67. Pagbitiw sa Kayamanan: Isang Personal na Paglalakbay
Ipinanganak ako sa isang pamilyang taga-bukid. Noong bata pa ako, sobrang hirap ng pamilya namin na halos hindi na kami makakain, at mababa ang tingin sa amin ng lahat. Naisip ko noon, “Paglaki ko, kikita ako ng maraming pera para guminhawa ang buhay ng pamilya ko, para hindi na kami maliitin o pagtawanan ng mga tao.” Kalaunan, nagkasakit ang nanay ko, at naubos namin ang lahat ng aming ipon. Nag-alala ang mga kaibigan at kamag-anak namin na uutang kami sa kanila, kaya nagdadahilan sila para iwasan kami. Noong wala na kaming ibang mapuntahan, ipinangaral sa amin ng tiyahin ko ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Milagrosong gumaling ang nanay ko pagkatapos niyang matagpuan ang Panginoon, at nagsimula na rin ang pananalig ko noon.
Para kumita ng mas maraming pera at mamukod-tangi, sa edad na 13, nagsimula akong magbenta ng posporo, sigarilyo, at buto ng mirasol sa palengke; sa edad na 15, nagsimula akong magtayo ng mga puwesto kung saan-saan; at sa edad na 18, sinubukan kong pumasok sa pagnenegosyo ng tabla. Ngunit dahil wala akong sapat na puhunan, dinala ako ng kuya ko sa bahay ng kaklase niya sa bayan para mangutang ng pera. Nakita ko ang mayamang pamilyang ito at ang lahat ng kanilang mga appliance, kumakain sila ng pakwan at gumagamit ng air-con sa maiinit na araw ng tag-araw, at labis akong nainggit sa kanila. Sa aming bahay, wala man lang kaming electric fan. Gaano man kainit, pamaypay lang ang magagamit namin, at tubig lang mula sa balon ang pamatid-uhaw namin. Noong panahong iyon, napaisip ako kung bakit napakalaki ng pagkakaiba ng aming mga pamilya. Ang mayayaman ay namumuhay nang maayos—kailan kaya ako makakapamuhay na tulad nila? Mula noon, lalong tumindi ang pagnanais kong mamuhay nang nakatataas sa iba. Ngunit hindi pa rin ako gaanong kumikita sa aking negosyo. Pagkatapos kong ikasal, kami ng asawa ko ay pumunta sa ibang lugar para magtrabaho, at pumasada ako ng pedicab para kumita pa ng dagdag. Ngunit lumipas ang mga taon, at ang kinikita namin ay halos hindi pa rin sapat para sa aming pang-araw-araw na pamumuhay.
Noong Pebrero ng 2000, nakita kong ilang kababayan ko ang kumikita nang malaki bilang mga ahente sa negosyo ng damit kaya gusto ko rin iyong subukan. Sa bandang huli ay nagawa kong maging pangkalahatang ahente para sa probinsya. Noong una, walang mga customer na pumupunta para umorder, kaya nagsimula akong magbahay-bahay para ipakilala ang aking mga produkto. Para umunlad ang negosyo, inasikaso kong mag-isa ang lahat ng bagay: ang pagbili ng mga produkto, paniningil sa mga customer, pag-iimpake at pagpapadala ng mga order…. Halos 16 na oras akong nagtatrabaho araw-araw. Madalas, sobrang abala ako na hindi na ako makakain. Ngunit pagkatapos ng ilang taon ng pagsisikap, sa wakas ay nagsimula na akong kumita ng pera. Nakabili ako ng kotse at bahay, at tiningala ako ng aking mga kasamahan sa negosyo, mga kaibigan, at pamilya, at pinuri nila ako sa aking mga kakayahan. Binabati ako ng mga tao saanman ako magpunta. Kapag umuuwi ako sa amin para sa Bagong Taon ng mga Tsino, tinitingnan ako nang may paghanga ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar at tinatawag nila akong “Mr. Big Shot” saanman ako magpunta. Ang lahat ng papuring ito ay talagang nagpasaya sa akin at ginawang sulit ang lahat ng pagdurusa. Ngunit dahil abala ako sa buong taon, sobrang hindi regular ang aking pagkain at nagkaroon ako ng malubhang sakit sa tiyan na nagdudulot sa akin ng matinding sakit sa tuwing kumakain ako. Dahil sa matagal kong sobrang pagtatrabaho, na-deform din ang isa sa aking mga lumbar disc, at minsan ay namamanhid o pinupulikat ang aking mga kamay, ngunit para palakihin ang negosyo at kumita ng mas maraming pera, isinantabi ko ang aking sakit at ipinagpatuloy ko ang pagnenegosyo. Minsan, pakiramdam ko ay hindi na talaga kaya ng katawan ko, pero kapag nakikita kong tumataas ang mga benta taun-taon at na ang kumpanya ay may netong kita na mahigit isang milyong yuan bawat taon, nakakalimutan ko ang aking karamdaman at nagpapatuloy ako sa pagtatrabaho. Isang taon, pumangalawa ang aming sangay sa buong bansa sa mga benta, at ginawaran kami ng mahigit 300,000 yuan sa mga bonus pa lang. Tiningnan ako nang may inggit ng lahat ng iba pang mga ahente. Pagkatapos, binigyan ako ng kumpanya ng mas mataas pang target sa benta at hiniling na magsikap akong maging No. 1 sa buong bansa. Isa rin itong layuning matagal ko nang inaabot, dahil kapag mas maganda ang aking pagganap, mas marami akong kinikita at mas malaki ang aking mga bonus. Makakamit ko ang pagpupuri at pagtingala ng iba saanman ako magpunta, at mas gaganda ang aking reputasyon. Ngunit kasabay ng labis kong kasiyahan sa sarili at pagsisikap na maabot ang tuktok, pabagsak naman ang aking kalusugan. Palaging sumusumpong ang sakit ko sa tiyan, madalas ding sumakit ang likod ko, at hindi ako makatayo nang matagal. Nagpunta ako sa ospital para magpasuri at sinabi sa akin ng doktor na kailangan kong kumain sa tamang oras para unti-unting gumaling ang problema ko sa tiyan. Sinabi rin niya, “Na-deform na ang iyong lumbar disc. Kailangan mong magpahinga at huwag masyadong magpagod. Kung hindi ka makikipagtulungan sa gamutan, maaaring maipit nito ang mga nerbiyos at mauwi sa paralisis.” Naisip ko, “Sobrang abala ako sa trabaho, paano ako magkakaroon ng ganoong karaming oras para alagaan ang sarili ko?” Pinilit kong tiisin ang sakit at magpatuloy sa mga pakikipag-ugnayan sa negosyo. Ang unang naiisip ko sa umaga ay kung paano kumita ng pera at pagkatapos ng isang abalang araw, sobrang pagod ako na madalas akong nakakatulog agad pagkahiga ko sa unan. Madalas sabihin ng asawa ko na mas pinapahalagahan ko ang pera kaysa sa buhay. Sa araw, sa sobrang abala ko sa trabaho, nakakalimutan ko ang aking karamdaman, ngunit kapag nakahiga na ako sa kama sa gabi at hindi makatulog, pabaling-baling dahil sa sakit, naiisip ko, “Kumita na ako ng pera, mas komportable na ang pamumuhay ko, at hinahangaan na ako ng iba, pero punung-puno ako ng mga problema sa kalusugan at wala pa man lang akong 40. Sino ang nakakaalam kung anong magiging kalagayan ko pagtanda ko.” Ang pasakit ng aking karamdaman, ang pressure sa isip, pati na ang panlilinlang at tunggalian sa aking propesyonal na buhay, ay madalas na nagdudulot sa akin ng hindi matiis na pasakit at pagkapagod. Bakit hindi ako pinaligaya ng aking kayamanan? Wala akong nararamdamang kapayapaan o kapanatagan ng kalooban at walang anumang bagay na talagang maaasahan ko. Maaari kayang mamumuhay ako ng isang hungkag at masakit na buhay, naghahabol lang ng pera, katanyagan, at pakinabang? Ito ba ang buhay na gusto ko?
Sa gitna ng aking pasakit at pagkalito, ipinangaral ng mga kapatid sa aming mag-asawa ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong 2009. Sa pagbabasa ng salita ng Diyos at pamumuhay ng buhay iglesia, naunawaan kong ang Diyos ay nagkatawang-tao sa mga huling araw para ipahayag ang mga katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol at paglilinis sa mga tao, at tanging ang mga tumatanggap sa Kanyang paghatol at nalilinis ang maaaring akayin sa isang mabuting hantungan. Mabilis kaming nakatiyak ng aking asawa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Araw-araw kong binabasa nang may pananabik ang salita ng Diyos, tinatamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang salita. Napuno ng kapayapaan at kagalakan ang aking puso. Noong panahong iyon, napaisip ako, “Ang tanging gusto ko lang dati ay yumaman at mamuhay nang masaya, ngunit pagkatapos kong kumita ng maraming pera, bakit ba nakakaramdam ako ng kahungkagan at pasakit sa halip na kaligayahan?” Nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos na lumutas sa aking pagkalito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May napakalaking lihim sa iyong puso, na hindi mo kailanman namamalayan, dahil ikaw ay nabubuhay sa isang mundo na walang liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay naagaw na ng masama. Ang iyong mga mata ay nalalambungan ng kadiliman, at hindi mo nakikita ang araw sa langit ni ang kumikislap na bituing yaon sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan ng mapanlinlang na mga salita, at hindi mo naririnig ang dumadagundong na tinig ni Jehova, ni ang lagaslas ng tubig na dumadaloy mula sa trono. Nawala sa iyo ang lahat ng dapat na pag-aari mo, lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Nakapasok ka sa walang katapusang dagat ng pagdurusa, nang walang puwersang sasagip sa iyo, walang pag-asang makaligtas, at ang tanging ginagawa mo ay magsumikap kumawala at magmadali…. Mula sa sandaling iyon, ikaw ay itinadhana nang pahirapan ng masama, napakalayo sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, malayo sa mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, tumatahak sa landas na wala nang balikan. … Wala kang ideya kung saan ka nagmula, kung bakit ka isinilang, o kung bakit ka mamamatay. Tinitingnan mo ang Makapangyarihan sa lahat bilang isang estranghero; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan; lalong hindi mo alam ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Lahat ng nagmula sa Kanya ay naging kamuhi-muhi na sa iyo; hindi mo ito itinatangi, ni alam ang halaga nito. Naglalakad ka kasama ang masama, mula sa araw na natanggap mo ang panustos ng Makapangyarihan sa lahat. Natagalan mo ang libu-libong taon ng bagyo at unos kasama ang masama, at magkatulong kayo sa pagsalungat sa Diyos na pinagmulan ng buhay mo. Hindi ka marunong magsisi, lalong hindi mo alam na humantong ka na sa bingit ng kamatayan. Nakalimutan mo na ang masama ang tumutukso at nagpapahirap sa iyo; nakalimutan mo na ang iyong mga pinagsimulan. Kaya, hakbang-hakbang kang pinahirapan ng masama hanggang sa kasalukuyan. Namanhid na at nabulok ang iyong puso at espiritu. Hindi mo na idinaraing ang pagdurusa sa mundo ng tao; hindi ka na naniniwala na hindi makatarungan ang mundo. Lalong wala kang pakialam kung umiiral ba ang Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil matagal mo nang itinuring ang masama bilang iyong tunay na ama at hindi maaaring mawalay sa kanya. Ito ang lihim sa iyong puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang ugat na dahilan ng pagdurusa ng tao sa buhay: ang panlilinlang at katiwalian ni Satanas. Nilikha ng Diyos ang tao, at dati ay namumuhay ito sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Ngunit dahil sa panlilinlang at katiwalian ni Satanas, ipinagkanulo at nilayuan ng tao ang Diyos, wala itong ideya kung ano ang halaga at kahulugan ng buhay, sumunod ito sa masasamang kalakaran ni Satanas ng kayamanan, katanyagan, pakinabang, at pagpapakasasa sa makamundong kasiyahan, at namuhay ito sa ilalim ng pang-aabuso ni Satanas. Nahubog ako ng masasamang kalakaran ni Satanas. Gusto ko lang yumaman at mamuhay nang nakatataas sa iba, at sa paghahangad ng mas maraming pera, lubos kong pinabayaan ang aking katawan. Kahit na ang aking mga karamdaman ay nagdulot sa akin ng hindi matiis na pasakit, hindi ko magawang pakawalan ang anumang pagkakataong kumita ng pera. Namumuhay ako ng napakasakit na buhay dahil sa panlilinlang at pinsala ni Satanas! Muling nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para ipahayag ang mga katotohanan, upang iligtas ang tao mula sa impluwensiya ni Satanas, upang makatakas ang tao sa katiwalian at pinsala ni Satanas, at akayin ang tao sa isang mabuting hantungan. Dahil sa pagliligtas at awa ng Diyos sa akin, pinalad akong masalubong ang pagbabalik ng Panginoon at marinig ang tinig ng Lumikha. Pagkatapos nito, dahan-dahan kong binitiwan ang mga bagay-bagay sa negosyo, at naglaan ako ng mas maraming oras sa pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng salita ng Diyos. Unti-unti, nagsimula akong makaunawa ng ilang katotohanan. Ang pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos ng mga katotohanan sa mga huling araw at paggawa ng gawain ng paghatol ay ang huling yugto ng 6,000-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at ang mga hindi tumatanggap sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw at hindi nalilinis ay masasawi sa malalaking kalamidad at parurusahan sa huli. Ngunit maraming tao sa paligid ko ang hindi pa nakakarinig sa tinig ng Diyos at hindi pa nakakasalubong sa pagbabalik ng Panginoon. Labis akong nag-alala dahil dito. At nang makita kong nangangaral ng ebanghelyo ang iba at nagpapatotoo tungkol sa Diyos habang ako ay nagugumon pa rin sa mga bagay-bagay sa kumpanya at hindi gumagawa ng tungkulin, naramdaman kong labis akong nagkukulang sa Diyos, ngunit hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kaya, dinala ko ang aking mga iniisip at problema sa harap ng Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanyang akayin ako sa sitwasyong ito.
Pagkatapos manalangin, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong pakiramdam ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang wasto bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang malakas na pakiramdam sa pagiging pinuno? Paano mo ipaliliwanag ang pinuno ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang pinuno ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na akayin sila? Mabigat ba ang iyong gampanin? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano katindi ang kanilang balisang pag-asa, at kung paano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at napakong kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang magsikap, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, paano mo bibigyang-kahulugan ang pagkakasangkapan ng Diyos sa iyo upang maipamuhay mo ang iyong pambihirang buhay? Talaga bang mayroon kang matibay na pasya at tiwala na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Mula sa salita ng Diyos, naramdaman ko ang Kanyang apurahang layunin. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan, ngunit napakarami pa ring hindi pa nakakarinig sa Kanyang tinig o nakakasalubong sa Kanyang pagpapakita, at nagdurusa pa rin sa kadiliman, lalo na ang mga matagal nang nananampalataya sa Panginoon. Umaasa sila sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus para iligtas sila mula sa kadiliman, ngunit dahil sila ay nalihis at nalinlang ng mga pastor at elder, hindi pa nila nasasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at lubha silang nangangailangan ng isang taong magpapatotoo sa kanila tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at aakay sa kanila papunta sa harap ng Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Bilang isang nilikha, dapat akong magkaroon ng katwiran at konsensiya, dapat kong pakinggan ang layunin ng Diyos para suklian ang Kanyang pagmamahal, at dapat akong magdala ng mas maraming tao sa harap Niya para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Ito ang pinakamakatarungang adhikain at ang aking tungkulin at obligasyong hindi ko maaaring talikuran. Sa harap ng layunin at mga hinihingi ng Diyos, alam kong kung mananatili akong walang pakialam at hindi kayang suklian ang pagmamahal ng Diyos, talagang magiging walang konsensiya o katwiran ito, at hindi ako magiging karapat-dapat na tawaging tao! Napagtanto ko ang bigat ng aking responsabilidad at agarang ninais na mangaral ng ebanghelyo at gawin ang aking tungkulin. Kaya, kinausap ko ang aking asawa tungkol sa paglilipat ng kumpanya para magkaroon ako ng mas maraming oras at lakas na hangarin ang katotohanan at gumawa ng tungkulin. Sinabi niya sa akin, “Nakatamasa tayo ng napakaraming biyaya at pagpapala ng Diyos sa mga taong ito; dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Kung hindi tayo kikilos at makikipagtulungan sa Diyos para suklian ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng isang tungkulin, tunay ngang labis tayong nagkukulang sa Kanya at hindi ito makakayanan ng ating mga konsensiya!” Ang marinig ang sinabi ng aking asawa ay lalong nagpatibay sa aking desisyong ipasa ang kumpanya. Ngunit nang bumalik ako at nakita kong abala ang mga manggagawa sa pag-iimpake at pagpapadala ng mga kalakal, bigla akong nanghinayang sa kumpanyang ito na itinayo ko gamit ang sarili kong mga kamay. Hindi naging madaling itayo ito hanggang sa puntong ito at makamit ang lahat ng mga ari-ariang ito, kaya nag-aatubili akong ipasa ang lahat ng ito. Naisip ko ang mga taon ko ng pagpasada ng pedicab, paggawa ng mabibigat na trabaho, ang pagtrato sa akin na parang hayop na pantrabaho, at kung paanong pagkatapos ng lahat ng taong ito ng pagsisikap, mayroon na akong sariling kumpanya, nagkaroon na ako ng maraming customer, at nagkaroon na ng matatag na kita. Kung talagang bibitiwan ko ang kumpanya, hindi ba’t mawawala sa akin ang buo kong pinagkukunan ng kita? Mauuwi kaya ako sa pamumuhay ng parehong buhay ng pagdurusa tulad ng dati? Hindi lang sa hindi ako hahangaan ng mga tao; mamaliitin pa nila ako. Ngunit kung gugugulin ko ang aking mga araw sa pagiging abala sa negosyo at pagkita ng pera, wala akong magiging oras para gumawa ng tungkulin at hindi ko mapapanatag ang sarili ko sa harap ng Diyos. Paano ko makakamit ang katotohanan kung ganito ang aking pananalig? Kaya, nakaisip ako ng solusyon. Ipapasa ko ang kontrata ng kumpanya sa dalawang tagapamahala para sila ang humawak sa administrasyon at pamamahala, para ang ahensya ng kumpanya ay mananatili pa ring sa akin. Sa ganitong paraan, pagkatapos ibawas ang kanilang mga dibidendo sa pamamahala, makakakuha pa rin ako ng 1.6 milyong yuan bawat taon. Sa gayon, magkakaroon ako ng matatag na kita at oras para gumawa ng tungkulin. Hindi ba’t malulutas ng solusyong iyon ang dalawang problema? Ngunit kalaunan, nag-alala akong baka magtulungan sila laban sa akin. Kapag nagkagayon, hindi lang ako walang kikitain, kundi maaari pang mawala sa akin ang paunang halaga ng kumpanya. Hindi ba’t doble pa ang mawawala sa akin niyan? Sa isiping ito, hindi pa rin ako makapagpasya. Kaya dinala ko ang usapin ng paglilipat ng kumpanya sa harap ng Diyos sa panalangin, “Diyos ko! Gusto kong gawin nang maayos ang aking tungkulin para suklian ang Iyong pagmamahal, ngunit natatakot akong maghirap kung ipapasa ko ang aking kumpanya. Naipit ako sa dalawang mahirap na pagpipilian at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pakiusap, gabayan Mo ako sa paghahanap ng landas ng pagsasagawa.”
Pagkatapos nito, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabago-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa, at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa kawalan ng kakayahan ng puso ninyo na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? Magpapasakop ba kayo sa Aking mga salita o tututol sa mga ito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Pakiramdam ko ay kaharap ko ang Diyos at taimtim Niya akong tinatanong kung kayamanan ba o katotohanan ang pipiliin ko. Umaasa ang Diyos sa aking sagot, ngunit pinili ko ang kayamanan. Sa pag-iisip nito, labis akong nakonsensiya at nakaramdam ng pagkakautang. Naisip ko ang marami sa aking mga kapatid. Nang maunawaan nila ang layunin ng Diyos, nagawa nilang isuko ang lahat para sumunod sa Diyos, gawin ang kanilang tungkulin, at ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ngunit ang pananalig ko ay binubuo lamang ng pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng salita ng Diyos. Hindi ko ginawa ang tungkulin ng isang nilikha. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang konsensiya at katwiran! Ayaw kong maantala ang aking tungkulin, ngunit ayaw ko ring bitiwan ang pera. Ako ay tulad ng inihayag ng Diyos: “yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay.” Hinahangad ko lang na mabusog sa tinapay, kaya hindi ako makakamit ng anumang katotohanan. Sa huli, matitiwalag lang ako ng Diyos. Naisip ko ang asawa ni Lot na tumatakas mula sa Sodoma. Naging haliging asin siya dahil hindi niya kayang bitiwan ang kayamanan at lumingon siya pabalik, naging simbolo ng kahihiyan. Sa anong paraan ako naiiba sa kanya? Naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Walang tao, ang humahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos” (Lucas 9:62). Binigyan ako ng Diyos ng hindi mabilang na mga ari-arian at pinanatili akong may pagkain at damit, ngunit hinahangad ko pa rin ang kayamanan at hindi ako gumagawa ng tungkulin. Para akong ahas na sinusubukang kainin ang isang elepante, hindi kailanman nasisiyahan! Handa akong makipaglaban at ibigay ang aking buhay para sa kayamanan ngunit ayaw kong magbigay ng anuman para sa katotohanan. Talagang hindi ako karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng Diyos! Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang bawiin ang panahon ay pagliligtas sa buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kang mag-aral para dito nang paulit-ulit. Gayumpaman, hindi na maaantala pa ang Aking araw. Tandaan! Tandaan! Ito ang mabubuting salita Ko ng panghihikayat. Nalantad na sa inyo ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at malapit nang dumating ang malalaking kalamidad. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang inyong pagkain at inumin at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito! Huwag nang magduda pa! Masyado kayong natatakot na seryosohin ang mga bagay na ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). Bawat salita ng Diyos ay kumurot sa aking puso at nagpaalala sa aking tingnan nang malinaw kung buhay ba o kayamanan ang mas mahalaga. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos para ipahayag ang mga katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol. Isa itong magandang pagkakataon para gawin ang aking tungkulin, makamit ang katotohanan, at maperpekto ng Diyos. Kung palalampasin ko ang pagkakataong ito, pagsisisihan ko ito habambuhay. Pagdating ng malalaking kalamidad, ano pa ang silbi ng lahat ng aking mga ari-arian? Hindi ba’t mamamatay pa rin ako? Pagkatapos ay dinala kong muli ang usapin ng paglilipat ng kumpanya sa harap ng Diyos sa panalangin at nagpasya akong ipasa ang kumpanya.
Sumiklab sa galit ang aking biyenang lalaki nang malaman niyang ipapasa ko ang kumpanya. Sumimangot siya sa akin, sinasabing, “Handa ka bang ipasa na lang sa iba ang kumpanyang ito na pinaghirapan mo nang husto? Ang netong kita ng kumpanya ay mahigit 2 milyong yuan bawat taon; Hinding-hindi kita hahayaang ipamigay na lang iyan!” Ang marinig ang sinabi niya ay medyo nakapagpayanig sa akin. Naging napakaganda ng negosyo ngayong taon at lumampas pa ito sa aking mga inaasahan, at walang makapagsasabi kung gaano pa kaganda ang mga bagay sa hinaharap. Kung ipapasa ko lang ang negosyo nang ganito, at mauubos lang namin ang aming pera, sino pa sa aming mga kaibigan at pamilya ang rerespeto sa amin? Pinag-isipan kong ipasa ang isang bahagi nito habang may hawak pa rin akong ilang stock para makatanggap pa rin kami ng kaunting kita mula sa dibidendo bawat taon. Binanggit ko sa asawa ko ang mungkahi ko at sinabi niya, “Sa tingin ko, dapat mong isuko na ang lahat para hindi mo na isipin pa ang mga share. Sa gayon, magkakaroon ka ng lakas para hangarin ang katotohanan, at hindi maaantala ang iyong tungkulin. Pagdating ng malalaking kalamidad, walang anumang halaga ng pera ang makapagliligtas sa atin. Kailangang maging malinaw ito sa iyo!” Nagpatuloy siya, “Ang pinakamahalagang bagay na dapat nating gawin ngayon ay ang maglaan ng mas maraming oras sa paghahangad ng katotohanan. Ang pagkakamit ng katotohanan at paghahanda ng mabubuting gawa ay mas mahalaga kaysa sa materyal na kayamanan!” Sinuportahan din ng aking mga anak ang pananaw na ito at sinabing dapat kong ipasa ang buong kumpanya. Ilang araw akong gulung-gulo ang isip tungkol dito. Dinala ko ang usapin sa harap ng Diyos sa panalangin, “Diyos ko! Alam ko sa teorya na kung sa yaman ba o kahirapan mamumuhay ang isang tao ay pinamamahalaan at pinagpapasyahan Mo, ngunit nahihirapan talaga akong bitiwan ang aking kayamanan. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig para makagawa ng tamang desisyon.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong bumaba sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo ang mas marami, mas mataas na mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Inihayag ng salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Sa pagpapasya sa pagitan ng kayamanan at tungkulin, palagi akong nag-aatubili. Palagi kong gustong asikasuhin ang aking mga pangangailangan sa pagkain at damit at tiyakin na magkakaroon ako ng isang buhay na malaya sa mga materyal na alalahanin bago ako maging handang gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Nakita kong masyado akong naguguluhan sa aking pananalig at hindi ako taos-pusong gumugugol ng aking sarili para sa Diyos. Gumagawa ang Diyos nang buong puso para iligtas ang sangkatauhan, ibinibigay pa nga ang Kanyang buhay para sa atin. Ngunit hindi ko kailanman inialay ang buo kong puso sa Diyos. Hindi ko kailanman naunawaan o pinansin ang Kanyang layunin. Para sa akin, mas mahalaga ang kayamanan kaysa anupaman. Nakita kong talagang naging makasarili ako! Naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” (Mateo 16:26). Gaano man karaming pera ang kitain ko, materyal na kayamanan ang tamasahin ko, o paghanga ang makamit ko, kung hindi ko makakamit ang katotohanan o mababago ang aking tiwaling disposisyon, ano pa ang kabuluhan ng lahat ng iyon? Hindi ba’t masasawi pa rin ako sa huli? Walang anumang halaga ng pera ang makapagliligtas sa aking buhay o makabibili sa akin ng pagkakataon na maligtas. Naalala ko ang isang negosyanteng kilala sa buong mundo na may mga ari-arian sa iba’t ibang bansa, at ang kanyang mga kumpanya ay nagpapayaman sa kanya bawat segundo. Napakayaman niya, naglakbay siya sa buong mundo, at nagtamasa ng isang buhay ng materyal na kasiyahan, ngunit gaano man karaming yaman o ari-arian ang kanyang nakamit, nakaramdam siya ng kahungkagan. Hindi niya mahanap ang anumang halaga o kahulugan sa buhay, kaya nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pagtalon sa karagatan. Habang mas hinahangad ng isang tao ang pera, katanyagan at pakinabang, mas lalong espirituwal na nababagabag at hungkag ang nararamdaman ng isang tao, at sa huli, sinisira nito ang isang tao! Naisip ko kung paanong dati ay walang tigil akong nagtatrabaho na parang makina buong araw para sa pera, katanyagan at pakinabang, at kung paano ako nagkasakit nang husto dahil dito. Hindi ako makakain o makatulog nang maayos, at namuhay ako sa patuloy na pasakit. Dumating ang Diyos para gawin ang gawain para iligtas ang tao sa mga huling araw, ngunit nag-aalala akong baka maghirap ako at maliitin ng mga tao. Sadyang hindi ko mabitiwan ang aking pera. Gaano man karaming pera ang kitain ko, kung sa huli ay mawawala sa akin ang katotohanan at ang pagkakataon kong maligtas, ano pa ang magiging kabuluhan ng anumang halaga ng pera? Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos para ipahayag ang mga katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol. Umaasa ang Diyos na mas maraming tao ang titindig at ipalalaganap ang Kanyang ebanghelyo para ang mga nananabik sa Kanyang pagpapakita ay marinig ang Kanyang tinig at bumalik sa harap Niya bilang ang Lumikha. Higit pa rito, umaasa ang Diyos na malilinis tayo at mababago sa pamamagitan ng pagdanas sa Kanyang mga salita at gawain sa paggawa ng ating mga tungkulin at na sa huli, maliligtas Niya tayo. Ngunit hindi ko naunawaan ang apurahang layunin ng Diyos at kumapit ako sa aking pera. Napakahangal ko at bulag! Ang dapat kong gawin ay isuko ang lahat para gumugol ng sarili para sa Diyos at hangarin ang katotohanan. Ito ang talagang mahalaga. Kalaunan, binalewala ko ang matinding pagtutol ng aking biyenang lalaki at ipinasa ko ang aking kumpanya.
Mula noon, hindi na ako nag-alala pa tungkol sa pamamahala ng kumpanya. Ang pasanin at pressure ng lahat ng mga taong iyon ay biglang nawala, nagkaroon ng kaayusan ang aking buhay, at dahan-dahan, ngunit milagroso, gumaling ako sa iba’t ibang karamdaman na dumapo sa akin. Tunay ngang biyaya ito ng Diyos! Sumali ako sa hanay ng mga manggagawa ng ebanghelyo at nagtrabaho ako nang maayos kasama ang iba sa pagpapalaganap at pagpapatotoo sa ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Pakiramdam ko ay napakapuno ng kabuluhan ang mamuhay nang ganito. Sa mga sumunod na karanasan, sa pamamagitan ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita ang ugat ng aking kawalan ng kakayahang bitiwan ang kayamanan sa aking pananalig. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo.’ Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para makakuha ng pera? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? … Nadarama mo ba kapag inililigaw at ginagawa kang tiwali ni Satanas? Hindi. Kung hindi mo nakikita si Satanas na nakatayo sa harap mo mismo, o nadarama na si Satanas iyon na kumikilos nang patago, makikita mo ba ang kasamaan ni Satanas? Malalaman mo ba kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas na labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ipinatatanggap sa iyo ni Satanas ang mga kaisipan nito, ang mga pananaw nito, at ang mga buktot na bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na hindi mo ito namamalayan at kapag hindi mo napapansin kung ano ang nangyayari sa iyo. Tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito nang lubusan. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ganito ang pamumuhay ng mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala silang malay na sinusunod nila si Satanas, at lalo pang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Inilantad ng salita ng Diyos ang lagay ng lipunan ngayon, at ang sarili kong tunay na kalagayan. Mula pagkabata, ang mga satanikong lason tulad ng “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Ang taong may pera ay mas tinitingala kaysa sa taong walang pera,” at “Ang pera ay hindi ang lahat-lahat, ngunit kung wala ito ay wala kang magagawa” ay banayad na nakaapekto sa akin at nagtulak sa aking pahalagahan ang pera nang higit sa anupaman. Nagpaisip ito sa akin na ang pagkakaroon ng pera ay ang lahat-lahat na, na kung may pera ka, makakapamuhay ka sa materyal na kaginhawahan at makakatindig nang taas-noo, na saan ka man magpunta, susuportahan ka, igagalang, at pupurihin, at na ito ay isang marangal at makabuluhang paraan ng pamumuhay. Inakala kong kung walang pera, hindi ka igagalang ng mga tao at aapihin ka, kaya hinangad ko ang pera bilang aking tanging layunin. Noong una, piniga ko ang aking utak para makahanap ng mga paraan para kumita ng pera at makakuha ng mga kliyente, gumagamit ng pambobola at matatamis na kasinungalingan, paikot-ikot na parang trumpo buong araw. Kahit pagod, patang-pata, o maysakit pa nga ako, hindi ko magawang magpahinga kahit isang araw, at bilang resulta, bumagsak ang aking katawan. Nagkaroon ako ng iba’t ibang problema sa tiyan at sa buong likod ko, kaya naging napakasakit ng buhay ko at hindi ako makakain o makatulog nang maayos. Ngunit kahit sa ganitong kondisyon, nagsikap pa rin akong kumita ng pera. Namuhay ako ayon sa mga batas ni Satanas para sa pananatiling buhay at naging lubhang makasarili at sakim ako. Lubusan akong naging alipin ng pera. Ginamit ni Satanas ang pera, katanyagan at pakinabang para lubusang gawin akong tiwali! Ang kakayahan kong isuko ang aking kumpanya at pera para gawin ang aking tungkulin ay pawang bunga ng kaliwanagan at paggabay ng salita ng Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin. Dapat kong pahalagahan ang pambihirang pagkakataong ito at gawin nang maayos ang aking tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos.
Pagkatapos nito, nabasa ko ang ilang sipi ng salita ng Diyos na talagang nagbigay-sigla sa akin. Sabi ng Diyos: “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang iyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). “Ngayon mismo, bawat araw na pinagdaraanan ninyo ay lubhang mahalaga, at ito’y may pinakamahalaga sa iyong hantungan at kapalaran, kaya’t dapat ninyong itangi ang lahat ng mayroon kayo ngayon, at pahalagahan ang bawat minutong lumilipas. Dapat ninyong samantalahin ang pinakamaraming oras sa abot ng makakaya ninyo para makamit ang pinakamalalaking pakinabang, upang sa gayon hindi kayo nabuhay sa buhay na ito nang walang kabuluhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Mas lalong pinalinaw sa akin ng salita ng Diyos na ang pagpili kong isuko ang negosyo, sumunod sa Diyos, at gawin ang aking tungkulin ay ang tunay na tamang landas sa buhay, at na ito ang pinakamakabuluhan at pinakamakahulugang paraan ng pamumuhay. Ngayon, sa wakas ay malinaw na sa akin na ang paggawa ng tungkulin sa pananampalataya sa Diyos ay ganap na likas at makatwiran, at na ito ay misyon at responsabilidad ng isang tao sa buhay. Ang pinakamakabuluhan at pinakamakahulugang paraan ng pamumuhay ay ang sumunod sa kalooban ng Diyos, at pagpapalain Niya at aalalahanin ang mga ito nang higit sa anupaman. Wala nang gaanong oras para hangarin ang katotohanan at gawin ang aking tungkulin ngayon. Dapat kong pahalagahan ang bawat araw, lalo pang basahin ang salita ng Diyos, lalo pang ipangaral ang ebanghelyo, at pagsikapan na gawin nang maayos ang aking tungkulin para masuklian ko ang pagmamahal ng Diyos at aliwin ang Kanyang puso sa natitirang panahon.