44. Hindi Ko Na Sinusubukang Protektahan ang Aking Dangal
Noong Setyembre 2023, inihalal ako ng mga kapatid ko bilang lider sa iglesia, pangunahin akong responsable para sa gawain ng pagdidilig. Nang marinig ko ang balitang ito, nakaramdam ako ng matinding presyur. Naisip ko, “Ang gawain ng iglesia ay kinapapalooban ng maraming gampanin. Kasisimula ko pa lang magsanay at wala akong anumang karanasan. Kung pupunta ako at susubaybayan ang gawain ng mga kapatid ko at may ilang bagay akong hindi kayang asikasuhin, ano ang iisipin nila sa akin? Sasabihin ba nilang wala akong katwiran, na sinusubaybayan ko ang gawain ng ibang tao nang hindi ko alam kung paano ito gawin?” Dahil ayaw kong malaman nila ang mga kakulangan ko at maliitin ako, tinanggihan ko ang tungkulin bilang lider. Sinabi ko sa superbisor, “Mas mabuti pang magsumikap ako sa kasalukuyan kong tungkulin.” Nakipagkita at nakipagbahaginan sa akin ang superbisor, “Masyadong mataas ang hinihingi mo sa sarili mo. Lahat ng tao ay may mga kakulangan, at napakanormal na may ilang pagkukulang sa ating gawain. Hindi ganoon kataas ang mga hinihingi ng Diyos sa atin. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang ating saloobin sa ating tungkulin, at tinitingnan Niya kung ibinubuhos natin ang lahat ng ating pagsisikap sa ating gawain.” Nang marinig ko ang sinabi ng superbisor, naisip kong tama siya. Lahat ng tao ay may mga kakulangan at pagkukulang, kaya kailangan nating lahat na mas magsanay at mag-aral pa. Hindi ko dapat tinanggihan ang tungkuling ito. Pagkatapos, pinagnilayan ko ang sarili ko. Bakit patuloy kong sinusubukang tumanggi nang dumating ang tungkuling ito?
Isang araw habang nagdedebosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong maging deboto sa lahat ng bagay para matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng pagganap ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, na hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, at matuto tungkol dito, habang dumaranas ka at pumapasok. Kahit pa ikaw ay nahihirapan, napapagod, napapahiya, o ibinubukod, kailangan mo pa ring gawin ito nang may debosyon. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo magagawang maging deboto sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong ituring na tungkuling dapat mong gampanan, hindi bilang personal na gawain. Paano mo dapat maunawaan ang mga tungkulin? Bilang isang bagay na ibinibigay ng Lumikha—ng Diyos—sa isang tao para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at ganap na likas at may katwiran na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita na ang tungkuling ito ay atas ng Diyos, at na ito ay pagmamahal ng Diyos at pagpapala ng Diyos para sa iyo, magagawa mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at magagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hinding-hindi magagawa ng mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos na tanggihan ang atas ng Diyos; hindi nila kailanman magagawang tanggihan ang anumang tungkulin. Kahit ano pang tungkulin ang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo, kahit ano pang mga paghihirap ang kaakibat nito, hindi mo ito dapat tanggihan, kundi tanggapin. Ito ang landas ng pagsasagawa, na ang isagawa ang katotohanan at maging deboto sa lahat ng bagay, upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ano ang pinagtutuunan dito? Iyon ay ang mga salitang ‘sa lahat ng bagay.’ Ang ‘lahat ng bagay’ ay hindi nangangahulugan ng mga bagay na gusto mo o kung saan ka mahusay, lalong hindi ang mga bagay na pamilyar ka. Kung minsan, ito ay mga bagay kung saan hindi ka mahusay, mga bagay na kailangan mong matutunan, mga bagay na mahirap, o mga bagay kung saan kailangan mong magdusa. Gayumpaman, anuman ito, basta’t ito ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, kailangan mo itong tanggapin mula sa Kanya; kailangan mong tanggapin ito at gampanan nang mabuti ang tungkulin, ginagawa ito nang may debosyon at tinutugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari, dapat mo laging hanapin ang katotohanan, at sa sandaling nakatitiyak ka na kung anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, ganoon ka dapat magsagawa. Tanging sa paggawa nito mo isinasagawa ang katotohanan, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa katotohanang realidad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para matugunan ang mga layunin ng Diyos, dapat nating tanggapin ang anumang tungkuling nagmumula sa Diyos. Ang tungkuling dumarating sa atin ay maaaring isang hindi pa natin nagawa dati, kaya dapat tayong maglaan ng oras at pagsisikap para matutuhan ito, at kailangang mas magdusa ang ating laman. O maaaring masaktan ang ating pride dahil sa ating mga kakulangan, pero anuman ang mangyari, dapat tayong magkaroon ng isang simple at masunuring puso. Ito ang saloobin sa tungkulin na dapat taglayin ng isang nilikha. Tiningnan ko ang sarili ko bilang paghahambing. Nang malaman kong nahalal ako bilang lider sa iglesia, alam kong kailangang subaybayan ng mga lider ang iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia, pero kulang ako sa lahat ng aspekto, kaya nag-alala ako na kung mahaharap ako sa ilang problemang hindi ko alam kung paano haharapin habang sinusubaybayan ang gawain, at hindi makapagturo ng solusyon sa mga kapatid ko, tiyak na mamaliitin ako ng lahat at sasabihing wala akong kakayahan. Kaya, naghanap ako ng mga dahilan para sabihing hindi ko alam kung paano gawin ang maraming gampanin at hindi ko kakayanin ang trabaho. Nang dumating ang tungkuling ito, hindi ko naisip kung paano magpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at pasanin ang aking tungkulin; sa halip, gusto ko itong tanggihan para hindi ako maliitin ng mga tao. Hindi ko man lang pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ako. Biniyayaan ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa aking gawin ang tungkulin ng isang lider. Isa itong magandang pagkakataon para makamit ang katotohanan, at dapat kong gawin nang maayos ang aking tungkulin nang may maagap at positibong saloobin. Nang maunawaan ko ito, handa akong baguhin ang maling kaisipan ko. Bagama’t napakarami kong kakulangan at pagkukulang, handa akong matuto mula sa mga kapatid ko. Kaya, sinabi ko sa superbisor na handa akong magsanay para maging lider.
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang unang klase ay iyong maaaring maging superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang unang hinihingi sa kanila ay ang magkaroon sila ng abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan. Ito ang pinakamaliit na hinihingi. Ang ikalawang hinihingi ay ang magbuhat sila ng pasanin—ito ay kailangang-kailangan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). “Maaaring itinatanong ng ilang tao: ‘Bakit hindi kasama sa mga pamantayan na dapat matugunan ng mga tao na may talento ang pag-unawa sa katotohanan, pagtataglay ng katotohanang realidad, at kakayahang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan upang maiangat at malinang? Bakit hindi nila isinasama ang kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan? Napag-iwanan na ba ang mga bagay na ito?’ Sabihin ninyo sa Akin, kung may isang tao na nakauunawa sa katotohanan at nakapasok na sa katotohanang realidad, at kayang magpasakop sa Diyos, at tapat sa Diyos, at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at higit pa rito, nakikilala ang Diyos, hindi lumalaban sa Kanya, at isang nilikha na pasok sa pamantayan, kailangan pa rin ba silang linangin? Kung talagang nakamit na nila ang lahat ng ito, hindi ba’t naisakatuparan na ang bunga ng paglilinang? (Oo.) Samakatwid, hindi na kasama ang mga pamantayang ito sa mga hinihingi para maiangat at malinang ang mga taong may talento. Dahil ang mga kandidato ay iniaangat at nililinang mula sa mga tao na hindi nakauunawa sa katotohanan at puno ng mga tiwaling disposisyon, kaya imposible para sa mga kandidatong ito na iniaangat at nililinang na magkaroon na ng katotohanang realidad, o ganap nang nagpapasakop sa Diyos, lalo na ang maging ganap nang tapat sa Diyos, at tiyak na malayo pa rin sila sa pagkakakilala sa Diyos at sa pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga pamantayan na dapat tugunan higit sa lahat ng iba’t ibang uri ng tao na may talento upang maiangat at malinang ay ang mga kababanggit lang natin—ito ang mga pinakamakatotohanan at mga pinakapartikular” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). “Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo magiging ordinaryo at normal na mga tao? Gaya ng sinasabi ng Diyos, paano kayo tatayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano ninyo magagawang hindi subukang maging isang pambihirang tao, o maging kung sinong dakilang tao? Paano ka dapat magsagawa upang maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? Sino ang sasagot? (Una sa lahat, kailangan naming aminin na ordinaryong tao kami, na lubha kaming karaniwan. Maraming bagay ang hindi namin nauunawaan, hindi naiintindihan, at hindi malinaw na makita. Dapat naming aminin na kami ay tiwali at may kapintasan. Pagkatapos niyon, kailangan naming magkaroon ng tapat na puso at humarap nang mas madalas sa Diyos para maghanap.) Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, ‘Ako ang lider, ako ang lider ng pangkat, ako ang superbisor, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Una, ibaba mo ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding presyur, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod sa buhay ay idinulot ito sa kanilang sarili. Huwag kang magkunwari o magpanggap. Una, magtapat ka tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawalang lahat. May iba pang nakahahadlang sa iyo. Palagi mong itinuturing ang sarili mo na pinuno ng grupo, isang lider, isang manggagawa, o isang taong may titulo, katayuan, at posisyon: Kung sasabihin mong mayroon kang hindi nauunawaan, o hindi kayang gawin, hindi ba’t hinahamak mo ang iyong sarili? Kapag isinantabi mo ang mga gapos na ito sa iyong puso, kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao, na katulad ng lahat, at na mayroong ilang aspekto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, gayundin ang atmospera” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang ng mga tao. Hindi naman sa ang mga tao lang na may katotohanang realidad o kayang gawin ang lahat ng iba’t ibang aytem ng gawain ang maaaring iangat at linangin para maging mga lider. Sa halip, basta’t may kakayahan kang umarok sa katotohanan, may disenteng pagkatao, nagdadala ng pasanin sa paggawa ng tungkulin mo, at handang matuto kahit wala kang karanasan, maaari kang linangin. Dagdag pa rito, kung ikaw ay nahalal bilang lider, hindi mo dapat itaas ang iyong sarili, at dapat mong ilagay ang iyong sarili sa tamang posisyon at aminin na isa ka lamang ordinaryong tao, at na anuman ang gawain, hindi ka ipinanganak na kaya nang gawin ito; kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi mo alam kung paano gawin o hindi mo nauunawaan, maaari kang maghanap mula sa iyong mga kapatid. Naalala ko na noong una akong nagsanay sa pagdidilig ng mga baguhan, hindi ko alam kung paano gawin ang gawain, pero noong panahong iyon, napagtanto ko na ang pagdidilig sa mga baguhan ay pagsasanay kung paano gamitin ang katotohanan para lumutas ng mga problema, na kapaki-pakinabang sa aking buhay pagpasok, kaya nagkaroon ako ng motibasyon na gawin nang maayos ang aking tungkulin. Nang magsanay ako kasama ng mga kapatid ko, unti-unti, paglipas ng panahon ay nagawa ko na ring lumutas ng ilang problema. Napagtanto ko na anuman ang gawain, hindi naman sa magagawa mo lamang ito kapag alam mo na kung paano ito gawin at nauunawaan mo na ito; palagi kang kailangang dumaan sa isang proseso ng pag-aaral at pagsasanay. Gayumpaman, pinaghaharian ako ng aking mapagmataas na disposisyon, at inisip ko na kung ako ay lider sa iglesia, kung gayon ay dapat mas marami akong nauunawaan kaysa sa iba at mas mahusay ako sa gawain kaysa sa iba. Sa ganitong paraan laang ako magiging kalipikadong pumunta at sumubaybay sa gawain ng ibang tao. Naisip ko rin na kung hindi ko ito kayang gawin o hindi ko ito nauunawaan, tiyak na mamaliitin ako ng ibang tao, kaya tinanggihan ko ang tungkulin. Hindi ko alam ang tunay kong kakayahan. Masyado akong walang katwiran! Sa totoo lang, hindi naman mataas ang hinihingi ng Diyos sa atin—ang maging mga ordinaryong tao lang at kalmadong harapin ang ating mga pagkukulang, para aktibong humingi ng tulong sa mga kapatid tungkol sa mga bagay na hindi natin nauunawaan, at hanapin ang katotohanan para mapunan ang ating mga kakulangan. Kung unti-unti tayong magsasanay nang ganito, mas magiging mabilis din ang pag-unlad natin. Nang maunawaan ko ito, naging handa akong bitiwan ang nakalilinlang na pananaw na, “Isa akong lider, dapat ay mas magaling ako sa iba at mas marami akong alam kaysa sa iba,” at isagawa ang pagiging matapat na tao. Tinanggap ko ang tungkulin ng isang lider mula sa kaibuturan ng puso ko.
Noong una, responsable lang ako para sa iglesia kung saan ako kabilang. Medyo pamilyar ako sa mga miyembro at gawain ng iglesia, pero hindi nagtagal, hiniling sa akin ng superbisor na akuin ko pa ang responsabilidad para sa gawain ng ilan pang mga iglesia. Naisip ko: “Napakahusay ng kapabilidad sa gawain ng mga kapatid sa mga iglesiang ito. Mas matagal na silang nananampalataya sa Diyos kaysa sa akin. Hindi ako kasinghusay nila. Kung hindi ko magawa ang maraming bagay kapag sinusubaybayan ko ang gawain nila, ano na lang kaya ang iisipin nila sa akin? Hindi kaya nila ako maliitin?” Nagpadala ako ng mensahe sa superbisor, sinabi kong hindi ko ito kaya at hindi ko ito magagawa. Hiniling sa akin ng superbisor na subukan ko munang magsanay at tingnan. Kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Para sa lahat ng gumagampan ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamababang dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon paggampan ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito nang ilang panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensyon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos itong maranasan sa loob ng ilang panahon, madarama mo na isa itong mabuting paraan para umasal. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang mababang-uri at ubod ng sama na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, mababang-uri, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin, kailangan kong bitiwan ang pag-aalala ko sa aking dangal at katayuan, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng pagkakataon. Ito lang ang makatutugon sa Diyos. Ang pagdating ng tungkuling ito sa akin ay pagtataas sa akin ng Diyos, na nag-uudyok sa akin na mas hanapin pa ang katotohanan at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Naisip ko kung gaano katensiyonado ang sitwasyon ngayon sa Myanmar, na may patuloy na digmaan. Hindi ko alam kung gaano katagal ko pa magagawa ang tungkulin ko. Ngayong may pagkakataon akong gumawa ng tungkulin, dapat ko itong pahalagahan, at hindi ko na ito puwedeng tanggihan dahil lang nag-aalala ako sa kung ano ang iisipin ng iba sa akin. Anuman ang mga problemang malalantad sa tungkulin ko sa susunod, dapat kong harapin nang kalmado ang sarili kong mga pagkukulang. Nang maisip ko ito sa ganitong paraan, medyo napanatag ang puso ko. Isang araw, kinausap ko ang mga kapatid na kasama ko sa gawain at tinalakay namin ang tungkol sa mga susunod na gawain. Nagtapat ako sa kanilang dalawa at sinabing, “Marami akong kakulangan at maraming gampanin ang hindi ko kayang gawin, kaya kailangan nating magtulungan.” Nang ibuka ko ang bibig ko para sabihin ito, namula nang husto ang mukha ko. Bagama’t pakiramdam ko ay medyo napahiya ako, labis na napanatag ang puso ko matapos kong aminin sa kanila ang sarili kong mga kakulangan at sabihin ang nasa puso ko. Hindi ako minaliit ng mga kapatid, at handa silang makipagtulungan sa akin para magawa namin nang maayos ang gawain.
Isang araw, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa pinakaugat ng pagtanggi ko sa aking tungkulin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling makikitid na adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagkilala ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. Kaya, kapag kumikilos sila, lagi silang may reserbasyon, lagi nilang sinusubukang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, inuuna nila ang mga ito, nagsasalita lamang para sa kanilang sariling kapakinabangan, upang huwad na ipagtanggol ang kanilang sarili. Lahat ng ginagawa nila ay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Kapag lumitaw ang kamera, halimbawa, hindi magkamayaw sa pagpunta sa harapan ang mga tao; gusto nilang nakikita ang kanilang mukha sa kamera, mas matagal na makuhanan, mas mabuti; takot silang hindi magkaroon ng sapat na oras sa kamera, at gagawin nila ang kahit na ano para sa pagkakataong makuha ito. At hindi ba ito kontrolado lahat ng kanilang mga satanikong disposisyon? Ito ang mga sataniko nilang disposisyon. Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong hindi ng kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinahahalagahan ng lahat ng tao ang katayuan, at isinasaalang-alang nila ang sarili nilang reputasyon at katayuan sa bawat pagkakataon sa lahat ng ginagawa nila. Naisip ko noong una, nang mahalal ako bilang lider sa iglesia. Dahil nagsisimula pa lang akong magsanay at marami akong kakulangan, natakot ako na kung susubaybayan ko ang gawain ng mga kapatid habang maraming bagay ang hindi ko alam gawin, magmumukha akong talagang walang kakayahan. Para hindi ako maliitin ng mga tao, paulit-ulit kong tinanggihan ang tungkulin ko. Ang makapagsanay ako bilang lider ay pagtataas sa akin ng Diyos. Umaasa ang Diyos na tatahakin ko ang landas ng paghahangad sa katotohanan at unti-unting malutas ang sarili kong mga tiwaling disposisyon. Pero, hindi ko pinahalagahan ang pabor na iyon at patuloy kong tinatanggihan ang tungkulin ko para lang protektahan ang aking reputasyon. Paghihimagsik ito laban sa Diyos. Sa paglipas ng mga taon, natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng napakaraming salita ng Diyos, pero nang kailanganin kong gawin ang gawain ng iglesia hindi ko inisip kung paano tutuparin ang mga responsabilidad ko o kung paano ko susuklian ang biyaya ng Diyos. Talagang masyado akong walang pagkatao! Sa totoo lang, mula nang maging lider ako, unti-unti kong sinangkapan ang sarili ko ng ilang katotohanan sa aspekto ng pagkilatis, at nagsanay na gamitin ang katotohanan para lumutas ng mga problema. Bilang lider, marami akong naranasan at nagkaroon din ako ng maraming pagkakataon para magkamit ng katotohanan. Lahat ng ito ay mga tunay na pakinabang! Kung hindi ako nagsilbi bilang lider at hindi ko sinubaybayan ang gawain ng iba, hindi sana malalantad ang sarili kong mga kakulangan at hindi ako mapapahiya. Pero, sa huli, hindi ako magkakamit ng katotohanan at hindi magbabago ang mga disposisyon ko. Hindi ba’t mauuwi lang sa wala ang lahat sa bandang huli? Sa huli, mawawala lang ang pagkakataon kong maligtas at maipapahamak ko lang ang sarili ko. Nakakatakot isipin ito. Kalaunan, normal ko nang nagagawa ang tungkulin ko nang hindi nalilimitahan ng pag-aalala sa reputasyon.
Minsan, pumunta ako sa isang iglesia para dumalo sa isa sa mga pagtitipon nila. Isang sister ang malinaw na nagpahayag ng mga ideya sa pakikipag-usap tungkol sa gawain, at gusto kong magdagdag. Pero, dahil pakiramdam ko ay napakahusay at napakakumpleto na ng sinabi ng sister, hindi na ako nagsalita. Naisip ko: “Kung pupunta ako rito at hindi ako magbibigay ng kahit kaunting payo, ano na lang kaya ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Hindi kaya nila isipin na talagang wala akong silbi at wala rin akong kapabilidad sa gawain?” Nang maisip ko ito, medyo napahiya ako, at naisip kong tiyak na nakilatis na ako ng mga kapatid. Kaya ayoko nang dumalo pa sa mga pagtitipon nila. Noong mga panahong iyon, hindi ko sinubaybayan o inalam ang gawain nila. Noong oras na iyon, medyo sinisi ko rin ang sarili ko, “Hindi ko sinubaybayan ang gawain dahil natakot akong maliitin ako ng mga kapatid. Hindi ba’t pagpapabaya ito sa tungkulin? Kung matagal kong hindi susubaybayan ang gawain, tiyak na mawawala sa akin ang tungkuling ito, at mawawala rin ang maraming pagkakataon na magkamit ng katotohanan. Hindi ko puwedeng palaging isaalang-alang kung ano ang tingin sa akin ng ibang tao. Gaano man kataas ang tingin sa akin ng mga tao, wala itong silbi. Ang pinakamahalaga ay kung ano ang tingin sa akin ng Diyos.” Kaya, binitiwan ko ang pagpapahalaga ko sa dangal ko at pumunta ako para subaybayan ang gawain. Kalaunan, gumawa ako ng plano para sa sarili ko, binabalangkas kung aling mga iglesia ang susubaybayan ko sa loob ng isang linggo at kung anong mga aspekto ng gawain ang susubaybayan ko. Noong una, kinakabahan ako nang husto. Natatakot akong hindi ako makakapagsalita nang maayos at mamaliitin ako ng mga kapatid. Sa tuwing nangyayari ito, pinapakalma ko ang sarili ko at nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Diyos na huwag ako hayaang mapigilan ng pag-aalala sa reputasyon. Nang maiwasto ko ang aking kaisipan, nagawa kong pakalmahin ang puso ko at normal nang masubaybayan ang gawain. Bukod dito, sa pamamagitan ng pagsubaybay sa gawain, natuklasan kong lahat ng kapatid ay may kani-kanilang mga kalakasan, at sa pamamagitan nito, napupunan ko rin ang aking mga kakulangan. Minsan, kapag may problema akong hindi ko maarok habang sinusubaybayan ang gawain, sinasabi ko ito sa kanila nang diretso, “Hindi ko pa rin lubos na nauunawaan ang problemang ito, kaya hihingi ako ng gabay sa susunod.” Sa pagsasagawa nang ganito, naging lubos na panatag ang puso ko. Ang magawang makamit ang bahagyang pagkaunawang ito at matamo ang maliit na pagbabagong ito ay bunga na nakamtan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!