26. Mga Pagninilay sa Paghahangad ng Katayuan
Sa mga taon ng aking pananalig, pangunahin kong ginawa ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, at kalaunan, karamihan sa mga kapatid ay humanga at tumingala sa akin. Naramdaman kong tunay na biniyayaan ako ng Diyos, at palagi akong masigasig sa aking tungkulin. Pero kung walang pagkukumpara, walang pagkakaiba. Nang makita ko ang mga kapatid na kaedad ko na kasingtagal ko sa pananalig na nagseserbisyo bilang mga lider at superbisor, nagbago ang pag-iisip ko. Naramdaman ko na ang pagiging isang lider o superbisor ay mas tanyag at prominente, at naisip ko kung gaano kainam kung magiging isang lider o superbisor ako balang araw.
Noong Abril 2022, inoorganisa ko ang mga dokumento sa pagpapaalis ng mga tao sa iglesia. Minsan, dumating si Li Wei para pangunahan ang isang pagtitipon para sa amin. Napansin kong halos kaedad ko lang siya, nasa mga tatlumpung taong gulang. Nang malaman kong isa siyang lider ng isang distrito, pareho akong nagulat at nainggit, iniisip na, “Napakabata ni Li Wei at isa na siyang lider ng isang distrito! Kung nahirang siya bilang isang lider, ibig sabihin nito marahil na siya ang may pinakamahusay na kakayahan at na siya ang pinakanaghahangad sa katotohanan sa mga iglesia sa distrito. Malamang sa tinitingala siya ng lahat ng kapatid. Kung ako rin ay magiging isang lider o superbisor gaya niya, siguradong titingalain din ako ng mga kapatid.” Pero nang naisip kong kung paanong, matapos ng lahat ng taon na ito ng pananalig, ang pinakamataas na posisyong narating ko ay ang pagiging isang lider lang ng pangkat, medyo nadismaya ako, iniisip na, “Kung malalaman ng mga kapatid na hindi pa ako kailanman naging isang lider ng iglesia matapos ng lahat ng taon na ito ng pananalig, iisipin ba nilang hindi ako isang tao na naghahangad sa katotohanan? Isinaayos at inorden ng Diyos ang tungkulin ng lahat ng tao, kaya bakit inorden ng Diyos na maging isang lider si Li Wei, habang ang nagagawa ko lang ay ang mga tungkuling nakabatay sa teksto?” Nagkataon na sa panahong iyon, maghahalal ang iglesia ng isang lider. Naisip ko, “Mahigit isang dekada na akong nananampalataya sa Diyos, at sa lahat ng taon na ito, gumagawa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Nauunawaan ko ang ilang katotohanan at kaya kong lutasin ang ilang isyu, kaya hindi rin ba ako maaaring magsanay bilang isang lider ng iglesia?” Umasa akong irerekomenda ako ng iba, pero sa huli, walang nagrekomenda sa akin. Medyo nadismaya ako. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Eh, hindi pa naman ako gaanong nakakasama ng mga tao rito at hindi pa nila ako gaanong kilala. Bukod pa riyan, hindi pa ako kailanman nagsilbi bilang isang lider o manggagawa at wala akong karanasan sa gawain. Kung talagang bibigyan ako ng tungkulin ng isang lider, baka hindi ko ito magawa nang maayos.” Kaya itinigil ko na ang kaisipang iyon.
Noong Enero 2023, dahil sa mga pagtatalaga sa ibang tungkulin, nagsimula akong magsuri ng mga artikulo. Nang nakita ko ang superbisor kong si Li Qing, medyo nainis ako, iniisip na, “Kaedad ko lang si Li Qing. Sabay kaming nagsimulang manampalataya sa Diyos noong kolehiyo, at ilang taon na ang nakalilipas, noong isa akong lider ng pangkat, si Li Qing ay miyembro lang ng pangkat. Pero makalipas lang ang ilang taon, siya na ngayon ang nangangasiwa sa gawaing nakabatay sa teksto, samantalang isa lang akong miyembro ng pangkat. Kapag nakikita ng mga kapatid na napakabata ni Li Qing pero superbisor na siya, malamang sa iniisip nila na mayroon siyang mabuting kakayahan at naghahangad sa katotohanan. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, kaya bakit hindi pa rin ako nagkaroon ng pagkakataong maging isang superbisor? Pakiramdam ko dati na talagang biniyayaan ako ng Diyos dahil gumagawa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Pero kung ikukumpara sa mga kapatid na ito na nakapagseserbisyo bilang mga lider, manggagawa, o superbisor, isa lang akong ordinaryong mananampalataya. Hindi ba’t parang hindi ako naghahangad sa katotohanan? Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, walang titingala sa akin!” Sa pag-iisip ko tungkol dito, nagsimulang lumitaw ang mga reklamo sa loob ko, “Bakit binibiyayaan ng Diyos ang iba pero hindi ako?” Nang ginawa ko ang mga tungkulin ko pagkatapos nito, naging medyo pasibo ako. Nakita ko si Li Qing na nakikipagbahaginan para tugunan ang mga kalagayan ng mga kapatid at lutasin ang mga problema sa gawain, at nang ginawa niya ito, ang lahat ay matamang nakikinig sa kanya, at minsan ay nagtatala pa nga ang mga tao. Dahil sa tanawing ito, ang puso ko ay nabahiran ng pinaghalong selos, inggit, at pagtangging tanggapin ang sitwasyong iyon, at habang nakikipagbahaginan si Li Qing, ayaw kong makinig. Kalaunan, napagtanto kong mali ang aking kalagayan. Nang nakita kong naging superbisor si Li Qing, nagselos ako at hindi ko ito matanggap, at nagreklamo pa nga ako kung bakit hindi ako ginawang superbisor ng Diyos. Hindi ba’t wala akong pagpapasakop sa Diyos dito? Kaya hinanap ko ang katotohanan para lutasin ang aking problema.
Isang araw, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring itumbas sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng tao, ni hindi rin kailanman sasailalim sa anumang pagbabago ang mga bagay na ito—ang Diyos ay magpakailanman na Diyos, at ang tao ay tao magpakailanman. Kung kaya itong unawain ng isang tao, ano, kung gayon, ang dapat niyang gawin? Dapat siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamakatwirang paraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bukod dito, wala nang iba pang landas na maaaring piliin. Kung hindi ka magpapasakop, kung gayon, mapaghimagsik ka, at kung masuwayin ka at nakikipagtalo, napakamapaghimagsik mo, at dapat kang wasakin. Ang magawang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nagpapakitang may katwiran ka; ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao, at tanging ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga nilikha. Halimbawa, sabihin na nating mayroon kang isang maliit na pusa o aso—kalipikado ba ang pusa o asong iyon na igiit sa iyo na ibili mo ito ng iba’t ibang klase ng malalasang pagkain o magagandang laruan? May anumang pusa o aso ba na lubhang wala sa katwiran para humingi sa kanilang mga amo ng kung ano ang gusto nila? (Wala.) At may anumang aso ba na pipiliing hindi makasama ang amo nito matapos makitang mas maganda ang buhay ng aso na nasa kabilang bahay kaysa sa kanya? (Wala.) Ang natural nilang gagawin ay ang isiping, ‘Binibigyan ako ng pagkain at ng matutuluyan ng aking amo, kaya dapat bantayan ko ang bahay para sa aking amo. Kahit pa nga hindi ako bigyan ng amo ko ng pagkain o bigyan ng pagkaing hindi naman masarap, dapat bantayan ko pa rin ang kanyang tahanan.’ Walang ibang labis na ambisyon ang aso maliban sa nararapat nitong gawin. Mabuti man ang amo nito sa kanya o hindi, masayang-masaya na ang aso sa tuwing umuuwi ng bahay ang kanyang amo, palaging ikinakawag ang buntot nito, at talagang masayang-masaya. Naiibigan man siya o hindi ng kanyang amo, ibinibili man siya ng kanyang amo ng malalasang bagay na makakain o hindi, laging ganoon pa rin ang pakikitungo nito sa kanyang amo, at binabantayan pa rin niya ang tahanan nito. Kung pagbabatayan natin ito, hindi ba’t mas masahol ang mga tao kaysa sa mga aso? (Oo.) Palaging hingi nang hingi ang mga tao sa Diyos, at palaging naghihimagsik laban sa Kanya. Ano ang ugat ng problemang ito? Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, hindi nila kayang manatili sa lugar ng mga nilikha, kaya naman nawawala ang likas nilang gawi at nagiging mga Satanas; ang likas nilang gawi ay nagiging isang satanikong likas na gawi para labanan ang Diyos, para itakwil ang katotohanan, para gumawa ng masama, at para hindi magpasakop sa Diyos. Paano ba muling maibabalik ang likas nilang gawi bilang mga tao? Dapat silang magkaroon ng konsensiya at katwiran, para magawa ang mga bagay na nararapat gawin ng isang tao, para magawa ang tungkuling nararapat nilang gawin. Parang kung paanong binabantayan ng isang aso ang isang tahanan, at kung paanong nanghuhuli ng mga daga ang isang pusa—paano man sila tratuhin ng kanilang amo, ginagamit nila ang buong lakas na mayroon sila para gawin ang mga bagay na ito, ibinubuhos nila ang sarili nila sa mga gampaning ito, at nananatili sila sa kanilang lugar at ginagamit nang husto ang likas nilang gawi, kaya naman naiibigan sila ng kanilang amo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Inilalantad ng Diyos na matapos gawing tiwali ang mga tao ni Satanas, nawawalan sila ng konsensiya at katwiran, at napupuno sila ng paghihimagsik laban sa Diyos. Mas malala pa sila kaysa sa mga pusa at aso. Isipin mo na lang ang mga pusa at aso: Pinakakain man sila nang maayos o hindi ng kanilang amo, pinatutulog man sila sa sofa o sa labas sa ilalim ng bubungan, palagi silang nakatuon sa panghuhuli ng mga daga o pagbabantay sa bahay para sa kanilang amo, sinasamantala ang kanilang mga instinto. Kung ikukumpara ito sa aking sarili, bagama’t hindi ko pa nagawa ang tungkulin ng isang lider o manggagawa, natamasa ko pa rin ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, at nang naharap ako sa mga paghihirap at sumandig at umasa ako sa Diyos, natanggap ko ang Kanyang gabay at pamumuno. Hindi nagpakita ng kahit katiting na pagkiling laban sa akin ang Diyos, pero palagi akong humihingi sa Kanya. Nang nakita kong nahirang bilang mga lider o superbisor ang ilang kapatid, nagreklamo ako laban sa Diyos. Pakiramdam ko ay binibiyayaan Niya ang iba pero hindi ako. Na humihingi ako nang ganito sa Diyos ay nagpapakitang wala akong katwiran at naghihimagsik ako laban sa Kanya. Nang mapagtanto ko ito, medyo nahiya ako, at naging handa akong ituon ang aking pansin sa aking tungkulin at gawin ito sa praktikal na paraan.
Makalipas ang dalawang buwan, ang isa pang superbisor, si Brother Chen Yu, ay itinalaga sa ibang tungkulin dahil sa kanyang mahinang kakayahan. Nakita kong lumitaw ang isa pang pagkakataon. Dahil itiniwalag si Chen Yu, siguradong kailangan nilang maghalal ng isang bagong superbisor. Sa mga kapatid na magkakasamang nagtutulungan, pagdating sa kakayahan at kapabilidad sa gawain, bahagya akong namukod-tangi. Mas mataas ang posibilidad na ako ang mahirang bilang superbisor. Naisip ko, “Kailangang kong masunggaban ang pagkakataong ito para makapagpakitang-gilas. Kung mahirang ako at makita ng lahat na ginawa akong superbisor sa ganitong kabatang edad, tiyak na iisipin nilang may mabuti akong kakayahan at naghahangad ako sa katotohanan. Napakamaringal niyon!” Simula noon ay naging napaka-agap ko sa aking tungkulin. Tinitipon ko ang lahat para mag aral ng mga teknik at lumahok din sa mga talakayan para lutasin ang mga problema sa gawain. Minsan, habang ginagawa ang aking tungkulin, dahil sa aking pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, nilabag ko ang mga prinsipyo at ako ay pinungusan. Naisip ko, “Kung kayang tanggapin ng isang tao ang mapungusan ay isang mahalagang pagpapamalas para matukoy kung matatanggap niya ang katotohanan. Kailangan kong maging mas taos-puso sa pagkilala sa aking sarili. Sa ganoong paraan, magkakaroon ng magandang impresyon ang lahat sa akin, at pagkatapos ay mas lalaki ang pagkakataon kong mahirang bilang isang superbisor!” Kaya tumugon ako sa pagsasabing, “Ang pagpupungos mo ay angkop, at handa akong tanggapin ito. Tunay na napakamapagmataas ng aking disposisyon, at kung mapapansin mo ang aking mga problema, pakiusap gabayan mo ako, dahil magiging kapaki-pakinabang ito sa akin.” Hindi nagtagal, kinailangan ng pangkat na pumili ng bagong superbisor, at gaya ng inaasahan, inirekomenda ako ng isang kapatid. Pero bago pa man ang pinakahuling halalan, iniangat ako ng mga lider sa ibang tungkulin. Bagama’t nabigo ang kagustuhan kong maging isang superbisor, napakasaya ko pa ring naiangat ako.
Setyembre 2023 pa, nang nakatanggap ako ng isang liham mula sa mga lider, nang sa wakas ay nagsimula na akong magnilay sa paghahangad ko sa katayuan. Sinabi sa liham na umuwi kamakailan si Superbisor Li Qing para magpatingin sa doktor, pero bago siya umuwi, nagreklamo siya na napakahirap gawin ang kanyang mga tungkulin nang malayo sa kanyang tahanan, at pagkauwi niya, nagpakasal siya sa isang walang pananampalataya makalipas lang nang mahigit isang buwan, at hindi na niya gustong gawin ang kanyang mga tungkulin. Nabigla ako, iniisip na, “Maraming taon nang ginagawa ni Li Qing ang kanyang mga tungkulin nang malayo sa kanyang tahanan, at nagseserbisyo siya bilang isang superbisor, isang napakahalagang trabaho. Paanong bigla na lang niyang binitawan ang kanyang tungkulin at sumama sa isang walang pananampalataya?” Malaki ang naging epekto ng insidenteng ito sa akin. Naging maliwanag sa akin na ang pagkakaroon ng katayuan ay hindi nangangahulugang hinahangad ng isang tao ang katotohanan, ni hindi rin ito nangangahulugang sinasang-ayunan o kinikilala siya ng Diyos. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, dami ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Tinutukoy ng Diyos ang mga kinalalabasan ng mga tao batay sa kung nagtataglay sila ng katotohanan, hindi batay sa kanilang katayuan, kataasan ng puwesto, o sa kung gaano sila nagdusa. Pundamental na hindi ko tinanggap ang mga salita ng Diyos sa aking puso, at hindi ko itinakda ang katotohanan bilang ang layon ng aking paghahangad. Bagaman nakakita na ako ng maraming lider at manggagawa na hindi naghahangad sa katotohanan o gumagawa ng aktuwal na gawain, at na naging mga huwad na lider at natanggal, at bagaman nakita ko ang ilan na inaatake at ibinubukod ang mga tutol dahil sa nagmamatigas nilang paghahangad sa katayuan at nagiging mga anticristo at natitiwalag, hindi pa rin ako nagkaroon ng anumang pagkatanto, at hindi nagsikap na hangarin ang katotohanan. Sa halip, nanatili akong nakatuon sa katayuan. Patuloy kong ginustong hangarin ang katayuan. Talagang hangal at matigas ang kalooban ko! Sa sandaling ito ko lang napagpasiyahan na maayos na hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking problema ng palaging paghahangad sa katayuan.
Kalaunan, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Bakit mo pinahahalagahan nang husto ang katayuan? Ano ang mga kapakinabangang makukuha mo mula sa katayuan? Kung naghatid sa iyo ng kapahamakan, mga paghihirap, kahihiyan, at pasakit ang katayuan, pahahalagahan mo pa rin ba ito? (Hindi.) Napakaraming kapakinabangang nagmumula sa pagkakaroon ng katayuan, mga bagay na tulad ng inggit, paggalang, pagpapahalaga, at pambobola mula sa ibang mga tao, pati na ang kanilang paghanga at pagpipitagan. Nariyan din ang pakiramdam na superyor ka at may pribilehiyo na dulot ng iyong katayuan, na nagbibigay sa iyo ng dangal at pakiramdam ng pagpapahalaga sa sarili. Dagdag pa rito, matatamasa mo rin ang mga bagay-bagay na hindi natatamasa ng iba, tulad ng mga pakinabang ng katayuan at espesyal na pagtrato. Ito ang mga bagay na ni hindi ka nangangahas na isipin, at ang mga inaasam-asam mo sa iyong mga panaginip. Pinahahalagahan mo ba ang mga bagay na ito? Kung hungkag lamang ang katayuan, walang tunay na kabuluhan, at walang tunay na silbi ang pagtatanggol dito, hindi ba kahangalang pahalagahan ito? Kung kaya mong bitiwan ang mga bagay na tulad ng mga interes at tinatamasa ng laman, kung gayon hindi ka na matatali sa kasikatan, pakinabang, at katayuan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kung gayon ay kapag kasama ka niya, may pagpipitaganan siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipag-agawan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, pakikisamahan ka niya bilang kapantay niya, pakikitunguhan ka niya bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, hindi siya gumagalang o rumerespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka niya bago ka pa matapos sa pagsasalita. Magagalit ka ba? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at sinasamba ka sa bawat pagkakataon. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay isang pagnanais na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kapangyarihan? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang layon mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit nainggit ako kina Li Wei bilang isang lider at Li Qing bilang isang superbisor ay dahil talagang nainggit ako sa kung paanong matapos nilang maging lider at superbisor, sinuportahan at hinangaan sila ng iba. Nainggit ako sa pakiramdam ng superyoridad at mga benepisyong kaakibat ng katayuan. Katulad lang noong bago pa ako nanampalataya sa Diyos, nakikita ko ang mga lider sa mundo, at napapansin kong binabati sila ng lahat nang may respeto, na anumang opinyon ang ipahayag nila, susunod at tatalima sa kanila ang kanilang mga tauhan, at na may malakas na pakiramdam sila ng superyoridad sa madla. Inakala kong sa pamumuhay lang nang ganito magiging marangal at matagumpay ang isang tao. Pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, nakita kong naging lider at superbisor sina Li Wei at Li Qing sa murang edad, at naisip kong hinahangaan at kinaiinggitan sila ng lahat ng kapatid, pinupuri sila dahil sa kanilang mabuting kakayahan at paghahangad sa katotohanan, at kaya nanabik akong maging isang lider o manggagawa rin. Sa ganoong paraan, matatanggap ko ang paghanga at inggit ng mga kapatid, at matama silang makikinig sa akin kapag nagsasalita ako sa harap ng madla. Napakarangal at makabuluhan ng gayong klaseng buhay! Nakita ko na ang pagnanais kong maging isang lider o superbisor ay hindi para magdala ng isang mabigat na pasanin at maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, kundi para magkamit ng katayuan at pagkatapos ay magkaroon ng katanyagan sa iba, para magtamasa ng suporta at paghanga ng mga kapatid. Hindi ba’t kapareho ito sa kung paano hinahangad ng mga walang pananampalataya ang mga posisyon ng kapangyarihan at pamumuno? Ang hinahangad ko ay ang pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan. Paano ko makakamtan ang katotohanan at maliligtas sa ganitong paraan?
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Gusto ng Diyos ang mga taong naghahangad sa katotohanan, at ang pinakakinapopootan Niyang ginagawa ng mga tao ay ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Talagang itinatangi ng ilang tao ang katayuan at reputasyon, masyadong mahilig sa mga iyon, hindi maatim na isuko ang mga iyon. Pakiramdam nila palagi ay walang kagalakan o pag-asa sa buhay kapag walang katayuan at reputasyon, na may pag-asa lang sa buhay na ito kapag nabubuhay sila para sa katayuan at reputasyon, at kahit may kaunti silang kabantugan ay patuloy silang makikipaglaban, hinding-hindi sila susuko. Kung ito ang kaisipan at pananaw mo, kung puno ng gayong mga bagay ang puso mo, wala kang kapabilidad na mahalin at hangarin ang katotohanan, wala kang tamang direksyon at mga pakay sa iyong pananalig sa Diyos, at wala kang kapabilidad na hangarin ang pagkakilala sa sarili mo, iwaksi ang katiwalian at isabuhay ang wangis ng tao; sadya mong binabalewala ang mga problema kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, wala kang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad, at nasisiyahan ka lang sa hindi paggawa ng kasamaan, hindi pagsasanhi ng kaguluhan, at hindi mapaalis. Magagawa ba ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan? At maaari ba silang iligtas ng Diyos? Imposible. Kapag kumikilos ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, iniisip mo pa nga na, ‘Hangga’t hindi isang masamang gawa ang ginagawa ko at hindi ito nakakagulo, kahit mali ang motibo ko, walang makakakita niyon o magkokondena sa akin.’ Hindi mo alam na sinisiyasat nang mabuti ng Diyos ang lahat. Kung hindi mo tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, at itinataboy ka ng Diyos, tapos na ang lahat para sa iyo. Iniisip ng lahat ng walang may-takot-sa-Diyos na puso na matalino sila; sa katunayan, ni hindi nila alam kung kailan sila sumalungat sa Kanya. Hindi nakikita nang malinaw ng ilang tao ang mga bagay na ito; iniisip nila, ‘Hinahangad ko lang ang reputasyon at katayuan upang mas marami akong magawa, para makatanggap ako ng higit pang responsabilidad. Hindi ito nakakagambala o nakakagulo sa gawain ng iglesia, at lalong hindi nito pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito malaking problema. Sadyang mahal ko ang katayuan at pinoprotektahan ko ang aking katayuan, pero hindi masamang gawa iyon.’ Sa panlabas, maaaring hindi mukhang masamang gawa ang gayong hangarin, pero saan humahantong iyon sa huli? Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Makakamtan ba nila ang kaligtasan? Talagang hindi. Samakatwid, ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad sa katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad ng katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, ganap itong magkakaroon ng kapabilidad na kontrolin at impluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo ng katayuan, maaapektuhan nito ang abilidad mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya talagang mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng katiwalian ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay antagonistiko sa Diyos? Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao. Kung kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para maghangad ng katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano man kalaki ang halagang bayaran mo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kalalabasan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi ka sa walang kahahantungan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Malinaw na ipinaliwanag ng mga salita ng Diyos ang pinsala at mga kahihinatnan ng paghahangad sa katayuan. Kung palaging nakatuon ang isang tao sa katayuan, kahit pa tila wala siyang ginagawang anumang hayagang paggambala o panggugulo, mahahadlangan pa rin siya nito sa paggawa ng mga tungkulin niya nang maayos, at higit pa roon, maaantala nito ang paghahangad niya ng disposisyonal na pagbabago at pagliligtas. Sa pagninilay sa sarili kong pag-uugali, nakita ko na bagaman tila wala akong ginagawang anumang nakagagambala o nakagugulo sa gawain ng iglesia, ang puso ko ay palaging okupado ng pagnanais para sa katayuan. Nang nakita kong naging isang lider si Li Wei at naging isang superbisor si Li Qing, nawalan ng balanse ang aking puso, at nakadama ako ng pagkadismaya at pagkainis dahil hindi ako naiangat. Nagreklamo rin ako na binibiyayaan ng Diyos ang iba pero hindi ako. Nang nakita kong naging isang superbisor si Li Qing habang ako ay isa pa lang miyembro ng pangkat sa partikular, nagselos ako, tumangging tumanggap, at ayaw makinig sa kanyang pagbabahaginan, at tumigil ako sa pagsasapuso sa aking tungkulin. Pagkatapos maitalaga ni Chen Yu sa ibang tungkulin niya, aktibo kong sinubukang ipresenta ang sarili ko para mahirang bilang isang superbisor. Nang ang aking pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili ay nagdulot sa aking pagkakapungos, nagkunwari akong kilala ko ang aking sarili para isipin ng iba na kaya kong tanggapin ang katotohanan, umaasa na iboboto nila ako sa halalan. Napagtanto ko na ang aking mga layunin at kilos ay pawang para magkamit ng katayuan, at na tinatahak ko ang landas ng isang anticristo! Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na ang pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan para iligtas ang mga tao ay sa pag-asa na maayos na hahangarin ng mga tao ang katotohanan at disposisyonal na pagbabago, na sa huli ay magiging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha, at na iyon ay hindi para maging mga tao sila na may anumang uri ng katanyagan o katayuan. Hindi ko naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Palagi akong hindi kontento sa pagiging isang ordinaryong mananampalataya lang, at hindi ako tumuon sa paghahangad sa katotohanan; palagi kong gustong maghanap ng katayuan para mapahanga at mapasamba ang iba sa akin. Ganap na salungat ito sa mga layunin ng Diyos. Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi kailanman magbabago ang aking buhay disposisyon, hindi ko kailanman gagawin ang mga tungkulin ko sa isang paraan na pasok sa pamantayan, at sa huli, hahantong lang ako sa pagkakatiwalag.
Kalaunan, sa pagninilay, napagtanto ko na ang palagi kong paghahangad sa katayuan ay nag-ugat sa isang maling pananaw sa loob ko. Inakala ko na ang mga lider at superbisor ay ang mga pinakanaghangad sa katotohanan sa isang grupo, at na dahil palagi lang akong isang ordinaryong mananampalataya, at hindi kailanman naging isang lider o superbisor, ibig sabihin nito na hindi ko hinangad ang katotohanan, at na hindi ako sinang-ayunan ng Diyos. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pagkilatis sa nakalilinlang na pananaw na ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pag-aangat at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na iniangat na siya, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, mas nagliwanag ang aking puso. Ang mahirang bilang isang lider o superbisor ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan, ni hindi rin ibig sabihin nito na nasa tamang landas siya ng paghahangad sa katotohanan. Ibig sabihin lang nito na ang taong ito ay handang maghangad, nagtataglay ng kaunting kakayahan, at nakatutugon sa mga kundisyon para mapili at magamit ng sambahayan ng Diyos, kaya binibigyan siya ng pagkakataon ng iglesia na mas magsanay pa. Gayumpaman, kung sa huli ay makatatahak ang taong ito sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at kung matatamo ba niya ang katotohanan at makapapasok sa realidad ay nakasalalay sa kung tunay ba siyang naghahangad sa katotohanan at kung anong landas ang kanyang tinatahak. Kunin nating halimbawa si Li Qing. Noong una ay nahirang siyang superbisor dahil may pagpapahalaga siya sa pasanin sa kanyang mga tungkulin, pero nang naging superbisor na siya, hindi na siya tumuon sa paghahangad sa katotohanan at nagsimulang magsaya sa mga pakinabang ng katayuan. Bihira niyang pag-usapan ang tungkol sa mga tiwaling disposisyong ibinubunyag niya sa kanyang mga tungkulin, o kung paano niya hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Nasiyahan siyang malagay sa posisyon ng isang superbisor at mag-utos ng gawain, at nilasap niya ang paghanga at pag-endorso ng mga tao. Nang nagkasakit siya, naisip niyang napakahirap gawin ang mga tungkulin niya nang malayo sa kanyang tahanan, kaya kalaunan, isinuko niya ang kanyang mga tungkulin, umuwi, at nagpakasal. Naalala ko rin kamakailan nang naaresto ang isang lider na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos. Sa takot na masesentensiyahan siya at hindi niya magagawang maiwan ang kanyang mga anak, nilagdaan niya ang “Tatlong Pahayag” at ipinagkanulo ang Diyos. Mula sa mga katunayang ito, nakita ko na ang pagkakaroon ng katayuan ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan o may mga katotohanang realidad, lalong hindi na ang isang tao ay sinasang-ayunan o kinikilala ng Diyos. Ang paghahangad sa katotohanan ay ang tanging landas sa pagkakaligtas at pagkakaperpekto, at kahit walang katayuan, basta’t ang isang tao ay taimtim na naghahangad sa katotohanan at ginagawa ang kanyang mga tungkulin, matatanggap pa rin niya ang kaliwanagan at paggabay ng Diyos, mauunawaan ang katotohanan, at makapapasok sa realidad. Pagkatapos, nagnilay ako, “Bakit hindi ako nahirang bilang isang lider o superbisor matapos ng lahat nitong taon na ito ng pananampalataya sa Diyos? Ano nga ba talaga ang kulang sa akin?” Ang pagiging isang lider o superbisor ay nangangailangan na ang isang tao ay may kakayahang maarok ang katotohanan, maarok ang mga prinsipyo sa mga tungkulin, at magtaglay ng pagpapahalaga sa pasanin at kapabilidad sa gawain Bagaman may kaunti akong abilidad na makaarok ng mga salita ng Diyos, napansin kong nadadaig ako ng aking laman, na wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking mga tungkulin, at na mahina ang kapabilidad ko sa gawain. Kapag masyadong maraming gawain, natataranta ako at hindi ko maarok ang mahahalagang punto, at hindi rin ako magaling sa pagtukoy at paglutas ng mga problema. Base sa mga pag-uugali kong ito, tunay ngang hindi ako angkop na maging isang lider o superbisor. Bukod pa rito, sa panahong ito ng pagninilay-nilay, nakita ko na sa lahat ng taon ng aking pananalig, patuloy kong hinahangad ang reputasyon at katayuan, at na hindi talaga ako isang taong naghahangad sa katotohanan. Kahit maging sa puntong ito, wala akong anumang katotohanang realidad at hindi ko kayang magbahagi ng katotohanan para lutasin ang mga tunay na problema ng mga kapatid. Kaya talagang angkop na hindi ako mahirang bilang isang lider o superbisor. Sa pagsasaayos sa akin ng iglesia na gawin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, binibiyayaan at itinataas ako ng Diyos, at dapat ko Siyang pasalamatan.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at mas naunawaan ko ang Kanyang mga layunin at hinihingi. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking pagsisikap, ni gumampan ng anumang dakilang gawain. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matatag kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang iyong naunawaan, isakatuparan mo ang iyong naintindihan, tandaan mong mabuti ang iyong narinig, at kapag dumating ang panahon ng pagsasagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. … Sumusunod ka sa Diyos, pero siyempre, ito ay dahil hinirang ka rin ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang baguhin ka at gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na tunay na sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, at nagagawang sundan ang daan ng Diyos; isang taong iwinaksi ang kanyang satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Magkakasundong Pagtutulungan). Ang mga salita ng Diyos ay puno ng mga paalala, pagpapalakas ng loob, at babala, at ang lahat ng ito ay taos-pusong payo mula sa kaibuturan ng puso ng Diyos para sa mga tao. Labis akong naantig. Hinihirang ng Diyos ang mga tao para sumunod sa Kanya sa pag-asang hahangarin nila ang katotohanan at disposisyonal na pagbabago, magpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at kontento at tapat na gagawin ang kanilang mga tungkulin nang maayos. Sa ganitong paraan, malulugod ang Diyos. Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi makukompleto ng iisang tao lang, kinakailangan nito ang mga lider at manggagawa para pangasiwaan ang gawain, gayundin ang mga kapatid para gawin ang mga partikular na gampanin. Sa gayon lang makauusad nang normal ang gawain ng iglesia. Ang pagtatalaga sa akin ng iglesia para gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto ay batay sa komprehensibong pagsusuri sa aking mga talento, pagkatao, at kakayahan, at dapat magpasakop ako at gawin ko nang maayos ang aking tungkulin. Ito ang katwiran na dapat kong taglayin. Pagkaunawa ko sa mga bagay na ito, naramdaman kong mas napalaya at napanatag ako, at kapag nakikita ko ang mga kapatid na kaedad ko o mas bata pa, o na sandali pa lang nananampalataya sa Diyos kaysa sa akin na nagiging mga lider o superbisor, hindi na ako naghihinanakit, ni hindi na rin ako nanlulumo o nadidismaya sa hindi ko pagkakatalaga bilang isang lider o manggagawa. Ngayon, mas pinagtutuunan ko ng pansin ang mga tiwaling disposisyon na aking ibinubunyag, at sa aking mga debosyonal, hinahanap ko ang katotohanan para malutas ang mga tiwaling disposisyong ito. Mas pinagtutuunan ko rin ang pagsusumikap sa aking mga tungkulin. Aktibo kong ipinahahayag at tinatalakay ang anumang mga problemang nakikita ko sa gawain, at pinagtutuunan ko kung paano makikipagtulungan sa aking mga kapatid para magawa namin nang maayos ang aming mga tungkulin. Dahil naitama ang aking pag-iisip, makalipas ang ilang panahon, nagkamit ako ng kaunting tagumpay sa parehong buhay pagpasok ko at sa mga tungkulin ko. Salamat sa Diyos!