabangon ang mga magulang ko bago magbukang-liwayway at nagtatrabaho sila hanggang gabi para kumita ng pera, nang sa gayon ay makapagpatayo ng bahay at makapag-asawa ang kuya ko. Sobrang pagod sila. Sa ilalim ng epekto at impluwensiya ng pagkokondisyon ng mga magulang ko, naniwala ako na responsabilidad ng isang magulang na asikasuhin ang kasal ng mga anak nila. Nagkaroon kami ng mister ko ng anak na lalaki matapos maikasal. Sinabi ko sa mister ko, “Habang bata pa tayo, kumita na tayo ng pera. Kahit papaano, kailangan nating makabili ng bahay para sa kanya.” Kalaunan, tinanggap ng mister ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos, inaresto siya ng mga pulis dahil sa pagpunta sa mga pagtitipon at paggawa ng tungkulin niya. Napilitan siyang umalis ng bahay at tumakas. Pagkaraan ng dalawang taon, tinanggap ko rin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dahil palaging pumupunta sa bahay namin ang direktor ng Pederasyon ng mga Kababaihan para alamin kung nasaan ang mister ko, hindi ako makasampalataya sa Diyos o makagawa ng tungkulin sa bahay. Dahil walang magawa, umalis na rin ako ng bahay. Mula noon, nawalay kami ng mister ko sa bayan namin at namuhay kami na parang mga pugante, hindi makauwi.
Lumipas ang mga araw. Sa isang iglap, nasa mga bente anyos na ang anak namin. Nasa edad na siya para mag-asawa. Noong Pebrero 2013, sinamantala namin ng mister ko ang isang pagkakataon na makauwi nang palihim. Binanggit ng anak namin ang tungkol sa kasal niya, nakahanap na raw siya ng makakasama sa buhay. Nababalisa ang mga magulang ng kasintahan niya na maiayos ang kasal. Sinabi nila sa anak ko, “Alam namin na walang pera ang pamilya mo. Ayaw namin ng dote, pero kahit paano, kailangang bumili kayo ng bahay! Paano kayong dalawa mabubuhay kung walang bahay?” Nang marinig ko ito mula sa anak ko, masyado akong nag-alala. Dahil tinutugis kami ng mister ko ng CCP, maraming taon na kaming tumatakas malayo sa bahay para gawin ang tungkulin namin, at hindi kami makalabas at makapagtrabaho para kumita ng pera. Talagang wala kaming paraan para makalikom ng perang pambili ng bahay. Nang makita kong napabuntong-hininga at dumaing ang anak ko, nag-alala at naligalig din ako, iniisip na, “Kung hindi matuloy ang kasal ng anak ko dahil wala kaming mahanap na pera, hindi ba’t sisisihin niya ako?” Kapag nag-aasawa ang anak ng ibang mga tao, nag-iipon ang lahat ng magulang nila para maibili sila ng mga sasakyan at bahay, samantala, ako naman ay hindi makalikom ng pera, at hindi ko natupad ang responsabilidad ng isang ina. Paano ko ito ipaliliwanag sa anak ko? Pakiramdam ko ay hindi ko maitaas ang noo ko sa harap niya, at hindi ko mapangatwiranan ang sarili ko. Habang mas nag-iisip ako, mas lalo akong nag-aalala. Ano ang gagawin ko sa kasal ng anak ko? Minsan, sinabi ng biyenan ko sa akin at sa mister ko, “Kailangan ninyong isipin ang anak ninyo. Tingnan ninyo ang anak ng kapitbahay natin na ikakasal. Bumili sila ng bahay para sa anak nila at binigyan ang pamilya ng mapapangasawa ng sampu-sampung libong yuan na dote. Tapos, tingnan mo ang pinsan mo. Nang ikinasal ang anak niya, ibinili niya ito ng bahay at nagbigay siya ng dote na mahigit isandaang libong yuan. Talagang mabait ang pamilya ng mapapangasawa ng anak mo. Ayaw nilang magbigay ang pamilya natin ng dote, at magbigay lang ng paunang bayad para sa isang bahay. Hindi naman puwedeng pinalaki ng pamilya niya ang isang magandang anak para lang sa wala, hindi ba? At saka, bagay naman talaga silang dalawa. Kung hindi matutuloy ang kasal ng anak mo dahil hindi tayo makalikom ng pera, hindi ba’t napakalaking kahihiyan niyon? At pagtatawanan tayo ng mga tao!” Pagkarinig ko sa sinabi ng biyenan ko, nabagabag ako, na parang sinaksak ang puso ko. Walang tigil ang pag-agos ng luha sa mukha ko. Naalala ko noong walong buwan pa lang ang anak ko, umalis ng bahay ang ama niya dahil tinutugis ito ng CCP, at hindi niya kailanman natamasa ang pagmamahal ng kanyang ama. Kalaunan, kinailangan ko ring umalis ng bahay dahil sa mga panganib sa seguridad, kaya, mas matagal kaming nalayo sa anak namin kaysa sa panahong nakasama namin siya. Hindi ko man lang siya nakita noong trese anyos siya. Sa lahat ng taon na ito, nakaasa lang siya sa mga lolo at lola niya. Ngayon, kailangan niya ng pera para maikasal, pero hindi ako makalikom nito. Hindi ko natupad ang alinman sa mga responsabilidad ko. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdaman na binigo ko ang anak ko. Wala akong kakayahan sa trabaho ko bilang isang ina. Masyadong nakakaawa ang anak ko dahil ipinanganak siya sa aming pamilya. Kung hindi dahil sa mga pag-aresto at pag-uusig ng CCP, hindi sana namin kinailangang magtago sa malayo, at kahit papaano ay kumita na sana kami ng pera para sa anak namin. Naisipan kong mangutang ng pera sa kuya at ate ko, nang sa gayon ay makapagbigay ako ng paunang bayad para makabili ng bahay at maiwasan na mapagtsismisan ng aking biyenan, mga kamag-anak, at mga kaibigan. Pero pagkatapos, muli ko itong pinag-isipan. Sa sandaling makahiram ako ng pera, kakailanganin kong magtrabaho para mabayaran ito, at hindi ko magagawa ang tungkulin ko. Responsable ako sa gawain ng maraming iglesia. Kung tatalikuran ko ang tungkulin ko para kumita ng pera, hindi ba’t pagkakanulo iyon sa Diyos? Pero kailangan pa rin ng anak ko ng pera para maikasal. Saan naman ako makakakuha ng ganito kalaking pera? Namumuhay ako sa isang kalagayan ng dilema. Nagdadalamhating lumapit ako sa Diyos para magdasal, “Mahal kong Diyos. Kinakaharap ko ngayon ang kasal ng anak ko, hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin. Alam kong hindi ko puwedeng talikuran ang tungkulin ko. Hindi Kita puwedeng ipagkanulo para lang kumita ng pera para maikasal ang anak ko. Pero napakaliit po ng tayog ko. Napipigilan po ako ng pagpapakasal niya. Handa po akong ipagkatiwala ito sa Iyo at umasa sa Iyo tungkol dito. Mahal kong Diyos, pakiusap, tulungan Mo po ako na huwag Kang ipagkanulo dahil lang sa pag-aasawa ng anak ko.” Pagkatapos magdasal, labis na napanatag ang puso ko.
Bumalik ako sa lugar kung saan ako gumagawa ng tungkulin ko. Sa panlabas, araw-araw akong abala sa pag-aasikaso sa gawain ng iglesia. Pero sa sandaling maisip ko ang pag-aasawa ng anak ko, nahihirapan ang puso ko. Natakot ako na hindi matutuloy ang kasal ng anak ko dahil wala akong anumang pera. Labis akong nagdalamhati at naging miserable. Pakiramdam ko may utang ako sa anak ko. Noong mga panahong iyon, hindi ako makakain o makatulog nang maayos. Nabalisa at nabagabag ako, masakit ang ngipin ko, at mahapdi ang lalamunan ko. Minsan, naliligaw pa ang isip ko sa mga pagtitipon at hindi sinasadyang napapaisip ako kung ano ang gagawin ko tungkol sa pag-aasawa ng aking anak. Palagi akong inaantok, hindi ko mapasigla ang loob ko. Nakita ng katuwang kong sister na hindi maganda ang kalagayan ko, at na hindi ako nagbubuhat ng pasanin sa aking tungkulin nang gaya ng dati. Nakipagbahaginan siya sa akin tungkol sa naging karanasan niya sa kanyang anak. Sinabi rin niya na noong wala siya sa bahay, natutong mamuhay nang mag-isa ang anak niya, at nakahanap din ng kasintahan. Ang lahat ng ito ay nasa loob ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Matapos makinig sa pakikipagbahaginan ng sister ko, naisip ko, “Nakahanap kasi ng mabuting kasintahan ang anak mo.” Pagkatapos, paminsan-minsan pa rin akong napipigilan. Kung hindi matuloy ang kasal ng anak ko, hindi mapapanatag ang puso ko habang-buhay. Patuloy akong namumuhay sa gitna ng pasakit at paghihirap. Parang dinudurog ng bato ang puso ko. Sa panahong iyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nakaramdam ako ng pagpapalaya sa puso ko. Sabi ng Diyos: “Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Bunga ito ng kapalaran ng isang tao at isang mahalagang kawing sa kapalaran niya; hindi ito itinatatag sa pagkukusa o mga kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga kadahilanan, kundi ganap na tinutukoy ng mga kapalaran ng dalawang panig, sa pamamagitan ng mga pagsasaayos at pagtatadhana ng Lumikha sa mga kapalaran ng magkapareha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na matagal nang isinaayos ng Diyos ang tadhana ng buhay ng isang tao. Mas lalo na sa kaso ng pag-aasawa, ito ay inorden din ng Diyos, at hindi ito naaapektuhan ng anumang mga panlabas na kondisyon. Kung inorden ng Diyos na magsasama bilang isang pamilya ang anak ko at ang kasintahan niya, walang makapaghihiwalay sa kanila. Kung hindi sila itinakdang magsama bilang isang pamilya, kung gayon, sa huli ay hindi rin magtatagumpay ang kanilang buhay mag-asawa. Kung matuloy man ito o hindi, nasa mga kamay ito ng Diyos at wala sa kung gaano kalaking pera ang magagastos ko. Dati, alam ko na inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa isang doktrinal na paraan. Pero nang dumating na ang usapin ng pag-aasawa ng anak ko, inakala ko na kung walang pera, hindi niya mapapakasalan ang kasintahan niya. Nang ibinahagi sa akin ng katuwang kong sister ang karanasan niya at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa puso ko, hindi ako naniwala rito. Naisip ko na sadyang sinuwerte ang anak niya. Samantalang ang anak ko naman ay hindi makapag-asawa nang walang pera. Lalo na noong makita ko na sa panahon ngayon, parami nang parami ang mga anak mula sa mahihirap na pamilya sa lipunan na hindi makahanap ng mapapangasawa, mas lalo kong naisip na talagang hindi makakapag-asawa ang isang tao kung walang pera. Masyado akong na-stress tungkol sa pag-aasawa ng anak ko na hindi ako makakain o makatulong nang maayos, at ni wala akong gana na gawin ang tungkulin ko. Naliwanagan lamang ang puso ko pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na ang pag-aasawa ay buong inorden ng Diyos. Halimbawa na ang ate ko. Marami siyang pera, pero sadyang hindi makahanap ng asawa ang apo niya kahit ano pa ang gawin nito. Dagdag pa rito, may isang pamilyang kilala ko na may ilang anak na lalaki. Wala silang pera, pero nakapag-asawa ang lahat ng anak na lalaki. Maraming nangyayaring ganito. Ganap na tunay ang mga salita ng Diyos. Ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos. Hindi pera ang nagpapasya rito. Nananampalataya ako sa Diyos pero hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, hindi nanampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sinunod ko pa nga ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, nang walang anumang bahid ng pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya? Ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos. Wala itong kinalaman sa kapaligiran ng pamilya o sa mga panlabas na salik. Hindi tulad ng iniisip ko, na sa pera, magtatagumpay ang pag-aasawang anak ko, at kung walang pera, hindi. Nang maunawaan ko ito, biglang luminaw at lumiwanag ang puso ko. Medyo nagawa ko ring bitiwan ang tungkol sa pag-aasawa ng anak ko.
Pagkatapos, nagnilay ako: Bakit ba palagi kong nararamdaman na binigo ko ang anak ko, at hindi mapanatag sa puso? Nabasa ko itong mga salita ng Diyos: “Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang lubos na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kompletong makakain tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at makilatis ang ilang bagay, ay iisipin mo, ‘Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin bilang nilikha, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.’ Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging deboto sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng salungatan ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pagsisisi dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na ‘Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae’ ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at mananatili kang gapos ng ganitong uri ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagama’t maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gawin ang tungkulin mo, nang marahil ay nagpapakita ng kaunting debosyon sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pagsisisi sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, higit pang ninanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Inilantad sa atin ng mga salita ng Diyos ang maling kaisipan at pananaw ng “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina.” Hinihingi ng tradisyonal na kultura na ang mga babae ay dapat “mag-asikaso ng kanilang mister at magpalaki ng kanilang mga anak, at maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina,” at na dapat nilang isakripisyo ang lahat para sa kanilang mister at mga anak. Inisip ng lahat na ito ang pamantayan para sa pagiging isang kalipikadong babae. Kung hindi, hindi sila mabuting babae o mabuting ina. Noong bata pa ako, nakita ko kung paano bumabangon ang mga magulang ko bago magbukang-liwayway at nagtatrabaho hanggang gabi para kumita ng pera, nang sa gayon ay makapag-asawa ang kuya ko. Gaano man sila labis na nagdusa o nagpakapagod, kinailangan pa rin nilang buhatin ang pasaning ito. Naniwala ako na bilang mga magulang, kailangan nating palakihin ang mga anak natin hanggang sa umabot sila sa hustong gulang, makita silang maikasal at tulungan silang makapagtatag ng propesyon. Sa ganitong paraan lamang natin matutupad ang ating responsabilidad bilang magulang, at maging karapat-dapat na tawaging mabubuting magulang. Namumuhay sa ganitong kaisipan at pananaw, pakiramdam ko ay hindi ako kalipikadong ina. Noong bata pa ang anak ko, kinailangan kong takasan ang pag-uusig ng malaking pulang dragon, at hindi ko siya nakasama o naalagaan. Nang lumaki na ang anak ko at ikakasal na siya, at kinailangan niyang bumili ng bahay, bilang isang ina, hindi ako makalikom ng pera o makatulong kahit kaunti, kaya nakaramdam ako ng pagkakautang sa anak ko. Naisipan ko pa ngang bitiwan ang tungkulin ko para kumita ng pera, nang sa gayon ay hindi ako pagtawanan ng aking pamilya at mga kaibigan at hindi magreklamo sa akin ang anak ko. Ang pananaw na “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina” ay kumokontrol sa mga iniisip ko at nagdidikta sa asal ko. Nagdalamhati ako dahil hindi ko mapalugod ang anak ko, at sa puso ko, nagreklamo ako tungkol sa Diyos at nagkamali ng pag-unawa sa Diyos. Naipit at napigilan ako ng pag-aasawa ng anak ko, di-mailarawan ang pagdurusa. Ni hindi ko magawa ang tungkulin ko nang may payapang isip. Nakita ko na ang tradisyonal na ideya ng kultura na “pagiging mabuting asawa at mapagmahal na ina” ay talagang isang kadena na nagbubuklod sa mga tao. Itinutulak lang nito ang mga tao na iwasan at ipagkanulo ang Diyos. Pagkatapos kong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong pananaw, nagpatuloy akong maghanap sa mga salita ng Diyos.
Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ito ang pangunahing bagay at pangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi tumupad sa mga obligasyon o tungkulin niya sa anumang paraan, isang tumanggap ngunit hindi tumapos sa atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang responsabilidad ng mga magulang sa buhay ng mga anak nila ay ang panlabas lang na bigyan sila ng isang kapaligiran na kalalakihan nila, at iyon na iyon, sapagkat walang makaiimpluwensiya sa kapalaran ng tao maliban sa paunang pag-orden ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay matagal nang paunang inorden, at kahit pa ang sariling mga magulang ay hindi mababago ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, kanya-kanya ang bawat isa, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kaya, walang magulang ang makahahadlang sa kapalaran sa buhay ng isang tao ni kaunti, at walang mga magulang ng sinuman ang maka-uudyok sa kanya kahit kaunti pagdating sa papel na ginagampanan niya sa buhay. Maaaring sabihin na saanmang pamilya paunang inorden na isilang ang isang tao, at saan mang kapaligiran siya lumaki, ang mga ito ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang misyon niya sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na gampanan nang maayos ang papel niya sa buhay. Kung paano tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon at sa anong uri ng pinamumuhayang kapaligiran niya ginagampanan ang kanyang papel ay ganap na itinatakda ng kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang obhetibong mga kondisyon ang makakaimpluwensiya sa misyon ng isang tao, na paunang inorden ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay umaabot sa hustong pag-iisip ayon sa kanilang partikular na kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang alang-alang sa paunang pag-orden ng Lumikha, alang-alang sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang katunayang nagagawa kong manampalataya sa Diyos at gawin ang mga tungkulin ay isang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos. Biyaya rin ito ng Diyos. Ang pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha ay ang pangunahing paiyoridad sa buhay ng isang tao. Mas mahalaga ito kaysa sa anumang bagay. Kung tutuparin ko lang ang mga responsabilidad ko bilang isang ina para mapalugod ang anak ko, bagaman makikita ng iba na isa akong mabuting asawa at mapagmahal na ina, kung hindi ko tutuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha, hindi ito nagpapakita ng katapatan sa Diyos; ito ay ang pagiging isang taong naghihimagsik laban sa Diyos. Naunawaan ko rin na ang bawat tao ay may kanya-kanyang misyon, at ang kapalaran ng bawat isa ay nakapagsasarili. Bagaman ako ang nagsilang ng anak ko, kung ano ang tadhana niya ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang anumang impluwensiya rito ang mga magulang. Walang sinuman ang makapagbabago kung gaano karaming pagdurusa o pagpapala ang mararanasan ng bawat tao sa kanyang buhay, kung ano ang magiging klase ng pamilya o buhay ang kakamtin niya, kung sa anong kapaligiran siya lalaki, o kung ano ang mararanasan niya. Lalong walang kakayahan ang mga magulang na baguhin ito. Ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, nagawa kong bitiwan ang tungkol sa pag-aasawa ng anak ko, at hindi ko na rin naramdaman na parang binigo ko ang anak ko. Nagawa kong hayaan na lang ang mga bagay-bagay. Kalaunan, sinabi ko sa anak ko, “Ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos, at nasa mga kamay ng Diyos ang tagumpay o kabiguan nito. Hindi mahalaga kung gaano karaming pera ang ibibigay mo sa kanila. Huwag mo masyadong alalahanin ang pag-aasawa. Kapag dumating na ang panahon para mag-asawa, hindi natin makikini-kinita kung paano ito isasaayos ng Diyos. Dapat tayong matutong maghintay sa tiyempo ng Diyos. Gaya nga ng kasabihan, Kung para sa iyo, hindi ito maaagaw ng iba. Kung hindi para sa iyo, hindi mo ito maaagaw sa iba.’” Pagkalipas ng ilang panahon, hindi na gaya ng dati ang pagkaligalig ng anak ko, at hindi na rin niya binanggit ang tungkol sa pagbili namin ng bahay. Hindi na ako gaanong nag-alala tungkol sa pag-aasawa niya, at nagawa ko nang patahimikin ang puso ko habang ginagawa ang mga tungkulin ko. Mas lalong nakaramdam ng pagpapalaya ang puso ko.
Makalipas ang ilang buwan, tinawagan ako ng anak ko, at masaya niyang sinabi sa akin, “‘Nay, ang galing, nakabili ako ng bahay. Hindi ko kinailangang magbigay ng paunang bayad. May katrabaho ako na apurahang nangailangan ng pera dahil inilipat siya para magtrabaho sa timog, kaya ibinenta niya sa akin ang bahay niya sa halagang 300,000 yuan. Nanghiram ako ng 400,000 yuan sa bangko, na sapat na para madisenyohan ang bahay. Mahigit 1,000 yuan lang ang babayaran ko kada buwan. Kaya, nalutas talaga nang maayos ang problema ko tungkol sa bahay nang ganon-ganon lang!” Nang marinig ko ang balitang ito, labis akong natuwa. Paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos. Makalipas ang isang taon, isinaayos ng anak ko at ng kasintahan niya ang kanilang kasal gamit ang perang naipon nila mula sa trabaho. Hindi namin kinailangang mag-alala o gumastos ng kahit isang sentimo. Binigyan din kami ng anak ko ng kaunting magagastos na pera para malutas ang mga paghihirap namin sa paggawa ng aming mga tungkulin. Ang talagang hindi ko inaasahan ay nagsimula ring manampalataya sa Makapangyarihang Diyos ang anak ko! Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos, at nakita kung paanong nasa mga kamay ng Diyos lahat ang pag-aasawa, puso, at espiritu ng isang tao.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko kung paano dapat tratuhin ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang tadhana ng bawat tao ay pauna nang inorden ng Diyos; kaya, kung gaano kalaking pagdurusa o pagpapala ang mararanasan nila sa buhay, kung anong klaseng pamilya, buhay may asawa, at mga anak ang magkakaroon sila, kung anong mga bagay ang mararanasan nila sa lipunan, at kung anong mga pangyayari ang kanilang mararanasan sa buhay, ay hindi mga bagay na sila mismo ay kayang hulaan o baguhin, kaya mas lalo pang walang abilidad ang mga magulang na baguhin ang mga iyon. Samakatwid, kapag may kinakaharap ang mga anak, kung nais ng mga magulang na tuparin ang kanilang mga responsabilidad, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak mula sa tamang perspektiba at akayin ang mga ito sa tamang landas. Kung wala silang ganoong abilidad, pinakamainam para sa mga magulang na maging panatag at tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nilikha, na itinuturing ang kanilang mga anak bilang kapwa nila mga nilikha. Ang paghihirap na nararanasan mo, dapat din nilang maranasan; ang buhay na iyong isinasabuhay, dapat din nilang isabuhay; ang prosesong pinagdaanan mo sa pagpapalaki ng mga batang anak, pagdaraanan din nila; ang mga pagpapasikot-sikot, pandaraya at panlilinlang na nararanasan mo sa lipunan at sa mga tao, ang mga emosyonal na pagkakasangkot, at mga gusot sa pagitan ng mga tao, at ang bawat kaparehong bagay na naranasan mo, mararanasan din nila iyon. Katulad mo, silang lahat ay mga tiwaling tao, lahat tinangay ng agos ng kasamaan, ginawang tiwali ni Satanas; hindi mo ito matatakasan, at ganoon din sila. Kaya, ang naisin na tulungan silang iwasan ang lahat ng paghihirap at tamasahin ang lahat ng pagpapala sa mundo ay isang hangal na kahibangan at ideya. Gaano man kalawak ang mga pakpak ng isang agila, hindi nito kayang protektahan ang batang agila sa buong buhay nito. Kalaunan, darating ang batang agila sa punto na kailangan nitong lumaki at lumipad nang mag-isa. Walang nakakaalam kung saan naroroon ang kanyang bahagi ng kalangitan o kung saan nito pipiliing lumipad sa oras na iyon. Kaya, ang pinakamakatwirang saloobin para sa mga magulang pagkatapos lumaki ang kanilang mga anak ay ang matutong bumitiw, ang hayaan ang mga ito na maranasan ang buhay nang mag-isa, ang hayaan ang mga ito na mamuhay nang nakapagsasarili, at na harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang hamon sa buhay nang mag-isa. Kung hihingi sila ng tulong sa iyo at mayroon kang kakayahan at mga angkop na kalagayan para tulungan sila, siyempre, puwede mo silang tulungan at bigyan ng kinakailangang suporta. Gayumpaman, dapat mong maunawaan ang isang katunayan: Anuman ang tulong na ibigay mo, ito man ay pinansiyal o sikolohikal, maaari itong maging pansamantalang tulong lamang, at hindi nito kayang lutasin ang anumang malalaking isyu. Kailangan nilang tahakin ang sarili nilang landas sa buhay, at wala kang obligasyon na pasanin ang anuman sa kanilang mga gawain o kahihinatnan. Ito dapat ang saloobin ng mga magulang pagdating sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na pagkatapos isilang ng mga magulang ang mga anak at palakihin ang mga ito hanggang sa hustong gulang, natupad na ang kanilang mga responsabilidad. Pagkatapos niyon, dapat na nilang bitiwan at hayaan ang kanilang mga anak na gumawa ng sariling daan ng mga ito sa mundo, tinatahak ang sariling landas sa buhay. Dapat nilang hayaan ang kanilang mga anak na danasin ang buhay nang mag-isa, at harapin at at lutasin ang iba’t ibang problemang kinakaharap ng mga ito sa buhay nang nakapag-iisa. Kapag may mga suliranin ang mga anak, kung ang mga magulang ay mayroon ng mga kondisyon at ng kapabilidad, maaari silang mag-abot ng tulong sa kanilang mga anak para lutasin ang mga tunay na suliranin. Kung hindi taglay ng mga magulang ang mga tamang kondisyon, dapat nilang hayaan na lang ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng tao ay lumalakad sa landas na inorden ng Diyos, at hindi maiimpluwensiyahan ng mga magulang ang tadhana ng kanilang mga anak. Tungkol naman sa pag-aasawa ng anak ko, kahit na binigyan ko siya ng pera para makapagpakasal, malulutas lang nito ang isang pansamantalang isyu para sa kanya. Hindi nito malulutas ang isyu kung matagumpay ba o hindi ang buhay may-asawa niya. Gaano man kalaki ang mga pakpak ng agila, hindi nito kayang protektahan ang mga inakay nito habang-buhay. Kapag umabot na sa hustong gulang ang mga anak, ginagampanan nila ang kanilang misyon ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at ordinasyon ng Diyos. Walang sinuman ang makapagpapabago sa pagdurusa at pagpapatimpi na mararanasan nila sa kanilang buhay. Naunawaan ko rin na ang lahat ng tao, mga magulang man o mga anak, ay may kanya-kanyang misyon. Silang lahat ay dapat maghangad sa katotohanan at kaligtasan. Sa loob ng limitadong oras na mayroon sila, dapat nilang gamitin ang kanilang oras at pagsisikap sa kanilang tungkulin, at tapusin ang kanilang misyon. Ito ang tanging bagay na may halaga at kabuluhan. Kung palaging nag-aalala at nababalisa ang mga magulang tungkol sa mga anak nila para lang matugunan ang mga inaasahan at hinihingi ng mga ito, o kung walang kapaguran silang nagsisikap bilang alipin ng kanilang mga anak, tinatalikuran ang sarili nilang mga tungkulin, kung gayon, isa itong buhay na walang kabuluhan o halaga. Gaano man nila gawin ito, hindi sila gugunitain ng Diyos, at hindi rin nila mababago ang tadhana ng mga anak nila. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napakaliwanag ng puso ko. Alam ko na ngayon kung paano tratuhin ang anak ko. Tutulungan ko siya kung kaya ko kapag may mga suliranin siya, at hahayaan ko na lang kung hindi ko kaya. Hahayaan ko siyang maranasan ang buhay niya nang mag-isa. Dapat kong tuparin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ito ang responsabilidad na dapat kong tuparin.
Naimpluwensiyahan at nagapos ako ng tradisyonal na kultura, at nagdusa ako nang husto sa paghahangad na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ang mga salita ng Diyos ang nagpalaya sa akin mula sa aking pasakit, at tinulungan akong makahanap ng direksiyon at landas ng pagsasagawa. Mayroon na ako ngayon ng mga prinsipyo kung paano tratuhin ang anak ko, at napalaya at gumaan ang buhay ko. Salamat sa Diyos!