7. Ang Hindi Pagiging Isang Alipin sa Pag-aasawa ay Tunay na Kalayaan

Ni Cheng Na, Tsina

Diniborsyo ako ng dati kong asawa dahil hindi ako mabuntis. Kalaunan, nakilala ko ang kasalukuyan kong asawa. Noong panahong iyon, may dalawa siyang bata pang anak. Naisip ko, “Kung mapapanatili ko nang maayos ang pagsasamang ito, magkakaroon ako ng mga taong maaasahan sa pagtanda ko.” Kaya, inalagaan ko ang dalawang batang ito na para bang sarili ko silang mga anak. Inalagaan ko rin ang bulag kong biyenan. Nagtayo kami ng asawa ko ng polytunnel para sa gulay at nagtanim ng mga pananim na mapagkakakitaan. Ginawa ko ang lahat ng gawaing ginagawa ng mga lalaki. Pumupunta na ako sa palengke bago pa magliwanag at gising ako hanggang gabi para magbenta ng mga gulay at kumita para sa pamilya. Nagbunga ang mga pagsisikap ko: nagpakita ng malasakit at pagsasaalang-alang sa akin ang asawa ko, at palagi akong tinatawag ng mga bata na “nanay.” Binigyan ako nito ng pag-asa na basta’t alagaan ko ang pamilya ko, may mga tao akong maaasahan pagtanda ko. Wala na akong ibang hinihingi. Hindi ko kailanman inasahan na makalipas ang isang dekada ay bigla akong magkakaroon ng cerebral thrombosis. Paralisado ako sa kama, at hindi ko maalagaan ang sarili ko. Piniga ng asawa ko ang utak niya para umisip ng mga paraan para tulungan akong magamot ang sakit ko. Noong nasa ospital ako, inalagaan niya ako nang may labis na pagsasaalang-alang. Gayumpaman, anumang gamutan ang sinubukan ko, hindi mapagaling ang sakit ko. Talagang naging miserable ako. Wala akong magawang kahit ano nang ako lang, at mukhang kakailanganin kong umasa sa asawa ko para alagaan ako sa hinaharap. Siya ang magiging suporta ko hangga’t nabubuhay ako. Makalipas ang ilang panahon, nagsimula akong magkaroon ng mga pag-aalinlangan, “Bagama’t napakabuti sa akin ngayon ng asawa ko, kung hindi ako kailanman gagaling sa sakit ko, pagkatapos ng mahabang panahon, hindi ba’t magsasawa siya sa akin, at aayawan na ako? Tutal, hindi ko naman totoong anak ang mga bata. Wala ako ni isang kamag-anak sa tabi ko. Sino ang maaasahan ko pagtanda ko?” Palagi akong nag-aalala tungkol sa bagay na ito, at nawalan pa nga ako ng lakas ng loob na magpatuloy mabuhay.

Noong nagdurusa ako at pakiramdam ko ay wala na akong magagawa, noong 2013, tinanggap ko ang pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan, at napagtanto ko na nasa mga kamay ng Diyos ang tadhana ko, at na ang Diyos lang ang Siyang maaasahan ko. Nakadama ako ng sobrang kalayaan at kasiyahan sa puso ko. Hindi na ako umiiyak sa pagkabagabag dahil sa mga bagay na ito. Dahan-dahan, bumuti ang sakit ko, at nagawa kong alagaang muli ang sarili ko. Napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Nakita ng asawa ko na sobra nang bumuti ang sakit ko, kaya sinuportahan niya ang pananampalataya ko sa Diyos. Kalaunan, nalaman ng asawa ko na sa Tsina, ang pananampalataya sa Diyos ay puwedeng humantong sa pagkaaresto at pagkabilanggo, at naniwala rin siya sa walang batayang mga tsismis na ikinakalat ng CCP. Natatakot siya na baka maaresto ako dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at maaapektuhan nito ang trabaho ng mga anak niya at ang kinabukasan ng mga apo niya, kaya, sinimulan niya akong pigilan sa pananampalataya sa Diyos. Sumali rin siya sa mga anak at kamag-anak niya para usigin ako at para talikuran ko ang pananampalataya ko sa Diyos. Naisip ko, “Kung hindi ko susundin ang asawa ko at magpapatuloy ako sa pananampalataya sa Diyos, masasalungat ko ang asawa at mga anak ko. Magkakaroon pa rin ba ako ng magandang buhay sa hinaharap?” Kaya, hindi ako nangahas na pumunta sa mga pagtitipon o gawin pa ang tungkulin ko. Buong puso ko lang na gustong panatilihin ang pamilyang ito. Noong nakita ng asawa ko na hindi ako pumupunta sa mga pagtitipon, ang laki ng ibinuti ng saloobin niya sa akin. Gayumpaman, nawala ko ang buhay iglesia ko at hindi ako makapagbahaginan ng mga salita ng Diyos sa mga kapatid ko. Nakadama ng kahungkagan ang puso ko. Labis akong nahihirapan. Makalipas ang ilang araw, dumating ang isang lider para tulungan at suportahan ako, at ibinahagi sa akin ang tungkol sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao. Nadama ko ang pagmamahal ng Diyos, at nagsimula akong dumalo muli sa mga pagtitipon nang palihim. Gayumpaman, hindi nagtagal ang magagandang panahon. Sa pagtatapos ng taon, bumalik sa bahay ang asawa ko mula sa trabaho niya at natuklasan niyang nananampalataya pa rin ako sa Diyos. Isinama niya ang mga nakababatang kapatid ko para isailalim ako sa pulong ng pagpupuna para pilitin akong talikuran ang pananampalataya ko sa Diyos. Noong nakita niyang hindi ako magkokompromiso, umalis siya ng bahay, dala-dala ang lahat ng pera at passbook ng bangko. Mahina at may sakit ako, naiwang mag-isa sa bahay na walang nag-aasikaso. Wala rin akong kahit kaunting pera para mabuhay. Noong panahong iyon, tunay kong nadama na hindi ko kayang magpatuloy na mabuhay. Malungkot na malungkot ako at hirap na hirap ang kalooban. Kung magpapatuloy akong manampalataya, kapag diniborsyo ako ng asawa ko, wala na akong magiging pamilya. Tumatanda na ako, at mahina ang pangangatawan ko. Paano ako mabubuhay nang ako lang? Sino ang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko? Pero kung titigil ako sa pananampalataya sa Diyos, iyon ay pagkakanulo sa Diyos, at mawawala ko ang anumang pagkakataong maligtas. Kalaunan, dumating ang isang sister para tulungan at suportahan ako. Naunawaan ko na kapag dumating sa akin ang pang-uusig ng pamilya, dapat akong magtiwala sa Diyos at manindigan sa patotoo ko tungkol sa Diyos. Pagkatapos niyon, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos, at hindi na ako ganoon kalungkot. Naisip ko, “Anumang mangyari, hindi ko puwedeng iwan ang Diyos.” Bumalik ang asawa ko makalipas ang ilang araw, pero iginiit ko pa ring pumunta sa mga pagtitipon. Palagi lang akong tumatakas at hindi ako nangahas na ipaalam sa asawa ko.

Noong tagsibol ng 2016, gusto ng mga lider na gawin ko ang tungkuling nakabatay sa teksto. Sa loob ko, kapwa masaya at nag-aalala ako. Ang pagpapahintulot sa akin na gawin ang gayong kahalagang tungkulin ay biyaya sa akin ng Diyos, at pagtataas sa akin ng Diyos. Ayaw kong mapalampas ang pagkakataong ito na magsanay, pero may mga pag-aalinlangan din ako: Para gawin ang tungkuling nakabatay sa teksto, minsan, kakailanganin kong umalis ng bahay sa loob ng ilang araw. Kung nagkataong umuwi ang asawa ko at nalaman ito, at pagkatapos ay samantalahin niya ang pagkakataon para palayasin ako, ano ang gagawin ko? Mawawalan ba ako ng tirahan? Paano ko ipamumuhay ang mga natitirang araw ko? Nang maisip ko ito, tinanggihan ko ang tungkulin. Gayumpaman, pagkatapos niyon, sa puso ko ay madalas akong nakakaramdam ng panunumbat sa sarili. Nadama ko na ang pagkakaroon ng pagkakataon na gawin ang tungkuling nakabatay sa teksto ay magpapahintulot sa akin na magawang sangkapan ang sarili ko ng mas maraming katotohanan. Gayumpaman, hindi ko pinahalagahan ang pagkakataong ito at tinanggihan ko ito. Kusang-loob akong nagpapagapos at nagpapapigil sa asawa ko. Hindi ba’t ibinababa ko ang sarili ko?

Noong Agosto 2023, nakipag-usap sa akin ang isang lider ng iglesia, “Ngayon, maraming kapatid ang naaresto, at mahirap makakita ng mga pamilyang magpapatira sa bahay. Puwede bang patirahin mo sa bahay mo ang isang sister?” Naisip ko, “Nagtatrabaho sa ibang lungsod ang asawa ko. Umuuwi lang siya kapag may mga gagawin sa bahay. Ako lang naman madalas mag-isa sa bahay. Hindi ko kayang gawin ang ibang mga tungkulin dahil sa kalusugan ko, pero hindi magiging problema kung patitirahin ko sa bahay ang isang sister. Magagawa ng sister ang tungkulin niya kapag lumipat siya, at magagawa ko ring maghanda ng mabubuting gawa.” Pero pinag-isipan ko itong muli, “Ano naman ang gagawin ko kapag umuwi ang asawa ko at nakita siya? Unang-una, sinasalungat ng asawa ko ang pananampalataya ko sa Diyos, at palagi niyang binabanggit ang diborsiyo kahit sa maliliit na bagay. Kung sobrang madismaya ang asawa ko dahil sa usaping ito at ayawan na niya ako, sulit ba ito? Kung walang asawa o pamilya, sino ang maaasahan ko para alagaan ako pagtanda ko? Saan ako puwedeng pumunta kung wala akong pamilya at wala akong trabaho?” Naalala ko kung paanong dati ay pinilit ako ng asawa ko na talikuran ang pananampalataya ko sa Diyos, at nag-alala ako at natakot. Pero naisip ko kung paanong tinutugis ng CCP ang sister at hindi makahanap ng angkop na pamilya na magpapatira sa kanya, at medyo ligtas naman sa bahay ko. Kaya, sumang-ayon ako.

Hindi ko inasahan na makalipas lang ng tatlo o apat na araw pagkalipat ng sister ko, ay uuwi ang asawa ko. Talagang nababagabag ako sa loob ko, “Ano ang dapat kong sabihin sa asawa ko? Magdudulot ba siya ng gulo? Ano ang gagawin namin kung magalit siya at palayasin kami ng sister ko? Bukod doon, tensiyonado ang paligid ngayon. Kung walang matitirahang angkop na lugar ang sister ko at maaresto siya, ano na ang mangyayari? Kapag nagkagayon, hindi lang ako mabibigong maghanda ng mabubuting gawain kundi mauuwi rin ako sa paggawa ng masama.” Pagkatapos, nag-isip akong muli, “Noon, tinanggihan ko ang tungkulin ko, at marami akong pagkakautang sa Diyos. Ngayon, nakabasa na ako ng marami sa mga salita ng Diyos, at nauunawaan ko ang ilang katotohanan. Kung hindi ko gagawin ang tungkulin ko, nararapat pa rin ba akong maging isang tao? Hindi ako puwedeng magpatuloy na iwasan ang tungkulin ko.” Pagkatapos, sa puso ko ay nagdasal ako kaagad sa Diyos, hinihingi sa Kanyang magbukas ng landas na malalabasan ko. Pagkatapos niyon, ginamit ko ang karunungan ko at sinabi ko sa asawa ko na hiniling ko lang sa sister na manatili ng ilang araw. Nang marinig niya ito, walang sinabi ang asawa ko. Sinabi pa nga niyang tawagin ko ang sister para maghapunan. Nadama ko na para bang nabunutan ako ng tinik sa puso ko. Para mapanatili ang pamilyang ito, metikuloso akong nagsisilbi sa asawa ko. Ipinagluluto ko siya ng mga paborito niyang pagkain sa iba’t ibang paraan, dahil natatakot ako na hindi siya matuwa. Dalawang araw pagkauwi ng asawa ko, nahawa ako ng sipon sa kanya. Nilalagnat ako, may ubo, at nananakit at nanghihina ang buong katawan ko. Kahit na may sakit ako, gusto ko pa ring pagsilbihan nang mabuti ang asawa ko. Nag-aalala ako na habang lumilipas ang panahon, hindi na niya ako papayagang patirahin ang sister ko. Palagi kong tinitingnan ang ekspresyon niya. Kapag masaya siya, mas magiging mabuti ako sa sister ko, pero kapag hindi siya masaya, ninenerbiyos ako at nababagabag. Natatakot ako na kung magagalit siya sa akin ay palalayasin niya ako. Puno ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang puso ko. Dagdag pa, malubha ang sakit ko noong panahong iyon. Kaya pinagsisihan ko na ginagawa ko ang tungkuling ito, at umasa pa nga akong aalis kaagad ang sister ko. Nawalan na ako ng pasensya sa sister ko, at hindi ko na siya na-host nang kasing-init gaya ng dati. Kalaunan, nagkasakit din ang sister ko. Nalungkot talaga ako, at nakonsensiya ako sa kanya.

Isang araw, sumulat ng liham sa akin ang lider, nagpapakita sa akin ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko na pagiging nalimitahan ng asawa ko. Ito ang sinabi ng isa sa mga sipi. “Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, ipinagkaloob sa iyo ang isang kabiyak, at ipinagkaloob sa iyo ang naiibang kapaligiran ng pamumuhay. Sa loob ng ganitong uri ng kapaligiran at sitwasyon ng pamumuhay, ang Diyos ay nagbibigay-daan na makibahagi ang iyong kabiyak sa lahat ng bagay at na harapin ninyo ang lahat nang magkasama, upang makapamuhay ka nang mas malaya at madali, habang tinutulutan kang makita ang kahalagahan ng ibang yugto ng buhay. Gayunpaman, hindi ka ipinagkanulo ng Diyos sa pag-aasawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, hindi binawi ng Diyos ang iyong buhay, kapalaran, misyon, ang landas na iyong tinatahak sa buhay, ang direksiyon na iyong pinipili sa buhay, at ang uri ng pananalig na mayroon ka at hindi Niya ito ibinigay sa iyong kabiyak upang ang iyong kabiyak ang magtakda nito para sa iyo. Hindi Niya sinabi na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, landas sa buhay, at pananaw sa buhay ng isang babae ay dapat na itakda ng kanyang mister, o na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, pananaw sa buhay, at buhay ng isang lalaki ay dapat na itakda ng kanyang misis. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay at hindi Niya inorden ang mga bagay sa ganitong paraan. Kita mo, sinabi ba ng Diyos ang gayong bagay nang itatag Niya ang pag-aasawa para sa sangkatauhan? (Hindi.) Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay misyon sa buhay ng isang babae o lalaki, at na dapat mong panatilihing mabuti ang kasiyahan ng iyong buhay may-asawa upang maisakatuparan ang misyon sa iyong buhay at upang magtagumpay ka sa pag-asal bilang isang nilikha—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na itinakda ng Diyos ang tadhana ng bawat tao sa buhay niya, at pag-aasawa niya. Itinatakda ng Diyos ang pag-aasawa para sa mga tao para alagaan ng mag-asawa ang isa’t isa, magtulungan at magsuportahan, at magbahaginan sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, mas madali at magaan ang buhay nila. Gayumpaman, hindi hinihiling ng Diyos na ikompromiso ng mga tao ang sarili nila sa buhay may-asawa. Ni hindi hinihiling ng Diyos na tratuhin natin bilang misyon natin sa buhay ang pagpapanatili sa ating buhay may-asawa. May karapatan ang mga tao na pumili ng landas na tatahakin nila at kung ano ang pananalig na dapat taglayin nila. Hindi ang kabiyak nila ang magpapasya sa lahat ng bagay. Pero para magkaroon ng isang kontentong pagsasama at isang masayang pamilya, ikinompromiso ko ang sarili ko sa buhay may-asawa. Handa akong magpakaalipin sa asawa ko, nagsisikap nang hindi nagrereklamo. Ako ang gumawa ng lahat ng gawain sa bahay; at ginawa ko rin ang lahat ng gawaing ginagawa ng lalaki. Pagkauwi ko, kailangan kong pagsilbihang mabuti ang asawa ko. Pagkatapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, para mapangasiwaang mabuti ang aking buhay may-asawa at para may maaasahan sa pagtanda ko, hindi ako nangahas na pumunta sa mga pagtitipon, lalong hindi ako umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko. Noong ginagawa ko ang tungkulin na pagpapatira sa bahay, nag-aalala ako na baka mainis ang asawa ko kapag nakita niya ang sister ko sa bahay, at aayawan na niya ako at hindi pagmamalasakitan. Napigilan ako dahil dito. Bagama’t atubili kong pinatuloy sa bahay ang sister ko, palagi kong binabantayan ang ekspresyon ng asawa ko bago ako kumilos. Kapag nakita ko na masaya siya, mas mabuti ako sa sister ko, pero kapag hindi siya masaya, ninenerbiyos ako at nababagabag. Pinagsisihan ko pa ngang pinatuloy ko sa bahay ang sister ko, at umasang aalis siya kaagad para hindi na ako magdusa nang ganito. Para mapasaya ang asawa ko, nagpapalimita ako sa kanya sa bawat pagkakataon. Sadyang hindi ko magampanan nang maayos ang tungkulin ko. Sa pagbabalik-tanaw ko noong may sakit ako, sa panahon ng sobrang paghihirap ko at pagiging walang magawa, ang Diyos ang nagsaayos para ipangaral ng isang sister ang ebanghelyo sa akin, at ang panustos at gabay lang ng mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpatuloy na mabuhay. Noong negatibo at mahina ako, isinaayos din ng Diyos para dumating at tulungan at suportahan ako ng isang sister sa maraming pagkakataon. Tinulungan ako nitong unti-unting lumakas. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at suklian ang biyaya ng Diyos sa pagliligtas sa akin. Iyon ang tamang gawin. Binigyan ako ng pananalig at lakas ng loob ng mga salita ng Diyos. Handa akong ibigay sa Diyos ang lahat ng bagay. Karapatan kong manampalataya sa Diyos, at walang karapatan ang asawa ko na manghimasok. Ang misyon ko ay ang gawin nang maayos ang tungkulin ko, at ito ang dapat kong gawin. Nang maunawaan ko ito, sinabi ko sa sister ko, “Huwag kang mag-alala. Tumira ka lang sa bahay ko nang walang anumang inaalala. Anumang gawin sa akin ng asawa ko, hindi niya ako mapipigilan. Kahit na makipagdiborsiyo siya, patitirahin pa rin kita sa bahay.”

Isang gabi, pasado alas-10 lang, nagulat ang asawa ko at nagising siya dahil sa pag-ubo ko. Nagalit siya sa akin, at nagsabi ng maraming malupit na salita. Natakot ako na marinig ito ng sister at mapigilan siya, kaya hindi ako nangahas na sumagot. Sa puso ko, nanalangin ako kaagad sa Diyos. Hindi nagtagal, tumunog ang telepono. Sinabi ng amo ng asawa ko na kailangan niyang bumalik sa trabaho kinabukasan. Masayang-masaya ako. Alam kong pagbubukas ito ng Diyos ng malalabasan ko. Kalaunan, dahil minsan ay umuuwi ang asawa ko, napipigilang tumira sa bahay ang sister ko, kaya humanap ang iglesia ng ibang matutuluyang bahay, at lumipat ang sister ko makalipas ang ilang araw. Nakaramdam ako ng labis na panunumbat sa sarili, at nakonsensiya ako tungkol sa kanya. Naisip ko kung paanong noong nandito ang sister ko, palagi akong napipigilan ng asawa ko at nakatuon lang ako sa pag-aalaga nang maayos sa asawa ko. Ang tanging bagay na isinaalang-alang ko ay kung paano panatilihin ang buhay may-asawa at ang pamilya ko. Hindi ko isinapuso ang tungkulin ko. Ngayon, nawala ko pa ang tungkulin ko. Kalaunan, nagnilay-nilay ako, “Bakit ako palaging nalilimitahan ng asawa ko? Ano ang ugat ng problema?” Nagdasal ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyang-liwanag at patnubayan ako para magawa kong pagnilayan at maunawaan ang sarili ko, at matuto ng mga aral. Sa paghahanap ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nag-asawa na sila, ang ilang tao ay handang ialay ang lahat ng kanilang magagawa para sa kanilang buhay may-asawa, at naghahanda silang magsikap, makibaka, at magtrabaho nang mabuti para sa kanilang buhay may-asawa. Ang ilan ay desperadong kumikita ng pera at nagdurusa, at siyempre, higit pa nilang ipinagkakatiwala sa kanilang kabiyak ang kanilang kaligayahan sa buhay. Naniniwala sila na kung sila ay natutuwa o nagagalak sa buhay ay nakasalalay sa kung ano ang katangian ng kanilang kabiyak, kung ito ba ay isang mabuting tao; kung magkatugma ba ang kanilang personalidad at mga hilig; kung ito ba ay isang taong may kakayahang maghanapbuhay at pamahalaan ang isang pamilya; kung ito ba ay isang taong kayang tiyakin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa hinaharap, at makakapagbigay sa kanila ng isang masaya, matatag, at magandang pamilya; at kung ito ba ay isang taong kaya silang bigyang-ginhawa kapag sila ay may dinaranas na anumang pasakit, kapighatian, kabiguan o problema. … Sa ganitong kalagayan ng pamumuhay, hindi bihirang subukan ng mag-asawa na kilatisin kung anong uri ng tao ang kanilang kabiyak, ganap silang namumuhay sa kanilang damdamin para sa kanilang kabiyak, at ginagamit nila ang kanilang damdamin upang alagaan ang kanilang kabiyak, pagtiisan ito, pangasiwaan ang lahat ng kasalanan, kapintasan, at hinahangad nito, maging sa punto ng pagtugon sa bawat hinihingi nito. Halimbawa, sinasabi ng mister ng isang babae, ‘Sobrang haba ng mga pagtitipon ninyo. Dapat ay manatili ka lang doon nang kalahating oras at pagkatapos ay umuwi ka na.’ Sumasagot naman ang babae, ‘Gagawin ko ang aking makakaya.’ Totoo nga, sa sunod na pagpunta niya sa pagtitipon ay kalahating oras lamang siya roon at pagkatapos ay umuuwi na siya agad, at sinasabi na ngayon ng kanyang mister, ‘Mas mainam ang ganyan. Sa susunod, magpakita ka lang doon at pagkatapos ay umuwi ka na agad.’ Sinasabi niya, ‘Ah, ganoon pala katindi ang pangungulila mo sa akin! Sige, gagawin ko ang aking makakaya.’ Totoo nga, hindi niya binibigo ang kanyang asawa sa sunod niyang pagpunta sa pagtitipon, at umuuwi na siya pagkatapos lamang ng mga sampung minuto. Labis na nasisiyahan at natutuwa ang kanyang asawa, at sinasabi nito, ‘Mas mainam iyan!’ … Upang malugod sa iyo ang iyong kabiyak at mapapayag siya sa iyong paminsan-minsang pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagdalo sa pagtitipon, gumigising ka nang napakaaga araw-araw upang maghanda ng almusal, mag-ayos ng bahay, maglinis, magpakain ng mga manok, magpakain ng aso, at gawin ang lahat ng nakakapagod na gawain—kahit ang mga gawain na karaniwang ginagawa ng mga lalaki. Upang mapalugod ang iyong mister, walang humpay kang nagtatrabaho na tulad ng isang matandang alila. Bago umuwi ang iyong mister, pinapakintab mo ang kanyang mga sapatos na gawa sa katad at inaayos ang kanyang tsinelas, at kapag nakauwi na siya, nagmamadali kang pagpagin ang alikabok mula sa kanyang katawan at tulungan siyang hubarin ang kanyang coat at isabit ito, tinatanong mo siya, ‘Napakainit ngayon. Naiinitan ka ba? Nauuhaw ka ba? Ano ang gusto mong kainin ngayon? Maasim na pagkain ba o maanghang? Kailangan mo bang magpalit ng damit? Hubarin mo ang mga damit na iyan at lalabhan ko ang mga iyan para sa iyo.’ Para kang isang matandang alila o isang alipin, lumalagpas ka na sa saklaw ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ginagawa mo ang bawat hinihingi ng iyong mister, at itinuturing mo siya bilang iyong amo. Sa ganitong klase ng pamilya, halata ang pagkakaiba sa katayuan ng mag-asawa: Ang isa ay alipin, at ang isa ay amo; ang isa ay sunod-sunuran at mapagpakumbaba, habang ang isa ay mukhang mabagsik at mapang-utos; ang isa ay yumuyukod at nagpapakumbaba, habang ang isa ay puno ng kayabangan. Malinaw na hindi pantay ang katayuan ng dalawang tao sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Bakit ganito? Hindi ba’t ibinababa ng aliping ito ang kanyang sarili? (Oo.) Ibinababa ng alipin ang kanyang sarili. Nabigo kang itaguyod ang responsabilidad sa pag-aasawa na inorden ng Diyos sa sangkatauhan, at labis-labis na ang iyong ginawa. Ang iyong mister ay walang tinutupad na anumang responsabilidad at wala siyang ginagawa, ngunit ginagawa mo pa rin ang bawat hinihingi ng ganitong asawa at nagpapasakop ka sa kanyang awtoridad, kusang-loob na nagiging kanyang alipin at matandang alila para maglingkod sa kanya at gawin ang lahat para sa kanya—anong klase ka ng tao? Sino nga ba ang iyong Panginoon? Bakit hindi ka nagsasagawa nang ganito para sa Diyos? Inorden ng Diyos na ang iyong asawa ang magtustos para sa iyong buhay; ito ay isang bagay na dapat niyang gawin, wala kang anumang pagkakautang sa kanya. Ginagawa mo ang dapat mong gawin at tinutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin—ginagawa ba niya iyon? Ginagawa ba niya ang dapat niyang gawin? Sa buhay mag-asawa, hindi nangangahulugan na kung sinuman ang dominante ay siya na ang amo, at kung sinuman ang kayang magtrabaho nang husto at may kakayahang gumawa ng maraming bagay ang dapat na maging alipin. Sa buhay mag-asawa, dapat ay parehong tinutupad ng dalawang tao ang kanilang mga responsabilidad sa isa’t isa at sinasamahan ang isa’t isa. Pareho silang may responsabilidad sa isa’t isa, at pareho silang may mga obligasyon na dapat nilang tuparin at mga bagay na dapat gawin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Dapat kang kumilos nang naaayon sa iyong papel; anuman ang papel mo, dapat mong gampanan ang papel na iyon. Kung hindi mo ito gagawin, wala kang normal na pagkatao. Sa madaling salita, wala kang halaga. Kung ang isang tao ay walang halaga at sinusunod mo pa rin ang bawat hinihingi niya at handa kang maging kanyang alipin, iyon ay lubos na kamangmangan at dahil doon ay wala kang halaga. Ano ba ang mali sa pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya mo ba sa Diyos ay isang masamang gawain? May problema ba sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos? Lahat ito ay matuwid at marangal na bagay na dapat gawin. Ano ang ipinapakita nito kapag inuusig ng gobyerno ang mga taong nananampalataya sa Diyos? Ipinapakita nito na ang sangkatauhan ay napakasama, at kinakatawan nito ang masasamang puwersa at si Satanas. Hindi ito kumakatawan sa katotohanan o sa Diyos. Kaya, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi nangangahulugan na ikaw ay mas mababa kaysa sa iba. Taliwas dito, dahil sa iyong pananampalataya sa Diyos, ikaw ay nagiging mas marangal kaysa sa mga makamundong tao; dahil sa iyong paghahangad sa katotohanan, ikaw ay nagiging marangal sa mga mata ng Diyos, at pinahahalagahan ka Niya. Ngunit ibinababa mo ang iyong sarili at walang pag-aalinlangan na nagpapakaalipin sa iyong asawa para lamang mapalugod ang iyong kabiyak. Bakit hindi ka kumikilos nang ganito kapag ginagampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha? Bakit hindi mo magawa iyon? Hindi ba’t ito ay pagpapahayag ng pagiging hamak ng tao? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Tumusok sa puso ko ang mga salita ng Diyos na parang isang matalim na espada. Ang mismong kalagayan ko ang inilalantad ng mga iyon. Magmula nang magpakasal kami ng asawa ko, para mapangasiwaan nang maayos ang pagsasamang ito, at mabigyan ang sarili ko ng isang matatag na pamilya na maaasahan ko sa pagtanda ko, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para pasayahin siya. Handa akong gawin kahit anong trabaho, gaano man ito karumi o kanakakapagod. Piniga ko ang utak ko para tulungan siyang magtayo ng polytunnel at magtanim ng pananim para kumita. Masinsinan kong pinalaki ang dalawang bata. Pinasan ko ang lahat ng mahihirap na trabaho nang hindi nagrereklamo. Buong araw kong inaasikaso ang bulag kong biyenan. Maluwag sa loob akong nagsilbi bilang kasambahay sa buong pamilya nila. Basta’t masaya ang asawa at mga anak ko, bukal sa loob at masaya kong tiniis ang anumang sukat ng pagdurusa at pagkapagod. Pagkatapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, napaniwala ang asawa ko sa walang batayang mga tsismis ng gobyernong CCP at mariin na sinalungat ang pananampalataya ko sa Diyos. Para mapanatili ang isang mabuting pagsasama at pamilya, maingat ako, sunud-sunuran, at mapagkumbaba sa harap niya sa lahat ng bagay: Bukal sa loob akong nagsilbi bilang alipin sa pamilya. Hindi ako nangahas na gawin ang tungkulin ko dahil napigilan at nagapos ako ng asawa ko. Kahit kapag pumunta ako sa mga pagtitipon, gusto ko palaging umuwi nang maaga para makapagluto ako ng hapunan at mapagsilbihan nang maayos ang asawa ko. At bukod pa roon, hindi ako nangahas na umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko. Sadyang takot akong diborsiyohin ng asawa ko, at na walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko. Napigilan pa nga ako noong ginagawa ko ang tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, na kayang-kaya naman ng mga kapabilidad ko. Lubos akong nakokontrol ng mga satanikong lason na “Sa pagtanda ng isang tao, dapat ay mayroon siyang maaasahan” at “Magpalaki ng mga anak na mag-aalaga sa iyo sa pagtanda mo,” at namumuhay ako nang wala ni katiting na dignidad. Sa katunayan, itinatakda ng Diyos ang pag-aasawa para sa mga tao para samahan ng dalawang tao ang isa’t isa, mag-alagaan at magsuportahan. Hindi naman dahil napakabagsik ng asawa ko na siya ang panginoon at amo ko, at na kailangan ko siyang sundin sa lahat ng bagay at bantayan ang ekspresyon niya. Sa pamilyang ito, kailangan ko lang na magawang tuparin ang mga responsabilidad ko bilang asawa at ayos na iyon. Mayroon akong sariling misyon dagdag pa rito, iyon ay ang gawin nang maayos ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Hindi na ako puwedeng maging sunud-sunuran at mapagkumbaba at maging alipin sa asawa at mga anak ko. Dapat kong pahalagahan ang pagkakataon na ibinigay sa akin ng Diyos para gawin nang maayos ang tungkulin ko.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. “Simula nang likhain ang mundo, nasimulan Ko nang paunang itadhana at piliin ang grupong ito ng mga tao, na ngayon nga ay kayo. Ang inyong pag-uugali, kakayahan, anyo, tayog, pamilya kung saan kayo isinilang, ang iyong trabaho at pag-aasawa—ang kabuuan mo, maging ang kulay ng iyong buhok at balat, at ang oras ng iyong kapanganakan—ay isinaayos lahat ng Aking mga kamay. Maging ang mga bagay na ginagawa mo at ang mga taong nasasalubong mo bawat araw ay isinaayos ng Aking mga kamay, pati na rin ang katunayang ang pagdadala sa iyo sa Aking presensiya ngayon sa totoo lang ay Aking pagsasaayos. Huwag mong guluhin ang iyong sarili; dapat magpatuloy ka nang mahinahon. Ang hinahayaan Kong matamasa mo ngayon ay isang bahagi ng nararapat sa iyo, at ito’y paunang itinadhana Ko sa paglikha ng mundo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 74). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil sa biyaya ng Diyos na kaya kong mabuhay sa mga huling araw at tanggapin ang gawain ng Diyos. Ang Diyos din ang nagtakda na hindi ako puwedeng magkaanak, at sa likod nito ay nariyan ang layunin ng Diyos. Ang mga tradisyonal na ideya sa puso ko na “Magpalaki ng mga anak na mag-aalaga sa iyo sa pagtanda mo” at “Maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina” ay napakalakas. Kung nagkaanak ako, buong puso sana akong magpaplano at magsasaalang-alang para sa mga anak at pamilya ko. Ibubuhos ko ang lahat ng oras at lakas ko para sa asawa at mga anak ko, handang ibinibigay ang lahat para sa kanila. Ituturing ko sana bilang misyon ko sa buhay na ito ang pagpapanatili sa aking buhay may-asawa at pamilya at pag-aalaga sa mga anak ko. Kung ganoon, hindi ako mananampalataya sa Diyos. Inilatag ng Diyos ang kapaligirang ito para danasin ko ang mga pagdurusa, na pumwersa sa aking lumapit sa Diyos at magtiwala sa Kanya, at nagbigay sa akin ng pagkakataong marinig ang tinig ng Diyos, hangarin ang katotohanan, at tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Pagpapala ito mula sa Diyos. Noon, hindi ko nauunawaan ang layunin ng Diyos at nagreklamo ako na may masama akong tadhana. Ngayon, naunawaan ko na ang masinsing layunin ng Diyos sa pagliligtas sa akin, at naunawaan ko na ang Diyos ang nagsanhi na ipanganak ako sa mga huling araw, na hindi lang magkaroon ng mga anak kundi lumapit sa Diyos at gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Ito ang responsabilidad at misyon ko.

Nagpatuloy akong magbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Isinaayos ng Diyos ang iyong kasalukuyang asawa para sa iyo, at maaari kang mamuhay kasama siya. Kung magbago ang isip ng Diyos at isasaayos Niya ang ibang tao para sa iyo, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos, kaya naman, ang iyong kasalukuyang kabiyak ay hindi ang iyong natatangi, ni hindi siya ang iyong destinasyon. Tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang iyong destinasyon, at tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang destinasyon ng sangkatauhan. Maaari ka pa ring mabuhay kung iiwan mo ang iyong mga magulang, at siyempre, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos kung iiwan mo ang iyong kabiyak. Ang iyong mga magulang at ang iyong kabiyak ay hindi ang iyong destinasyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nasa mga kamay ng Lumikha ang mga tadhana ng mga tao. Gaano man magpakita ng konsiderasyon ang asawa ko para sa akin at magmalasakit para sa akin, hindi niya kayang kontrolin ang tadhana ko. Ang Diyos lang ang Siyang mapagkakatiwalaan ko ng hantungan ko. Ang Diyos lang ang Siyang tunay kong maaasahan. Noong nagkaroon ako ng cerebral thrombosis, sinubukan ng asawa ko ang lahat ng magagawa niya para magamot ako, pero wala itong naging anumang epekto. Paano man siya nagmalasakit sa akin, hindi niya maalis ang sakit ko. Pagkatapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, inilagay ko sa mga kamay ng Diyos ang sakit ko, at tumigil ako sa pag-iisip kung gagaling ba ito o hindi. Dahan-dahan, bumuti ang sakit ko, at nagawa kong alagaang muli ang sarili ko. Hindi ba’t pawang kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ito ng Diyos? Pagkatapos ay tingnan ninyo ang mga kapatid sa iglesia. Binitiwan nila ang kanilang mga buhay may-asawa at pamilya para gawin ang mga tungkulin nila at ipinalaganap ang ebanghelyo ng Diyos. Namuhay sila sa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at hindi nag-aalala tungkol sa pagkain o damit. Sa halip, magaan, masaya, malaya, at pinalaya ang buhay nila. Gaya nga ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Masdan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: sapagkat ang mga ito’y hindi naghahasik, ni umaani, ni nagtitipon man sa mga kamalig; ngunit ang mga ito’y pinakakain ng inyong Ama sa langit. Hindi ba lalong higit ang halaga ninyo kaysa sa mga ito?(Mateo 6:26). Ang mga ibon sa himpapawid na nilikha ng Diyos ay hindi naghahasik o umaani, pero pinapakain sila ng Diyos, lalo pa ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Natatakot ako na kung mawala ko ang buhay may-asawa, pamilya, at asawa ko ay wala na akong sinumang maaasahan at walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko. Kaya, palagi akong napipigilan ng asawa ko at hindi ako nangangahas na pumunta sa mga pagtitipon, lalo na ang gawin ang tungkulin ko. Napakaliit ng pananalig ko sa Diyos. Ngayon ay may kaunti akong pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at may pananalig ako na lumakad pasulong sa pagsandig sa Diyos. Hindi nanampalataya sa Diyos ang asawa ko at inusig ako. Nilalabanan niya ang Diyos, at hindi ako puwedeng magpatuloy na sundin siya sa lahat ng bagay at maging alipin niya. Hindi nagtagal, ilang kapatid sa iglesia ang naaresto. Sinulatan ako ng lider at nagtanong kung kaya kong i-host ang dalawang sister para tumira sa bahay ko. Nang hindi ko na masyadong pinag-isipan, direkta na akong sumulat at nagsabing, “Kaya ko.” Nagsimula akong gawing muli ang tungkulin na pagpapatira sa bahay. Sa pagkakataong ito, hindi na ako takot na makikita ito ng asawa ko, at hindi ako natatakot na makikipagdiborsiyo ang asawa ko. Nakadama ako ng sobrang pagpapalaya sa puso ko. Isang araw, tumawag ang asawa ko at nagsabing uuwi siya. Sinabi ng mga sister ko na gusto nilang lumabas at magtago, pero kalmado kong sinabi sa kanila, “Hindi na kailangan. Bagama’t salungat siya sa pananampalataya ko sa Diyos, hindi naman siya aabot sa puntong tatawag siya sa pulisya.” Nang dumating ang asawa ko sa bahay at nakita ang mga sister ko rito, wala siyang sinabi. Makalipas ang dalawang araw, nagalit ang asawa ko at sinigawan ako dahil sa maliit na bagay, “Kayong mga mananampalataya sa Diyos ay bawal na rito mula ngayon. Kung pupunta na naman kayo rito, palalayasin ko kayo!” Naisip ko kung paanong dati ay takot akong salungatin ang asawa ko at sinunod ko siya sa lahat ng bagay, at kung paano nawala sa akin ang tungkulin ko at namuhay ako nang walang integridad o dignidad. Ngayon, nauunawaan ko na ang katotohanan at may kumpiyansa na ako sa puso ko. Sinabi ko, “Hindi ilegal ang pagsampalataya ko sa Diyos at hindi ito krimen. May parte rin ako sa bahay na ito. Hindi ikaw ang may huling pasya.” Nang marinig niya ang sinabi ko, galit na galit siyang lumabas. Hindi na ako takot na babalewalain niya ako o didiborsiyohin ako. Naisip ko pa nga na mas mabuti pa kung hindi na siya babalik: Kung wala ang mga paghadlang niya, mas magiging malaya ako para gawin ang tungkulin ko, at hindi ko kakailanganing maging alipin pa niya. Kalaunan, walang sinabi ang asawa ko noong nanatili sa bahay ko ang mga sister ko. Minsan, kapag dumarating ang ibang sister, aanyayahan pa niya silang maghapunan. Nakita ko na noong maitama ko ang puso ko, nagbago rin ang saloobin ng asawa ko. Kalaunan, medyo bumuti rin ang relasyon ko sa asawa ko. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para tuparin ang responsabilidad ko para sa pamilya ko, at kapag kailangan kong pumunta sa isang pagtitipon, pumupunta ako. Sa puso ko, hindi na niya ako napipigilan. Sa pamamagitan ng pagtrato sa buhay may-asawa at pamilya nang naaayon sa mga salita ng Diyos, hindi nakakapagod ang buhay natin, at may dignidad din ito.

Pagkatapos ng karanasang ito, naunawaan ko na hindi ako puwedeng umasa sa asawa, mga anak, o sinumang kamag-anak ko. Kung paano ako magdurusa sa mga nalalabing araw ko ay hindi ko makokontrol; ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at nagsasaayos sa lahat ng bagay. Ang Diyos lang ang maaasahan ko. Ngayon, kaya ko nang lumaya mula sa mga pagpipigil at tali ng pag-aasawa at tuparin ang kaunti sa tungkulin ng isang nilikha. Ito ang mga resulta ng mga salita ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos para sa kaligtasan ko!

Sinundan:  5. Ang mga Araw ng Amnesia

Sumunod:  8. Pagkatapos Mawasak ang mga Pag-asa Kong Aalagaan Ako ng Anak Ko sa Aking Pagtanda

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger