60. Kung Bakit Mapili Ako sa Tungkulin Ko
Noong Hulyo 2023, natanggal ako sa posisyon ko bilang isang lider dahil naghangad ako ng reputasyon at katayuan at hindi gumawa ng tunay na gawain. Pagkalipas ng dalawang linggo, pinuntahan ako ng dati kong kapareha na si Sister Liu Xiao. Sabi niya, “Inaaresto ngayon ng CCP ang mga mananampalataya ng Diyos kung saan-saan. Ang ilang pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay mga kilalang mananampalataya ng Diyos, kaya hindi sila ligtas. Hindi ka kilalang mananampalataya, at angkop ang sitwasyon ng pamilya mo. Mula ngayon, puwede kang gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa tahanan mo.” Nahiya ako nang makita ko si Liu Xiao. Naisip ko, “Dalawang linggo lang ang nakararaan, ginagawa ko pa ang mga tungkulin ng pamumuno nang kapareha siya, at ngayon ay pumunta siya para isaayos ang tungkulin ko. Ang mas masama pa, tungkulin ito ng pagpapatuloy! Ang layo ng binagsakan ko! Iniisip ba niyang isa akong taong hindi naghahangad ng katotohanan at angkop lang sa tungkulin ng pagpapatuloy?” Pagkatapos ay naisip ko na karamihan sa mga kapatid na nagpapatuloy sa bahay bilang tungkulin ay mas matatanda at pangkaraniwan ang kakayahan. Talagang kahiya-hiya kung matutuklasan ng mga kapatid na nakakakilala sa akin na nagpapatuloy ako sa bahay bilang tungkulin! Ayaw na ayaw ko talagang gampanan ang tungkulin ng pagpapatuloy, at iniisip ko na mas mababa ang tungkuling ito, hindi tulad ng mga lider na nagtatamasa ng katanyagan at pagiging prominente saanman sila pumunta. Gayumpaman, ang pagtanggi sa tungkulin kapag kumakatok ito ay nagpapakita ng kawalan ng katwiran, kaya atubili akong pumayag. Iniisip ko rin, “Kapag nagkamit na ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko sa pamamagitan ng ilang pagdedebosyonal at pagninilay sa sarili ko, maaaring maitalaga ako sa ibang tungkulin.”
Pagkatapos kong magsimula sa tungkulin ng pagpapatuloy, minsan ay pumupunta si Liu Xiao sa bahay ko para talakayin ang gawain kasama ang mga kapatid. Naisip ko kung paanong dati ay katulad niya lang ako, pero ngayon ay ipinagluluto ko sila, naghuhugas ako ng pinggan araw-araw, at naglilinis. Wala nang mas kahiya-hiya pa kaysa rito! Isang araw, tumunog ang doorbell, at binuksan ko ang pinto at nakita na si Sister Wang Dan iyon. Agad na nag-init nang husto ang mukha ko. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, palagi kong isinasaayos ang lahat para gawin ni Wang Dan, pero ngayon, si Wang Dan na ang nagsasaayos ng gawain para sa akin. Talagang nakakahiya ang gayon kalaking pagbabago sa mga kapalaran namin! Sinabi ni Wang Dan, “Sa susunod na mga araw, isasama namin ang mga kapatid na tumutuloy sa bahay mo at ililipat sila sa isa pang tahanang matutuluyan.” Napakasaya ko nang marinig ko ito, “Malapit na ba silang magsaayos ng ibang tungkulin para sa akin? Basta’t hindi ito tungkulin ng pagpapatuloy, ayos lang sa akin kung magdidilig man ako ng mga baguhan o mangangaral ng ebanghelyo. Basta’t puwede akong makipag-ugnayan sa mga kapatid ko, kapag dumating ang araw para sa isang halalan sa iglesia, magkakaroon ako ng pagkakataong tumakbo sa halalan bilang isang lider o diyakono. Hindi tulad ng tungkulin ng pagpapatuloy, kung saan wala man lang pagkakataong maipakita ang mukha mo.” Habang nangangarap pa ako, sinabi ni Wang Dan, “Isasama namin sila at papalitan ng ibang mga kapatid.” Nadismaya ako nang husto nang marinig ko ito. “Kailan ba matatapos ang tungkuling ito ng pagpapatuloy?” Kalaunan, nakakita ako ng sulat mula sa mga nakatataas na lider. Nakasaad dito na iniimbestigahan, pinaghahanap, at inaaresto ng CCP ang mga taong sumasampalataya sa Diyos, at na kailangang bigyang-pansin ng lahat ang kaligtasan at protektahan ang mga interes ng iglesia, at, partikular na, kailangang magpanatili ng mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ng isang magandang kapaligiran at maprotektahan ang mga kapatid nila. Pagkabasa sa sulat, naisip ko, “Lalong nagiging tensiyonado ang kasalukuyang kapaligiran, at kailangan namin ng mas maraming ligtas na pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Mukhang hindi magiging madaling ibahin ang tungkulin ko ng pagpapatuloy.” Buong araw akong malungkot at miserable noong panahong iyon. Sa pang-araw-araw na buhay, kapag may ginawa o sinabi ang mga sister ko na hindi ko gusto, naiinis akong makita sila, at nagagalit at nagiging mapanlaban ako kapag maraming bagay na kailangang ligpitin habang naglilinis ako. Pakiramdam ko ay katulong ako, gumagawa ng lahat ng marumi at nakapapagod na gawain, at inililigpit ko ang mga bagay-bagay na puno ng masungit na pagdadabog. Nakasimangot din ako kapag kinakausap ko ang mga sister ko. Noong panahong iyon, napipigilan ko ang lahat ng sister, at palala nang palala ang sarili kong kalagayan. Ni hindi nga ako nagdedebosyonal nang regular, at minsan ay walang pakundangan pa nga akong nagpapasasa sa laman sa pamamagitan ng paglalaro sa telepono ko. Nakita ni Sister Li Lu na masama ang kalagayan ko, at pinaalalahanan akong magbasa ng mas marami sa mga salita ng Diyos, matuto ng mas maraming himno, at magsanay sa pagsusulat ng mga artikulo, pero hindi ko siya pinakinggan. Isang araw, tinukoy ni Li Lu ang kalagayan ko, sinasabing kahit na ginagawa ko ang tungkulin ko sa panlabas, ayaw ko naman niyon. Pagkarinig sa sinabi niya, medyo naging mapanlaban ako, “Araw-araw akong abala sa pagluluto para sa inyong lahat. Paanong ayaw ko?” Pagkatapos, patuloy na sumasagi sa isip ko ang mga salita niya. Noong gabing iyon, pabiling-baligtad ako sa higaan, hindi makatulog. Naisip ko, “Bakit ba ako pinuna ng sister ko? Ano ba ang layunin ng Diyos?” Naisip ko kung paanong naging masama ang kalagayan ko kamakailan, at hindi ko binibigyang-pansin ang tungkulin ko, o pinapakitaan ng pagmamahal ang mga sister ko. Madalas ko silang tinitingnan nang masama at pinipigilan… Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nakokonsensiya at sinisisi ko ang sarili ko. Nagdasal ako sa Diyos, nagmamakaawang akayin Niya ako na maunawaan ang sarili ko. Naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gampaning ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gampaning ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi nangangailangan ng pagsisikap ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat magbibigay-daan sa akin na mamukod-tangi sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas ng iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Ang tinalakay ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Nagbalik-tanaw ako sa dati, noong isa akong lider sa iglesia at nagagawa kong itampok ang sarili ko. Saanman ako magpunta, iginagalang ako ng mga kapatid ko, at masaya ang puso ko at may lakas akong gawin ang mga tungkulin ko. Partikular na, natuwa ako nang mahalal ako para maging isang lider ng distrito, at naisip ko na namukod-tangi ako sa madla at naging sentro ako ng atensyon. Muling dumoble ang lakas ko na gawin ang tungkulin ko. Noong panahong iyon, gumagawa ako mula pagsikat ng araw hanggang paglubog nito araw-araw. Taglamig noon, at napakaginaw, pero kahit noong nakakauwi lang ako nang alas 11 o 12 ng gabi, masaya pa rin ako; hindi ko nararamdaman ang ginaw at hindi ako napapagod. Pero pagkatapos kong matanggal at isaayos ng lider na gumawa ako ng tungkulin ng pagpapatuloy, pakiramdam ko ay isa akong katulong, gumagawa ng lahat ng mahirap na gawain at kung ano-anong trabaho, na parang isa akong nakakababang utusan. Hindi makapagpasakop ang puso ko, at inaasam ko ang araw kung kailan itatalaga ako ng mga lider sa ibang tungkulin. Kalaunan, nagpadala ng sulat ang mga nakatataas na lider, sinasabi na lalong nagiging tensiyonado ang kasalukuyang kapaligiran, at kailangan ng mas maraming ligtas na pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Nang mapagtanto kong hindi ako maitatalaga sa ibang tungkulin sa malapit na hinaharap, nailang at namuhay ako sa pagiging negatibo. Ginagawa ko ang tungkulin ko, pero matinding umaayaw ang puso ko, at tinitingnan ko rin nang masama at mapaghinanakit ang mga sister ko, na nakakapigil sa kanila. Anong uri ng pagpapasakop ang mayroon ako sa Diyos? Kondisyonal ang pagpapasakop ko, at naglalaman ng sarili kong mga kagustuhan at karumihan. Hindi ito tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nagpapasakop lang ako kung kapaki-pakinabang ito sa akin at makakakuha ako ng kaunting katanyagan, pero kung hindi ito kapaki-pakinabang sa akin at hindi ko maitatampok ang sarili ko, hindi ko kayang magpasakop. Kung hindi ko babaguhin ang kalagayang ito, magiging napakamapanganib nito.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na makipagtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gampanin na nangangailangan ng pakikipagtulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin. Kung wala ang gawain ng pamamahala ng Diyos, magkakaroon kaya ang mga tao sa lupa—paano man sila namumuhay—ng mga tungkulin? Hindi. Ngayon ay malinaw mo nang nakikita. Saan nauugnay ang tungkulin ng isang tao? (Nauugnay ito sa gawain ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.) Tama iyan. Direktang magkaugnay ang mga tungkulin ng sangkatauhan, ang mga tungkulin ng mga nilikha, at ang gawain ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabing kapag wala ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at kapag wala ang gawain ng pamamahala ng nagkatawang-taong Diyos na inilunsad Niya sa mga tao, walang magiging anumang tungkulin ang mga tao. Nagmumula ang mga tungkulin sa gawain ng Diyos; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, mahalaga ang tungkulin para sa lahat ng mga tao na sumusunod sa Diyos, hindi ba? Ito ay napakahalaga. Sa pangkalahatan, nakikibahagi ka sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos; sa mas partikular, tumutulong ka sa iba’t ibang uri ng trabaho ng Diyos na hinihingi sa iba’t ibang oras at sa iba’t ibang grupo ng tao. Kahit ano pa ang iyong tungkulin, ito ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Minsan ay maaaring hinihingi sa iyo na bantayan o pangalagaan mo ang isang mahalagang bagay. Maaaring ito ay isang medyo maliit na bagay na masasabi lamang na iyong responsabilidad, subalit isa itong gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos, tinanggap mo ito mula sa Kanya. Tinanggap mo ito mula sa mga kamay ng Diyos, at ito ang iyong tungkulin. Kung pag-uusapan ang pinaka-ugat ng usapin, ang iyong tungkulin ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Pangunahin na kabilang dito ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, pagpapatotoo, paggawa ng mga bidyo, pagiging isang lider o manggagawa ng iglesia, o maaaring ito ay isang gawain na mas mapanganib pa at mas mahalaga. Ano’t anuman, hangga’t may kinalaman ito sa gawain ng Diyos at sa pangangailangan ng gawain para sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat tanggapin ito ng mga tao bilang isang tungkulin na mula sa Diyos. Ang tungkulin, sa pangkalahatan, ang misyon ng isang tao, isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos; sa mas partikular, ito ang iyong responsabilidad, ang iyong obligasyon. Dahil ito ang iyong misyon, isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ang iyong responsabilidad at obligasyon, ang pagtupad sa iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga personal na usapin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nagkakaroon lang ang mga tao ng pagkakataong gumawa ng mga tungkulin at maligtas dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, at na maraming tungkulin ang kailangang magawa sa sambahayan ng Diyos. Ang ilan ay namamahala sa iglesia, ang ilan, nangangaral ng ebanghelyo, at ang ilan, gumagawa ng gawain ng mga pangkalahatang usapin at iba pa. Sa paningin ng Diyos, walang pagkakaiba ang mas maganda at mas masamang mga tungkulin, o mataas at mababang mga tungkulin. Bilang mga nilikha, dapat tayong magpasakop sa Diyos kahit ano pa ang tungkuling ginagawa natin o maitatampok man natin ang sarili natin o hindi, at hindi tayo dapat mamili batay sa sarili nating mga kagustuhan. Sa halip, hinati ko sa iba’t ibang antas ang mga tungkuling mula sa Diyos, at naniwala akong napakaprestihiyoso ng pagiging isang lider, dahil saanman sila pumunta, iginagalang at kinaiinggitan sila. Tulad lang sila ng pinakamataas na pamamahala sa isang kompanya, napapaligiran ng mga taong humahanga sa kanila. Gayumpaman, kapag gumagawa ka ng tungkulin ng pagpapatuloy, nagpapakapagod ka sa kung ano-anong nakapapagod at maruruming trabaho; tulad ng kung paanong kung isa kang katulong sa mundo, isa kang utusan, at hinahamak ka. Iyon ang dahilan kung bakit nang isaayos ng lider na gawin ko ang tungkulin ng pagpapatuloy, naisip kong masyado itong nakakahiya at nakakababa, at nagreklamo ako habang ginagawa ko ang tungkulin ko. Sa huli, lumala nang lumala ang kalagayan ko, hanggang sa ni hindi na ako nagdedebosyonal nang regular o wala na akong ganang magsulat ng mga artikulo. Ang lahat ng ito ay idinulot ng maling pananaw ko sa tungkulin ko. Tiningnan ko ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng isang walang pananampalataya, at hindi ko itinuring ang tungkulin ko bilang responsabilidad at obligasyon ko. Bilang isang nilikha, ang pinakamahalagang bagay ay ang magawa ng isang tao ang tungkulin niya sa plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Ito ang pinakamalaking karangalan, at dapat kong pasalamatan ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong ito. Nagkukumahog ang CCP na lumaban sa Diyos, at wala itong pakundangan sa mga pamamaraang ginagamit nito para usigin at arestuhin ang mga Kristiyano para guluhin at sirain ang gawain ng Diyos. Sa masamang kapaligirang ito, responsabilidad at obligasyon kong patuluyin nang maayos ang mga kapatid ko, tinutulungan silang gawin ang tungkulin nila sa isang ligtas na kapaligiran. Gayumpaman, masyado akong mahigpit na naigapos ng pride at katayuan, at nakalilinlang na naniwala na ang mga taong gumagawa ng tungkulin ng pagpapatuloy ay hindi mga taong naghahangad sa katotohanan, at na mas matatanda lang ang gumagawa sa tungkuling ito. Mga kuru-kuro at imahinasyon ko ang lahat ng ito.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at ayaw nilang maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng kahit kaunting pag-asa sa kaligtasan ang isang imoral na sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pinakaugat ng kawalan ko ng kakayahang magpasakop sa Diyos ay nakondisyon ako ng mga satanikong kaisipan at pananaw, gaya ng, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat, dumadaloy ang tubig pababa.” Naglagay ako ng sobra-sobrang pagpapahalaga sa pride at katayuan ko. Inalala ko noong nagtatrabaho ako sa isang negosyong pagmamay-ari ng estado, at palagi kong nararamdaman na nakatataas ako sa iba. Hinahamak ko ang mga taong nagtatrabaho sa mga gawaan ng laryo, lugar ng konstruksiyon, o maliliit na pabrika. Pagkatapos kong magsimulang sumampalataya sa Diyos, ganoon lang din ako, at inisip ko na prestihiyoso na maging isang lider, habang hinahamak ko ang mga taong gumagawa ng tungkulin ng pagpapatuloy o tungkulin ng mga pangkalahatang usapin. Pakiramdam ko, pag-aasikaso lang ng mga bagay-bagay at paggawa ng pisikal na gawain ang mga tungkuling iyon, na mas mababa ang mga iyon. Iyon ang dahilan kung bakit nang isaayos ni Liu Xiao na gumawa ako ng tungkulin ng pagpapatuloy, pakiramdam ko ay mas mababa ako sa iba, at gusto kong magtago nang makita ko siya. Masyado rin akong napapahiya na makita si Wang Dan kapag pinupuntahan niya ako para sa isang bagay at naiinggit ako sa kanila dahil sa pagiging mga lider, pagtatamasa ng katanyagan saanman sila pumunta at pagtatamo ng paggalang ng mga kapatid nila. Naisip ko na sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin ng pagpapatuloy, hindi pareho ang antas ko sa kanila, at labis akong napahiya. Sumaya ako nang marinig kong sabihin ni Wang Dan na kukuhanin niya ang mga kapatid, at umasa ako na isang araw ay pangangasiwaan ko ang pagtitipon ng mga grupo sa iglesia, at magkakaroon ng pagkakataong maiangat sa hinaharap. Pero sa sandaling marinig ko na gagawa pa rin ako ng tungkulin ng pagpapatuloy, nalugmok ang kalagayan ko, at naging negatibo at nagpabaya ako sa paggawa sa tungkulin ko. Inalala ko ang panahon noong isa akong lider at natanggal ako dahil naghangad ako ng reputasyon at katayuan at bilang resulta ay tumahak sa maling landas; tungkulin na ng pagpapatuloy ang ginagawa ko ngayon, pero hindi nagbago ang dati kong kalikasan. Isinasaalang-alang ko pa rin ang pride at katayuan at hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko. Napagtanto ko na naigapos at nakontrol ako ng mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ni Satanas, at sa paggawa sa tungkulin ko, ang isinaalang-alang ko lang ay ang sarili kong pride at katayuan sa bawat pagkakataon. Hindi ako nagpakita ng anumang pagpapasakop, lalong hindi ng anumang katapatan, at ang pananaw ko sa pagtingin sa mga tao at bagay ay katulad ng sa isang walang pananampalataya. Hindi ko ibinatay ang mga bagay-bagay sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng ginawa ko ay mapanlaban sa katotohanan at lumalaban sa Diyos. Nang maunawaan ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, hindi ko kayang magpasakop sa mga pagsasaayos Mo para protektahan ang sarili kong pride at katayuan. Ayaw ko nang mamuhay ayon sa mga satanikong kaisipan at pananaw. Nawa ay akayin Mo ako na tingnan ang mga tao at bagay nang ayon sa mga salita Mo at magpasakop sa mga pagsasaayos Mo.”
Kalaunan, nabasa ko pa ang mas marami sa mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensyon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang mababang-uri at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, mababang-uri, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Gumaan ang loob ko sa pagbabasa sa mga salita ng Diyos. Kapag ginagampanan ang mga tungkulin natin, dapat muna nating bitiwan ang mga personal na interes, pride, at katayuan natin. Kahit ano pa ang isipin sa atin ng iba, dapat nating unahin ang tungkulin natin at gawing prayoridad ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa ganitong paraan, kumikilos tayo sa harapan ng Diyos at ginagampanan natin ang sarili nating tungkulin. Sa ngayon, sinusubukan ng CCP ang bawat posibleng paraan para arestuhin nang matindi ang mga mananampalataya ng Diyos. Gumagamit sila ng iba’t ibang uri ng makabagong teknolohiyang kagamitan sa pagmamanman at nagkakabit ng mga kamerang may matataas na kalidad sa mga kalye at eskinita, at naglilinang din ng mga impormante sa mga komite ng pamayanan at sa mga taong nakatatanggap ng pinakamababang panggastos sa araw-araw para subaybayan at sundan ang mga mananampalataya ng Diyos. Maraming pamilyang nagpapatulot sa bahay ang humaharap sa mga panganib sa kaligtasan nila, at hindi madaling maghanap ng ligtas na pamilya na nagpapatuloy sa bahay. Hindi ako isang kilalang mananampalataya at hindi humaharap sa anumang panganib sa kaligtasan ko, kaya angkop para sa akin na gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy. Dapat akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia at gawin ko nang maayos ang tungkulin ko ng pagpapatuloy. Pagpoprotekta rin ito sa mga interes ng iglesia. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, handa na akong bitiwan ang pride at katayuan ko at gawain nang maayos ang tungkulin ko ng pagpapatuloy para protektahan ang mga kapatid ko, para bigyan sila ng ligtas ng kapaligiran kung saan nila gagawin ang mga tungkulin nila. Kalaunan, kapag may oras ako, nagbabasa ako ng mas marami sa mga salita ng Diyos, nagdedebosyonal, at nagsasanay sa pagsusulat ng mga artikulo. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, lubhang napalagay ang puso ko. Natamo ko ang mga pakinabang na ito dahil sa pamumuno ng Diyos. Salamat sa Diyos!