41. Ang Paghahanap ng Landas para Malutas ang Aking Mapagmataas na Disposisyon
Nag-aral ako ng sayaw noong high school, at mayroon akong kaunting karanasan sa pagsasayaw. Mahilig din talaga akong magsayaw. Nang isaayos ng iglesia na gampanan ko ang tungkulin ng pagsasayaw, talagang natuwa ako—Pakiramdam ko na dahil sa aking pundasyon, siguradong madali ko itong matututuhan. Tinanggap ko ang tungkuling ito nang walang pag-aalinlangan. Habang nag-eensayo, madali kong nagawa ang lahat ng galaw, kaya inisip ko na mas mahusay akong mananayaw kaysa sa mga kapatid ko. Minsan nagbibigay ng mga suhestiyon ang mga kapatid ko, sinasabi nila na iba ang mga galaw ko kumpara sa kanila, at na dapat ay magkakatugma ang aming mga galaw. Sa panlabas ko lang tinanggap ang mga ito Sa puso ko, pakiramdam ko ay mas tama ang mga galaw ko kaysa sa kanila, at ayaw kong makinig sa kanila. Kalaunan, nang suriin ng mga superbisor ang video sample na ginawa namin, binanggit din nila na hindi pare-pareho ang mga galaw namin at dapat na magkakatugma ang mga ito. Gayumpaman, sinabi rin nila na napakahusay ng mga galaw ko sa chorus section, at na maaaring matuto sa akin ang ibang kapatid. Hiniling din nila na turuan ko sila ng sayaw. Nang marinig ko ito, natuwa ako, at lalo kong naramdaman na ako ang pinakamahusay na mananayaw sa mga tao rito. Marami akong karanasan at maaari ko silang gabayan at pamunuan sa pagsasayaw. Habang tinuturuan ko sila ng mga galaw, kinailangan nilang mag-ensayo nang paulit-ulit bago nila maabot ang pamantayan ko dahil napakalawak at may mas malakas na puwersa ang mga galaw ko. Napakahirap nito para sa kanila. Noong panahong iyon, hindi ako nagnilay sa aking sarili, hindi rin ako gumawa ng mga pagbabago para mas maging angkop ang plano ng sayaw. Sa halip, inisip ko lang na magaling ako at talagang espesyal ang mga galaw ko. Nang magpatuloy kami sa pag-eensayo kinabukasan, nagkaroon kami ng iba’t ibang opinyon tungkol sa mga galaw ng aming paa. Ayaw ko itong gawin sa paraang iminumungkahi nila, dahil sa tingin ko ay hindi maganda ang mga galaw nila. Nagpatuloy ako sa pagtuturo sa kanilang mag-ensayo ayon sa mga ideya ko.
Kalaunan, sinabi ni Sister Diane na masyadong eksaherado ang mga galaw ng kamay ko at hindi kagalang-galang at hiniling niyang bawasan ko ang sakop ng aking mga galaw. Sumang-ayon sa kanya ang ibang kapatid, pero hindi ko ito tinanggap. Inakala kong tama ang mga galaw ko. Gayumpaman, nag-alala ako na kung hindi ko tatanggapin ang kanilang suhestiyon, baka sabihin nila na napakayabang ko. Doon ko lamang sinubukang bawasan ang sakop ng mga galaw ng kamay ko. Nang balikan namin ang video sample ng sayaw, natuklasan kong hindi pare-pareho ang aming mga galaw. Mas malawak pa rin ang sakop ng mga galaw ko kaysa sa kanila. Naniwala ako na mas magaling akong sumayaw kaysa sa kanila at mas tama ang mga galaw ko. Noong una, pinuri ako ng mga superbisor dahil sa husay ng mga galaw ko, kaya kung hindi pare-pareho ang mga galaw namin, sigurado akong sila ang may problema. Minsan, kahit na ginagawa ko ang mga bagay sa paraang iminungkahi nila, hindi ko iniisip na maganda ang mga galaw nila. Sa totoo lang, tuwing lihim akong tumututol sa kanilang mga suhestiyon at hindi kami nagkakasundo, sobrang nasasaktan ang puso ko. Pagod na pagod ako at hindi ko maramdaman ang presensiya ng Diyos sa akin. Nawala rin ang sigasig ko sa aking tungkulin. Nagsimula akong mag-isip nang malalim, “Bakit ba nasasaktan ang puso ko tuwing sumasayaw ako kasama sila? Alinsunod ba sa layunin ng Diyos ang paggampan ko ng aking tungkulin sa ganitong paraan?” Ayaw kong magpatuloy nang ganito, kaya nagdasal ako sa Diyos, nagmamakaawang bigyang-liwanag Niya ako para mapagnilayan ko ang aking mga problema.
Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakapagpaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang magkakasundo. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang magkakasundo. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nananabotahe sa iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pananabotahe sa iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon paggampan sa tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nananabotahe sa iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o pag-iingat ang gawin mo, hindi iyon matatandaan ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, pero kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. … Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung may sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita alinsunod sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagagambala o nakakapagsabotahe, at hindi ka dapat kumilos nang arbitraryo at magdesisyon nang ikaw lang. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Tandaan mo: Ang paggampan sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong operasyon o sarili mong proyekto. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng kooperasyon ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Sa puso mo, mayroon ka dapat nitong katwiran. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang landas ng pagsasagawa” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Magkakasundong Pagtutulungan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung nais nating magampanan nang maayos ang mga tungkulin natin, kailangan nating matutong makipagtulungan sa ating mga kapatid, matuto mula sa lakas ng bawat isa para mapunan ang ating mga kahinaan. Sa ganitong paraan lang tayo aayon sa layunin ng Diyos. Kung palagi nating gustong kumapit sa sarili nating mga ideya, makakaapekto ito sa gawain at magdudulot ng pagkasuklam ng Diyos. Napagnilayan ko rin na kaya hindi ako nakikipagtulungan sa aking mga kapatid ay dahil pakiramdam ko ay mas marami akong karanasan at mas mahusay akong sumayaw kaysa sa kanila, kaya dapat ay itulad nila ang kanilang mga galaw sa akin. Nang payuhan ako ng mga kapatid na ang mga galaw ko ay masyadong eksaherado, lumaban ako, at ayaw kong sundin ang kanilang mga suhestiyon. Kahit na nakikita kong tunay nga na masyadong malaki ang sakop ng aking mga galaw, ayaw ko pa ring magbago. Minsan, sinusunod ko ang kanilang mga suhestiyon, pero sa puso ko ay hindi ako kumportable rito. Naniwala pa rin akong mas mahusay ang mga galaw ko, at kumapit ako sa mga ideya ko. Ang ibig sabihin nito ay hindi tugma at hindi nagkakaisa ang mga galaw ko at ang mga galaw nila. Nakita ko na naging napakayabang ko, at palagi akong naniniwalang tama ang mga galaw ko. Sa katunayan, tunay ngang labis na eksaherado ang mga galaw ko at hindi talaga ito magandang tingnan. Bukod pa rito, dahil hindi tugma ang mga galaw ko sa mga galaw ng iba, nakaapekto ito sa kaayusan ng kabuuang galaw at nakaapekto sa mga resulta ng sayaw. Nagdulot ito ng kaguluhan. Sabi ng Diyos: “Dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang magkakasundo.” Sa totoo lang, lahat ng mga kapatid ko ay may ilang lakas. Ang ilan ay mayroong banayad at natural na mga galaw ng ulo, samantalang ang mga galaw ng ulo ko ay kasing tigas ng isang robot. Gayundin, ang mga galaw nila, bagaman hindi kalakihan ang sakop, ay mukhang napaka-elegante. Napagtanto ko na kapag muli nila akong binigyan ng mga suhestiyon, dapat kong tanggapin ang mga ito, at gawin ang makakaya ko para sundin ang mga iminungkahi nilang galaw. Kung mayroon akong ibang opinyon, maaari ko itong ipahayag at talakayin sa aking mga kapatid, at maaari kaming magtulungan para gawing tugma at wasto ang aming mga galaw, at sumayaw nang mahusay para purihin ang Diyos at magpatotoo sa Diyos.
Minsan, sinabi ng mga kapatid na masyadong magalaw ang aking mga balikat at ulo at kailangang ayusin, at na kailangan ding ayusin ang galaw ng baywang ko. Sa simula, hindi ko ito lubusang matanggap: inisip ko na tama ang mga galaw ko. Gayumpaman, nang makita kong iba ang mga galaw ng ulo nila kumpara sa akin, naisip ko na baka tama nga sila, at sinubukan kong tanggapin ito. Minsan ay nagagawa ko ang mga suhestiyon ng mga kapatid ko nang maayos, pero minsan ay muli akong bumabalik sa dati kong gawi. Habang nakatingin sila sa akin, naisip ko na, “Bakit ganoon, mas mahusay ang pundasyon ko sa pagsasayaw kaysa sa kanila, pero ako pa ang kailangang magsikap na baguhin ang mga galaw ko?” Nakaramdam ako ng labis na panghihina at pagkahiya. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang magkakasundo. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang magkakasundo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Magkakasundong Pagtutulungan). Ang mga salita ng Diyos ang nagpaunawa sa akin na dapat akong mas tumuon sa pagkatuto mula sa mabubuting puntos ng ibang tao at sa pagtanggap ng kanilang mga suhestiyon. Dahil sinabi nilang lahat na hindi maganda ang mga galaw ko, kailangan kong gawin ang aking makakaya para magbago. Bagaman hindi madaling gawin nang maayos ang mga galaw na ito, kailangan kong gawin ang aking makakaya para magtugma ang aming mga galaw. Bukod pa rito, ang pagtanggap sa mga suhestiyon ng iba ay hindi lamang makakatulong sa akin na sumayaw nang mahusay para purihin ang Diyos, kundi malulutas din nito ang aking tiwaling disposisyon at makakatulong sa aking umiwas sa kayabangan at sa pagmamatuwid sa sarili. Kinagabihan, nagpatuloy akong mag-ensayo mag-isa matapos ang aming pag-eensayo bilang pangkat. Nang muli kaming mag-ensayo ng sayaw kinabukasan, sinabi nila na mas bumuti nang bahagya ang mga galaw ko. Bagaman hindi pa rin perpekto ang mga galaw ko, nagpakita naman ito ng kaunting pagbuti. Hindi ako maaaring sumayaw ayon sa sarili kong mga kagustuhan—kailangan kong isaalang-alang kung tugma ba ang mga galaw namin o hindi. Ito ay dahil kahit pa napakahusay sumayaw ng isa sa amin, kung sumasayaw naman siya nang hindi tugma sa iba, hindi magiging maganda o maayos tingnan ang aming sayaw, at hindi rin ito magbubunga ng mabubuting resulta. Kalaunan, pinanood ng mga superbisor ang video ng sayaw na ginawa namin at sinabi nilang bumuti ang mga galaw namin. Alam ko na ito ay pamumuno ng Diyos, at resulta rin na nakamit sa pamamagitan ng aming maayos na pakikipagtulungan.
Isang araw, nakabasa ako ng ilang salita ng Diyos sa isang pagtitipon, na nagbigay sa akin ng ilang panibagong pagkaunawa sa sarili kong tiwaling disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na lahat sila ay may satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon; maging ang mga hangal at mangmang ay mapagmataas, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao at tumatanggi silang sumunod sa mga ito. Kitang-kita na napakalalim ng katiwalian ng sangkatauhan at napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Diyos. Dahil sa kanilang pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, ang mga tao ay ganap na walang katwiran; wala silang sinumang susundin—kahit pa ang sinasabi ng iba ay tama at umaayon sa katotohanan, hindi nila ito susundin. Dahil sa pagmamataas kaya nangangahas ang mga tao na husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, at labanan ang Diyos. Kaya, paano malulutas ang isang mapagmataas na disposisyon? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil ng tao? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pagtanggap dito? Hinding-hindi. May isang paraan lamang upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, at iyon ay ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Tanging ang mga may kakayahan lamang tumanggap ng katotohanan ang unti-unting makawawaksi ng kanilang mga mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman malulutas ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang kanilang mga mapagmataas na disposisyon. Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng talento sa kanilang tungkulin. Kapag nagpapakita sila ng ilang abilidad, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay namumuhay sila sa mga abilidad na ito at hindi na pagbubutihin pa ang sarili. Hindi sila nakikinig sa iba anuman ang sabihin ng mga ito, iniisip na ang maliliit na bagay na ito na taglay nila ay ang katotohanan, at sila ang pinakamataas. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang magpasakop sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. Upang ayusin ang isang mapagmataas na disposisyon, kailangan niyang matutunang danasin ang gawain, paghatol at pagkastigo ng Diyos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. Kapag malinaw mong nakita ang iyong tiwaling diwa, malinaw na nakita ang ugat ng iyong pagmamataas, at pagkatapos ay nakilatis at nahimay ito, saka mo lamang tunay na malalaman ang iyong kalikasang diwa. Kailangan mong hukayin ang lahat ng tiwaling bagay sa loob mo, at ikumpara ang mga ito sa katotohanan at alamin ang mga ito batay sa katotohanan, pagkatapos ay malalaman mo kung ano ka: Hindi ka lamang puno ng isang tiwaling disposisyon, at hindi ka lamang walang katwiran at pagpapasakop, kundi makikita mo na kulang ka sa napakaraming bagay, na wala kang katotohanang realidad, at kung gaano ka kaawa-awa. Pagkatapos, hindi mo na magagawang maging mapagmataas. Kung hindi mo hinihimay at kinikilala ang iyong sarili sa ganitong paraan, kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo malalaman ang iyong lugar sa sansinukob. Iisipin mong magaling ka sa lahat ng paraan, na ang lahat ng bagay tungkol sa iba ay masama, at tanging ikaw ang pinakamahusay. Pagkatapos, palagi kang magpapakitang-gilas sa lahat, para tingalain at sambahin ka ng iba. Ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. May mga taong palaging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nilang mayabang ang mga taong ito. Ngunit hindi nila ito tinatanggap; iniisip pa rin nilang sila ay may talento at may kakayahan. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling. Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwinawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil may mapagmataas na disposisyon ang isang tao, palagi niyang pinaniniwalaan na tama siya, at na mas mataas siya kaysa sa iba. Napakahirap magpasakop sa Diyos at tumanggap ng mga suhestiyon ng iba tulad nito. Kapag may taglay na ilang talento o kasanayan ang isang tao sa partikular na larangan, iniisip niya na mas mahusay at mas marunong siya kaysa sa iba, nagtatrabaho siya ayon sa sarili niyang mga ideya, at nahihirapan siyang makipagtulungan sa iba. Kahit na ang mga suhestiyon na inilalatag ng iba ay umaayon sa mga prinsipyo, ayaw pa rin niyang tanggapin ang mga ito. Ganito mismo ang pag-uugali ko. Naniwala ako na may karanasan ako sa pagsasayaw at dapat ay matuto ang mga tao mula sa mga galaw ko. Sa partikular, nang sabihin ng mga superbisor na mahusay akong sumayaw, mas lalo pang tumaas ang tingin ko sa sarili ko. Kapag nagbibigay ng mga suhestiyon ang mga kapatid ko, hindi ako nakikinig nang maayos, at ayaw kong subukan ang mga ito para mapabuti. Kahit tama ang mga sinasabi ng mga kapatid ko, at malinaw kong nakikita na ang mga galaw ko ay hindi pareho at hindi tugma sa mga galaw ng iba, ayaw ko pa rin itong tanggapin, at ayaw kong baguhin ang sarili ko. Naisip ko, “Bakit ako makikinig sa inyo? Mas mahusay akong sumayaw kaysa sa inyo. Ako dapat ang gumagabay sa inyo.” Kapag gusto ng mga kapatid ko na paulit-ulit akong mag-ensayo ng isang dance step, ayaw ko itong tanggapin, at pakiramdam ko ay tinuturuan nila ako. Hindi ba’t napakayabang ng pag-uugali kong ito? Sumasayaw tayo nang sama-sama dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, para maayos tayong makapagtulungan at magampanan nang mabuti ang ating mga tungkulin. Gayumpaman, ako ay naging mayabang at mapagmagaling: Palagi akong sumasayaw sa sarili kong paraan at hindi tumatanggap ng mga suhestiyon ng iba, na naging dahilan ng mahinang pagtutulungan ng mga kapatid at nakaantala rin sa pag-usad ng sayaw. Sa totoo lang, ang mga galaw na natutuhan ko sa mundo ay hindi mga prinsipyo o pamantayan. Ang ilang galaw ay masyadong eksaherado at hindi gaanong maka-Diyos: Hindi nito makakamtan ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos. Ako ay nananampalataya sa Diyos, at dapat akong kumilos sa disente at wastong pamamaraan. Sumasayaw ako para purihin ang Diyos at para maramdaman ng mga manonood ang kasiyahan sa puso nila at makapagbigay-puri sa Diyos kasama ko. Hindi ko na maaaring ipagpatuloy ang pagiging mayabang at pagkapit sa aking mga ideya. Kailangan kong magpasakop sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at bitiwan ang sarili ko, at maayos na makipagtulungan sa mga kapatid ko.
Kalaunan, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Palagay ba ninyo ay may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong maunawaan ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan sa kanila nang magkakasundo. Kung naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspektong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anumang kasanayan o karanasan na mayroon tayo sa isang partikular na larangan, hindi ito nangangahulugang hindi tayo magkakamali at hindi rin ito nangangahulugang tayo ay perpekto. Ang lahat ay nagkakamali at may mga pagkukulang. Hinihingi nito sa ating matuto sa mga kalakasan ng iba para mapunan ang ating mga kahinaan bago natin magampanan nang maayos ang ating tungkulin. Noon, hindi ako nakikipagtulungan nang maayos sa mga kapatid kapag nag-eensayo kami. Napakayabang ng disposisyon ko, at palagi kong iniisip na mas mahusay ako. Hindi ko tinrato nang seryoso ang mga suhestiyon nila, kaya palaging hindi tugma ang mga galaw ko sa mga galaw nila. Kung hindi dahil sa pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos at sa paggabay ng aking mga kapatid, hindi ko sana naunawaan ang sarili ko, at baka lalo pa akong naging mayabang. Kailangan kong matuto mula sa mga kapatid ko. Dapat akong matuto sa kanilang mga kalakasan para mapunan ang aking mga kahinaan at makapagtulungan kami. Sa ganitong paraan lang namin magagampanan nang maayos ang aming tungkulin. Kalaunan, habang sumasayaw kami, itinuro ng mga kapatid ko ang ilan pang problema na mayroon ako. Halimbawa, masyado raw mabilis ang mga galaw ko at iba ang tiyempo ko kumpara sa kanila. Iminungkahi nila na medyo bagalan ko para makasabay ako sa kanila. Nang marinig ko ang mga suhestiyong ito, kahit hindi ayon sa gusto ko ang mga ito, ayaw ko nang kumapit sa sarili kong mga ideya gaya ng dati. Kailangan kong makipagtulungan nang maayos sa mga kapatid ko at tanggapin ang kanilang mga suhestiyon. Nang mag-ensayo ako nang ganito, naging mas mahusay ang mga galaw ko kaysa dati, napanatili ko ang pagkakatugma ko sa kanila, at bumuti ang pagsasayaw ko.
Sa karanasang ito, natutuhan ko kung paano makipagtulungan nang wasto sa aking mga kapatid, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong mapagmataas na disposisyon. Na nagawa kong makamit ang kaunting pagkaunawang ito at maisagawa ang maliit na pagbabagong ito ay bunga ng mga salita ng Diyos. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos!