59. Binitiwan Ko ang mga Damdamin na May Pagkakautang Ako sa mga Anak Ko
Noong 2003, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Partikular akong nasasabik na masalubong ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, at gusto kong sabihin agad sa mga kapatid ko sa Panginoon ang magandang balitang ito, para makaharap silang lahat sa Diyos. Samakatwid, agad akong sumali sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo.
Noong Marso 2004, pumunta ako sa ibang mga lugar para ipangaral ang ebanghelyo dahil sa mga pangangailangan ng gawain. Noong panahong iyon, puno ako ng determinasyon at gusto kong lumabas at ipangaral ang ebanghelyo sa lalong madaling panahon, para mas marami akong taong matulungan na marinig ang tinig ng Diyos at matanggap ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Sino ang mag-aalaga sa dalawang anak ko kung aalis ako? Labintatlong taong gulang ang anak kong babae at labindawalang taong gulang ang anak kong lalaki. Ako ang nagpalaki sa kanila magmula pa nang maliliit sila. Buong araw na abala ang asawa ko sa trabaho at kailanman ay hindi nagpakita ng malaking malasakit sa mga bata. Kung aalis ako para gawin ang tungkulin ko, sino ang sisigurong maayos silang makakakain nang tatlong beses sa isang araw? Kung walang mag-aalaga sa mga bata at may mangyayari, hindi ba’t sasabihin ng asawa ko at biyenan kong babae na hindi ko natupad ang mga responsabilidad ko bilang isang ina? Sasabihin din ng mga kamag-anak at kapitbahay ko na hindi ako isang mabuting ina.” Nang maisip ko ito, nagkaroon ako ng napakasamang pakiramdam sa puso ko, na parang dinudurog ito ng isang napakalaking bato. Lumapit ako sa Diyos para magdasal, “Mahal kong Diyos, gusto kong umalis para ipangaral ang ebanghelyo, pero hindi ko mabitiwan ang mga anak ko. Natatakot ako na walang mag-aalaga sa mga bata kapag wala ako. Paano ako dapat magsagawa? Nawa ay bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sino ang tunay at ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman at nabahahala para sa iyong mga mahal sa buhay? Mayroon ba Akong puwang sa puso mo? Nagsasalita ka pa rin tungkol sa pagpapaubaya sa Aking magkaroon ng kapamahalaan sa loob mo at sakupin ang iyong buong pagkatao—lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kasinungalingan! Ilan sa inyo ang buong pusong tapat sa iglesia? At sino sa inyo ang hindi nag-iisip tungkol sa mga sarili ninyo, kundi kumikilos para sa kaharian ng ngayon? Pag-isipan nang buong ingat ang tungkol dito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang Lumikha, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamahala sa tadhana ng lahat ng tao, kaya hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos ang dalawang anak ko? Isinaayos na ng Diyos kung ano ang mangyayari sa mga anak ko sa hinaharap. Wala nang punto na mag-alala ako. Kailangan kong magkaroon ng pananalig sa Diyos at ipagkatiwala ang mga anak ko sa Kanya. Kaya, isinaayos ko ang dalawang anak ko at umalis ako para gawin ang tungkulin ko nang palagay ang isip.
Noong taglamig ng 2004, napakalamig ng panahon. Narinig kong sinabi ng ilang kapatid na gusto nilang ibili ng mga damit panlamig ang mga anak nila, at nagsimula akong mag-alala para sa dalawang anak ko. “Malamig, makapal ba ang suot nila? Paano kung ginawin sila?” Kaya gumawa ako ng mga pagsasaayos para sa gawain ko at umuwi. Nang makauwi ako, nakita ko na natuto na ang dalawang anak ko na magluto at maglaba ng sarili nilang mga damit, at parehong nasa mabuting kalusugan. Naisip ko ang sinabi ng Diyos: “Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman at nabahahala para sa iyong mga mahal sa buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Dati ay napakaliit ng pananalig ko, pero ngayon na nakita kong maayos ang kalagayan ng mga anak ko, puwede ko na silang bitiwan at gawin ang mga tungkulin ko nang kalmado ang puso. Kalaunan, nang sumunod kong makita ang dalawang anak ko, tumangkad na sila. Bukod sa kaya na nilang tulungan ang tatay nila na magtinda ng mga bagay sa tindahan, natutuhan na rin nila kung paano mamili ng mga paninda. Pinupuri ang dalawang bata ng lahat ng nakapaligid sa kanila dahil sa pagkakaroon ng kapabilidad at kahusayan. Napakasaya at napakamapagpasalamat ko sa Diyos. Pagkatapos niyon, ipinangaral ko ang ebanghelyo sa dalawang anak ko. Tinanggap nila ito at binasa ang mga salita ng Diyos sa bahay.
Sa dulo ng 2012, naaresto ako habang ipinapangaral ang ebanghelyo nang malayo sa bahay. Isang linggo akong pinahirapan ng mga pulis para pilitin akong ipagkanulo ang lider ng iglesia, at sa panahong iyon ay patuloy akong pinagbabantaan at sinisindak, sinasabi na isa akong politikal na kriminal dahil sumasampalataya ako sa Diyos at ang mga tao sa kasong katulad ng sa akin ay masesentensiyahan ng hindi bababa sa tatlo hanggang pitong taong pagkakakulong. Nang maisip kong masesentensiyahan ako nang napakaraming taon, tuloy-tuloy akong umiyak nang walang-tigil. Naisip ko, “Mag-aalala ba sa akin ang dalawang anak ko kung malalaman nilang naaresto ako? Kung matutuklasan ng mga pulis na sumasampalataya rin sila sa Diyos, aarestuhin din ba nila ang mga anak ko? Hindi ko sila naalagaan nang mabuti sa mga taong ito. Kung malalagay rin sila sa gulo dahil sa akin …” Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nalulungkot. Sa hindi inaasahan, makalipas ang ilang araw, dinala ako ng mga pulis sa pinto ng kulungan. Nakita ko ang anak kong babae, at nalaman ko na humingi ng tulong ang dalawang anak ko sa mga tao at gumamit ng mga koneksiyon, nag-aabala nang husto at gumagastos ng 70,000 hanggang 80,000 na yuan para mapalaya ako sa bisa ng piyansa habang naghihintay ng paglilitis, kaya nagawa kong tapusin ang sentensiya ko sa labas ng kulungan nang 18 na buwan. Nang makauwi ako, sinabi ng asawa ko, “Naging abalang-abala ang dalawang bata para mailabas ka roon. Araw-araw silang nagtatanong-tanong, at wala na sa pagnenegosyo ang mga puso nila. Buong araw silang nag-aalala at nangangamba, natatakot na mapapatay ka ng mga pulis sa pambubugbog. Sinabi ng anak nating lalaki na ilalabas ka niya kahit pa kailanganing ibenta niya ang lahat ng pag-aari niya.” Nang marinig kong sabihin ng asawa ko ang mga salitang ito, hindi ko napigilang umiyak. Sa pagbabalik-tanaw, umalis ako sa bahay para gawin ang tungkulin ko noong tin-edyer pa lang ang mga anak ko. Hindi ko sila naalagaan nang mabuti sa mga nagdaang taon, at ngayon, nagbayad pa sila ng gayon kalaking halaga para sa akin. Pakiramdam ko talaga ay nabigo ko sila, at gusto kong manatili sa bahay at alagaan sila nang mabuti mula sa oras na iyon, tulungan silang alagaan ang mga anak nila at gumawa ng kaunting gawain para makabawi sa pagkakautang ko sa kanila. Hindi ko inaasahan na noong sampung araw pa lang akong nasa bahay, biglang sumugod ang lima o anim na pulis sa tahanan ko at inaresto ako, dinadala ulit ako sa isang kulungan. Pinahirapan at kinuwestiyon nila ako sa loob ng anim na araw, pero pinakawalan ako nang wala akong kahit anong sinabi sa kanila. Para maiwasang maaresto ng mga pulis, wala akong nagawa kundi umalis sa bahay at pumunta sa ibang lugar para gawin ang mga tungkulin ko.
Minsan, sumulat ako sa anak kong babae para tanungin ang tungkol sa sitwasyon sa bahay. Sinabi ng anak kong babae na mula nang umalis ako ng bahay, maraming beses nang pumunta ang mga pulis sa bahay ko para puwersahin silang ibunyag ang kinaroroonan ko. Ipinatigil ng gobyerno ang trabaho ng anak kong lalaki, at tumigil na rin ang anak kong babae sa pagdalo sa mga pagtitipon at paggawa sa mga tungkulin niya dahil sa pagkaaresto sa akin, na nagdulot sa kanya ng panganib sa kaligtasan. Sa paglipas ng panahon, nanghina ang anak kong babae, at ayaw nang pumunta ng anak kong lalaki sa mga pagtitipon. Pagkatapos basahin ang sulat, nabagabag ako nang husto, at naisip ko, “Kung hindi sumasampalataya sa Diyos ang dalawang anak ko, hindi ba’t hindi sila magkakaroon ng magandang kalalabasan sa hinaharap? Kung nasa bahay ako at nagbabahagi sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi ba’t magagawa pa rin nilang sumampalataya sa Diyos at gawin nang maayos ang mga tungkulin nila? Ginugugol ko ang mga araw ko sa ibang lugar nang nangangaral ng ebanghelyo sa iba, pero ngayon ay nanghihina ang sarili kong mga anak, at hindi ko sila natutulungan o nasusuportahan nang maayos. Talagang hindi ako isang mabuting ina.” Noong panahong iyon, masama ang kalagayan ko, at walang ganang gawin ang tungkulin ko. Hindi nadidiligan agad ang mga baguhan, na humantong sa pagiging negatibo ng ilan sa kanila. Alam ko na kung hindi ko babaguhin ang kalagayan ko, magiging napakamapanganib nito, kaya nagdasal ako sa Diyos na nawa ay akayin Niya akong maunawaan ang sarili ko at maunawaan ang layunin Niya. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang lubos na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kompletong makakain tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at makilatis ang ilang bagay, ay iisipin mo, ‘Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin bilang nilikha, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.’ Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging deboto sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng salungatan ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pagsisisi dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na ‘Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae’ ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at mananatili kang gapos ng ganitong uri ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagama’t maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gawin ang tungkulin mo, nang marahil ay nagpapakita ng kaunting debosyon sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pagsisisi sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, higit pang ninanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay nakatapak ka na sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Natupad mo na ba nang maayos ang tungkuling ito? Bakit ka lumihis ulit? Wala ba talagang pagkaramdam ng pagsisisi o paninisi sa puso mo? Dahil ang katotohanan ay hindi pa rin nakapaglatag ng mga pundasyon sa puso mo, at hindi pa ito naghahari doon, maaari kang malihis habang ginagawa mo ang tungkulin mo. Bagama’t ngayon ay nagagawa mo ang tungkulin mo, ang totoo ay hindi mo pa rin naaabot ang mga pamantayan ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. … Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ito ang pangunahing bagay at pangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Mula sa paglalantad sa mga salita ng Diyos, nakita ko na masyadong mahigpit akong naigapos ng tradisyonal na kultura. Naniwala ako na ang isang mabuting ina ay dapat na mabuhay para sa mga anak niya, siguraduhing maayos silang nakakakain nang tatlong beses sa isang araw, at asikasuhin ang lahat ng bagay sa buhay nila pati na ang gawaing bahay. Sa paggawa nito ay saka ka lang magiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kung hindi mo ito magagawa, hindi ka isang mabuting babae: Malalabag mo ang konsensiya at mga pamantayan ng moralidad. Sa paglipas ng mga taon, palagi kong itinuturing ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina bilang pamantayan ng pagiging isang mabuting babae. Kahit gaano katindi pa akong magdusa para sa mga anak ko, naniniwala akong ganap na natural lang ito, at ganap na handa akong magpakaalipin buong buhay ko para sa mga anak ko. Naisip ko na matutupad ko lang ang mga responsabilidad ko bilang isang ina sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan. Partikular na, pagkatapos akong maaresto ng Partido Komunista, malaking pera ang ginastos ng mga anak ko para sa akin, nahadlangan ang negosyo nila, at nag-alala at nangamba rin sila. Lalo ko pang naramdamang may utang na loob ako sa mga anak ko. Naisip ko na hindi ko sila naalagaan nang mabuti at naidulot ko sa kanilang magdusa nang matindi para sa akin, kaya gusto kong gumawa ng mas maraming gawain para sa kanila at tulungan silang alagaan ang mga anak nila para magawa ang makakaya ko para makabawi sa kanila. Nang mabalitaan ko na hindi makadalo ang anak kong babae sa mga pagtitipon o makagawa ng mga tungkulin niya dahil sa pagkaaresto sa akin, na nawalan ng trabaho ang anak kong lalaki, at na hinahadlangan at inuusig din siya ng manugang ko, na nagreresulta para mawalan siya ng loob na sumampalataya sa Diyos, naniwala akong nabigo ako sa mga responsabilidad ko dahil hindi ko sila nabasahan ng mas marami sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, namuhay ako sa paninisi sa sarili at nawalan ng loob na gawin ang tungkulin ko. Hindi makadalo nang regular sa mga pagtitipon ang mga baguhang nasa ilalim ng responsabilidad ko dahil sa pagiging negatibo at panghihina, pero hindi ako nagmadaling humanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos para lutasin ang mga problema nila. Sa halip, puno ang isip ko ng kung paano uuwi at aalagaan ang mga anak ko. Dahil may mga panganib sa kaligtasan ko, hindi ako makauwi, at palagi kong nararamdaman na para bang may pagkakautang ako sa mga anak ko, habang puno ng pasakit at pagdurusa ang puso ko. Itinuring kong mas mahalaga ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina kaysa sa pagtatamo sa katotohanan, paggawa sa tungkulin ko, at pagkakaligtas. Kahit na iniwanan ko ang pamilya at trabaho ko para gawin ang tungkulin ko sa lahat ng taon na ito, kahit kaunti ay hindi nagbago ang mga kaisipan at pananaw ko. Hindi ko iniisip kung paano tutuparin nang maayos sa harapan ng Diyos ang tungkulin ng isang nilikha, kundi sa halip ay hinahangad ko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kamuntik ko nang masira ang tungkulin ko at ang pagkakataon kong maligtas. Napakabulag at napakaignorante ko! Sa pagbabalik-tanaw, madalas kong kinakausap ang mga anak ko tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at dinala ko sila sa harapan ng Diyos, kaya natupad ko ang mga responsabilidad ko at wala akong anumang pagkakautang sa kanila. Ang mga paghihirap na tiniis ng mga anak ko, sa totoo, ay idinulot ng Partido Komunista. Kung hindi dahil sa pag-uusig at mga pag-aresto ng Partido Komunista sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, nakauwi sana ako at naalagaan ko sila. Ang Partido Komunista ang dapat na kinamuhian ko dahil ang Partido Komunista ang nagdulot ng pagdurusa sa akin at sa mga anak ko. Gayumpaman, sinisi ko ang lahat sa sarili ko, at ipinagpilitan na nagdusa ang mga anak ko sa ganitong paraan dahil bilang isang ina ay hindi ko sila naalagaan nang mabuti. Napakahangal ko at hindi ko talaga makilatis ang mga bagay-bagay! Nang maunawaan ko ito, medyo nagbago ang kalagayan ko. Nagawa kong ilaan ang puso ko sa tungkulin ko, at nagawa ring makipagtipon nang normal ng mga negatibo at nanghihinang baguhan na iyon.
Noong 2023, ipinagkanulo ako ng isang Hudas at patuloy akong sinusubukang arestuhin ng mga pulis. Noong Enero 2024, tinawagan ng mga pulis ang anak kong babae at pinapunta siya sa presinto. Akala ng anak kong babae ay naaresto ulit ako at natataranta siyang nagmadali papunta sa presinto. Sa hindi inaasahan, puwersahang pinapirma ng mga pulis ang anak kong babae sa “Tatlong Pahayag” para itatwa at ipagkanulo ang Diyos, at pinagbantaan at sinindak din siya. Hindi nakilatis ng anak kong babae ang pakana ni Satanas at pumirma siya sa “Tatlong Pahayag.” Pagkarinig sa balita, nalungkot nang husto ang puso ko. Naisip ko, “Masunurin at matalino ang anak kong babae, at kailanman ay hindi niya ako pinigilang sumampalataya sa Diyos. Noong arestuhin ako ng mga pulis, hindi siya makapunta sa mga pagtitipon o makagawa ng tungkulin niya dahil sa panganib na maaresto. Pagkatapos, napigilan siya ng asawa at biyenan niyang lalaki, kaya sa mga taon na ito, hindi siya maayos na nakapaghahangad sa katotohanan at namumuhay siya sa paghahangad sa pera. Ang resulta, hindi siya maayos na nakakakain at nakaiinom ng mga salita ng Diyos o nakagagawa ng tungkulin niya. Pinaalis na siya ng iglesia dahil sa pagiging isang hindi mananampalataya. Ngayon, pumirma na siya sa ‘Tatlong Pahayag’ ibig sabihin, tuluyan na siyang nawalan ng anumang pagkakataong maligtas.” Nang maisip ko ito, hindi ko makontrol ang pagbaha ng mga luha. Kung nagawa kong regular na umuwi para makita ang mga anak ko at mas madalas na magbahagi sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos, siguro mas maraming katotohanan ang mauunawaan ng anak kong babae at hindi siya pipirma sa “Tatlong Pahayag.” Habang mas iniisip ko ito, lalo kong kinokondena ang sarili ko. Sa mga araw na iyon, wala akong ganang gumawa ng anumang bagay, at nawalan ako ng loob na gawin ang mga tungkulin ko. Napagtanto ko na masama ang kalagayan ko, kaya lumapit ako sa Diyos para magdasal, na nawa ay akayin Niya ako na maunawaan ang layunin Niya.
Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sinuman ito, kung siya ay isang partikular na uri ng tao, tatahak siya sa isang partikular na landas. Hindi ba’t natitiyak ito? (Oo.) Ang landas na tinatahak ng isang tao ay tumutukoy sa kung ano siya. Ang landas na tinatahak niya at kung magiging anong uri siya ng tao ay nakasalalay sa kanya. Ito ay mga bagay na pauna nang itinakda, likas, at may kinalaman sa kalikasan ng tao. Kaya, ano nga ba ang silbi ng mga turo ng magulang? Kaya ba nitong pamahalaan ang kalikasan ng isang tao? (Hindi.) Hindi kayang pamahalaan ng mga turo ng magulang ang kalikasan ng tao at hindi nito kayang lutasin ang problema sa kung anong landas ang tatahakin ng isang tao. Ano ang tanging maituturo ng mga magulang? Ang ilang simpleng pag-uugali sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga anak, ilang medyo paimbabaw na kaisipan at mga tuntunin ng sariling asal—ito ang mga bagay na may kinalaman sa mga magulang. Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang responsabilidad, na turuan ang kanilang mga anak na sumunod sa tamang landas, mag-aral nang mabuti, at magsumikap na maging mas magaling kaysa sa iba paglaki nila, na huwag gumawa ng masasamang bagay o maging masamang tao. Kailangan ding pangasiwaan ng mga magulang ang pag-uugali ng kanilang mga anak, turuan ang mga ito na maging magalang at bumati sa mga nakatatanda sa tuwing nakikita ang mga ito, at turuan ang kanilang mga anak ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa pag-uugali—ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Ang pag-aalaga sa buhay ng kanilang anak at pagtuturo sa kanila ng ilang pangunahing tuntunin ng sariling asal—iyan ang saklaw ng impluwensiya ng magulang. Tungkol naman sa personalidad ng kanilang anak, hindi ito maituturo ng mga magulang. Ang ilang magulang ay mahinahon lang at ginagawa nila ang lahat nang hindi nagmamadali, samantalang ang kanilang mga anak ay lubos na walang pasensiya at hindi mapirmi sa kinaroroonan ng mga ito kahit sandali man lang. Lumalayo sila nang sila-sila lang para maghanapbuhay pagdating ng 14 o 15 taong gulang nila, gumagawa sila ng kanilang sariling mga desisyon sa lahat ng bagay, hindi nila kailangan ang kanilang mga magulang, at kayang-kaya nilang magsarili. Itinuturo ba ito ng kanilang mga magulang? Hindi. Kaya, ang personalidad, disposisyon, at maging ang diwa ng isang tao, pati na ang landas na kanyang pipiliin sa hinaharap, ay walang kinalaman sa kanyang mga magulang. … Ang landas na tinatahak ng isang tao sa buhay ay hindi naitatakda ng kanyang mga magulang, kundi ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Sinasabi na ‘Ang kapalaran ng tao ay itinakda ng Langit,’ at ang kasabihang ito ay ibinuod ng karanasan ng tao. Bago umabot sa hustong gulang ang isang tao, hindi mo malalaman kung anong landas ang kanyang tatahakin. Kapag nasa hustong gulang na siya, at may sariling mga kaisipan at kakayahang magnilay-nilay sa mga problema, magpapasya siya kung ano ang gagawin sa labas sa mas malawak na komunidad. Sinasabi ng ilang tao na gusto nilang maging mataas na opisyal, ang iba naman ay nagsasabing gusto nilang maging abogado, at ang iba ay gustong maging manunulat. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang pasya at mga ideya. Walang sinuman ang nagsasabi na, ‘Hihintayin ko na lang na turuan ako ng aking mga magulang. Anuman ang ituro nila sa akin, magiging ganoon ako.’ Walang taong ganito kahangal. Kapag umabot na sila sa hustong gulang, nagsisimulang mapukaw at unti-unting nahihinog ang mga ideya ng mga tao, kaya lalong nagiging malinaw ang landas at mga layon sa kanilang hinaharap. Sa panahong ito, unti-unting nagiging halata at malinaw kung anong klaseng tao sila at kung saang grupo sila nabibilang. Mula sa puntong ito, unti-unting malinaw na natutukoy ang personalidad ng bawat tao, pati na rin ang kanilang disposisyon, ang landas na kanilang hinahangad, ang kanilang direksyon sa buhay, at ang grupong kinabibilangan nila. Saan nakabatay ang lahat ng ito? Sa huli, ito ay pauna nang itinakda ng Diyos—wala itong kinalaman sa mga magulang ng isang tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang landas na tatahakin ng mga anak ay hindi isang bagay na puwedeng pagdesisyunan o baguhin ng mga magulang. Natutukoy ito ng kalikasang diwa nila at walang kinalaman sa pagtuturo ng mga magulang. Inisip ko kung paanong hindi hinangad ng anak kong babae ang katotohanan bago pumirma sa “Tatlong Pahayag,” at sa sandaling maging abala ang negosyo niya, hindi na siya pumunta sa mga pagtitipon o nagbasa ng mga salita ng Diyos, at ayaw niyang gawin ang tungkulin niya. Tumuon siya sa paghahangad sa pera at sa paghahangad sa masasamang kalakaran ng mundo. Maraming beses nang nagbahagi sa kanya ang lider, pero hindi siya nagsisi, kaya pinaalis ng iglesia ang anak kong babae bilang isang hindi mananampalataya batay sa palagian niyang pag-uugali. Ngayong pumirma na siya sa “Tatlong Pahayag,” lubusan na niyang ibinunyag na ang diwa niya ay sa isang hindi mananampalataya. Ang katunayang hindi niya hinangad ang katotohanan o tinahak ang tamang landas ay tinukoy ng sarili niyang kalikasang diwa, at walang kaugnayan sa akin bilang ina niya. Ang katunayang humantong ang mga anak ko sa kalagayang ito ay dahil likas na hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi hinahangad ang katotohanan. Walang ibang masisisi, at hindi totoo na kung nabasahan ko sila ng mas marami sa mga salita ng Diyos, masigasig nilang hahangarin ang katotohanan at tatahakin ang tamang landas. Likas silang tutol sa katotohanan at hindi naghahangad sa katotohanan, kaya kahit na magbahagi ako sa kanila araw-araw, hindi ko mababago ang diwa nila o ang landas na tinatahak nila. Nang tingnan ko ang mga anak ko ayon sa mga salita ng Diyos, naging higit na malaya ang puso ko, hindi ko na naramdamang may utang na loob ako sa kanila, at hindi na ako nagulo sa paggawa ng tungkulin ko. Salamat sa Diyos!