15. Pagkatapos Maisumbong ng Aking mga Kaklase Dahil sa Pangangaral ng Ebanghelyo
Nagsimula akong dumalo sa mga pagtitipon kasama ang aking lolo’t lola noong nasa elementarya pa lang ako, pero pagpasok ko sa sekondarya, mas humirap ang aking mga aralin, kaya hindi na ako makadalo sa mga pagtitipon o makapagbasa ng mga salita ng Diyos, at napalayo nang napalayo ang puso ko sa Diyos. Pagsapit lang ng Nobyembre 2011 nang sa wakas ay naipagpatuloy ko ang aking buhay iglesia at nakasama ang aking mga kapatid sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pag-awit ng mga himno ng papuri sa Diyos. Nagbigay talaga ito sa akin ng kasiyahan. Noong Disyembre 2012, habang nasa unibersidad ako, ginamit ng CCP ang mainstream media at mga online platform para mag-imbento at magpakalat ng samot-saring walang-basehang tsismis, kinokondena at sinisiraan ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nakita ng mga kakuwarto ko ang negatibong propagandang ito, at isinumbong nila ang pananalig ko sa aming guro. Pagkatapos ay ipinaalam ito ng guro sa aking mga magulang, kaya natuklasan ng mga magulang ko ang tungkol sa aking pananalig.
Noong gabi ng Disyembre 20, 2012, katatapos ko lang ng aking mga tungkulin at bumalik ako sa paaralan. Pagkarating ko sa dormitoryo, dumating ang dalawang guro para kuwestiyunin ako. Tinanong nila kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginagawa ko nitong ilang araw na nagdaan, at tinanong din nila kung nangangaral ba ako ng ebanghelyo sa paaralan. Pagkatapos ay dumating ang aking ina at tiyuhin sa dormitoryo at pinagalitan ako, sinasabing iuuwi nila ako. Ilang buwan na ikinulong ng tiyuhin ko ang pinsan ko sa bahay dahil sa pananalig nito sa Diyos, at natakot ako na baka gawin din iyon sa akin ng aking mga magulang. Kaya’t patuloy akong nanalangin sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kaniyang magbukas ng daan para sa akin. Sinabi ko sa aking ina, “Gusto kong manatili sa paaralan, ayaw kong umuwi.” Nang makita ng aking ina ang aking determinasyon, pinayagan niya akong manatili sa paaralan. Pero lingid sa aking kaalaman, sinabi niya sa aking mga guro na bantayan akong mabuti. Kinabukasan, sunod-sunod akong kinausap ng aking mga guro at ng lider ng departamento. Sinabi nilang mahigpit na raw ngayong pinamamahalaan ng paaralan ang mga isyung kaugnay sa mga pananampalatayang panrelihiyon, at sinabihan nila akong manatili sa dormitoryo nang ilang araw at huwag pumunta kahit saan. May litrato ko pa nga ang mga guwardiya sa paaralan at isusumbong ako kapag nakita nila akong lumabas ng tarangkahan ng paaralan. Dahil lang sa pananalig ko sa Diyos, naging kakaiba ang tingin sa akin ng mga guro at kaklase ko at tinrato nila ako na parang isang kakatwang tao. Lubos akong napahiya at naging napakahirap para sa akin na tiisin ang lahat ng ito. Nanampalataya lang ako sa Diyos at wala akong ginagawang anumang masama, kaya bakit nila ako tinatrato na para bang nagkasala ako? Naisip ko pa nga, “Kung hindi kaya ako mangangaral ng ebanghelyo, titigil kaya ang aking mga guro at kaklase sa maling pagkaunawa sa akin at kakaibang pagtingin sa akin?” Nakaramdam ako ng labis na panghihina, kaya tinawagan ko ang ate ko na nasa ibang unibersidad para maglabas ng sama ng loob. Sinabi ng ate ko na isinumbong din siya ng kanyang mga kakuwarto, at na pinagalitan pa nga siya ng kanyang guro sa harap ng buong klase. Pagkarinig ko sa sinabi niyang ito, napagtanto ko na maraming kapatid ang inuusig dahil sa mga walang-basehang tsismis at paninira ng CCP sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Habang iniisip ko kung paanong nagpapakalat ang CCP ng mga walang-basehang tsismis, kinokondena at sinisiraan ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, napagtanto ko na ang direkta nilang pinupuntirya ay ang Diyos at na tiniis na ng Diyos ang labis at di-mabilang na kahihiyan at pagdurusa. Sa ganitong sitwasyon, inisip ko lang ang sarili kong pagdurusa, pero hindi ko kailanman isinaalang-alang kung ano ang nararamdaman ng puso ng Diyos sa harap ng ganitong paninirang-puri at mga pag-atake. Naalala ko ang isang himno mula sa mga salita ng Diyos: “Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain para sa sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nananahan para mamuhay kasama ang tao sa pagitan ng mga kaduluhan ng mundo, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa paghihimagsik nito, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano kayang gugugulin Niya ang Kanyang buhay sa impiyerno? Ngunit para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (9)). Ang Diyos ay banal, at pumarito Siya sa lupa mula sa langit para iligtas ang sangkatauhan, pero mali ang naging pagkaunawa sa Kanya at tinrato Siya bilang isang kaaway, at Siya ay tinanggihan at kinondena ng tiwaling sangkatauhan. Sa kabila ng pagtitiis Niya ng matinding kahihiyan at pasakit, nagpatuloy Siya sa pagsasalita at paggawa para iligtas tayo. Pero hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos. Nagreklamo at naging negatibo ako sa katiting na pagdurusa. Kapag nahaharap sa kaunting pagbubukod at mga kakaibang tingin mula sa aking mga kaklase at guro, pakiramdam ko ay naaapi ako at nasasaktan ako, at nagsisisi pa nga akong nangaral ako ng ebanghelyo. Tunay ngang maliit ang aking tayog! Sa pag-iisip ko nito, hindi ko na naramdaman na ganoon kalaki ang aking pagdurusa, at naisip kong ang pag-uusig na kinakaharap ko ay ang pagdurusang dapat kong tiisin para sa pananampalataya ko sa Diyos.
Kalaunan, pinamanmanan ako ng mga guro sa aking mga kakuwarto at pinabantayan kung ano ang ginagawa ko, kaya wala akong ibang magawa kundi ang magtago sa ilalim ng kumot at gamitin ang aking MP4 player para basahin ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga himno. Noong panahong iyon, kinakausap din ako ng mga guro para alamin kung nangangaral ba ako ng ebanghelyo. Ang ilan sa mga kaklase kong malapit sa akin noon ay nagsimulang lumayo sa akin. Ang ilan ay pinagsalitaan ako, sinasabing hindi ako dapat manampalataya sa Diyos, at ang iba naman ay kinutya ako. Tinawagan din ako ng mga kamag-anak para subukan akong kumbinsihin na huwag manampalataya sa Diyos. Dalawa sa aking mga pinsan ang nagpadala pa nga sa akin ng mga walang-basehang tsismis at maladiyablong puna na sinisiraan at kinokondena ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Noong panahong iyon, sa tuwing naririnig ko ang tunog ng telepono, bumibilis ang tibok ng aking puso, dahil natatakot akong isa na namang miyembro ng pamilya ang tumatawag para pagalitan ako. Sa ilang araw na iyon, para bang nagtatagal ng isang buong taon ang bawat araw, at pakiramdam ko ay nag-iisa ako at walang magawa. Nangulila talaga ako sa aking mga kapatid at gusto kong ibahagi ang pagdurusa ko sa kanila. Pero dahil sa pagmamatyag ng aking mga guro at kaklase, hindi ako makapunta sa mga pagtitipon. Pakiramdam ko ay napakahina ng kalooban ko at hindi ko alam kung paano danasin ang sitwasyong ito. Talagang nag-alala ako noong panahong iyon: Noon pa man ay mariin nang tinutulan ng aking mga magulang ang pananalig ko at ng aking ate, at hindi ako sigurado kung ano ang gagawin nila sa akin sa pagkakataong ito. Itatrato ba nila ako kung paano tinrato ng aking tiyuhin ang aking pinsan, at ikukulong ako sa bahay? Sa harap ng lahat pamumuna at pag-uusig na ito, makakapanindigan ba ako? Sinabi sa akin dati ng aking mga magulang na kapag nalaman nilang nananampalataya ako sa Diyos, itatakwil nila ako. Hanggang sa sandaling ito, hindi pa rin ako tinatawagan ng aking ama. Ibig bang sabihin nito ay ayaw na talaga niya sa akin? Sa harap ng lahat ng kawalang-katiyakan na ito, wala talaga akong magawa. Ang makakaya ko lang gawin ay ang ipagkatiwala ang mga paghihirap ko sa Diyos at tumingin sa Kanya, humihiling ng Kanyang gabay. Sa aking kalituhan at kawalang-magawa, natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig. Tinatahak ko ang tamang landas sa buhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, kaya kahit mali akong maunawaan ng lahat, kutyain man ako, at tanggihan ako, basta’t matatag ako sa aking pananalig, hindi ako madadaig ng mga paghihirap na ito. Palagi akong natatakot na matanggihan at mapagalitan ng aking pamilya, at natatakot din ako sa pangungutya at mga kakaibang tingin ng mga guro at kaklase, at palagi kong nararamdaman na hindi ko na kakayaning magpatuloy. Ito ay dahil masyado akong duwag at walang determinasyong magdusa. Naalala ko ang pamagat ng isang kabanata ng mga salita ng Diyos na nabasa ko ilang araw na ang nakararaan, “Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos.” Isinaayos ng Diyos ang sitwasyong ito sa pag-asang makakatakas ako sa madilim na impluwensiya ni Satanas. Sa buong panahong ito, dahil tinutulan ng aking mga magulang ang pananalig ko sa Diyos, labis nila akong napigilan, at hangga’t nasa paligid ang aking mga magulang, hindi ako makapaglakas-loob na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at hindi rin ako makapaglakas-loob na magtungo sa mga pagtitipon o gumawa ng aking mga tungkulin. Hindi ko na kayang patuloy na sumunod sa kanilang pamimilit. Tanging sa pamamagitan ng pagkawala sa madilim na impluwensiyang ito at pagtakas sa kanilang pagpigil ako maayos na makapananampalataya at makagagawa ng aking mga tungkulin. Kaya, nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos, gusto ko talagang makatakas sa madilim na impluwensiya ng aking pamilya, pero wala akong tapang. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig at lakas, para makawala ako sa impluwensiya ni Satanas at magawa ko nang maayos ang mga tungkulin ng isang nilikha.” Sa pamamagitan ng panalangin, nagkaroon ako ng kaunting pananalig, at naramdaman ko ring palagi kong kasama ang Diyos. Sa aking pasakit at kawalang-magawa, ang mga salita ng Diyos ang umaliw sa akin, nagpalakas ng aking loob, at nagbigay sa akin ng pananalig. Nagpasya akong, “Paano man ako itrato ng aking pamilya at mga guro, mananatili akong matatag sa aking pananalig at sa aking mga tungkulin.” Kaya tinawagan ko ang aking ate, at nagkasundo kaming ilalaan ang aming sarili sa aming mga tungkulin nang buong-oras. Nanalangin din ako sa Diyos, hinihiling na buksan Niya ang isang landas para makawala ako sa pagmamatyag ng aking mga guro at kaklase.
Noong panahong iyon, naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos “Sa Paghahangad Lang na Maunawaan ang Katotohanan sa Lahat ng Bagay Maaaring Maperpekto ng Diyos ang mga Tao.”: “Kung nais mong gawing perpekto ng Diyos, dapat mong matutuhan kung paano danasin ang lahat ng bagay, at makamit ang kaliwanagan sa lahat ng mangyayari sa inyo. Mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat mong maisaalang-alang ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao. Kung ganito ka dumanas, mapupuno ang puso mo ng mga pasanin ng buhay mo; palagi kang mamumuhay sa liwanag ng anyo ng Diyos, na hindi madaling malilihis ng landas sa pagsasagawa mo. May magandang kinabukasan ang ganitong mga tao sa hinaharap” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Naperpekto). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, mas naunawaan ko pa ang Kanyang layunin. Sa panahong iyon, dahil sa pananalig ko sa Diyos, naharap ako sa pambubukod at pangungutya ng aking mga kaklase, at bagaman parang isang masamang bagay ito, ang totoo ay naging kapaki-pakinabang ito sa aking buhay paglago. Hindi ko ito dapat sinusuri mula sa perspektiba ng pansariling pakinabang, at dapat na tinatanggap ko ito mula sa Diyos at hinahanap ang Kanyang layunin. Ang CCP ay nagpapakalat ng mga walang-basehang tsismis online, sinisiraan at kinokondena ang Diyos, at bagaman parang isang masamang bagay ito, ang totoo ay ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon upang magserbisyo para sa mga sarili Niyang layunin, dahil sa pamamagitan ng negatibong propaganda nito, mas maraming tao ang nakakikilala sa karangalan ng Makapangyarihang Diyos. Ito ay tunay na karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Isinumbong ako ng aking mga kakuwarto, at nalaman ng lahat ang tungkol sa pananalig ko sa Diyos. Kinutya at pinagalitan ako ng aking mga magulang, guro, at kaklase, at bagaman nagdanas ako ng kaunting pisikal na pagdurusa, ang sitwasyong ito ang nagtulak sa akin na kumawala mula sa impluwensiya ng kadiliman at piliin ang tamang landas sa buhay. Magandang bagay ito para sa akin. Dahil sa paggabay ng mga salita ng Diyos, unti-unting bumuti ang aking kalagayan, at nagawa kong harapin nang tama ang sitwasyong ito. Tuwing may oras ako, pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, at hindi ko na nararamdaman na napakasakit nitong pagkakabukod. Sa kabaligtaran, dahil sa paglapit ko sa Diyos, mas puno ng kasiyahan ang puso ko kaysa dati.
Kalaunan, binuksan ng Diyos ang isang landas para sa akin. Hindi na ako binabantayan ng aking mga kakuwarto, kaya sinamantala ko ang pagkakataon para lumabas at dumalo sa isang pagtitipon. Nang makita kong muli ang aking mga kapatid, binalot ako ng labis-labis na sigla, at napuno ng isang di-maipaliwanag na kagalakan ang aking puso. Bagaman nagagawa kong dumalo sa mga pagtitipon, tinututulan pa rin ng aking walang pananampalatayang pamilya ang aking pananalig, at paminsan-minsan ay kinukumusta ako ng aking mga guro, tumatawag pa nga para alamin ang aking kinaroroonan. Minsan, kapag lumalabas ako para dumalo sa mga pagtitipon, nababahala ang aking puso, at sa ganitong kapaligiran, hindi ako malayang makapanampalataya sa Diyos o makagampan ng aking mga tungkulin. Patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako at bigyan ako ng determinasyon para makagawa ng mga tamang desisyon. Isang araw, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos:
Dapat Hangarin ng mga Tao na Mabuhay Nang Makabuluhan
1 Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa maagap na pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan.
2 Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang lakas ng loob. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat magawa mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Pagkarinig sa himnong ito, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Kailangan kong pumasok at maghangad mula sa isang positibong aspekto, at hindi ako dapat makontento na lang sa hindi pag-atras o pagiging negatibo. Kailangan kong aktibong hangarin ang katotohanan at hanapin kung paano mabuhay nang makabuluhan. Lalo na nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan.” Nadama ko na ito ay ang pagtuturo at paghingi ng Diyos sa atin, at na ito ang bagay na dapat kong hangarin. Talaga nga namang napakasama ng buhay ko. Sa unibersidad, hindi kami tinuruan ng mga guro kung paano magtakda ng mga tamang layon sa buhay, kundi kung paano namnamin ang buhay sa kolehiyo. Sinabi pa nga ng ilang guro na kung hindi ka pa nakaliban sa klase, nagkarelasyon, o nahibang sa kolehiyo, hindi ka pa talaga nabuhay. Ganito ang atmospera sa buong paaralan, kung saan ang inaatupag ng lahat ay pagkain, inumin, at pagsasaya, at pakikipagkompitensiya sa isa’t isa. Iilang tao lang talaga ang nakatuon sa kanilang pag-aaral. Ang mga bagay na pinag-uusapan ng mga tao ay hindi ang tungkol sa kung paano mag-aral o magpakadalubhasa sa isang kasanayan, kundi pagkain, pag-inom, pagsasaya, pagsipsip sa mga guro, at pangangasiwa ng mga personal na relasyon. Para bang namumuhay kami nang malaya at walang paghihirap, pero sa kalooban namin, ramdam namin ang kahungkagan at kalituhan, walang kaide-ideya kung ano nga kaya ang tunay na kahulugan ng buhay, at hindi alam kung ano ba talaga ang dapat naming hangarin sa buhay. Bagaman alam kong wala talagang saysay ang paghahangad sa mga bagay na iyon, maliit ang aking tayog, at sa kapaligirang ito, hindi ko pa rin mapigilang sundin ang ganitong pamamaraan ng pamumuhay, at nahirapan akong kumalma at hangarin ang katotohanan. Nakontento ako sa paminsan-minsang pagdalo sa mga pagtitipon at pagpapanatili ng mabuting relasyon sa aking mga magulang nang hindi iniisip kung paano tutuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Hindi ba ito ay pagiging negatibo at pag-atras para magtamasa ng pansamantalang kaginhawahan? Dati, hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ko alam kung ano ang tunay na mahalagang hangarin. Namuhay lang ako ayon sa kagustuhan ng aking mga guro at magulang, iniisip na kapag nakapasok na ako sa unibersidad, matatagpuan ko ang kaunting direksiyon at layon sa buhay. Pero sa realidad, ang dinala sa akin ng buhay-kolehiyo ay hindi ang maliwanag na landasin sa buhay, kundi isang buhay ng higit pang kabulukan at kalituhan. Ano pa ang silbi ng pananatili roon? Naisip ko noong nangaral ako ng ebanghelyo sa mga kapatid kamakailan. Bagaman minsan ay iniinsulto at kinukutya kami, nakadarama ang puso ko ng kaganapan at kagalakan, at pakiramdam ko, ang paggampan ng tungkulin ng isang nilikha at paggawa ng makakatarungang bagay ay ang nagbibigay-kabuluhan sa buhay. Ang kagalakan at kapayapaang ito sa puso ay hindi mapapalitan ng anuman. Dati, hindi ako maayos na nanampalataya sa Diyos at napakaraming oras ang sinayang ko dahil hinahangad ko ang kaalaman. Kung patuloy akong napigilan ng aking mga magulang, at ipinagpatuloy ang masamang buhay na ito sa paaralan, hindi ba’t magiging napakahangal ko nito? Nang mapagtanto ito, nagpasya akong isuko ang aking pag-aaral at gawin ang aking tungkulin.
Noong gabi ng Enero 1, 2013, umuwi kami ng aking ate sa bahay. Sinabi sa amin ng aming ama, “Ipinatawag ko kayo ngayon para ilatag ang lahat sa inyo. Kailangang mag-isip kayong mabuti at magpasya kung gusto ninyo pa ring manampalataya sa Diyos. Kung gusto ninyo pa ring manampalataya sa Diyos, huwag na kayong mag-abalang ipagpatuloy ang pag-aaral ninyo, at puwede ninyo na ring ituring na patay na kayo sa akin! Kung pipiliin ninyong bitiwan ang inyong pananalig, putulin ninyo ang ugnayan ninyo sa mga nananampalataya sa Diyos at ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-aaral.” Sabi pa niya, “Ang pananampalataya sa Diyos ay kinokontra ng gobyerno, at namumuhay tayo sa ilalim ng pamumuno ng CCP. Sa palagay ba ninyo ay kaya ninyo silang kontrahin?” Sa sandaling nagpatotoo kami ng aking ate sa gawain ng Diyos sa kanila, nag-alab sa galit ang aking ama at tiyuhin, itinatanggi at nilalapastangan ang Diyos, at sinaway at pinagalitan kami. Natakot talaga ako nang makita sila na ganito, at patuloy akong nanalangin sa Diyos sa aking puso, hinihiling na bigyan Niya ako ng pananalig at lakas para harapin ang sitwasyong ito. Patuloy nila kaming kinagalitan hanggang may alas-dos o alas-tres ng madaling-araw. Paulit-ulit din kaming kinuwestiyon ng aking ina kung gusto pa rin ba naming manampalataya sa Diyos. Gusto ko na lang sanang manahimik at basta makalusot, pero naisip ko kung paanong dahil natakot akong tanggihan ng aking pamilya, hindi ako naglakas-loob na amining nananampalataya ako sa Diyos, at hindi ako nagpatotoo sa Diyos. Hindi ko na muling magagawa iyon. Hindi lang ang pamilya ko ang naghihintay sa aking sagot, naghihintay rin ang Diyos na ipahayag ko ang aking posisyon. Pinanonood din ni Satanas kung ano ang pipiliin ko. Paano man ako itrato ng aking pamilya, kailangan kong manindigan sa aking patotoo. Kaya matatag kong sinabi, “Patuloy akong mananampalataya sa Diyos!” Galit na sinabi sa akin ng aking ama, “Dahil patuloy kang mananampalataya sa Diyos, dapat kang lumayas sa bahay na ito. Simula ngayon, patay ka na sa akin!” Pagkatapos ay pinalabas niya kami sa kuwarto niya. Napakasakit ng puso ko. Gusto ko lang manampalataya sa Diyos, at hindi kailanman sinabi na ayaw ko sa mga magulang ko, kaya bakit hindi nila pinakikinggan ang aking puso? Bakit nila ako pinipilit na mamili? Pagbalik ko sa aking kuwarto, hindi ko mapakalma ang aking mga emosyon. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Paano man nila ako subukang pigilan, susundan Kita. Pakiusap bigyan Mo ako ng pananalig at lakas, at gabayan ako sa aking landasin.”
Kinabukasan, pagbukang-liwayway, dumating ang aking tiyahin at tiyuhin sa aming bahay, hinihikayat kaming magkapatid na huwag manampalataya sa Diyos. Sabi ng tiyahin ko, labis na nagdusa aking ama sa pagpapalaki sa amin, at umiyak pa nga siya, nagmamakaawa sa aking tumigil sa pananampalataya sa Diyos. Talagang mahina ako at gustong sumang-ayon na lang para mapalubag ang loob nila, pero alam ko na sa paggawa nito, hindi ako magpapatotoo, at na itinatatwa ko ang Diyos at ipinagkakanulo Siya. Hindi ko kayang saktan ang puso ng Diyos. Sa mga sumunod na araw, patuloy nila kaming inakusahang mag-ate na wala kaming konsensiya. Iginigiit din ng aking ama na pumili kami sa pagitan ng aming pananalig at ng aming pamilya. Sa aking puso, alam ko na ang pananampalataya sa Diyos ay ang tamang landas. Ginagabayan at sinasamahan ako ng Diyos simula pagkabata, at ang pananalig ko ay naging bahagi na ng aking buhay. Hindi ko kayang iwan ang Diyos. Pero kapag naiisip ko kung paano nagsikap ang aking mga magulang para palakihin ako, palagi kong nararamdaman ang pagkakautang sa kanila sa aking puso, at ayaw ko ring saktan ang mga damdamin nila. Hindi ko alam kung ano ang gagawin, kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang buhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Dahil dito, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pagtanda. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na umiiral at lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na ang tao ay lumalaki sa ilalim ng biyaya ng pagpapalaki ng mga magulang, at na ang sarili niyang instinto sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng kanyang buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng pag-iral ng buhay niya, at na ang mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang nababatid ang tao, at sa ganitong paraan niya inaaksaya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala kahit isang tao, na pinangangalagaan ng Diyos sa araw at gabi, ang nagkukusang sumamba sa Kanya. Patuloy lang na gumagawa ang Diyos sa taong wala Siyang anumang inaasahan, ayon sa naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa panaginip nito at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang ibinayad ng Diyos para sa lahat ng Kanyang ibinigay sa kanya, at ang masidhing pananabik ng Diyos na manumbalik ang tao sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay ko ay nagmula sa Diyos, at ang Diyos ang nagkaloob sa akin ng hininga ng buhay, pinahihintulutan akong manatiling buhay sa mundong ito. Ang aking pamilya at mga magulang ay isinaayos ng Diyos. Bagaman mukhang pinalaki ako ng aking mga magulang hanggang sa hustong gulang, ang totoo, ito ay dahil sa lihim akong binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos kaya nananatili akong buhay hanggang sa ngayon. Mula pagkabata hanggang sa aking pagtanda, tinustusan lang ng mga magulang ko ang aking mga materyal na pangangailangan at matrikula, pero halos hindi sila nagmalasakit sa akin o nagturo sa akin kung paano ang umasal. Sa pagbabasa lang ng mga salita ng Diyos ako natuto kung paano umasal nang maayos. Noong bata pa ako, madalas kaming mag-away ng pinsan ko dahil sa maliliit na bagay, at ang lola ko ang gumamit ng mga salita ng Diyos para turuan ako na matutong maging mapagparaya at mapagpasensiya, at hindi maging makitid ang pag-iisip o maghiganti. Sa paaralan, marami sa mga kaklase ko ang sumunod sa masasamang uso, at naadik sila sa mga online game at napakaagang pumasok sa pakikipagrelasyon. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nalaman kong ang mga bagay na ito ay hindi kalugod-lugod sa Diyos, kaya hindi ako gumaya sa kanila sa paghahangad ng mga bagay na iyon. Sa unibersidad, marami sa aking mga kaklase ang nandaya sa mga pagsusulit, sumipsip sa mga guro para sa kanilang kinabukasang akademiko, at ginamit ang isa’t isa. Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na hinihingi Niya sa atin na maging matapat na mga tao, at na hindi tayo dapat manlinlang, mainggit, o makipagtalo, kaya hindi ako sumunod sa kanila sa paggawa ng mga ganitong bagay. Bukod pa roon, habang lumalaki ako, nakaranas ako ng maraming nakakatakot at nakakapangambang sitwasyon, at sa pamamagitan ng pag-asa sa panalangin at pagtawag sa Diyos, palagi akong nakatatagpo ng lakas at nawawala ang takot. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin at tumulong sa akin na maunawaan ang ilang katotohanan, kaya hindi ako naligaw o natukso ng masasamang uso na iyon, at hindi ako naging buktot o masama. Ang Diyos din ang palaging nagbabantay at pumoprotekta sa akin, binibigyang-daan akong lumaki nang payapa at malusog. Preordinasyon ng Diyos kung kaya isinilang ako ng aking mga magulang. Ang pagtutustos nila sa akin ay nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos. Pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, wala akong masyadong nagawa para sa Diyos, at tinatamasa ko lang ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Dati, dahil sa pagpigil ng aking mga magulang, hindi ko nagawa ang aking mga tungkulin, pero hindi na ako maaaring magpatuloy sa pagiging mapaghimagsik tulad nito, at ayaw ko na ring talikuran ang aking mga tungkulin para mapanatili ang relasyon ko sa aking mga magulang.
Nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga namumuhi at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kamuhian at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manampalataya sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Nang makita ko ang sinasabi ng salita ng Diyos na: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos,” nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa kung anong desisyon ang dapat kong gawin. Hindi nananampalataya ang aking mga magulang sa Diyos at sinubukan pa nga nilang usigin at patigilin ako sa aking pananampalataya. Nang magpatotoo kami sa kanila ng aking ate tungkol sa Diyos, galit na galit ang aking ama at isinumpa ang Diyos, nagbibitaw ng mga kalapastanganan. Ang diwa nila ay tulad nang sa mga diyablo, at pagmamay-ari sila ni Satanas. Dati, inakala ko na kinontra lang nila ang aking panalig dahil niligaw sila ng mga walang-basehang tsismis ng CCP, pero nang marinig din ng iba ang mga walang-basehang tsismis ng CCP, nagawa ng mga itong makilatis ang tama sa mali at hindi bulag na sumunod sa pagkondena ng CCP sa Diyos. Pero hindi nangilatis ang aking mga magulang, at bulag silang naniwala sa CCP at nakisali sa pagkondena nito. Bukod pa rito, noon ay ipinangaral na sa kanila ng aking lolo’t lola ang ebanghelyo, pero hindi nila ito tinanggap, at kalaunan, nang makita nilang inaakay kami ng aming lolo’t lola na manampalataya sa Diyos, nagkimkim sila ng pagkamuhi sa aking lolo’t lola, inaatake at iniinsulto pa nga ang mga ito. Binalaan pa nila ang aking lolo’t lola, sinasabi na kung patuloy na mananampalataya ang mga ito sa Diyos, titigil sila sa pagbibigay ng pera sa mga ito. Sa panahong iyon, palagi rin nila kaming binabalaan ng aking ate na huwag manampalataya sa Diyos. Sa pagkakataong ito, nang nalaman nilang nananampalataya kami sa Diyos, sinubukan nilang pilitin kaming talikuran ang aming pananalig sa pamamagitan ng pagputol ng ugnayan nila sa amin. Napagtanto ko na hindi sa hangal at mangmang sila o walang kakayahan sa pagkilatis, kundi ang kalikasan nila ay ang pagkamuhi sa Diyos at paglaban sa Kanya. Noong araw na iyon, pinili kong manampalataya sa Diyos at tahakin ang tamang landas, pero sinubukan pa rin ng aking mga magulang na usigin at kontrahin ako. Iba ang landas ko sa kanila, at hindi ko kayang patuloy na magpapigil sa kanila. Noong gabing iyon, nagbiling-baligtad ako sa kama, hindi makatulog, at patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako at bigyan ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin.
Kinaumagahan, inihatid ako ng aking ama sa paaralan. Matapos sagutan ang mga huling pagsusulit, maaga kong ipinasa ang aking papel, at habang wala ang aking mga kaklase, inempake ko ang aking mga gamit at lumabas para gawin ang aking tungkulin. Sa kasalukuyan, halos sampung taon ko nang ginagawa ang aking tungkulin sa iglesia, at sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagsasanay sa aking tungkulin, unti-unti kong natutuhang kilatisin ang lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon. Unti-unti, nagsimula ko nang isabuhay nang kaunti ang wangis ng tao. Sa tuwing naaalala ko ang karanasang ito, lubos ang pasasalamat ko sa Diyos. Bagaman nananampalataya na ako sa Diyos mula pagkabata, labis akong mangmang at duwag, at kahit alam ko ang tunay na daan, wala akong tapang na panghawakan ito. Sumuko ako sa pamimilit ng aking mga magulang at hindi ko magawa nang maayos na hangarin ang katotohanan at gampanan ang aking tungkulin. Ang Diyos ang palaging gumagabay sa akin, ginagamit ang Kanyang mga salita para gabayan ako tungo sa tamang landas ng buhay. Nagpapasalamat ako sa pagmamahal at pagliligtas ng Diyos.