30. Paano Ako Tumigil sa Pagkainggit sa mga Taong may Talento

Ni Rose, Pilipinas

Noong Pebrero 2021, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Isang araw, sinabi sa akin ng nakatataas na lider na may mahusay na kakayahan si Sister Esther at napakamasigasig nito sa mga tungkulin, at na ako ang lilinang dito. Nang marinig kong sinabi ito ng nakatataas na lider, medyo nag-alala ako, iniisip ko na marahil ay malapit nang maging mas mahusay si Sister Esther sa paggampan ng kanyang mga tungkulin kaysa sa akin. Kung mataas ang tingin sa kanya ng lahat ng nakatataas na lider at mga kapatid, baka tuluyan na akong hindi mapansin, at wala nang lalapit sa akin para sa mga usapin ng iglesia sa hinaharap. Kalaunan, bagaman sinabi ko kay Esther kung paano gawin ang gawain ng iglesia, hindi ko ibinahagi sa kanya ang lahat ng aktuwal na detalye ng sitwasyon ng iglesia, at hindi ko siya binigyan ng detalyadong pakikipagbahaginan sa kung paano gagampanan nang maayos ang gawain. Nakita kong masigasig si Esther sa kanyang mga tungkulin. Mabilis niyang sinanay ang kanyang sarili sa gawain, at lalong bumuti ang mga resulta ng kanyang mga tungkulin. Nakatanggap siya ng papuri mula sa mga kapatid, at napansin din ito ng mga nakatataas na lider. Hindi nagtagal, nahalal si Esther bilang isang lider ng iglesia at nagsimulang makipagtulungan sa akin sa gawain ng iglesia. Dahil nasa Gitnang Silangan ako at may pagkakaiba ng oras sa Pilipinas, nahirapan ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa akin, kaya palagi silang nakikipag-ugnayan kay Esther para mag-host ng mga pagtitipon. Nakikita ko siya sa bawat pagtitipon at talagang masigasig siya sa kanyang mga tungkulin. Nakaramdam ako ng labis na inggit sa kanya, at nag-alala ako na baka isipin ng mga kapatid na mas masigasig at mas may kakayahan siya kaysa sa akin, at na kaya niyang gumawa ng mas maraming gawain kaysa sa akin, kaya mas pahahalagahan nila siya kaysa sa akin. Naisip ko na, “Sa hinaharap, hindi ko na maaaring ibahagi sa kanya agad ang ilan sa mga karanasan ko sa gawain ng iglesia. Marami na siyang nauunawaan tungkol sa gawain ng iglesia at ilang katotohanan, kaya kung sasabihin ko pa sa kanya ang lahat ng nauunawaan ko, isang araw, mas mauunawaan na niya ang gawain ng iglesia kaysa sa akin at magagampanan ito nang mas mahusay kaysa sa akin. Pagkatapos, mas papaboran at hahangaan siya ng mga kapatid kaysa sa akin, at mas pahahalagahan din siya ng mga nakatataas na lider at iisipin nilang hindi na ako gaanong karapat-dapat na linangin.” Dahil dito, ayaw ko nang linangin si Esther. Habang lumilipas ang mga araw, mas naging masigasig si Esther sa kanyang mga tungkulin. Mas marami siyang ginawa, at tuwing kasama ko siya, pakiramdam ko ay wala akong kakayahan at napanghihinaan ako ng loob.

Isang beses, dahil maraming baguhan ang sumali sa iglesia, kinailangan naming bumuo ng mas maraming maliliit na grupo ng mga nagtitipon. Magkahiwalay naming ginawa ni Esther ang gampaning ito. Sa panlabas, tila maayos kaming nagtutulungan ng sister, pero hindi ko sinabi sa kanya na kailangang maisaayos agad ang gampaning ito, at nagpakaabala lang ako sa sarili kong gawain. Naisip ko na, “Kung makakabuo ako ng mas maraming grupo at makakapagsaayos ng mas maraming tao na dadalo sa mga pagtitipon, makakatanggap ako ng papuri mula sa mga kapatid.” Nang tanungin ko si Esther tungkol sa pag-usad ng kanyang gawain, sinabi niya sa akin na dahil mabigat ang kanyang trabaho, hindi na niya nagawang asikasuhin ang mas maraming tao na kailangang magtipon. Pero hindi ako nag-alok ng anumang tulong sa kanya. Nang tanungin ako ng mga nakatataas na lider tungkol sa gawain ni Esther, sinabi ko pa nga na nagreklamo siya tungkol sa bigat ng kanyang trabaho. Tila sumang-ayon sa sinabi ko ang mga nakatataas na lider, at tuwang-tuwa ako. Pakiramdam ko ay nabawasan ang halaga ni Esther sa mga mata nila, at na hindi na nila iisiping may mahuhusay siyang kapabilidad sa gawain. Isa pang beses, nang mag-organisa si Esther ng pagtitipon para sa isang grupo, may ilang kuru-kuro ang isang baguhan tungkol sa gawain at sa pagpapakita ng Diyos. Sinabi ni Esther sa akin na hindi niya alam kung paano makikipagbahaginan para malutas ang mga kuru-kurong ito. Alam ko naman talaga kung anong mga katotohanan ang kailangang ibahagi para malutas ang mga ito, pero ayaw kong mas matuto pa siya. Naisip ko na, “Magaling ka na. Kung mas matututo ka pa at malulutas mo ang isyung ito, pupurihin ka ng lahat ng kapatid. Ayaw kong hangaan ka ng lahat. Bagaman pareho tayong mga lider ng iglesia, nauna akong naging lider, at nais kong maging pinakamahusay. Kung malulutas mo ang lahat ng problemang ibibigay sa iyo ng mga tao, iisipin ng mga kapatid na mas epektibo ang gawain mo kaysa sa akin. Paano ako magpapatuloy sa paggawa kung ganoon?” Kaya, hindi ko sinabi sa kanya kung paano lutasin ang problemang ito. Sa halip, sinabi ko na lang sa kanyang tanungin ang mga nakatataas na lider. Naisip ko na sa ganitong paraan, hindi na maiisip ng mga nakatataas na lider na nauunawaan niya ang katotohanan, kaya hindi na mataas ang magiging tingin nila sa kanya. Matapos kong gawin ito, talagang nakaramdam ako ng pagkakonsensiya, pero hindi ko pa rin siya tinulungan. Noong sinabi lang sa akin ng mga nakakataas na lider na tulungan siya, saka ko sinabi sa kanya sa wakas kung paano lutasin ang problemang iyon.

Pakiramdam ko ay talagang naging matigas ang puso ko. Ayaw ko talagang mainggit kay Esther, pero hindi ko makontrol ang sarili ko. Nalungkot ako sa mga kilos ko, at alam kong napakasama ng kalagayan ko. Nang mapagtanto ko ang problema ko, binasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos para pagnilayan at maunawaan ang aking sarili. Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, kung gayon ay iniaalay mo ang iyong katapatan. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapaminsala! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong nabagabag. Napagtanto ko na isa akong taong naiinggit sa mga may talento. Nang atasan ako ng mga nakatataas na lider na linangin si Esther, nakita kong mayroon siyang talento, marunong siyang mag-host ng mga pagtitipon nang maayos, at mahusay ang mga resulta ng kanyang gawain, kaya nainggit ako sa kanya. Natakot ako na mahihigitan niya ako at hahangaan siya ng mga kapatid, at nag-alala ako na pahahalagahan siya ng mga nakatataas na lider, at na dahil dito, hihinto sila sa paglilinang sa akin. Para mapigilan na maitaas ang ranggo ni Esther at malinang siya dahil sa maayos na paggampan niya sa kanyang tungkulin, sinikil ko siya. Alam na alam ko na may mahusay siyang kakayahan pero hindi ko siya nilinang, at hindi ko sinabi sa kanya kung paano magagampanan nang maayos ang gawain ng iglesia. Nais ko lang na ako lamang ang hahangaan. Nang hindi niya malutas ang mga problema ng mga kapatid, kahit na alam ko kung paano lutasin ang mga ito, hindi ko sinabi sa kanya. Sa panlabas, hinihikayat ko siyang tanungin ang mga nakatataas na lider, pero ang totoo, sa paggawa nito, nais kong bigyan ang mga nakatataas na lider ng masamang impresyon tungkol sa kanya, at para isipin nila na hindi niya nauunawaan ang katotohanan at wala siyang abilidad na tuparin ang tungkuling ito. Talagang tuso, mapanlinlang, makasarili, at kasuklam-suklam ako! Bilang isang lider ng iglesia, dapat sana ay nilinang ko ang mga taong may talento nang mahanap ko sila, at ginawa ko ang aking makakaya para matulungan silang magampanan nang maayos ang gawain ng iglesia. Pero hindi ko isinaalang-alang ang layunin ng Diyos, ni hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Nagtrabaho lang ako para sa sarili kong reputasyon at katayuan. Habang namumuhay sa kalagayan ng pagkainggit sa talento, sinikil ko ang mga indibiduwal na may talento at tinanggihan kong linangin si Esther, hinihiling ko pa ngang mabigo siya sa gawain ng iglesia. Sa likod ng mga kilos na ito, ibinubunyag ko ang aking mapaminsalang disposisyon. Tanging ang may mga mapaminsalang disposisyon ang sisikil sa kanilang mga kapatid. Hindi ipapahamak ng mga taong may normal na pagkatao ang kanilang mga kapatid. Sa puntong iyon, napagtanto ko na kumikilos ako sa aking tungkulin ayon sa satanikong disposisyon, at na ito ay kasuklam-suklam sa mga mata ng Diyos. May mahusay na kakayahan si Esther at masigasig siya sa kanyang tungkulin, at sa paglinang sa kanya, magiging mas madali ang paggawa sa gawain ng iglesia, at bubuti ang mga resulta ng lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia. Hindi dapat ako nainggit sa kanya; sa halip, dapat sana ay nilinang ko siya, tinulungan siya sa kanyang gawain, at ginampanan ang gawain ng iglesia nang responsable at masikap. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ayaw ko nang kumilos ayon sa aking satanikong disposisyon. Ayaw ko nang maghimagsik laban sa Iyo o tumutol sa Iyo. Nais kong magsisi sa harap mo, tulungan ang aking sister, at makipagtulungan sa kanya para magampanan nang maayos ang aming mga tungkulin.” Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos. Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng labis na pagkakonsensiya sa puso ko. Sinabi ko sa sarili ko na hindi na dapat ako mainggit kay Esther—ito ay isang tiwaling disposisyon na hindi nakakalugod sa Diyos. Pagkatapos niyon, nagsimula akong aktibong tumulong kay Esther. Araw-araw akong nakipag-ugnayan sa kanya, at unti-unti ko siyang ginabayan kung paano magagampanan nang maayos ang gawain ng iglesia para magkaroon siya ng pag-usad. Tuwing ipinapaalam sa akin ng mga nakatataas na lider ang gawain na kailangang maisakatuparan, tinatalakay ko kay Esther kung paano dapat isagawa ang gawain. Hindi na ako natakot na mahihigitan niya ako, na hahangaan siya ng mga kapatid, at maaagaw sa akin ang atensyon. Magkasundo kaming nagtrabaho ni Esther habang ginagampanan namin nang magkasama ang aming mga tungkulin, at natuklasan ko na maraming gampanin ang naging mas madali, at na bumuti rin ang mga resulta ng gawain ng iglesia.

Kalaunan, pinangangasiwaan ko ang gawain ng ilang iglesia, at itinalaga ng mga nakatataas na lider si Sister Mailyn para gampanan ang kanyang tungkulin sa isang iglesia na pinangangasiwaan ko. Sa una, kakaunti lamang ang sinasabi niya sa mga pagtitipon, at napakatahimik niya, pero kalaunan, mas marami na siyang naibahagi, at napakahusay ng kanyang pakikipagbahaginan. Medyo nainggit ako sa kanya at nag-alala dahil matagal na siyang nananampalataya sa Diyos, mas maraming nauunawaan na katotohanan, maraming alam tungkol sa gawain, at mas maraming karanasan sa gawain. Naisip ko na siguradong pupurihin at hahangaan siya ng mga kapatid. Ayaw kong mangyari iyon. Isang araw, tinalakay ko kay Sister Mailyn ang sitwasyon ng ilang grupong pinangangasiwaan niya, at tinanong ko siya tungkol sa mga dahilan kung bakit hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon ang mga kapatid. Sinabi niya na inaalam pa niya ang usapin, pero kahit marami siyang ginawa, hindi pa rin malinaw sa kanya kung ano ang mali. Nang marinig ko ito, pakiramdam ko ay nagrereklamo siya, iniisip na marami siyang pagkukulang. Nang dumating ang mga nakatataas na lider para magtanong tungkol sa gawain, sinabi ko sa kanila na, “Mahilig magreklamo si Mailyn at hindi siya handang magpursigi sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin.” Ipinadala ko pa nga sa mga lider ang mga screenshot ng pag-uusap namin, nais kong isipin ng mga lider na nagrereklamo siya at hindi handang tanggapin ang payo ng iba. Nais ko ring maliitin siya ng mga lider, mas pahalagahan ako, at isiping mas karapat-dapat akong linangin kaysa sa kanya. Nang maibunyag ko ang mga kaisipang ito, napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos at naghanap ng tulong mula sa Kanya.

Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya itong pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol dito, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan ito at isabotahe ang reputasyon nito—inaapakan pa maging ang pagkatao nito—para maprotektahan niya ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan at kapalaluan, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang mapaminsalang disposisyon. Mapanira at buktot na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanais, ambisyon, at pakay. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi sila mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang gayong mga tao? Wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas magaang na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling reputasyon at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at mapanira. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila natatakot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila ang bawat aspekto ng kanilang sarili bilang mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at ng mga walang may-takot-sa-Diyos na puso? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at prestihiyo, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi ninyo masasabing masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang may-takot-sa-Diyos na puso? Hindi ba’t mapagmataas sila? Hindi ba’t mga Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawalang may-takot-sa-Diyos na puso? Bukod sa mga halimaw, ito ay ang masama at ang mga anticristo, ang kauri ng mga diyablo at ni Satanas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; lubos silang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang hinirang na mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Nainggit ako sa mga kapatid na ang gawain ay nagbunga ng mas mabubuting resulta kaysa sa akin, at inatake at ibinukod ko pa sila para mapanatili ko ang aking reputasyon at katayuan. Kahit na alam ko na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin para mapalugod ang Diyos, hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Nais ko lang gampanan ang tungkulin ko sa paraan na makakakuha ng paghanga ng iba at magtutulak sa kanila na tingalain ako, sa halip na gampanan nang maayos ang gawain ng iglesia para isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ko na matagal nang nananampalataya si Mailyn sa Diyos, may kakayahan, at kapabilidad sa gawain, at na mayroon din siyang matibay na pagpapahalaga sa pasanin para sa kanyang tungkulin, nainggit ako sa kanya at nag-alala na baka mahigitan niya ako. Hinusgahan ko siya sa harap ng mga nakatataas na lider, sinabi kong palagi siyang nagrereklamo tungkol sa kanyang tungkulin, samantalang ang totoo, sinabi lang sa akin ni Mailyn na nahaharap siya sa mga paghihirap sa kanyang tungkulin, at kahit marami na siyang nagawa, hindi pa rin niya nalutas ang mga isyu. Pero nagsinungaling ako sa mga nakatataas na lider, sinabi ko na nagrereklamo siya. Ang layon ko ay ipaisip sa mga lider na hindi siya karapat-dapat na linangin, at sinadya kong sirain ang imahe na mayroon ang mga lider tungkol sa kanya. Sa ganitong paraan, hindi na magiging mataas ang tingin ng mga lider sa kanya o hindi na siya lilinangin, at hindi ko na kailangang mag-alala na mahihigitan niya ako. Talagang siniraan ko ang sister para sa kapakanan ng aking reputasyon at katayuan. Talagang tuso ako at mapaminsala! Bilang isang lider ng iglesia, dapat sana ay nakipagtulungan ako nang maayos sa mga kapatid, na magbibigay-daan para mapunan namin ang mga lakas at kahinaan ng isa’t isa, at dapat sana ay tinupad ko ang mga responsabilidad at tungkulin ko. Hindi ko dapat tinrato ang aking mga kapatid bilang mga katunggali. Pero ang inalala ko lang ay ang aking reputasyon at katayuan. Nais ko lang na ako lamang ang hangaan ng iba. Sa panlabas, tila mayroon akong pagpapahalaga sa pasanin para sa gawain ng iglesia, pero wala akong may-takot-sa-Diyos na puso. Nang makita ko na may talento si Mailyn, nainggit ako at hindi ko hinayaan na mahigitan niya ako. Para makamit ang mga layon ko, tumanggi pa akong tulungan siya kahit na malinaw na alam kong nahaharap siya sa mga paghihirap sa kanyang tungkulin. Handa akong ipahamak ang gawain ng iglesia para lang protektahan ang aking kasikatan, pakinabang, at katayuan. Takot na takot ako sa mapagmataas at mapaminsalang disposisyon na naibunyag ko. Hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia kundi sa halip ay itinaguyod ko ang sarili kong interes. Tunay ngang kasuklam-suklam ito sa Diyos! Naisip ko kung gaano kabilis na lumalaganap ang ebanghelyo ng kaharian, kung paanong napakaraming iglesia ang naitatatag sa iba’t ibang lugar, at ang agarang pangangailangan ng mas maraming tao na magdidilig sa mga baguhan at mamumuno sa mga iglesia. Pero buktot ang aking mga kaisipan, naghanap lang ako ng paraan para protektahan ang aking reputasyon at katayuan, at nang makakita ako ng mga taong may talento, bukod sa hindi ko sila nilinang, ibinukod at sinikil ko rin sila. Kinokontra ko ang Diyos at ginagambala at ginugulo ko ang gawain ng ebanghelyo. Ang isang taong may mabuting pagkatao ay matutuwa na makakita ng mas maraming taong tumitindig para makipagtulungan sa gawain ng iglesia, at tanging mga anticristo at masasamang tao ang nakakaramdam ng takot kapag nakakakita sila ng ibang mas may kakayahan kaysa sa kanila, inaatake at ibinubukod nila ang iba para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan. Walang lugar sa puso ko ang Diyos o wala akong may-takot-sa Diyos na puso. Masyado kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan. Para matupad ang aking mga ambisyon at pagnanais, bukod sa hindi ko tinulungan si Mailyn, gumamit pa ako ng mga paraan para sikilin siya, na nakaapekto sa kanyang abilidad na magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Ang disposisyon na naibunyag ko ay disposisyon ng isang anticristo. Nilalabanan ko ang Diyos. Kung magpapatuloy ako nang ganito nang hindi nagsisisi, tiyak na aabandonahin ako ng Diyos. Kaya binuksan ko ang puso ko sa Diyos at nagdasal, hinihingi ang Kanyang kapatawaran. Hiniling ko rin sa Diyos na bigyang-liwanag at tanglawan ako para maunawaan ko ang Kanyang layunin at makahanap ng isang landas ng pagsasagawa.

Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng isang taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagbubulay-bulay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na bilang isang lider ng iglesia, kailangan kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos sa aking mga tungkulin, na palaging uunahin ang gawain ng iglesia. Kapag nakakakita ako ng mga kapatid na may mahusay na kakayahan at kapabilidad sa gawain, hindi ako dapat mainggit o hindi kaya ay ibukod sila para sa kapakanan ng sarili kong kasikatan, pakinabang, at katayuan, kundi sa halip ay dapat ko silang irekomenda at linangin, at tulungan silang tuparin ang kanilang mga tungkulin para mas mabilis silang yumabong. Ito ang aking tungkulin at responsabilidad. Dapat akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, makalaya mula sa gapos ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, pati na rin mula sa inggit, isantabi ang sarili kong mga interes, taos-pusong linangin ang mga kapatid, at tuparin ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos. Pagkatapos maunawaan ang layunin ng Diyos, nagsimula akong itama ang aking mga layunin, at patuloy kong pinaalalahanan ang aking sarili na kinasusuklaman ng Diyos ang inggit. Nang muli naming pag-usapan ni Mailyn ang gawain, pinakalma ko ang sarili ko para pakinggan siyang magsalita, at sinikap kong magpakita ng malasakit at tulungan siya sa anumang paghihirap na mayroon siya, ibinabahagi ang kaparehong mga naging karanasan ko. Ibinahagi ko rin ang magagandang pamamaraan na natutunan ko mula sa aking gawain. Talagang nakaramdam ako ng kapayapaan sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at agad na nagbunga ng magagandang resulta ang gawain.

Isang beses, nagpadala sa akin ng mensahe si Mailyn na nagsasabing labis siyang nababagabag dahil hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon ang ilang baguhan. Nakonsensiya ako nang makita ko ang mensahe niya, dahil ipinaalala nito sa akin noong naiinggit ako sa kanya. Noong panahong iyon, kapag nakakaranas siya ng paghihirap sa kanyang mga tungkulin, bukod sa hindi ko siya tinutulungan, hinuhusgahan ko rin siya sa harap ng mga lider, sinasabing palagi siyang nagrereklamo habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Labis siyang nasaktan ng aking pagkamakasarili. Mula sa araw na iyon, madalas ko na siyang inaalo at hinihikayat, at sinasabi ko sa kanya na huwag mag-alala at aktibo akong nakipagtulungan sa kanya. Hindi na ako nag-alala kung mas mahusay ang mga resulta ng kanyang mga tungkulin kaysa sa akin o kung mas namumukod-tangi siya kaysa sa akin. Hindi nagtagal, nahalal si Mailyn para mangasiwa ng gawain ng ebanghelyo, at kasama ko, siya ang magiging responsable sa pagsubaybay sa gawain ng ebanghelyo ng mga iglesia. Tuwing may mga problema o paghihirap sa gawain ng ebanghelyo, magkasama naming tinatalakay ang mga solusyon, at madalas kaming bukas na nag-uusap mula sa puso. Hindi na ako nakaramdam ng inggit sa kanya, at wala nang hadlang sa pagitan namin. Mula noon, mas gumaan ang puso ko. Sa aking karanasan, napagtanto ko na kailangan ko talagang isuko ang pagnanais ko sa reputasyon at katayuan, dahil doon ko lamang matutupad ang aking mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ayaw ko nang makipagkompetensiya sa mga kapatid para sa reputasyon at katayuan, dahil alam kong habang lalo akong naghahangad ng reputasyon at katayuan, lalo akong mapapalayo sa Diyos. Sa paggawa nito, mamumuhay lamang ako sa tiwaling disposisyon, at hindi ko magagampanan nang maayos ang gawain ng iglesia o matutupad ang aking mga tungkulin. Pagkatapos niyon, tuwing may mga baguhan na nangangailangan ng paglinang sa iglesia, ginagawa ko ang makakaya ko para matulungan sila. Bagaman minsan ay naipapakita ko pa rin ang pagkainggit, kinasuklaman ko ang aking sarili. Pinapakalma ko ang puso ko, at nagdadasal ako sa Diyos, at hinihiling ko sa Diyos na protektahan ang puso ko para hindi na ako malimitahan ng mga tiwaling kaisipan. Pagkatapos magdasal sa ganitong paraan, nakatagpo ng kapayapaan ang puso ko, hindi na ako naiinggit sa iba o natatakot na mahigitan nila ako, at nais ko na lang tulungan ang mga kapatid ko, makipagtulungan nang maayos sa kanila, at tuparin ang aking mga tungkulin.

Ang patnubay ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang nagpahintulot sa akin para mapagtanto ko ang aking tiwaling disposisyon ng pagkainggit sa mga taong may talento, at para malaman ko na kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong tulad ko. Kaya ko na ngayong maghimagsik laban sa aking laman at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, taos-puso kong tinutulungan at sinusuportahan ang aking mga kapatid, at ginagawa ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid ko. Ang lahat ng ito ay ang pagliligtas ng Diyos.

Sinundan:  29. Hindi Ko Na Iniiwasan ang mga Paghihirap

Sumunod:  31. Hindi Ko Na Inaalala Kung Magkakaanak Pa Ako

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger