47. Alam Ko na Ngayon Kung Paano Itrato ang Pag-aasawa
Ipinangaral sa akin ng lola ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw noong 18 taong gulang ako. Sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan ko na sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at isinasakatuparan ang gawain ng paghatol para linisin at iligtas ang mga tao, klasipikahin sila ayon sa kanilang uri, at sa huli ay tapusin ang kapanahunang ito. Hindi ako kailanman nanampalataya sa Panginoong Jesus at mapalad ako na makaabot sa huling yugto ng gawain ng Diyos. Biyaya ito ng Diyos sa akin. Dapat akong taimtim na manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Mula noon, masigasig akong naghahangad at madalas akong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikipagtipon sa mga magulang at lola ko. Aktibo rin ako sa paggawa ng mga tungkulin ko. Pagkatapos ng anim na buwan, umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko dahil sa pangangailangan ng gawain. Paminsan-minsan, maglalaan ako ng ilang oras para umuwi ng bahay kapag napapadaan ako sa bayan ko.
Noong 2019, 25 na taong gulang ako. Isang beses, noong umuwi ako ng bahay, sinabi sa akin ng tatay ko, “Anak, nasa edad ka na para mag-asawa, at dapat ka nang bumuo ng sarili mong pamilya. Tingnan mo ang pinsan mo at ang asawa niya. Pagkatapos nilang magpakasal, nagagawa pa rin nila ang mga tungkulin nila sa iglesia, at naging maayos naman ang lahat.” Nagbigay siya ng dalawa pang halimbawa ng mga batang kapatid na nag-asawa, dahil sinusubukan niyang kumbinsihin ako na ganoon din ang gawin ko. Sinabi ko, “Abala ako sa paggawa ng tungkulin ko. Wala talaga sa loob ko ang mag-asawa at mamuhay nang pamilyado. Sa buhay na ito, gusto ko lang ilaan ang lahat ng oras ko sa pananampalataya sa Diyos at paggawa sa tungkulin ko. Tanging sa paghahangad ng katotohanan at paggawa nang maayos sa mga tungkulin natin magkakaroon ng kabuluhan ang buhay natin. Sabi ng Diyos: ‘May mga tao na inaapi ng kanilang mga pamilya kaya hindi nila magawang maniwala sa Diyos maliban kung mag-aasawa sila. Sa ganitong paraan, ang pag-aasawa, sa kabaligtaran, ay nakakatulong sa kanila. Para sa iba, walang pakinabang ang pag-aasawa, kundi ang kapalit nito ay kung anong mayroon sila dati’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)). Walang sinuman sa pamilya namin ang umuusig sa akin, kaya gusto kong ilaan ang lahat ng oras ko sa paggawa ng tungkulin ko. Makatutulong ito sa aking paghahangad sa buhay.” Habang nagsasalita ako, nakita kong nakahiga ang tatay ko sa kama, dismayado siya. Bumulong siya nang may mahinang boses, “Pagtahak sa tamang landas ang gamitin ang lahat ng oras mo para gawin ang tungkulin mo. Kung pipiliin mong hindi mag-asawa, kalayaan mo iyon at hindi kita hahadlangan. Pero kapag naiisip ko ang pamilya natin, na naipagpapatuloy lang ng nag-iisang anak na lalaki sa loob ng tatlong henerasyon, at kung hindi ka mag-aasawa, mahihinto na sa iyo ang lahi natin, Sa puso ko ay nalungkot ako. Kaya, naisip ko na talakayin sa iyo na kung sakali, baka piliin mong mag-asawa, katulad ng pinsan mo.” Pagkatapos noon, hindi na ako uli kailanman kinumbinsi ng tatay ko nang gaya nito.
Pagkatapos ng Spring Festival noong 2024, naaresto ang ilang kapatid sa lugar kung saan ko ginagawa ang tungkulin ko. Naiwan akong walang angkop na bahay-tuluyan para tirahan nang ilang panahon, kaya iminungkahi ko sa mga lider na umuwi muna ako sa bahay pansamantala. Habang nasa bahay ako, paminsan-minsan ay kinakausap ako ng nanay ko tungkol sa pag-aasawa. Isang beses, ipinakilala niya ang mga anak ng dalawang sister. Naisip niya na talagang mabait ang isa sa kanila, at tinanong ako kung ano ang tingin ko rito. Nang marinig ko ito, naisip ko, “Palaging bumabagabag sa isipan ng mga magulang ko ang usapin ng pag-aasawa, at ngayon, umaaksiyon na sila. Kung diretsahan akong tatanggi, magiging napakasakit niyon sa nanay ko.” Kaya, iniba ko ang usapan, sadya kong sinusubukang iwasan ito. Isang gabi, nakikipagkuwentuhan ako sa nanay ko. Taimtim na sinabi ng nanay ko, “Anak, alam mo ba kung bakit inipon ko ang lahat ng perang ito? Ang isang dahilan ay para bayaran ang medikal na pangangailangan ng lola mo; ang isa pa ay para may pakasalan ka. Ngayon, pumanaw na ang lola mo, at ang isang pangunahing usapin na natitira sa pamilya natin ay ang pag-aasawa mo. Kung may makilala kang nararapat sa iyo, mag-asawa ka na! Hindi naman iyan hahadlang sa pananampalataya mo sa Diyos. Tatlumpung taong gulang ka na, at hindi ka na bumabata. Kung hindi ka mag-aasawa, wala kang makakasama at magiging mag-isa ka lang. Hindi na rin kami bumabata ng tatay mo, at hindi ka namin masasamahan sa buong buhay mo.” Nang marinig ko ang mga salitang ito ng nanay ko, nakadama ako ng bahagyang kirot sa puso ko. Sa mga nagdaang taon, matatag talaga ang paninindigan ko sa pag-aasawa, pero ngayon, talagang nagdadalawang isip ako. Naalala ko nang pumanaw ang lola ko noong nakaraang taon. Nadama ko na dahil nabawasan ng isa ang kamag-anak ko sa mundo, bawas na ng isa ang makakasama ko, at nakadama ako ng panlalamig sa puso ko, “Kung hindi ako mag-aasawa, kapag pumanaw ang mga magulang ko, tatanda akong mag-isa.” Dagdag pa rito, hindi pa kailanman nanghingi ng kahit ano sa akin ang mga magulang ko magmula noong bata ako. Sinuportahan nila ako sa loob ng maraming taon na ito habang malayo ako sa bahay na ginagawa ang tungkulin ko. Hindi ko nagawang tugunan ito, ang kaisa-isang napakaliit na inaasahan nila sa akin sa buhay na ito. Pakiramdam ko ay nabigo ko ang mga magulang ko. Pero, may naisip pa ako, “Kung mag-aasawa ako at magkakaroon ng mga anak, mas marami akong magiging alalahanin sa buhay ko, at mas kakaunti ang oras at lakas ko para sa tungkulin ko. Baka nga hindi ko magawa ang tungkulin ko. Ito ang sitwasyon ng isang brother, kung saan ang buhay ay nagtulak sa kanya na bumalik sa mundo para kumita pagkatapos niyang mag-asawa. Ni hindi siya makadalo nang regular sa mga pagtitipon. Natanggap ko ang biyaya ng Diyos na makapunta sa sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin ko, at sa nakalipas na ilang taon, marami akong natanggap mula sa Diyos. Kung hindi ko gagawin ang tungkulin ko, at sa halip ay mamumuhay ng isang buhay may-asawa, mabibigo ko ang Diyos!” Kaya sinabi ko sa nanay ko, “Ayaw kong bumuo ng pamilya. Kapag bumuo ako ng pamilya, marami akong magiging alalahanin, at maaapektuhan ang tungkulin ko. Ayos lang akong mag-isa. Mamuhay ka lang nang maayos at hindi mo ako kailangang alalahanin.” Nang marinig ng nanay ko ang sinabi kong ito, napakalungkot niya na napatungo siya at wala nang sinabi pa. Naalala ko ang dismayado at malungkot na mukha ng tatay ko ilang taon na ang nakalilipas, at biglang lumambot ang puso ko. Naisip ko, “Kung ni hindi ko matugunan ang mga magulang ko sa kahilingang ito, at ipapahiya sila sa harap ng mga kamag-anak namin at mga kaibigan nila at makukutya at mahahatulan ng iba, hindi ba’t magiging napakamakasarili ko? Ako lang ang nag-iisang anak na isinilang at pinalaki ng mga magulang ko, kaya kung hindi ako mag-aasawa at magkakaanak, walang magiging mga tagapagmana ang pamilya ko. Mabibigo ko ang mga magulang at ninuno ko. Hindi ba’t hindi ito pagiging mabuting anak? Tinatanong ako ng lahat ng kamag-anak at kaibigan ko kung kailan ako mag-aasawa. Sinasabi ng ilan sa kanila na hindi umaako ng wastong responsabilidad ang mga magulang ko. Sinasabi nila na kahit na nasa hustong gulang na ako, wala pa rin akong asawa, lalong wala akong mga anak, at na pinuputol ko ang lahi ng pamilya ko. Kung hindi pa rin ako nagmamadaling bumuo ng isang pamilya at bumuo ng propesyon, sino ang nakakaalam kung ano pa ang sasabihin nila kapag nakatalikod ako!” Noong panahong iyon, ginugulo ako ng usaping ito, at minsan, hindi ako makatulog kahit lampas na ng hatinggabi. Naisip ko, “Maraming taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko nang malayo sa bahay, at nakakita na ako ng iilang kapatid na kaedad ko na nag-asawa na at may mga anak na. Bagama’t marami silang pinagkakaabalahan, nagagawa pa rin nila ang ilang tungkulin nila. Ano kaya kung maghanap ako ng isang nararapat na tao, mag-asawa ako, at manampalataya din sa Diyos habang ipinamumuhay ang buhay na iyon? Hindi ko dapat hayaan ang mga kamag-anak at kaibigan ko na sabihing pinuputol ko ang lahi ng pamilya, dahil mapapahiya nito ang mga magulang ko sa harap nila. Pero magdadala sa akin ng matitinding alalahanin ang pag-aasawa at ang pagkakaroon ng anak, at maglalagay ng matitinding limitasyon sa akin sa paggawa ng tungkulin ko, nang hindi man lang nakakatulong kahit kaunti sa pananampalataya ko sa Diyos o sa paghahangad ko sa katotohanan …” Nalilito ako. Kalaunan, nakahanap para sa akin ang mga lider ng isang angkop na pamilyang nagho-host at nagpadala sila ng sulat na hinihiling sa aking pumunta at gawin ang tungkulin ko. Umiyak ang nanay ko noong nakita niya akong umalis. Sobrang lungkot ko, at pinigilan ko ang luha ko para hindi makita ng nanay ko. Pakiramdam ko ay parang nabigo ko ang mga magulang ko sa buhay na ito. Huwag na nating banggitin pa na bilang anak nila, hindi ko sila nagawang samahan, pinag-alala ko rin sila sa akin at naging tampulan sila ng tsismis kapag nakatalikod sila dahil sa akin. Dahil namumuhay ako sa kalagayang ito, nahirapan ako, at naapektuhan din ang pagganap ko sa tungkulin ko. Alam ko na mali ang kalagayan ko, kaya sadya kong binasa ang mga salita ng Diyos para lutasin ang problema.
Isang hapon, bigla kong naalala ang isang himno ng mga salita ng Diyos na narinig ko dati “Ang Dapat Itaguyod ng mga Kabataan.” Pagkatapos ay hinanap ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos at binasa ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang kabataan ay hindi dapat mawalan ng mga aspirasyon, sigasig, at ng isang masiglang espiritung nagpupunyagi pataas; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga kinabukasan, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magtiyagang magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat magkimkim ng pagiging mapagpaimbabaw at kawalan ng katarungan—dapat silang maging matatag sa kanilang wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat isuko ng mga kabataan ang kanilang sarili sa paghihirap, kundi dapat silang maging bukas at prangka, at mapagpatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na malinaw na kilatisin ang mga takbo ng mga bagay at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Higit pa rito, dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at hindi ninyo dapat ito ipagwalang-bahala. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihirang Ako ay matagpuan, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda). Sa pagbabasa sa mga salita ng Diyos, naramdaman ko na para bang harapan akong ginagabayan ng Diyos. Lubhang lumakas ang loob ko. Nakita ko na sobrang umaasa ang Diyos sa mga kabataan na hangarin nila ang katotohanan. Bilang isang kabataan, hindi lang hinihingi sa akin ng pananampalataya sa Diyos na magkaroon ng mga ideyal at layon ng paghahangad para magkamit ng katotohanan, kundi humihingi rin sa akin na magkaroon ng paninindigan: hindi ako puwedeng umayon sa agos, kundi dapat kong magawang gamitin ang pagkilatis sa mga isyu. Naisip ko si Pedro. Nagsimula siyang manampalataya sa Diyos noong bata pa siya. Inasam niya ang katarungan at nauuhaw siya sa katotohanan. Hiniling ng mga magulang niya na pumasok siya sa eskuwelahan para makakuha siya ng opisyal na posisyon kapag mas matanda na siya, pero alam ni Pedro na kabaligtaran iyon ng paghahangad sa tamang landas, na isang hungkag na buhay ito. Hindi siya napigilan ng mga magulang niya, at pinili pa ring tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Kayang tukuyin ni Pedro ang tama sa mali at nanindigan siya. Nagawa niyang kamuhian, tanggihan, at ayawan na sumunod sa kung ano ang galing sa tao, at nagawa niyang tiisin ang kahihiyan at ibinigay pa ang buhay niya para masundan ang bagay na galing sa Diyos. Sa huli, naperpekto siya ng Diyos at nagsabuhay ng pinakamakabuluhang buhay. Kumpara sa karanasan ni Pedro, hiyang-hiyang ako. Noong napasailalim ako sa pagkondena ng mga walang pananampalataya tungkol sa usapin ng pag-aasawa, at nagtiis ng kaunting kahihiyan at pasakit, nawalan ako ng paninindigan. Itinuring ko na magkasinghalaga ang pag-aasawa at pagkakaroon ng anak para tuparin ang mga tungkulin ko bilang mabuting anak sa mga magulang ko at ang paggawa sa mga tungkulin ng isang nilikha. Namamangka ako sa dalawang ilog: Parehong hindi matatag ang dalawang panig dahil wala pa akong pinipili sa mga ito. Ngayon ay ang kritikal na panahon kung kailan gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao. Kung mag-aasawa ako at magkakaanak sa panahong ito, kakailanganin kong magsikap para suportahan sila, at hindi ako magkakaroon ng napakaraming oras at lakas para gawin ang tungkulin ko o hangarin ang katotohanan. Kung mawawala sa akin ang magagandang kondisyong mayroon ako ngayon, pagsisisihan ko iyon habambuhay. Noong naunawaan ko ito, nakita ko na ang pagnanais kong bumuo ng pamilya habang wastong nananampalataya sa Diyos at ginagawa ang tungkulin ko nang sabay ay talagang hindi makatotohanan. Kapag nag-asawa ako, baka hindi na ito nakadepende pa sa akin. Hindi ako puwedeng maimpluwensiyahan ng mga magulang ko. Dapat akong magpatuloy sa paghahangad ko. Nang napagtanto ko ito, hindi na ako masyadong naguguluhan at nahihirapan sa puso ko. Gayumpaman, pagkatapos noon, tuwing dumarating sa akin ang isang angkop na sitwasyon, nagkakaroon pa rin ako ng ideya ng kagustuhang mag-asawa at mamuhay ng ganoong uri ng buhay. Minsan, taimtim akong nanalangin sa Diyos, “Mahal kong Diyos, noong araw na bumalik ako sa Iyo, nagpasya akong susundan Kita sa buong buhay ko, gugugulin ang sarili ko para sa Iyo, at gagawin ko ang mga tungkulin ng isang nilikha. Pero kamakailan lang, palagi kong iniisip ang paghahanap sa katuwang, pagbuo ng pamilya, at pamumuhay sa pamilyado habang nananampalataya sa Diyos. Ayaw kong mahulog nang gaya nito, pero wala akong lakas na pagtibayin ang pasya ko. Pakiusap, ilabas Mo ako sa maling kalagayang ito.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi matiis ng ibang tao ang pangungulit ng kanilang mga magulang. Sa simula, iniisip nila na magandang bagay ang walang asawa at sarili lamang nila ang kanilang aalagaan. Lalo na pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos, abalang-abala sila sa paggampan ng kanilang mga tungkulin araw-araw at wala silang oras para isipin ang mga bagay na ito, kaya hindi sila nakikipag-date at hindi rin sila mag-aasawa sa hinaharap. Gayunpaman, hindi nila malampasan ang pagsisiyasat ng kanilang mga magulang. Hindi pumapayag ang kanilang mga magulang, palagi silang hinihimok at pinipilit. Sa tuwing nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak, nagsisimula silang mangulit: ‘May dine-date ka ba ngayon? Mayroon ka bang nagugustuhan? Bilisan mo na at dalhin siya sa bahay para matingnan namin siya para sa iyo. Kung nababagay siya sa iyo, magpakasal ka na; hindi ka na bumabata! Ang mga babae ay trenta anyos na at hindi nag-aasawa at ang mga lalaki ay trenta y singio na at hindi naghahanap ng mapapangasawa—ano ba ang nangyayari? Ito ba ay pagtatangkang guluhin nang husto ang mundo? Sino ang mag-aalaga sa iyo kapag matanda ka na kung hindi ka mag-aasawa?’ Laging nag-aalala ang mga magulang at inaabala nila ang kanilang sarili sa bagay na ito, nais nilang hanapin mo ang ganito o ganoong klase ng tao, itinutulak ka na mag-asawa at maghanap ng katuwang sa buhay. At pagkatapos mong mag-asawa, patuloy pa rin silang nanggugulo sa iyo: ‘Bilisan mo at mag-anak ka na habang bata pa ako. Aalagaan ko sila para sa iyo.’ Sasabihin mo, ‘Hindi ko kailangang alagaan mo ang mga anak ko. Huwag kang mag-alala.’ Sasagot sila ng, ‘Ano ang ibig mong sabihin sa “Huwag kang mag-alala”? Bilisan mo at mag-anak ka na! Kapag naipanganak na ang mga anak mo, ako na ang bahalang mag-alaga sa kanila para sa iyo. Kapag medyo malaki na sila, pwede ka nang pumalit sa pag-aalaga.’ Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak—hindi mahalaga kung ano ang mga saloobin ng mga magulang o kung tama ba ang mga ekspektasyong ito—parati itong isang pasanin para sa mga anak. Kung talagang makikinig sila sa kanilang mga magulang, hindi sila magiging komportable at malulungkot sila. Kung hindi sila makikinig sa kanilang mga magulang, makokonsensiya sila: ‘Hindi naman mali ang mga magulang ko. Napakatanda na nila at hindi nila ako nakikitang nag-aasawa o nagkakaanak. Nalulungkot sila, kaya’t hinihimok nila akong mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Responsabilidad din nila ito.’ Kaya, pagdating sa pangangasiwa sa mga ekspektasyon ng mga magulang tungkol sa bagay na ito, sa kaloob-looban, palaging mayroong bahagyang pakiramdam ang mga tao na ito ay isang pasanin. Nakikinig man sila o hindi, tila mali ito, at sa alinmang paraan, pakiramdam nila ay lubhang kahiya-hiya at imoral na suwayin ang mga hinihingi o pagnanais ng kanilang mga magulang. Isa itong bagay na nagpapabigat sa kanilang konsensiya. May ilang magulang pa nga na nakikialam sa buhay ng kanilang mga anak: ‘Bilisan mo at mag-asawa ka na at magkaroon ng mga anak. Bigyan mo ako ng isang malusog na apong lalaki muna.’ Sa ganitong paraan, sinusubukan pa nga nilang makialam sa kasarian ng sanggol. May mga magulang din na nagsasabing, ‘Mayroon ka nang anak na babae, bilisan mo at bigyan mo ako ng apo na lalaki, gusto ko ng apo na lalaki at apo na babae. Abala kayong mag-asawa sa pananampalataya sa Diyos at paggampan ng inyong mga tungkulin buong araw. Hindi ninyo ginagawa ang nararapat ninyong gawain; ang pagkakaroon ng mga anak ay isang malaking bagay. Hindi mo ba alam na, “Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang hindi pagkakaroon ng anak ang pinakamalubha”? Sa tingin mo ba ay sapat na ang magkaroon ng anak na babae? Mabuti pang bilisan mo na at bigyan din ako ng apo na lalaki! Ikaw ang nag-iisang anak sa pamilya natin; kung hindi mo ako bibigyan ng apo na lalaki, hindi ba’t magiging katapusan na ng ating lahi?’ Nag-iisip-isip ka, ‘Tama nga, kung sa akin matatapos ang lahi ng pamilya namin, hindi ba’t bibiguin ko lang ang aking angkan?’ Kung gayon, mali ang hindi mag-asawa, at ang mag-asawa subalit hindi nagkakaroon ng mga anak ay mali rin; pero hindi rin sapat ang magkaroon ng anak na babae, dapat magkaroon ka ng anak na lalaki. May ilang tao na lalaki ang una nilang anak, pero sinasabi ng kanilang mga magulang na, ‘Hindi sapat ang isa lang. Paano kung may mangyari? Mag-anak ka pa ng isa para masamahan nila ang isa’t isa.’ Pagdating sa kanilang mga anak, ang salita ng mga magulang ay batas at maaaring ganap silang hindi makatwiran, kaya nilang bigkasin ang pinakabaluktot na lohika—talagang hindi alam ng kanilang mga anak kung paano sila pakitunguhan. Pinanghihimasukan at pinupuna ng mga magulang ang buhay, trabaho, at pag-aasawa ng kanilang mga anak, pati na ang mga saloobin ng kanilang mga anak sa iba’t ibang bagay. Maaari lamang tiisin ng mga anak ang kanilang galit. Hindi sila pwedeng magtago mula sa kanilang mga magulang o umiwas sa mga ito. Hindi nila pwedeng pagalitan o turuan ang kanilang mga magulang—kaya, ano ang magagawa nila? Tinitiis nila ito, sinusubukang bihirang makipagkita sa kanilang mga magulang hangga’t maaari, at iniiwasan nilang pag-usapan ang mga isyung ito kung talagang kinakailangan nilang magkita. At kung talagang mababanggit ang mga usapin, agad nilang ititigil ito at magtatago sa isang lugar. Gayunpaman, may ilang tao na sumasang-ayon sa mga hinihingi ng kanilang mga magulang upang matugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang at hindi mabigo ang mga ito. Maaaring atubili kang magmamadali sa pakikipag-date, pag-aasawa, at pagkakaroon ng mga anak. Pero hindi sapat na magkaroon ng isang anak; dapat magkaroon ka ng mangilan-ngilang anak. Ginagawa mo ito para matugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang at pasayahin at paligayahin sila. Hindi mahalaga kung matutugunan mo man ang mga kahilingan ng iyong mga magulang, ang kanilang mga hinihingi ay magiging problema para sa sinumang anak. Walang ginagawang anumang labag sa batas ang mga magulang mo, at hindi mo sila maaaring punahin, makipag-usap sa iba tungkol dito, o mangatwiran sa kanila. Habang pabalik-balik ka nang ganito, nagiging pasanin mo ang bagay na ito. Palagi mong nararamdaman na hangga’t hindi mo matugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang na mag-asawa at mag-anak, hindi mo magagawang harapin ang iyong mga magulang at mga ninuno nang may malinis na konsensiya. Kung hindi mo pa natutugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi ka pa nakipag-date, hindi ka pa nag-asawa, at hindi pa nagkaanak at hindi mo naipagpatuloy ang lahi ng pamilya gaya ng hiniling nila—makakaramdam ka ng kagipitan sa loob mo. Magiging maluwag lang nang kaunti ang pakiramdam mo kung sasabihin ng iyong mga magulang na hindi sila makikialam sa mga bagay na ito, bibigyan ka ng kalayaang tanggapin kung ano ang mangyayari. Gayunpaman, kung ang komento ng lipunan na nagmumula sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, kaklase, kasamahan, at iba pa ay para kondenahin ka at pag-usapan ka habang ikaw ay nakatalikod, kung gayon, isa rin itong pasanin para sa iyo. Kapag ikaw ay 25 taong gulang na at walang asawa, sa tingin mo ay hindi ito gaanong mahalaga, pero kapag umabot ka na sa 30 taong gulang, magsisimula mong maramdaman na hindi ito gaanong maganda, kaya iiwasan mo ang mga kamag-anak at kapamilyang ito, at hindi ito babanggitin. At kung wala ka pang asawa sa edad na 35 taong gulang, sasabihin ng mga tao na, ‘Bakit wala ka pang asawa? May problema ba sa iyo? Medyo kakaiba ka talaga, ano?’ Kung may asawa ka na pero ayaw mo ng mga anak, sasabihin nilang, ‘Bakit hindi ka nagkaanak pagkatapos mag-asawa? Ang ibang tao ay nag-aasawa at nagkakaroon ng anak na babae at pagkatapos ay anak na lalaki, o nagkakaroon sila anak na lalaki at pagkatapos ay anak na babae. Bakit ayaw mong magkaroon ng mga anak? Ano ang problema mo? Wala ka bang damdamin ng isang tao? Normal ka man lang ba?’ Nagmumula man ito sa mga magulang o sa lipunan, ang mga isyung ito ay nagiging isang pasanin para sa iyo sa iba’t ibang kapaligiran at senaryo. Pakiramdam mo ay mali ka, lalo na sa iyong partikular na edad. Halimbawa, kung ikaw ay nasa pagitan ng trenta at singkwenta na edad at wala ka pa ring asawa, hindi ka na naglalakas-loob na makipagkita sa mga tao. Sasabihin nila, ‘Hindi nag-asawa kailanman sa buong buhay niya ang babaeng iyan, siya ay isang matandang dalaga, walang may gusto sa kanya, walang magpapakasal sa kanya.’ ‘Ang lalaking iyan, hindi siya kailanman nagkaroon ng asawa sa buong buhay niya.’ ‘Bakit hindi sila nag-asawa?’ ‘Malay natin, baka may mali sa kanila.’ Nagninilay-nilay ka, ‘Wala namang mali sa akin. Kaya, bakit wala pa akong asawa kung gayon? Hindi ko pinakinggan ang aking mga magulang at pinababayaan ko sila.’ Sinasabi ng mga tao, ‘Walang asawa ang lalaking iyan, walang asawa ang babaeng iyan. Tingnan mo nga kung gaano kakaawa-awa ang mga magulang nila ngayon. Ang ibang mga magulang ay may mga apo na at mga apo sa tuhod, samantalang sila ay wala pa ring asawa. Malamang na may ginawang masama ang kanilang mga ninuno, ano? Hindi ba’t iniiwan nitong walang tagapagmana ang pamilya? Wala silang sinumang apo na magpapatuloy sa lahi ng kanilang pamilya. Anong problema ng pamilyang iyon?’ Gaano man katibay ang iyong kasalukuyang saloobin, hangga’t ikaw ay isang mortal, ordinaryong tao, at wala kang sapat na katotohanan para maunawaan ang bagay na ito, sa malao’t madali ay aabalahin at guguluhin ka nito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Ang inilantad ng mga salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Alam ko na isang malaking sagabal ang pag-aasawa at wala itong pakinabang sa paghahangad ng katotohanan o sa paggawa sa tungkulin ko, kaya, ayaw kong mag-asawa. Pero noong hindi pa ako nakakapag-aasawa o nagkakaanak noong tatlumpung taong gulang na ako, kinutya ako at pinulaan ng mga kamag-anak at kaibigan ko. Wala sa amin ng mga magulang ko ang nakadamang kaya naming magtaas-noo. Nagresulta ito sa paulit-ulit na pag-uudyok sa akin ng mga magulang ko na mag-asawa para hindi maputol ang lahi ng pamilya. Aktibo pa nga silang nagpakilala ng mga potensyal na katuwang ko. Ang lahat ng ito ay resulta ng pagkakagapos sa mga tradisyonal na kuru-kuro na “Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang hindi pagkakaroon ng anak ang pinakamalubha,” at “Kapag nasa edad na ang mga lalaki, dapat silang mag-asawa; kapag nasa edad na ang mga babae, dapat na silang magpakasal.” Tinrato natin bilang mga prinsipyo ang mga nakalilinlang na ideyang ito, na ikinintal sa atin ni Satanas, para gabayan ang ating pag-asal at mga pagkilos. Naniwala tayo na dapat mag-alala ang mga magulang sa pag-aasawa ng mga anak nila at pagkakaroon ng propesyon para may mga anak na magpapatuloy sa lahi ng pamilya, habang dapat magpasakop dito ang mga anak at magkaanak ng sarili nila para matiyak ang maraming tagapagmana, para matamasa ng mga magulang nila ang kasiyahan ng isang bahay na puno ng mga bata at apo. Kung hindi ito nagawa ng mga anak, matindi itong paghihimagsik at hindi pagiging mabuting anak. Hindi ko matugunan ang mga inaasahan ng mga magulang ko, na nagdulot sa kanila ng pag-aalala at kalungkutan dahil sa akin, at nawalan sila ng magandang reputasyon. Naramdaman ko na, bilang isang anak, napakamakasarili ko at walang galang akong anak. Hindi ko makayanan ang pagkondena ng mga kamag-anak at kaibigan, at naisip ko ang pag-aasawa para masuklian ang pagkakautang ko sa mga magulang ko. Gayumpaman, ayaw kong mawalan ako ng mga paborableng kondisyon sa paghahangad sa katotohanan at paggawa sa tungkulin ko. Hindi ako makakain o makatulog nang maayos dahil dito, at namuhay ako sa kalungkutan. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng karapatang magpasya kung mag-aanak sila o hindi, at paano man pumili ang mga tao, makatwiran ito. Pero ginagamit ni Satanas ang mga tradisyonal na kuru-kuro gaya ng “Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang hindi pagkakaroon ng anak ang pinakamalubha,” at “Kapag nasa edad na ang mga lalaki, dapat silang mag-asawa; kapag nasa edad na ang mga babae, dapat na silang magpakasal” para igapos ang mga tao paranang sa gayon ay kung may pagkatao man ang isang tao o kung mabuting anak ba siya ay nasusuri batay sa kung may asawa ba siya at kung may anak ba siya, at hindi batay sa kanilang katangian, lalo pa sa mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, bukod sa hindi magagawang suriin ng mga tao ang isang tao nang walang pagkiling, kundi napupuwersa rin ang lahat na mamuhay alang-alang sa pag-aasawa at pagpapatuloy sa lahi ng pamilya dahil sa takot na makondena at maitaboy ng iba. Sa katotohanan, ang hindi pag-aasawa ay hindi nangangahulugang hindi pagiging mabuting anak sa mga magulang niya. Ayaw isipin ng ilang tao ang mga seryosong relasyon dahil abala sila sa propesyon nila. Hindi nag-aasawa ang ilan dahil sa mga presyur ng buhay. Pinili kong huwag mag-asawa para magawa ko nang maayos ang mga tungkulin ng isang nilikha. Kalayaan ko ito at ang pinakatamang desisyon. Gayumpaman, hindi ko taglay ang katotohanan at hindi ko makilatis ang mga bagay-bagay, kaya naigapos ako ng mga tradisyonal na kuru-kuro at hindi ako makapagkamit ng paglaya. Napipilitan lang akong tiisin ang presyur mula sa pamilya ko at pagkondena ng opinyon ng lipunan. Maraming taon na kaming nananampalataya ng tatay ko sa Diyos, pero tinitingnan pa rin namin ang mga bagay-bagay nang nakaasa sa mga nakalilinlang na pananaw na ito, at nakagapos at nakatanikala pa rin kami sa mga tradisyonal na kuru-kurong ito. Talagang napakahangal namin!
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ano ba ang problema kung mapuputol ang angkan ng pamilya? Hindi ba’t usapin lamang ito ng mga apelyido ng laman? Walang ugnayan sa isa’t isa ang mga kaluluwa; wala silang mana o pagpapatuloy sa isa’t isa na pag-uusapan. Ang sangkatauhan ay may iisang ninuno; ang bawat isa ay inapo ng ninunong iyon, kaya’t walang pagdududa sa pagtatapos ng lahi ng sangkatauhan. Ang pagpapatuloy ng lahi ay hindi mo responsabilidad. Ang pagtahak sa tamang landas sa buhay, ang pamumuhay nang malaya at may liberasyong buhay, at ang pagiging isang tunay na nilikha ang dapat na hinahangad ng mga tao. Ang pagiging isang makina para sa pagpaparami ng sangkatauhan ay hindi isang pasanin na dapat mong dalhin. Hindi mo rin responsabilidad na magparami o magpatuloy ng isang angkan ng pamilya alang-alang sa ilang pamilya. Hindi binigay sa iyo ng Diyos ang responsabilidad na ito. Ang sinumang gustong magkaanak ay maaaring gawin iyon at mag-anak; ang sinumang gustong ipagpatuloy ang kanilang angkan ay maaaring gawin iyon; ang sinumang handang umako sa responsabilidad na iyon ay maaaring akuin ito; wala itong kinalaman sa iyo. Kung ayaw mong akuin ang responsabilidad na iyon at ayaw mong tuparin ang obligasyong ito, ayos lang iyon, karapatan mo ito. Hindi ba’t tama ito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Nagdala ng sobrang kalinawan at kaliwanagan sa puso ko ang mga salita ng Diyos, na para bang natanggal ang mabigat na nakadagan. Naunawaan ko na walang anumang responsabilidad ang mga tao na ipagpatuloy ang lahi ng pamilya. Noong simula, nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, ang mga ninuno ng sangkatauhan, at sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-aanak, lumikha ng mga angkan at pamilya ang sangkatauhan, pero ang kaluluwa ng tao ay hindi ekslusibong nabibilang sa anumang isang angkan o pamilya. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos kung sino ang mapupunta sa kung anong pamilya. Sa buhay na ito, maaari kang isilang sa pamilya ng Li; sa susunod na buhay, maaaring ipanganak ka sa pamilya ng Zhao, at sa buhay pagkatapos niyon, maaaring isaayos ng Diyos na ipanganak ka sa isang banyagang bansa. Ang apelyido ay pagkakakilanlan para sa isang tao, at anuman ang apelyido ng isang tao, sa huling pag-aanalisa, lahat tayo ay sangkatauhang nilikha, at ang Diyos ang pinagmumulan ng ating buhay. Noon, hindi ko pa nakita nang malinaw ang bagay na ito. Palagi akong naniniwala na naipagpatuloy ang tatlong henerasyon ng pamilya ko sa pamamagitan ng isang anak na lalaki lang, pagkatapos kung, sa henerasyon ko ay hindi ako mag-aasawa at magkakaanak, kung gayon ay mapuputol ko ang lahi ng pamilya at bibiguin ang mga magulang at ninuno ko. Sa puso ko ay kinondena ko ang sarili ko dahil doon. Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang mga kaluluwa ng tao ay walang kaugnayan sa isa’t isa. Kung pipiliin kong hindi mag-asawa o magkaanak, walang kinalaman iyon kung mabuting anak man ako o hindi. Dumating kami ng mga magulang ko sa mundong ito na may kanya-kanyang misyon. Biniyayaan ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa akin na makapunta sa sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin ko, at pinili kong bitiwan ang mga makamundong alalahanin para makatuon sa paggawa sa tungkulin ko. Pagtahak ito sa tamang landas at pag-asikaso sa mga wastong tungkulin. Sinasang-ayunan ito ng Diyos.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa pag-aasawa, isantabi muna natin ang katunayan na ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos. Ang saloobin ng Diyos sa bagay na ito ay ang pagkalooban ang mga tao mismo ng karapatang pumili. Maaari mong piliin na hindi mag-asawa, o maaari kang mag-asawa; pwede mong piliing mamuhay bilang mag-asawa, o pwede mong piliing magkaroon ng isang buo at malaking pamilya. Malaya kang gawin ito. Anuman ang basehan mo sa paggawa ng mga pasyang ito o anuman ang layon o resulta na gusto mong matamo, sa madaling salita, ibinibigay sa iyo ng Diyos ang karapatang ito; may karapatan kang pumili. … Bagamat binigyan ka ng Diyos ng ganitong karapatan, kapag ginamit mo ang karapatang ito, kailangan mong maingat na isaalang-alang kung anong pasya ang iyong gagawin at anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng pasyang ito. Anuman ang mga kahihinatnang lilitaw, hindi mo dapat sisihin ang iba, ni sisihin ang Diyos. Dapat mong panagutan ang mga kahihinatnan ng iyong sariling mga pasya. … Sa isang banda, ang pagpiling pumasok sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan na nasuklian mo na ang kabutihan ng iyong mga magulang o natupad na ang iyong tungkulin bilang anak; siyempre, ang piliing hindi mag-asawa ay hindi rin nangangahulugan na sinasalungat mo ang iyong mga magulang. Sa kabilang banda, ang pagpiling mag-asawa o magkaroon ng maraming anak ay hindi paghihimagsik laban sa Diyos, ni pagsalungat sa Kanya. Hindi ka kokondenahin dahil dito. Hindi rin magiging dahilan ang pagpiling hindi mag-asawa na magkakaloob sa iyo ang Diyos ng kaligtasan sa huli. Sa madaling salita, ikaw man ay walang asawa, may asawa, o mayroong maraming anak, hindi itatakda ng Diyos batay sa mga salik na ito kung maliligtas ka ba sa huli. Hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong katayuan sa pag-aasawa; tinitingnan lamang Niya kung hinahangad mo ba ang katotohanan, ang iyong saloobin sa pagganap ng iyong mga tungkulin, kung gaano karaming katotohanan ang iyong tinanggap at kung sa gaano karaming katotohanan ka nagpasakop, at kung kumikilos ka ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, isasantabi rin ng Diyos ang iyong katayuan sa pag-aasawa upang suriin ang landas sa buhay, ang mga prinsipyong ipinamumuhay mo, at ang mga patakarang sinusunod mo sa pag-iral, upang matukoy kung ikaw ba ay maliligtas. Siyempre, may isang katunayan na dapat banggitin. Para sa mga walang asawa o sa mga hiwalay na, tulad niyong mga hindi nag-asawa o umalis sa buhay may asawa, may isang bagay na kapaki-pakinabang para sa kanila, at ito ay ang hindi nila kinakailangang maging responsable para sa sinuman o sa anumang bagay sa loob ng buhay may asawa. Hindi nila kailangang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na ito, kaya’t medyo mas malaya sila. Mas maluwag ang kanilang oras, mas marami ang kanilang enerhiya, at higit na may personal na kalayaan sa ilang aspekto. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, kapag lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin, walang makakapigil sa iyo—kahit ang iyong mga magulang ay walang ganitong karapatan. Ikaw mismo ay nagdarasal sa Diyos, gagawa Siya ng mga pagsasaayos para sa iyo, at maaari kang mag-impake at umalis. Ngunit kung ikaw ay may asawa at pamilya, hindi ka gaanong malaya. Kailangan mong maging responsable sa kanila. Una sa lahat, pagdating sa mga kalagayan ng pamumuhay at mga pinansiyal na mapagkukunan, kahit papaano ay kailangan mong magbigay ng pagkain at damit para sa kanila, at kapag bata pa ang iyong mga anak, dapat mo silang ipasok sa paaralan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na ito. Sa mga sitwasyong ito, hindi malaya ang taong may asawa dahil mayroon silang mga obligasyon sa lipunan at pamilya na kailangan nilang tuparin. Mas simple ang buhay para sa mga walang asawa at walang anak. Kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi sila magugutom o lalamigin; magkakaroon sila ng pagkain at tirahan. Hindi nila kailangang magpakaabala sa pagkita ng pera at pagtatrabaho dahil sa mga pangangailangan ng buhay-pamilya. Iyon ang pagkakaiba. Sa huli, pagdating sa pag-aasawa, pareho pa rin ang punto: Wala ka dapat na dinadalang anumang pasanin. Ito man ay mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, mga tradisyonal na pananaw mula sa lipunan, o iyong mga sariling labis na pagnanais, wala ka dapat na anumang pasanin” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi dapat magdala ng anumang pasanin ang mga tao kung pipiliin nilang mag-asawa o hindi. Binigyan tayo ng Diyos ng karapatan na makapili nang malaya. Hindi ako kokondenahin ng Diyos kung pipiliin kong mag-asawa, ni itatakda Niya na maliligtas ako dahil lamang hindi ko piniling mag-asawa. Hindi itinatakda ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao batay sa kung may asawa sila. Tinitingnan Niya kung nakapasok ba ang mga tao sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at kung nagawa ba nila nang maayos ang mga tungkulin nila. Pantay-pantay ang lahat sa paghahangad sa katotohanan. Sa katunayan, napagtanto ko rin na ang mga kapatid na walang asawa ay may kaunting kalamangan sa paghahangad sa katotohanan at paggawa sa kanilang mga tungkulin. Kung wala ang mga abala ng isang pamilya, mas marami silang oras at lakas na mailalaan para gawin ang mga tungkulin nila at pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Kapaki-pakinabang ito para sa mga tao na makapasok sa katotohanan. Nang makita ko na maraming bagong mananampalataya sa Diyos sa buong mundo ang nagsimulang mangaral ng ebanghelyo para patotohanan ang Diyos, naisip ko kung ano ang sinabi ng Diyos: “Habang nahihinog ang mga tao ng Diyos, pinapatunayan nito na higit pang bumabagsak ang malaking pulang dragon; malinaw itong nakikita ng tao. Ang pagkahinog ng mga tao ng Diyos ay isang palatandaan ng pagpanaw ng kaaway” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 10). Halos nasa pagtatapos na ang gawain ng Diyos, at ngayon, patindi nang patindi ang mga sakuna. Kung hindi tayo magbubuhos ng mas maraming oras at lakas sa ating mga tungkulin ngayon, maaaring wala nang pagkakataon para hangarin nang wasto ang katotohanan o gawin ang ating mga tungkulin kalaunan kahit na may pagnanais pa tayo. Ngayon, aktibong ginagawa ng mga kapatid sa buong mundo ang mga tungkulin nila, at ipinapakalat at pinapatotohanan ang gawain ng Diyos. Mabubuting gawa ang mga ito, na tinatandaan ng Diyos. Ngayon, pinipili kong huwag mag-asawa. Dapat kong gawin nang wasto ang tungkulin ko, regular na pagnilayan ang mga salita ng Diyos para lutasin ang sarili kong mga tiwaling disposisyon, at gamitin ang oras ko para hangarin ang katotohanan. Tanging kung makapagpapatotoo ako sa Diyos at magagawa nang maayos ang tungkulin ko saka hindi mawawalan ng saysay ang pamumuhay sa buhay na ito. Pagkatapos ko itong maunawaan, nagdasal ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, binitiwan ko ang pag-aasawa at kusang-loob kong piniling gamitin ang lahat ng oras ko para gawin ang mga tungkulin ko. Gabayan Mo nawa ako na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga tiwaling disposisyon ko.”
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Sa pakikitungo sa iyong mga magulang, dapat ka munang makatwirang dumistansiya mula sa pagiging magkadugo at kilatisin ang iyong mga magulang gamit ang mga katotohanang natanggap at naunawaan mo na. Kilatisin ang iyong mga magulang batay sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at motibo tungkol sa pag-asal, at sa kanilang mga prinsipyo at pamamaraan ng paggawa, na magpapatunay na sila rin ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Tingnan at kilatisin sila mula sa perspektiba ng katotohanan, sa halip na laging isipin na matayog, hindi makasarili, at mabait sa iyo ang mga magulang mo, at kung titingnan mo sila sa ganoong paraan, hinding-hindi mo matutuklasan kung ano ang mga isyu sa kanila. Huwag tingnan ang iyong mga magulang mula sa perspektiba ng inyong ugnayan bilang magkapamilya, o mula sa tungkulin mo bilang isang anak. Tingnan mo mula sa malayo kung paano sila makitungo sa mundo, sa katotohanan, at sa mga tao, usapin, at bagay. Gayundin, sa mas partikular, tingnan mo ang mga ideya at pananaw na naikondisyon sa iyo ng iyong mga magulang hinggil sa kung paano mo dapat tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka dapat umasal at kumilos—ganito mo sila dapat kilalanin at kilatisin. Sa ganitong paraan, unti-unting magiging malinaw ang kanilang mga katangian bilang tao at ang katunayang nagawa silang tiwali ni Satanas. Anong klaseng tao sila? Kung hindi sila mga mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa mga taong nananampalataya sa Diyos? Kung sila ay mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa katotohanan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Mahal ba nila ang katotohanan? Gusto ba nila ang mga positibong bagay? Ano ang kanilang pananaw sa buhay at sa mundo? At iba pa. Kung makikilatis mo ang iyong mga magulang batay sa mga bagay na ito, magkakaroon ka ng malinaw na ideya. Kapag malinaw na ang mga bagay na ito, magbabago ang matayog, marangal, at hindi natitinag na katayuan ng iyong mga magulang sa isipan mo. At kapag nagbago na ito, ang pagmamahal na ipinapakita ng iyong mga magulang—kasama na ang kanilang mga partikular na salita at kilos, at ang matatayog nilang imaheng pinanghahawakan mo—ay hindi na gaanong tatatak sa isipan mo. Ang pagiging hindi makasarili at ang kadakilaan ng pagmamahal ng iyong mga magulang para sa iyo, pati na ang kanilang debosyon sa pag-aalaga sa iyo, pagpoprotekta sa iyo, at maging ang pagkagiliw sa iyo, ay hindi na magiging mahalaga sa iyong isipan, nang hindi namamalayan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (13)). Ang mga salita ng Diyos ang nagbunsod ng pagkamulat sa kaibuturan ko. Natatandaan ko kung paano ako paulit-ulit na inudyukan ng mga magulang ko na mag-asawa. Sa labas, iniisip ako ng mga magulang ko at nag-aalalang mag-iisa ako, pero sa diwa, namumuhay silang nakaasa sa mga tradisyonal na kuru-kuro, na magdudulot sa akin na mabitag sa pamilyadong buhay ng laman, kaya mawawalan ako ng mga paborableng kondisyon sa paghahangad sa katotohanan. Nanggagaling ito sa mga panggugulo ni Satanas. Noon, palagi kong tinitingnan ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng laman at pagmamahal sa pamilya; hindi ko nakilatis ang mga bagay ayon sa katotohanan. Palagi kong iniisip na inuudyukan ako ng mga magulang ko na mag-asawa dahil inakala nilang makabubuti ito sa akin, at nakonsensiya ako dahil sa pagtanggi sa kanila. Kung hindi dahil sa mga salita ng Diyos na umaakay sa akin sa bawat pagkakataon, hindi ko magagawang makilatis ang mga tradisyonal na pagpapahalagang kultural na ito. Ngayon, dapat kong sundin ang mga salita ng Diyos sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos at pagpili sa landas ko. Hindi ako puwedeng maapektuhan ng mga magulang ko. Kung ang sinasabi nila ay naaayon sa mga salita ng Diyos, puwede ko itong sundin; pero kung taliwas ito sa katotohanan at hindi kapaki-pakinabang sa buhay ko, dapat ko itong tanggihan. Nang naunawaan ko ito, hindi ako nakaramdam ng anumang presyur sa puso ko tungkol sa pagpapasya na hindi mag-asawa.
Pagkatapos noon, nakahanap ako ng oras para sumulat sa tatay ko para ibahagi ang pagkaunawa ko na batay sa karanasan, para maunawaan niya rin ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos at iwan ang pinsala ng mga tradisyonal na kuru-kuro. Kalaunan, sumulat ng liham ang tatay ko bilang sagot, “Napakaganda ng pagkakasulat sa karanasan mo. Noon, dahil sa mga tradisyonal na kaisipan, gusto kong hilingin sa iyo na humanap ng katuwang. Pagkabasa ko sa liham mo, talagang hinangaan ko ang pasya mo. Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos na nahanap mo para sa akin, nagawa ko rin na baguhin ang pananaw na ito. Noon, ginulo kita sa pamamagitan ng pagtitiwala sa pagmamahal na makalaman, pero ngayon, nauunawaan ko na handa kang isuko ang pag-aasawa para ilaan ang lahat ng oras mo sa paggawa ng tungkulin mo, na pinakamakabuluhang bagay!” Nang makita ko ang tugon ng tatay ko, sobra akong nagpapasalamat. Katotohanan ang mga salita ng Diyos. Binago nito ang mga maling kaisipan at pananaw namin. Iniligtas kami nito mula sa mga paglilimita ng mga tradisyonal na kuru-kuro para magawa namin ang mga tungkulin namin nang may kalayaan at paglaya. Malinaw kong naranasan ang pagliligtas ng Diyos at pagmamahal ng Diyos. Salamat at papuri sa Makapangyarihang Diyos!