36. Ang Paggawa ng Tungkulin nang Maayos Ng Isang Tao ay ang Misyong Ipinagkatiwala ng Diyos

Ni Qingtian, Tsina

Hindi ganoon kayaman ang pamilya namin. Napakabata ko pa noon nang magtrabaho ang tatay ko sa malayong lugar para kumita ng pera para mapag-aral ako at ang nakababata kong kapatid. Namuhay siya nang matipid at hindi nagpapahinga kahit siya ay may sakit. Sa musmos at walang muwang kong edad, naramdaman ko ang labis na hirap na pinagdaanan ng tatay ko para palakihin kami, kaya nagpasya akong maging mabuting anak sa tatay ko paglaki ko. Kahit bata pa ako noon, tumutulong ako sa mga magulang ko sa mga gawaing-bahay hangga’t kaya ko, naglalaba, nagluluto, at nag-aalaga sa kapatid kong lalaki, at pinupuri ako ng aming mga kapitbahay, sinasabing, “Napakatino at napakasipag namang dalagita!” Nang lumaki na ako, nagtatabi lang ako ng kaunting baon kada buwan at ibinibigay ko na ang natitira sa kinita ko sa mga magulang ko, at madalas ko rin silang binibilhan ng damit, pagkain, at iba pang pangangailangan. Minsan, isusuot ng tatay ko ang mga bagong damit na binili ko para sa kanya at masaya niyang sasabihin sa mga kamag-anak at kapitbahay, “Tingnan n’yo, binili ito ng anak kong babae para sa akin!” Ang makitang masaya ang mga magulang ko ay nakapagpasaya rin sa akin.

Noong 2009, nakilala ko ang Diyos at kalaunan ay tumanggap ng tungkulin sa iglesia. Noong panahong iyon, ang lugar kung saan ako gumaganap ng tungkulin ay malapit lang sa bahay, kaya madalas kong nadadalaw ang mga magulang ko. Pagsapit ng 2013, nalaman ng mga pulis ng CCP ang tungkol sa pananampalataya ko at pumunta sila sa bahay namin para arestuhin ako, pagkatapos niyon ay hindi na ako nakauwi. Noong Nobyembre 2017, nalaman kong naaksidente sa sasakyan ang tatay ko at nabali ang kanyang pulso. Nang marinig ko ito, hindi ako mapakali, at gusto kong umuwi para makita ang tatay ko. Narinig ko ring tumangging managot ang tsuper na nakabangga sa kanya, at kailangan pa nilang magsampa ng kaso sa korte. Labis akong nag-alala, iniisip na, “Wala sa bahay ang kapatid kong lalaki, at kailangang alagaan ni nanay si tatay habang inaasikaso ang lahat ng ito. Kakayanin kaya niya? Kung nasa bahay lang ako, makakatulong sana ako sa pag-aalaga kay tatay, pero kahit na may ganito kalaking insidenteng nangyari, hindi ko man lang sila matulungang pagaanin ang kanilang pasanin.” Nakaramdam ako ng malaking pagkakautang sa kanila, at gustung-gusto ko talagang umuwi para alagaan ang tatay ko, pero takot akong maaresto, kaya hindi ako naglakas-loob na basta na lang umuwi nang walang pag-iingat. Pero naisip ko, “Kung hindi ko dadalawin si tatay sa ospital, hindi kaya ako pagalitan ng mga kamag-anak at kaibigan ko dahil sa kawalan ko ng pagkatao at konsensiya?” Labis akong nabagabag at ang gusto ko lang ay makauwi. Kaya nag-overtime ako sa trabaho para tapusin ang mga gampanin ko, at noong ika-29 ng ikalabindalawang buwan ng lunar calendar, nagsapalaran akong umuwi.

Pagdating ko sa bahay, nakalabas na pala ng ospital si tatay, at nang makita kong maayos na ang paggaling ni tatay, sa wakas ay napanatag ang loob ko. Tuwang-tuwa si tatay nang makita ako, pero hindi nagtagal, nabalot ng pag-aalala ang mukha niya dahil ilang oras lang bago noon, tinawagan ng mga pulis si tatay, pinapabalik siya sa aming bayan para tanungin siya tungkol sa pananampalataya ko. Sa harap ng panggigipit ng mga pulis, nakaramdam ng matinding paniniil at kawalang-magawa ang aming pamilya. Pagkaalis ni tatay, sinabi sa akin ni nanay na ilang beses sa isang taon tumatawag ang istasyon ng pulis sa bahay para itanong kung nasaan ako, at madalas din silang pumunta sa bahay ng lolo’t lola ko at ginigipit sila. Sinabi rin niya sa akin na tuwing Bagong Taon at mga pista opisyal, tinatanong ng mga pulis kung umuwi ako. Nang marinig ko ito mula kay nanay, talagang nagalit ako. Hindi ko inaasahan na hinahanap pala ako ng mga pulis sa lahat ng nakalipas na taong ito mula nang umalis ako ng bahay, at ginigipit pa nila ang mga magulang ko kahit Bagong Taon. Pero kasabay nito, natakot akong baka dumating ang mga pulis para arestuhin ako sa bahay, at sa dalawang araw na pananatili ko sa bahay, lagi akong kinakabahan. Gusto kong hintayin ang pagbabalik ni tatay para makita siyang muli, pero pagsapit ng ikatlong araw, hindi pa rin siya bumabalik. Hindi ako mapalagay, at naisip kong habang tumatagal ako sa bahay, lalong tumitindi ang panganib, kaya mabilis akong umalis. Pagbalik ko sa lugar kung saan ako gumaganap ng tungkulin, iniisip ko pa rin ang mga nangyari sa bahay at hindi ako mapanatag. Naisip ko, “Ang mga anak ng ibang tao ay umuuwi para makita ang kanilang mga magulang tuwing Bagong Taon, dinadalhan sila ng masusustansyang produkto, at nakikipagkuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay sa pamilya at nagkakaroon ng masinsinang usapan, samantalang ako, halos hindi makauwi at hindi ko makasama nang matagal ang mga magulang ko. Bukod pa roon, patuloy silang ginigipit ng mga pulis dahil sa akin. Ni hindi ko alam kung paano tatratuhin ng mga pulis si tatay pagbalik niya.” Labis akong nalungkot. Bagama’t ginagampanan ko ang aking tungkulin, sa tuwing naiisip ko ang aking mga magulang, nababagabag ako.

Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at medyo bumuti ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng saya ng isang malaki at masaganang pamilya. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong kapalaran; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, o matamasa ang pananatili ng kanilang mga anak sa piling nila. Pamamatnugot ito ng Diyos at hindi ito maipipilit ng mga tao. Anuman ang mangyari, sa huli, pagdating sa pagiging mabuting anak, kahit papaano ay dapat na magkaroon ang mga tao ng mentalidad ng pagpapasakop. Kung pinahihintulutan ng kapaligiran at may paraan ka upang gawin ito, maaari mong pakitaan ng pagiging mabuting anak ang iyong mga magulang. Kung hindi pinahihintulutan ng kapaligiran at wala kang paraan, huwag mong subukang ipilit ito—ano ang tawag dito? (Pagpapasakop.) Pagpapasakop ang tawag dito. Paano ba nagkakaroon ng ganitong pagpapasakop? Ano ba ang batayan ng pagpapasakop? Ito ay nakabatay sa lahat ng bagay na ito na isinasaayos ng Diyos at pinamamahalaan ng Diyos. Bagama’t maaaring naisin ng mga taong pumili, hindi nila magagawa iyon, wala silang karapatang pumili, at dapat silang magpasakop. Kapag nararamdaman mong dapat magpasakop ang mga tao at na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos, hindi ba’t mas nagiging kalmado ang iyong puso? (Oo.) Kung gayon ay makararamdam pa rin ba ng pang-uusig ang iyong konsensiya? Hindi na ito palaging makararamdam ng pang-uusig, at hindi na mangingibabaw sa iyo ang ideya ng hindi pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang. Paminsan-minsan, maaari mo pa rin itong maisip dahil ang mga ito ay normal na kaisipan o instintong nakapaloob sa pagkatao, at walang sinumang makaiiwas sa mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung gaano karaming pagpapala ang tinatamasa ng mga magulang mula sa kanilang mga anak sa buhay na ito, at ang pagdurusang tinitiis nila para sa kanilang mga anak, ay pawang itinalaga na ng Diyos. Ang ilang magulang ay nakakasama ang kanilang mga anak sa buong buhay nila at natatamasa ang kaligayahan sa pamilya, samantalang ang iba ay walang ganoong buhay. Lahat ng ito ay naglalaman ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Nang maaksidente ang tatay ko sa sasakyan, sa simula, tumangging managot ang tsuper na may kasalanan, ngunit hindi inaasahan, isang napadaang mamamahayag ang naglantad ng aksidente sa trapiko. Kalaunan, nakilala ng nanay ko ang isang abogado sa ospital na kusang-loob na tumulong sa kaso, at maayos na naresolba ang usapin. Ito ay nagbigay-daan sa akin para mapagtanto na ang nararanasan ng mga magulang sa kanilang buhay, ang bilang ng mga pagpapalang kanilang tinatamasa at ang dami ng pagdurusang kanilang pinagdaraanan ay pauna nang itinakda ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa kung nasa tabi ba ng mga magulang ang kanilang mga anak, at dapat kong tingnan ang mga bagay batay sa mga salita ng Diyos, ipagkatiwala ang aking mga magulang sa mga kamay ng Diyos, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at tuparin nang maayos ang aking tungkulin. Ito ang matalinong pagpili. Naisip ko rin kung paanong, bukod sa pagbibigay ng kaunting emosyonal na kapanatagan sa aking mga magulang sa pagbisitang ito, wala na akong ibang magagawa para sa kanila. Sa kabaligtaran, kung naaresto ako sa bahay, bukod sa hindi ko magagampanan ang aking tungkulin, kundi magdudulot din ito ng kapinsalaan sa buhay ko, at ang makita akong maaresto ay lalong magpapahirap at magpapalungkot sa aking mga magulang. Sa hinaharap, kailangan kong mas manalangin at hanapin ang Diyos kapag may mga nangyayari, at hindi na kumilos batay sa mga damdamin.

Isang araw noong Agosto 2023, nakatanggap ako ng sulat mula sa nakababata kong kapatid, sinasabing nagkaroon ng coronary heart disease ang tatay ko dalawang taon na ang nakalipas, at palagi siyang natatakot na baka isang araw ay bigla na lang siyang pumanaw nang hindi ako nakikitang muli. Nabanggit din niya na nagkaroon ng depresyon ang aming ama, dahil palagi niyang pinaghihinalaang inaresto ako at pinahirapan ng mga pulis, at madalas siyang managinip tungkol sa masasamang bagay na nangyayari sa akin. Madalas niyang sabihin sa pamilya na nagungulila siya sa akin, umiiyak habang sinasabi ito. Habang binabasa ko ang sulat, nablangko ang isip ko. Hindi ako makapaniwalang ang taong inilalarawan sa liham ay ang tatay ko. Naisip ko, “Palaging malusog si tatay. Paano siya biglang nagkaroon ng coronary heart disease at depresyon? Sa tuwing nababanggit ako ni tatay, umiiyak siya at patuloy na sinasabi kung gaano siya nangungulila sa akin. Ang sakit ba niya ay dahil sa pag-aalala niya sa akin? Ang palagi niya bang pagkatakot para sa akin ang naging sanhi ng kanyang depresyon?” Nadudurog ang puso ko at namuo ang mga luha sa aking mga mata. Naisip ko kung paano ako pinaghirapang palakihin ng aking mga magulang, at kung gaano kahirap iyon para sa kanila. Bukod sa hindi ko sila naaalagaan, kundi naging dahilan pa ako para gipitin sila ng CCP. Nag-aalala sila para sa akin at nabubuhay sa takot, at nagkaroon pa ng depresyon ang tatay ko. Tiyak na pagagalitan ako ng mga kamag-anak at kaibigan, tatawagin akong walang utang na loob at walang konsensiya. Lubos na inusig ang aking konsensiya. Naisip ko rin na ang malubhang coronary heart disease ay maaaring ikamatay. Talagang hindi kaya ng sakit na ito ang emosyonal na pagkabalisa, at sa palaging pag-aalala ni tatay sa akin at sa hindi magandang kalagayan ng kanyang kalooban, maaaring malagay sa panganib ang buhay niya anumang sandali! Kung magpapatuloy siyang malungkot nang ganito, mawawala kaya siya sa katinuan? Hindi ko na tinangkang isipin pa iyon. Nagsimulang tumulo nang walang tigil ang mga luha sa aking mukha, at nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na sakit sa puso. Naisip ko pa, “Kung hindi ako napili bilang lider noon, hindi ko na sana kailangang lumabas at madalas na makipagtipon, ni hindi sana ako minanmanan at tinugis ng mga pulis. Kung hindi iyon nangyari, hindi ko na sana kailangang umalis ng bahay, at nang magkasakit ang mga magulang ko, nanatili sana ako sa tabi nila para alagaan sila, at hindi sana nagkadepresyon si tatay dahil sa pag-aalala at pangungulila sa akin.” Sa sumunod na dalawang araw, nilamon ako ng pagkakonsensiya sa mga magulang ko, napakasama ng kalagayan ko, at wala akong ganang gampanan ang aking tungkulin. Minsan, may isang kaisipang pumapasok sa aking isip: “Kung uuwi ako at makikita ni tatay na ayos lang ako, baka gumaan ang pakiramdam niya, at mas mabilis siyang gagaling.” Ang pag-iisip sa mga bagay na ito ay nagdulot sa akin ng kaguluhan. Sa aking pagdurusa, lumapit ako sa Diyos upang manalangin: “O Diyos ko, alam kong nangyayari ang mga ganitong bagay nang may pahintulot Mo, at dapat kong hanapin ang Iyong layunin, ngunit napipigilan ako ng mga damdamin at palagi akong nag-aalala para sa aking mga magulang. Labis akong nagdurusa. Pakiusap, gabayan Mo akong hanapin ang katotohanan at makalaya mula sa pagkakagapos ng mga damdamin.”

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung hindi mo nilisan ang iyong tahanan para gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar, at nanatili ka sa tabi ng iyong magulang, mapipigilan mo kaya ang pagkakasakit niya? (Hindi.) Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang, ang pinakamainam na magagawa mo ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang laman at ang kanilang mga pasanin, ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito sa iyo? Wala, walang kinalaman ang mga ito. Kung mabuti kang anak, kung hindi ka isang walang malasakit na ingrata, at ginugugol mo ang buong araw kasama sila, binabantayan sila, hindi ba sila magkakasakit? Hindi ba sila mamamatay? Kung magkakasakit sila, hindi ba’t magkakasakit pa rin naman talaga sila? Kung mamamatay sila, hindi ba’t mamamatay pa rin naman talaga sila? Hindi ba’t tama iyon?(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). “Palagi mong iniisip na ang lahat ng tiniis at dinanas ng iyong mga magulang ay may kaugnayan sa iyo, at na nararapat mo ring dalhin ang mga pasaning iyon; palagi mong sinisisi ang iyong sarili, palaging iniisip na may kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito, palaging gustong makisangkot. Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Bakit? … Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, pagkamatay, at pagharap sa iba’t ibang malaki at maliit na bagay sa buhay ng mga tao ay mga napakanormal na pangyayari. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat kang magkaroon ng mature na pag-iisip, at dapat mong harapin ang bagay na ito nang mahinahon at tama: ‘May sakit ang mga magulang ko. Sinasabi ng ilang tao na iyon ay dahil masyado silang nangulila sa akin, possible ba iyon? Totoong nangulila sila sa akin—paanong hindi mangungulila ang isang tao sa sarili niyang anak? Nangulila rin ako sa kanila, kaya bakit hindi ako nagkasakit?’ May tao bang nagkakasakit dahil nangungulila siya sa kanyang mga anak? Hindi iyon ganoon. Kung gayon, ano ang nangyayari kapag nahaharap ang iyong mga magulang sa mahahalagang usaping ito? Masasabi lamang na pinangasiwaan ng Diyos ang ganitong uri ng bagay sa kanilang buhay. Ito ay pinangasiwaan ng kamay ng Diyos—hindi ka maaaring tumuon sa mga obhektibong dahilan at mga sanhi—nakatakda talaga na mahaharap ang iyong mga magulang sa bagay na ito kapag umabot na sila sa ganitong edad, nakatakda nang matatamaan sila ng sakit na ito. Naiwasan kaya nila ito kung nandoon ka? Kung hindi isinaayos ng Diyos na magkasakit sila bilang parte ng kanilang kapalaran, walang mangyayari sa kanila, kahit na hindi ka nila nakasama. Kung nakatadhana silang maharap sa ganitong uri ng malaking kasawian sa kanilang buhay, ano ang maaaring naging epekto mo kung nandoon ka sa tabi nila? Hindi pa rin naman nila ito maiiwasan, hindi ba? (Tama.) Isipin mo iyong mga taong hindi nananampalataya sa Diyos—hindi ba’t magkakasama ang kanilang mga pamilya, taon-taon? Kapag nahaharap sa malaking kasawian ang mga magulang na iyon, kasama nila ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya, mga kamag-anak, at ang kanilang mga anak, tama ba? Kapag nagkasakit ang mga magulang, o kapag lumala ang kanilang mga karamdaman, dahil ba ito sa iniwan sila ng kanilang mga anak? Hindi iyon ang kaso, ito ay nakatadhanang mangyari. Kaya lang, bilang anak nila, dahil may ugnayan kayo ng iyong mga magulang bilang magkadugo, mababalisa ka kapag nabalitaan mong may sakit sila, samantalang ang ibang tao ay walang anumang mararamdaman. Normal na normal lang ito. Gayumpaman, ang pagdanas ng iyong mga magulang ng ganitong uri ng malaking kasawian ay hindi nangangahulugan na kailangan mong magsuri o magsiyasat, o pag-isipan kung paano ito alisin o lutasin. Ang mga magulang mo ay nasa hustong gulang na; ilang beses na nilang naranasan ang ganito sa lipunan. Kung nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran upang alisin sa kanila ang bagay na ito, kung gayon, sa malao’t madali, ito ay ganap na maglalaho. Kung ang bagay na ito ay isang pagsubok sa buhay para sa kanila, at dapat nilang maranasan ito, kung gayon, ang Diyos na ang bahala kung hanggang kailan nila ito dapat maranasan. Isa itong bagay na dapat nilang maranasan, at hindi nila ito maiiwasan. Kung nais mong mag-isang lutasin ang bagay na ito, suriin at siyasatin ang pinagmulan, mga sanhi, at mga kahihinatnan ng bagay na ito, iyan ay isang kahangalan. Wala itong silbi, at ito ay kalabisan lang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Nilinaw ng Diyos kung paano dapat tratuhin ang usapin ng pagkakasakit ng mga magulang. Kung paano ang takbo ng kapalaran ng isang tao, kung magkakasakit ba siya, sa anong edad siya magkakasakit, anong uri ng sakit ang kanyang makukuha, mamamatay ba siya dahil dito, gaano kahaba ang kanyang buhay, at iba pa—lahat ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Walang sinumang tao ang maaaring makialam o magbago ng mga bagay na ito. Sa panlabas, tila nagkasakit si tatay dahil nangungulila siya sa akin, pero sa realidad, itinalaga na ng Diyos na mararanasan niya ang balakid na ito sa yugtong ito ng kanyang buhay. Lubhang hindi makatwiran na akuin ko ang lahat ng responsabilidad sa pagkakasakit ni tatay, at hindi ito naaayon sa mga katunayan. Naisip ko kung paanong ang aking mga pinsan ay nakatira kasama ang kanilang mga magulang at inaalagaan sila, pero nagkaroon ng altapresyon at hika ang tiyahin ko ilang taon na ang nakalipas, at nagkaroon din ng malubhang karamdaman ang tiyuhin ko. Ipinakita ito na kahit manatili ang mga anak sa tabi ng kanilang mga magulang, wala itong mababago. Bukod dito, ang mga tao ay laman at dugo lamang, at dahil kumakain ang mga tao ng mga butil ng lupa, hindi maiiwasang magkasakit sila sa isang punto. Nasa mga sisenta anyos na ang tatay ko, at sa edad na ito, humihina na ang kanyang mga pisikal na kakayahan, at nanghihina na ang kanyang immune system, kaya normal lang na magkaroon siya ng mga sakit na karaniwang dumadapo sa mga nasa kalagitnaang-edad na tao at matatanda. Maraming matatanda ang nagdurusa sa altapresyon, diabetes, at sakit sa puso. Noong nasa bahay pa ako, nakita kong malakas manigarilyo at uminom ng alak si tatay, at hindi regular ang kanyang pang-araw-araw na gawain. Sinubukan ko ang iba’t ibang paraan para tulungan siyang tumigil sa paninigarilyo at pag-inom, at hinikayat ko siyang kumain ng mga pagkaing kapaki-pakinabang sa kanyang kalusugan, ngunit hindi siya kailanman nakinig sa aking payo. Kung hindi ko nga mabago ang hindi mabubuti-sa-kalusugang gawi ng tatay ko, paano ko pa maaasahang may magagawa ako tungkol sa kanyang sakit? Isa pa, may isang sister sa paligid ko na nagkaroon ng diabetes at altapresyon ang mga magulang. Doktor ang sister na ito, at nang magkasakit ang kanyang mga magulang, binigyan niya ang mga ito ng pinakamahusay na gamot at mamahaling mga health supplement, at hindi siya nagtipid sa paghahanap ng pinakamahusay na nursing home para sa kanila. Halos araw-araw niyang binibisita ang kanyang mga magulang, at inasikaso niya ang lahat ng kanilang pangangailangan, mula sa pagkain hanggang sa kanilang araw-araw na gawain, ngunit kinailangan pa ring putulin ang mga binti ng kanyang ina dahil sa mga komplikasyon mula sa diabetes, at nagkaroon ng Alzheimer’s disease ang kanyang ama. May kilala rin akong isang matandang sister na wala sa tabi niya ang kanyang mga anak. Halos otsenta anyos na siya, ngunit napakalusog pa rin niya, at normal ang mga resulta ng kanyang mga health check-up sa tuwing magpapasuri siya. Nakita ko na kung gaano karami ang kailangang pagdaanan ng bawat isa sa kanilang buhay, at kung makakaranas sila ng pagdurusa ng karamdaman, lahat ay nakasalalay sa paunang pagtatakda ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagbago nito. Hindi magtatamasa ng mas maraming pagpapala o maiiwasan ang pagkakasakit ng mga magulang dahil lang nasa paligid ang kanilang mga anak para alagaan sila, ni hindi sila magdurusa nang higit o magtitiis ng mas maraming karamdaman dahil wala sa paligid ang kanilang mga anak para alagaan sila. Mula sa mga katotohanang ito, nakita ko na ang buhay ng bawat isa, mula sa kanilang pagsilang, pagtanda, mga karamdaman, at kamatayan, ay pauna nang natukoy, at tungkol sa sakit ni tatay, kahit manatili ako sa tabi niya, wala akong mababago. Sa pag-unawa sa mga bagay na ito, gumaan nang malaki ang aking kalooban.

Isang araw, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan, at may isang sipi ng mga salita ng Diyos dito na lubhang nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May kasabihan sa mundo ng mga walang pananampalataya: ‘Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang taong suwail sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihang, sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayumpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay instinto ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong instinto. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa instinto at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at instinto, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong instinto. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng instintong ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—instinto nila ito. … Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga instinto at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi sila dinidiktahan ng kanilang mga damdamin, at hindi sila namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin gaya ng mga tao, nagsasabing: ‘Kailangan kong suklian ang kabutihan nila, kailangan kong bumawi sa kanila—kailangan kong sundin ang aking mga magulang. Kung hindi ako magiging mabuting anak sa kanila, kokondenahin, kagagalitan ako ng ibang tao, at pupunahin nila ako habang nakatalikod ako. Hindi ko kakayanin iyon!’ Ang gayong mga bagay ay hindi sinasabi sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang maling ideya at napagkasunduang opinyon. Matapos maimpluwensiyahan, unti-unting masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya sa buong buhay nila pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, at iniisip nila na hindi sila karapatdapat sa kabutihan ng kanilang mga magulang, dahil sa isang bagay na ginawa nila na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi naaayon sa kagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay namumuhay sa gitna ng kanilang mga damdamin, kaya maaari lamang silang masakop at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na ang ideya na “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina” ay nagpapakita ng likas na ugali na ibinigay ng Diyos sa lahat ng nilalang. Ang iba’t ibang hayop ay walang kakayahang mabuhay nang mag-isa kapag sila ay bata pa, at kailangan nila ang pangangalaga ng kanilang mga magulang para mabuhay. Ito ay isang batas ng kaligtasan na nagpapahintulot sa lahat ng nilalang na magparami at umunlad. Pareho rin ang mga tao, ang pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak ay isang likas na ugali, at sa paggawa nito, tinutupad nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon bilang mga magulang, at hindi ito isang kabutihang-loob sa kanilang mga anak. Inakala kong pinalaki ako ng aking mga magulang nang may malaking pagsisikap at paghihirap, at lalo na nang makita kong nagtatrabaho nang husto si tatay para kumita ng pera upang suportahan ang pamilya at pag-aralin ako, namumuhay nang matipid, at hindi man lang nagpapahinga kapag may sakit, itinuring kong kabutihang-loob ang halagang ibinayad ni tatay at ang pagdurusang tiniis niya para palakihin ako, at ito ay nanatiling nakaukit sa aking puso. Inisip kong paglaki ko, magiging mabuting anak ako sa kanya, kung hindi, lubos akong walang konsensiya. Bukod pa riyan, naimpluwensyahan ako ng mga ideyang tulad ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop,” at itinuring kong pinakamahalagang bagay ang pagiging mabuting anak sa aking mga magulang. Nang marinig kong naaksidente sa sasakyan si tatay, nagsapalaran akong maaresto para puntahan siya. Nang malaman kong nagkaroon si tatay ng coronary heart disease at depresyon, naramdaman kong ang sakit na ito ay dahil sa panggigipit ng CCP na idinulot ko sa kanya at dahil sa kanyang takot at pag-aalala para sa akin. Lubos akong nakonsensiya dahil dito, at pinagsisihan ko pa nga ang unang pagtanggap ko ng tungkulin sa pamumuno. Bagama’t hindi ko tinalikuran ang aking tungkulin at umuwi salamat sa dasal, wala talaga ang isip ko sa aking tungkulin noon, at nagsimula akong maging pabasta-basta na lang sa tungkulin ko. Ngayon, naunawaan ko na ang mga tradisyonal na ideyang itinatanim ni Satanas sa mga tao ay mapanlihis at nakapagpatiwali, at nagiging sanhi ito upang mamuhay ang mga tao sa mga damdamin, ipagkanulo ang Diyos, lumayo sa Diyos, at sa huli ay mawala ang kanilang pagkakataon sa pagliligtas ng Diyos.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Inorden ng Diyos na palakihin ka ng iyong mga magulang, binibigyan ka ng kakayahang umabot sa hustong gulang, hindi para gugulin mo ang iyong buhay sa pagsukli sa kanila. Mayroon kang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay na ito, isang landas na dapat mong tahakin, at mayroon kang sariling buhay. Sa buhay na ito, hindi mo dapat ibuhos ang lahat ng iyong lakas sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang. Isa lang itong bagay na kasama mo sa iyong buhay at sa iyong landas sa buhay. Kung ang pagkatao at mga emosyonal na ugnayan ang pag-uusapan, ito ay isang bagay na hindi maiiwasan. Ngunit tungkol sa kung anong uri ng ugnayan ang nakatadhana para sa iyo at sa iyong mga magulang, kung magagawa man ninyong mamuhay nang magkasama habambuhay, o kung paghihiwalayin kayo, at hindi pag-uugnayin ng kapalaran, nakasalalay ito sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos na magiging nasa magkaibang lugar kayo ng iyong mga magulang sa buhay na ito, na magiging napakalayo mo sa kanila, at hindi sila madalas na makakasama, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa kanila ay isang uri lamang ng pananabik para sa iyo. Kung isinaayos ng Diyos na manirahan ka nang napakalapit sa iyong mga magulang sa buhay na ito, at na magagawa mong manatili sa tabi nila, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, at ang pagpapakita sa kanila ng pagkamabuting anak ay mga bagay na dapat mong gawin sa buhay na ito—walang anumang bagay na mapupuna tungkol dito. Ngunit kung iba ang lugar mo sa iyong mga magulang, at wala sa iyo ang pagkakataon o mga sitwasyon para ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, kung gayon, hindi mo ito kailangang ituring bilang isang kahiya-hiyang bagay. Hindi ka dapat mahiya na harapin ang iyong mga magulang dahil hindi mo magawang ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, sadyang hindi lang ito pinahihintulutan ng iyong sitwasyon. Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay na ito, at lahat ito ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, na ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon ng paglikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang piliting gawin ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong mga responsabilidad na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang masamang bagay, sumasalungat lang ito nang kaunti sa iyong konsensiya, moralidad ng tao, at mga kuru-kuro ng tao. Ngunit kahit papaano, hindi ito sumasalungat sa katotohanan, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi uusigin ang iyong konsensiya sa bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi ko dapat ituring na misyon ko sa buhay ang pagiging masunurin sa magulang. Sa mga usaping may kinalaman sa aking mga magulang, dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at kung may pagkakataon akong makasama ang aking mga magulang, dapat kong gawin ang lahat ng aking makakaya para alagaan sila at tuparin ang aking mga responsabilidad bilang isang anak. Pero kung wala akong ganoong pagkakataon, dapat akong tumuon sa pagganap ng mga tungkulin ko nang may kapayapaan ng isip. Ang dahilan kung bakit hindi ko maalagaan ang aking mga magulang ay hindi dahil ayaw kong tuparin ang aking responsabilidad bilang isang anak, kundi dahil tinutugis ako ng CCP at hindi ako makauwi, at hindi ko kailangang makonsensiya o makondena dahil dito. Itinakda ng Diyos ang pagsilang ko sa mga huling araw at dinala ako sa Kanyang harapan, at natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng napakaraming salita ng Diyos. Ngayon ay isang kritikal na sandali para sa pagpapalawak ng ebanghelyo ng kaharian, at dapat kong ilaan ang puso ko sa gawain ng ebanghelyo, tuparin ang aking tungkulin, at suklian ang pag-ibig ng Diyos. Kung tanging ang pagiging mabuting anak sa magulang ang aking hahangarin, at tatalikuran ko ang aking responsabilidad at misyon bilang isang nilikha, masasayang ko ang pagtutustos, pangangalaga, at proteksyon ng Diyos para sa akin, at iyon ang tunay na kawalan ng konsensiya at pagkatao. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak, hindi na ako nakaramdam ng pagkakagapos o paglilimita ng mga tradisyonal na ideya ni Satanas, nakaramdam ako ng kalayaan sa loob, at nagawa ko nang tumuon sa pagganap ng aking tungkulin nang may kapayapaan ng isip. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan:  33. Mga Aral na Natutunan Ko Mula sa Pagkakatanggal

Sumunod:  46. Ang Pagsasabi ng Totoo Tungkol sa mga Pagkakamali ng Mabubuting Kaibigan ay Nagpapatagal at Nagpapaganda sa Pagkakaibigan

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger