21. Ang Nasa Likod ng Kabiguan Kong Mangasiwa o Mangumusta
Noong Nobyembre 2023, nahalal ako para maging isang mangangaral. Dahil madalas kong kinukumusta at ginagabayan ang gawain ng lider ng iglesia na si Anna, nalaman kong nagkakaroon siya ng pag-usad sa paggawa ng tungkulin niya, mas mahusay na siya sa pagpapatupad ng gawain kaysa dati, at nagtatamo ng mas magagandang resulta sa gawain niya. Inisip ko na ang sister na ito ay nagdadala ng pasanin sa paggawa ng tungkulin niya at medyo mahusay ang gawaing ginagawa niya, kung kaya medyo panatag ako tungkol sa kanya. Pagkatapos, tumuon lang ako sa pangungumusta at pangangasiwa sa gawain ng ibang lider ng iglesia, at tumigil na sa pangangasiwa at pangungumusta sa gawain ni Anna. Pagkalipas ng ilang panahon, nagsimulang bumaba ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo sa mga iglesia na nasa ilalim ng responsabilidad ko. Nakipagkita ako sa mga lider ng iglesia para alamin kung paano nila nilutas ang mga problema, at nang makatuklas ako ng mga problema, binigyan ko sila ng pagbabahaginan, mga paalala, at tulong. Gayumpaman, dahil may tiwala ako kay Anna, hindi ko pinuntahan at inalam ang tungkol sa gawain niya, at binigyan lang siya ng isang simpleng paalala na ibuod ang mga paglihis at problema sa gawain ng ebanghelyo. Pumayag si Anna noong oras na iyon. Dati ay nagbunga ng mga resulta ang gawaing nasa ilalim ng responsabilidad ni Anna, pero bumaba ang mga resulta niya sa pagkakataong ito, kaya, nang matuklasan ng mga nakakataas na lider na hindi ko pinagtutuunan ang pangungumusta sa gawain ni Anna, pinadalhan nila ako ng isang espesyal na paalala na gumawa ng tunay na pagsusuri sa gawain niya sa lalong madaling panahon. Naisip ko, “Noong isang araw lang ay pinaalalahanan ko siya. Kung pupuntahan at kukumustahin ko ang gawain niya ngayon, iisipin ba niyang wala akong tiwala sa kanya?” Nang maisip ko ito, hindi ko pinuntahan at kinumusta ang gawain niya. Ang resulta, pagkalipas ng ilang panahon, palaging bumababa ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo na nasa ilalim ng responsabilidad ni Anna. Noong talagang inalam ko ang tungkol sa gawain niya ay saka ko lang natuklasan na ipinapatupad lang ni Anna ang gawain sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga utos, at na hindi lang talaga siya lumulutas ng mga tunay na problema, at hindi nalulutas ang mga problema at paghihirap na hinaharap ng mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo. Naapektuhan nito ang gawain ng ebanghelyo. Sa pagkakataong ito ko lang napagtanto na mismong ako ay hindi talaga gumagawa ng anumang tunay na gawain, at nakadama ako ng kaunting paninisi sa sarili sa puso ko. Nakipagkita ako kay Anna para magbahaginan sa kanya, at ipinaalam ko ang mga problema niya. Pagkatapos, nakita kong binabago ni Anna ang mga bagay-bagay at nakagawa na siya ng ilang kongkretong gawain, kaya hindi ko ibinuod at pinagnilayan ang sarili kong mga problema.
Noong Abril 2024, isinaayos ng mga nakakataas na lider na maging responsable ako sa gawain ng ebanghelyo ng dalawa pang iglesia. Pagkatapos mangumusta nang ilang panahon, natuklasan ko na ang lider ng isang iglesia na si Martha ay medyo mahusay ang kakayahan, naipapatupad niya ang hinihinging gawain nang nasa oras, at nakakatuklas siya ng mga problema kapag ibinubuod ang gawain niya. Ang resulta, naging maganda ang opinyon ko sa kanya, at nadama kong mas kaya niyang gumawa ng tunay na gawain kaysa sa ibang lider ng iglesia. Nang makita kong medyo maganda ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo na saklaw ng responsabilidad na Martha, lalo ko pa siyang pinagkatiwalaan, at bihirang-bihira akong magtanong nang detalyado tungkol sa gawain niya. Noong Hunyo, medyo bumaba ang mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo sa iglesia na nasa ilalim ng responsabilidad ni Martha. Noong panahong iyon, nakipagkita ako sa kanya para malaman ang sitwasyon, at natuklasan ko na namumuhay siya sa mga paghihirap dahil nagkakaroon ng mga problema ang internet kapag sinusubukan niyang ipatupad ang gawain, at na hindi na siya nagdadala ng pasanin sa paggawa ng tungkulin niya. Ipinaalam ko ang mga problema niya, at ibinahagi ko sa kanya kung paano aasa sa Diyos para magawa ang tungkulin niya kapag nahaharap siya sa ganitong uri ng paghihirap; hindi niya puwedeng antalahin ang gawain. Makalipas ang isang linggo, ipinaalala sa akin ng kapareha kong sister na si Wilma na dapat kong kumustahin at alamin ang sitwasyon ng gawain ni Martha. Naisip ko, “Ilang araw pa lang ang nakakaraan mula nang makipagbahaginan ako sa kanya—malamang ay nasa kalagitnaan siya ng pagbabago sa mga bagay-bagay. May kaunting kapabilidad siya sa gawain, kaya hindi magkakaroon ng anumang malaking problema,” kaya hindi ako nakipagkita sa kanya. Pagkalipas ng ilang araw, nang muli akong paalalahanan ni Wilma, saka ko lang sinubukan at isinaayos na makipagkita kay Martha para alamin ang tungkol sa gawain niya. Gayumpaman, hindi ko pa rin naisasaayos ang pulong. Palagi niyang sinasabi na may mga problema ang internet, o na abala pa siya. Noong panahong iyon, hindi ko ito masyadong pinag-isipan. Inisip ko na basta’t gumagawa siya ng gawain, ayos na iyon. Hindi ko inasahan na pagkalipas ng dalawang linggo, lubhang bababa ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo sa iglesia na nasa ilalim ng responsabilidad ni Martha. Saka lang ako nasabik na malaman ang dahilan, at natuklasan ko na ang diyakono ng ebanghelyo at ilang manggagawa ng ebanghelyo ay abala lang sa mga personal na bagay at hindi nangangaral ng ebanghelyo. Dahil dito, namumuhay si Martha sa pagiging negatibo at hindi siya nakikipagbahaginan para lutasin ang mga problema nang napapanahon. Nangangahulugan itong nababawasan nang nababawasan ang pasaning dinadala ng mga manggagawa ng ebanghelyo, at hindi talaga nila ginagawa ang tungkulin nila. Natigilan ako nang makita ang ganoon kalubhang mga problema sa saklaw ng responsabilidad ng sister ko. Mayroon akong hindi matatakasang pananagutan sa paglitaw ng mga problemang ito: Ang lahat ng iyon ay dulot ng kabiguan kong kumustahin ang gawain ng sister ko nang napapanahon. Sobra akong nalungkot, at umiiyak na nagdasal sa Diyos, “Mahal kong Diyos, gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero tingnan Mo ang gulong nagawa ko rito. Pakiramdam ko ay talagang hindi ako karapat-dapat na gawin ang tungkuling ito. Nawa ay akayin at patnubayan Mo ako na matuto ng mga aral mula sa bagay na ito, para malaman ko kung ano ang susunod na dapat kong gawin para magawa nang maayos ang tungkuling ito.”
Minsan, pumunta ang mga nakakataas na lider para magdaos ng isang pagtitipon kasama kami, at binasa namin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na partikular na tungkol sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi kailanman nag-uusisa ang mga huwad na lider tungkol sa mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at tapos na ang usapin, at na pagkatapos ay puwede nang asikasuhin ng superbisor ang lahat ng gawain nang siya lang. Kaya paminsan-minsan lang nagdaraos ng mga pagtitipon ang mga huwad na lider, at hindi nila pinangangasiwaan o kinukumusta ang gawain, at kumikilos sila na parang mga boss na hindi nakikialam. Kung may isang tao na nag-uulat ng problema sa isang superbisor, sasabihin ng isang huwad na lider, ‘Maliit na problema lang iyon, ayos lang. Kaya na ninyong asikasuhin iyan nang kayo lang. Huwag ninyo akong tanungin.’ Sasabihin ng taong nag-ulat ng isyu, ‘Tamad na matakaw ang superbisor na iyon. Nakatuon lang siya sa pagkain at paglilibang, at lubhang napakatamad niya. Ayaw niyang magtiis ng kahit kaunting hirap sa tungkulin niya, at palagi siyang mapanlinlang na nagpapabaya at gumagawa ng mga dahilan para makaiwas sa kanyang gawain at mga responsabilidad. Hindi siya angkop na maging isang superbisor.’ Sasagot ang huwad na lider, ‘Magaling siya noong pinili siyang maging superbisor. Hindi totoo ang sinasabi mo, o kahit pa totoo ito, pansamantalang pagpapamalas lang ito.’ Hindi susubukan ng huwad na lider na alamin pa ang tungkol sa sitwasyon ng superbisor, sa halip, huhusgahan at tutukuyin niya ang usapin batay sa kanyang mga nakaraang impresyon sa superbisor na iyon. Sino man ang nag-uulat ng mga problema tungkol sa superbisor, hindi siya papansinin ng huwad na lider. Hindi gumagawa ang superbisor ng aktuwal na gawain, at halos huminto na ang gawain ng iglesia, ngunit walang pakialam ang huwad na lider, para bang hindi man lang siya sangkot dito. Nakakasuklam na nga na nagbubulag-bulagan siya kapag may tao na nagsusumbong ng tungkol sa mga isyu ng superbisor. Ngunit ano ang pinakakasuklam-suklam sa lahat? Kapag nag-uulat sa kanya ang mga tao ng talagang mabibigat na isyu tungkol sa superbisor, hindi niya susubukang ayusin ang mga ito, at makakaisip pa nga siya ng lahat ng uri ng mga dahilan: ‘Kilala ko ang superbisor na ito, talagang nananampalataya siya sa Diyos, hindi siya magkakaroon ng anumang problema kahit kailan. Kahit na mayroon nga siyang maliit na isyu, poprotektahan at didisiplinahin siya ng Diyos. Kung makagawa siya ng anumang mga pagkakamali, nasa kanila na ng Diyos iyon—hindi natin kailangang mag-alala tungkol dito.’ Gumagawa ang mga huwad na lider ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon sa ganitong paraan. … may nakamamatay na kapintasan ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano ibinubunyag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit dapat silang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Ang mga huwad na lider ay masyadong mayabang at nag-aakalang mas matuwid sa iba, hindi ba? Ang iniisip nila ay, ‘Hindi puwedeng nagkamali ako sa paghusga sa tao na ito, wala dapat na maging anumang problema sa taong ito na natukoy ko na angkop; siguradong hindi siya isang tao na nagpapakasasa sa pagkain, pag-inom, at paglilibang, o mahilig sa kaginhawahan at namumuhi sa mahirap na gawain. Siya ay lubos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Eksperto ka ba? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Mayroon ka bang natatanging kasanayan na iyon? Maaaring makasama mo ang isang tao nang isa o dalawang taon, pero magagawa mo kayang makita kung sino talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kalikasang diwa niya? Kung hindi siya ibinunyag ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasang diwa mayroon siya. At gaano pa kaya ito katotoo kung madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-bastang nagtitiwala sa isang tao ang mga huwad na lider batay sa isang pansamantalang impresyon o sa positibong pagtingin ng isang tao sa kanya, at nangangahas silang ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa gayong tao. Sa bagay na ito, hindi ba’t lubha silang nagiging bulag? Hindi ba’t kumikilos sila nang walang ingat? At kapag ganito sila gumawa, hindi ba’t lubhang nagiging iresponsable ang mga huwad na lider?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3)). Nang maharap sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakaramdam ng labis na pagkabalisa ang puso ko. Inilantad ng Diyos na gumagawa ang isang huwad na lider nang umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at madaling nagtitiwala sa mga tao. Kapag nakikita niyang gumaganap nang maayos ang isang tao nang ilang panahon, iniisip niya agad na lahat ng tungkol sa taong iyon ay mabuti at palaging magiging mabuti. Kahit na sabihin ng iba na may problema sa taong ito, itatanggi niya ito sa puso niya, at hindi niya seryosong pangangasiwaan at kukumustahin ang gawain ng taong ito. Naisip ko kung paanong noong panahong iyon, ganitong-ganito rin na pikit-mata akong nagtiwala sa mga tao noong ginawa ko ang tungkulin ko. Nakita ko na kayang gumawa ni Anna ng ilang tunay na gawain at medyo mahusay ang paggawa niya, kaya hindi ko kinumusta o sinuri ang gawain niya, at kahit nang paalalahanan ako ng mga nakakataas na lider, hindi ko ito sineryoso. Pinagkatiwalaan ko pa rin si Anna sa puso ko, iniisip na gagawin niya ang gawain. Samakatwid, saglit ko lang siyang pinaalalahanang ibuod ang mga problema sa gawain ng ebanghelyo nang hindi partikular na kinukumusta ang gawain niya. Hindi ko inasahan na kapag gumagawa si Anna, ipinapasa lang niya ang mga salita at hindi niya nilulutas ang mga tunay na problema. Nangangahulugan ito na bumababa ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo. Ang lahat ng ito ay ang kinahinatnan ng pikit-mata kong pagtitiwala kay Anna at hindi pangungumusta sa gawain niya. Kalaunan, ganoon din ako noong kinukumusta ang gawain ni Martha. Inisip kong may kaunti siyang kapabilidad sa gawain at kaya niyang gumawa ng ilang tunay na gawain, kung kaya ang laki ng tiwala ko sa kanya. Bihira kong itanong ang tungkol sa mga detalye kung paano niya ginawa ang tungkulin niya, at hindi ko kinumusta o pinangasiwaan ang gawain niya. Nang paalalahanan ako ng kapareha kong sister, hindi ko ito pinakinggan, at hindi ko kinumusta ang gawain ni Martha. Ang resulta, hindi agad nalutas ang mga problema ng mga kapatid niya, at namuhay siya sa pagiging negatibo, na nakaapekto sa gawain. Sinabi ng Diyos na dapat ay madalas na kumustahin ng mga lider at manggagawa ang gawain, alamin ang tungkol sa mga kalagayan at paghihirap ng mga kapatid nila, magkaroon ng pag-arok sa mga problema at paglihis na umiiral sa tungkulin ng lahat, at personal ding bumisita para alamin at gabayan ang gawain, agad na nilulutas ang mga problema kapag natutuklasan ang mga iyon. Ito ang responsabilidad na nararapat tuparin ng mga lider at manggagawa: tanging ang paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan ang naayon sa layunin ng Diyos. Gayumpaman, palagi akong namumuhay sa pag-asa sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, pikit-matang nagtitiwala sa mga tao. Naniwala akong kaya nina Anna at Martha na gumawa ng ilang tunay na gawain at hindi nila kailangan ng pangangasiwa at pagsusuri, kung kaya bihira kong partikular na kumustahin ang gawain nila. Hindi ba’t ang pag-uugali ko ay pag-uugali ng isang huwad na lider? Hindi ko nakikilatis ang diwa ng mga tao, pero palagi akong nagtitiwala nang basta-basta sa mga tao, hindi ko kinukumusta ang gawain nila. Talagang napakabulag ko! Napakamapagmataas! Nang maunawaan ko ito, sa sobrang pagkabalisa ng puso ko ay parang sinasaksak ito. Iresponsable ang pagturing ko sa aking tungkulin, pero hindi ako itiniwalag ng Diyos, sa halip ay binigyan ako ng pagkakataong magsisi. Kailangan kong ipagpatuloy ang pagninilay at pag-unawa sa sarili ko.
Isang araw, nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ng mas malinaw na pananaw sa mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Halos lahat ng tao ay itinuturing ang kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’ bilang katotohanan, at nalilihis at nakatali sila rito. Naguguluhan at naiimpluwensiyahan sila nito kapag pumipili o gumagamit sila ng mga tao, at hinahayaan pa nila itong diktahan ang kanilang mga kilos. Dahil dito, maraming lider at manggagawa ang palaging nahihirapan at nag-aalala tuwing sinusuri nila ang gawain ng iglesia at iniaangat at ginagamit ang mga tao. Sa huli, ang tanging magagawa nila ay aliwin ang sarili nila sa mga salitang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Tuwing nagsisiyasat sila o nagtatanung-tanong tungkol sa gawain, iniisip nila na, ‘“Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Dapat akong magtiwala sa aking mga kapatid, tutal naman, sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang mga tao, kaya hindi ako dapat palaging magduda at mangasiwa sa iba.’ Naimpluwensiyahan na sila ng kasabihang ito, hindi ba? Ano ang mga resultang dulot ng impluwensiya ng kasabihang ito? Una sa lahat, kung ang isang tao ay sumasang-ayon sa ideyang ito ng ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,’ sisiyasatin at papatnubayan ba niya ang gawain ng iba? Pangangasiwaan at susubaybayan ba niya ang gawain ng mga tao? Kung nagtitiwala ang taong ito sa lahat ng ginagamit niya at hindi kailanman sinisiyasat o pinapatnubayan ang mga ito sa gawain nila, at hindi sila kailanman pinangangasiwaan, ginagawa ba niya nang tapat ang kanyang tungkulin? Magagawa ba niya nang mahusay ang gawain ng iglesia at makukompleto ang atas ng Diyos? Nagiging tapat ba siya sa atas ng Diyos? Pangalawa, hindi lang ito kabiguang sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, ito ay ayon sa mga pakana at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ni Satanas na para bang ang mga ito ang katotohanan, at pagsunod at pagsasagawa ng mga iyon. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa isang satanikong pilosopiya, hindi ba? Hindi ka isang tao na nagpapasakop sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Ganap na salbahe ka. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay pagsunod sa isang satanikong kasabihan at pagsasagawa nito bilang katotohanan, ay pagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos! Gumagawa ka sa sambahayan ng Diyos, pero ang mga prinsipyo ng iyong mga pagkilos ay mga satanikong lohika at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong nagkakanulo sa Diyos at isang taong labis na hinihiya ang Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyon ang diwa nito? (Iyon nga.) Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong lumaganap sa iglesia ang isa sa maladiyablong kasabihan ni Satanas at ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at inaalalayan mo si Satanas sa pagsasagawa ng mga gawain nito sa iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia. Napakalubha ng diwa ng problemang ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan). Pagkatapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kaya hindi ko kinumusta ang gawain ng dalawang sister na ito ay dahil naimpluwensiyahan ako ng satanikong pilosopiya na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhanin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Dati, noong kinukumusta ko ang gawain, nakita ko na kaya nilang lumutas ng ilang tunay na problema at may partikular na antas sila ng kapabilidad sa gawain, kaya ang laki ng tiwala ko sa kanila. Inakala ko na hindi ko kailangang palaging kumustahin o suriin ang gawain nila at paminsan-minsan ko lang kailangang magtanong nang saglit tungkol sa mga kalagayan at paghihirap nila at ayos na iyon. Dahil hindi ko pinangasiwaan o sinuri ang gawain nila, at hindi ko agad natuklasan ang mga aktuwal na paghihirap nila at nalutas ang mga iyon, naapektuhan ang pag-usad ng gawain. Alam na alam kong responsabilidad kong kumustahin at suriin ang gawain, at na kailangan kong tuklasin at lutasin agad ang mga paghihirap at problema sa gawain. Sa ganitong paraan lang patuloy na uusad ang gawain. Gayumpaman, umasa ako sa kaisipan at pananaw na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhanin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” sa sariling asal at mga kilos ko. Masyado kong tinrato nang walang galang ang tungkulin ko, naging pabasta-basta ako, at hindi nagkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi ko kinumusta o sinuri ang gawain na dapat ay kinumusta o sinuri ko, na nakaapekto sa pag-usad ng gawain ng ebanghelyo. Ang totoo, minsan nang makita kong bumababa ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, o hindi masyadong nagiging maagap ang mga kapatid sa paggawa ng mga tungkulin nila, napagtanto ko na dapat kong kumustahin at suriin ang gawain nila. Gayumpaman, batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ko, inakala kong gagawin nila ito at hindi ko sila kailangang kumustahin, kung kaya ang laki ng tiwala ko sa kanila. Itinuring ko ang pananaw na dapat “Huwag mong pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhanin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” bilang katotohanan, at isinagawa at tinupad iyon bilang gayon; hindi ko ginawa ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo, at nauwing naaantala ko ang gawain nang hindi ko namamalayan. Palagi akong namumuhay nang umaasa sa satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhanin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,” at inisip na kung kukumustahin ko ang gawain nila, wala akong tiwala sa kanila. Hindi ako nagsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang kalikasan nito ay pagtatatwa sa katotohanan. Paglaban ito sa Diyos! Kung patuloy akong mamumuhay ayon sa mga kaisipan at pananaw na ito, hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko, at sa huli ay mabubunyag at matitiwalag lang ako. Nang maisip ko ito, nakadama ako ng panghihinayang at paninisi sa sarili, at patuloy akong lumuha. Humarap ako sa Diyos para magdasal, “Mahal kong Diyos, basta-basta akong nagtiwala sa mga tao at hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, na nag-iwan ng mga pagsalangsang. Handa akong magsisi sa Iyo.” Pagkatapos kong magdasal, napalagay nang husto ang puso ko. Kalaunan, palagi ko nang kinukumusta at sinusuri ang gawain nila, unti-unting nilulutas ang mga problema. Mas maagap na rin ang mga kapatid sa tungkulin nila kaysa sa dati.
Sa mga debosyonal isang umaga, nabasa ko ang isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Sinipi nito ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na bumago sa pananaw ko sa mga bagay-bagay. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Naniniwala ka ba na tama ang pananaw na ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’? Katotohanan ba ang kasabihang ito? Bakit gagamitin niya ang kasabihang ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa paggawa ng kanyang tungkulin? Ano ang problema rito? ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’ ay malinaw na mga salita ng mga walang pananampalataya, mga salitang nagmumula kay Satanas—kaya bakit niya itinuturing na katotohanan ang mga iyon? Bakit hindi niya masabi kung tama o mali ang mga salitang iyon? Malinaw na mga salita ito ng tao, mga salita ng tiwaling sangkatauhan, talagang hindi katotohanan ang mga ito, lubos na salungat ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at hindi dapat magsilbing pamantayan sa mga kilos, pag-asal, at pagsamba sa Diyos ng mga tao. Kaya paano nararapat unawain ang kasabihang ito? Kung talagang may kakayahan ka sa pagkilatis, anong klaseng katotohanang prinsipyo ang dapat mong gamitin bilang kapalit nito para magsilbing prinsipyo mo sa pagsasagawa? Dapat ay ‘isagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong isipan mo.’ Ang kumilos nang buo mong puso, at nang buo mong kaluluwa, at nang buo mong isipan ay ang hindi mapigilan ninuman; ito ay ang pagiging isang puso at isipan, at wala nang iba pa. Ito ang iyong responsabilidad at ang iyong tungkulin, at dapat mong gampanan ito nang maayos, dahil ang paggawa nito ay ganap na natural at makatwiran. Anuman ang mga problemang nakakatagpo mo, dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Pangasiwaan ang mga ito ayon sa nararapat; kung kinakailangan ang pagpupungos, gawin ito, at kung kinakailangan ang pagtatanggal, gawin din ito. Sa madaling salita, kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang prinsipyo? Hindi ba’t ito ang eksaktong kabaligtaran ng pariralang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’? Ano ang ibig sabihin ng huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo? Nangangahulugan ito na kung kinuha mo ang isang tao sa trabaho, hindi mo siya dapat pagdudahan, dapat mong bitawan ang mga renda, huwag siyang pangasiwaan, at hayaan siyang gawin ang gusto niya; at kung pinagdududahan mo siya, hindi mo siya dapat kuhain sa trabaho. Hindi ba’t ito ang ibig sabihin nito? Lubhang mali ito. Ang sangkatauhan ay labis na ginawang tiwali ni Satanas. Ang bawat tao ay may satanikong disposisyon, at may kakayahang ipagkanulo ang Diyos at labanan ang Diyos. Masasabi mong walang sinuman ang mapagkakatiwalaan. Kahit sumumpa pa ang isang tao hanggang sa dulo ng mundo, walang silbi ito dahil pinipigilan ang mga tao ng kanilang tiwaling disposisyon at hindi nila makontrol ang sarili nila. Dapat nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos bago nila malutas ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon, at lubusang malutas ang problema ng kanilang paglaban at pagkakanulo sa Diyos—malutas ang ugat ng mga kasalanan ng mga tao. Ang lahat niyong hindi dumaan sa paghatol at pagdadalisay ng Diyos at nagkamit ng kaligtasan ay hindi mapagkakatiwalaan. Hindi sila karapat-dapat pagkatiwalaan. Samakatwid, kapag ginamit mo ang isang tao, dapat mo siyang pangasiwaan at patnubayan. Gayundin, dapat mo siyang pungusan at dapat madalas kang magbahagi tungkol sa katotohanan, at sa ganitong paraan mo lang makikita nang malinaw kung maaari siyang patuloy na magamit. Kung may ilang tao na kayang tumanggap ng katotohanan, tumanggap ng pagpupungos, magagawang gampanan ang kanilang tungkulin nang tapat, at may patuloy na pag-unlad sa kanilang buhay, kung gayon ang mga taong ito lang ang tunay na magagamit” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan). Pagkatapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kahit ano pa ang kapabilidad sa gawain ng isang tao, kahit gaano pa ang kakayahan niya, alam man niya kung paano gawin ang gawain, o gaano man kalaking bahagi ng katotohanan ang nauunawaan niya, dapat ay palaging makumusta ang gawain niya. Ito ay dahil lahat ng tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas nang sobrang tindi, at ang lahat ay may tendensiyang kumilos nang umaasa sa mga tiwaling disposisyon. Walang tao, kahit sino pa siya, ang maaasahan o mapagkakatiwalaan bago niya matamo ang katotohanan at makamit ang kaligtasan. Bilang mga lider at manggagawa, dapat ay agad nating pangasiwaan at kumustahin ang gawain, alamin ang tungkol sa pag-usad ng gawain, ipaalam ang mga isyu at tumulong kung saan kinakailangan kapag nakatuklas tayo ng mga problema, pungusan ang mga tao sa kaso ng malulubhang problema, at agad na tuklasin at lutasin ang mga problema. Ito lang ang paggawa ng tunay na gawain. Pagkatapos, talagang kinumusta, pinangasiwaan, at sinuri ko ang gawain ng mga kapatid.
Minsan, kinukumusta at inaalam ko ang tungkol sa gawain ni Martha, at natuklasan kong may isang diyakono ng ebanghelyo na hindi gumagawa ng tunay na gawain at kailangang tanggalin. Kaya tinanggal namin ni Martha ang diyakono. Pagkatapos ng pagtatanggal, kailangan naming magdaos ng espesyal na halalan para sa posisyon ng diyakono, at hiningi ko kay Martha na mamuno, nakikipagbahaginan sa kanya kung paano partikular na gagawin ang susunod na gawain. Naisip ko, “Nagawa na niya dati ang mga gampaning ito. Nakipagbahaginan na rin ako sa kanya ngayon tungkol sa mga iyon, kaya siguradong gagawin niya nang maayos ang mga iyon. Hindi ko na siya kailangang higit na pangasiwaan.” Sa pagkakataong ito, napagtanto ko na hindi tama ang mga kaisipan ko. Naisip ko noong pikit-mata akong nagtiwala sa mga tao at hindi ko sinuri o kinumusta ang gawain nila, na nagresulta ng malubhang epekto sa gawain. Hindi ko puwedeng hayaang lumitaw ulit ang dati kong problema. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Kapag hindi pa nakakamit ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Ano ang ibig sabihin ng hindi sila mapagkakatiwalaan? Ang ibig sabihin nito ay na kapag nahaharap sila sa mga paghihirap o balakid, malamang na mabuwal sila, at maging negatibo at mahina. Mapagkakatiwalaan ba ang isang taong madalas maging negatibo at mahina? Talagang hindi. Ngunit iba ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan ay malamang na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at pusong nagpapasakop sa Diyos, at ang mga tao lamang na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong mapagkakatiwalaan; ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso ay hindi mapagkakatiwalaan. Paano dapat harapin ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso? Siyempre, dapat silang bigyan ng mapagmahal na tulong at suporta. Dapat silang subaybayan nang mas madalas habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at mas tulungan at turuan; saka lamang magagarantiyahan na magagawa nila nang epektibo ang kanilang tungkulin. At ano ang layon ng paggawa nito? Ang pangunahing layon ay ang itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pangalawa rito ay para agad na matukoy ang mga problema, para agad silang matustusan, masuportahan, o mapungusan, na itinatama ang kanilang mga paglihis, at pinupunan ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan. Kapaki-pakinabang ito sa mga tao; walang mapaminsala dito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, hindi na ako naglakas-loob na magtiwala sa sarili ko. Dali-dali akong nakipagkita kay Martha para alamin ang sitwasyon tungkol sa espesyal na halalan para sa diyakono. Ang resulta, natuklasan kong abala siya sa ibang gawain at ipinagpaliban niya ang espesyal na halalan. Kalaunan, inilantad ko siya dahil sa hindi pagdadala ng pasanin sa tungkulin niya at sa pag-antala sa gawain, at dali-dali niyang idinaos ang espesyal na halalan. Pagkatapos, talagang inalam ko ang tungkol sa ibang gampaning responsabilidad ni Martha at natuklasan ko rin ang ilang problema sa mga iyon. Agad akong nakipagbahaginan para lutasin ang mga problemang ito, at pagkalipas ng ilang panahon, nagpakita ng kaunting pag-usad ang gawain ng iglesia. Nang magsagawa ako nang ganito, lalo pang napalagay ang puso ko.
Sa panahon ng pagdanas na ito, malinaw kong nakita na ang ideyang itinanim ni Satanas sa mga tao na dapat “Huwag mong pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhanin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” ay mali at katawa-tawa. Higit pa rito, mapanlaban ito sa katotohanan. Naunawaan ko rin kung paano mangasiwa at mangumusta ng gawain ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Salamat sa Diyos!