62. Responsabilidad Kong Protektahan ang Gawain ng Iglesia
Noong 2019, gumagawa ako ng tungkuling nakabatay sa teksto sa iglesia. Isang araw, nalaman kong si Sister Yuan Li, mula sa iglesia ng Qingyuan, ay nahalal bilang isang lider. Nang marinig ko ang balitang ito, medyo nagulat ako. Kilalang-kilala ko si Yuan Li. Masigasig siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, at palagi siyang napakaaktibo sa pangangaral ng ebanghelyo. Hindi siya natatakot sa pagdurusa o pagkapagod. Gayumpaman, noong lider siya dati, palagi siyang naghahangad ng magandang reputasyon at katayuan, at itinataas ang sarili at nagpapasikat. Bukod pa rito, kapag may mga isyung lumilitaw, hindi niya inaakay ang kanyang mga kapatid na hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral. Sa halip, naghasik siya ng hidwaan, kaya namuhay ang kanyang mga kapatid sa kalituhan tungkol sa kung ano ang tama at mali at naapektuhan din ang gawain ng iglesia. At bagama’t maraming beses siyang binigyan ng mga payo at tinulungan ng mga nakatataas na lider, hindi niya ito tinanggap, at gumawa pa nga siya ng mga dahilan para ipagtanggol ang sarili. Sa huli, tinanggal siya. Pagkatapos matanggal, hindi niya tunay na kinamuhian at pinagsisihan ang sarili niyang katiwalian. Mukhang hindi isang taong naghahangad ng katotohanan si Yuan Li. Hindi siya angkop na maging isang lider. Ayon sa mga prinsipyo, ang mga taong inihahalal na mga lider ay dapat mga taong naghahangad ng katotohanan. Kung hindi, maaapektuhan ang buhay pagpasok ng lahat ng kapatid sa iglesia at maaantala ang gawain ng iglesia. Gusto kong iulat ang mga asal ni Yuan Li sa mga nakatataas na lider, pero naisip ko na ang iglesia ng Qingyuan ay sumailalim na sa ilang malalaking bugso ng mga pag-aresto. Maraming kapatid ang naaresto na ng CCP, kaya may mga aktuwal na kahirapan sa paghalal ng isang lider. Kung magbibigay ako ng ibang opinyon, iisipin kaya ng mga nakatataas na lider na mapaghanap ako ng mali at inilalagay ko sila sa alanganing posisyon? Hindi ko gagawin ang anumang bagay na sasalungat sa mga lider. Bukod pa riyan, medyo matagal na akong umalis sa iglesia ng Qingyuan. Baka nagkaroon na ng kaunting pagkaunawa si Yuan Li at nagsisi na sa panahong ito. Pagkatapos ay naisip ko, talagang hindi hinangad ni Yuan Li ang katotohanan noon. Puwede akong sumulat ng liham sa mga nakatataas na lider para ibahagi ang aking mga iniisip, at tanungin kung nagpakita ba si Yuan Li ng anumang tanda ng pagsisisi. Matutupad nito ang aking responsabilidad. Pero nang aktuwal ko na itong isusulat, nagsimula akong mag-isip, “Kung nahalal si Yuan Li, tiyak na may alam na tungkol sa kanya ang mga nakatataas na lider at dumaan na siya sa kanilang pagsusuri. Mas nauunawaan ng mga nakatataas na lider ang katotohanan at mas naaarok nila ang mga prinsipyo kaysa sa akin. Kung sumang-ayon sila, tiyak na angkop si Yuan Li para mahalal. Hindi ko na kailangang banggitin pa ito. Bukod pa rito, gumagawa lang ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, samantalang si Yuan Li ay isang lider ng iglesia. Kahit hindi siya angkop para sa tungkuling ito, usapin iyon para sa mga nakatataas na lider. Hindi ko iyon dapat pakialaman. Kung iuulat ko ang mga problema kay Yuan Li, iisipin kaya nilang masyado akong nakikialam sa mga bagay na hindi ko naman sakop, at magkakaroon sila ng masamang opinyon sa akin? Dapat ay hayaan ko na lang ito.” Kaya hindi ko siya iniulat.
Kalaunan, lumipat kami sa isang bagong bahay-tuluyan sa loob ng lugar ng iglesia na responsabilidad ni Yuan Li. Nang pumunta si Yuan Li para maghatid ng mga liham sa amin, nag-usap kami tungkol sa aming mga kalagayan. Sinabi ni Yuan Li na ang sister na kapareha niya, si Zhang Hua, ay may mahinang kakayahan, at walang nagagawa nang maayos. Ang isa pang lider, si Ranran, ay may mahusay na kakayahan, pero nagpapakasasa sa laman at walang dinadalang pasanin kapag gumagawa ng tungkulin niya. Pagkatapos, ikinuwento niya kung paano niya dinadala ang pasanin kapag gumagawa siya ng sarili niyang tungkulin. Naisip ko, “Bakit ba minamaliit pa rin ni Yuan Li ang ibang tao at itinataas ang sarili niya?” Sa katunayan, medyo may alam ako tungkol kina Zhang Hua at Ranran. Matanda na si Zhang Hua, at totoo ngang medyo mahina ang kanyang kakayahan. Pero dinadala niya ang pasanin kapag ginagawa ang kanyang tungkulin. Talagang medyo kulang si Ranran sa pagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin, pero sa madalas na pakikipagbahaginan at pangangasiwa, nagagawa naman niyang normal ang kanyang tungkulin. Hindi siya kasing-sama ng sinasabi ni Yuan Li. Sa paraan ng kanyang pagkakasabi, mukhang walang ginagawang anumang gawain ang dalawang lider na ito, at siya lang ang gumagawa ng lahat. Noong panahong iyon, sinabi rin ni Yuan Li na masama ang pagkatao ni Ranran, naglista pa siya ng ilang pangyayari. Sa katunayan, binabaluktot ni Yuan Li ang mga katotohanan. Nalaman ko mula kay Ranran na palaging nagpapalipat-lipat si Yuan Li sa pagitan nila ni Zhang Hua, sinasabi ang mga pagkakamali ng isa’t isa at nag-uudyok ng gulo. Nangangahulugan itong nagkaroon ng hindi magandang opinyon sina Ranran at Zhang Hua sa isa’t isa at hindi sila makapagtulungan nang maayos, kaya ang iba’t ibang gawain sa iglesia ay hindi nagbunga ng resulta. Kaya naman, itinuro ko kay Yuan Li ang kalikasan ng kanyang ginagawa at ang mga kahihinatnan nito. Mukhang hindi masaya ang mukha ni Yuan Li, at nangatwiran pa siya para ipagtanggol ang sarili. Pagkaalis ni Yuan Li, hindi talaga mapakali ang puso ko. Naisip ko, “Mahilig si Yuan Li na magpasikat at maliitin ang iba, at hindi siya tumatanggap ng katotohanan. Ang paraan ng kanyang pagkilos ay hindi nagbabago. Kung titimbangin ito ayon sa prinsipyo, ipinapakita nitong hindi siya tunay na nagsisi, at hindi siya angkop na gumawa ng isang tungkuling kasinghalaga ng sa isang lider ng iglesia. Dapat kong iulat ang mga problema kay Yuan Li sa mga nakatataas na lider.” Gayumpaman, nang isinusulat ko ang liham, nagtatalo ang kalooban ko, “Karaniwan, maayos ang pakikitungo namin ni Yuan Li sa isa’t isa. Kung iniulat ko nang detalyado sa mga lider ang kanyang kalagayan, tiyak na pupunta sila para beripikahin ang sitwasyon at alamin kung ano ang nangyayari. Sa oras na iyon, kung malaman ni Yuan Li na ako ang nag-ulat ng mga problema niya, tiyak na kamumuhian niya ako. Paano pa ako makikisama sa kanya sa hinaharap? Isa pa, kung iuulat ko ang bagay na ito, sasabihin kaya ng mga lider na hindi ko ginagawa nang maayos ang aking tungkuling nakabatay sa teksto, at nakikialam ako sa mga bagay na hindi ko naman sakop, at kaya nagkaroon sila ng masamang impresyon sa akin? Wala akong mapapalang mabuti rito sa alinmang panig. Hayaan ko na lang. Mas kaunting gulo, mas mabuti. Sa paglipas ng panahon, tiyak na matutuklasan ng mga lider ang kanyang mga problema at tatanggalin siya. Hindi na lang ako makikisali rito.” Gayumpaman, pagkatapos ay medyo hindi pa rin ako mapalagay sa tuwing naiisip ko ito. Sa gabi, nakahiga ako sa kama papalit-palit ng puwesto, hindi makatulog. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, malinaw sa puso ko na hindi angkop si Yuan Li na gawin ang mga tungkulin ng isang lider ng iglesia. Alam kong dapat akong sumulat ng liham at iulat ang kanyang mga problema, pero hindi ko ito naisasagawa. Nawa’y akayin Mo ako at gabayan.” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na regulasyon; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naisaayos ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga bagay na nararanasan ko araw-araw ay isinaayos lahat ng Diyos. Anuman ang maranasan ko, dapat akong sadyang magsagawa nang naaayon sa mga salita ng Diyos, gawin ang aking tungkulin nang naaayon sa prinsipyo, at tuparin ang aking responsabilidad at katapatan. Sa ganitong paraan ko lang maiiwasang gumawa ng mga bagay na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw kung paano ko tinrato ang usapin tungkol kay Yuan Li, maaaring hindi siya gaanong kilala ng iba, pero medyo nakikilatis ko siya. Sa panlabas lang nagpakita si Yuan Li ng ilang mabubuting pag-uugali. Kapag ginagawa ang kanyang tungkulin, madalas niyang itinataas ang sarili at siya ay nagpapasikat. Kapag dumarating sa kanya ang mga bagay-bagay, hindi siya nagtutuon sa paghahanap ng katotohanan at pagkatuto ng mga aral. Namumuhay siya sa kalituhan tungkol sa kung ano ang tama o mali, at hindi niya tinatanggap ang mga payo at pagpupungos ng kanyang mga kapatid. Kung aakayin niya ang mga kapatid, lahat sila ay mapapahamak. Alam na alam kong hindi angkop si Yuan Li na maging lider, pero hindi ako nangahas na sumulat ng liham para iulat ang kanyang mga problema. Nanood lang ako habang napipinsala ang mga interes ng iglesia. Talagang wala akong kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso! Nakita kong napakawalang-galang ng saloobin ko sa gawain ng iglesia. Sadyang hindi ko talaga tinupad ang mga responsabilidad ko at katapatan. Lubos kong pinoprotektahan ang sarili kong interes. Masyado akong walang pagkatao! Labis akong nagsisi sa puso ko, at kinamuhian ko ang sarili ko. Paano ako naging ganito kamakasarili?
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya ay napakahalaga, gayundin ang pagkakaroon ng kakayahang makilala kung alin ang tunay at huwad, at ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan pagdating sa pagmamahal sa mga positibong bagay. Pinakakanais-nais at pinakamahalaga ang tatlong bagay na ito sa normal na pagkatao. Kung tinataglay mo ang tatlong bagay na ito, tiyak na makapagsasagawa ka ng katotohanan. Kahit na mayroon kang isa o dalawa lamang sa mga bagay na ito, makapagsasagawa ka pa rin ng ilang katotohanan. Tingnan natin ang kamalayan ng konsensiya. Halimbawa, kapag nakatagpo ka ng isang masamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, matutukoy mo ba ito? Maituturo mo ba ang malinaw na masasamang gawa? Siyempre kaya mo. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao, at gumagawa ng mabubuting bagay ang mabubuting tao; nakikita ng isang karaniwang tao sa isang tingin lang ang pagkakaiba. Kung nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya, hindi ba’t mayroon ka ring mga damdamin at pananaw? Kung mayroon kang mga pananaw at damdamin, kung gayon ay tinataglay mo ang isa sa mga pinakapangunahing kondisyon sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong makita at maramdaman na ang taong ito ay gumagawa ng masama, at kaya mong tukuyin ito, at pagkatapos ay ilantad ang taong iyon, at bigyang-daan ang hinirang na mga tao ng Diyos na matukoy ang bagay na ito, hindi ba’t malulutas ang problema? Hindi ba’t ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagtalima sa mga prinsipyo? Anong mga kaparaanan ang ginamit sa pagsasagawa rito ng katotohanan? (Ang paglalantad, pag-uulat, at pagpigil sa paggawa ng masama.) Tama. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan, at sa pagsasagawa nito, maisasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad. Kung kaya mong kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan kapag nahaharap ka sa mga ganitong sitwasyon, ito ay pagsasagawa sa katotohanan, ito ay pagsasagawa sa mga bagay-bagay nang may prinsipyo. Subalit kung hindi ka nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, at nakikita mo ang masasamang taong gumagawa ng kasamaan, mamamalayan mo ba ito? (Hindi ko mamamalayan.) At ano ang maiisip ng mga taong walang kamalayan tungkol dito? ‘Ano naman sa akin kung gumagawa ang taong iyon ng kasamaan? Hindi niya naman ako sinasaktan, kaya bakit ko pasasamain ang kanyang loob? Kailangan ba talaga iyon? Paano ako makikinabang sa pagsasagawa niyon?’ Inilalantad, iniuulat, at pinipigilan ba ng mga ganitong tao ang masasamang tao sa paggawa ng kasamaan? Tiyak na hindi. Nauunawaan nila ang katotohanan subalit hindi nila ito kayang isagawa. Ang mga gayong tao ba ay may konsensiya at katwiran? Wala silang konsensiya o katwiran. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil nauunawaan nila ang katotohanan subalit hindi ito isinasagawa; nangangahulugan itong wala silang konsensiya at katwiran, at nagrerebelde sila sa Diyos. Nakatuon lamang sila sa pangangalaga para hindi mapinsala ang kanilang mga interes; wala silang pagsasaalang-alang kung nawawalan ba ang gawain ng iglesia, o kung napipinsala ba ang mga interes ng mga taong hinirang ng Diyos. Sinusubukan lamang nilang pangalagaan ang kanilang sarili, at kapag nakatutuklas sila ng mga problema, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kahit pa makakita sila ng isang taong nagsasagawa ng kasamaan, nagbubulag-bulagan sila rito, at iniisip na ayos lamang ito, hangga’t hindi nito napipinsala ang kanilang mga interes. Anuman ang ginagawa ng iba, tila ba wala itong kinalaman sa kanila; hindi sila nakararamdam ng responsabilidad, at walang anumang epekto sa kanila ang kanilang konsensiya. Batay sa mga pagpapamalas na ito, may pagkatao ba ang mga taong ito? Ang taong walang konsensiya at katwiran ay isang taong walang pagkatao. Lahat ng taong walang konsensiya at katwiran ay masasama: Sila ay mga hayop na nagbabalatkayo bilang mga taong kayang gumawa ng anumang uri ng masasamang bagay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang isang tunay na tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Kaya nilang kilalanin ang tama sa mali, at mayroon silang pagpapahalaga sa katarungan na nagmamahal sa mga positibong bagay. Kapag nakikita nilang ginagambala at ginugulo ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia, kaya nila itong kilatisin at nagagawa nilang iulat at ilantad ito sa tamang oras para protektahan ang mga interes ng iglesia mula sa pinsala. Ang isang taong hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran, ay binabalewala lang ang mga problema kahit na matuklasan niya ang mga ito. Ang iniisip lang nila ay ang pagprotekta sa sarili nilang mga interes, at kapag nakikita nilang may mga taong gumagawa ng masama at ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, hindi sila nakikialam. Wala silang kahit katiting na pakiramdam ng responsabilidad. Naisip ko kung paanong ang iglesia ng Qingyuan ay sumailalim na sa ilang malalaking bugso ng mga pag-aresto. Walang mabuting buhay iglesia ang mga kapatid, at umaasa sila sa isang mahusay na lider na makakatulong sa kanila sa kanilang buhay pagpasok. Gayumpaman, alam na alam kong hindi angkop si Yuan Li na maging lider pero natatakot akong salungatin siya, natatakot na magkaroon siya ng hindi magandang opinyon sa akin, at natatakot na magkaroon ng masamang impresyon sa akin ang mga lider. Kaya naman, sa kabila ng pagkaunawa, nagkunwari akong hangal, at hindi ako nangahas na iulat ang mga problema kay Yuan Li. Nanood lang ako habang napipinsala ang gawain ng iglesia at nagdurusa ng mga kawalan ang buhay ng aking mga kapatid. Talagang napakamakasarili ko at mapanlinlang! Dati, naniniwala akong nagagawa kong gampanan ang ilang tungkulin sa iglesia; sa panlabas, may ilang mabubuti akong pag-uugalil, at hindi ako gumagawa ng anumang bagay na halatang nakakagambala sa gawain ng iglesia, kaya tila may kaunti akong pagkatao. Ngayon, nakita kong wala man lang akong konsensiya at katwirang dapat taglayin ng isang normal na tao. Hindi ako karapat-dapat na tawaging tao! Kung hindi ako nagsisi sa Diyos, tiyak na kamumuhitan at ititiwalag ako ng Diyos. Nang maisip ko ito, napuno ng pagsisisi at paninisi sa sarili ang puso ko. Nanalangin ako sa Diyos, handang isagawa ang katotohanan at tuparin ang aking tungkulin. Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Gawin mo ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng Diyos at hindi ang anumang nakasasama sa kapakanan ng gawain ng Diyos. Ipagtanggol mo ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, at ang gawain ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). “Dapat mong panindigan at panagutan ang anumang may kaugnayan sa mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, o ang may kinalaman sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pangalan ng Diyos. Bawat isa sa inyo ay may ganitong pananagutan at obligasyon, at ito ang kailangan ninyong gawin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na kapag may mga nangyayari, dapat bitiwan ng isang tao ang sarili niyang kapakinabangan at unahin ang gawain ng iglesia. Kapag nakakakita ang isang tao ng mga bagay-bagay sa iglesia na hindi naaayon sa mga prinsipyo, na pumipinsala sa mga interes ng iglesia, dapat niyang tuparin ang kanyang responsabilidad, panindigan ang prinsipyo, at protektahan ang gawain ng iglesia. Saka lang maaaring maging miyembro ng sambahayan ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang isang tao. Kung mananatili silang walang pakialam dahil sa takot na salungatin ang iba, hindi ito pagprotekta sa gawain ng iglesia. Isa itong pagkakasala sa Diyos. Kalaunan, sumulat ako ng liham sa mga lider na nag-uulat ng mga problema ni Yuan Li. Nagsaayos ang mga lider ng isang tao para pumunta at beripikahin ito. Matapos nilang malaman ang tungkol sa sitwasyon, natuklasan nilang palaging itinataas ni Yuan Li ang sarili at nagpapasikat. Kapag may nagyayari, hindi niya tinitingnan ang mga ito nang naaayon sa mga salita ng Diyos; namumuhay siya sa kalituhan tungkol sa kung ano ang tama at mali. Nag-udyok din siya ng hidwaan sa pagitan ng mga kapatid, at naging sanhi ng pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Nang suriin ito ayon sa prinsipyo, hindi siya angkop na maging lider, kaya tinanggal siya. Nang malaman ko ang resultang ito, mas napanatag ang puso ko. Naramdaman kong kapag nagsasagawa ako ayon sa mga prinsipyo, hindi nagdurusa sa paninisi ang aking konsensiya, at napalaya ang aking puso.
Kalaunan, pinag-isipan ko ang mga bagay-bagay, “Bakit hindi ako makapagsagawa nang naaayon sa prinsipyo sa sandaling masangkot na ang sarili kong mga interes? Bakit napakahirap para sa akin ang magsagawa ng katotohanan?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, buktot, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Pagkatapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang mga salita ng iba’t ibang uri ng mga sikat at dakilang tao para itanim ang mga lason nito sa atin. Halimbawa, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Kapag alam mong may mali, mas mabuti pang tumahimik na lang,” “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” at “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito, at inilagay ko ang sarili kong mga interes nang higit sa lahat. Anuman ang ginawa ko, tinimbang ko ito batay sa kung kapaki-pakinabang ba ito sa akin. Kung ito ay isang bagay na kapaki-pakinabang sa akin, agad ko itong gagawin nang walang anumang sabi-sabi; kung ito ay isang bagay na walang kapakinabangan sa akin at maaaring makasakit ng damdamin ng iba, tiyak na hindi ko ito gagawin. Partikular akong makasarili at mapanlinlang. Alam na alam kong hindi angkop si Yuan Li na maging lider, at gusto ko itong iulat sa mga nakatataas na lider, ngunit natatakot ako na kung iuulat ko ito, sasabihin ng mga nakatataas na lider na hindi ko ginagawa ang sarili kong mga tungkulin at nakikialam ako sa mga bagay na hindi ko naman sakop, at kaya magkakaroon sila ng masamang pagtatasa sa akin. Natatakot din akong salungatin si Yuan Li at maapektuhan ang aming relasyon, kaya paulit-ulit, pinili ko ang manahimik. At naniwala akong sa paggawa nito, wala akong sinumang masasalungat at hindi ako makararanas mismo ng anumang kawalan. Sa panlabas, mukhang napakatalino ng desisyon kong gawin ito, pero sa katunayan ay sinasalungat ko ang Diyos. Nakita kong napipinsala ang gawain ng iglesia at walang mabuting buhay iglesia ang aking mga kapatid, pero hindi ako nababalisa o nalulungkot, at hindi ko ito pinansin. Kumikilos ako bilang kasabwat ni Satanas. Siniyasat ng Diyos nang may perpektong kalinawan ang lahat ng ginawa ko, pero inakala ko pa ring matalino ako. Kahabag-habag! Nakamumuhi! Nakita kong sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lason na ito, malinaw kong nauunawaan ang katotohanan ngunit hindi ko ito maisagawa. Hindi ko makilala ang tama sa mali, wala akong pagpapahalaga sa katarungan at walang pagkatao. Ang ganap kong isinabuhay ay ang pangit na imahe ni Satanas, na kinasusuklaman ko mismo, at lalo pang kinapopootan at kinamumuhian ng Diyos. Kung nagpatuloy akong mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito nang hindi isinasagawa ang katotohanan, sa huli ay ganap lang mawawala sa akin ang pagkakataon sa kaligtasan at parurusahan ako ng Diyos.
Sa pagninilay, napagtanto ko rin na mayroon akong ilang maling pananaw. Hindi ko nagawang tratuhin nang tama ang mga lider at manggagawa, at naging dahilan din ito kung bakit hindi ko naisagawa ang katotohanan. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag iniaangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, iniaangat at nililinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na pasok na siya sa pamantayan at mahusay bilang isang lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng pamumuno, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga iniangat. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga iniangat ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Mayroon ba silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng pamumuno, nagagawa ba nilang madalas na humarap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayanan sa gayong mga bagay. Hindi pa sila nakakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayanan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aangat at paglilinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. … Ano ang layunin ng pagsasabi Ko nito? Ito ay para ipaalam sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang iba’t ibang uri ng taong may talento na iniaangat at nililinang sa sambahayan ng Diyos, na hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito, at, siyempre, na hindi rin sila dapat maging hindi makatotohanan sa kanilang pananaw tungkol sa mga ito. Kahangalan ang labis na paghanga at pagtingala sa kanila; hindi makatao at hindi makatotohanan ang malupit na humingi nang labis sa kanila. Kaya, ano ang pinakamakatwirang paraan ng pagtrato sa kanila? Ito ay ang ituring sila bilang mga karaniwang tao at, kapag kailangan mong kumonsulta sa isang tao tungkol sa isang problema, ang makipagbahaginan sa kanila at matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsabilidad ng lahat na pangasiwaan ang mga lider at manggagawa para tingnan kung gumagawa ba sila ng tunay na gawain, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay pasok sa pamantayan. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya kayang harapin at ayusin ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat alisin kaagad sa kanyang posisyon. Kailangang may mapiling iba, at hindi dapat maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa sarili at sa iba; hindi ito makakabuti kahit kanino” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). “Pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan, at walang pagkakaiba ng edad o pagiging mababa at marangal sa mga gumagawa ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Pantay-pantay ang lahat sa tungkulin nila, iba-iba lang ang trabaho nila. Wala silang pagkakaiba batay sa kung sino ang may senyoridad. Sa harap ng katotohanan, dapat magtaglay ang lahat ng mapagpakumbaba, mapagpasakop, at tumatanggap na puso. Dapat taglayin ng mga tao ang ganitong katwiran at saloobin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang lahat ng antas ng mga lider sa iglesia ay inihahalal mula sa mga kapatid. Ang pagganap nila sa tungkulin ng isang lider ay nagpapakitang nagtataglay sila ng kakayahan para maging mga lider. Pero sa pag-aangat sa kanila, binibigyan lang sila ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong magsanay: Hindi ibig sabihin nito na sila ay mga lider na pasok sa pamantayan. Nasa panahon sila ng paghahangad ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, at hindi maiiwasang magkaroon ng ilang paglihis sa proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin. Dapat natin itong tratuhin nang tama. Kung may mga problema, maaari natin itong ilahad, at maghanap nang kasama ang mga lider. Bukod pa rito, lahat ng kapatid ay may responsabilidad na pangasiwaan ang mga lider at protektahan ang gawain ng iglesia. Isa itong tungkuling dapat nating gawin. Kunin nating halimbawa ang paghalal kay Yuan Li. Sinabi sa akin kalaunan ng mga lider na kalilipat lang nila mula sa ibang iglesia, kaya hindi sila masyadong pamilyar sa palagiang ugali ni Yuan Li. Noong panahong iyon, isinaalang-alang nila na walang angkop na mga tao sa iglesia, at nakita nilang sa panlabas, medyo aktibo si Yuan Li sa paggawa ng kanyang tungkulin at nakapagkamit ng ilang resulta sa pangangaral ng ebanghelyo. Kaya naman, sumang-ayon silang dapat siyang mahalal bilang isang lider. Naglalaman din ng mga paglihis ang kanilang gawain. Mula sa mga katunayan, nakita kong lahat ay may mga pagkukulang, at walang sinuman ang makagagawa ng kanyang tungkulin nang perpekto. Kailangang punan ng mga kapatid ang pagkukulang ng isa’t isa. Dati, akala ko ay sinusuri ng mga lider ang mga bagay-bagay, kaya walang maaaring maging problema, ngunit ito pala ay mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang. Sa isa pang aspekto, kapag ginagawa natin ang ating tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi mahalaga kung tayo man ay lider o ordinaryong mananampalataya: Nagkakaiba lang tayo sa mga ginagawa nating tungkulin. Sa sambahayan ng Diyos, walang mas mataas o mas mababang katayuan. Talagang hindi totoong mas mataas ang katayuan ng mga lider kaysa sa mga ordinaryong kapatid, at kung ano ang sabihin nila, iyon ang masusunod. Iba ang sambahayan ng Diyos sa mundong walang pananampalataya. Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may kapangyarihan, at ang katuwiran ang may kapangyarihan. Dahil ako ay naturuan at nahubog sa bansa ng malaking pulang dragon, naniwala akong ang pagiging lider ay katulad ng pagiging isang opisyal—na may kapangyarihan ka, at mas mataas ka ng isang antas kaysa sa mga ordinaryong mananampalataya. Kahit na natuklasan ko ang mga problema sa mga lider, hindi ako nangahas na ilahad ang mga ito, dahil inakala kong ang pagbibigay ng aking opinyon ay pagkanta ng ibang himig sa mga lider, na maglalagay sa kanila sa alanganing posisyon. Naniwala rin akong ang tungkulin ko ay gawaing nakabatay sa teksto, at hindi ko dapat pakialaman ang mga bagay na may kinalaman sa mga lider. Inakala kong kung makikialam ako sa mga bagay na wala sa aking sakop, sasalungat ako sa mga lider at hindi magiging maganda ang kalalabasan ng mga bagay-bagay para sa akin. Para sa sariling pangangalaga, Tinrato ko ang mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos sa parehong paraan ng pagtrato ng mga walang pananampalataya sa mga opisyal. Sa puso ko, talagang hindi ako naniniwalang ang katotohanan ang may kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay ay sadyang labis na katawa-tawa! Sa katunayan, sa sambahayan ng Diyos, hindi mahalaga kung sino ang nagbibigay ng opinyon. Basta’t naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, at kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid, tatanggapin at aaprubahan ito ng lahat. Katulad lang noong iniulat ko ang mga problema ni Yuan Li. Matapos nilang maunawaan at beripikahin ang sitwasyon, tinanggal siya ng mga lider. Lalo pang malinaw na ipinakita nito sa akin na sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan at ang katuwiran ang may hawak ng kapangyarihan.
Isang araw noong 2022, nakilala ko si Wang Min, isang lider ng iglesia. Nang marinig kong tinalakay ni Wang Min ang kanyang kalagayan, Natuklasan kong nagpapakasasa siya sa kaginhawahan at walang pasanin sa pagganap ng kanyang tungkulin. Sinabi niyang dahil sa mga personal na bagay, madalas siyang nahuhuli o wala sa mga pagtitipon at naaantala niya ang gawain ng iglesia. Nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa kahulugan ng pagganap ng tungkulin, ngunit nangatwiran siya, sinasabing mayroon din siyang mga tunay na kahirapan. Pagkatapos ay nagsimulang magsalita si Wang Min tungkol sa kung paanong noong kasisimula pa lang niyang manampalataya sa Diyos, naimpluwensyahan siya ng mga walang batayang tsismis ng CCP at nagkaroon ng ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, kaya umatras siya at huminto sa pananampalataya. Kalaunan, nagkaroon siya ng malubhang karamdaman na hindi gumagaling. Saka lamang siya bumalik at nagpatuloy sa pananampalataya sa Diyos. Habang tinatalakay niya ang karanasang ito, hindi siya nagpakita ng kahit katiting na pagkaunawa o pagsisisi sa kanyang dating pagkakanulo sa Diyos. Tinanong ko siya kung anong mga pagninilay at pagkaunawa ang mayroon siya tungkol sa pangyayaring ito, pero hindi niya ako binigyan ng diretsong sagot. Ipinagtanggol niya ang sarili, sinasabing noong panahong iyon ay talagang matindi ang mga tsismis ng CCP, at iyon lang ang dahilan kung bakit siya nalihis. Inulit pa nga niya ang ilang salitang lumalapastangan sa Diyos. Sa pakikinig sa kanyang pagsasalita nang ganito, Talagang nagulat ako. Madaling unawain na noong kasisimula pa lang niyang manampalataya sa Diyos ay hindi niya makilatis ang mga walang batayang tsismis ng CCP, pero ngayon, pagkatapos ng mahigit isang dekadang pananampalataya sa Diyos, inuulit pa rin niya ang mga salitang lumalapastangan sa Diyos. Ang masama pa, wala siyang ipinakitang anumang kamalayan nang sabihin niya ang mga iyon. Binasa ko sa kanya ang ilang salita ng Diyos na may kaugnayan sa pagkatakot sa Diyos, at sinabi ko sa kanya ang tungkol sa kalikasan ng kanyang paraan ng pagsasalita at pagkilos. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, wala pa rin siyang anumang reaksyon. Naisip kong medyo manhid ang taong ito, at gusto kong sumulat ng liham sa mga lider para iulat ang mga problema ni Wang Min. Ngunit nagtatalo ang kalooban ko, iniisip na, “Narinig kong plano siyang linangin ng mga nakatataas na lider. Isa pa, unang beses ko pa lang makilala si Wang Min. Kung agad kong iuulat ang mga problema niya, sasabihin kaya ng mga nakatataas na lider na masyado akong mapagmataas dahil nakakilatis ako ng problema sa taong ito matapos ko lang siyang makilala nang isang beses? Makikita kaya iyon bilang pagdududa sa kanilang abilidad na kumilatis? Isa pa, kung mali ang sasabihin ko at maapektuhan nito ang iglesia sa pag-aangat at paglilinang ng isang tao, magkakaroon kaya ng masamang opinyon sa akin ang mga lider?” Nang maisip ko ito, nag-atubili ako. Pagkatapos ay napagtanto kong iniisip ko na namang pangalagaan ang sarili kong mga interes, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagbubulay-bulay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa, at ipinaramdam sa akin ang paninisi sa sarili at kahihiyan. Nakilatis ko na na ang taong ito ay hindi isang taong naghahangad ng katotohanan, at hindi angkop na maging lider. Pinaplano pa rin siyang linangin ng mga lider. Kung talagang maiaangat siya, hindi ba mapipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako puwedeng magpatuloy na mamuhay sa ganito kamakasarili at kasuklam-suklam na paraan. Dapat kong protektahan ang gawain ng iglesia, at tuparin ang aking mga responsabilidad at tungkulin. Kaya, pagkatapos ay iniulat ko ang mga problema kay Wang Min sa mga nakatataas na lider. Ang mga lider, matapos malaman ang tungkol sa sitwasyon, ay nakitang talagang hindi angkop si Wang Min para linangin, at nagpasyang huwag muna siyang iangat sa ngayon.
Noong 2023, narinig kong naaresto si Wang Min at naging Hudas. Pinatalsik na siya. Nang marinig ko ito, napagtanto ko na kung hindi ko iniulat agad ang sitwasyon para protektahan ang sarili ko, mas malaki pa sana ang pinsalang naidulot sa iglesia kung naitaas si Wang Min. Hindi sana mapapanatag ang konsensiya ko habambuhay. Kasabay nito, naunawaan kong kailangan kong iulat agad ang mga taong hindi tama at panindigan ang mga prinsipyo. Napakahalaga talagang isagawa ang aspektong ito ng katotohanan! Kahit na mababaw ang ating pagkaunawa sa katotohanan, hindi natin makilatis nang husto ang ilang tao o bagay, at medyo hindi tumpak sa pag-uulat ng mga problema, hindi ito mahalaga. Ang mahalaga ay kung mapoprotektahan natin ang gawain ng iglesia, napakahalaga ng pusong ito. Kalaunan, kapag may nakikita akong sinuman sa iglesia na gumagawa ng mga bagay na salungat sa mga prinsipyo, nagagawa ko silang iulat agad sa mga lider, tinutupad ang responsabilidad ko na protektahan ang gawain ng iglesia. Naramdaman kong sa pag-asal sa ganitong paraan, panatag at payapa ang aking puso. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay sa paggawa ng pagbabagong ito sa akin!