14. Ang Pagprotekta sa Katayuan ay Talagang Kahiya-hiya
Noong Mayo 2023, ako ang responsable sa gawain ng ebanghelyo ng ilang iglesia. Nang makita kong sunud-sunod na tinanggal ang ilang kapatid na katrabaho ko sa mga kadahilanang gaya ng hindi paggawa ng tunay na gawain, hindi ko namamalayang nagkaroon ako ng isang ideya sa puso ko, “Hindi ako puwedeng matanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain. Kung matatanggal ako, ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kapatid? Kailangan kong mas subaybayan at alamin ang tungkol sa gawain ng mga kapatid. Tanging kapag nakita ng lahat na kaya kong lumutas ng mga tunay na problema habang ginagawa ko ang tungkulin ko saka nila ako hahangaan; sa ganoong paraan, mapapanatili ko rin ang katayuan ko.” Pagkatapos, kahit sinong kapatid ang magtanong, nilulutas ko ito sa lalong madaling panahon, sa takot na kung hindi ko agad magawa ang anumang gawain ay magkakaroon ng hindi magandang pagtingin sa akin ang mga tao at matatanggal ako. Minsan, tinanong ako ng isang lider ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo kung paano magpatotoo para magkaroon ng magandang resulta. Para magkaroon ng magandang tingin sa akin ang kapatid, agad kong sinabi sa kanya ang pananaw ko. Nang marinig niya ito, nasiyahan siya, at masaya rin ang puso ko. Gayumpaman, marami akong nasabi, at hindi ako sigurado kung naarok ito ng sister ko o kung magkakaroon ng mga paglihis sa pagsasagawa; pagkaraan ng ilang sandali, dapat sana ay tinanong ko siyang muli tungkol dito at sinubaybayan ito, at pagkatapos ay nagbigay ng ilang mas tiyak na landas kasama ng mga tunay na problema. Pero hindi ko ito masyadong pinansin noon. Naisip ko na dahil marami akong nasabi sa kanya, malamang ay maganda ang impresyon niya sa akin. Hindi ko na isinaalang-alang kung paano siya magpapatuloy pagkatapos. Kalaunan, kahit aling pangkat ang may mahinang resulta sa ebanghelyo, agad akong kumokontak sa mga lider ng pangkat para maunawaan ang sitwasyon at makipagbahaginan para malutas ito, para makita ng mga kapatid na mabilis akong lumutas ng mga problema at nakakagawa ng tunay na gawain. Gayumpaman, pagkatapos noon, wala talaga akong pakialam kung naipatupad ba nang maayos ng mga lider ng pangkat ang mga bagay-bagay, o kung ang mga tunay na problema ay talagang nalulutas. Minsan, kapag nasa mga pagtitipon o nagtatalakay ng gawain, sadya o hindi sadya kong binabanggit kung anong mga problema ang natuklasan ko habang sinusubaybayan ang gawain para makita ng mga kapatid na hindi ako burukrata, at na nakakapasok ako nang malalim sa iglesia para lumutas ng mga problema. Pagkalipas ng dalawang linggo, sinuri ko ang gawain ng ebanghelyo ng ilang iglesia. Nalaman kong hindi bumuti ang mga resulta kahit kaunti, kaya tinanong ko ang mga lider ng pangkat tungkol sa sitwasyon. Natuklasan kong nabubuhay ang mga lider ng pangkat sa gitna ng kaunting kahirapan. Sa ilang iglesia, maraming tao ang dumating para mag-imbestiga, pero karamihan sa kanila ay hindi nakaayon sa mga prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo. Sa huli, hindi maraming tao ang talagang sumapi sa iglesia. Nang makita ko ang sitwasyong ito, natigilan ako, “Ako ang sumusubaybay sa gawain ng ebanghelyo sa lahat ng iglesiang ito. Ngayong napakaraming problemang lumitaw, ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kapatid na katrabaho ko? Sasabihin kaya nila na wala akong kapabilidad sa gawain?” Nang maisip ko ito, medyo nasiraan ako ng loob. Napagtanto ko na ang dahilan kung bakit hindi nagkaroon ng resulta ang gawain ay dahil may mga problema sa kung paano ko ginawa ang tungkulin ko. Kaya nanalangin ako sa Diyos, nagmamakaawa sa Diyos na bigyang-liwanag at akayin ako sa pagkatuto ng isang aral.
Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Paano dapat husgahan ng isang tao kung tinutupad ba ng isang lider ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, o kung huwad na lider ba ito? Sa pinakapayak na antas, kailangang tingnan kung may kakayanan ba siyang gumawa ng tunay na gawain, kung may ganito ba siyang kakayahan o wala. Pagkatapos, dapat tingnan kung may pasanin ba siya na gawin nang maayos ang gawaing ito. Huwag pansinin kung gaano kaganda pakinggan ang kanyang mga sinasabi o kung gaano niya tila nauunawaan ang mga doktrina, at huwag pansinin kung gaano siya kahusay at kagaling sa pangangasiwa ng mga panlabas na usapin—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay kung nagagawa ba niyang isagawa nang wasto ang mga pinakapangunahing aytem ng gawain ng iglesia, kung kaya ba niyang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at kung naaakay ba niya ang mga tao tungo sa katotohanang realidad. Ito ang pinakapangunahin at pinakamahalagang gawain. Kung hindi niya kayang gawin ang mga aytem na ito ng tunay na gawain, gaano man kahusay ang kakayahan niya, gaano man siya katalentado, o gaano man katinding paghihirap ang kailangan niyang tiisin o gaano man kalaking halaga ang kailangan niyang bayaran, huwad na lider pa rin siya. … Hindi mahalaga kung gaano ka katalentado, kung anong antas ng kakayahan at edukasyon ang taglay mo, kung gaano karaming islogan ang kaya mong isigaw, o kung gaano karaming salita at doktrina ang naaarok mo; hindi alintana kung gaano ka man kaabala o kapagod sa isang araw, o kung gaano kalayo na ang iyong nalakbay, kung ilang iglesia na ang iyong binisita, o kung gaano kalaking panganib ang iyong hinarap at pagdurusang tiniis—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ginagampanan mo ba ang iyong gawain nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung tumpak mo bang naipatutupad ang mga pagsasaayos na iyon; kung, sa ilalim ng iyong pamumuno, ay nakikilahok ka ba sa bawat partikular na gawain na iyong responsabilidad, at kung ilang tunay na isyu ang talagang nalutas mo; kung ilang indibidwal ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong pamumuno at paggabay, at kung gaano umusad at umunlad ang gawain ng iglesia—ang mahalaga ay kung nakamit mo ba o hindi ang mga resultang ito. Anuman ang partikular na gawaing kinabibilangan mo, ang mahalaga ay kung palagi ka bang sumusubaybay at nagdidirekta ng gawain sa halip na umaastang mataas at makapangyarihan at nag-uutos lamang. Bukod dito, ang mahalaga rin ay kung may buhay pagpasok ka ba o wala habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung kaya mo bang harapin ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, kung may patotoo ka ba ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung kaya mo bang pangasiwaan at lutasin ang mga tunay na isyung kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang ganitong mga bagay at iba pang katulad nito ay pawang mga pamantayan sa pagsusuri kung tinutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9)). “Kung tunay na may pasanin ang mga lider at manggagawa at kaya nilang magtiis ng kaunti pang pagdurusa, magsagawa ng higit pang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at magpakita ng kaunti pang katapatan, malinaw na nagbabahagi tungkol sa lahat ng aspekto ng katotohanan, nang sa gayon ay magawa ng mga manggagawang iyon ng ebanghelyo na magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga kuru-kuro at pagdududa ng mga tao, bubuti nang bubuti ang mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo. Magbibigay-daan ito sa mas maraming tao na nagsisiyasat sa tunay na daan para mas maaga nilang matanggap ang gawain ng Diyos at bumalik sa harap ng Diyos para matanggap ang Kanyang pagliligtas sa lalong madaling panahon. Naaantala ang gawain ng iglesia dahil lang lubhang pabaya ang mga huwad na lider sa mga responsabilidad nila, hindi gumagawa ng tunay na gawain o sumusubaybay at nangangasiwa sa gawain, at hindi kayang magbahagi ng katotohanan para ayusin ang mga problema. Siyempre, dahil din ito sa pagpapasasa ng mga huwad na lider na ito sa mga pakinabang ng katayuan, talagang hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi handang subaybayan, pangasiwaan, o direktahan ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—na ang resulta ay ang mabagal na pag-usad ng gawain, at ang pagkabigo na maagap na maituwid o malutas ang maraming gawang-taong paglihis, kahangalan, at walang-pakundangang paggawa ng mali, na lubhang nakakaapekto sa pagiging epektibo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa pagtitimbang kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan, hindi mo makikita sa panlabas kung gaano sila nagdurusa o kung gaano kalaking halaga ang binayaran nila; kailangan mong tingnan ang mga resultang nakamit nila sa kanilang gawain, kung gaano karaming tunay na gawain ang nagawa nila alinsunod sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at kung gaano kalaking papel ang ginagampanan nila sa pagpapasulong sa gawain. Kung ang isang lider o manggagawa ay napakaaktibo at abala sa paggawa ng kanilang tungkulin sa panlabas, pero hindi gumagawa nang ayon sa mga prinsipyo, nag-iiwan ng maraming tunay na problema na hindi nalulutas, at gumagawa lang ng gawain kung saan magmumukhang magaling sila, ginagamit nila ang anyo ng pagiging abala para pagandahin ang kanilang sarili. Ang ganitong uri ng lider ay isang huwad na lider. Sa pagkukumpara ng sarili ko sa mga salita ng Diyos, natuklasan ko na bagaman sinusubaybayan ko ang gawain ng ebanghelyo sa panlabas, sa porma ko lang ginawa ang tungkulin ko; hindi ko hinanap kung ano ang gagawin para makamit ang mga resulta. Tulad noong tinanong ako ng lider ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo kung paano magpatotoo para magkaroon ng magagandang resulta. Bagama’t sinabi ko sa kanya ang ilang paraan, hindi ko sinubaybayan at nilutas ang mga tunay na problema, tulad ng kung naarok ba talaga niya ang mga ito at kung may mga paglihis ba na lilitaw sa proseso ng pagsasagawa nito. Nasiyahan lang ako na nakipagbahaginan ako sa kanya, at hindi hinanap ang tunay na mga resulta. Sinubaybayan ko ang gawain ng ebanghelyo ng ilang iglesia nang lumitaw ang mga problema, pero hindi ko isinaalang-alang ang mga isyung tulad ng kung naaarok ba ng mga lider ng pangkat ang mga prinsipyo at naipapatupad ba nang tama ang gawain, at hindi rin ako sumubaybay o nangasiwa. Dahil dito, hindi nagkamit ang gawain ng tunay na mga resulta, at naglalaman ito ng lahat ng uri ng mga kapintasan. Gumawa lang ako sa panlabas, nang hindi pinagtutuunan ng pansin ang mga detalye. Sa panlabas, marami akong nagawang gawain, pero wala akong nakamit na resulta kahit katiting. Noon ko lang napagtanto na ito ang paraan ng paggawa ng isang huwad na lider, at na ito ay partikular na iresponsable. Nakonsensya ako sa puso ko, at gusto kong itama nang maayos ang mga bagay-bagay, at tumigil na sa pagkilos nang nakaasa sa mga tiwaling disposisyon. Gayumpaman, hindi nagtagal pagkatapos, dumating sa akin ang ilang sitwasyon na muling nagbunyag sa akin.
Di-naglaon, ang iglesia ay nagkaroon ng isang apurahang gampanin sa gawain ng ebanghelyo na kinailangan naming gawin. Ako at ang mga kapatid na kasama ko sa paggawa ay masinsinan at madaliang ipinatupad ito sa lahat ng iglesia. Sa ilang araw na iyon, nagkataon na sinuri ng mga nakatataas na lider ang gawain na ako ang responsable at nakakita sila ng ilang paglihis. Itinuro din nila na hindi ako masusing gumawa. Bagaman bawat iglesia ay mayroong maraming manggagawa ng ebanghelyo, karamihan sa mga manggagawa ng ebanghelyo ay hindi masyadong nalilinawan ang tungkol sa katotohanan sa aspekto ng gawain ng Diyos, at maraming kakulangan sa pangangaral ng ebanghelyo. Bukod dito, hindi ko agad nilinang ang mga manggagawa ng ebanghelyo. Nang marinig ko ang mga lider na itinuturo ang aking mga problema, nag-init ang mukha ko sa hiya. Hiniling sa akin ng mga lider na maglaan ng oras para alamin ang tungkol sa sitwasyon ng mga manggagawa ng ebanghelyo sa bawat iglesia at ang mga problemang umiiral sa pangangaral ng ebanghelyo, at magsumite ng ulat sa lalong madaling panahon. Naisip ko sa sarili ko, “Ano ang iisipin ng mga lider tungkol sa akin, ngayong natuklasan nila ang napakaraming problema? Iisipin kaya nila na hindi ako angkop na maging superbisor at tatanggalin ako? Kung matanggal ako, ano ang iisipin ng aking mga kapatid tungkol sa akin? Hindi, hindi ko puwedeng hayaan ang mga tao na makita na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain. Ngayon kailangan kong apurahang ipatupad ang gawaing iniutos sa akin ng mga lider na gawin. Sa ganoong paraan ko lang maipapakita sa kanila na bagaman may mga paglihis sa gawain ko dati, nagawa kong aktibong itama ang mga ito. Sa ganitong paraan ko lang maibabalik ang magandang impresyon na mayroon sa akin ang mga lider.” Pagkatapos, para akong nababalisa, desperadong tapusin agad-agad ang mga bagay na hiningi sa akin ng mga lider na gawin. Sa totoo lang, alam ko rin sa puso ko, na lahat ay may iba pang apurahang gawain na kasalukuyang ginagawa na kailangang ipatupad, at dapat kong samantalahin ang mga oras na hindi gaanong abala sa mga tungkulin, tulad ng oras ng tanghalian o sa gabi, para alamin ang tungkol sa sitwasyon ng mga manggagawa ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, hindi ko maaabala ang ritmo ng paggawa ng tungkulin ng lahat. Gayumpaman, para malaman ang mga bagay-bagay at makapag-ulat sa mga lider kaagad-agad, itinakda ko na kailangang matapos ng lahat ang pangangalap ng datos tungkol sa sitwasyon at mga problema ng mga manggagawa ng ebanghelyo sa loob ng kalahating araw. Nang matapos akong magsalita, lahat sila ay labis na nabagabag. Ang ilan ay nagsabing mayroon silang pagtitipon sa araw na iyon, at may ilan naman ang nagsabing kapos sila sa oras dahil kailangan din nilang mangaral ng ebanghelyo. Kaya wala akong nagawa kundi bigyan sila ng kaunting palugit, pero patuloy ko silang minadali sa buong panahong ito. Pero kinaumagahan ang sumunod na araw, hindi pa rin ito tapos. Sa puso ko ay labis akong nababahala. Natakot ako na kung masyadong matatagalan, iisipin ng mga nakatataas na lider na ipinagpapaliban ko ang gawain ko, kaya patuloy kong minadali ang mga kapatid nang hindi isinaalang-alang ang kanilang aktuwal na sitwasyon. Nang sa wakas ay natipon na ang datos sa ikatlong araw, nakahinga ako nang maluwag. Gayumpaman, hindi ko seryosong sinubukang lutasin ang mga problemang nalaman ng lahat sa gawain ng ebanghelyo. Sa sumunod na mga araw, madaling-madali kong ginagawa ang anumang gawaing isinaayos ng mga nakatataas na lider, pero habang gumagawa, hinding-hindi ko pinag-isipang mabuti kung ano ba talaga ang mga tunay na problemang binanggit ng mga nakatataas na lider, o kung ano ang gagawin para magkamit ng mga resulta. Gumawa lang ako ng ilang mababaw na gawaing may kinalaman sa datos. Patuloy kong minadali ang mga kapatid para matapos ko ang aking gawain sa lalong madaling panahon. Dahil dito, nagmadali at nagkagulo na rin ang lahat sa kanilang gawain at hindi na mapanatag ang kanilang mga puso. Ilang kapatid ang nakaramdam ng matinding presyur. Ang ilan sa kanila ay hindi naipatupad nang maayos ang gawain dahil masyadong kapos sa oras. Dahil pakiramdam nila ay hindi sapat ang kakayahan nila sa trabaho, naapektuhan ang kanilang kalagayan. Ang ilan ay natakot na baka maitalaga sila sa ibang tungkulin dahil hindi nila kailanman nagawa nang maayos ng kanilang gawain, at namuhay sa isang negatibong kalagayan. Dahil lang sa tinahak kong maling landas, naging dahilan ako para kumilos ang mga kapatid nang walang mga prinsipyo at walang pagsasaalang-alang sa mga priyoridad. Naapektuhan nito ang pag-usad ng pagpapatupad ng ibang gawain. Sa pagharap sa sunod-sunod na problema, saka lang ako nagsimulang maghanap ng katotohanan at magnilay sa aking sarili.
Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay namumuhay bawat araw para lamang sa reputasyon at katayuan, namumuhay lamang sila para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, ito lamang ang iniisip nila. Kahit kapag dumaranas nga sila ng kaunting paghihirap paminsan-minsan o nagbabayad ng kaunting halaga, ito ay alang-alang sa pagtatamo ng katayuan at reputasyon. … Ang sinumang anticristo ay hindi taos-pusong gugugol para sa Diyos, ang pagganap ng kanilang mga tungkulin ay magiging pormalidad lamang at paggawa nang wala sa loob. Hindi sila gagawa ng tunay na gawain kahit sila ay lider o manggagawa, at magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, nang hindi man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Kaya, ano ang ginagawa ng mga anticristo sa buong maghapon? Abala sila sa pagkukunwari at pagpapakitang-gilas. Ginagawa lamang nila ang mga bagay na may kinalaman sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Abala sila sa panlilihis sa iba, sa pang-aakit sa mga tao, at kapag nakaipon na sila ng lakas, magpapatuloy silang kontrolin ang mas maraming iglesia. Ang nais lamang nila ay maghari at gawing nagsasariling kaharian nila ang iglesia. Nais lamang nilang maging dakilang lider, magkaroon ng ganap at solong awtoridad, upang makontrol ang mas maraming iglesia. Wala silang pakialam kahit kaunti sa anumang iba pang bagay. Wala silang pakialam sa gawain ng iglesia, o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga ng Diyos, lalo nang wala silang pakialam kung naisasagawa ba ang kalooban ng Diyos. Ang tanging inaalala nila ay kung kailan nila mag-isang mahahawakan ang kapangyarihan, makokontrol ang hinirang na mga tao ng Diyos, at makakapantay ang Diyos. Napakalaki talaga ng mga pagnanais at ambisyon ng mga anticristo! Gaano man kasipag tingnan ang mga anticristo, abala lamang sila sa sarili nilang mga hangarin, sa paggawa ng gusto nilang gawin, at sa mga bagay na nauugnay sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ni hindi nila iniisip ang kanilang mga responsabilidad o ang tungkulin na dapat nilang ginagampanan, at wala talaga silang ginagawang tama. Ganito ang mga anticristo—sila ay mga diyablo at Satanas, na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na sa puso ng mga anticristo, katayuan lang ang iniisip nila, at para lang sa katayuan sila gumagawa. Ginagawa lang nilang abala ang kanilang sarili sa mga bagay na may kaugnayan sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, habang hindi ginagawa ang anumang responsabilidad nila. Napagtanto ko na ang paraan ko ay kapareho ng sa isang anticristo. Nakahanap ang mga nakatataas na lider ng mga paglihis sa gawain ko, at ayaw kong maliitin nila ako. Kaya naman, sa gawaing itinalaga ng mga lider, sinubukan ko ang lahat para magpakitang-gilas at gusto ko itong matapos sa lalong madaling panahon. Gusto kong makita ng mga lider na napakabilis ng mahusay at desidido kong paggawa, para makuha ang magandang opinyon nila sa akin. Para makamit ang layon na ito, palagi akong gumagawa ng mabababaw na gawain, pinaiipon ko sa mga kapatid ang datos ng mga manggagawa ng ebanghelyo, pinabubuod ang mga problema sa gawain ng ebanghelyo, at iba pa. Pero hindi ko pinagsumikapang pag-isipan kung paano lulutasin ang mga problema o paglihis na lumitaw sa gawain ng ebanghelyo. Dahil dito, hindi nagkaroon ng tunay na solusyon ang ilang problema, at naantala pa ang pagpapatupad ng ibang mga gampanin. Para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, binalewala ko ang mga tunay na paghihirap ng mga kapatid at lagi ko silang pinilit para mas mabilis na umusad. Dahil dito, ilang kapatid ang nakaramdam ng matinding pressure, at ang ilan pa nga ay naramdamang hindi sapat ang kakayahan nila para sa trabaho, at namuhay sa isang negatibong kalagayan, na nagpaantala sa gawain. Nang pagnilayan ko ito, bigla akong kinilabutan sa takot. Gumagawa pala ako ng masama! Kaya, dali-dali kong inayos ang kalagayan ko. Kasabay nito, pinagbukod-bukod kong muli ang gawain, at gumawa ako ng detalyadong plano para sa mga gampaning mas mahalaga at nangangailangan ng agarang pag-aasikaso at solusyon. Para naman sa mga hindi gaanong apurahang gampanin, ipinaubaya ko na lang ang mga iyon para lutasin sa aking libreng oras. Sa mga pagtitipon, nagtapat din ako sa mga kapatid tungkol sa mga tiwaling disposisyong naibunyag ko sa buong panahong ito, para maiayos ng mga kapatid ang sarili nilang kalagayan at aktibong ibuhos ang kanilang sarili sa kanilang mga tungkulin. Pagkatapos, dahan-dahang bumalik sa ayos ang gawain.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Tuso talaga ang mga anticristo, hindi ba? Sa anumang ginagawa nila, nagsasabwatan sila at kinakalkula ito nang walo o sampung beses, o baka higit pa. Punong-puno ang kanilang isip ng mga saloobing tungkol sa kung paano sila magkakaroon ng matatatag na posisyon sa karamihan, kung paano magkakaroon ng magagandang reputasyon at higit na katanyagan, kung paano makuha ang loob ng ang Itaas, kung paano nila mahihikayat ang mga kapatid na suportahan, mahalin at irespeto sila, at gagawin nila ang lahat ng paraan para makuha ang mga kinalabasang ito. Anong landas ang tinatahak nila? Para sa kanila, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi ang pangunahing isinasaalang-alang nila, lalong hindi ito mga bagay na iniintindi nila. Ano ang iniisip nila? ‘Walang kinalaman sa akin ang mga bagay na ito. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba; kailangang mabuhay ang mga tao para sa kanilang sarili at para sa sarili nilang reputasyon at katayuan. Iyon ang pinakamataas na layon. Kung hindi alam ng isang tao na dapat siyang mabuhay para sa kanyang sarili at protektahan ang kanyang sarili, hangal siya. Kung hihilingin sa akin na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo at magpasakop sa diyos at sa mga pagsasaayos ng kanyang sambahayan, nakadepende ito sa kung may anumang pakinabang ba ito para sa akin o wala, at kung may anumang mga kalamangan ba kung gagawin ko ito. Kung ang hindi pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng diyos ay posibleng maging dahilan para alisin ako at mawalan ng pagkakataon na magkamit ng mga pagpapala, kung gayon ay magpapasakop ako.’ Kaya, para maprotektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, kadalasan ay pinipili ng mga anticristo na makipagkompromiso. Masasabing alang-alang sa katayuan, kaya ng mga anticristo na magtiis ng anumang uri ng pagdurusa, at alang-alang sa pagkakaroon ng magandang reputasyon, kaya nilang magbayad ng anumang uri ng halaga. Ang kasabihang, ‘Alam ng isang mahusay na tao kung kailan susuko at kung kailan hindi,’ ay totoong-totoo sa kanila. Ganito ang lohika ni Satanas, hindi ba? Ito ang pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, at ito rin ang prinsipyo ni Satanas para manatiling buhay. Ito ay lubos na karima-rimarim!” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Hindi kailanman nilalakaran ng mga itiniwalag ang landas ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan. Palagi silang lumilihis mula sa landas na ito at ginagawa lang kung ano ang gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang mga pagnanasa at ambisyon, pinangangalagaan ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at dangal, at binibigyan ng kasiyahan ang kanilang mga sariling pagnanasa—ang lahat ng ginagawa nila ay umiikot sa mga bagay na ito. Bagama’t nagbayad din sila ng halaga, gumugol ng oras at lakas, at nagtrabaho mula bukang-liwayway hanggang takip-silim, ano ang naging resulta ng mga ito sa huli? Dahil ang mga ginawa nila ay inilarawan bilang masama sa paningin ng Diyos, ang resulta ay itiniwalag sila. May pag-asa pa ba silang maligtas? (Wala.) Ito ay isang hindi kapani-paniwalang seryosong bunga! Tulad lang ito ng pagkakaroon ng sakit ng mga tao: Ang isang munting karamdaman na hindi agad ginamot ay maaaring maging isang malalang karamdaman, o maging nakamamatay pa nga. Halimbawa, kung ang isang tao ay may sipon at ubo, mabilis siyang gagaling kung makakatanggap siya ng normal na medikal na paggamot. Ngunit may ilang tao na nag-iisip na sila ay may malusog na kondisyon kaya hindi nila siniseryoso ang kanilang sipon o hindi sila nagpapagamot. Dahil dito, tumatagal ito at nagkakaroon sila ng pulmonya. Matapos magkaroon ng pulmonya, iniisip pa rin nilang bata pa sila at may malakas na resistensiya, kaya hindi nila ito ginagamot sa loob ng ilang buwan. Araw-araw nilang hindi pinapansin ang kanilang pag-ubo hanggang sa puntong ang pag-ubo nila ay hindi na mapigilan at hindi na matiis, at may kasama na itong dugo. Kaya pupunta na sila sa ospital para magpatingin, kung saan malalaman nilang mayroon na silang tuberkulosis. Papayuhan sila ng iba na magpagamot agad, pero iniisip pa rin nilang bata at malakas pa sila, na hindi kailangang mag-alala, kaya hindi sila magpapagamot nang tama. Hanggang isang araw, sa huli, masyado nang mahina ang katawan nila para makalakad, at kapag nagpunta sila sa ospital para magpatingin, mayroon na silang kanser na nasa huling yugto na. Kapag ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na hindi nila ginagamot, maaari rin itong magdulot ng mga epektong walang lunas. Ang pagkakaroon ng tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na dapat katakutan, pero dapat hanapin ng isang taong may tiwaling disposisyon ang katotohanan para lutasin ito agad; sa ganitong paraan lamang unti-unting malilinis ang tiwaling disposisyon. Kung hindi niya pagtutuunan ang paglutas nito, lalo pa itong magiging mas malala, at maaari siyang sumalungat at lumaban sa Diyos, at itaboy at itiwalag siya ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon). Inilalantad ng Diyos na isinasaalang-alang ng mga anticristo ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa lahat ng ginagawa nila. Handa silang magtiis ng anumang pagdurusa para sa kapakanan ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Naisip ko na sa aking pang-araw-araw na buhay, marami akong naipakitang katulad na pag-uugali. Halimbawa, sa mga pagtitipon at pagbabahaginan, taimtim akong nagninilay para makapagbahagi ako ng kaunting liwanag at makuha ang paghanga ng iba. Minsan, nagsisikap ako at gumagawa ng kaunting gawain, pero ito ay para lang makita ng mga tao na hindi ako tamad at mayroon akong mabuting pagkatao. Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, nakatuon lang ako sa hitsura ng paggawa ko ng mga bagay-bagay, at bihirang maglaan ng anumang pagsisikap sa mga prinsipyo. Nakita ko na sa likod ng lahat ng ginagawa ko ay ang pagnanais na protektahan ang sarili kong kahihiyan at katayuan. Ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay malalim nang nakaugat sa puso ko. Kung hindi ko ito babaguhin, tiyak na gagambalain at guguluhin ko ang gawain ng iglesia para mapanatili ang aking kasikatan, pakinabang, at katayuan. Naisip ko ang mga anticristong iyon na itinawalag. Para magkamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nangaral sila ng ebanghelyo nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo, at nag-ulat ng mga gawa-gawang numero at nagpasasa sa pandaraya. Lubha nitong nagambala at nagulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa huli, itinawalag sila ng Diyos dahil sa kanilang sari-saring kasamaan. Sa pagbabalik-tanaw sa panahong iyon, nakatuon lang ako sa paggawa ng mga bagay sa harap ng iba, at paggawa ng mga gawaing pamporma lang. Wala akong pakialam kahit kaunti sa kritikal o mahahalagang gawain. Dahil dito, sa saklaw ng aking responsabilidad, wala man lang pag-usad ang gawain ng ebanghelyo, at palagi itong namamatay. Hindi nito naabot ang mga pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t hinahadlangan nito ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo? Kung nagpatuloy ako sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, kung gayon, gaano man ako nagdusa o gaano man kalaking halaga ang binayaran ko, hindi ako kailanman aalalahanin ng Diyos. Sa halip, ituturing akong masama dahil sa lahat ng nagawa ko, at ititiwalag! Noon ko lang napagtanto na ang patuloy na paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay napakadelikado. Gusto ko ring agad na ituwid ang mga maling pananaw sa likod ng aking paghahangad at gawin ang aking tungkulin nang may katatagan at pagpapakumbaba.
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Para sa bawat pagsasaayos ng gawain na iniatas ng sambahayan ng Diyos, kailangang seryoso itong tratuhin at ipatupad ng mga lider at manggagawa. Dapat madalas mong gamitin ang mga pagsasaayos ng gawain para ikumpara at inspeksiyonin ang lahat ng gawaing nagawa mo. Dapat mo ring suriin at pagnilayan kung aling mga gampanin ang hindi mo nagawa nang maayos o naipatupad nang wasto sa panahong ito. Para sa anumang gampaning itinalaga at hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain na napabayaan, dapat agad kang bumawi at mag-usisa tungkol dito. … Kaya nga, lider ka man sa rehiyon, lider sa distrito, lider sa iglesia, o lider o superbisor ng anumang pangkat, kapag nalaman mo na ang saklaw ng iyong mga responsabilidad, kailangan mong suriin nang madalas kung gumagawa ka ba ng tunay na gawain, kung natupad mo ba ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang lider o manggagawa, pati na kung aling mga gampanin—mula sa ilang ipinagkatiwala sa iyo—ang hindi mo nagawa, alin ang ayaw mong gawin, alin ang mga nagbunga ng mga hindi magandang resulta, at alin ang mga may prinsipyong hindi mo naarok. Ito ang lahat ng bagay na dapat mong suriin nang madalas. Kasabay nito, kailangan mong matutong makipagbahaginan at magtanong sa ibang tao, at kailangan mong matutong tumukoy, sa mga salita ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain, ng isang plano, mga prinsipyo, at isang landas para sa pagsasagawa. Sa anumang pagsasaayos ng gawain, nauugnay man ito sa administrasyon, sa mga tauhan, o sa buhay iglesia, o kaya ay sa anumang uri ng propesyonal na gawain, kung binabanggit nito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ito ay isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at nasa saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ito ang mga gampaning dapat mong asikasuhin. Natural, dapat itakda ang mga priyoridad batay sa sitwasyon; walang gawaing maaaring maiwan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10)). Itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Ang pagpapatupad ng anumang gampanin ay hindi lang basta paggawa ng mga bagay sa panlabas: Kailangan mong palaging suriin kung gumagawa ka ba ng tunay na gawain, at kung anong gawain ang hindi nagagawa nang maayos. Anuman ang gampanin, kailangan mong maunawang mabuti ang aktuwal na sitwasyon, at hindi gumawa ng mga trabahong magpapaganda sa iyo sa paningin ng iba para lang makapagkunwari at mapahanga ang mga tao. Ang ganitong uri ng paggawa ay hindi talaga makalulutas man lang ng mga tunay na problema. Pagkatapos noon, sa tuwing nalalaman kong hindi maganda ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, talagang sinisiyasat ko kung ano ang dahilan ng mababang resulta, at inaalam ang mga kalagayan at paghihirap ng mga kapatid, kung paano nila sinusubaybayan ang gawain ng ebanghelyo, at iba pa. Nang suriin ko nang detalyado ang gawain, natuklasan ko ang mga problema at paglihis na hindi ko nakita noon. Ang ilang iglesia ay masyadong kakaunti ang mga manggagawa ng ebanghelyo; ang ilang lider ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo ay hindi marunong sumubaybay sa gawain; at ang ilang manggagawa ng ebanghelyo ay hindi nauunawaan ang katotohanan. Hindi sila makapagbahagi nang malinaw tungkol sa maraming katotohanang may kaugnayan sa gawain ng Diyos, na naging dahilan para ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na tunay na nananampalataya sa Diyos ay ayaw nang ipagpatuloy ang kanilang mga pagsisiyasat dahil hindi nalutas ang kanilang mga kuru-kuro. Ako at ang mga kapatid na katrabaho ko ay nakipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga problemang ito at tinulungan silang magbago. Detalyado naming sinubaybayan ang gawain ng mga manggagawa ng ebanghelyo, at itinuro ang mga problemang umiiral sa kanilang patotoo, binibigyan sila ng gabay at pagbabahaginan. Pagkatapos ng isang panahon ng pagtutulungan, naging handa ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na ipagpatuloy ang kanilang mga pagsisiyasat at sa huli ay tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nang panahong iyon, sa wakas ay lubos kong napagtanto na tanging sa tunay na pagkaunawa at malalim na pag-alam sa mga detalye sa pamamagitan ng aming gawain, matutuklasan at malulutas namin ang mga problema; at saka lang nakadama ng kapanatagan at kapayapaan ang puso ko.
Minsan, sinusubaybayan ko ang gawain ng ebanghelyo ng isang iglesia. Nakita kong hindi nagkakamit ng resulta ang gawain ng ebanghelyo at karamihan sa mga kapatid ay medyo negatibo. Kaya, nagdaos ako ng isang pagtitipon para lutasin ang mga kalagayan ng mga kapatid. Kasabay nito, nagbahagi rin ako at lumutas ng mga problemang umiiral sa pangangaral ng ebanghelyo. Pagkaraan ng ilang panahon, medyo bumuti ang gawain ng ebanghelyo. Sobrang saya ko, at naisip ko, “Siguradong hahanga sa akin ang mga kapatid. Hahayaan ko na lang ang mga lider ng pangkat para sumubaybay sa hinaharap.” Nang maisip ko ito, napagtanto ko na noon, gumagawa lang ako ng gawaing pamporma lang, at maraming problema ang hindi talaga nalutas. Sa pagkakataong ito, hindi ako puwedeng makontento na lutasin lang ang mga kalagayan ng mga kapatid at hayaan na lang. Kailangan kong pag-isipan kung anong mga gampanin ang hindi pa natatapos nang maayos. Nang aktuwal akong pumunta para alamin kung ano ang nangyayari, natuklasan kong kulang ang mga manggagawa ng ebanghelyo sa iglesiang ito, at ang ilang manggagawa ng ebanghelyo ay mabagal na nakauusad, pero ayaw ng lider ng pangkat na tumulong at sumuporta sa mga ito. Hindi rin nila alam kung paano lutasin ang mga paglihis na nangyari sa gawain ng ebanghelyo. Dahil dito, hindi nagkaroon ng malinaw na resulta ang gawain ng ebanghelyo sa loob ng sunod-sunod na ilang buwan. Pagkatapos, tinalakay ko sa mga lider ng pangkat kung paano lulutasin ang mga problemang ito, at pumili ng ilang manggagawa ng ebanghelyo. Tinuruan ko ang mga lider ng pangkat kung paano sumubaybay at magsaayos ng gawain, at nilutas ang kanilang mga problema at paghihirap. Pagkaraan ng ilang panahon, lalo pang bumuti ang mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo. Nang makita ko ang resultang ito, masayang-masaya ako, pero medyo sinisisi ko rin ang sarili ko. Dahil masyado akong maraming ginawa noong nakaraan para lang magmukhang maganda, hindi umusad ang gawain ng ebanghelyo, nagpasalamat din ako sa Diyos sa paggamit sa kapaligirang ito para bigyang-daan akong mas makilala nang kaunti ang sarili ko, at matutong gumawa ng tunay na gawain.