42. Paano Ko Nalutas ang Aking Pagkainggit

Ni Songyi, Tsina

Noong Oktubre 2019, nakipagtulungan ako kay Mo Han sa gawain ng potograpiya. Dahil nag-aral ako ng potograpiya noon, mas mataas ang antas ng tagumpay ko sa pagkuha ng mga larawan na pasok sa pamantayan kaysa sa kanya. Naisip ko na, “Tila may kaunting talento ako sa potograpiya, dahil sa simula pa lamang ay nakakakuha na ako ng maraming materyal na agad magagamit. Tiyak na iisipin ng superbisor na isa akong bihirang talento sa potograpiya.” Lihim akong nasiyahan sa loob ko, at minaliit ko rin si Mo Han, iniisip ko na, “Kasali ka pa naman noon sa isang asosasyon ng mga potograpo, pero hindi naman gaanong kahanga-hanga ang mga kasanayan mo!” Kalaunan, sa isang pagtitipon, pinuri ng superbisor ang aking mga kasanayan at ang dedikasyon ko sa mga tungkulin ko, at hiniling niya kay Mo Han na matuto pa mula sa akin. Musika ito sa pandinig ko. Pagkatapos niyon, lalo pa akong nagsikap sa aking mga tungkulin. Minsan, sa tanghali, tinitiis ko ang matinding init at mag-isa akong kumukuha ng mga larawan sa mga talahiban. Isang beses, kahit masama ang pakiramdam ko, ipinagpatuloy ko ang pagkuha ng mga larawan sa gitna ng malakas na ulan. Inisip ko na basta’t mas marami akong makuhang magandang larawan, lalo pa akong hahangaan ng lahat, at para sa bagay na ito, sulit ang pagdurusa. Paglipas ng panahon, naging malinaw na labis akong pinahahalagahan ng superbisor, at sa tuwing mayroong teknikal na talakayan, palaging hinihiling sa akin na ikuwento ang mga karanasan ko sa pagkuha ng larawan. Sa mga sesyon ng pagsasanay, ako rin ang unang hinihilingan na mag-analisa at magbuod. Nang makita ko kung gaano ako pinahahalagahan ng superbisor, lalo kong naramdaman na isa akong indibidwal na may talento.

Isang gabi, lumapit ang superbisor sa aming pangkat at sinabi niyang kailangan naming mamili ng lider ng pangkat na mamamahala ng gawain. Pagkatapos ibahagi ang mga prinsipyo, inirekomenda ako ni Mo Han at ng isa pang sister bilang lider ng pangkat. Lihim akong nasiyahan sa loob ko, iniisip ko na, “May kabuluhan pala ang mga pagsisikap ko sa aking tungkulin. Napansin na ng lahat.” Pero sa panlabas, nagpanggap akong mapagpakumbaba, sinasabi na, “Naku, hindi ko kaya. Kahit medyo magaling ako sa teknikal na aspekto ng mga bagay, wala akong buhay pagpasok. Hindi ko kayang akuin ang mga responsabilidad ng isang lider ng pangkat.” Kalaunan, nagsagawa ang superbisor ng isang komprehensibong pagsusuri at pinili si Mo Han bilang lider ng pangkat. Naisip ko kung paanong si Mo Han ay matatag sa kanyang gawain, naaarok niya ang ilang prinsipyo, at kung paanong may mas mahusay siyang buhay pagpasok. Nanampalataya ako sa Diyos nang mas maikling panahon at mas mahusay lang ako sa teknikal na aspekto ng mga bagay, at sa ngayon, talagang mas angkop ako sa gawaing may iisang gampanin. Pero nang makita ko ang ganitong kinalabasan, nakaramdam pa rin ako ng kalituhan at ng matinding panghihinayang. Ginugol ko ang buong araw na naguguluhan at hindi ko magawang hikayatin ang sarili ko na gumawa ng kahit ano. Kahit na alam kong si Mo Han ang tamang piliin bilang lider ng pangkat, sumama pa rin ang loob ko, at napaisip ako, “Iniisip ba ng superbisor na hindi ko nauunawaan ang katotohanan, na wala akong anumang buhay pagpasok, at na isa lang akong trabahador na gumagawa lang ng gawain, kaya naman hindi niya pinlanong linangin ako?” Kalaunan, nang makipagtipon sa amin ang superbisor, sinimulan kong obserbahan siya, iniisip kung mas binibigyan ba niya ako ng pansin o si Mo Han. Napansin ko na minsan ay tinatanong niya nang detalyado ang tungkol sa kalagayan ni Mo Han, at ilang beses pang nakipagbahaginan nang pribado ang superbisor kay Mo Han. Lalo pa nitong kinompirma ang mga iniisip ko, at naramdaman kong mas pinapahalagahan ng superbisor si Mo Han. Labis akong napanghinaan ng loob at nabagabag, at nagsimula pa akong magdamdam kay Mo Han. Isang beses, sinabi ng superbisor na humusay na si Mo Han sa pagkuha ng mga larawan at hiniling dito na ibahagi ang kanyang karanasan sa pagkuha ng larawan. Dahil dito, lalo pa akong nainggit kay Mo Han, at pakiramdam ko ay inagaw niya sa akin ang atensiyon. Pagkatapos niyon, talagang naiilang na ako tuwing kasama ko si Mo Han, at minsan ay naiinis pa ako kahit marinig ko lang siyang magsalita, at nakakaramdam ako ng pagnanais na kontrahin siya at sadyang tutulan siya. Nang makita niya ang saloobin kong ito, nadama ni Mo Han na nalimitahan siya at minsan ay binanggit niya sa akin na nababagabag siya sa palagi kong pakikipagtalo at pagtutol sa kanya, at na labis na nakakapagod para sa kanya ang makipag-ugnayan sa akin. Alam kong mali ang ganitong pagkainggit ko sa kanya, pero hindi ko talaga makontrol ang sarili ko. Noon, tuwing nakakahanap ako ng magagandang video tutorial, inirerekomenda ko ang mga ito kay Mo Han, at kung may mapansin akong mga isyu sa mga kuha niya, tutukuyin ko ang mga iyon para matulungan siya. Pero simula nang maramdaman kong mas pinahahalagahan siya ng superbisor, ayaw ko nang tumulong pa sa kanya sa mga teknikal na bagay. Minsan, kinukutya ko pa siya nang harapan, sinasabi ko na mahina at hindi maganda ang mga komposisyon niya. Pagkatapos ng ilang insidenteng ganito, nagsimulang magduda si Mo Han kung sapat nga ba ang kanyang kakayahan para maging angkop siya sa tungkuling ito. Nang makita kong naging sanhi ng pagkawala ng kanyang kumpiyansa ang mga puna ko, bukod sa hindi ako nadismaya, sa totoo lang ay medyo natuwa pa ako, iniisip na kapag naging negatibo siya, baka isipin ng superbisor na wala siyang kakayahan at muli akong pahalagahan. Isang beses, kinailangan naming mabilis na kumuha ng mga larawan, at nainis ako kahit sa panonood lang kay Mo Han na nagsisikap humanap ng mga lokasyon buong araw. Natakot ako na baka makahanap siya ng magagandang lokasyon at makakuha ng ilang larawang matatanggap, kung ganoon ay lalo pa siyang pahahalagahan ng superbisor. Kaya nagtangka akong pahinain ang kanyang pagiging masigasig, sinasabing nagsusumikap lang siya para makuha ang paghanga ng mga tao, at na ginagawa lang niya ang lahat ng ito alang-alang sa reputasyon at katayuan. Nang marinig niya ang sinabi ko, nakaramdam si Mo Han ng pagkalimita sa kanyang tungkulin. Isa pang beses, napansin kong patuloy ang pakikipagbahaginan ng superbisor para lutasin ang kalagayan ni Mo Han, at nakaramdam ako ng inggit. Nang oras ko na para magbahagi, ginamit ko ang pagkukunwari na kilala ko ang sarili ko para gumawa ng paraan at sabihin sa harap ng superbisor na, “Napakarami kong hinihingi kay Mo Han. Naramdaman ko lang na dahil maraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos, dapat ay mayroon na siyang mga katotohanang realidad, kaya nais kong tulungan niya ako sa aking buhay pagpasok. Pero nang hindi niya ako tinulungan, sinimulan ko siyang maliitin.” Nagbanggit din ako ng mga bagay tulad ng kung paanong tumutulong sa akin ang mga kapatid na nakilala ko noon. Pagkatapos sabihin ito, nakonsensiya ako. Tinanong ng superbisor si Mo Han kung ano ang iniisip nito. Sinabi ni Mo Han na, “Labis akong nabagabag sa sinabi niya. Pakiramdam ko ay kahit nauunawaan ko ang ilang doktrina matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, wala pa rin akong gaanong katotohanang realidad o pagmamahal para sa kanya.” Nang makita kong kaya pa rin ng sister na tumanggap mula sa Diyos at magnilay sa kanyang sarili, labis akong nahiya at hiniling kong bumuka na lang sana ang lupa at lamunin ako. Matapos ang insidenteng ito, nagsimula akong magnilay sa aking sarili, at napagtanto ko na sinisikil at minamaliit ko si Mo Han alang-alang sa reputasyon at katayuan. Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsisiwalat kung paano sinisikil at ibinubukod ng mga anticristo ang mga tumututol alang-alang sa katayuan, at ito ang nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa katiwalian na aking naibunyag.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang lantarang panunupil ng mga anticristo sa mga tao, pagbubukod sa mga tao, pambabatikos laban sa mga tao, at paglalantad sa mga problema ng mga tao ay pawang may pinupuntirya. Walang pag-aalinlangan, ginagamit nila ang mga kaparaanang tulad nito para puntiryahin ang mga naghahangad sa katotohanan at nakakakilatis sa kanila. Sa pagsira sa mga taong ito, nakakamit nila ang layon na patatagin ang sarili nilang posisyon. Ang pambabatikos at paghihiwalay sa mga tao nang ganito ay likas na mapaminsala. May pagka-agresibo ang kanilang pananalita at paraan ng pagsasalita: paglalantad, pagkokondena, paninirang-puri, at malupit na pambabatikos. Binabaluktot pa nila ang mga katunayan, nagsasabi ng mga positibong bagay na para bang negatibo ang mga iyon at ng negatibo na para bang positibo ang mga iyon. Isinasakatuparan ng pagbabaligtad ng itim at puti at paghahalo-halo ng tama at mali nang ganito ang layon ng mga anticristo na talunin ang mga tao at sirain ang reputasyon ng mga ito. Anong pag-iisip ang nag-uudyok sa pambabatikos at paghihiwalay na ito sa mga hindi sumasang-ayon? Kadalasan, nagmumula ito sa inggit. Sa isang malupit na disposisyon, ang inggit ay may kasamang matinding pagkamuhi; at dahil sa inggit nila, binabatikos at inihihiwalay ng mga anticristo ang mga tao. Sa sitwasyong katulad nito, kung ang mga anticristo ay malalantad, maiuulat, mawawalan ng katayuan, at makakaranas ng pagkadismaya, magiging tutol at di-kontento, at magiging mas madali pa nga para sa kanila na maging labis na mapaghiganti. Ang pagiging mapaghiganti ay isang uri ng pag-iisip, at isang uri din ito ng tiwaling disposisyon. Kapag nakikita ng mga anticristo na nakasisira sa kanila ang ginawa ng isang tao, na mas may kakayahan ang iba kaysa sa kanila, o na mas maganda o mas madunong ang mga pahayag at mungkahi ng isang tao kaysa sa kanila, at sumasang-ayon ang lahat sa mga pahayag at mungkahi ng taong iyon, nadarama ng mga anticristo na nanganganib ang kanilang posisyon, umuusbong ang inggit at pagkamuhi sa kanilang puso, at nambabatikos at naghihiganti sila. Kapag naghihiganti, karaniwan na ang mga anticristo ang unang umaatake sa kanilang pinupuntirya. Maagap sila sa pag-atake at pagpapabagsak sa mga tao, hanggang sa magpasakop ang mga ito. Saka lamang nila madarama na nakapaglabas na sila ng galit. Ano ang iba pang mga pagpapamalas ng pambabatikos at paghihiwalay sa mga tao? (Paghamak sa iba.) Ang paghamak sa iba ay isa sa mga paraan ng pagpapamalas nito; gaano ka man kahusay sa paggawa ng iyong trabaho, hahamakin o kokondenahin ka pa rin ng mga anticristo, hanggang sa ikaw ay maging negatibo at mahina at hindi na makatayo. Pagkatapos ay matutuwa sila, at naisakatuparan na nila ang kanilang layon kung magkagayon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). “Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya itong pabagsakin, gumagawa ng walang batayang mga tsismis tungkol dito, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan ito at isabotahe ang reputasyon nito—inaapakan pa maging ang pagkatao nito—para maprotektahan niya ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan at kapalaluan, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang mapaminsalang disposisyon. Lihim na mapanira at buktot na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kadiyablo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng kasamaan? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga walang pakundangan at suwail? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanais, ambisyon, at pakay. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi sila mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang gayong mga tao? Wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga kahihinatnan nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas banayad na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na pagnanais para sa pansariling reputasyon at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at lihim na mapanira. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila natatakot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila ang bawat aspekto ng kanilang sarili bilang mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang katayuan ang Diyos sa kanilang puso(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Habang binabasa ang mga salita ng Diyos, talagang natakot at nabagabag ako. Palaging sumasagi sa isipan ko ang mga eksena ng pakikipagtulungan ko kay Mo Han sa mga tungkulin ko. Nang magsimula akong makakuha ng ilang resulta sa mga larawang kuha ko at nakita kong mas pinapansin ako ng superbisor, pakiramdam ko ay may talento ako. Nang dumating ang oras para pumili ng lider ng pangkat, inakala ko na ako ang tiyak na mapipili. Pero nang mapili si Mo Han, talagang nakaramdam ako ng pagkanegatibo at kalungkutan, at sumama ang loob ko at nainggit ako kay Mo Han, iniisip ko na inagaw niya sa akin ang atensiyon. Para mabawi ko ang lugar ko sa paningin ng superbisor, sinimulan kong subukang ipagtabuyan si Mo Han. Hindi lang sa madalas akong kumampi sa panig na salungat sa kanya, kundi kapag napapansin ko ang mga kapintasan sa mga larawang kuha niya, kinukutya at minamaliit ko siya para pababain ang kanyang kumpiyansa. Nang makita kong nililimitahan niya ang kanyang sarili, palihim akong natuwa, at umasa akong lalo pa siyang malulugmok sa pagkanegatibo, nang sa gayon ay makita siya ng superbisor bilang walang kakayahan at muli akong pahahalagahan. Nang makita ko siyang abalang-abalang naghahanap ng mga lokasyon, natakot akong baka makakuha siya ng magagandang larawan at mas pahalagahan siya ng superbisor, kaya inakusahan ko siyang naghahangad ng reputasyon at katayuan para siraan siya. Maging sa mga pagtitipon, nayayamot ako kapag mas madalas makipagbahaginan sa kanya ang superbisor, kaya minaliit ko siya sa harap ng superbisor, sinusubukan kong ipakita sa superbisor na wala siyang katotohanang realidad at pagmamahal sa kapwa. Talagang kasuklam-suklam at buktot ang mga walang konsensiyang pagtatangka kong sikilin ang aking sister! Sa paanong paraan naiiba ang masasamang gawa kong ito sa inaasal ng mga anticristo para protektahan ang kanilang katayuan? Simula nang makipagtulungan sa akin, palagi akong pinagpapasensiyahan at pinagtitiyagaan ni Mo Han. Kung minsan kapag nasa masamang kalagayan ako, ibinabahagi niya ang mga karanasan niya para gabayan at tulungan ako. Alam niyang may mga pagkukulang siya sa teknikal na mga aspekto, patuloy siyang nagsusumikap na matuto, at nagsisikap siya na makakuha ng magagandang larawan. Anumang mga paghihirap at labis na pagkapagod ang naranasan niya sa pagkuha ng mga larawan sa labas, bihira siyang magreklamo. Maging sa kanyang buhay pagpasok o sa saloobin niya sa kanyang mga tungkulin, mas mahusay siya kaysa sa akin, at ang pagkakapili sa kanya bilang lider ng pangkat ay lubos na naaayon sa mga prinsipyo. Pero dahil sa inggit, paulit-ulit ko siyang sinikil at ibinukod. Tunay ngang wala akong pagkatao! Hinihimay ng Diyos ang diposisyon ng mga anticristo sa pagbabahaginan, pero nabigo akong makita ang sarili ko ayon dito at magnilay sa sarili ko, at patuloy akong sumunod sa aking tiwaling disposisyon para sikilin ang sister ko. Ni hindi ko pa taglay ang pinakapayak na may-takot-sa-Diyos na puso. Paanong hindi magdudulot ng pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos ang mga kilos ko? Habang lalo kong inaalala ang mga pakikisalamuha ko kay Mo Han, lalo akong nakakaramdam ng pagsisisi at pagkakonsensiya Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa hindi paghahangad ng katotohanan at dahil sa pagsunod sa satanikong kalikasan ko para makagawa ng napakaraming kasamaan.

Noong panahong iyon, labis akong nasiraan ng loob. Tuwing naiisip ko kung paanong nakagawa ako ng kasamaan at tinahak ko ang landas ng mga anticristo alang-alang sa reputasyon at katayuan, napupuno ako ng pagsisisi. Madalas, sa kalaliman ng gabi, nagtatago ako sa ilalim ng kumot at tahimik na umiiyak. Hindi man lang ako naglakas-loob na magbukas ng saloobin sa mga kapatid, dahil natakot akong kasuklaman at itaboy nila ako kapag nalaman nilang ganito ako, at na baka mawala pa sa akin ang pagkakataong magampanan ang mga tungkulin ko. Hindi rin ako nangahas na magdasal sa Diyos, dahil pakiramdam ko ay matagal nang nagdulot ng pagkamuhi at pagkasuklam ng Diyos ang isang katulad ko, kaya hindi pakikinggan ng Diyos ang mga dasal ko. Sa ganitong paraan, nalugmok ako sa labis na pagkanegatibo at pasakit.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na umantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng magaspang na damit at naglagay ng mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Noong bago Niya iproklama sa kanila na wawasakin Niya ang syudad nila—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng serye ng mga gawain ng pagsisisi, unti-unting nagbago at napalitan ng awa at pagpaparaya ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspekto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Ipinahayag at ibinunyag ng Diyos ang dalawang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa bago at pagkatapos magsisi ang mga taga-Ninive, nagtutulot sa mga tao na makita ang pagiging totoo at pagiging hindi nalalabag na diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Hindi sa hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, bihira silang tunay na magsisi sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na tunay na makapagsisi ang tao, at umaasa Siya na makita ang tunay na pagsisisi ng tao, kung saan ay, patuloy Niyang bukas-palad na ipagkakaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang pag-uugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at makakabitiw sa karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at tatalikdan ang kanilang karahasan, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Nang mabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na emosyon. Naramdaman ko ang awa ng Diyos sa akin. Parang nakakita ako ng sinag ng liwanag sa isang madilim na daang walang patutunguhan. Naisip ko ang lahat ng kasamaang nagawa ko alang-alang sa reputasyon at katayuan, at ang pinsalang naidulot ko sa sister ko, pero hindi sumuko sa akin ang Diyos at sa halip ay patuloy Niya akong binibigyang-liwanag at ginagabayan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, na nagbibigay-daan para makita ko ang mga isyu sa sarili ko, at para maunawaan na kapag nabubunyag, walang saysay ang pagkalugmok sa pagtalikod sa sarili, pagiging negatibo at kahinaan, at na ang pinakamahalaga ay ang magsisi. Naisip ko kung paanong kapwa nakagawa ng kasamaan ang mga tao sa Sodoma at Nineve hanggang sa puntong nagpasya ang Diyos na wasakin sila. Pero napagtanto ng mga tao sa Nineve na kasuklam-suklam sa Diyos ang kanilang mga kilos hanggang sa nasa bingit na sila ng pagkawasak, at nagawa nilang lumapit sa Diyos sa tamang oras para magsisi at mangumpisal ng kanilang mga kasalanan. Dahil sa kanilang taos-pusong pagsisisi, natanggap nila ang awa ng Diyos. Nakita ko na kahit kinamumuhian ng Diyos ang masasamang gawa ng tao, may malasakit at awa pa rin Siya sa mga tao, at binibigyan Niya ang mga tao ng bawat pagkakataon para magsisi. Labis akong naantig. Tunay na tunay ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Sa pagninilay ko sa halos isang taong pakikipagtulungan ko kay Mo Han, nakita kong palagi ko siyang kinaiinggitan at pinagtatabuyan, at na hindi ko kailanman pinagnilayan ang sarili ko. Napakamanhid ko. Kung hindi dahil sa paghatol at pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, hindi ko sana kailanman nakita ang mga problema sa sarili ko, at nagpatuloy sana akong kumilos ayon sa satanikong kalikasan ko at gumawa ng mas marami pang kasamaan. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay Kanyang proteksiyon at pagmamahal! Sa pag-iisip nito, nagkaroon ako ng determinasyon at nagdasal ako sa Diyos, sinabing handa akong harapin nang buong tapang ang mga problema sa sarili ko at magsisi sa Kanya.

Pagkatapos nito, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Kung kaya’t para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan; ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Hindi ba’t wala na akong pag-asa?’ Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapapasuporta sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi kayang baguhin ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Ang problema ay nasa kanila; ito ay lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na siyang natutukoy ng kanilang kalikasang diwa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Sinasabi ng Diyos na lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para sa sarili nilang reputasyon at katayuan, at na pinahahalagahan nila ang reputasyon at katayuan na para bang ito ang mismong buhay nila. Hindi sila magpapapigil para ipaglaban ang katayuan, kahit na kapalit ang pagkakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa pagninilay sa aking saloobin tungkol sa reputasyon at katayuan, hindi ba’t katulad ito ng sa mga anticristo? Simula nang magkamit ako ng ilang resulta sa paggampan ko ng aking tungkulin ng potograpiya at makuha ko ang halaga ko sa mga mata ng superbisor, pakiramdam ko ay kahanga-hanga ako at talagang nasiyahan ako na pinahahalagahan ng iba. Para mapanatili ang magandang imahe sa mga mata ng superbisor, pakiramdam ko ay sulit ang anumang sakripisyo o paghihirap na tiniis ko sa paggampan ng tungkulin ko, na para bang ang paghanga ng iba ang lahat para sa akin Nang makita ko na pinili ng superbisor si Mo Han bilang lider ng pangkat, naramdaman kong kinuha niya ang lugar ko sa puso ng iba, at nakaramdam ako ng hindi makayanang sakit. Para sa akin, ang pagkawala ng paghanga ng iba ay parang pagkawala ng pundasyon ko. Pakiramdam ko ay tuluyan na akong naparalisa. Para mabawi ang halaga ko sa mga mata ng superbisor, kinutya, inalipusta, ibinukod, at sinikil ko si Mo Han. Hindi lang ako gumawa ng kasamaan, nakasakit ng aking sister, at nakaantala sa gawain ng iglesia, kundi nalugmok din ako sa kadiliman at namuhay sa matinding pagdurusa. Lahat ng ito ay dahil sa walang humpay kong paghahangad ng reputasyon at katayuan. Namuhay ako sa mga satanikong lason ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” at “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” at nais kong ako lang ang namumukod-tangi. Nang makita kong medyo mas binibigyang-pansin ng superbisor ang sister ko, nainggit ako at sumama ang loob ko. Itinuring ko pa siya bilang kaaway at naramdaman kong hindi ko na siya matiis. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo! Nakita ko na ang reputasyon at pakinabang ay mga di-nakikitang gapos na inilalagay ni Satanas sa mga tao, at na mga gamit ito para gawing tiwali at pinsalain ang mga tao. Kung hindi dahil sa pagsisiwalat at paghatol ng mga salita ng Diyos na gumigising sa manhid kong puso, namumuhay pa rin sana ako sa aking tiwaling disposisyon, at kung nagpatuloy ako nang ganito, sa kalaunan, masasalungat ko ang disposisyon ng Diyos sa paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at sa huli ay matitiwalag at mapaparusahan ako ng Diyos.

Kalaunan, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung kasikatan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang hahangarin nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, nawawala ang mga ito tulad ng usok, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pansamantala lamang ang pagkamit sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na tanging ang pagkakamit ng katotohanan ang walang hanggan. Ang paghahanap ng mga layunin ng Diyos sa mga bagay-bagay na nangyayari sa atin at ang pagbitaw sa mga personal na interes upang umasal ayon sa mga hinihingi ng Diyos ay ang paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang paraan para mabuhay. Naisip ko si Job, na hindi nahumaling sa kanyang posisyon, sa kabila ng kanyang mabunying posisyon at katayuan. Nang mapasakamay niya ang mataas na katayuan at hinangaan siya ng iba, hindi siya nagpakasasa sa kasiyahan kundi patuloy siyang natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos, at nawala ang kanyang katayuan, mga anak, at ari-arian, pinuri pa rin niya ang katuwiran ng Diyos habang nakaupo sa abo. Wala siyang pakialam sa mga opinyon o pananaw ng iba sa kanya, at sa halip, nagpasakop lang siya sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa kanya. Sa pamamagitan ng mga kilos niya, naipakita ni Job ang tamang wangis na dapat isabuhay ng isang nilikha. Sa pagninilay sa aking sarili, nagkaroon ako ng kaunting pansamantalang paghanga mula sa iba dahil lang marunong ako ng ilang teknikal na kasanayan at may ilang magagandang kuha, kaya nawala sa paningin ko ang aking posisyon at katayuan. Akala ko ay kahanga-hanga ako at na dapat ituring akong mahalaga ng iba. Nang makita kong nahihigitan ako ng iba, nainggit ako at sumama ang loob ko. Nakagawa pa ako ng kasamaan at nakapanakit ng iba. Kumpara kay Job, lubos akong walang katwiran at walang kahihiyan!

Makalipas ang kaunting panahon, inilipat si Sister Zhang Nuo sa grupo namin. Hindi nagtagal, napili siya bilang lider ng pangkat. Nang makita kong kumokonsulta kay Zhang Nuo ang mga sister sa paligid ko tungkol sa mga bagay na hindi nila nauunawaan sa kanilang gawain, at na minsan ay pinupuri ng superbisor si Zhang Nuo dahil sa kanyang pagpapahalaga sa pasanin sa kanyang mga tungkulin at dahil sa kanyang pagiging masigasig sa pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan, medyo nabalisa ako at nanlumo. Noon, mas pinahalagahan ako ng superbisor, pero ngayon, nang narito na si Zhang Nuo, tila mas mababa ako kaysa sa kanya. Isang araw, habang nakaupo ako sa harap ng kompyuter ko, pinagnilayan ko ang mga ibinubunyag ko. Bakit ako nababalisa kapag nakikita kong mahusay si Zhang Nuo? Bakit ako nanlulumo kapag hinahangaan siya ng mga sister sa paligid ko? Hindi ba’t dahil natamaan nito ang reputasyon at katayuan ko? Kaya nagdasal ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, muling lumitaw ang pagnanais kong makipagkompetensiya, ayaw ko nang magapos at malimitahan ng reputasyon at katayuan. Anuman ang tingin ng iba sa akin, nais ko lang gampanan nang maayos ang tungkulin ko. Pakiprotektahan ang puso ko.” Pagkatapos, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung may ibang mas magaling sa iyo at mas nauunawaan ang katotohanan kaysa sa iyo, dapat kang matuto mula sa kanya—hindi ba’t mabuti ito? Ito ay isang bagay na dapat ikagalak ng lahat. Halimbawa, nariyan si Job, ang taong iyon ay isa sa mga tagasunod ng Diyos sa kasaysayan ng tao. Ito ba ay isang maluwalhating bagay na nangyari sa anim na libong taong gawain ng pamamahala ng Diyos, o isa ba itong kahihiyan? (Ito ay isang maluwalhating bagay.) Ito ay isang maluwalhating bagay. Anong saloobin ang dapat mayroon kayo pagdating sa bagay na ito? Anong perspektiba ang dapat mayroon kayo? Dapat maging masaya kayo para sa Diyos at ipagdiwang Siya, purihin ninyo ang kapangyarihan ng Diyos, magpuri kayo na nagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos—isa itong mabuting bagay(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Biglang naging malinaw sa akin ang lahat dahil sa mga salita ng Diyos. Tunay nga, kapag nakakamit ng mga kapatid ang mga bumubuting resulta sa kanilang mga tungkulin, hindi ba’t ipinapakita nito na nagbubunga ang gawain ng Diyos sa mga tao? Isa itong bagay na nagdadala ng kaginhawahan sa puso ng Diyos. Isa itong mabuting bagay! Hindi na ako maaaring magapos ng tiwaling disposisyon ko at maging mapanlaban sa Diyos. Kinabukasan, kinuha ko ang inisyatibang magbukas ng saloobin kay Zhang Nuo tungkol sa kalagayan ko. Matapos akong magsagawa nang ganito, nakaramdam ako ng higit na paglaya sa puso ko, at naging mas malapit ang ugnayan ko sa kanya. Kalaunan, binabanggit pa rin minsan ng superbisor na mabilis ang pag-usad ni Zhang Nuo sa mga teknikal na kasanayan niya at may potensyal siyang malinang. Nang makita kong binibigyan siya ng superbisor ng higit na pagpapahalaga, nakakaramdam pa rin ako ng panlulumo minsan, pero hindi na ito kasing sakit tulad ng dati. Sa halip, nagtuon ako sa pagkatuto mula sa kanya at sa paghugot mula sa kanyang mga kalakasan. Ang pagsasagawa nang ganito ay nagparamdam sa akin ng higit na kapanatagan at kalayaan sa puso ko, at sa tulong niya, nagkaroon din ako ng kaunting pag-usad sa mga teknikal na kasanayan ko.

Masakit para sa akin ang karanasang ito ng pagkakabunyag, pero mahalaga rin ito, at talagang nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng ganitong sitwasyon para maranasan ko. Ang mga pagbabagong nakamit ko ay bungang lubos ng pagmamahal ng Diyos!

Sinundan:  41. Ang Paghahanap ng Landas para Malutas ang Aking Mapagmataas na Disposisyon

Sumunod:  44. Hindi Ko Na Sinusubukang Protektahan ang Aking Dangal

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger