65. Pagdanas sa Pag-ibig ng Diyos sa Gitna ng Karamdaman

Ni Yixin, Tsina

Noong 2003, tinanggap ko ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Hindi nagtagal, nang hindi ko namamalayan, gumaling ang mga sakit ko sa tiyan, mababang presyon ng dugo, mababang antas ng asukal sa dugo, at iba pang mga karamdaman. Sobrang saya ko at nagpapasalamat. Naisip ko, “Hindi lang pala pinangangalagaan at pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao, kundi nagpapahayag din Siya ng Kanyang mga salita para linisin at iligtas ang mga tao, at dinadala sila sa isang magandang hantungan. Tama pala ang naging desisyon ko sa pananampalataya sa Diyos!” Araw-araw, naglalaan ako ng oras para basahin ang mga salita ng Diyos at matuto ng mga himno, at masigasig akong gumugol ng sarili, at umulan man o umaraw, malamig man o mahangin, nagpatuloy ako sa tungkulin ko. Sa panahong ito, inusig ako ng pamilya ko, kinutya at siniraang-puri ako ng mga kamag-anak at kapitbahay, at inusig at tinugis din ako ng CCP, ngunit hindi ako napigilan ng mga pangyayaring ito sa paggawa ng aking tungkulin. Sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito, binibilang ko ang aking mga pagsisikap at ginugol, at pakiramdam ko ay isa akong tunay na mananampalataya sa Diyos, at sigurado akong sa pagpapatuloy sa ganitong paraan, maliligtas ako at makaliligtas. Sobrang saya ko.

Noong 2020, Ilang araw akong umuubo, pero hindi ko ito gaanong pinansin. Pagsapit ng 2021, lalong lumala ang ubo ko. Buong araw akong umuubo, at lalo na kapag nahihiga ako, hindi ko mapigil ang pag-ubo. Umuubo ako hanggang sa hindi ko na alam kung kailan ako nakatulog, at madalas akong nahihilo, may palpitasyon sa puso, kinakapos ng hininga, at pinagpapawisan nang malamig. Hindi nagtagal, bumaba ang timbang ko mula sa mahigit 100 libra sa humgit-kumulang na 80 libra. Kalaunan, lumala pa ang kondisyon ko. Ang malakas na pag-ubo ay nagpasakit sa buong dibdib at tiyan ko, kaya hindi ako makapagpahinga, at sa paghiga lang nang patag medyo nakakaramdam ako ng ginhawa. Naging sobrang sensitibo rin ako sa lamig. Habang ang iba ay manipis lang ang suot, kailangan kong magsuot ng makakapal na damit, at kailangan kong magkumot ng makakapal na kumot kapag natutulog. Sa paggawa lang ng magagaan na gawain ay labis na akong napapagod hanggang sa halos hindi na ako makagalaw, hinihingal ako at hindi makapagsalita. Partikular na masakit at namimintig ang tiyan ko, at madalas akong hindi makakain. Nakakaramdam ako ng sakit saan man ako magdiin sa aking tiyan, at lalo itong lumalala kapag tuluy-tuloy akong umuubo. Naisip ko, “Bakit parang may malubha akong karamdaman dahil sa mga sintomas ko?” Pagkatapos ng pandemya, pumunta ako sa ospital para sa isang abdominal ultrasound, at seryosong sinabi sa akin ng doktor na marami akong maliliit na bato sa aking mga bile duct, at may likido sa aking pelvic area, na hindi malinaw na matukoy kung ito ba ay manas o namuong dugo. Paulit-ulit din niya akong hinimok na pumunta sa mas malaking ospital para sa karagdagang pagsusuri, sinasabing dapat akong pumunta agad. Medyo nagduda ako. Naisip kong dahil maraming taon na akong nagsasakripisyo at gumugugol ng sarili para sa Diyos, dapat sana ay iningatan ako ng Diyos para hindi magkaroon ng malubhang karamdaman. Naisip ko, “Ang ilang kapatid ay hindi pa nakapagsakripisyo, nakagugol, o nakapagtiis nang kasingdami ko, pero malulusog sila at normal na nagagawa ang kanilang mga tungkulin. Sobra na akong nagdusa at nagsakripisyo, pero palagi na lang akong nagkakaroon ng kung anu-anong sakit. Bakit hindi ako iningatan ng Diyos? Maaari kayang kinasuklaman na ako ng Diyos at tinalikuran na Niya ako? Bakit nga ba palagi na lang akong nagkakasakit?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nasasaktan. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin kapag nananalangin sa Diyos, at hindi ko alam kung aling kabanata ng mga salita ng Diyos ang babasahin. Gusto kong maging abala sa ilan sa aking mga tungkulin, pero pakiramdam ko ay sobrang pagod na ako para kumilos. Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na bigat ng pakiramdam, at wala akong anumang gana.

Kinabukasan, naalala ko kung gaano kaseryoso ang sinabi ng doktor tungkol sa kondisyon ko, at labis akong nag-alala at nabagabag. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, labis akong nagdadalamhati dahil sa karamdamang ito. Napakaliit ng aking tayog at hindi ko alam kung paano ito mararanasan. Hinihiling ko na gabayan Mo ako para maunawaan ang Iyong layunin sa bagay na ito, at tulungan akong malaman kung paano mararanasan ang susunod na mangyayari.” Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananalig. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga intensyon at mga ninanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang intensyon at pag-asa na mayroon ang mga tao sa kanilang pananampalataya, pati na rin ang kahulugan sa likod ng mga pagsubok at pagpipino ng Diyos. Hindi gumagawa ang Diyos ng walang kabuluhang gawain, ni hindi Siya gumagawa ng anumang gawaing nakapipinsala sa mga tao. Ang pagkakaroon ko ng karamdamang ito ay hindi nangangahulugang gusto akong abandonahin ng Diyos, bagkus, sinusubukan at pinipino ako ng Diyos, nililinis ang mga karumihan sa aking pananampalataya. Naisip ko noong una akong gumaling sa aking mga karamdaman. Naging masigasig ako sa paggugol ng sarili at nagpasyang suklian nang taimtim ang pagmamahal ng Diyos, at gaano man ako nagdusa o gumugol ng sarili, ginawa ko ang lahat nang may kagalakan at kusang-loob. Inakala kong isa akong taong tunay na nananampalataya sa Diyos, at naniwala akong kung magpapatuloy ako sa ganitong paraan, abot-kamay na ang kaligtasan. Ngunit nang muling dumapo ang karamdaman, nabunyag ang kaunti kong pananampalataya, pagkamakasarili, at maling pagkaunawa sa Diyos. Para akong naging ibang tao. Katulad lang ng inilantad ng Diyos nang sabihin Niya: “Karamihan sa mga tao ay naniniwala sa Diyos alang-alang sa kapayapaan at iba pang mga pakinabang. Kung hindi ka makikinabang, hindi ka naniniwala sa Diyos, at kung hindi ka makatatanggap ng mga biyaya ng Diyos, nagmamaktol ka. Paano magiging iyong tunay na tayog ang nasabi mo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (3)). Sa buong panahon, ang aking mga sakripisyo at paggugol ay para sa sarili kong kapakanan. Dito, sinusubukan kong linlangin at makipagtawaran sa Diyos. Naging sobrang makasarili at kasuklam-suklam ako, at wala akong anumang pagnanais na palugurin ang Diyos. Kung hindi ako nabunyag sa pamamagitan ng karamdamang ito, hindi ko sana napagtanto na lahat ng sakripisyong ginawa ko sa aking pananampalataya sa paglipas ng mga taon ay para sa kapakanan ng biyaya at mga pagpapala, at na sinusubukan ko palang makipagtawaran sa Diyos. Isinaayos ng Diyos ang sitwasyong ito at ibinunyag ako sa ganitong paraan para sa kapakanan ng aking kaligtasan. Ngunit hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos at nagreklamo ako tungkol sa Kanya at nagkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa Diyos at nanalangin sa Kanya, nais na magsisi.

Noong gabing iyon, napanood ko ang isang video ng himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Maging mga Saksi Tulad Nina Job at Pedro”: “Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakapagpasakop ka ba hanggang sa kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon ka man o walang anumang kinabukasan, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang kapaligiran. Sa huli, kailangan mong makamit ang dalawang aspekto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagpapasakop hanggang sa kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang materyal na ari-arian, at pinahirapan siya ng karamdaman ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan—nang hinarap niya ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos, nang siya ay ipinako sa krus, minahal pa rin niya ang Diyos. Hindi niya inisip ang sarili niyang kinabukasan o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Iyan ang pamantayang kailangan mong maabot bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (2)). Habang nakikinig sa himnong ito, naantig ako at hindi ko napigilang mapaluha. Hinarap ni Job ang napakalalaking pagsubok. Nawala ang kanyang kayamanan, namatay ang kanyang mga anak, nabalot siya ng masasakit na pigsa, gayunpaman sa ganitong matinding pasakit, bukod sa hindi itinanggi ni Job ang Diyos o nagreklamo tungkol sa Kanya, pinuri rin niya ang Diyos, dinakila ang Kanyang pangalan, at nagbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa paghahangad na makilala at mahalin ang Diyos, at kahit sa oras ng kanyang kamatayan, sinabi niyang hindi pa sapat ang pagmamahal niya sa Diyos. Hindi alintana kung tinupad man ng Diyos ang Kanyang mga ipinangako kay Pedro, nanampalataya pa rin siya at minahal ang Diyos. Nagpatotoo si Pedro sa Diyos at inalo ang puso ng Diyos. Sina Job at Pedro ay mga taong tunay na itinuring ang Diyos bilang Diyos. Sila ay mapagpasakop sa Diyos, at wala silang pagnanais na makipagtawaran o humingi sa Diyos, at tumanggap ang Diyos ng kaluwalhatian mula sa kanilang mga patotoo. Pero ako naman, nang lumala ang karamdaman ko at hindi tinupad ng Diyos ang mga pagnanais at hinihingi ko, nakaramdam ako ng paglaban at nagreklamo ako sa loob-loob ko. Hindi ko man lang nagawang manatili sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pananalangin. Wala man lang akong pinakapangunahing pagpapasakop o katwiran, lalo na ang magpatotoo sa Diyos. Hindi ko kailanman naisip na pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, at pagkatapos kumain at uminom ng napakaraming salita ng Diyos at makarinig ng napakaraming sermon, ganito pa rin pala kasama ang aking ugali, at palagi akong sumusubok na makipagtawaran sa Diyos. Talagang napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakakaramdam ng pagkakautang sa Diyos. Umiyak ako habang nananalangin sa Diyos, “Diyos ko, akala ko noon na ang paggawa ko ng tungkulin sa lahat ng taon ng pananampalataya ko sa Iyo ay para bigyang-kasiyahan Ka, ngunit sa pamamagitan ng mga pagbubunyag ng karamdamang ito, sa wakas ay napagtanto kong ang aking mga sakripisyo at paggugol ay para lamang sa kapakanan ng pagkakamit ng mga pagpapala. Hindi kita kailanman tunay na itinuring bilang Diyos. Diyos ko, napakatiwali ko at hindi karapat-dapat sa Iyong pagmamahal. Anuman ang mangyari sa aking karamdaman, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Unti-unti, bumuti ang aking kalagayan; Nagawa ko nang maglaan ng pagsisikap sa aking tungkulin bawat araw, at hindi na ako gaanong nalilimitahan ng aking karamdaman. Nang pinanatag ko ang aking puso para gawin ang aking tungkulin, sa gulat ko, medyo bumuti ang aking kalusugan, at hindi na ako gaanong giniginaw. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos! Pagkatapos niyon, nagpatuloy ako sa pag-inom ng gamot para sa paggamot habang ginagawa ang aking tungkulin.

Noong Hulyo 2022, nagkaroon na naman ako ng mataas na lagnat at umuubo sa loob ng ilang araw, at palagi akong nakakaramdam ng pagod. Kapag umaakyat ng hagdan, hinihingal ako, at ang puso ko ay kumakabog na para bang sasabog. Naisip ko, “Sa pagkakataong ito, dapat akong magpasakop at hindi magreklamo.” Pero pagsapit ng Setyembre, palala nang palala ang aking karamdaman. Mas naging madalas ang pag-ubo ko, nagkaroon ako ng mataas na lagnat sa loob ng dalawang magkasunod na linggo, at walang pagbuti kahit pagkatapos uminom ng gamot. Noong una, akala ko ay ordinaryong sipon at lagnat lang ito, ngunit habang palala nang palala ang aking kondisyon, pumunta ako sa ospital para magpa-check-up. Ang paunang pagsusuri ay pleural effusion na may hinihinalang tuberkulosis. Seryosong idiniin ng doktor na dahil sa sobrang dami ng pleural effusion, hindi na gumagana ang kanan kong baga, na naging napakaseryoso na ng aking kondisyon, at kailangan kong maospital para sa agad na paggamot, at hindi na puwedeng ipagpaliban pa! Nanlumo ang puso ko, at naisip ko, “Paano naging ganito kalubha ang sakit ko? Ilang beses na akong nagkasakit nang malubha sa nakalipas na dalawang taon, at kahit na nanghina ako, hindi ko kailanman itinigil ang paggawa ng aking tungkulin. Bakit hindi bumuti ang kondisyon ko, bagkus ay lumala pa?” Labis akong nasiraan ng loob at natakot, iniisip na, “Labinsiyam na taon na akong nananampalataya sa Diyos. Tinalikuran ko ang pamilya at trabaho para gawin ang aking tungkulin, at tiniis ko na ang lahat ng pagdurusang dapat kong tiisin. Natakbo ko na ang karerang dapat kong takbuhin, at gaano man ako nagkasakit, nagpatuloy ako sa aking tungkulin. Akala ko, sa pagsunod sa Diyos, makatatanggap ako ng mga pagpapala at maliligtas, pero ngayon lumalabas na napakalala na ng sakit ko at baka mamatay na ako. Kung mamatay ako, tuluyan na akong mawawalan ng pagkakataong maligtas. Hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng mga pagsisikap at mga ginugol ko?” Sa pag-iisip nito, naging napakabigat ng puso ko, at nakaramdam ako ng lubos na kawalan ng pag-asa. Sa puntong ito, napagtanto kong may mali sa aking kalagayan, at umiiyak ako habang nananalangin sa Diyos, “Diyos ko, pakiramdam ko ay mamamatay na ako. Talagang wala akong anumang solusyon ngayon, at puno ng pasakit ang puso ko. Diyos ko, pakiusap gabayan Mo ako para maunawaan ang Iyong layunin.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos:

5. Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?

6. Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano mo dapat tahakin ang landas mo sa hinaharap?

7. Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil (2)

Sa pagharap sa mga hinihingi ng Diyos, biglang luminaw ang aking isipan. Ang mga hinihinging ito ay ang mga pamantayan kung saan sinusukat ng Diyos kung nagbago ba ang disposisyon ng isang tao. Ang mga ito rin ang mga kondisyon kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang mananampalataya. Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay tapat at mapagmahal sa Kanya, at makakayanan nila ang mga tukso anuman ang sitwasyon. Kahit na ang ginagawa ng Diyos ay hindi naaayon sa kanilang mga imahinasyon o inaasahan, kaya pa rin nilang sumunod at manatiling tapat sa Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, minsan akong nanumpa sa harap ng Diyos at gumawa ng matatag na pangako na anuman ang mangyari, susundin ko ang Diyos, at anuman ang pagbabago sa mga pangyayari, at anuman ang pasakit, kapighatian, mga pagsubok, o pagpipinong maranasan ko, kakapit ako sa pananalig ko sa Diyos at susunod sa Kanya hanggang sa wakas. Pero ibinunyag ng mga katunayan na kulang ako sa pananalig at wala talaga akong katwiran. Nang dumapo sa akin ang karamdaman at wala akong nakitang pag-asa na mabuhay, nakipagtalo ako sa Diyos, iniisip kung bakit, dahil nagpatuloy ako sa aking mga tungkulin sa buong panahon ng aking malulubhang karamdaman, hindi bumubuti ang aking karamdaman kundi lumalala pa. Dinala ko pa nga ang lahat ng taon ng aking mga sakripisyo at paggugol, kabilang na ang pasakit ng paggawa ng aking mga tungkulin habang may sakit, sa harap ng Diyos, binibilang ang mga ito bilang puhunan at mga merito. Inakala kong bagama’t wala akong malalaking nakamit, kahit papaano ay nagdusa ako, kaya hindi dapat ako tratuhin ng Diyos nang ganito. Nakipagtalo ako sa Diyos, nagrereklamo na hindi Niya ako tinatrato nang patas. Pinagsisihan ko pa nga ang aking mga nakaraang sakripisyo. Napakamapaghimagsik ko at hindi ako makatwiran! Nakita kong ang mga taon ng aking mga sakripisyo at paggugol sa aking pananalig ay para lamang magkamit ng biyaya at mga pagpapala bilang kapalit. Naisip ko ang mga hindi nananampalataya sa Diyos. Kumakain, umiinom, at tinatamasa nila ang lahat ng ipinagkaloob ng Diyos pero hindi sila nagpapakita ng pasasalamat ni sumasamba sa Langit, at kapag nahaharap sa mga sakunang likas at gawa ng tao, nagrereklamo sila at sinasalungat ang Langit. Hindi ba’t katulad lang ako ng mga hindi mananampalatayang ito? Ang katotohanan, lubos na normal para sa mga tao na magkasakit mula sa pagkain ng mga butil ng lupa. Walang kinalaman ang pagkakasakit sa kung nananampalataya ba ang isang tao sa Diyos o hindi, gayumpaman nagreklamo ako, kinuwestiyon, at humiyaw laban sa Diyos dahil sa karamdaman ko. Nakita kong wala akong konsensiya o katwiran. Wala akong kahit katititing na may-takot-sa-Diyos na puso. Napakamapaghimagsik ko! Lubos akong ibinunyag ng karamdamang ito at nakita ko kung gaano talaga kaliit at kahabag-habag ang tayog ko. Wala talaga akong katapatan sa Diyos. Sa pag-iisip tungkol dito, labis akong nakonsensiya. Pagkatapos ay naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Itinakda Ko ang mahigpit na pamantayan sa tao sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga layunin at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga layunin at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananalig. Kinamumuhian Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananalig(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). “Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Naramdaman kong nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng Diyos, at naramdaman ko rin ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi maaaring salungatin. Ang tarangkahan ng kaharian ng langit ay binabantayan ng Diyos, at hindi pinahihintulutang makapasok sa kaharian ang mga marumi at tiwali. Hindi mag-aalok ang Diyos ng madaling daan sa isang tao patungo sa Kanyang kaharian dahil sa kanilang mga pagpapagal o pagsisikap. Isa itong makalangit na tuntunin na walang sinuman ang makasisira. Naisip ko ang lahat ng taon ng pananalig ko. Itinuring ko ang aking mga panlabas na sakripisyo, paggugol, pagdurusa, at pagsisikap bilang puhunan para makapasok sa kaharian ng langit. Wala man lang akong pinakapangunahing pagpapasakop sa Diyos, kaya paano ako hindi kasusuklaman ng Diyos? Tapat ang Diyos, at lahat ng ginagawa Niya para sa tao ay taos-puso. Umaasa rin ang Diyos na magkakaroon ang mga tao ng tunay na pananalig at tunay na katapatan sa Kanya, pero sa paglipas ng mga taon ng pananalig ko, palagi akong nagkikimkim ng mga intensyong makipagtawaran at sinusubukang linlangin Siya sa mga tungkulin ko, at hindi nagbago kahit katiting ang aking mga tiwaling disposisyon. Sa anong paraan ako naging kalipikadong makapasok sa kaharian ng Diyos? Nang isipin ko ang tungkol dito, nakaramdam ako ng takot. Mapalad akong ibinunyag ako ng Diyos sa tamang oras, kung hindi, nagpatuloy sana ako sa paghahangad nang may maling perspektiba at nauwi sa lubos na kapahamakan. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos! Tahimik akong nanalangin sa puso ko, “O Diyos ko, napakatiwali ko. Hindi alintana kung may lunas man o wala para sa aking karamdaman, ipinagkakatiwala ko ang bagay na ito sa Iyo. Mabuhay man ako o mamatay, naniniwala akong nasa Iyong mga kamay ang lahat.” Pagkatapos manalangin, mas napanatag ako.

Sa hindi inaasahan, nang maging handa akong magpasakop, biglang bumalik ang nakababata kong kapatid na lalaki mula sa ibang lugar. Matapos malaman ang tungkol sa aking kondisyon, dumaan siya sa maraming hirap para maisaayos na magamot ako sa isang ospital. Halos hindi ako makapaniwala sa aking mga narinig. Sa kasagsagan ng ganito kalubhang pandemya, halos imposible nang matanggap sa anumang ospital, kaya hindi ko kailanman inaasahang matatanggap ako at magagamot nang ganito kabilis. Malinaw na malinaw sa akin na ito ay ang Diyos na nagbubukas ng daan palabas para sa akin. Nang may mga luha ng pasasalamat, inihandog ko ang aking pasasalamat at papuri sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko! Pagkatapos ng pagsusuri, na-diagnose ako na may pleural effusion at tuberculous pleurisy, at pagkatapos ng operasyon, nagsimulang gumana muli nang normal ang kanan kong baga. Naging maayos muli ang aking paghinga, at sumigla nang husto ang aking pakiramdam. Isang linggo pagkatapos maipasok sa ospital, tinulungan din ako ng ospital na ito na makipag-ugnayan sa isa pang ospital na gumagamot ng tuberculous pleurisy. Sa ganitong paraan, sabay na nagamot ang dalawang karamdaman. Nakita ko na ang pagbabalik ng kapatid ko at kung matatanggap ba ako para magamot ay nasa mga kamay lahat ng Diyos. Ang sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa akin ay isang bagay na kaya kong tiisin, at nagsisi ako para sa pag-aalala, kaunting pananalig, at mga maling pagkaunawang naibunyag ko tungkol sa Diyos. Makalipas ang isang buwan, pinalabas na ako sa ospital. Ipinagpatuloy ko ang aking buhay iglesia, at nagsimula na ulit akong gumawa ng aking tungkulin.

Sa pamamagitan ng karamdamang ito, naunawaan kong lahat ng ginagawa ng Diyos ay makabuluhan at naglalaman ng masisidhing layunin ng Diyos. Ang pagdurusang ito na tiniis ko ay dahil sa malalim kong katiwalian, at ito rin ay pagdadalisay at pagliligtas ng Diyos para sa akin. Kung hindi dahil sa karamdamang ito at sa paglapit ng kamatayan, hindi ko sana napagtanto kung gaano kaseryoso ang aking mga intensyong maghangad ng mga pagpapala, at nagpatuloy sana akong malinlang ng ilusyon na tila ako ay nagdurusa at nagbabayad ng halaga. Ang paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos ang nagbigay-daan sa aking makita ang pagkamakasarili, pagiging kasuklam-suklam, at karumihan sa aking pananampalataya, na nagbigay-daan sa aking magkamit ng tamang layon at direksyon sa aking paghahangad, at medyo bitiwan ang aking intensyong maghangad ng mga pagpapala. Ngayon, halos normal na akong nakakapamuhay at nakakapagtrabaho, at bagama’t minsan ay bumabalik ang aking kondisyon, alam kong ito ang pagdurusang dapat kong tiisin, at kaya kong magpasakop sa kaibuturan ko. Hindi na ako umaasa na bibigyan ako ng Diyos ng kalusugan, at kaya ko ring gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya nang naaayon sa aking pisikal na kondisyon. Hindi alintana kung lubusan mang gagaling ang karamdaman ko o hindi, masigasig kong hahangarin ang katotohanan, hahangarin ang pagbabago sa disposisyon, at tutuparin ang aking tungkulin.

Sinundan:  64. Paano Itaguyod ang Tungkulin sa Gitna ng Panganib

Sumunod:  66. Nakawala Ako Mula sa mga Gapos ng Inggit

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger