46. Ang Pagsasabi ng Totoo Tungkol sa mga Pagkakamali ng Mabubuting Kaibigan ay Nagpapatagal at Nagpapaganda sa Pagkakaibigan

Ni Ziyan, Tsina

Noong 2023, ipinareha ako kay Ye Xun para gawin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto. Mas mahusay kaysa sa akin ang kapabilidad sa gawain ni Ye Xun, at mas episyente rin siya. Kadalasan, kung nasa anumang uri ako ng kalagayan, ibabahagi niya ang mga salita ng Diyos para tulungan ako. Magkasundong-magkasundo kami. Noong Pebrero 2024, sa isang pagtitipon, isinama ni Ye Xun ang mga salita ng Diyos para maunawaan ang kanyang sariling mapagmataas na disposisyon, pero napakapangkalahatan ng pagkaunawa. Pagkatapos niya, tinukoy ni Lan Xin ang ilang mayabang at nakapipigil na pag-uugali ni Ye Xun kapag ginagawa niya ang tungkulin niya. Sinabi niya na kadalasan, kapag tinutukoy ni Ye Xun ang mga problema niya, naglalaman ng kaunting panghahamak ang tono ni Ye Xun, na masyadong nakapipigil kay Lan Xin. At may ilang pagkakataon na nang nadama niyang mahina ang kakayahan niya at hindi siya sapat para sa tungkulin, mapanghamak na sinabi sa kanya ni Ye Xun na magbitiw kung hindi niya ito kayang gawin, na nagdulot sa kanya na maging napakanegatibo. Habang nagsasalita si Lan Xin, unti-unting lumungkot ang mukha ni Ye Xun. Nang matapos na si Lan Xin sa pagbabahagi niya, umiyak si Ye Xun, na nagsasabing napigilan niya ang iba at nakagawa siya ng kasamaan, at mababa ang lagay ng loob niya. Naisip ko na hindi ganap na natanggap ni Ye Xun ang mga problemang tinukoy ni Lan Xin, pero naisip ko rin na malaki ang pagpapahalaga ni Ye Xun sa kahihiyan, kaya normal na hindi niya magawang tanggapin ito kaagad noong tinukoy ni Lan Xin ang mga problema ni Ye Xun. Magiging mas mabuti-buti na siya pagtagal-tagal, kaya wala na akong sinabi. Habang kumakain, ilang beses hinanap ni Lan Xin si Ye Xun para kausapin, pero binalewala siya ni Ye Xun. Medyo nakakaasiwa ang paligid. Magkasama kaming nagtatrabaho ni Ye Xun sa parehong opisina, at pagkatapos ng tanghalian, dumating si Lan Xin sa opisina namin para tulungan ako sa kompiyuter. Pagkatapos ay lumabas si Ye Xun, na para bang sinasadya niyang iwasan si Lan Xin. Noon, madalas silang nag-uusap at nagtatawanan ni Lan Xin, pero ngayon, para bang ibang tao na ito. Napagtanto ko na may pagkiling si Ye Xun laban kay Lan Xin. Gusto kong tanungin ang kalagayan niya, at tukuyin na ang saloobin niya ay saloobing hindi tumatanggap sa katotohanan at magpaparamdam ng pagpigil sa mga tao. Pero, nagbago ang isip ko, “Katutukoy lang ni Lan Xin sa mga problema ni Ye Xun, pero hindi pa rin niya binabago ang kalagayan niya. Kung pupunta ako at pupunahin siya ngayon, hindi ba’t mas magiging negatibo lang siya? Kung kalaunan ay magkakaroon siya ng masamang opinyon tungkol sa akin at balewalain ako, ano ang gagawin ko? Iisa ang opisina namin at madalas kaming magkita. Kung talagang lumamig ang ugnayan namin, magiging napakahirap na magkasundo sa hinaharap. Kalaunan, kung nasa anumang kalagayan ako o maharap sa anumang mga problema sa gawain ko, ano ang gagawin ko kung hindi niya ako tutulungan? Hindi ba’t ipinapahiya ko lang ang sarili ko?” Nang maisip ko ito, nilunok ko ang mga salita na sasabihin ko sana. Gayumpaman, nakikita ko nang malinaw na hindi mabuti ang kalagayan ni Ye Xun, at nasisi ko ang sarili ko dahil sa hindi pagbabahagi nito. Kaya, humugot ako ng lakas ng loob na magtanong, “Mukhang hindi napakabuti ng kalagayan mo. Dahil ba, mahirap tanggapin nang diretsahan ang mga problemang tinukoy ni Lan Xin? Kung may mga naiisip ka, puwede kang magsabi at ibahagi ang mga iyon. Huwag mong kimkimin sa loob mo!” Sinabi ni Ye Xun sa mahinang boses, “Ayos lang ako. Pinag-iisipan ko ito,” at pagkatapos ay wala na siyang sinabi pa. Nang makita kong ayaw niyang magtapat at magbahagi tungkol dito, biglang-bigla ay hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko. Nag-alala ako na kung may sabihin pa ako, mag-uudyok ito ng pagkainis sa akin, at magkakaroon siya ng masamang opinyon sa akin. Kaya, nagsalita lang ako ng kaunting salita ng pampalakas-loob at mabilis na tinapos ang pag-uusap.

Pagkatapos noon, nagpakaabala si Ye Xun sa pagkain at pagtatrabaho sa loob ng dalawang araw. Talagang hindi man lang siya nagsalita maliban na lang kapag may tinanong kami sa kanya, at pagkatapos ay ilang salita lang ang sasabihin niya. Noon, tuwing may anumang mga problema sa gawain na hindi ko maunawaan, maagap na ipapahayag ni Ye Xun ang mga opinyon niya at magbibigay ng kaunting mungkahi. Kung may alinmang bahagi sa aking gawain ng mga liham kung saan hindi malinaw ang pagbabahagi ko, tutulungan niya akong mas pagandahin ang mga iyon. Gayumpaman, sa loob ng dalawang araw na iyon, ni hindi man lang nagbahagi si Ye Xun tungkol sa mga problemang dinanas namin sa aming gawain. Gusto kong banggitin ang mga iyon at talakayin ang mga iyon, pero nang makita ko na hindi maganda ang lagay ng loob ni Ye Xun, naisip ko na mahihirapang magkamit ng anumang resulta sa pagtalakay ng gawain, kaya hindi ko na binanggit ang mga iyon. Bilang resulta, naapektuhan ang gawain. Pagkatapos noon, gusto kong ilantad ang pag-uugali ni Ye Xun para magkaroon siya ng kamalayan sa mga problema niya. Pero naisip ko na bahagya nga lang nabanggit ni Lan Xin ang mayabang na disposisyon ni Ye Xun, at naging ganito na kasama ang kalagayan ni Ye Xun dahil doon. Kung babanggitin ko na naman na hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hindi ba’t magkakaroon siya ng pagkiling laban sa akin, at gagawin niya ang tungkulin niya nang may bakod sa kanyang puso? Gaano kahirap para sa amin ang magkasundo kung ganoon? Dahil doon, maingat kong sinabi kay Ye Xun, “Kung may mga naiisip ka, puwede mong sabihin ang mga iyon. Kung magpapatuloy kang kailanman ay walang sinasabing kahit ano gaya nito, mapipigilan mo ang mga tao. Inilatag ng Diyos ang ganitong uri ng kapaligiran para hayaan tayong pagnilayan ang ating mga sariling tiwaling disposisyon. Kapaki-pakinabang ito para sa ating buhay pagpasok.” Sinabi niya sa mahinang tinig, “Dahan-dahan ko itong pinag-iisipan. Ayos lang ako. Mas mabuti nang ganito. Kung mas kaunti ang sasabihin ko sa hinaharap, hindi ko malilimitahan ang mga tao.” Noong makita ko si Ye Xun na nagsasalita na parang may tampo pa rin siya, nag-atubili na naman ako. “Kung tutukuyin ko ang mga problema niya at hindi niya tatanggapin ang mga iyon, babalewalain niya rin kaya ako? Huwag na lang, maghintay na lang tayo hanggang sa magbukas siya at saka tayo magbahagi sa oras na iyon.” Kalaunan, noong tinalakay namin ang gawain, wala pa rin gaanong sinabi si Ye Xun. Nakita ni Lan Xin kung paano umasta si Ye Xun, at hindi niya alam kung ano talaga ang gagawin. Nadama niyang kasalanan niya ito, at sising-sisi si Lan Xin. Ang lagay niya ay bahagya ring nasisiraan ng loob. Sa loob ng dalawang araw na iyon, wala akong ibang maisip kundi ang usaping ito. Ni hindi ko mapakalma ang puso ko kapag ginagawa ko ang tungkulin ko. Nagdasal ako sa Diyos para sabihin sa Kanya ang kalagayan ko para magabayan Niya akong maunawaan ang sarili ko.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hangarin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at pagnanais lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na lider at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang kumpiyansang magsalita? Walang isa man dito; ito ang pangunahing ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang katotohanan, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba’t ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? Kahit naaayon sa katotohanan ang ilan sa sinasabi mo, sa mahahalagang sitwasyon at isyu, nagsisinungaling ka at nanlilinlang ng mga tao, na nagpapatunay na isa kang taong sinungaling, at nabubuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilalantad ng Diyos na sa maraming pagkakataon, handa ang mga tao na isagawa ang katotohanan, pero dahil nadodomina sila ng makasarili at mapanlinlang nilang mga tiwaling disposisyon, masyado nilang isinasaalang-alang ang mga sarili nilang interes, at kahit na malinaw nilang nakikita ang mga problema ng mga kapatid nila, hindi sila naglalakas-loob na tukuyin ang mga iyon o ilantad ang mga iyon. Kahit na tukuyin nga nila ang mga iyon, paligoy-ligoy nila itong ginagawa, hindi buo ang sinasabi, at hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nasa ganito mismo akong kalagayan. Nakita ko na hindi tinanggap ni Ye Xun ang gabay ni Lan Xin, na binalewala noong nagsalita siya kay Ye Xun; napigilan nito si Lan Xin. Dapat sana ay nagbahagi at tumulong ako sa tamang oras. Gayumpaman, nag-alala ako na kung sa panahong iyon ay tinukoy ko na hindi niya tinanggap ang katotohanan, hindi niya ito kaagad tatanggapin at magkakaroon siya ng masamang opinyon tungkol sa akin, kaya, kalaunan ay hindi na niya ako tutulungan kapag nagkaroon ako ng anumang paghihirap. Kaya, maingat ko lang siyang tinanong tungkol sa kalagayan niya. Noong nakita kong hindi pa siya handang magtapat, nagsimula na naman akong mag-alala na ang paglalantad sa mga problema niya ay magdudulot na mainis siya sa akin, kaya nilunok ko ang mga salitang sasabihin ko sana. Kalaunan, hindi pa rin nagbago ang kalagayan ni Ye Xun. Sa loob ng ilang sunod-sunod na araw, talagang hindi siya masyadong nakipag-usap sa amin, at hindi namin mapag-usapan ang gawain o matalakay ito nang normal. Ni hindi kami makapagkamit ng magagandang resulta sa pagpapatupad ng gawain. Malinaw kong nakita ang mga problema ni Ye Xun, pero hindi ako nangahas na ilantad ang mga iyon dahil gusto kong pangalagaan ang sarili ko. Tumayo lang ako at nanood habang naaapektuhan ang kalagayan ni Lan Xin at ang gawain ng iglesia. Ang mga sarili kong interes lang ang nasa puso ko. Hindi ko talaga pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Naging masyado akong mapanlinlang at makasarili!

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, at may naunawaan ako tungkol sa ugat ng kawalan ko ng abilidad na isagawa ang katotohanan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, pinagtataguan ang isa’t isa, at iniintriga ang isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para manatiling buhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan ang bawat tao ay kinukuha ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Maituturing bang mabuting wastong asal ang pagsunod sa pahayag at kaugaliang ito? Hinding-hindi(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang dahilan kaya hindi ako nangahas na diretsahang tukuyin ang mga problema ni Ye Xun ay dahil namumuhay ako sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ginamit ko ang mga kasabihang gaya ng “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” bilang sarili kong diskarte sa mga makamundong pakikitungo. Naisip ko na para makasundo ang mga tao, kailangan mong magbigay ng konsiderasyon sa kanila, magsalita sa paraan na madali nilang matanggap, at huwag silang sasaktan, at na sa ganitong paraan mo lang mapoprotektahan ang mga relasyon mo sa mga tao at makikibagay sa mga tao. Noong hindi pa ako nananampalataya sa Diyos, kung may nagawang mali ang isang tao, hindi ako mangangahas na direkta itong tukuyin. Kahit na may banggitin ako, gagawin ko iyon nang napakaingat, kaya kasundong-kasundo ko ang mga katrabaho ko. Pagkatapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, nagpatuloy akong umasa sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo para makisama sa mga kapatid ko. Kapag nakita ko ang mga kapatid ko na gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo at hindi kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, hindi ako nangangahas na tukuyin ito dahil baka mapinsala ko ang matiwasay na samahan. Lalo na, noong nakita ko na hindi tinanggap ni Ye Xun ang mga problemang tinukoy ni Lan Xin at noong namumuhay siya sa isang tiwaling disposisyon at hinahadlangan ang mga tungkulin namin, dapat sana ay nagbahagi ako, binigyan siya ng mga gabay, at tinulungan siyang maunawaan ang seryosong kahihinatnan ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Gayumpaman, natakot ako na maaapektuhan nito ang ugnayan namin, kaya maligoy lang akong nagtanong tungkol sa kalagayan niya, nang hindi tinutukoy ang mga problema niya. Bilang resulta, patuloy siyang nagtampo at hindi nagawa nang wasto ang tungkulin niya, na nakahahadlang sa gawain. Napagtanto ko na ang pamumuhay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ay hindi talaga pagiging sinsero o matulungin sa mga tao, at hindi pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Ginagawa rin ako nitong mas lalong mapanlinlang at makasarili: Talagang napipinsala nito ang iba at ang iyong sarili! Kapag nakikita ng mga taong may tunay na pagkatao na namumuhay ang kanilang mga kapatid sa isang tiwaling disposisyon, ibabahagi nila ang tungkol sa mga salita ng Diyos batay sa pagmamahal, at tutulungan ang kanilang mga kapatid na maunawaan ang mga tiwaling disposisyon ng mga ito. Gayumpaman, isinaalang-alang ko lang kung magkakaroon ng masamang opinyon sa akin si Ye Xun at kung mas mahihirapan ba kaming magkasundo sa hinaharap pagkatapos kong tukuyin ang mga problema niya. Ang inisip ko lang ay tungkol sa kung paano pangangalagaan ang sarili ko. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang buhay pagpasok ng sister ko o ang gawain ng iglesia. Napagtanto ko na bagama’t nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi ako nagbago kahit kaunti. Wala akong normal na pagkatao, at tunay na ginalit ko ang Diyos. Noong naunawaan ko ito, napuno ang puso ko ng pagsisisi at panghihinayang. Nanalangin din ako sa Diyos tungkol sa kalagayan ko para magabayan Niya ako na maisagawa ko ang katotohanan.

Kalaunan, napanood ko ang isang video na patotoong batay sa karanasan. Nabanggit dito ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na partikular na nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paminsan-minsan, nangangahulugan ang pagkakasundo ng pagtitimpi at pagpaparaya, ngunit nangangahulugan din ito ng paninindigan at pagtataguyod ng mga prinsipyo. Hindi nangangahulugan ang pagkakasundo na ilagay sa kompromiso ang mga prinsipyo upang maging maayos ang mga bagay-bagay, o sikaping maging ‘mapagpalugod ng tao,’ o manatiling katamtaman—at lalo nang hindi ito nangangahulugang manuyo ka sa isang tao. Ang mga ito ay mga prinsipyo. Kapag naarok mo na ang mga prinsipyong ito, kikilos at magsasalita ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maisasabuhay mo rin ang realidad ng katotohanan, nang hindi mo namamalayan, at sa ganitong paraan ay madaling makamit ang pagkakaisa. Sa sambahayan ng Diyos, kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at kung umaasa sila sa sarili nilang mga kuru-kuro, hilig, pagnanasa, makasariling motibo, sa sarili nilang mga kaloob, at katusuhan sa pakikisama sa isa’t isa, hindi ito ang paraan para mamuhay sa harap ng Diyos, at wala silang kakayahang magkaroon ng pagkakaisa. Bakit ganito? Ito ay dahil kapag namumuhay ang mga tao ayon sa isang satanikong disposisyon, hindi sila magkakaroon ng pagkakaisa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). “Kung taglay mo ang mga intensiyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo isasagawa ang katotohanan o itataguyod ang prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa pagliligtas Niya, at hilingin na bigyan ka Niya ng pananalig at lakas at bigyan ka ng kakayahang itaguyod ang mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan na magdusa ng anumang mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, pride, at pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang may matapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananalig o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman. Dapat maging malinaw sa iyo na ang pagtatamo ng katotohanan ay isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, paano mo matatamo ang katotohanan? Kung naisasagawa mo ang katotohanan, kung nakakapamuhay ka ayon sa katotohanan, at ang katotohanan ang nagiging batayan ng iyong buhay, makakamit mo ang katotohanan at magkakaroon ka ng buhay, at sa gayon ay magiging isa ka sa mga maliligtas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sinabi ng Diyos na ang tunay na katiwasayan ay hindi lang pagtitimpi at pagpaparaya, at dapat ka ring magkaroon ng mga prinsipyo at manindigan. Hindi ka puwedeng manatili sa landas ng pag-iingat o maging mapagpalugod ng mga tao. Tanging sa pamamagitan ng pagtrato sa mga tao at pakikipagtulungan sa kanila batay sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong umayon sa layunin ng Diyos. Kung palagi kang mamumuhay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, poprotektahan ang iyong mga interpersonal na relasyon, hindi kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi kayang isagawa ang mga salita ng Diyos, sa huli, siguradong hindi mo magagawang makamit ang katotohanan, at magiging isa ka sa mga itinitiwalag ng Diyos. Namumuhay ako sa pamamagitan ng mga kaisipan at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao. Malinaw kong nalaman na dapat kong tukuyin ang mga problema ni Ye Xun at tulungan siyang maunawaan ang sarili niya at baguhin ang kalagayan niya, pero palagi akong nag-aalala na kung tutukuyin ko ang mga iyon, masisira nito ang ugnayan sa pagitan namin. Samakatwid, hindi ko naisagawa ang pagbubukas at pakikipagbahaginan. Sa labas, mukhang matiwasay ang ugnayan naming dalawa, pero hindi niya kailanman naunawaan ang mga problema niya at lumala nang lumala ang kalagayan niya. Nalimitahan ang lahat, at naapektuhan ang gawain. Lahat ng ito ay mga kahihinatnan ng hindi ko pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganito. Dapat akong magsagawa nang naaayon sa mga salita ng Diyos at tukuyin ang pag-uugali ni Ye Xun na hindi tumatanggap ng katotohanan at ang kalikasan nito. Kung tinanggap niya ang katotohanan pagkatapos ng pagbabahaginan at paglalantad, makabubuti iyon sa kanya—magiging tunay na tulong ito. Gayumpaman, kung hindi pa rin niya ito tatanggapin pagkatapos ng pagbabahaginan at patuloy na manlalaban, kakailanganin kong magkamit ng kaunting pagkilatis. Noong gabing iyon, nanalangin ako sa Diyos, nagmamakaawa sa Kanyang bigyan ako ng pananalig para matukoy ko ang mga problema ni Ye Xun. Pagkatapos manalangin, nagkusa akong tanungin ang tungkol sa kalagayan ni Ye Xun, at tinukoy sa kanya ang mga pag-uugali niya na hindi tumatanggap ng katotohanan at pagiging tutol sa katotohanan. Pagkatapos makinig sa akin ni Ye Xun, nagkaroon siya ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan niya at handang baguhin ito. Nakita ko na handa niyang tanggapin ang katotohanan, pero sa simula pa lang, namumuhay siya sa isang tiwaling disposisyon at hindi ito kayang baguhin kaagad. Naranasan ko rin na kapag nagsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, mapapanatag at mapapayapa ang puso mo.

Kinabukasan, sa pagtitipon, noong nagbabahagi si Ye Xun tungkol sa kalagayan niya, sinabi niya na alam niya na napipigilan ng kanyang mayabang na disposisyon ang mga tao, at hindi niya tinanggap ang katotohanan. Gayumpaman, hindi niya naunawaan ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagkilos nang ganito. Nagsimula na namang mahirapan ang loob ko, “Siguro, dapat ko na namang tukuyin ang mga bagay-bagay sa kanya, para mas magkaroon siya ng pagkaunawa sa mga detalye. Kung nauunawaan lang niya ang isang pangkalahatang balangkas, sa hinaharap ay hindi ito makatutulong sa pagbabago at pagpasok niya. Pero kung tutukuyin ko ito, hindi kaya niya iisipin na masyado akong maraming hinihingi sa kanya? Paano kung hindi niya ito matanggap at maging negatibo na naman siya? Kung makabubuo siya ng mga pagkiling laban sa akin, paano kami magkakasundo sa hinaharap? Siguro, dapat kong hayaan lang siyang dahan-dahang maunawaan ang mga bagay nang siya lang mag-isa.” Nang naisip ko ito, medyo umatras na naman ako. Sa pagkakataong ito, napagtanto ko na ang pag-aatubili ko ay dahil pa rin gusto kong panatilihin ang ugnayan ko sa kanya. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, nagmamakaawang bigyan Niya ako ng pananalig at maitrato ko ang sister ko nang may matapat na puso. Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Paano ipinapahayag ang nakapagpapabuti na pananalita? Ito ay pangunahing nagpapalakas-loob, nagbibigay-direksyon, gumagabay, nanghihikayat, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at pungusan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at nakapagpapabuti ito para sa kanila, hindi ba?(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (3)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi lang ang mga salita ng pagpapalakas-loob at panghihikayat ang makatutulong sa mga tao. Ang pagpupungos pagdating sa mga problema ng mga tao at pagtukoy sa mga kahinaan at kakulangan nila ay ang mas malaking pagpapatibay. Matutulungan nito ang mga tao na mas maunawaan ang kalagayan nila, hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at kapaki-pakinabang din ito sa buhay pagpasok nila. Ngayon, hindi naunawaan ni Ye Xun ang kalikasan at mga kahihinatnan ng hindi niya pagtanggap sa katotohanan. Sa pagtukoy nito, matutulungan ko siya na mas maunawaang mabuti ang sarili niya. Makatutulong ito kapwa sa sarili niyang buhay pagpasok at sa gawain ng iglesia. Hindi mahalaga kung anuman ang isipin sa akin ni Ye Xun. Ang pinakamahalagang bagay ay dapat kong isagawa ang mga salita ng Diyos at bigyan ng tunay na tulong ang sister ko. Sa gayong dahilan, nagbasa ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos kaugnay sa kalagayan ni Ye Xun, at tinukoy na pangkalahatan at kulang sa detalye ang pagkaunawa niya. Pagkatapos, sa pagsasama sa mga salita ng Diyos, ibinahagi ko ang tungkol sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pagkilos sa ganitong paraan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, inamin ni Ye Xun na sa kasalukuyan, wala siyang napakalalim na pagkaunawa, at handa siyang ayusin ang mga bagay at magbago. Humingi rin siya ng tawad kay Lan Xin noon din. Ibinahagi rin ni Lan Xin ang sarili niyang kalagayan. Nagbukas ang lahat tungkol sa kanilang sarili, at wala nang hadlang pa sa pagitan ng sinuman. Tunay kong naranasan kung paanong ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos ay nagdadala ng tulong at mga pakinabang sa mga tao. Hangga’t handa ang mga tao na tanggapin ang katotohanan, ang pagtukoy sa mga isyu, pagtutulungan ng isa’t isa, pagbabahaginan, at paglalantad sa pagitan ng mga kapatid, bukod sa hindi magpapanegatibo sa mga tao, sa katunayan ay makatutulong pa nga na mas maunawaan nang mabuti ang kanilang sarili, at uusad ang lahat sa kanilang buhay pagpasok. Ito ang mga pakinabang ng pagsasagawa sa katotohanan.

Sinundan:  36. Ang Paggawa ng Tungkulin nang Maayos Ng Isang Tao ay ang Misyong Ipinagkatiwala ng Diyos

Sumunod:  50. Sino ang Humahadlang sa Akin sa Landas Patungo sa Kaharian ng Langit?

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger