6. Isang Matinding Espirituwal na Laban

Ni Li Jing, Tsina

Naging isang Kristiyano ako noong 1993 at pagkatapos niyon, nakilala ko si Pastor Liu. Sa panlabas, tila mabait siya at palabirong magsalita. Marami siyang kaalaman sa Bibliya at may malawak na karanasan. Madalas din siyang pumunta sa iba’t ibang lugar para mag-aral, at nangaral na siya sa maraming iglesia. Mapagmahal din siya, at palagi siyang matiyagang tumutulong sa mga mananampalataya anumang paghihirap ang kanilang hinarap. Iginalang siya ng karamihan sa mga mananampalataya. Talagang hinangaan at iginalang ko rin siya. Inakala ko na isa siyang tunay na mananampalataya ng Panginoon. Talagang pinahalagahan ako ni Pastor Liu, at isinaayos niya na ako ang mamahala sa koro. Kapag pumupunta siya sa ibang lugar para mag-aral, ako ang iniiwan niyang mamahala sa iglesia.

Noong Marso 1999, isang malayong kamag-anak ko ang nagdala ng dalawang brother para mangaral sa akin ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Hiniling nila sa akin na magdala ng ilan pang kapatid na tunay na nananampalataya sa Panginoon para mapakinggan namin ito nang sabay-sabay. Ang unang taong naisip ko ay si Pastor Liu, kaya hiniling ko sa kanyang pumunta para mapakinggan ito. Hindi inaasahan, sinabi niyang sa mga huling araw, magpapakita ang mga huwad na cristo para ilihis ang mga tao. Hiniling niya sa akin na huwag makinig, at hiniling niyang palayasin ko ang dalawang brother. Nakita ko na may dignidad at disente ang dalawang brother, at nakikipagbahaginan sila ayon sa Bibliya, kaya hindi ko siya pinakinggan. Dinala ko pa nga ang ilang katrabaho ko para makinig sa pangangaral nila nang hindi nalalaman ni Pastor Liu. Ibinahagi ng dalawang brother sa amin ang tungkol sa ugat ng pagkatiwangwang ng iglesia, ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, kung paano matutukoy ang tunay na cristo at ang mga huwad na cristo, at kung paanong sa mga huling araw, isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol para dalisayin ang mga tao. Habang lalo kaming nakikinig, lalo pa naming gustong makinig. Partikular ding nabusog ang aming mga espiritu. Binasa namin ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos at natukoy naming tunay ngang mga salita ito ng Diyos. Ang mga salitang ito ay may dalang awtoridad at kapangyarihan, at ang mga ito ang tinig ng Diyos. Walang sinuman ang makakapagsalita ng mga ito. Natiyak namin sa pamamagitan ng imbestigasyon na ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik. Lahat kami ay labis na nasabik! Hinding-hindi namin inasahan na ang Panginoong Jesus, na maraming taon na naming hinihintay, ay talaga ngang nagbalik. Talagang napakapalad namin! Naisip ko na, “Tunay ngang nananampalataya sa Panginoon si Pastor Liu. Kaya niyang talikuran ang mga bagay at gugulin ang kanyang sarili para sa Panginoon, at nauunawaan din niya ang Bibliya. Noong nakaraan, hindi siya nakinig dahil nag-aalala siyang malihis. Kapag nalaman niyang nagbalik na ang Panginoong Jesus, siguradong tatanggapin niya ito.” Kaya, puno ng galak at tuwa, dinala ko ang dalawang brother para mangaral sa kanya ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Sinabi ko na, “Pastor Liu, tunay ngang nagbalik na ang Panginoong Jesus, at isinasagawa Niya ngayon ang gawain ng paghatol simula sa sambahayan ng Diyos. Hindi ka ba nag-aalala na malihis ng mga huwad na cristo? Napakalinaw na ibinabahagi ng dalawang brother na ito kung paano matutukoy ang mga huwad na cristo mula sa tunay na Cristo. Dapat mo silang pakinggan!” Tinanggap niya kami nang may pag-aalinlangan. Binasa ng dalawang brother ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa kanya, at nagbahagi tungkol sa katotohanan kung paano matutukoy ang mga huwad na cristo at ang tunay na Cristo. Hindi inaasahan, sinabi niya nang may inis, “Tumigil kayo sa pagsasalita! Kahit na maunawaan ko ito, hindi ko ito tatanggapin! Kahit na ito ang tunay na daan, hindi ko ito tatanggapin! Nais ba ninyong pakinggan ko ang inyong pangangaral? Maraming taon na akong nagtatrabaho at nangangaral sa iglesia. Nakarating na rin ako sa iba’t ibang lugar para sa mga pagpupulong at pag-aaral. Taon-taon, pumupunta ako sa seminaryo nang ilang buwan para sa karagdagang pag-aaral. Sinasabi mo bang walang saysay ang lahat ng ito?” Nagpatuloy siya, nagbibilang sa kanyang mga daliri, “Ako ang namamahala sa anim na iglesia. Ako ang nagpapastol sa lahat ng mga mananampalatayang ito. Hinihiling ng iglesiang ito na pumunta ako at magdasal doon. Hinihiling ng iglesiang iyon na pumunta ako at mangaral doon. Hindi ko talaga pakikinggan ang inyong pangangaral. Kailangan kong maging responsable sa aking mga mananampalataya. Kailangan kong protektahan ang aking mga tupa!” Nanlilisik ang mga mata, itinuro niya ako at mariin na sinabi, “Sinabi ko sa iyo na huwag kang makinig, pero hindi mo ako sinunod. Nailihis ka, at ngayon nais mo akong malihis kasama mo? Iniisip mo ba na mangyayari iyon? Iniisip mo ba na naguguluhan ako tulad mo? Hindi mo nauunawaan ang Bibliya. Pinapayuhan kita, magbalik-loob ka na agad!” Sinabi ng isang brother na, “Lahat tayo ay nananampalataya sa Panginoon at inaabangan natin ang pagdating ng Panginoon. Ngayon, ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa).” Galit na galit si Pastor Liu nang marinig ito. Dinuro niya ang dalawang brother at malupit na sinabing, “Tumahimik kayo. Lumabas na kayo ngayon din! Kung mahuhuli ko kayong muling nangangaral ng ebanghelyo sa lugar na nasa responsabilidad ko, agad-agad ko kayong ipapadala sa public security bureau!” Ginulat ako ni Pastor Liu sa pagsasabi niya nito. Karaniwan, kapag nagpapakahulugan siya ng Bibliya, napakabait ng tono niya. Akala ko kapag sinabi ko sa kanya ngayon na nagbalik na ang Panginoon, matutuwa siyang tanggapin ito. Hindi ko inasahan na magkakaroon siya ng ganitong saloobin. Lubos akong naguluhan, at naisip ko na, “Nananampalataya kami sa Panginoon, at inaabangan naming lahat ang pagdating ng Panginoon. Bumalik na ang Panginoon at ipinahayag ang katotohanan, pero hindi niya ito tinanggap. Nawalan pa nga siya ng pasensiya at pinalayas kami. Sinabi rin niya na kahit na ito ang tunay na daan ay hindi pa rin niya ito tatanggapin. Kung ganoon, bakit siya nananampalataya sa Panginoon?”

Isang araw noong Abril, inimbitahan ko sa aking bahay ang pitong pangunahing katrabaho sa iglesia para mapakinggan din nila ang pagpapatotoo ng dalawang brother sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakita ng lahat na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, at natiyak nila na ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik. Labis na nasabik ang ilan na tumulo ang mga luha sa kanilang mga mukha. Sa sandaling ito, marahas na sumabat si Pastor Liu. Nang makita niya na naroon ang mga pangunahing katrabaho, itinuro niya kami at galit na sinabing, “Kaya pala walang tao sa pagtitipon ng iglesia. Nandito pala kayong lahat!” Pagkatapos, nagsimula siyang lapastanganin ang Diyos. Galit na galit ako, at sinabi ko na, “Hindi ka dapat magsalita tungkol sa hindi mo nauunawaan. Ang kasalanan ng paglapastangan sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad kailanman sa buhay na ito o sa mundong darating! Hindi ka ba natatakot na salungatin ang Diyos?” Nang marinig niyang sinabi ko ito, lalo pa siyang nagalit. Itinuro niya ako, sinabi niya na, “Sinabi ko sa iyo na huwag makinig sa kanilang pangangaral, pero hindi mo ako sinunod. Nagdala ka pa ng maraming katrabaho para makinig din sa kanila! Ilang taon na kitang nililinang. Tinalakay ko sa iyo ang lahat ng bagay. Ngayon, talagang ipinagkanulo mo ako, at nagdala ka pa sa iglesia natin ng mga tagalabas para mangaral. Walang saysay ang paglinang ko sa iyo!” Sinabi ko na, “Lahat tayo ay nananampalataya sa Panginoon, at hinihintay natin ang pagdating ng Panginoon. Ngayon ay nagbalik na ang Panginoon at nagpahayag ng napakaraming katotohanan. Bakit hindi mo hayaang makinig ang mga kapatid?” Sinabi ng lahat ng katrabaho na, “Oo, Pastor Liu. Ito ang tunay na daan. Ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik.” Itinuro sila ni Pastor Liu, at sinabing, “Kung nais ninyong makarinig ng sermon, mangangaral ako ng isa sa inyo. Lahat kayo ay katrabaho. Kayo ang haligi ng iglesia. Sinuportahan at nilinang ko kayo nang ilang taon, pero ngayon, tumakbo pa kayo rito para makinig sa sermon na ito. Sinasabi ng Bibliya na magpapakita ang mga huwad na cristo sa mga huling araw para ilihis ang mga tao. Paanong hindi ninyo ito alam? Kung nailihis kayo, hindi ba’t aakayin ninyo ang mga tao sa iglesia patungo sa maling landas? Paano ko ito ipapaliwanag sa Panginoon? Iniisip ninyo ba na nagbalik ang Panginoon dahil lang sinabi ng dalawang iyan na nagbalik Siya? Napakauto-uto ninyo! Huwag kayong makinig dito, sinuman sa inyo!” Tatlo sa mga katrabaho na naroon ay nagulo dahil kay Pastor Liu at hindi na naglakas-loob na ipagpatuloy ang pakikinig. Alam kong mali si Pastor Liu sa pagsasabi niyon. Tunay ngang sinabi ng Panginoong Jesus na magkakaroon ng mga huwad na cristo sa mga huling araw na maglilihis sa mga tao. Pero sinabi rin ng Panginoong Jesus na ililihis ng mga huwad na cristo ang mga tao gamit ang malalaking senyales at mga kababalaghan, para magkaroon tayo ng kaunting pagkilatis. Tiyak na hindi sinabi ng Panginoon na dahil sa pagpapakita ng mga huwad na cristo, hindi natin dapat salubungin ang Panginoon at hindi tayo dapat makinig sa tinig ng Panginoon. Hindi ba’t mali ang pagpapakahulugan niya sa mga salita ng Panginoon dito? Sa panahong iyon, itinuro ni Pastor Liu ang mga brother na nangaral ng ebanghelyo at sinabi niya na, “Ang ipinangangaral ninyo ay maling paniniwala. Kung dumating na ang Diyos, nasaan Siya? Nakita mo ba Siya? Ako ang legal na kinatawan ng iglesia, at ang mga taong ito ay kabilang sa aking iglesia. Hindi kayo maaaring mangaral dito nang hindi dumadaan sa akin!” Kalmadong sinabi ng dalawang brother na, “Pastor Liu, ang mga tupa ay pag-aari ng Diyos, hindi ng sinumang tao. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Bumalik ang Panginoon para ipahayag ang katotohanan at para hanapin ang Kanyang mga tupa. Hindi mo maaaring pigilan ang mga tao sa pakikinig sa mga salita ng Diyos. Hindi ito naaayon sa mga layunin ng Diyos!” Sa nag-uutos na tono, sinabi ni Pastor Liu na, “Kung hindi ko kayo pinapayagang mangaral dito, hindi talaga kayo makakapangaral dito! Kung magpapatuloy kayo sa pangangaral, agad ko kayong ipapadala sa istasyon ng pulis!” Nang makita ko kung gaano kalupit si Pastor Liu, naalala ko ang parabula ng masasamang nangungupahan na binanggit ng Panginoong Jesus sa Bibliya. Nang ipadala ng may-ari ng lupa ang kanyang mga alipin at anak para mag-ani ng bunga, pinatay silang lahat ng mga nangungupahan at ninais ng mga ito na angkinin ang ari-arian ng may-ari ng lupa. Hindi ba’t ang pamamaraan ni Pastor Liu ay katulad ng sa mga nangungupahang ito? Isang mabuting bagay na ang dalawang brother ay nangangaral ng ebanghelyo tungkol sa pagdating ng Panginoon. Nangangaral sila ng mga nakagagalak na balita, mabubuting balita. Pero nagagawa niyang itrato nang ganito ang mga nangangaral ng ebanghelyo, at nagbabanta pa siyang tatawag ng mga pulis para ipadala sila sa istasyon ng pulis, ibibigay sila sa mga diyablo para mapahamak. Ipinapakita nito na siya ay tunay ngang isang masamang alipin! Nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis kay Pastor Liu, at sinabi ko na, “Pastor Liu, tayong lahat ay mga mananampalataya ng Diyos. Paano mo magagawang ipadala ang mga brother na ito sa istasyon ng pulis? Hindi ba’t ito ay pagiging isang Hudas? Ipinapalagay ko na batid na batid mo kung ano ang naging kinalabasan ni Hudas, hindi ba?” Nang makita niyang sinabi ko ito, hindi na siya nagsalita pa. Nagpatuloy ako sa pagsasabing, “Pastor Liu, nauunawaan ko ang mga damdamin mo. Pero hindi ba’t nananampalataya tayo sa Panginoon para hintayin ang pagdating ng Panginoon? Ngayon, dumating ang mga tao para mangaral na ang Panginoon ay dumating na. Hindi ba’t masyado kang padalos-dalos nang sabihin mong huwad ito nang hindi mo ito hinahanap o iniimbestigahan? Ang narinig kong tinatalakay ng mga brother ay naaayon sa Bibliya. Ang Panginoon ay dumating para gampanan ang bago Niyang gawain …” Sinabi ni Pastor Liu nang may inis na, “Tumigil ka sa pagsasalita! Ano ang alam mo? Mabuti pang magbalik-loob ka na agad!” Pagkatapos niyang magsalita, may pait siyang umalis. Noong panahong iyon, ang tatlong katrabaho na nagulo ay umalis kasama si Pastor Liu. Ang natitirang mga katrabaho ay nagpatuloy sa paghahanap at pag-iimbestiga, at sa huli, tinanggap nila ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.

Pagkatapos niyon, nagpakalat ng walang batayang mga tsismis si Pastor Liu sa iglesia para pigilan ang mga taong mag-imbestiga ng tunay na daan. Sinabi niya na, “Ang pinaniniwalaan ni Li Jing ay maling pananampalataya. Huwag kayong makinig sa kanya. Noong nasa isang pulong ako sa Religious Affairs Bureau, tinanong ko ang mga miyembro ng tumatayong komite ng Bureau at ng Three-Self Church tungkol dito. Sinabi nilang lahat na ang buong relihiyosong komunidad ay tumututol sa Kidlat ng Silanganan at inaapi at inaaresto ng estado ang mga mananampalataya nito. Kung naniniwala ka rito, aarestuhin ka, at lahat sa pamilya mo ay madadamay.” Isa-isa ring pinuntahan ni Pastor Liu ang mga bahay ng mga kapatid na tumanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw para guluhin at pagbantaan sila. Labis niyang nailihis ang ilan na hindi na sila nanindigan at umatras na. Noon, may mabuting ugnayan sa akin ang mga kapatid sa iglesia, pero dahil sa mga panggugulo ni Pastor Liu, nagsimula akong iwasan ng lahat kapag nakikita nila ako. Nakaramdam ako ng sakit at panghihina sa puso ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Minamahal na Diyos, hindi na ako pinapansin ngayon ng mga taong dati ay may mabuting ugnayan sa akin sa iglesia. Kapag nakikita nila ako, nagtatago sila na para bang nagtatago sila sa isang salot. Labis akong nasasaktan. Nawa’y bigyang-liwanag at gabayan Mo ako na maunawaan ang Iyong layunin.” Kalaunan, nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Naunawaan ko lang pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos na ang sitwasyong dumarating sa akin ngayon ay isang espirituwal na laban. Sa panlabas, mukhang hinahadlangan tayo ng mga tao sa pagtanggap ng gawain ng Makapangyarihang Diyos pero ang totoo, ginagamit ni Satanas ang mga taong ito para hadlangan ang pagbabalik natin sa Diyos. Dumating ang Diyos para magsagawa para sa kaligtasan ng mga tao, at dumating si Satanas para guluhin at wasakin ito. Kailangan kong malinaw na makita ang mga pandaraya ni Satanas at huwag mapigilan ng mga tao, pangyayari, at ng mga bagay na ito. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo. Pagkatapos, napaisip ako, bakit nga ba ako nasa ganitong pasakit? Ito ay dahil, sa simula, talagang nagkaroon ako ng mabubuting ugnayan sa mga taong ito. May ilan pa nga sa kanila na humanga sa akin. Pero ngayon, hindi na nila ako pinapansin. Pakiramdam ko ay bigla na lang akong pinabayaan. Naalala kong sinabi ng Panginoong Jesus na: “At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa Akin, ay hindi karapat-dapat sa Akin(Mateo 10:38). Dumating ang Panginoong Jesus para magsagawa para sa kaligtasan ng mga tao, tinitiis ang pang-aalipusta, paninirang-puri, pagkondena, at hindi pagkatanggap. Matagal nang naranasan ng Diyos ang lahat ng ito, kaya hindi ba’t tama na pasanin ng bawat taong sumusunod sa Diyos ang pagdurusa ng mga pagtangging ito para maipakalat ang ebanghelyo ng Diyos? Nang maisip ko ito, hindi na ako nakaramdam ng matinding sakit sa puso ko.

Kalaunan, habang harap-harapang ginugulo ni Pastor Liu ang mga tao dahil sa pagtanggap ng tunay na daan, kami ng mga kapatid ko ay nagmamadaling sumuporta at nagdilig sa kanila mula sa likuran, at nagpatuloy kami sa pangangaral ng ebanghelyo sa iglesia. Isa-isa, nakapagdala kami ng walumpu o siyamnapung tao. Noong Agosto, nakita ni Pastor Liu na paunti nang paunti ang mga tao sa iglesia, at napansin niya na nagsimulang maubos ang mga handog. Kaya naman, lalo siyang nabaliw sa paghadlang at panggugulo. Isang araw, pumunta si Pastor Liu sa bahay ko at sinabi niya nang may ngiti na, “Kamakailan, naging medyo nakakailang ang ugnayan natin, at labis akong hindi naging komportable rito, at nag-aalala ako sa iyo. Alam mo, malaki talaga ang iglesia, at hindi ko kayang asikasuhin ang lahat. Hindi ako mapapalagay kung ibibigay ko ito sa iba, kaya naghahanda akong italaga kang mamahala ng iglesiang ito. Ano sa palagay mo?” Napagtanto ko na sinabi ito ni Pastor Liu para hilahin ako pabalik. Pero naisip ko, noong nanampalataya ako sa Panginoon sa iglesia, hindi ako inusig, at napakagalang din sa akin ng mga kapatid. Kung babalik ako, marahil ay hahangaan akong muli ng lahat, at hindi ko na kailangang pasanin ang pagdurusa ng pagtanggi. Nakaramdam ako ng kaunting pag-aalinlangan sa puso ko. Sa sandaling ito, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari ba silang lumihis ng daan para sa kapakanan ng iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 22). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi kayang iligtas ng katayuan ang mga tao. Makakapagdulot lamang ang katayuan ng panandaliang kasiyahan sa aking pride, pero kapag tumama ang sakuna, hindi ako matutulungan ng katayuan na makawala sa aking suliranin. Alam na alam ko na hindi taglay ng relihiyosong iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu, kaya ano pa ang gagawin ko sa pagbabalik ko roon? Napakahangal ko! Pakana ito ni Satanas, at hindi dapat ako magpaloko. Kaya sinabi ko kay Pastor Liu na, “Nananampalataya kami sa Panginoon, at palagi naming hinihintay ang pagdating ng Panginoon. Ngayong sinalubong ko ang Panginoon, paano pa ako babalik? Tinanggap ko ang ikatlong yugto ng gawain ng Diyos: Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, na siyang gawain ng paglutas sa makasalanang kalikasan ng mga tao. Umusad na ang gawain ng Diyos, kaya paano pa ako babalik sa iglesia? Hindi ba’t magiging paurong iyon? Para na rin akong bumalik sa primary school matapos kong makausad sa middle school. Magkakaroon ba iyon ng saysay?” Galit na sinabi ni Pastor Liu na, “Binibigyan na kita rito ng daan palabas, pero hindi mo pa rin napagtatanto na ginagawan kita ng pabor! Nagmamatigas kang kumakapit sa iyong maling landas! Labis kang nailihis! Mula ngayon, kung pupunta ka pang muli sa iglesia para magnakaw ng mga tupa, titigil na ako sa pagpapakita ng awa—ipapadala kita deretso sa istasyon ng pulis!” Naisip ko na, “Kung kaya mong magtawag ng pulis sa mga nananampalataya sa Diyos, isa kang Hudas.” Galit na umalis si Pastor Liu. Dahil sa patnubay at pamumuno ng mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita ang mga pakana ni Satanas. Nakaramdam talaga ako ng kapanatagan sa puso ko.

Noong Setyembre, nagdala kami ng mga kapatid ng mahigit isang dosenang tao mula sa kalapit na iglesia. Nang malaman ni Pastor Liu, pumunta siya sa bahay ko para gumawa ng gulo. Nag-udyok siya ng mga problema sa harap ng asawa ko. Sinabi rin niya na tinututulan ng estado ang pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos, at na kung mahuhuli ako balang-araw, hindi na namin magagawang mangarap pa na makakapag-aral ang aming anak sa unibersidad. Naniwala ang asawa ko sa mga salita ni Pastor Liu at natakot siya na maaapektuhan ng pananampalataya ko sa Diyos ang kinabukasan ng aming anak. Sinimulan niya akong usigin, at pinagbantaan niya ako ng diborsiyo. Nang marinig kong banggitin ng asawa ko ang diborsiyo, nagulat ako. Palaging napakabuti ng asawa ko sa akin, at hindi niya ako tinutulan sa pananampalataya ko sa Diyos. Bakit siya naging ganito? Hindi ba’t si Pastor Liu ang nag-udyok sa lahat ng ito? Galit na galit ako. Bilang isang pastor, paano niya nagagawa ang ganitong kasuklam-suklam na bagay? Hindi niya hinayaan ang mga tao na sumunod sa Diyos sa tamang landas, at hinikayat niya ang mga tao na sumunod sa kanya at itaas siya, habang namumuhay siya ng marangyang buhay mula sa mga handog. Isa siyang taong kasuklam-suklam at malupit! Isa siyang diyablo na lumalamon sa mga kaluluwa ng mga tao. Sa magkakasunod na tatlong buwan, galit sa akin ang asawa ko at laging binabanggit ang tungkol sa diborsiyo. Sa huli, sinabi niya na, “Bibigyan kita ng tatlong araw. Kailangan mong magdesisyon sa pagitan ng pananampalataya mo sa Diyos at ng pamilya natin!” Nakaramdam ako ng labis na kalungkutan sa puso, iniisip ko na, “Kung talagang ididiborsiyo ako ng asawa ko, ano ang gagawin ko? Kung maaaresto ako at maaapektuhan nito ang kinabukasan ng anak ko, at kamumuhian ako ng aking anak at asawa, ano ang gagawin ko?” Ayaw kong makipagdiborsiyo. Gusto ko ang pamilya ko, at gusto ko ring manampalataya sa Diyos. Kaya lumapit ako sa Diyos para magdasal, at hiniling ko sa Diyos na gabayan ako. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang inyong pag-uugali, kakayahan, anyo, tayog, pamilya kung saan kayo isinilang, ang iyong trabaho at pag-aasawa—ang kabuuan mo, maging ang kulay ng iyong buhok at balat, at ang oras ng iyong kapanganakan—ay isinaayos lahat ng Aking mga kamay. Maging ang mga bagay na ginagawa mo at ang mga taong nasasalubong mo bawat araw ay isinaayos ng Aking mga kamay, pati na rin ang katunayang ang pagdadala sa iyo sa Aking presensiya ngayon sa totoo lang ay Aking pagsasaayos. Huwag mong guluhin ang iyong sarili; dapat magpatuloy ka nang mahinahon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 74). Nasa kamay ng Diyos ang aking tadhana, at ang kinabukasan ng anak ko ay nasa mga kamay rin ng Diyos. Hindi ako maaaring makipagkompromiso sa aking asawa. Nang lumipas na ang tatlong araw, hiningi sa akin ng asawa ko ang aking sagot. Sinabi ko sa kanya na, “Hawak ng mga kamay ng Diyos ang tadhana ng bawat tao. Kung anong paaralan ang papasukan ng anak nating lalaki at kung anong trabaho ang makukuha niya ay pinamamatnugutang lahat ng kamay ng Diyos. Kahit na hiwalayan mo ako, pipiliin ko pa ring manampalataya sa Diyos!” Galit na sinabi ng asawa ko na, “Sige, gawin mo ang gusto mo!” Pagkatapos niyon, hindi na niya binanggit ang diborsiyo.

Pagkatapos niyon, nagpakalat ng iba’t ibang walang batayang mga tsismis at panlilinlang si Pastor Liu, at ginulo niya ang mga baguhan na katatanggap pa lamang ng bagong gawain ng Diyos, pero hindi pa ganap na nakaugat dito. Apatnapu o limampu sa kanila ang tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon. Naghiwa-hiwalay kami ng mga kapatid para diligan at suportahan ang mga baguhang ito. Nagbahagi kami sa kanila ng mga salita ng Diyos para maunawaan nila ang katotohanan at malinaw nilang makita ang mga pakana ni Satanas, at nakapagligtas kami ng mahigit 30 katao. Bandang alas-4 ng hapon isang araw ng Nobyembre, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa bahay nang biglang sumulpot sa pintuan ang mga pulis at inaresto ako. Nang dumating ako sa istasyon ng pulis, nakita ko na may ilang kapatid na naaresto rin. Nalaman ko na lamang mula sa sinabi ng mga pulis na si Pastor Liu ang nagsumbong sa akin at sa ilan pang kapatid. Patuloy akong tinanong ng mga pulis kung nasaan ang mga handog ng aming iglesia, at kung nasaan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Wala akong sinabi, kaya nagpunta ang mga pulis sa bahay ko para halughugin ito. Sa kabutihang-palad, matapos akong maaresto, inilipat ng aking asawa at hipag ang lahat ng mga aklat na may kinalaman sa pananampalataya ko sa Diyos. Walang mahanap na anumang ebidensiya ang mga pulis kaya pinayagan nila akong makauwi. Nakita ko kung paano nakipagsabwatan si Pastor Liu sa gobyerno para maipaaresto kami. Ito ay katulad mismo kung paano sumapi ang mga Pariseo sa gobyernong Romano para usigin ang Panginoong Jesus at ang Kanyang mga alagad. Naalala ko ang mga salitang ito ng Makapangyarihang Diyos: “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at bumibigkas nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, ubod ng samang mga tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang ‘Diyos.’ Sila ay mga taong nagdadala sa bandila ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa pagtahak ng mga tao sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa paghahanap ng mga tao sa Diyos. Sila ay tila may ‘maayos na pangangatawan,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos). Doon ko lamang naunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Isiniwalat ng Diyos ang mga pastor at elder na tumatayo sa pulpito araw-araw at nagpapakahulugan ng Bibliya, pero humahadlang sa mga tao sa pag-iimbestiga ng tunay na daan. Banal at mapagmahal sila sa panlabas, pero sa totoo lang, lahat sila ay mga mapagpaimbabaw. Umaasa sila sa pagpapakahulugan ng Bibliya para mapanatili ang kanilang katayuan at kabuhayan. Kapag naririnig nila ang mga taong nagpapatotoo na nagbalik na ang Panginoon, hindi na nga sila naghahanap at nag-iimbestiga, matigas din nila itong nilalabanan at kinokondena. Sa ilalim ng pagpapanggap na pinoprotektahan nila ang kanilang kawan, pinipigilan din nila ang mga mananampalataya na mag-imbestiga ng tunay na daan. Hindi sila mismo pumapasok sa kaharian ng langit, at pinipigilan din nila ang mga mananampalataya na pumasok, na nagiging dahilan para labanan ng mga tao ang Diyos at bumaba ang mga tao sa impiyerno kasama sila. Binalikan ko ang lahat ng ginawa ni Pastor Liu. Pinapakahulugan niya ang mga salita ng Bibliya araw-araw, pero hindi niya nauunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Panginoon. Ginagamit lang niya ang pagpapakahulugan niya sa mga salita ng Bibliya para ilihis ang mga tao at pigilan silang makinig sa tinig ng Diyos. Tungkol naman sa usapin ng pagdating ng Panginoon, hiniling ng Panginoong Jesus sa mga tao na maging matatalinong dalaga at magtuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos, pero pinigilan ni Pastor Liu ang mga mananampalataya na mag-imbestiga ng tunay na daan. Malinaw na ginagawa niya ito para sa sarili niyang katayuan at kabuhayan, pero ipinapahayag pa rin niya na ito ay para protektahan ang kanyang mga kapatid. Nang makita niyang nabigo siya sa kanyang layunin, na parami nang parami ang mga kapatid na tumanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at na patuloy na nababawasan ang mga handog sa iglesia, gumamit siya ng walang batayang mga tsismis para takutin ang mga mananampalataya, at magkalat ng mga maling paniniwala at panlilinlang para ilihis ang mga mananampalataya, nagtatangkang kontrolin sila habambuhay sa sarili niyang mga kamay. Nang makita niyang hindi talaga niya ito mapapatigil, ibinigay niya kami ng mga kapatid ko sa masasamang pulis ng CCP, pinipilit kaming talikuran ang tunay na daan at isuko ang pangangaral ng ebanghelyo. Araw-araw na isinigaw ni Pastor Liu ang tungkol sa pagiging responsable sa mga buhay ng mga mananampalataya at sa pagprotekta sa kaligtasan ng mga mananampalataya, pero kumilos siya nang ganito. Malinaw na ang karaniwang paraan niya ng pagsasalita sa malugod na pamamaraan ay talagang para lang kontrolin at ikulong ang mga tao. Kinuha niya ang mga tupa ng Diyos bilang kanya. Isa siyang buhay na multo, isang masamang demonyo, na pumipigil sa ibang makapasok sa kaharian ng langit at lumalamon sa kanilang mga kaluluwa. Isa siyang tunay na mapagpaimbabaw na Pariseo: isang masamang alipin at anticristo na namumuhi sa katotohanan at isang kaaway ng Diyos! Kung hindi dahil sa pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos at sa paghahayag ng mga katunayan, mahihirapan sana akong makita nang malinaw ang diwa ng mga pastor na ito. Nailihis at nawasak na sana ako ng mga iyon nang hindi ko namamalayan. Ang “pagganap” ng pastor ay talagang nakatulong para bumuti ang aming pagkilatis. Tunay ngang napakatalino ng Diyos! Ang pag-arestong ito ay nagbigay-daan sa akin para lubos na makita nang malinaw ang tunay na mukha ni Pastor Liu: Siya ay mapagpaimbabaw at lumalaban sa Diyos. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ang nagbigay-daan sa akin para mapagtagumpayan ang maraming pagtatangka ng pastor na guluhin, hadlangan, at ilihis ako. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan:  5. Ang mga Araw ng Amnesia

Sumunod:  7. Ang Hindi Pagiging Isang Alipin sa Pag-aasawa ay Tunay na Kalayaan

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger