48. Hindi na Ako Ginagawang Negatibo ng Introvert Kong Personalidad
Mula pagkabata ay introvert na ako, at hindi ko man lang nga nakikilala ang lahat ng kaklase ko sa paaralan. Wala akong masyadong maraming kaibigan, at ayaw ko masyadong makihalubilo sa iba, dahil pakiramdam ko ay wala naman kaming mapag-uusapan. Unti-unti, lubha akong natakot na makipag-ugnayan sa mga taong hindi ko kilala, at kapag maraming tao, kinakabahan ako nang sobra at lalo pang ayaw kong magsalita, dahil natatakot akong mapahiya sa harap ng iba kapag may nasabi akong mali.
Noong nasa hayskul ako, tinanggap ko at ng aking pamilya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Kalaunan, sinanay ako sa paggawa ng graphic design sa iglesia, isang tungkulin na kadalasang nakaupo sa harap ng kompyuter. Kadalasan, ikinukuwento ko ang tungkol sa sarili kong kalagayan sa mga pagtitipon, pero hindi ko kinailangang makisalamuha masyado sa iba, at kaya hindi ako labis na nalimitahan ng introvert na personalidad ko. Noong 2022, tinanggap ko ang tungkulin sa pagdidilig. Noong una, nakipagtipon kami ni Sister Jiayin sa mga baguhan. Hindi talaga mahiyain si Jiayin. Sa kabaligtaran, mahusay siya sa pakikipag-usap sa mga baguhan, at habang nakikipag-usap, nagagawa niyang maunawaan ang mga kalagayan at isyu nila, pagkatapos ay hinahanap niya ang mga kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos para ibahagi sa kanila. Gustong-gusto talaga siya ng mga baguhan at gusto nilang makipag-usap sa kanya. Tuwing nakikita ko ito, naiinggit talaga ako. Gusto ko sanang maging kasing-extrovert niya at makipag-usap sa mga tao nang ganoon kadali. Para sa akin, ito ay isang napakahirap na bagay, at iniisip ko kung paano ito nagagawa ng aking sister nang ganoon kadali. Pinanonood ko sila masayang nagkukuwentuhan mula sa gilid, at palagi kong nararamdaman na hindi ako nababagay sa kanila, at napapasama nito ang loob ko. Minsan, hinihiling ni Jiayin na magsalita ako. Kaya kong makipagbahaginan nang kaunti tungkol sa mga katanungang mayroon ang mga baguhan, pero sa sandaling magsalita na ako, nauutal ako at paulit-ulit ang sinasabi ko. Hindi ko kailanman naipahahayag nang maayos ang gusto kong sabihin. Pakiramdam ko ay parang napakahina ng kakayahan ko na hindi man lang ako makapagsalita nang maayos, at napaisip ako kung ano ang sasabihin ko sa mga baguhan kung ipagkakatiwala sila ng sister ko sa akin. Naiisip ko pa lang na kailangan kong makipagtipon sa mga baguhan nang mag-isa ay kinakabahan na ako, dahil natatakot ako na kung hindi ako maayos na magsasalita, aayawan ako ng mga baguhan at hindi na nila gugustuhing magtipon. Lalo pa akong natakot na dahil sa mga isyu ko sa pakikipag-ugnayan, hindi ko matutupad ang tungkulin ko nang maayos. Dahil kinakailangan sa pagdidilig ng mga baguhan at pangangaral ng ebanghelyo ang makipag-ugnayan sa mga tao, at wala talaga ako ng kasanayang ito, pakiramdam ko na kung hindi ko kayang magdilig ng mga baguhan, hindi ko rin magagawa ang ibang tungkulin nang maayos, at ito ang nagpaisip sa akin, “Kung wala akong magagawang tungkulin, paano ako maliligtas? Ano ang magiging kinabukasan o destinasyon ko?” Dahil tinanggap ko ang tungkuling ito, kailangan kong maghanap ng paraan para mapagtagumpayan ang paghihirap na ito. Kalaunan, nagsimula akong makinig nang maigi sa kung paano nakikipag-usap ang aking sister sa iba, kung ano ang sinasabi niya bilang pambungad na pananalita, kung paano niya nauunawaan ang mga paghihirap ng mga baguhan, at iba pa. Isinaulo ko ang mga bagay na ito at tinandaan ang mga ito, para kapag nakipagkita ako sa mga baguhan, alam ko kung ano ang sasabihin ko. Pero nang talagang pumunta na ako mag-isa para makipagtipon sa mga baguhan, labis akong kinabahan. Sadyang hindi nakikipagtulungan ang aking isipan, at nakalimutan ko ang karamihan sa mga isinaulo ko. Nakahugot ako ng kaunting tapang at pinilit ko ang sarili kong magsalita, sinusundan bilang halimbawa ang sinabi ng aking sister, pero para talagang walang buhay ang sinabi ko. Maging ang pagtatanong ng isang bagay na kasingsimple ng, “Kumusta na kayo nitong mga nakaraang araw?” ay hindi lumabas nang kasing-natural ng sa sinabi ng sister, at pagkatapos magsalita nang kaunti, nagkakaroon ng isang nakakaasiwang katahimikan. Naiinis ako sa sarili ko, iniisip na, “Bakit ba napakaasiwa ko sa aking pananalita? Hindi man lang ako makapagsalita ng ilang karaniwang salita nang maayos!” Gusto ko talagang baguhin ang introvert kong personalidad, dahil pakiramdam ko na sa pagbabago lang ng personalidad ko mas magagawa ko ang tungkulin ng pagdidilig, at sa ganoon lang magiging sigurado ang aking kinabukasan at destinasyon. Naisip ko na marahil ay hindi pa ako sapat na nakapagsagawa, kaya simula noon, tuwing may pagtitipon, ginagawa ko ang aking makakaya para mas makipag-usap pa sa mga baguhan, pero hindi ko talaga ito mapagtagumpayan. Pagkatapos ay naisip ko na mas manalangin pa sa Diyos, at baka kung gagabayan ako ng Diyos, magiging mas extrovert ako at magagawang makipag-ugnayan. Pero pagkatapos manalangin nang ilang beses, hindi ko pa rin mapigilang kabahan kapag nakikipagkita ako sa mga tao, at unti-unti ay pinanghinaan ako ng loob, iniisip na, “Bakit wala pa rin akong nakikitang anumang pagbabago matapos magsanay nang napakatagal? Gusto kong tuparin ang tungkuling ito, pero hindi talaga bagay ang personalidad kong ito para dito. Bakit hindi ako ginawang mas extrovert pa ng Diyos? Kung kaya kong makipag-ugnayan tulad ni Jiayin, magagawa kong tuparin ang tungkuling ito, tama? Kung patuloy akong magkakaroon ng mga paghihirap sa pakikipag-ugnayan, iisipin kaya ng mga baguhan na naiilang ako? Gugustuhin pa rin ba nilang makipagtipon sa akin sa hinaharap? Paano kung tanggalin ako dahil sa hindi pagtupad sa aking tungkulin?”
Minsan, may isang baguhan na may ilang kuru-kuro, at inatasan ako ng mga lider ng iglesia na alalayan siya. Pagkauwi ko sa bahay, nagmadali akong maghanap ng mga kaugnay na katotohanan. Inaral ko ang mga ito ng ilang ulit at sinaulo pa nga ang mga ito, pero pagdating ko sa bahay ng baguhan, labis pa rin akong kinakabahan na kumakabog ang puso ko, at nagpapawis ang mga kamay ko mula sa mahigpit na pagkakakapit. Nagbanggit din ang baguhan ng ilan pang kuru-kuro, at bagaman may kaunting ideya ako kung paano lulutasin ang mga iyon, sa sobrang kaba ko ay nablangko ang isip ko, at nakalimutan ko kung ano ang sasabihin ko matapos lang ang dalawang pangungusap. Lubos na walang interes ang mga sagot ng baguhan. Pagkaalis ko, naisip ko, “Hindi talaga ako magaling dito! Malinaw na naghanda ako nang napakaaga, pero nang dumating ang mahalagang sandali, sadyang hindi ko maipahayag ang sarili ko nang malinaw. Ang tungkuling ito ay hindi talaga isang bagay na maaaring gawin ng isang taong hindi magaling magsalita na tulad ko.” Habang mas iniisip ko ang tungkol dito, mas nagiging negatibo ako.
Makalipas ang ilang panahon, pinadalhan ako ng mga lider ng isang liham. Sinabi dito na may introvert akong personalidad, hindi kayang makipag-ugnayan sa iba, at na wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin, at kaya matapos ang pagtatasa, napagpasiyahan nilang italaga ako sa ibang tungkulin. Halo-halo ang naramdaman kong emosyon, “Ang isang tulad kong hindi mahusay sa mga salita, ay hindi man lang makapagdilig ng mga baguhan, lalong hindi ako makapangaral ng ebanghelyo. Wala akong ibang talento, kaya anong tungkulin pa ang magagawa ko? Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at ako ay walang anumang tungkulin; hindi ba’t ibig sabihin nito na matitiwalag ako?” Habang mas iniisip ko ang tungkol dito, mas nagiging miserable ako, at naging napakanegatibo ko na nagsimula pa nga akong magreklamo laban sa Diyos. Naisip ko, “Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para magbago, pero hindi ko pa rin kayang makipag-ugnayan nang maayos. Bakit binigyan ako ng Diyos ng gayong personalidad? Dapat sana ay ginawa akong mas extrovert ng Diyos, kayang makipag-ugnayan sa iba. Kung gayon ay magagawa kong tuparin ang tungkulin ko.” Sa pag-iisip ko nang ganito, bigla ako nakaramdam ng kaunting takot, “Hindi ba’t nagrereklamo ako laban sa Diyos?” Hindi na ako naglakas-loob na mag-isip pa nang ganito, pero nawalan ako ng gana na gawin ang aking tungkulin. Noong panahong iyon, nasa masamang kalagayan ang isang baguhan, at ayaw kong makipagbahaginan at lutasin iyon. Naisip ko na dahil ipapasa ko naman ang baguhan sa ibang sister para diligan, puwede kong hayaan ang sister na mag-asikaso sa mga problema nito. Habang iniisip ko ito, medyo nakonsensiya ako, at napagtanto ko na hindi ito tama. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Binibigyan tayo ng Diyos ng buhay, kaya dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin; sa bawat araw na nabubuhay tayo, dapat nating gawin nang maayos ang tungkulin sa araw na iyon. Dapat nating gawing pangunahing misyon ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, gawing numero unong bagay sa buhay natin ang paggawa ng ating tungkulin upang matapos ito nang maayos. Bagama’t hindi natin hinahangad ang pagiging perpekto, maaari tayong magsikap tungo sa katotohanan, at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, upang matugunan natin ang Diyos, mapahiya si Satanas, at wala tayong pagsisisihan. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga mananampalataya sa Diyos sa kanilang tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na tinitingnan ng Diyos ang saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin, at kung dedikado ba siya at ibinibigay ba niya ang lahat ng kanyang makakaya, at na ito ang pinakamahalagang bagay. Inakala ko na dahil introvert ako at hindi kayang makipag-ugnayan nang maayos, hindi ko inilalaan ang sarili ko sa aking tungkulin, at ayaw kong magsikap para hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema ng baguhan. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang buhay ng baguhan. Nang may ganitong saloobin, wala akong pagpapahalaga sa responsabilidad, kaya paano ako sasang-ayunan ng Diyos? Kahit na itinalaga na ako sa ibang tungkulin, may ilang gampanin na kailangan pa ring gawin sa panahon ng paglilipat ng gawain. Hindi ako maaaring magpabasta-basta. Kailangan kong agad na lutasin ang mga problema ng baguhan at gawin ang responsabilidad ko hanggang sa huli. Kalaunan, naghanap ako ng mga paraan para malutas ang mga isyu ng baguhan, at sa gulat ko, nakahanap ako ng isang labis na kapaki-pakinabang na artikulong batay sa karanasan na eksaktong tumutugon sa mga problema ng baguhan. Pagkatapos ay ibinahagi ko sa baguhan ang mga karanasan ng may-akda mula sa artikulo, at bagaman hindi ako masyadong matatas sa aking mga sinabi, sa huli ay nalutas ang mga problema ng baguhan.
Kalaunan, nakita ng mga lider na nagsulat ako ng ilang artikulo ng patotoong batay sa karanasan at itinalaga ako para gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Makalipas ang tatlong buwan, hiniling sa akin ng mga lider na magbahagi sa ilang kapatid ng mga prinsipyo sa pagsulat ng mga sermon. Nang naisip ko ang aking personalidad at ang kawalang kakayahan ko na makipag-ugnayan, lalo na ang maipahayag ang mga prinsipyo, nag-isip ako kung paano magiging posible na maibahagi ko ang mga bagay na ito nang malinaw sa iba. Kaya sinabi ko sa isang marahas na tono, “Pinipilit ninyo akong gawin ang isang bagay na hindi ko kayang gawin! Maaari kong mahadlangan ang pag-usad ng iba!” Gaano man nakipagbahaginan sa akin ang mga lider, pakiramdam ko ay wala akong kakayahan at may paglaban ako. Matapos umalis ng mga lider, kumalma ako at nakaramdam ng kaunting pagsisisi at paninisi sa sarili. Napagtanto ko na ang mga tungkuling itinalaga sa akin ay lahat bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at na ang tanggihan ang tungkulin ko nang ganoon ay hindi naaayon sa layunin ng Diyos. Pagkatapos niyon, pumayag ako na tanggapin ang tungkuling ito. Gayumpaman, napigil pa rin ako ng aking introvert na personalidad, at nasisiraan ako ng loob sa lahat ng ginagawa ko. Naisip ko, “Anumang mangyari, hindi ko kayang magtagumpay sa aking paghahangad, kaya magiging trabahador na lang ako. Sapat na iyon.” Bagaman alam ko na ang pag-iisip na ito ay mali, hindi ko alam kung paano ito baguhin.
Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, na talagang nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang problema na hindi kayang lutasin ng mga tao. Halimbawa, maaaring madali kang kabahan kapag nakikipag-usap sa iba; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, maaaring may sarili kang mga ideya at pananaw pero hindi mo malinaw na masabi ang mga ito. Lalo kang kinakabahan kapag maraming tao sa paligid; hindi malinaw ang iyong pagsasalita at nanginginig ang iyong mga labi. Ang ilang tao ay nauutal pa nga; para sa iba naman, kung may mga miyembro ng kabilang kasarian sa paligid, lalong hindi sila naiintindihan, sadyang hindi ninyo alam kung ano ang sasabihin o gagawin. Madali ba itong malampasan? (Hindi.) Sa loob ng maikling panahon, kahit papaano, hindi madali para sa iyo na malampasan ang kapintasang ito dahil parte ito ng iyong likas na mga kondisyon. … kung kaya mong lampasan ang depektong ito, ang kapintasang ito, sa loob ng maiksing panahon, gawin mo. Kung mahirap itong lampasan, huwag ka nang mag-abala pa, huwag makipaglaban dito, at huwag hamunin ang iyong sarili. Siyempre, kung hindi mo malampasan ito, hindi ka dapat makadama ng pagkanegatibo. Kahit hindi mo ito kailanman malampasan sa buong buhay mo, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil hindi ito ang iyong tiwaling disposisyon. Ang iyong pagkatakot sa harap ng mga tao, ang iyong nerbiyos at takot—ang mga pagpapamalas na ito ay hindi sumasalamin sa iyong tiwaling disposisyon; ang mga ito man ay likas sa iyo o dulot ng kapaligiran sa buhay kalaunan, sa pinakamalala, ito ay isang depekto, isang kapintasan ng iyong pagkatao. Kung hindi mo ito mababago pagkalipas ng mahabang panahon, o maging sa buong buhay mo, huwag mo itong pakaisipin, huwag hayaang pigilan ka nito, at hindi ka rin dapat maging negatibo dahil dito, dahil hindi mo ito tiwaling disposisyon; walang silbi na subukang baguhin o labanan ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, tanggapin mo ito, hayaan itong umiral, at ituring ito nang tama, dahil maaari kang umiral kasama ng depektong ito, ng kapintasang ito—ang pagkakaroon mo nito ay hindi nakakaapekto sa iyong pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin mo. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin mo sa pinakaabot ng iyong mga abilidad, maaari ka pa ring maligtas, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan at hindi nakakaapekto sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Samakatuwid, hindi ka dapat madalas na mapigilan ng isang partikular na depekto o kapintasan sa iyong pagkatao, hindi ka rin dapat maging negatibo at panghinaan ng loob, o bumitiw pa nga sa iyong tungkulin at sa paghahangad sa katotohanan, at mawalan ng pagkakataong maligtas, dahil sa parehong dahilan. Ito ay lubos na hindi sulit; iyan ang gagawin ng isang hangal at mangmang na tao” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Ang mga salita ng Diyos ay parang napapanahong ulan na dumidilig sa tuyo kong puso. Nagdala ang mga ito sa akin ng pag-asa at nagbigay sa akin ng motibasyong kinakailangan ko para hangarin ang katotohanan. Naunawaan ko na ang problemang palagi kong hindi mapagtagumpayan ay nauugnay sa aking mga likas na katangiang pantao. Ang mga bagay na ito ay taglay ko nang ipinanganak ako, mga bagay na inorden ng Diyos, at kahit pa may mga kapintasan ang mga tao, hindi sila kinokondena ng Diyos dahil dito sapagkat hindi mga tiwaling disposisyon ang mga ito. Naisip ko kung paanong palagi akong natatakot na makihalubilo dahil sa aking introvert na personalidad. Kinakabahan at nauutal ako sa presensiya ng mga taong hindi ko kilala o sa mga sitwasyong may maraming tao, at naaasiwa ako sa sinasabi ko at hindi magawang makipag-ugnayan sa iba. Naisip ko na ang mga taong introvert ay hindi makagagawa ng mga tungkulin nila nang kasing-epektibo nang sa mga taong extrovert, kaya patuloy kong sinusubok na baguhin ang aking introvert na personalidad. Inakala ko na kung babaguhin ko ang aking personalidad, matutupad ko ang aking mga tungkulin at magkakaroon ng pag-asa para sa pagliligtas. Para dito, sinubukan kong matuto kung paano magsalita tulad nang iba at nanalangin pa nga sa Diyos para gawin akong medyo mas extrovert. Nang nabigo ang lahat ng pagtatangka kong magbago, nabuo sa isip ko na hindi ako nababagay para sa tungkuling ito. Nalugmok ako sa masasamang emosyon ng pagkasira ng loob, at lalo pa akong naging negatibo. Pagkatapos gawin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, hiniling sa akin ng mga lider na magbahagi ng mga prinsipyo sa mga kapatid, pero nanlaban ako at ayaw na tanggapin ito, dahil pakiramdam ko na sa personalidad ko, hindi ako kailanman makapagbabahagi nang maayos. Nakuntento na lang ako sa pagiging isang trabahador, ginagawa ang anumang makayanan ko. Dahil hindi ko nauunawaan ang katotohanan, hindi ko maayos na mapangasiwaan ang aking mga kapintasan at pagkukulang. Nalugmok ako sa masasamang emosyon ng pagkasira ng loob, at hinusgahan ko ang sarili ko. Lubos ang pasasalamat ko na tinulungan ako ng mga salita ng Diyos sa tamang oras. Ipinaunawa ng mga ito sa akin na ang pagiging introvert ay hindi isang tiwaling disposisyon kundi isang kapintasan sa pagkatao ng isang tao. Isa itong likas na katangiang pantao, at hindi hinihingi ng Diyos na baguhin ko ito, gusto Niya lang na matutuhan kong mamuhay kasama ito. Kaya, hindi ako dapat mahirapan dito o magapos nito. Kahit na may kapintasang ito, basta’t hinahangad ko ang katotohanan at binabago ang tiwaling disposisyon ko, maililigtas pa rin ako. Naging napakahangal ko nang isinuko ko ang paghahangad sa katotohanan dahil lang mayroon akong kapintasan!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagtama sa maling pananaw ko, ipinaunawa sa akin na ang personalidad ng isang tao ay walang kinalaman sa kanyang kaligtasan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang iyong mga problema, depekto, o mga kapintasan, hindi isyu ang mga ito sa mga mata ng Diyos. Tinitingnan lang ng Diyos kung paano mo hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa daan ng Diyos sa ilalim ng mga likas na kalagayan ng pagkatao—ang mga ito ang tinitingnan ng Diyos. Kaya, sa mga usaping nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo, huwag hayaan na paghigpitan ka ng mga pangunahing kondisyon tulad ng kakayahan, mga likas na gawi, personalidad, mga kagawian, at mga istilo ng pamumuhay ng tao ng normal na pagkatao. Siyempre, huwag mo ring igugol ang iyong enerhiya at panahon sa pagsubok na lampasan ang mga pangunahing kondisyong ito, o sa pagsubok na baguhin ang mga ito. … Ito ay isang bagay na mayroon ang bawat nilikhang tao nang ipinanganak sila. Wala itong kinalaman sa mga tiwaling disposisyon o sa diwa ng pagkatao ng isang tao; isa lang itong kalagayan ng pagkatao na nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at isang paraan ng pagtrato ng isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay. Ang ilang tao ay mahusay sa pagpapahayag ng kanilang sarili, samantalang ang iba ay hindi; ang ilan ay mahilig maglarawan ng mga bagay, samantalang ang iba ay hindi; ang ilan ay mahilig magsarili ng kanilang mga iniisip, samantalang ang iba ay ayaw na magkimkim ng kanilang mga iniisip, bagkus ay gustong ipahayag nang malakas ang mga ito para marinig ng lahat ang mga ito, at saka lang sila nagiging masaya. Ang mga ito ang iba’t ibang paraan ng pagharap ng mga tao sa buhay at mga tao, pangyayari, at bagay; ang mga ito ang mga personalidad ng mga tao. Ang personalidad mo ay isang bagay na taglay mo noong ipinanganak ka. Kung bigo kang baguhin ito kahit pagkatapos ng maraming pagtatangka, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, maaari ka nang tumigil ngayon; hindi mo kailangang magpakapagod nang husto. Hindi ito mababago, kaya huwag mong subukang baguhin ito. Anuman ang orihinal mong personalidad, iyon pa rin ang iyong personalidad. Huwag subukang baguhin ang iyong personalidad alang-alang sa pagkakamit ng kaligtasan; ito ay isang nakalilinlang na ideya—anumang personalidad ang mayroon ka, isa iyong obhektibong katunayan, at hindi mo ito mababago. Sa usapin ng mga obhektibong dahilan para dito, ang resultang nais na makamit ng Diyos sa Kanyang gawain ay walang kinalaman sa iyong personalidad. Kung makakamit mo man ang kaligtasan ay wala ring kaugnayan sa iyong personalidad. Dagdag pa rito, kung ikaw man ay isang taong nagsasagawa sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ay walang kinalaman sa iyong personalidad. Kaya, huwag mong subukang baguhin ang iyong personalidad dahil lang sa gumagawa ka ng ilang tungkulin o naglilingkod bilang isang superbisor ng isang partikular na aytem ng gawain—maling kaisipan ito. Ano ang dapat mong gawin kung gayon? Anuman ang iyong personalidad o likas na mga kalagayan, dapat mong sundin at isagawa ang mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, hindi sinusukat ng Diyos kung sumusunod ka sa Kanyang daan o kung makakamit mo ang kaligtasan batay sa iyong personalidad kung ano ang taglay mong likas na kakayahan, mga kasanayan, mga abilidad, kaloob, o talento, at siyempre ay hindi rin Niya tinitingnan kung gaano mo napigilan ang iyong mga likas na gawi at pangangailangan ng katawan. Sa halip, tinitingnan ng Diyos kung, habang sinusundan mo ang Diyos at ginagawa ang iyong mga tungkulin, isinasagawa at dinaranas mo ba ang Kanyang mga salita, kung mayroon ka bang kahandaan at kapasyahang hangarin ang katotohanan, at sa huli, kung nakamit mo ba ang pagsasagawa sa katotohanan at pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang tinitingnan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Malinaw na nagsalita ang Diyos. Ang kaligtasan ng isang tao ay walang kinalaman sa kanyang personalidad. Hindi hinahatulan ng Diyos kung ang isang tao ay maliligtas batay sa kanyang likas na personalidad, o batay sa kanyang kakayahan, mga abilidad, o mga talento, kundi sa halip ay kung nakapagsasagawa ba siya ng katotohanan at nakasusunod sa daan ng Diyos. Ginagagawa ko ang aking tungkulin nang may maling pananaw. Palagi kong inisip na bilang isang tagadilig, hindi ko maisasakatuparan ang aking tungkulin nang maayos kung hindi ko kayang makipag-ugnayan sa iba, at na tiyak na hindi ako maliligtas sa hinaharap. Inakala ko na tanging sa pagbabago ng aking personalidad at mga kapintasan ay maisasakatuparan ko ang aking tungkulin at maliligtas sa hinaharap. Kaya patuloy kong sinubukan na baguhin ang aking personalidad, pero sa huli, hindi ko ito mabago at naging negatibo lang ako. Nagreklamo pa nga ako laban sa Diyos dahil sa hindi Niya pagbibigay sa akin ng extrovert na personalidad. Patuloy kong sinikap na baguhin ang aking personalidad, pero mali ito, dahil ang mga pagbabago sa personalidad ay mga panlabas na pagbabago lang. Kahit na mabago ko pa ang aking mga kapintasan at maging extrovert at magawang makipag-ugnayan sa iba, kung hindi ko lulutasin ang aking tiwaling disposisyon, palagi lang na nagpapabasta-basta sa tungkulin ko nang hindi ginagawa ang lahat ng aking makakaya kapwa sa katawan at puso, hindi hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga hamon, at nakikipagtalo pa sa Diyos o nagrereklamo laban sa Kanya, hindi ako sasang-ayunan ng Diyos, at sa huli ay matitiwalag ako.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga likas na katangian na mayroon ang mga tao noong isinilang sila at ang mga likas na gawi ng kanilang laman ay hindi ang mga puntirya ng gawain ng Diyos, at pinupuntirya ng gawain Niya ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay sa loob ng mga tao na naghihimagsik laban sa Diyos at hindi tugma sa Diyos. Kung ang nasa imahinasyon ng mga tao ay na ang pakay ng gawain ng Diyos ay baguhin ang kanilang kakayahan, ang kanilang mga likas na gawi, at maging ang kanilang personalidad, mga nakagawian, mga padron sa pamumuhay, at iba pa, ang bawat aspekto ng kanilang pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay ay maiimpluwensiyahan at maaapektuhan ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi maiiwasan na magkakaroon ng maraming baluktot na bahagi o mga sukdulang bagay. Ang mga baluktot na bahagi at sukdulang bagay na ito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at magdudulot sa mga tao na lumihis mula sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at humiwalay sa takbo ng normal na pagkatao. Halimbawa, sabihin natin na sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, naniniwala ka na gustong baguhin ng Diyos ang kakayahan, mga abilidad, at maging ang mga likas na gawi ng mga tao; kung iniisip mo na ito ang mga bagay na gustong baguhin ng Diyos, anong uri ng mga paghahangad ang magkakaroon ka? Magkakaroon ka ng mga paghahangad na baluktot at mahigpit-na-pinanghahawakan—gugustuhin mong maghangad ng superyor na kakayahan, at tutuon ka sa pag-aaral ng iba’t ibang uri ng kasanayan at pagiging dalubhasa sa iba’t ibang uri ng kaalaman para magkaroon ka ng superyor na kakayahan at superyor na mga abilidad, at superyor na kabatiran at paglilinang sa sarili, at maging ng ilang kapabilidad na superyor sa mga ordinaryong tao—sa ganitong paraan, magbibigay-pansin ka sa mga panlabas na abilidad at talento. Kung gayon, ano ang mga kahihinatnan sa mga tao ng gayong mga paghahangad? Hindi lang sila mabibigong tumahak sa landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, sa halip ay tatahakin nila ang landas ng mga Pariseo. Makikipagkompetensiya sila sa isa’t isa para makita kung sino ang may superyor na kakayahan, sino ang may mas superyor na mga kaloob, sino ang may superyor na kaalaman, sino ang may mas mahuhusay na kapabilidad, sino ang may mas maraming kalakasan, sino ang may mas mataas na katanyagan sa gitna ng mga tao at tinitingala at pinapahalagahan ng iba. Sa ganitong paraan, hindi lang nila hindi magagawang isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa halip ay tatahak sila sa isang landas na palayo mula sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkabasa ng sipi na ito ng mga salita ng Diyos, nagnilay at nag-isip ako. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang maipaunawa ang mga katotohanang prinsipyo sa atin, at malinis at mabago ang ating mga tiwaling disposisyon, gayundin ang lahat ng bagay sa atin na naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi para baguhin ang mga bagay-bagay tulad ng ating mga likas na kakayahan, instinto, at personalidad. Hindi ko naunawaan ang gawain ng Diyos at namuhay sa maling perspektiba. Patuloy kong hinihingi sa Diyos na gawin akong extrovert, mahusay magsalita, at may mahusay na kakayahan, pero salungat ito sa mga hinihingi ng Diyos. Naisip ko si Pablo. Sa panlabas, kitang-kita na mayroon siyang mga dakilang kaloob, mahusay magsalita, at nagkamit ng maraming tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, pero hindi siya kailanman nagsikap sa katotohanan o tumuon sa buhay pagpasok, at hindi kailanman nagbago ang kanyang tiwaling disposisyon. Palagi rin niyang itinataas ang sarili niya dahil sa lahat ng gawaing ginawa niya, at sa huli, sinabi niya ang labis na mapagmataas na mga salitang “Sa akin, ang mabuhay ay si cristo.” Sinalungat nito ang disposisyon ng Diyos at nagdulot sa pagpaparusa sa kanya ng Diyos. May kilala rin ako na napaka-extrovert at mahusay magsalita, pero nakatuon lang siya sa pagsasangkap sa sarili niya ng mga salita at doktrina, at hindi siya kailanman nagsagawa ng katotohanan o kinalala ang sarili niya sa pamamagitan ng pagninilay, at sa huli, nabunyag siya bilang isang hindi mananampalataya at natiwalag. Nakita ko na ang hindi paghahangad sa katotohanan at hindi pagtutuon sa pagbabago sa disposisyon ng isang tao sa kanyang pananalig ay napakamapanganib, at sa huli, maaari itong magdala sa pagtahak ng isang tao sa maling landas at pagkakatiwalag sa kanya ng Diyos.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nahanap ang isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit gaano pa kaperpekto o karangal ang iyong pagkatao, o maaari mang mas kaunti ang iyong mga kapintasan at depekto, at nagtataglay ka man ng mas maraming kalakasan kaysa sa ibang tao, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, hindi rin nito mapapalitan ang iyong paghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung hahangarin mo ang katotohanan, kung marami kang nauunawaan sa katotohanan, at kung may sapat at praktikal kang pagkaunawa tungkol dito, mapupunan nito ang maraming depekto at problema sa iyong pagkatao. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay mahiyain at introverted, nauutal ka, at hindi ka masyadong edukado—ibig sabihin, marami kang depekto at kakulangan—pero mayroon kang praktikal na karanasan, at bagama’t nauutal ka kapag nagsasalita, malinaw mong naibabahagi ang katotohanan, at ang pakikipagbahaginang ito ay nakakapagpatibay sa lahat kapag naririnig nila ito, naglulutas ng mga problema, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makaahon mula sa pagkanegatibo, at pumapawi sa kanilang mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kita mo, bagama’t nauutal ka sa iyong mga salita, nakalulutas ng mga problema ang mga ito—napakahalaga ng mga salitang ito! Kapag naririnig ng mga karaniwang tao ang mga ito, sinasabi nila na isa kang taong walang pinag-aralan, at hindi ka sumusunod sa mga tuntunin ng gramatika kapag nagsasalita ka, at kung minsan ay hindi rin talaga naaangkop ang mga salitang ginagamit mo. Maaaring gumagamit ka ng wika na pangrehiyon, o ng pang araw-araw na wika, at na ang iyong mga salita ay walang pagkapino at istilo na kagaya sa mga taong may mataas na pinag-aralan na napakahusay magsalita. Gayumpaman, ang iyong pakikipagbahaginan ay nagtataglay ng katotohanang realidad, kaya nitong malutas ang mga paghihirap ng mga tao, at pagkatapos itong marinig ng mga tao, naglalaho ang lahat ng madidilim na ulap sa paligid nila, at nalulutas ang lahat ng problema nila. Kita mo, hindi ba’t mahalaga ang pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang malinaw na landas ng pagsasagawa. Ang kailangan kong pagtuunan ay ang paghahangad sa katotohanan. Bagaman mayroon akong mga kapintasan sa aking personalidad, basta’t nauunawaan ko ang katotohanan, maari kong mapunan ang ilan sa mga isyung ito. Sa pagbabalik-tanaw, noon pa mang tinanggap ko ang tungkulin ng pagdidilig, palagi kong iniisip na nabibigo ako sa tungkulin ko dahil sa aking introvert na personalidad at kawalan ng kakayahang makipag-ugnayan sa mga baguhan, kaya patuloy kong sinusubukang baguhin ang mga kapintasan ko sa aking personalidad. Hindi ako kailanman nagsikap sa katotohanan, at sa halip, ibinuhos ko ang lahat sa pagsisikap na mapagtagumpayan ang aking mga kapintasan. Sa katunayan ay mali ito. Noong panahong iyon, habang sinusuportahan ko ang mga baguhan, bagaman napipigil ako ng aking personalidad at hindi alam kung ano ang sasabihin kapag nahaharap sa mga kuru-kuro ng mga baguhan, ang katotohanan, ang pangunahing isyu ay na mayroon lang akong bahagyang pagkaunawa sa kung paano tutugunan ang mga kuru-kuro nila. Sa realidad, ang pagkabigo ko na tuparin ang tungkulin ko ay hindi lahat isyu sa personalidad, at ang pangunahing isyu ay nasa hindi ko pagkaunawa sa katotohanan. Mula noon, kinailangan kong pagtuunan ng pagsisikap ang mga katotohanang prinsipyo, at kung nauunawaan ko ang katotohanan nang malinaw, sa wakas ay makapagsasalita na ako nang malinaw Kung minsan ay kinakabahan ako at nakalilimutan ko ang aking mga salita, maaari akong mas manalangin pa sa Diyos para mapakalma ang puso ko, at maaari kong ulit-ulitin sa puso ko ang gusto kong sabihin at dahan-dahan itong bigkasin. Kung hindi ko pa rin maipaliwanag ang isang bagay nang malinaw, kalaunan ay maaari kong hanapin ang mga kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos o maghanap mula sa mga kapatid. Ganito ako dapat magsagawa.
Ngayon, hindi na ako nagiging negatibo dahil sa aking introvert na personalidad, at kapag nakikipagbahaginan sa mga pagtitipon, sinasanay kong pakalmahin ang puso ko at nagagawa kong makipag-ugnayan sa iba. Hindi na ako nababahala sa kung paano makipag-ugnayan sa ibang tao tulad nang dati, at hindi ko na nararamdaman na nasasakal ako dahil sa presyur. Pakiramdam ko talaga na kayang lutasin ng katotohanan ang lahat ng mga paghihirap ng isang tao at na ang mga salita ng Diyos ang naglabas sa akin mula sa pagiging negatibo. Hindi na ako ginagapos o pinipigilan ng mga kapintasan sa personalidad ko.