23. Dapat Bang Buong-pasasalamat na Suklian ang Kabutihang Natanggap?
Noong taong 2015, isinaayos ng mga lider na gumawa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Noong panahong iyon, pinungusan ng mga lider ang lider ng pangkat na si Cheng Nuo dahil sa pagpapakita ng masamang saloobin sa paggawa ng tungkulin niya. Naniwala siyang isinaayos ng mga lider na pumunta ako dahil gusto nilang palitan ko siya, kaya ginawa niyang mahirap ang mga bagay-bagay para sa akin sa bawat pagkakataon. Madalas, sa mga pagtitipon, kinukuwestiyon niya ako tungkol sa mga problemang nauugnay sa mga sermon. Kung hindi ako makakasagot, kukutyain ako ni Cheng Nuo, sasabihing, “Hindi ba’t may kaunting kakayahan ka? Bakit pa ba isasaayos ng mga lider na pumunta ka?” Habang pinakikinggan ko siya, napipigilan nang husto ang puso ko. Ang bawat pagtitipon ay isang pahirap. Dahil masama ang kalagayan ko, hindi ako nagkakaroon ng anumang ideya kapag sinusuri ko ang mga sermon, at hindi ko masangkapan ang sarili ko ng mga prinsipyo. Pakiramdam ko ay napakahirap gawin ng tungkuling ito, at na hindi ko ito kayang gawin. Nagdadalamhati ang puso ko, at gusto ko nang umuwi. Nang mismong nasa pinakamababa ang kalagayan ko, nakita ng kapareha kong sister na si Yang Guang na masama ang kalagayan ko at matiyaga siyang nakipagbahaginan sa akin at tumulong sa akin. Hinikayat din niya akong huwag sukuan ang pagkakataong magawa ang tungkulin ko, at sinabing puwede kong ibahagi at talakayin sa kanya ang anumang hindi ko nauunawaan, at puwede kaming magtulungan. Maraming ibinahagi sa akin si Yang Guang, at gumaang ang pakiramdam at mas nabigyang-liwanag ang puso ko. Nagkaroon din ako ng determinasyong ipagpatuloy ang paggawa ng tungkulin ko. Kalaunan, gumugol ako ng oras at pagsisikap sa pagsasangkap sa sarili ko ng mga prinsipyo, at hiningi kay Yang Guang na makipagbahaginan sa akin tungkol sa anumang hindi ko nauunawaan. Unti-unti, nakatukoy ako ng ilang landas sa paggawa ng tungkulin ko at sobrang nagpapasalamat ako kay Yang Guang. Kalaunan, natanggal si Cheng Nuo at inirekomenda ako ng mga kapatid ko para maging lider ng pangkat. Nangangambang hindi ko makakaya ang gampanin, gusto ko itong tanggihan, pero hinikayat ulit ako ni Yang Guang, sinasabing sama-sama naming tatalakayin ng ibang miyembro ng pangkat ang anumang hindi ko kayang gawin, at na tutulungan din niya ako. Samakatwid, tinanggap ko ang tungkulin ng lider ng pangkat. Sa panahong ito, madalas na tinatalakay sa akin ni Yang Guang ang landas para gawin ang tungkulin ko, at umuusad ang gawain nang napakaayos. Sobra akong nagpapasalamat kay Yang Guang, at pakiramdam ko ay kailangan kong tandaan ang pabor na ito sa puso ko. Kung sa hinaharap ay magkakaroon siya ng anumang problema, kailangan kong gawin ang pinakamakakaya ko para tulungan siya. Hindi ako puwedeng mawalan ng utang na loob.
Pagkalipas ng ilang panahon, umuwi si Yang Guang para bumisita, pero hindi pumayag ang anak niya na umalis siya para muling gawin ang tungkulin niya. Sinabi pa nga nitong kapag matanda na siya, hindi siya nito aalagaan, kung kaya’t napigilan si Yang Guang. Palagi siyang namumuhay sa isang negatibong kalagayan, at hindi nagdadala ng pasanin sa paggawa ng tungkulin niya. Nakipagbahaginan ako sa kanya at ilang beses siyang tinulungan, pero hindi pa rin talaga niya binago ang mga bagay-bagay. Kalaunan, dumating ang isang sulat mula sa mga lider, sinasabing malubha nang nahahadlangan ng kalagayan ni Yang Guang ang gawain, at kung hindi niya ito babaguhin agad ay dapat siyang tanggalin. Nang mabasa ko ang sulat, nabalisa ako nang husto. Naisip ko kung paano ako natulungan nang malaki ni Yang Guang kapag may mga paghihirap ako, kaya kailangan ko siyang bigyan ng malaking tulong sa sandaling ito. Pagkatapos, hinanap ko si Yang Guang at nakipagbahaginan sa kanya. Sinabi niyang medyo mabuti na ang kalagayan niya, at medyo gumaan ang pakiramdam ko. Sa isa pang pagkakataon, may ilang hawak na sermon si Yang Guang na agarang nangangailangan ng pagsusuri, pero pagkalipas ng kalahating buwan, hindi pa rin niya natatapos suriin ang mga iyon. Nakita ko na wala ang puso at isip ni Yang Guang sa tungkulin niya, at na kung magpapatuloy ito, maaantala ang gawain. Naisip kong magsaayos ng ibang tao para gumawa nito, pero pagkatapos ay naisip ko rin, “Kung masusuri ni Yang Guang ang mga sermon, maituturing iyong pagkakamit niya ng ilang resulta sa paggawa ng tungkulin niya at hindi siya maitatalaga sa ibang tungkulin. Kailangan ko siyang alalayan sa pagkakataong ito.” Pagkatapos ay pumunta ako para makipagbahaginan kay Yang Guang at hingin sa kanyang baguhin ang saloobin niya sa tungkulin niya at suriin ang mga sermon nang may pagmamadali. Gayumpaman, lumipas ang ilan pang araw at wala pa ring pag-usad. Tinanong ko sa kanya ang tungkol sa partikular na dahilan, pero hindi siya sumagot nang matapat. Napagtanto kong hindi ko puwedeng patuloy na hingin sa kanyang asikasuhin ang mga sermon, at dali-daling nagsaayos ng ibang tao para gumawa nito. Nang makita kong naantala na ang gawain, nakadama ako ng matinding paninisi sa sarili. Alam kong kailangang tanggalin si Yang Guang dahil sa palagiang kawalan niya ng abilidad na baguhin ang kalagayan niya, pero pagkatapos ay naisip ko, “Sa simula pa lang ay hindi na maganda ang kalagayan niya. Ano ang mangyayari kung, matapos siyang matanggal, hindi niya maranasang makaalis dito?” Hindi ko ito kayang gawin; gulong-gulo ang puso ko. Noong panahong iyon, nagkataon na kailangan ng mga tao para sa isa pang gampanin, kung kaya’t isinaayos ko na si Yang Guang ang pumunta at gumawa nito. Pagkatapos, wala akong anumang naging balita sa kanya.
Makalipas ang isang taon, nahalal ako bilang isang lider sa iglesia. Minsan, binabasa ko ang isang ulat ng gawain at nalaman kong masyadong pasibo si Yang Guang sa paggawa ng tungkulin niya, madalas na umuuwi at ipinapasa ang lahat ng gawain niya sa kapareha niya. Dagdag pa rito, may mga panganib sa sariling kaligtasan ni Yang Guang, at hindi ligtas na patuloy siyang magpabalik-balik. Nabigyan na siya ng pagbabahaginan tungkol dito, pero hindi niya ito tinanggap. Sa sandaling mabasa ko na pareho ng dati ang pag-uugali ni Yang Guang, at hindi talaga nagbago, naisip kong talakayin sa sister na kapareha ko kung kailangan bang maitalaga si Yang Guang sa ibang tungkulin. Gayumpaman, agad ko ring naisip kung paanong napakalaki ng naitulong ni Yang Guang sa akin sa pinakamadilim na sandali ko, pero ngayon ay gusto ko siyang tanggalin sa sandaling naging lider ako. Kung matutuklasan niya, hindi ba’t sasabihin niyang wala akong konsensiya, na wala akong utang na loob? Kapag nagkita kami sa hinaharap, wala akong mukhang maihaharap sa kanya. Samakatwid, ayaw ko nang banggitin ang usapin sa kapareha kong sister. Pagkatapos, nang makita ko si Yang Guang, nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa kalikasan at mga kahihinatnan ng paggawa sa tungkulin niya sa ganitong paraan, at binalaan siya na kung hindi niya babaguhin ang mga bagay-bagay ay matatanggal siya. Sa harapan ko, agad na sumang-ayon si Yang Guang. Gayumpaman, hindi ko inasahan na makalipas ang wala pang isang buwan, nagpadala ng sulat ang sister na kapareha ni Yang Guang para sabihin na malaki pa rin ang tendensiya niyang bitiwan ang tungkulin niya, at malubha na nitong nahadlangan ang gawain. Sa puso ko, nakadama ako ng matinding paninisi sa sarili. Kung agad ko siyang tinanggal, hindi sana niya maaantala ang gawain nang isa pang buwan. Napagtanto kong hindi pabago-bago ang pag-uugali ni Yang Guang, at hindi mababago sa pamamagitan lang ng pagtulong sa kanya nang ilang beses, at nagpasya akong tanggalin siya.
Pagkatapos, pinagnilayan ko ang sarili ko. Bakit ba hindi ko mapangasiwaan nang ayon sa mga prinsipyo ang anumang isyung may kaugnayan kay Yang Guang? Nakabasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa kung paano sila umasal at mangasiwa ng mga bagay, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng mga bagay-bagay para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pag-aasikaso ng mga usapin ng mga ugnayan at damdamin. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng mga damdamin. Kapag namatay ang di-nananampalatayang kamag-anak ng gayong tao, iiyak siya nang tatlong araw at hindi pumapayag na ilibing ang bangkay. May mga damdamin pa rin siya para sa namatay at masyadong matindi ang kanyang mga damdamin. Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Pinipigilan siya ng kanyang mga damdamin sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na siya ay malamang na maghimagsik laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya siyang sirain at ipahamak ng kanyang mga damdamin. Ang mga taong sobrang sentimental ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Sila ay abala sa laman at sila ay hangal at magulo ang pag-iisip. Kalikasan ng gayong klase ng tao ang maging labis na sentimental, at namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). “Ano ang nagbibigay-katangian sa mga damdamin? Tiyak na hindi ang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga ugnayan ng laman at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagtatanggol sa maling gawa, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga damdamin. Ang ilang tao ay masyadong nagpapahalaga sa mga damdamin, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga damdamin; sa kanilang puso, alam na alam nilang mali ito, gayumpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhetibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging napipigilan ng mga damdamin ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito! Ang kawalan ng abilidad ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga damdamin; itinuturing nila ang mga damdamin bilang napakahalaga, inuuna nila ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga ugnayan ng laman, at pagkiling; ito ang mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Inilalantad ng Diyos na ang mga napakasentimental na tao ay napipigilan ng mga damdamin sa lahat ng bagay. Hindi nila kayang isagawa ang katotohanan at hindi kayang gawin ang mga bagay-bagay nang ayon sa prinsipyo. Kahit na sa mga puso nila, alam na alam nilang hindi tama ang ginagawa nila, hindi pa rin nila kayang pangasiwaan nang walang kinikilingan ang gawain nila. Napakasentimental kong tao, at naibunyag ko ang mga damdamin ko sa mga pakikisalamuha ko kay Yang Guang. Noong kasisimula ko pa lang gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, madalas akong namumuhay sa pagiging negatibo at naiisip na talikuran ang tungkulin ko. Si Yang Guang ang paulit-ulit na matiyagang tumulong sa akin para magkaroon ako ng pananalig na gawin ang tungkulin ko. Nadama kong naging mabuti siya sa akin at pinakitaan niya ako ng kabutihan. Pagkatapos kong maging lider ng pangkat, nakita ko na palaging namumuhay si Yang Guang sa gitna ng pagmamahal niya sa pamilya niya, na nakahahadlang sa gawain. Gayumpaman, hindi ko siya tinanggal, bagkus ay pinrotektahan pa nga siya. Hindi ko iniulat sa mga lider ang tunay niyang sitwasyon, at binigyan siya ng sunod-sunod na pagkakataon para makapagpatuloy siya sa paggawa ng mga tungkulin. Ang resulta, naantala nito ang gawain. Pagkatapos kong maging lider sa iglesia, nakita kong palaging hindi nagdadala ng pasanin si Yang Guang sa tungkulin niya at dapat na matanggal siya, pero inalala ko ang kabutihang ipinakita niya sa akin. Nang maisip ko ang tulong na ibinigay niya sa akin, hindi ko makayang tanggalin siya, at patuloy ko siyang pinrotektahan batay sa mga damdamin. Patuloy kong binigyan si Yang Guang ng sunod-sunod na pagkakataon, pero nagdulot ito ng pagkagambala at pagkakagulo sa gawain. Napagtanto ko na ang pagkilos batay sa mga damdamin ay magreresulta lang sa paglaban ko sa Diyos at pagkakanulo ko sa Diyos. Sinisi ko nang matindi ang sarili ko dahil sa pag-uugali ko, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pamumuhay sa mga damdamin ng laman at sa hindi pagpoprotekta sa gawain ng iglesia. Nagdasal ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos! Ayaw ko nang kumilos batay sa mga damdamin. Dapat akong magsagawa ayon sa mga prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia. Nawa ay akayin Mo ako para maisagawa ko ang katotohanan.” Pagkatapos, tinalakay ko ang usapin sa kapareha kong sister at tinanggal si Yang Guang. Noon lang ako napalagay sa puso ko.
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tradisyonal na ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Ang ideya na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian ay isa sa mga klasikong pamantayan sa tradisyonal na kultura ng Tsino para husgahan kung ang moral na pag-asal ng isang tao ay mabuti ba o masama. Kapag kinikilatis kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti o masama, at kung ano ang kalagayan ng kanyang moral na pag-asal, isa sa mga pinagbabatayan ay kung sinusuklian ba niya ang mga pabor o tulong na natatanggap niya—kung siya ba ay isang tao na buong-pasasalamat na sinusuklian ang kabutihang natanggap o hindi. Sa tradisyonal na kultura ng Tsina, at sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, itinuturing ito ng mga tao bilang mahalagang pamantayan ng moralidad. Kung hindi nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian, at siya ay walang utang na loob, kung gayon, siya ay itinuturing na walang konsensiya at hindi nararapat na makaugnayan, at dapat siyang kasuklaman, itaboy, at tanggihan ng lahat. Sa kabilang banda, kung nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—kung siya ay tumatanaw ng utang na loob at sinusuklian ang mga pabor at tulong na natatanggap niya sa abot ng kanyang makakaya—itinuturing siya na isang taong may konsensiya at pagkatao. Kung ang isang tao ay nakatatanggap ng mga pakinabang o tulong mula sa ibang tao, pero hindi niya ito sinusuklian, o nagpapahayag lang siya ng kaunting pasasalamat dito sa simpleng ‘salamat’ at wala nang iba pa, ano ang iisipin ng ibang taong iyon? Mababahala kaya siya tungkol dito? Iisipin ba niya, ‘Ang taong iyon ay hindi nararapat na tulungan, hindi siya mabuting tao. Kung ganoon ang reaksiyon niya kahit labis ko siyang tinulungan, wala siyang konsensiya o pagkatao, at hindi nararapat na makaugnayan’? Kung muli niyang makasasalamuha ang ganitong uri ng tao, tutulungan pa rin ba niya ito? Hindi niya ito gugustuhin man lang. Sa katulad na mga sitwasyon, hindi ba ninyo pag-iisipan kung dapat ba kayong tumulong o hindi? Ang aral na matututuhan ninyo mula sa dati ninyong karanasan ay, ‘Hindi ko puwedeng tulungan ang kung sino lang—kailangan nilang maunawaan na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung sila ang tipong walang utang na loob na hindi ako susuklian sa tulong na ibinigay ko sa kanila, mas mabuti pang huwag na akong tumulong.’ Hindi ba’t iyon ang magiging pananaw ninyo sa usaping ito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (7)). “Bago mo naunawaan ang katotohanan, namuhay ka ayon sa iyong konsensiya at kahit sino pa ang nagkaloob ng kabutihan sa iyo o tumulong sa iyo, kahit pa masasamang tao o mga sanggano sila, talagang susuklian mo sila, at pakiramdam mo ay kailangan mong humarap sa panganib para sa iyong mga kaibigan at isapanganib pa ang iyong buhay para sa kanila. Ang mga lalaki ay dapat na magpaalipin sa kanilang mga tagapangalaga bilang kabayaran, habang ang mga babae ay dapat na magpakasal at mag-anak para sa kanila—ito ang ideyang itinatanim ng tradisyonal na kultura sa mga tao, inuutusan silang buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap. Ang resulta, iniisip ng mga tao na, ‘Tanging ang mga taong nagsusukli sa kabutihan ang may konsensiya, at kung hindi sila nagsusukli sa kabutihan, tiyak na wala silang konsensiya at hindi sila makatao.’ Matibay na nakatanim ang ideyang ito sa puso ng mga tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (7)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na noong palagi kong inaalala ang kabutihang ipinakita sa akin ni Yang Guang at hindi siya tinatanggal, nagagapos ako ng tradisyonal na kultural na ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Noong napakabata ko pa, madalas kong naririnig na sinasabi ng lola ko, “Sa sarili mong asal, kailangan mong maunawaan ang pasasalamat. Kailangan mong malaman na ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.’ Kung hindi mo alam na dapat mong suklian ang kabutihan, magiging isa kang taong walang utang na loob, at walang sinumang magkakagustong makisalamuha sa iyo.” Sa ganitong paraan umasal ang nanay ko. Natatandaan ko na noong may sakit ang nakababatang kapatid kong lalaki, nagastos namin ang lahat ng ipon ng pamilya namin. Ang lahat ng tao sa nayon namin ay lumikom ng mga pondo para tulungan ang pamilya namin. Tinandaan ng nanay ko ang kabutihan ng ibang taganayon, at sa anihan ng taglagas kada taon, nagmamadali siyang tapusin ang gawain ng pamilya namin para makapunta at makatulong siya sa ibang taganayon sa gawain ng mga ito. Sinasabi ng lahat ng tao sa nayon namin na may mabuting pagkatao ang nanay ko at karapat-dapat na pakisamahan. Noong panahong iyon, madalas sabihin sa akin ng nanay ko na tinulungan kami ng ibang taganayon noong nasa kagipitan kami, kung kaya’t kailangan naming maging mapagpasalamat. Sa tuwing nasa kagipitan ang sinuman, dapat kaming mag-alok ng tulong, at talagang hindi puwedeng wala kaming konsensiya. Unti-unti, nabahiran nito ang pag-iisip ko at naniwala na rin ako na ang mga tao lang na nakauunawa sa “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ang mabubuting tao, at na kung may isang taong hindi nakauunawa sa kahalagahan ng pagsusukli sa kabutihan, wala siyang konsensiya at hindi siya karapat-dapat pakisamahan. Pagkatapos kong magsimulang sumampalataya sa Diyos, tinulungan at sinuportahan ako ni Yang Guang sa maraming pagkakataon sa tuwing nagkakaroon ako ng mga paghihirap, o nagiging negatibo at mahina ako. Ang resulta, naisip kong kailangan kong suklian ang kabutihang ito kung kaya, nang kailangan ko siyang tanggalin, pinrotektahan ko siya nang labag sa mga prinsipyo. Binigyan ko siya ng sunod-sunod na pagkakataon, at ang resulta, naantala ko ang gawain ng iglesia. Nasuklian ko ang kabutihan, pero nagulo ang gawain ng iglesia. Namumuhay ako sa tradisyonal na kultural na ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” at hindi ako naglapat ng kahit katiting na prinsipyo sa paraan ng pag-asal ko o sa paraan ng paggawa ko sa mga bagay-bagay. Napagtanto ko na ang pananaw na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay hindi isang positibong bagay, at hindi nakaayon sa katotohanan.
Nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ng mas malinaw na pananaw sa pagiging nakalilinlang ng ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Sabi ng Diyos: “Ang mga pahayag sa wastong asal gaya ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’ ay hindi eksaktong sinasabi sa mga tao kung ano ang mga responsabilidad nila sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa halip, paraan ang mga ito upang pigilan ang mga tao at puwersahang humingi sa kanila para kumilos at mag-isip sila sa partikular na paraan, gusto man nila o hindi, at kahit ano pa ang sitwasyon o konteksto ng pagsapit sa kanila ng mga kabutihang ito. Maraming halimbawang katulad nito mula sa sinaunang Tsina. Halimbawa, ang isang nagugutom na pulubing batang lalaki ay inampon ng isang pamilya na nagpakain, nagbihis, nagsanay sa kanya sa martial arts, at nagturo sa kanya ng lahat ng uri ng kaalaman. Naghintay ang pamilya na lumaki siya, at pagkatapos ay sinimulang gamitin siya bilang mapagkakakitaan, pinalalabas siya para gumawa ng masama, pumatay ng mga tao, at gumawa ng mga bagay na ayaw niyang gawin. Kung titingnan mo ang kuwento niya batay sa lahat ng pabor na natanggap niya, kung gayon ay mabuting bagay ang pagkakaligtas sa kanya. Pero kung iisipin mo ang mga napilitan siyang gawin kalaunan, mabuti ba talaga ito o masama? (Masama ito.) Pero sa ilalim ng pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura gaya ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,’ hindi nakikita ng mga tao ang pagkakaiba nito. Sa panlabas, mukhang walang pagpipilian ang batang lalaki kundi gumawa ng masasamang bagay at manakit ng mga tao, maging mamamatay-tao—mga bagay na hindi gugustuhing gawin ng karamihan. Ngunit hindi ba’t ang katunayang ginawa niya ang masasamang bagay na ito at pumatay siya ayon sa utos ng kanyang amo, sa kaibuturan, ay nagmumula sa kanyang pagnanais na suklian ang kanyang amo para sa kabutihan nito? Partikular na dahil sa pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura ng Tsina gaya ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,’ hindi mapigilan ng mga taong maimpluwensiyahan at makontrol ng mga ideyang ito. Ang paraan ng kanilang pagkilos, at ang mga layunin at motibasyon sa likod ng mga pagkilos nila ay tiyak na napipigilan ng mga ito. Nang malagay sa ganoong sitwasyon ang batang lalaki, ano kaya ang unang naisip niya? ‘Iniligtas ako ng pamilyang ito, at naging mabuti sila sa akin. Hindi pwedeng hindi ako tumanaw ng utang na loob, dapat kong suklian ang kanilang kabutihan. Utang ko ang buhay ko sa kanila, kaya dapat ko itong ilaan sa kanila. Dapat kong gawin ang anumang hinihingi nila sa akin, kahit pa nangangahulugan iyon ng paggawa ng masama at pagpatay ng mga tao. Hindi ko pwedeng isaalang-alang kung tama ba ito o mali, dapat ko lang suklian ang kabutihan nila. Karapat-dapat pa ba akong matawag na tao kung hindi ko gagawin ito?’ Dahil dito, kahit kailan naisin ng pamilya na pumatay siya ng isang tao o gumawa ng masama, ginagawa niya ito nang walang pag-aatubili o pasubali. Kaya, hindi ba’t ang kanyang pag-uugali, mga ikinikilos, at ang kanyang walang pag-aalinlangang pagsunod ay pawang dinidiktahan ng ideya at pananaw na ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’? Hindi ba’t isinasakatuparan niya ang pamantayang iyon ng moralidad? (Oo.) Ano ang nakikita mo mula sa halimbawang ito? Mabuti ba o hindi ang kasabihang ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’? (Hindi, walang prinsipyo rito.) Ang totoo, ang isang taong nagsusukli sa kabutihan ay mayroon namang prinsipyo. Ito ay ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung may gumagawa sa iyo ng kabutihan, dapat mo itong suklian. Kung hindi mo ito magagawa, hindi ka tao at wala kang masasabi kung ikaw ay kokondenahin dahil dito. Ayon sa kasabihan: ‘Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,’ pero sa sitwasyong ito, ang natanggap ng batang lalaki ay hindi munting kabutihan bagkus ay isang kabutihang nagligtas ng buhay niya, kaya mas higit ang dahilan niyang suklian din ito ng buhay. Hindi niya alam kung ano ang mga limitasyon o mga prinsipyo ng pagsusukli sa kabutihan. Naniniwala siya na ang kanyang buhay ay ibinigay sa kanya ng pamilyang iyon, kaya dapat niya itong ilaan sa kanila bilang kapalit, at gawin ang anumang hinihingi nila sa kanya, kasama na ang pagpatay o iba pang paggawa ng kasamaan. Ang ganitong paraan ng pagsusukli sa kabutihan ay walang mga prinsipyo o limitasyon. Naging kasabwat siya ng masasama at sa paggawa nito ay sinira niya ang kanyang sarili. Tama bang suklian niya ang kabutihan sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Kahangalan ang ganitong pagsasagawa ng mga bagay-bagay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (7)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na sa sandaling mataniman ni Satanas ang mga tao ng ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” walang pakundangan nilang sinusuklian ang kabutihang ito, sa kabila ng lahat, at hindi alintana ang tama at mali. Kumikilos sila nang walang prinsipyo, at nang walang anumang pahiwatig ng huling pagsasaalang-alang sa konsensiya nila. Namumuhay ako ayon sa ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Para masuklian si Yang Guang sa tulong na ibinigay niya sa akin, bukod sa nabigo akong tanggalin siya, tinulungan ko pa siya at binigyan siya ng sunod-sunod na pagkakataon kahit na malinaw kong nalalaman na hindi siya angkop sa paggawa ng mga tungkulin. Ang resulta, naantala ang gawain ng iglesia. Naitali at naigapos ako ng ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” at hindi nagkaroon ng abilidad na kilatisin ang tama sa mali. Kumilos ako nang labag sa mga prinsipyo at naantala ko ang gawain ng iglesia. Masyado akong naguluhan! Kung hindi dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, at kung hindi ko ito nakilatis ayon sa mga salita ng Diyos, maniniwala pa rin ako na tama ang nagawa ko, hindi namamalayang napinsala na ako ng tradisyonal na kultura.
Isang araw noong Abril 2023, nagpadala ng liham ang mga lider na humihiling na sumulat ako ng pagsusuri kay Yang Guang. Naisip ko ang sinabi kamakailan ng sister na kapareha ni Yang Guang: na kapag may isinasaayos na mga tungkulin para kay Yang Guang, hindi niya tinatanggap ang mga iyon, at sinabi pa nga niya na ang paghingi sa kanyang gumawa ng mga tungkulin ay pagkakait sa kanya ng kalayaan. Hindi ginagawa ni Yang Guang ang mga tungkulin niya, magpahanggang sa kasalukuyang panahon, bukod pa sa ilan sa pag-uugali niya kapag ginagawa ang tungkulin niya dati. Alam ko na kung isusulat ko ang lahat ng ito, malamang na malamang na mapapaalis si Yang Guang. Kung matutuklasan niyang nagbigay ako ng impormasyon tungkol sa pag-uugali niya, kamumuhian ba niya ako? Iisipin ba niyang hindi ako makatao? Pero kung hindi ko naman ito isusulat, mawawalan ako ng isang pagkakataong maisagawa ang katotohanan. Isa itong pagkakasala sa Diyos. Noong gabing iyon, pabiling-biling ako sa kama, hindi makatulog. Habang naghahanap at nagninilay ako, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Diyos: “Kung minsan, gagamitin ng Diyos ang mga serbisyo ni Satanas upang tulungan ang mga tao, ngunit kailangan nating siguraduhing sa Diyos tayo magpapasalamat sa gayong mga pagkakataon at hindi tayo magsusukli ng kabutihan kay Satanas—ito ay usapin ng prinsipyo. Kapag dumarating ang tukso sa anyo ng isang masamang taong nagkakaloob ng kabutihan, kailangan munang maging malinaw sa iyo kung sino talaga ang tumutulong at umaalalay sa iyo, kung ano ang sarili mong sitwasyon, at kung may ibang landas na puwede mong tahakin. Dapat maging handa kang umangkop sa pagharap sa gayong mga sitwasyon. Kung gusto kang iligtas ng Diyos, kahit kaninong serbisyo pa ang gamitin Niya upang maisakatuparan ito, dapat mo munang pasalamatan ang Diyos at tanggapin ito na mula sa Diyos. Hindi mo dapat idirekta lang sa mga tao ang iyong pasasalamat, lalong huwag mong ialay ang iyong buhay sa isang tao bilang pasasalamat. Isa itong malaking pagkakamali. Ang mahalaga ay mapagpasalamat ang iyong puso sa Diyos, at tinatanggap mo ito mula sa Kanya” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (7)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, biglang nakadama ng pagpapalaya ang puso ko. Noon pa man ay naging mapagpasalamat na ako kay Yang Guang, at naniwala na ang dahilan kung bakit hindi ko tinalikuran ang tungkulin ko noon ay dahil binigyan ako ni Yang Guang ng pagbabahaginan at tulong. Sa puso ko, kailanman ay hindi ko nabitiwan ang kabutihang ito, at ginusto kong suklian siya. Talagang napakahangal at napakabulag ko! Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagtatalaga sa kung anong tungkulin ang puwedeng gawin ng isang tao at kung kailan niya gagawin ang isang partikular na tungkulin. Nang tulungan ako ni Yang Guang, itinalaga at isinaayos iyon ng Diyos. Hindi ko dapat ipinalagay na galing kay Yang Guang ang lahat ng kabutihan. Ang Diyos ang dapat kong pinasalamatan.
Nagbasa pa ako ng mas marami sa mga salita ng Diyos: “Sa totoo lang, suklian mo man siya o hindi, tao ka pa rin at namumuhay pa rin sa balangkas ng normal na pagkatao—walang anumang mababago ang gayong pagsusukli. Hindi sasailalim sa pagbabago ang iyong pagkatao at hindi masusupil ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang sa sinuklian mo siya nang maayos. Gayundin, hindi lalala ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang sa hindi mo siya sinuklian nang maayos. Ang katunayan kung nagsusukli o nagkakaloob ka ng kabutihan o hindi ay wala talagang kaugnayan sa iyong tiwaling disposisyon. Siyempre, may kaugnayan man o wala, para sa Akin, wala talagang ganitong uri ng ‘kabutihan,’ at sana ay ganoon din para sa inyo. Kung gayon ay paano mo ito dapat ituring? Ituring lang ninyo itong isang obligasyon at isang responsabilidad, at isang bagay na dapat gawin ng isang taong may mga likas na gawi ng tao. Dapat ninyo itong ituring bilang inyong responsabilidad at obligasyon bilang isang tao, at gawin ninyo ito sa abot ng inyong makakaya. Iyon lang” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (7)). “Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga namumuhi at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Pagkatapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na wala talagang “kabutihan” sa Diyos. Hindi mo dapat suklian ang mga kabutihan sa mga tao na tumulong sa iyo nang walang pagsasaalang-alang sa pinakamahalagang punto. Sa halip, dapat mong tuparin ang mga responsabilidad mo sa abot ng mga abilidad mo, pero hindi mo dapat labagin ang katotohanang prinsipyo. Kung lumalabag ang isang bagay sa katotohanang prinsipyo, dapat ay tumanggi kang gawin ito, at magsagawa ka nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Para naman sa mga taong naghahangad sa katotohanan at handang gawin ang tungkulin nila, kahit na magbunyag pa sila ng katiwalian, dapat mong subukan ang makakaya mo para tulungan sila nang may mapagmahal na puso, basta’t handa silang magsisi at magbago. Hindi mo dapat tingnan kung natulungan ka nila o kung pinakitaan ka nila ng kabutihan. Para naman sa mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, hindi handang gawin ang tungkulin nila, hindi nagsisisi at nagbabago kahit pagkatapos ng paulit-ulit na pagbabahaginan, at patuloy pa ngang gumagawa ng kasamaan, mga pinag-uukulan sila ng pagkamuhi ng Diyos. Dapat din natin silang tanggihan at kamuhian. Para naman kay Yang Guang, malaki ang naitulong ko sa kanya, pero ayaw talaga niyang kumilos. Pagkalipas ng ilang taon, hindi pa rin siya nagpapakita ng kahit katiting na pagbabago. Maraming taon na siyang sumasampalataya sa Diyos, pero hindi niya isinasagawa ang katotohanan at ayaw niyang gawin ang tungkulin niya. Isa siya sa mga hindi mananampalataya na ibinunyag ng gawain ng Diyos. Kailangan kong magsagawa ayon sa mga prinsipyo, mahalin ang minamahal ng Diyos, at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Samakatwid, isinulat ko ang pagsusuri kay Yang Guang. Pagkatapos maipasa ang pagsusuri, napalagay ang puso ko. Kalaunan, napaalis si Yang Guang.
Sa pamamagitan ng mga karanasan ko sa yugto ng panahong ito, nagkamit ako ng kaunting pagkilatis sa tradisyonal na ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” at naranasan ko kung paanong ang paraan ng paghihimay ng Diyos sa mga panlilinlang ng tradisyonal na kultura ay ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan. Kung hindi ko nabasa ang mga salita ng Diyos, palagi pa rin akong mamumuhay ayon sa tradisyonal na ideya na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” at hindi ko alam kung gaano karaming bagay na lumalabag sa katotohanan at lumalaban sa Diyos ang magagawa ko. Ang magawa kong idulot ang maliit na pagbabagong ito ay isang resultang natamo ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!