29. Hindi Ko Na Iniiwasan ang mga Paghihirap

Ni Liu Jie, Tsina

Noong Agosto 2023, isa akong lider sa isang iglesia. Noong ika-29, dumating ang isang liham mula sa mga nakatataas na lider. Nakasaad dito na dalawang kalapit na iglesia ang pinuntirya ng mga pag-aresto ng CCP sa mga nakaraang araw, at maraming mga kapatid ang inaresto. Tinanong nila kung alam ko ba ang tungkol sa sitwasyon doon. Nang matapos kong basahin ang liham, nagulat ako, “Paanong muling naaresto ang napakaraming kapatid? Malamang ay ipinadala ng mga lider ang liham na ito para makita kung makakapunta ako at maaasikaso ko ang kinahinatnan. Bagaman hindi ko nauunawaan ang sitwasyon doon, mayroon akong ilang karanasan dati sa pag-asikaso ng kinahinatnan. Kung pupunta ako, magagawa ko ang gampanin. Higit pa rito, dahil napakaraming kapatid mula sa mga iglesia roon ang naaresto, magiging mahirap makahanap ng mga taong mag-aasikaso sa kinahinatnan.” Pero may isa pa akong naisip, “Napakadelikadong harapin ang kinahinatnan. Hinahanap ako ng mga pulis. Kung pupunta ako, baka maaresto rin ako. Sa anumang kaso, hindi ko talaga nauunawaan kung ano ang nangyayari sa mga iglesiang iyon, at bukod pa rito, hindi isinaayos ng mga lider na pumunta ako. Mas mabuti nang huwag akong magboluntaryo para sa gampanin.” Samakatwid, sumagot ako na sinasabing hindi pa ako kailanman nakapunta roon at hindi ko nauunawaan ang sitwasyon. Hindi ko inaasahan na sa sandaling maipadala ko ang liham na iyon, isa pang liham ang dumating mula sa mga nakatataas na lider. Nakasaad dito na dapat akong pumunta sa dalawang iglesiang iyon para harapin ang kinahinatnan. Nagpasa rin ang mga lider ng isang listahan ng labimpitong tao na naaresto. Naaresto ang lahat ng lider ng iglesia at ang mga taong gumagampan ng ilang mahahalagang tungkulin. Sa liham, nagbahagi rin sa akin ang mga nakatataas na lider ng ilang landas para harapin ang kinahinatnan, hiniling sa akin na hanapin si Sister Zhou Na roon at makipagtulungan sa kanya, at hinimok akong magdasal nang madalas sa Diyos at lubos na bigyang-pansin ang aking seguridad. Lubhang hindi mapanatag ang puso ko nang mabasa ko ito. Naisip ko kung paanong napakaraming kapatid mula sa mga iglesiang ito ang naaresto, kaya masyadong kakaunti ang mga taong kayang mag-asikaso ng kinahinatnan. Mayroon akong kaunting karanasan sa bagay na ito at angkop akong gumampan ng tungkuling ito, pero pinili kong manatiling nakatayo sa isang tabi nang walang ginagawa dahil natakot akong maaresto na bunga ng pag-aalala sa sarili kong seguridad, at hindi ako handang gampanan ang gawain maliban na lamang kung ako ay partikular na inatasan. Nang dumating sa akin ang mga bagay-bagay, ang tanging isinaalang-alang ko ay ang sarili kong mga interes—hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia kahit kaunti. Napakamakasarili ko! Samakatwid, sumagot ako sa mga lider na nagsasabing handa kong asikasuhin ang kinahinatnan. Pero naisip ko na, “Naaresto ang karamihan sa mga lider at manggagawa sa dalawang iglesiang ito. Kung hindi kayanin ng ilan sa kanila ang pagpapahirap at maging Hudas, kung pupunta ako, hindi ba’t deretso na lang akong aarestuhin? Hinahanap ako mismo ng CCP, kaya kung maaresto ako, tiyak na mararanasan ko ang mas matinding pagpapahirap kaysa sa iba. Magiging baldado ako kung hindi man ako mamatay dahil sa pambubugbog.” Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng matinding takot sa puso ko. Gayumpaman, tinawag ako ng tungkulin, at hindi ako maaaring maging makasarili at kasuklam-suklam, na sarili lang ang isinasaalang-alang. Kaya nagdasal ako sa Diyos, nagmamakaawang gabayan Niya ako. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa iyong tungkulin at sa dapat mong gawin, at sa mas higit pa roon, sa iniatas ng Diyos at sa iyong obligasyon, gayundin sa mahalagang gawain na labas sa iyong tungkulin ngunit kailangan mong gawin, sa gawain na isinaayos para sa iyo at na pangalan mo ang tinawag para gawin ito—dapat mong bayaran ang halaga, gaano man ito kahirap. Kahit na kailangan mong magsumikap nang husto, kahit na may posibilidad na ikaw ay usigin, at kahit na malagay nito sa panganib ang buhay mo, hindi mo dapat panghinayangan ang ibinayad mo, at sa halip ay ialay mo ang iyong katapatan at magpasakop ka hanggang kamatayan. Sa realidad, ganito ipinamamalas ang paghahangad sa katotohanan, ang tunay na pagsusumikap at pagsasagawa nito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Ang mga salita ng Diyos ang nagpaunawa sa akin na ang tawag ng tungkulin ay pagsubok ng Diyos sa akin. Nais ng Diyos na makita ang saloobin ko sa aking tungkulin, at makita kung mayroon akong pananalig at pagpapasakop sa Kanya. Bagaman mapanganib ang pag-aasikaso ng kinahinatnan, tinawag ako sa pangalan para gampanan ang tungkuling ito. Kailangan kong gampanan nang maayos ang tungkuling ito kahit na binayaran ko ang bawat halaga para rito. Ang pinakamahalagang bagay ay maprotektahan ang mga handog ng Diyos mula sa pagkawala. Naisip ko kung paano ako diniligan at nilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga nagdaang taon. Ngayon, sa mahalagang sandaling ito, kailangan kong protektahan ang gawain ng iglesia. Hindi ako puwedeng magpatuloy na isaalang-alang ang sarili ko at magkubli sa loob ng aking mundo na parang isang pagong. Dahil dito, nagdasal ako sa Diyos. “Mahal kong Diyos, isa akong nilikha, at ganap na likas at may katwiran na magpasakop sa Iyo. Hindi ako dapat magkaroon ng sarili kong mga pasya at kahilingan. Bagama’t mahina ako, handa akong magpakita ng pagsasaalang-alang sa Iyong layunin at hindi magkaroon ng anumang pagsisisi sa aking tungkulin. Nawa’y akayin at gabayan Mo ako.”

Noong Agosto 31, dumating ako sa isa sa mga kalapit na iglesia at nakilala ko si Zhou Na. Narinig kong sinabi ni Zhou Na na nagpadala ng maraming opisyal ng pulis ang CCP para arestuhin ang mga kapatid sa okasyong ito. Ang dalawang lider, ang diyakono ng ebanghelyo, at ang mga host ay naaresto na lahat. Wala nang kahit isang ligtas na tahanan na natira. Naisip ko, “Napakaraming tao ang naaresto. Mukhang matagal na silang sinusundan at minamatyagan ng mga pulis. Talagang labis na mapanganib na gampanan ang mga tungkulin dito!” Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng matinding takot sa puso ko. Sa puso ko, nagdasal ako sa Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Binigyan ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang naghahari at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Maging si Satanas ay nasa mga kamay rin ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man kalupit si Satanas, wala itong anumang magagawa sa akin. Nasa mga kamay ng Diyos kung maaresto man ako o hindi. Kinabukasan, pumunta kami ni Zhou Na para hanapin ang mga taong nangangalaga sa mga handog at mga aytem ng iglesia. Nang may pagkakaisa, nagdasal kami sa Diyos at tinalakay namin kung paano kami magtutulungan. Sa loob ng ilang araw, ligtas naming nailipat ang mga aytem at handog ng iglesia mula roon. Nakita ko ang proteksiyon at pamumuno ng Diyos, at labis akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko.

Kaagad pagkatapos niyon, pumunta kami ni Zhou Na sa kabilang iglesia. Halos lahat ng lider at diyakono ng iglesiang ito ay naaresto. Ang diyakono ng ebanghelyo lamang ang nakatakas sa pag-aresto, at wala pa ngang tahanan kung saan maaari naming ipahinga ang mga binti namin. Wala na kaming ibang magawa kundi isaayos na makipagkita sa diyakono ng ebanghelyo sa isang taniman ng mais o sa mga burol para talakayin ang gawain. Maraming paghihirap sa gawain noong panahong iyon, at hindi namin malulutas ang lahat nang sabay-sabay. Nakaramdam ako ng panghihina sa puso ko, at namuhay ako sa gitna ng mga paghihirap. Nagdasal ako sa Diyos, nagmamakaawang bigyang-liwanag at gabayan Niya ako. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pinakadakilang karunungan ay ang humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo). Biglang lumiwanag ang puso ko, “Oo, dapat akong umasa sa Diyos. May awtoridad at kapangyarihan ang Diyos para kontrolin ang langit at lupa at lahat ng bagay. Kung aasa ako sa Diyos, walang bagay na mahirap maisakatuparan.” Parang isang tali ng buhay sa akin ang mga salita ng Diyos, na nagbibigay sa akin ng pananalig at lakas. Nagsimula kong pag-isipan kung ano ang gagawin ko kung walang ligtas na bahay-tuluyan. Pagkatapos, napagtanto ko na kung makakakuha ako ng isang sister na magpaparenta ng bahay, hindi ba’t magkakaroon kami ng lugar na matutuluyan at mapag-uusapan ang gawain? Agad kong sinabi kay Zhou Na ang tungkol sa ideyang ito. Nagkasundo kaming dalawa at sa mismong araw na iyon ay nagpunta kami para maghanap ng isang sister na mapagbabahaginan tungkol dito. Gayumpaman, may kaunti pa rin akong pag-aalinlangan noong panahong iyon. Masyadong mapanganib ang kapaligiran—sasang-ayon kaya ang sister? Hindi ko inasahan na sasabihin niyang nasa kalagitnaan siya ng pagpaplanong magrenta ng isang bahay para patuluyin kami. Nakakamangha, naisip namin ang parehong ideya. Labis akong naantig. Hinawakan naming dalawa ang kamay ng sister sa pasasalamat, habang kusang tumutulo ang mga luha. Lubos kong naunawaan na ang lahat ng ito ay ang pamumuno ng Diyos. Sa oras ng aking labis na kahinaan, pinakamalaking paghihirap, at pinakamatinding pagdurusa, umasa ako sa Diyos at nakita ko ang kamay ng Diyos; nakita kong pinrotektahan ng Diyos ang sarili Niyang gawain sa pamamagitan ng maagang paghahanda ng isang kandidatong tagapagpatuloy, na nagbigay-daan para kami ay makausad. Hindi ko mapigilang magpasalamat sa Diyos sa puso ko. Pagkatapos, nalaman ko na pagkatapos maaresto ang diyakono ng pangkalahatang usapin na si Lin Xi, gumastos ng kaunting pera ang kanyang anak na lalaki at humingi ng tulong sa isang kakilala para mapalaya siya nang may piyansa. Sinabi ni Lin Xi na pinahirapan siya ng mga pulis. Sinuntok, sinipa, at sinampal siya ng mga pulis, at kinuryente siya gamit ang isang de-kuryenteng baston. Binuhusan din siya ng mustard oil, sinabuyan ng malamig na tubig, at pagkatapos ay pinaso ng mainit na tubig. Matinding pambubugbog ang dinanas niya na napuno ng pasa ang kanyang mukha, at labis na bumaon ang mga posas sa kanyang laman na hindi na ito matanggal. Nabalitaan ko rin na ang lider ng iglesia, si Sister Li Shuang, ay binugbog hanggang hindi na makilala. Nang marining ko ang lahat ng ito, takot na takot ako sa puso ko. Nanghina ang buong katawan ko, at sumakit ang puso ko na para itong sinaksak. Naisip ko na, “Ako ang umaasikaso sa kinahinatnan, kaya minsan kailangan kong personal na ilipat ang mga handog at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Ang paggampan ng tungkulin dito ay parang pagbawi ng mga handog sa harap mismo ng mga pulis. Sa panahong ngayon, may mga camera at CCTV na kahit saan, at pinaghahanap ako. May panganib na maaresto ako anumang oras. Kung maaresto ako habang naglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, paano kaya nila ako pahihirapan? Si Lin Xi ay 78 taong gulang, at malupit pa rin siyang binugbog hanggang sa bingit ng kamatayan. Kung maaresto ako, hindi ko alam kung anong mga pagpapahirap ang gagawin sa akin ng mga pulis. Bubugbugin ba ako hanggang sa mamatay? Hindi ko pa nga alam kung lalabas pa ako nang buhay mula sa kulungan. Kung hindi ko kakayanin ang pagpapahirap at maging Hudas, matatapos na ang buhay ko ng pananampalataya sa Diyos, at mawawalan na ako ng anumang pagkakataon na maligtas.” Habang lalo kong iniisip, lalo akong natakot. Wala nang anumang lakas na natira sa katawan ko, at may kaunti pa akong pagsisisi, “Ngayon, nasa mata na talaga ako ng bagyo. Bakit ba hindi ko pinag-isipang mabuti bago padalos-dalos na tinanggap ang tungkuling ito? Paano ako naging napakahangal?” Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, at nagdasal ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, nabalitaan kong inaresto ng malaking pulang dragon ang maraming lider at manggagawa, binugbog ang mga sister hanggang sa hindi na makilala, at pinahirapan sila sa iba’t ibang pamamaraan. Mahina at takot ang puso ko, at namumuhay ako sa pangamba. Mahal kong Diyos, nagmamakaawa ako na akayin at gabayan Mo ako, at bigyan Mo ako ng pananalig at lakas para hindi ako matakot sa madilim na impluwensiya ng CCP!”

Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang linya ng mga salita ng Diyos: “Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos.” Hinanap ko ang sipi para basahin ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat kang parusahan. Ito ay ganap na likas at may katwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, ipinagkakanulo mo Siya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Hudas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan nilang ang mga atas na ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagtataas at natatanging pabor mula sa Diyos, at na ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang abandonahin. Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang tungkulin ay gawain na ibinigay ng Diyos sa mga tao, at isang responsabilidad na hindi dapat tanggihan ng mga taong may dangal. Kung hindi mo ito matatapos, hindi ka karapat-dapat mabuhay. Naisip ko ang mga banal noong nakalipas na panahon. Para matapos ang ibinigay na gawain ng Diyos, nangaral sila ng ebanghelyo sa lahat ng bahagi ng mundo. Kahit na dumanak pa ang kanilang dugo at ibinuwis nila ang kanilang mga buhay, hindi sila kailanman sumuko sa mga puwersa ni Satanas. Patuloy nilang ipinakalat ang ebanghelyo ng Diyos nang walang pag-aalinlangan o pangamba. Gayumpaman, nang dumating ang tungkuling ito sa akin, hindi ko ito nakita bilang isang marangal na bagay. Sa halip, namuhay ako sa pangamba dahil natakot akong maaresto. Ang tanging isinaalang-alang ko ay ang sarili kong mga interes, pakinabang, at kawalan. Nang dumating sa akin ang panganib, nais ko nang tumakas. Kahit hindi pa naman talaga ako naaresto at napahirapan, nagsimula na akong magsisi sa pagtanggap ng tungkuling ito, at ipinagkanulo ko na ang Diyos sa puso ko. Kumpara sa mga banal noong nakalipas na panahon, talagang nahiya ako! Nagawa nilang magpatotoo nang ganoon kahit hindi nila nabasa ang napakaraming salita ng Diyos pero kahit maraming taon akong nanampalataya sa Diyos at kumain at uminom ng napakaraming salita ng Diyos, sa mahalagang sandali, hindi ko naipakita ang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at hindi ako nagpakita ng katapatan sa paggampan ng aking tungkulin. Walang-wala talaga akong konsensiya at pagkatao!

Nagbasa ako ng mas marami pang salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili. Hindi sila nag-aalala sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga kasunod na gawain. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong lihim na pagkakanulo sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga kasunod na gawain, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanila ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan ng mga anticristo. Napagtanto ko na kapag dumarating sa mga anticristo ang mapanganib na sitwasyon ng mga pag-aresto ng malaking pulang dragon, sinisikap nilang ingatan ang kanilang mga sarili sa bawat pagkakataon. Inuuna nila ang kanilang seguridad at hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Inaabandona pa nga nila ang mga handog ng Diyos para ingatan ang sarili nilang seguridad. Kasabay ng mga salita ng Diyos, ikinumpara ko ito sa kung anong naibunyag ko, at nalaman kong katulad ako ng isang anticristo. Nang marinig ko na pinakilos ng pulisya ang maraming opisyal para sa bugso ng pag-arestong ito, na dumanas ng iba’t ibang uri ng pagpapahirap ang mga kapatid na naaresto, na binugbog si Li Shuang hanggang sa hindi na makilala, at na hindi rin nila pinaligtas ang 78 anyos na si Lin Xi, natakot ako na mapupunta ako sa mga kamay ng mga pulis habang inaasikaso ang kinahinatnan, at magiging baldado ako kung hindi man ako mamatay dahil sa pambubugbog. Kung hindi ko kakayanin ang pagpapahirap at maging Hudas, hindi ako maliligtas. Namuhay ako sa pangamba at takot, at nagsisi pa nga ako sa pagtanggap ng tungkuling ito. Nang dumating sa akin ang panganib, nais ko lang pangalagaan ang sarili ko. Hindi ko isinaalang-alang ang seguridad ng aking mga kapatid, at hindi ko isinaalang-alang kung kakamkamin ba ng malaking pulang dragon ang mga handog ng Diyos. Parang wala na akong pakialam kung sino ang maaresto, basta’t hindi ako mismo ang maaresto. Hindi ko man lang pinangalagaan ang gawain ng iglesia. Talagang napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Naisip ko kung paanong kung mananampalataya kami sa Diyos o gagampanan namin ang anumang tungkulin sa bansa ng malaking pulang dragon, nanganganib kaming maaresto, pero ginagamit ng Diyos ang sitwasyong ito para subukin kami at maperpekto ang aming pananalig. Iyong mga kayang ipagsawalang-bahala ang sarili nilang seguridad sa mga mapanganib na sitwasyon, protektahan ang mga handog ng Diyos, at protektahan ang kanilang mga kapatid ay iyong mga pinangangalagaan ang gawain ng iglesia at mga tapat sa Diyos. Nang maunawaan ko ito, hindi na ako gaanong natakot tulad ng dati, at nagkaroon ako ng pananalig na asikasuhin nang maayos ang kinahinatnan, inililipat ko agad palabas ang mga handog at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos para mabawasan ang mga kawalan.

Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Pagkatapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa pananampalataya sa Diyos, kailangan mong magkaroon ng isang pusong may labis na pagnanais sa Diyos. Naalala ko ang mga banal noong nakalipas na panahon na nagbigay ng kanilang buhay para ipakalat ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Ang ilan ay ipinakaladkad sa mga kabayo, ang ilan ay inihagis sa kumukulong langis, at si Pedro ay ipinako nang pabaligtad sa krus para sa Diyos, na nagpasakop hanggang kamatayan; nagpatotoo sila sa Diyos nang matindi. Labis na makahulugan at mahalaga ang kanilang kamatayan; natatandaan ng Diyos ang kanilang mga kamatayan. Bagaman pininsala at pinatay ni Satanas ang kanilang mga katawan, hindi kailanman namatay ang kanilang mga kaluluwa. Kung, dahil natatakot akong maaresto at mabugbog hanggang mamatay, tatalikuran ko ang tungkulin ko o magiging Hudas at ipagkakanulo ang Diyos, kung gayon ay mamumuhay akong parang naglalakad na bangkay. Sa huli, itatapon ang kaluluwa ko sa impiyerno para magdusa sa walang hanggang parusa. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, nasa Iyo ang huling salita sa buhay at kamatayan ko. Handa akong magpasakop sa Iyong pamamatnugot at mga pagsasaayos. Kung talagang maaaresto ako, may pahintulot Mo ito. Handa akong manindigan sa aking patotoo sa Iyo. Kahit na pahirapan ako ng mga pulis hanggang mamatay, hinding-hindi ako magiging Hudas at ipagkakanulo ang mga interes ng iglesia.” Pagkatapos kong magdasal, lalo akong nagkaroon ng pananalig sa puso ko.

Dahil naaresto ang lahat ng mga lider sa iglesia, hindi talaga namin alam kung ilang mga tahanan ang ginamit ng iglesia para sa pagtatago ng mga aklat. Kalaunan, nagtanong kami sa paligid at nalaman na kailangang ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na itinago ni Sister Hao Yi at ng isa pang sister. Nabalitaan din namin mula sa isang sister na pinalaya na magsasagawa ang mga pulis ng ikalawang bugso ng mga pag-aresto. Kung hindi agad maililipat ang mga aklat, mapupunta ang mga ito sa mga kamay ng malaking pulang dragon. Nakahanap kami ng liblib na lugar para makipagkita kay Hao Yi, pero sinabi niya na may dalawang surveillance camera sa pintuan ng bahay kung saan nakatago ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Natakot siya na baka may mangyaring masama kung susubukan naming ilipat ang mga ito, at ayaw niya talaga kaming payagang subukan ano man ang mangyari Naisip ko na, “May larawan ni Hao Yi ang mga pulis, at hiniling ng mga ito na tukuyin siya ng mga naarestong kapatid. Kung hindi namin ililipat ang mga aklat, kung may mangyari sa kanya, lahat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos ay mapupunta sa mga kamay ng malaking pulang dragon, at labis na mapipinsala ang mga interes ng iglesia. Pero kung maaresto ako habang inililipat ang mga aklat, hindi ba’t bubugbugin lang ako ng mga pulis hanggang mamatay?” Sa puso ko, nakaramdam ako ng kaunting pag-aalala at takot, kaya nagdasal ako sa Diyos. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Oo. Maaaring pinsalain ni Satanas ang katawan, pero hindi nito kayang patayin ang kaluluwa. Kung maaaresto man ako habang inililipat ang mga aklat, magkakaroon ito ng pahintulot ng Diyos. Oras ko na ito para magpatotoo sa Diyos. Hindi ko maaaring hayaang mapunta sa mga kamay ng malaking pulang dragon ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Sinabi ko kay Hao Yi na, “Hindi mo na kailangang masangkot sa paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kami na mismo ang maglilipat sa mga ito.” Sumang-ayon si Hao Yi. Nag-usap kami ni Zhou Na at nagkasundo kung paano ililipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Sinabi ni Zhou Na na, “Napakadelikado ng paglilipat na ito. Pinaghahanap ka—hindi mo dapat ipakita ang mukha mo. Ako na lang ang pupunta mag-isa, para kung maaresto man ako, ako lang ang maaaresto.” Labis akong naantig nang marinig kong sinabi ito ni Zhou Na, at nais kong hayaang siya na lang mismo ang gumawa nito. Pero naalala ko na mahina ang kanyang kalusugan, at malalagay siya sa panganib dahil aabutin ng matagal na oras para mailipat niyang mag-isa ang lahat ng aklat. Hindi ako maaaring magpatuloy sa pagiging makasarili at kasuklam-suklam at pinangangalagaan ang sarili ko. Sinabi ko na, “Mas mabuti kung pareho tayong pupunta. Sa ganoong paraan, mas magiging mabilis ito. Kapag mas maikli ang oras na aabutin, mas ligtas ito.” Kaya naman, nagbalat-kayo kami at maingat na inilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos mula roon. Pagkalipas ng ilang araw, natapos din namin ang paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos mula sa ibang lokasyon. Nakita ko ang kalinga at proteksyon ng Diyos, at labis akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko!

Lubos akong naantig sa pag-asikaso ng kinahinatnang ito. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin para makaalis sa pangamba at takot, unti-unti. Sa aking oras ng pinakamatinding paghihirap at kawalan ng pag-asa, ang Diyos ang nagbukas ng daan para sa akin at nagbigay sa akin ng kaunting tunay na pagkaunawa at karanasan ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kasabay nito, nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong makasarili at ubod ng samang satanikong kalikasan. Napagtanto ko na ang paggampan ng tungkulin ko sa mapanganib na sitwasyon ay nagbubunyag at nagpeperpekto sa akin. Hindi ako umurong sa paggampan ng aking tungkulin sa isang mapanganib na sitwasyon. Ang mga resultang ito ay nakamit lahat sa pamumuno ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  27. Ang Pagkakatuklas na may Isang Taong Nagkanulo sa Diyos Matapos Mahuli at Pahirapan

Sumunod:  30. Paano Ako Tumigil sa Pagkainggit sa mga Taong may Talento

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger