64. Paano Itaguyod ang Tungkulin sa Gitna ng Panganib
Noong Hulyo 2023, kasisimula ko pa lang bilang lider sa iglesia. Noong Agosto 13, Bumalik ako sa pamilyang nagho-host pagkatapos kong gawin ang aking gawain. Pagbukas ko pa lang ng pinto, nagulat ako sa eksenang tumambad sa akin. Halos lahat ng gamit sa loob ay hinalughog at kalat-kalat, at naiwang nakabukas ang ilaw sa kusina at sala. Bigla kong napagtanto, “Naku—may nangyari! Baka naaresto ang sister na kapareha ko, ang mangangaral na si Sun Fei, at ang sister na nagpapatuloy sa amin.” Humangos ako sa silid-tulugan, at nakitang hinalughog din ang silid na ito. Hindi ko maiwasang kabahan, “Kung naglagay ng kamera ang mga pulis sa bahay, kapag nakita nila akong pumunta rito, malalaman nilang gumagawa ako ng mahalagang tungkulin. Siguradong pupunta sila at aarestuhin ako.” Sa pagmamadali, dali-dali akong nag-empake ng ilang damit at umalis. Pumunta ako sa isa pang bahay-tuluyan. Noong gabing iyon, biling-baligtad ako, hindi makatulog. Naisip ko, “Alam ng mga kapatid na naaresto ang mga detalye tungkol sa mga tauhan ng ilang iglesia at pati na ang bahay kung saan nakatago ang mga libro. Bukod pa riyan, ang mga kompyuter nila ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga kapatid. Kung walang oras para patayin ang mga kompyuter, maaaring napasakamay na ng mga pulis ang impormasyong ito, at mas marami pang kapatid ang maaaring maaresto. Ngayon, dapat asikasuhin agad ang resulta ng pangyayari. Dapat ko munang abisuhan ang mga kapatid na nanganganib ang kaligtasan na kailangan nilang magtago agad, at pagkatapos ay ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos.” Pero naisip ko kung paanong kailangan kong humarap at asikasuhin ang lahat ng resultang ito nang mag-isa, nang wala man lang makakausap tungkol dito. Hindi pa ako ganoon katagal na gumagawa ng tungkuling ito, at hindi ko pa nauunawaan o nakakabisado ang maraming gampanin. Paano ko aasikasuhin ang resulta ng pangyayari? Nang maisip ko ang mga tunay na problemang ito, para bang dinudurog ng malaking bato ang puso ko; talagang nasusupil ako. Medyo natakot din ako. Natakot ako na titingnan ng mga pulis ang CCTV footage, matutuklasan ako, at aarestuhin ako. Kung maaaresto ako at hindi ko makakayanan ang pagpapahirap ng mga pulis, ipagkakanulo ang Diyos, at magiging Hudas, pagkatapos kong mamatay, itatapon pa ako sa impiyerno para maparusahan. Nasa isang dekada na akong nananampalataya sa Diyos, at ayaw kong maging ganito ang kahihinatnan ko. Gusto kong sumunod sa Diyos hanggang sa wakas at makita ang araw na maluwalhati ang Diyos. Sa harap ng mga tunay na problemang ito at lahat ng hindi pa nalalaman sa hinaharap, namuhay ako sa pagkabalisa at pagkatakot, at ganito ko pinalilipas ang mahahabang gabi.
Kinabukasan, sinabi sa akin ng isa pang mangangaral, si Li Xue, na talagang naaresto nga ang mangangaral na si Sun Fei at ang sister na katuwang ko. Nang marinig ko ang balitang ito, alam kong tinulungan ako ng proteksyon ng Diyos na makatakas sa kapahamakang ito. Kung hindi, isa sana ako sa mga naaresto. Gayumpaman, sa sandaling naisip kong kailangan kong ilipat ang mga libro, medyo kinabahan ako sa puso ko, “Kung magiging Hudas ang mga taong naaresto at ipagkakanulo ang bahay kung saan nakatago ang mga libro, hindi ba’t parang papasok ako mismo sa lungga ng leon kung pupunta ako roon? Dati, may ilang taong naaresto na naging Hudas. Ang ilan ay pumirma sa ‘Tatlong mga Pahayag’ at ipinagkanulo ang Diyos. Tinatakan sila ng tanda ng halimaw. Lahat sila ay mas matagal nang nanampalataya sa Diyos kaysa sa akin. Kung hindi sila nakapanindigan noong naaresto sila, paano pa kaya ako? Kung maaaresto ako at ipagkakanulo ko ang Diyos sa pamamagitan ng pagiging Hudas, wala na akong anumang pagkakataong makatanggap ng kaligtasan. Hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng taon ng pananampalataya ko?” Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng takot at hindi ako nangahas na pumunta. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Ngayon, ako na lang ang nakakaalam ng bahay kung saan nakatago ang mga libro. Kung hindi ako pupunta para ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at masamsam ang mga ito ng mga pulis, hindi kailanman mapapanatag ang konsensiya ko sa buong buhay ko, at mamumuhay ako sa pagsisisi, pagkakonsensiya, at paninisi sa sarili hanggang sa araw ng aking kamatayan.” Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat kang parusahan. Ito ay ganap na likas at may katwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, ipinagkakanulo mo Siya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Hudas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan nilang ang mga atas na ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagtataas at natatanging pabor mula sa Diyos, at na ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang abandonahin. Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang atas ng Diyos sa tao ay responsabilidad at misyon ng tao. Ang tao ay may tungkuling hindi tumanggi sa kanyang responsabilidad na matapang na harapin ang mapapanganib na kapaligiran, ialay ang kanyang katapatan, at protektahan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Gayumpaman, hindi ko tinrato nang may katapatan ang aking tungkulin. Ako lang ang nag-iisang nakakaalam tungkol sa bahay kung saan nakatago ang mga libro. Kailangan kong ilipat agad ang mga aklat ng mga salita ng Diyos mula roon sa lalong madaling panahon, pero para maprotektahan ang sarili ko, ayaw kong asikasuhin ang mga resulta ng pangyayari, hindi alintana ang panganib na makukuha ng mga pulis ang mga libro. Ang asal ko ay isang pagtataksil sa Diyos. Anong kapiraso ng konsensiya at katwiran ang mayroon ako? Ang isang taong tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, kapag dumating sa kanila ang isang mapanganib na kapaligiran, ay kayang manindigan para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at umasa sa Diyos para magawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Kung hindi ako mangangahas na pumunta at ilipat ang mga libro dahil natatakot akong mamatay at kumakapit ako sa buhay, at nagresulta ito sa pagkakahulog ng mga libro sa kamay ng malaking pulang dragon, magiging makasalanan ako na hahatulan sa lahat ng panahon, karapat-dapat sa mga sumpa at mas kahabag-habag pa kaysa kay Hudas. Sa oras na iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat mong malaman na ang lahat ng iyong nakapaligid na kapaligiran ay tinutulutan at isinasaayos Ko. Dapat maging malinaw sa iyo ito at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, dapat kang manatiling matatag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; kung hindi ay mapapasaiyo ang Aking poot, at gagawin Ko ito sa pamamagitan ng Aking kamay…. Pagkatapos ay magtitiis ka ng walang hanggang pagdurusa ng isipan. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat at sumunod sa Akin gamit ang buong lakas mo, at maging handang magbayad ng anumang halaga. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daang ito? Tandaan ito! Tandaan! Ang lahat ng bagay ay naglalaman ng Aking mabubuting layunin at nasa ilalim ng Aking pagsisiyasat. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na dinaranas ng iglesia ang mga pag-aresto at pag-uusig ng CCP nang may pahintulot ng Diyos, na dapat tayong manalig na kasama natin ang Diyos, at ang pagkakaroon ng ganitong uri ng kapaligiran ay para subukin tayo. Ngayong may mga pag-aresto nang nangyari sa iglesia, tungkulin kong asikasuhin nang maayos ang mga kinahinatnan at protektahan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat kong tuparin. Hindi ako puwedeng mamuhay sa kalagayan ng pagkakimi; kailangan kong manalig na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Pagkatapos ay napagtanto ko na, sa pagkakataong iyon, nagkataon lang na lumabas ako para asikasuhin ang isang bagay, at naaresto ang mga sister ko kinabukasan. Tanging dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos kaya ako nakatakas sa pagkaaresto, at nagawang manatili para asikasuhin ang mga kinahinatnan. Nang mapagtanto ko ito, nagkaroon ako ng pananalig, at sumigla ang aking kalooban. Naisip ko, “Kung maaaresto man ako ngayon kapag inilipat ko ang mga libro ay nasa Diyos na iyon. Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Pakikipag-unahan ito ngayon sa oras. Hindi ako puwedeng maantala kahit isang segundo. Kapag mas maagang nailipat ang mga libro, mas maaga silang magiging ligtas. Kung hindi, maaari silang masamsam ng mga pulis anumang sandali.” Pagkatapos, pinag-usapan namin ng mga sister ko ang bagay na ito at naghiwa-hiwalay kami para kumilos. Sa daan papunta para ilipat ang mga libro, patuloy akong nanalangin. Hindi ko hinayaang mawalay ang puso ko sa Diyos kahit isang segundo. Salamat sa proteksyon ng Diyos, ligtas naming nailipat ang mga libro mula roon. Mga dalawang linggo o higit pa pagkatapos, nalaman kong pumunta ang mga pulis para halughugin ang bahay, pero wala silang nakita. Nang marinig ko ang balitang ito, labis akong nagalak. Kung nasamsam ng mga pulis ang mga libro, maiiwan akong habambuhay na nagsisisi. Isa sana itong walang hanggang pagsalangsang!
Noong umaga ng Setyembre 3, dumating si Li Xue at may sinabi pa sa aking dagdag na balita. Sinabi niya na dalawang araw na ang nakalipas, may isa na namang naaresto at naging si Hudas, ipinagkanulo ang mga lokasyon ng mga bahay kung saan itinatago ng iglesia ang mga libro. Naipagkanulo rin ang bahay kung saan ko inilipat kailan lang ang mga libro. Kailangang apurahan uling ilipat ang mga libro. Nang marinig ko ang balitang ito, natigilan ako, at hindi ko alam ang gagawin. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkabalisa, “Talagang sunud-sunod ang sakuna. Ngayon kailangan kong ilipat agad ang mga libro, kung hindi, kapag inihatid na ng Hudas ang mga pulis sa pinto, huli na ang lahat.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Naipagkanulo na ng Hudas na iyon ang mga bahay kung saan itinatago ng iglesia ang mga libro. Hindi ko lang alam kung aling mga bahay na ang napuntahan ng mga pulis at alin ang hindi pa. Kung makakasalubong ko ang mga pulis ngayon habang inililipat ko ang mga libro, hindi ako makakatakas kahit gustuhin ko pa. Kung maaaresto ako at malalaman ng mga pulis na lider ako, tiyak na hindi nila ako pakakawalan. Kapag nangyari iyon at hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging Hudas ako, wala na talaga akong magiging mabuting kalalabasan o kahahantungan.” Nang maisip ko ito, hindi na ako nangahas na pumunta at ilipat pa ang mga libro. Habang iniisip ko ito, sa puso ko ay sinisisi ko ang sarili ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Mahal na Diyos, sa harap ng biglaang kapaligirang ito, nakakaramdam ako ng takot sa aking puso. Natatakot ako na kung maaaresto ako, hindi ko makakayanan ang pagpapahirap, at ipagkakanulo ko ang Diyos, wala na akong magiging mabuting kalalabasan o kahahantungan. Ngayon, nasa panganib ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at kailangang mailipat, pero makasarili ako at kasuklam-suklam, at iniisip ko ang sarili kong kaligtasan. Talagang wala akong konsensiya o katwiran! Mahal na Diyos, nawa’y bigyan Mo ako ng pananalig at lakas para mapalugod Ka sa bagay na ito.” Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pananalig ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang miserable sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang buhay nila ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko sila ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Napakaliit ng pananalig ko sa Diyos. Sa tuwing dumarating sa akin ang isang mapanganib na kapaligiran, ang tanging isinasaalang-alang ko ay ang mga interes ng laman; Nag-aalala ako na kung maaaresto ako, hindi ko makakayanan ang pagpapahirap, at ipagkakanulo ko ang Diyos, magiging Hudas, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Hindi ko inisip kung paano protektahan ang aking mga kapatid at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakita kong masyadong kasuklam-suklam at karima-rimarim ang aking mga iniisip, at nakita kong wala akong pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naisip ko kung paanong may takot din sa puso ko noong huling beses na naglipat ako ng mga libro, at kung paanong ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at tapang, at sa wakas ay ligtas kong nailipat ang mga libro mula roon. Hindi nagtagal, pumunta ang mga pulis sa bahay kung saan dating nakatago ang mga libro. Nakita kong kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nangangahas si Satanas na lumampas ng kahit kalahating hakbang sa Kanyang itinakdang hangganan, at lahat ng tao, pangyayari, at bagay ay nasasakamay ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nagkaroon ako ng pananalig na asikasuhin ang mga kinahinatnan.
Noong gabing iyon, ginunita ko ang aking mga naibunyag sa panahong ito, at nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa kapaligiran ng mainland Tsina, posible bang maiwasang sumuong sa anumang panganib at tiyaking walang masamang mangyayari habang ginagampanan ang tungkulin? Kahit ang pinakamaingat na tao ay hindi makakatiyak niyon. Ngunit ang pagiging maingat ay kinakailangan. Ang pagiging handa nang maaga ay makakapagpabuti nang kaunti sa mga bagay-bagay, at makakatulong ito na mabawasan ang mga kawalan kapag nagkakaproblema. Kung walang anumang paghahanda man lang, magiging malaki ang mga kawalan. Nakikita mo ba nang malinaw ang kaibahan ng dalawang sitwasyong ito? Samakatwid, tungkol man ito sa mga pagtitipon o sa paggampan ng anumang uri ng tungkulin, pinakamainam na maging maingat, at kinakailangang magsagawa ng ilang hakbang na pang-apula. Kapag ang isang tapat na tao ay gumagampan sa kanyang tungkulin, maaari siyang mag-isip nang mas komprehensibo at masusi. Gusto niyang isaayos nang mabuti ang mga bagay na ito sa abot ng kanyang makakaya para kung magkakaproblema man, mababawasan ang mga kawalan. Pakiramdam niya ay dapat niyang matamo ang resultang ito. Ang isang taong walang katapatan ay hindi nagsasaalang-alang sa mga bagay na ito. Iniisip niya na hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at hindi niya itinuturing ang mga ito bilang kanyang responsabilidad o tungkulin. Kapag may nangyayaring hindi maganda, wala siyang nararamdamang anumang paninisi sa kanyang sarili. Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng katapatan. Ang mga anticristo ay walang ipinapakitang katapatan sa Diyos. Kapag inaatasan sila ng gawain, masaya nila itong tinatanggap, at gumagawa sila ng ilang magagandang deklarasyon, ngunit kapag dumarating ang panganib, tumatakbo sila nang napakabilis; sila ang unang tumatakbo, ang unang tumatakas. Ipinapakita nito na ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam ay talagang malala. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad o katapatan man lang. Kapag nahaharap sa isang problema, ang alam lang nila ay tumakas at magtago, at iniisip lang nila ang pagprotekta sa kanilang sarili, hindi kailanman isinasaalang-alang ang kanilang mga responsabilidad o tungkulin. Alang-alang sa kanilang pansariling seguridad, palaging ipinapakita ng mga anticristo ang kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Hindi nila inuuna ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang kanilang sariling mga tungkulin. Lalong hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, inuuna nila ang sarili nilang seguridad” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na kapag ang mga anticristo ay may katayuan, napupuno ng kagalakan ang kanilang mga puso, pinahahalagahan nila ang kanilang katayuan, at tinatamasa nila ang kanilang katayuan. Ngunit kapag hiniling mo sa kanilang makipagsapalaran, nagtatago sila o tumatakas sa kauna-unahang sandali para protektahan ang sarili nilang kaligtasan, hindi nagpapakita ng kahit katiting na katapatan sa kanilang tungkulin at kinakalimutan ang lahat ng tungkol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Lubha silang makasarili at kasuklam-suklam. Hindi ba’t ang naibunyag ko ay ang kalagayang ito mismo? Biniyayaan ako ng Diyos na gampanan ang tungkulin ng isang lider, at binigyan ako ng pagkakataong magsanay. Umasa ang Diyos na magiging tapat ako at mapagpasakop sa aking tungkulin. Pero, bilang isang lider, noong ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay naharap sa panganib na masamsam ng mga pulis at kinailangan kong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ipakita ang aking katapatan, ang unang naisip ko ay hindi kung paano ililipat ang mga libro para mabawasan ang mga kawalan. Sa halip, natakot ako na kung maaresto ako, hindi makayanan ang pagpapahirap, at maging si Hudas, na ipinagkakanulo ang Diyos, wala na akong magiging mabuting kalalabasan o kahahantungan. Kaya umatras ako. Nagpakita ba ako ng kahit katiting na konsensiya o katwiran? Katulad lang ako ng mga anticristong inilantad ng Diyos—sobrang makasarili at kasuklam-suklam at walang pagkatao. Nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Kung hindi mo kailanman isinagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay dumadagdag sa sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang kalalabasan mo ay ang mapupunta ka sa impiyerno—mapaparusahan ka” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng takot sa aking puso. Bagama’t sa panlabas ay nananampalataya ako sa Diyos at ginagawa ang aking tungkulin, sa kritikal na sandali, hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia at hindi ako nagpakita ng katapatan sa Diyos. Paano pa ako maliligtas? Ayaw ko nang mamuhay pa na umaasa sa aking makasarili at kasuklam-suklam na tiwaling disposisyon. Ayaw ko nang maging isang pagong na nagtatago sa kanyang kabibe, pinoprotektahan ang sarili kong kaligtasan. Hangga’t may hininga pa ako, poprotektahan ko ang mga interes ng iglesia.
Napagnilayan ko rin na ang dahilan kung bakit ako kimi at takot ay dahil natatakot ako na, kung maaresto ako, hindi makayanan ang pagpapahirap, at maging Hudas, wala na akong magiging mabuting kalalabasan o kahahantungan. Sa paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “May mga pagsasaayos ang Diyos para sa Kanyang bawat tagasunod. Ang bawat isa sa kanila ay may kapaligiran, na inihanda ng Diyos para sa kanila, para gawin ang kanilang tungkulin, at mayroon silang biyaya at pabor ng Diyos na dapat nilang tamasahin. Mayroon din siyang mga espesyal na sitwasyon, na inihahanda ng Diyos para sa kanila, at maraming pagdurusang kailangan nilang maranasan—hindi ito isang madaling paglalakbay na gaya ng iniisip ng mga tao. Bukod pa riyan, kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. … paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. … Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang ugat na dahilan ng aking pagkatakot na maaresto at mabigong makayanan ang pagpapahirap at maging si Hudas ay dahil masyado kong pinahalagahan ang aking buhay. Bagama’t kinikilala ng aking mga labi na ang buhay ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, hindi ito tunay na pinaniniwalaan ng aking puso, kaya gusto kong tumakas kapag dumarating sa akin ang mga mapanganib na kapaligiran. Sa totoo lang, kung ako man ay maaaresto, kung gaano man ako pahihirapan, at kung ako man ay bubugbugin hanggang mamatay ay nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos: dapat akong magpasakop at tanggapin ang lahat ng ito. Naisip ko ang mga disipulo ng Panginoong Jesus. Ang ilan ay ipinahila sa mga kabayo hanggang mamatay, at ang ilan ay ipinako nang patiwarik sa krus. Dinanas nila ang lahat ng uri ng pagpapahirap, ngunit hanggang kamatayan ay nanatili silang tapat at nanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Hindi sila natakot sa kamatayan, at itinuring nilang sarili nilang responsabilidad at misyon ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoon. Nagawa nilang isuko ang lahat para sa Diyos at hindi isinaalang-alang ang sarili nilang buhay o kamatayan. Naisip ko rin kung paanong ang ilang kapatid ay naaresto, ngunit nagawang manalangin sa Diyos para magpasakop, at naranasan ang kapaligirang ito sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos, nasasaksihan ang pamumuno at patnubay ng Diyos. Ang ilan ay nanalangin sa Diyos noong sila ay pinahihirapan hanggang sa puntong hindi na nila makayanan; pansamantalang humiwalay ang kanilang kaluluwa sa kanilang katawan, at hindi nakaramdam ng sakit ang laman. Ang ilan ay naaresto, at bagama’t ang kanilang laman ay pinahirapan hanggang mamatay, natamo nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga nabunyag bilang mga Hudas nang maaresto sila ay ipinagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ipinagkanulo ang Diyos dahil pinahalagahan nila ang sarili nilang buhay at gustong pangalagaan ang kanilang sarili. Bagama’t nabubuhay pa sila sa laman, sa mga mata ng Diyos, patay na sila. Sila ay mga gumagalaw na bangkay, na nagkamit ng walang hanggang kaparusahan para sa kanilang sarili. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Naisip ko kung paanong palagi kong gustong pangalagaan ang sarili ko at hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia, ipinagkakanulo ang Diyos sa kritikal na sandali. Hindi ba’t ang kalikasan ng aking asal ay katulad ng sa isang Hudas? Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga salita ng Diyos, medyo natarok ko na ang tungkol sa kamatayan, at hindi na ako nag-aalala at natatakot na maaresto. Nanalig akong ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos, ibinuhos ko ang lahat ng aking pagsisikap sa pag-aasikaso sa mga kinahinatnan.
Kinagabihan, nalaman kong ilang kapatid pa ang naaresto. Nakita kong palala nang palala ang kapaligiran, at kailangan kong magmadali at ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Wala nang oras para makipag-ugnayan sa ibang mga iglesia, at nasusunog sa pagkabalisa ang puso ko. Bigla kong naalala na hindi alam ng mga taong naaresto at naging si Hudas ang tungkol sa bahay ko. Kung iuuwi ko ang mga libro, kahit papaano ay pansamantalang magiging ligtas ang mga ito, at pagkatapos ay makikipag-ugnayan ako sa ibang mga iglesia at ililipat ang mga ito sa isang ligtas na bahay. Kinabukasan, inilipat ko muna ang mga libro sa bahay ko. Pagkatapos, umasa kami sa Diyos para mailipat nang ligtas ang mga libro, at medyo kumalma na ang aking pusong hindi mapakali.
Sa pagbabalik-tanaw sa aking mga karanasan sa panahong iyon, nakita ko ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking makasarili at kasuklam-suklam na mga tiwaling disposisyon. Kasabay nito, naunawaan ko rin ang kahulugan at halaga ng kamatayan, at nakamit ng puso ko ang kalayaan. Dahil sa biyaya ng Diyos kaya nagawa kong magkamit ng karanasan at pagkaunawang ito.