8. Pagkatapos Mawasak ang mga Pag-asa Kong Aalagaan Ako ng Anak Ko sa Aking Pagtanda
Magmula pa noon, madalas kong marinig ang matatanda na nagsasabing masuwerte si ganito at si ganoong tao, dahil mabubuti sa magulang ang mga anak nila. Kapag may sakit sila, nasa tabi nila ang mga anak nila na inaalagaan sila, at sa pagtanda nila, nabibigyan sila ng marangal na libing, at para bang namuhay sila ng isang makabuluhang buhay. Ang paniniwalang ito na “Palakihin ang mga anak para alagaan ka sa iyong pagtanda” ay malalim na nag-ugat sa puso ko. Noong nagkasakit ang mga magulang ko, nagsalitan kaming magkakapatid para alagaan sila, at pagkatapos pumanaw ng mga magulang namin, inilibing namin sila nang may dangal. Naniniwala akong hindi nawalan ng saysay ang pagpapalaki sa amin ng mga magulang namin, at naisip ko, “Hindi ba’t ang dahilan ng isang tao sa pagpapalaki sa mga anak ay para may mag-alaga sa kanya hanggang kamatayan at isaayos ang libing niya?” Sa bayan namin, may nag-iisang matandang babae. Pareho nang namatay ang asawa at anak niyang lalaki, naiwan siyang namumuhay mag-isa at walang kakayahang tulungan ang sarili niya. Sa pagtanda niya, walang nag-aalaga sa kanya kapag may sakit siya, at walang nag-ayos ng libing niya pagkamatay niya. Para sa akin, mukhang miserable ang buhay niya. Pagkatapos kong mag-asawa, nagkaanak ako ng isang lalaki. Noong labinlimang taong gulang ang anak ko, pumanaw ang asawa ko. Malaking dagok sa akin ang pagkamatay ng asawa ko. Dahil sa lahat ng hirap ng buhay, pang-aapi ng mga tao, at mga tsismis, halos nawalan na ako ng lakas ng loob na magpatuloy. Pero naisip ko ang anak ko, at nagpasya akong palakihin siya gaano man kahirap ang buhay, at umasa ako na sa hinaharap ay aalagaan niya ako hanggang mamatay ako at isasaayos ang libing ko. Kalaunan, nagkaroon ako ng sakit sa puso at hindi maganda ang pakiramdam ko tuwing nagtatrabaho ako. Alam ng anak ko kung paano ako alagaan, at kapag may sakit ako, nagpapakita siya ng pagmamalasakit, na nagpapagaan sa loob ko. Naramdaman kong hindi nawalan ng saysay ang pagpapalaki ko sa kanya. Kalaunan, nakilala ko ang kasalukuyan kong asawa.
Noong 2008, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Makalipas ang isang taon, sinimulan kong gawin ang tungkulin ko sa iglesia. Paminsan-minsan, umuuwi ako para alagaan ang anak ko. Ipinagluluto ko siya ng paborito niyang pagkain, tutulong ako sa mga gawaing bahay, at binibigyan ko siya ng kaunting panggastos. Sinubukan kong tugunan ang mga pangangailangan niya sa abot ng makakaya ko. Noong 2012, dahil kinailangang suriin ang politikal na pinanggagalingan ng anak ko para makasali sa militar, inimbestigahan ng pulisya sa aming bayan ang pananalig ko, kaya umalis ako ng bahay para magtago sa ibang lugar. Makalipas ang dalawang buwan, nabalitaan ko na naaresto ang asawa ko dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos noon, hindi ako nangahas na bumalik sa bahay o makipag-ugnayan sa anak ko.
Pagsapit ng 2017, madalas akong manghina at may mga palpitasyon ako, kaya gusto kong umuwi para magpagamot. Pero hindi ligtas na umuwi ako, kaya tumira ako sa ate ko at hiniling ko sa kanyang makipag-ugnayan sa anak ko. Limang taon na ang lumipas magmula nang huli ko siyang makita, kaya sabik na sabik ako nang makita ko ang anak ko. Pinag-usapan namin kung ano ang nangyari sa nakalipas na ilang taon. Sinabi sa akin ng anak ko na nag-asawa na siya. Gusto niya akong iuwi at pasamahan ako sa asawa niya para komunsulta sa doktor. Sinabi niya rin na pinaglaanan nila ako ng bahay para tirhan pagtanda ko. Napakasaya ko na marinig iyon. Naisip ko na ilang taon kong hindi nakita ang anak ko at hindi siya naalagaan, pero iniisip niya pa rin ang kinabukasan ko pagtanda ko, at naramdaman kong maaasahan ko pa rin ang anak ko. Pero nang sumunod na gabi, pinuntahan ako ng anak ko pagkatapos ng trabaho, na nasisiraan ng loob, at nagsabi, “‘Nay, hindi ka kinikilala ng asawa ko. Hindi siya kumportable sa katunayan na wala ka sa bahay sa loob ng maraming taon. Nag-away kami nang matindi, at sinabing mamili ako kung siya o ikaw. Dahil inalagaan niya ako noong mga panahong dumaranas ako ng paghihirap, pinili ko siya.” Para bang tinamaan ako ng kidlat. Itinuring ko ang anak ko bilang tagasalba ko sa loob ng maraming taong ito. Nagsikap ako para palakihin siya, umaasang aalagaan niya ako hanggang kamatayan at isasaayos ang libing ko. Pero ngayon, mas pinili niya ang asawa niya kaysa sa akin at ayaw akong papasukin sa bahay niya. Hindi ba’t nawalan ng saysay ang pagsisikap ko sa pagpapalaki sa kanya? Hindi ko matanggap ang realidad na ito sa loob ng ilang panahon at umiyak ako nang labis.
Pagkaalis ng anak ko, nagpatuloy akong tumira sa bahay ng kapatid ko, at lumala ang kondisyon ko dahil sa dagok sa emosyon. Wala sa tabi ko ang asawa ko, at hindi ko na rin maaasahan ang anak ko ngayon. Sinasabi ng mga tao na pinalalaki ng mga magulang ang mga anak nila para alagaan sila sa pagtanda nila, pero wala akong maaasahan. Talagang nalungkot ako at nabahala. Pinagmasdan ko ang pamilya ng kapatid ko na masayang nagsasama-sama, nagtatawanan at masayang nagkukuwentuhan, at pakiramdam ko ay walang pinagkaiba ang pagkakaroon ng anak sa walang anak, na ako ay naging nangungulilang matandang babae. Walang mag-aalaga sa akin kapag nagkasakit ako, at walang mag-aayos ng libing ko kapag namatay ako. Pakiramdam ko, isang malaking kabiguan ang buhay ko. Nanampalataya ako sa Diyos, kung gayon bakit mas maayos ang buhay ng mga walang pananampalataya kaysa sa akin? Habang mas iniisip ko ito, mas nalulungkot ako, at ginugol ko ang mga araw ko sa labis na kalungkutan at kawalan ng gana. Isang araw, makalipas ang ilang panahon, biglang dumating ang anak ko para dalawin ako. Sinabi niyang nasangkot siya sa isang kaso at gusto niyang manghiram sa amin ng kaunting pera. Naisip ko kung paanong hindi ko siya naalagaan sa nakalipas na ilang taon, at ngayong namomroblema siya, at bilang isang ina, dapat ko siyang tulungan sa oras ng hirap na pinagdaraanan niyang ito. Kaya, hiniling ko sa asawa ko na bigyan siya ng kaunting pera. Sinabi ng anak ko na isasama niya ang asawa at anak niya para makita kami sa susunod. Pagkatapos ng Spring Festival, talagang dinala ng anak ko ang maliit niyang anak na babae para makita ako. Naisip ko na bagama’t hindi pa rin ako tinatanggap ng manugang kong babae, kahit papaano ay makakasama ko ang anak at apo ko para alagaan ako pagtanda ko, at aalagaan nila ako hanggang sa kamatayan ko at iaayos ang libing ko. Tuwang-tuwa ako at puno ng pag-asa na may mga tao akong maaasahan sa mga huling taon ko.
Ilang araw bago ang 2024 Spring Festival, naaresto ang pinsan ko at ipinagkanulo ako. Para iwasan ang pagmamanman at pag-aresto sa akin ng pulisya, pumunta ako sa ibang lugar para gawin ang tungkulin ko, at hindi ako nangahas na umuwi para sa Spring Festival. Noong dumating ang araw para dalawin ako ng anak ko, hindi ko mapakalma ang puso ko. Naisip ko kung paanong kababalik lang ng relasyon naming mag-ina sa nakalipas na dalawang taon, at pagkatapos ay umalis na naman ako. Magagalit kaya siya sa akin at hindi na ako kailanman muling kakausapin? Hindi ba’t mawawala na naman sa akin ang anak ko? Noong naisip ko ang pagharap nang mag-isa sa darating na panahon, pakiramdam ko ay nadurog ang puso ko at hindi ako mapakali, at hindi rin ako makakain o makatulog nang maayos. Bagama’t patuloy kong ginagawa ang tungkulin ko, wala roon ang puso ko. Wala rin akong pagnanais na subaybayan ang gawain ng iglesia. Maraming beses akong nanalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang akayin ako palabas sa negatibong kalagayan ko.
Kalaunan, nagnilay-nilay ako, “Bakit ba ako masyadong nababahala at nasasaktan sa hindi pakikipagkita sa anak ko? Ano ang pinakaugat nito?” Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bukod pa sa pagkakaroon ng mga ekspektasyong ito mula sa mga anak na nasa hustong gulang na, mayroon ding hinihingi ang mga magulang sa sarili nilang mga anak na karaniwan sa lahat ng magulang sa buong mundo, na sana ay maging mabuting anak ang mga ito at tratuhin nang maayos ang kanilang mga magulang. Siyempre, mayroong mga mas partikular na hinihingi sa kanilang mga anak ang ilang etnikong grupo at rehiyon. Halimbawa, bukod sa pagiging mabuting anak sa mga magulang, kinakailangan din nilang alagaan ang kanilang mga magulang hanggang kamatayan at isaayos ang libing ng mga ito, manirahan kasama ang mga ito pagtuntong nila sa hustong gulang, at maging responsable para sa mga kabuhayan ng mga ito. Ito ang huling aspekto ng mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak na ating tatalakayin ngayon—ang paghingi na maging mabuting anak ang mga ito at alagaan sila sa kanilang pagtanda. Hindi ba’t ito ang totoong intensiyon ng lahat ng magulang sa pagkakaroon ng mga anak, at ang pangunahing hinihingi nila sa kanilang mga anak? (Oo, ganoon na nga.) … Habang masyado pang bata ang kanilang mga anak, nagsisimula nang magtakda ng mga hinihingi ang mga magulang at palagi nilang sinusubok ang kanilang mga anak, tinatanong: ‘Paglaki mo, susuportahan mo ba si nanay at tatay?’ ‘Opo.’ ‘Susuportahan mo ba ang mga magulang ni tatay?’ ‘Opo.’ ‘Susuportahan mo ba ang mga magulang ni nanay?’ ‘Opo.’ ‘Sino ang pinakagusto mo?’ ‘Si nanay ang pinakagusto ko.’ Pagkatapos ay nagseselos ang ama, ‘Paano naman si tatay?’ ‘Si tatay ang pinakagusto ko.’ Nagseselos naman ang ina, ‘Sino ba talaga ang pinakagusto mo?’ ‘Si nanay at tatay.’ At doon ay nasisiyahan na ang parehong magulang. Sinisikap nilang maging mabuting anak ang kanilang mga anak samantalang halos kakasimula pa lang matutong magsalita ang mga ito, at umaasa sila na tatratuhin sila nang maayos ng kanilang mga anak paglaki ng mga ito. Bagamat hindi pa malinaw na maipapahayag ng mga batang ito ang kanilang sarili at wala pa silang gaanong nauunawaan, nais pa rin ng mga magulang na makarinig ng isang pangako sa mga sagot ng kanilang mga anak. Kasabay nito, nais din nilang makita ang kanilang sariling kinabukasan sa kanilang mga anak at umaasa sila na ang mga anak na pinapalaki nila ay hindi magiging walang utang na loob, kundi ay magiging mabubuting anak na magpapakaresponsable para sa kanila, at higit pa rito, magiging mga anak na maaasahan nila, at susuporta sa kanila sa kanilang pagtanda. Bagamat tinatanong na nila ang mga katanungang ito mula pa noong bata pa ang kanilang mga anak, hindi ito mga simpleng katanungan lamang. Ang mga ito ay ganap na mga hinihingi at inaasam na umuusbong mula sa kaibuturan ng puso ng mga magulang na ito, mga napakatunay na hinihingi at inaasam. Kaya, sa sandaling makaunawa ng mga bagay-bagay ang kanilang mga anak, umaasa ang mga magulang na kapag nagkasakit sila, ang kanilang mga anak ay makakapagpakita ng malasakit, mananatili sa tabi ng kanilang kama at aalagaan sila, kahit na iyon ay pagsasalin lang ng tubig para makainom sila. Bagamat walang gaanong magagawa ang mga anak, hindi makakapagbigay ng pinansiyal o mas praktikal na tulong ang mga ito, kahit papaano man lang ay dapat makapagpakita ang mga ito ng ganitong pagkamabuting anak. Gusto ng mga magulang na makita ang ganitong pagkamabuting anak habang bata pa ang kanilang mga anak, at kumpirmahin ito paminsan-minsan. Halimbawa, kapag hindi maganda ang pakiramdam ng mga magulang o pagod sila sa trabaho, tinitingnan nila kung alam ng kanilang mga anak na dalhan sila ng inumin, dalhan sila ng mga sapatos, labhan ang kanilang mga damit, o ipagluto sila ng simpleng pagkain, kahit pa ito ay pritong itlog at kanin lamang, o kung tatanungin ba sila ng mga ito na, ‘Pagod ba kayo? Kung oo, hayaan ninyong ipagluto ko kayo ng makakain.’ May mga magulang na umaalis tuwing may okasyon at sadyang hindi bumabalik sa oras ng kainan para maghanda ng pagkain, para lang makita nila kung ang kanilang mga anak ay lumaki na at naging matino, kung alam ba ng mga ito na ipagluto sila, kung alam ba ng mga ito na maging mabuti at maalalahaning anak, kung kaya bang makihati ng mga ito sa kanilang mga paghihirap, o kung ang mga ito ba ay mga walang-pusong ingrata, kung sa wala lang ba nauwi ang pagpapalaki nila sa mga ito. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, at kahit na nasa hustong gulang na ang mga ito, palaging sinusubok ng mga magulang ang mga ito at palagi nilang inuusisa ang tungkol sa bagay na ito, at kasabay nito, palagi silang may hinihingi sa kanilang mga anak, ‘Hindi ka dapat maging isang walang-pusong ingrata. Bakit ka nga ba namin pinalaki bilang mga magulang mo? Ito ay upang alagaan mo kami pagtanda namin. Sa wala lang ba nauwi ang pagpapalaki namin sa iyo? Hindi mo kami dapat suwayin. Hindi naging madali para sa amin na palakihin ka. Mabigat na trabaho iyon. Dapat kang maging maalalahanin at dapat alam mo ang mga bagay na ito.’ Lalo na sa tinatawag na yugto ng pagrerebelde, na ibig sabihin, sa pagtuntong ng isang binatilyo o dalagita sa hustong gulang, may mga anak na hindi gaanong matino o maunawain, at madalas silang sumusuway sa kanilang mga magulang at nagsasanhi ng gulo. Ang kanilang mga magulang ay umiiyak, gumagawa ng eksena, at nanunumbat, sinasabing, ‘Hindi mo alam kung gaano kami naghirap para alagaan ka noong maliit ka pa! Hindi namin akalain na magiging ganito ka paglaki mo, hindi mabuting anak, hindi marunong makihati sa pagpasan sa mga gawaing bahay o sa mga paghihirap namin. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang lahat ng ito para sa amin. Hindi ka isang mabuting anak, pasaway ka, hindi ka isang mabuting tao!’ Bukod sa pagiging galit sa kanilang mga anak dahil sa pagiging suwail o pagpapakita ng radikal na pag-uugali sa pag-aaral o pang-araw-araw na buhay ng mga ito, ang isa pang dahilan ng kanilang galit ay ang hindi nila makita ang kanilang sariling kinabukasan sa kanilang mga anak, o nakikita nila na hindi magiging mabuting anak ang mga ito sa hinaharap, na ang mga ito ay hindi maalalahanin at hindi naaawa sa kanilang mga magulang, na wala sa puso ng mga ito ang kanilang mga magulang, o sa mas tumpak na pananalita, hindi alam ng mga ito kung paano maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Kaya, sa tingin ng mga magulang, hindi sila makakaasa sa mga ganitong anak: Maaaring walang utang na loob o suwail ang mga anak na ito, at nagdadalamhati ang kanilang mga magulang, nakakaramdam na nasayang ang kanilang mga ipinuhunan at ginastos para sa kanilang mga anak, na nadehado sila, na hindi ito sulit, at na pinagsisisihan nila ito, kaya nalulungkot sila, nababagabag, at nagdadalamhati” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Inilalantad ng Diyos na may mga inaasam-asam ang mga magulang sa mga anak nila, partikular na, inaasahan nilang aalagaan sila ng mga anak nila hanggang pagkamatay nila at iaayos ang libing nila. Kapag nabigo ang mga anak nila na tugunan ang mga inaasam na ito, nasasaktan at nadidismaya sila, at iniisip nilang walang saysay ang pagpapalaki nila sa mga anak nila. Ganoon mismo ang kalagayan ko. May mga ganitong inaasam ako sa anak ko noong napakabata pa niya. Umasa ako na aasikasuhin niya ako kapag may sakit ako, at umasa ako na pagtanda ko at hindi na ako makagalaw sa hinaharap, susuportahan niya ako at aasikasuhin sa araw-araw kong pamumuhay, at pagkamatay ko, isasaayos niya ang libing ko. Noong lumaki na ang anak ko, dahil sa pag-uusig ng CCP, hindi ako nangahas na umuwi nang ilang taon. Pagkabalik ko, nabalitaan kong naglaan ng bahay ang anak ko para sa akin at na puwede akong umuwi para tumira roon pagtanda ko. Masayang-masaya ko, at naisip kong may paggalang pa rin sa magulang at maaasahan pa rin ang anak ko. Pero noong mas pinili niya ang asawa niya kaysa sa akin, nadurog ang puso ko at nadismaya ako. Naisip kong hindi maaasahan ang anak ko, at na walang-saysay ang pagpapalaki ko sa kanya. Noong dinala ng anak ko ang apo ko para dalawin ako, gumaan ang loob ko. Pero nang hindi ko na naman siya puwedeng makita dahil kinailangan kong iwasang maaresto ng CCP, nag-alala ako na hindi na ako kikilalanin ng anak ko, at ang pag-asa kong sumandig sa kanya para alagaan ako sa pagtanda ko ay nawasak. Nalugmok na naman ako sa pasakit, at hindi ako makatutok sa pagsubaybay sa gawain ng iglesia. Pero ngayon, nauunawaan ko na ang ugat ng pasakit ko ay dahil nakontrol ako ng ideya na “Palakihin ang mga anak para alagaan ka sa iyong pagtanda,” at hindi ako makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.
Kaya, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Tungkol sa usapin ng pag-asam ng mga magulang na maging mabuting anak sa kanila ang kanilang mga anak, sa isang aspekto, dapat malaman ng mga magulang na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos at nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, dapat maging makatwiran ang mga tao, at sa pagsilang sa kanilang mga anak, likas na nararanasan ng mga magulang ang isang espesyal na bagay sa buhay. Marami na silang nakamit mula sa kanilang mga anak at nagawa na nilang pahalagahan ang mga kalungkutan at kagalakan sa pagiging magulang. Ang prosesong ito ay isang makabuluhang karanasan sa kanilang buhay, at siyempre, isa rin itong hindi malilimutang karanasan. Pinupunan nito ang mga pagkukulang at kamangmangan na nasa kanilang pagkatao. Bilang mga magulang, nakamit na nila ang nararapat nilang makamit sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Kung hindi sila kontento rito at hinihingi nilang pagsilbihan sila ng kanilang mga anak bilang mga katulong o alipin, at kung umaasam sila na susuklian sila ng kanilang mga anak para sa pagpapalaki sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang, pag-aalaga sa kanila sa kanilang pagtanda, paghatid sa kanila sa libingan nila, paglalagay sa kanila sa kabaong, pagpapanatili sa katawan nila para hindi ito mabulok sa bahay, pag-iyak nang labis kapag pumanaw na sila, pagdadalamhati at pagluluksa para sa kanila sa loob ng tatlong taon, atbp., na magagamit ng kanilang mga anak para mabayaran ang pagkakautang ng mga ito, kung gayon, nagiging hindi makatwiran at hindi makatao ito. Alam mo, pagdating sa kung paano tinuturuan ng Diyos ang mga tao na tratuhin ang kanilang mga magulang, hinihingi lamang Niya na maging mabuting anak sila sa kanilang mga magulang, at hindi Niya hinihingi kahit kaunti na suportahan ng mga anak ang kanilang mga magulang hanggang sa kamatayan. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng ganitong responsabilidad at obligasyon—wala Siyang sinabing ganito kahit kailan. Pinapayuhan lamang ng Diyos ang mga anak na maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang pangkalahatang pahayag na may malawak na saklaw. Sa partikular na pananalita ngayon, nangangahulugan ito ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa abot ng iyong kakayahan at mga kalagayan—sapat na iyon. Ganoon lang iyon kasimple, iyon lamang ang hinihingi sa mga anak. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga magulang ito? Hindi hinihingi ng Diyos na ‘Ang mga anak ay dapat maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, alagaan sila sa pagtanda, at ihatid sila sa huling hantungan.’ Kaya naman, dapat na bitiwan ng mga magulang ang kanilang pagiging makasarili at huwag umasa na sa kanila iikot ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang mga anak dahil lang sila ang nagsilang sa mga ito. Kung ang buhay ng mga anak ay hindi umiikot sa kanilang mga magulang at hindi nila itinuturing na sentro ng kanilang buhay ang mga ito, hindi tamang palagi silang pagalitan, konsensiyahin, at sabihan ng kanilang mga magulang ng mga bagay tulad ng ‘Wala kang utang na loob, hindi ka mabuting anak, at suwail ka, at kahit matapos kitang palakihin nang napakahabang panahon, hindi pa rin kita maasahan,’ palaging pinagagalitan ang kanilang mga anak nang ganito at binibigyan ang mga ito ng mga pasanin. Ang hingin sa kanilang mga anak na maging mabuting anak at samahan sila, alagaan sila sa kanilang pagtanda at ilibing sila, at palagi silang isipin saanman magpunta ang mga ito, ay isang likas na maling paraan ng pagkilos at hindi makataong kaisipan at ideya. Ang ganitong pag-iisip ay maaaring umiral sa magkakaibang antas sa iba’t ibang bansa o sa iba’t ibang etnikong pangkat, ngunit kung titingnan ang tradisyonal na kultura sa Tsina, lubusang binibigyang-diin ng mga Tsino ang pagiging mabuting anak. Magmula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, palagi itong tinatalakay at binibigyang-diin bilang isang parte ng pagkatao ng mga tao at isang pamantayan ng pagsukat kung ang isang tao ay mabuti ba o masama. Siyempre, mayroon ding isang karaniwang kaugalian at pampublikong opinyon sa lipunan na kung hindi mabuting anak ang mga anak, mapapahiya rin ang kanilang mga magulang, at mararamdaman ng mga anak na hindi nila kayang tiisin ang bahid na ito sa kanilang reputasyon. Sa ilalim ng impluwensiya ng iba’t ibang bagay, lubha ring nalalason ang mga magulang ng ganitong tradisyonal na pag-iisip, hinihingi nila nang walang pag-iisip o pagkilatis na maging mabuting anak ang kanilang mga anak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na mali ang ideya na “Palakihin ang mga anak para alagaan ka sa iyong pagtanda.” Bilang mga magulang, ang pagpapalaki sa mga anak ay responsabilidad at obligasyon natin. Hindi natin ito dapat ituring bilang transaksiyon sa ating mga anak. Dahil pinili nating isilang sila, may responsabilidad tayong alagaan sila. Gaya lang ng mga hayop na inaalagaan ang mga anak nito. Inaalagaan nilang mabuti ang mga ito hanggang sa kaya na nilang manatiling buhay nang sila lang. Ito ay pawang bahagi ng likas na pag-uugaling ibinigay ng Diyos sa kanila. Sinusunod ng lahat ng hayop ang kautusang ito, para makapagparami at magpatuloy ang lahat ng nilalang. Hindi eksepsiyon ang mga tao. Naisip ko kung paano ko pinalaki ang anak ko, at nakita ko na isa itong proseso na pinagyaman ang karanasan ko sa buhay. Mula sa mga unang salita niya, hanggang sa mga unang paghakbang niya, sa pagpasok sa paaralan at pagtulong niya sa akin sa mga gawaing bahay, lahat ng ito ay nagbigay sa akin ng pagpapahalaga sa responsabilidad bilang isang ina. Tinulutan din nitong mahinog ang pagkatao ko. Responsabilidad at obligasyon natin bilang mga magulang ang pagpapalaki sa mga anak natin, hindi ito kabutihan. Pero dahil kinuha ko ang tradisyonal na kuru-kuro na “Palakihin ang mga anak para alagaan ka sa iyong pagtanda,” ginamit ko ang pagpapalaki ko sa kanya bilang isang pamalit para subukan at makipagtransaksyon sa kanya, iniisip na dahil pinalaki ko siya, dapat siyang magpakaabala at mag-asikaso sa akin pagtanda ko o kapag nagkasakit ako, at na kapag namatay ako, dapat ay bigyan niya ako ng magarbong libing. Ang pagpapalaki ko sa kanya ay pawang para tugunan ang mga interes ng laman ko. Hinihingi lamang ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang mga responsabilidad sa mga magulang nila ayon sa mga aktuwal na sitwasyon nila. Walang hinihingi sa mga anak na alagaan ang mga magulang nila pagtanda ng mga ito o para isaaayos ang kanilang libing. Pero pinanghawakan ko ang mga tradisyonal na kuru-kuro na “Palakihin ang mga anak para alagaan ka sa iyong pagtanda,” at “Pinalaki ko ang anak ko noong bata siya, at aalagaan niya ako pagtanda ko,” kaya, hiningi ko na akuin ng anak ko ang buong responsabilidad para sa buhay ko. Hindi ba’t ganap itong wala sa katwiran at lubos na makasarili at kasuklam-suklam? Tuwing nakikita kong hindi ako makakaasa sa anak ko, nadudurog ang puso ko at nadidismaya, at wala akong pag-asa sa buhay. Nagreklamo pa nga ako sa Diyos, iniisip ko na sa kabila ng pananalig ko sa Kanya, mas malala pa ang buhay ko kaysa sa mga hindi nanampalataya. Palagi akong nag-aalala sa kinabukasan ko at hindi ako makatuon sa mga tungkulin ko. Nakita ko na ang tradisyonal na pangkulturang ideya na “Palakihin ang mga anak para alagaan ka sa iyong pagtanda” ay pinipinsala at iginagapos ako, dahilan para hindi ko makita ang kaibahan ng tama sa mali. Labis na kakatwa ang ideyang ito!
Kaya, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Sa katunayan, mula pa lamang sa pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak, marami ka nang nakamit mula sa kanila. Pagdating naman sa kung magiging mabuting anak ba sila sa iyo, kung makakaasa ka ba sa kanila bago ka pumanaw, at kung ano ang maaari mong makuha mula sa kanila, ang mga bagay na ito ay nakasalalay sa kung nakatadhana ba kayong mamuhay nang magkasama, at ito ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, sa kung anong uri ba ng kapaligiran namumuhay ang iyong mga anak, ang kanilang mga kalagayan sa pamumuhay, kung mayroon ba sila ng mga kakailanganin para maalagaan ka, kung sila ba ay maginhawa sa pinansiyal na aspekto, at kung mayroon ba silang sobrang pera para mabigyan ka ng materyal na kasiyahan at tulong, ay nakasalalay ring lahat sa ordinasyon ng Diyos. Bukod pa rito, bilang mga magulang, kung kapalaran mo bang magtamasa ng mga materyal na bagay, pera, o emosyonal na kaginhawahan na ibinibigay sa iyo ng iyong mga anak, ito rin ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ang mga ito ay hindi mga bagay na maaaring hingin ng mga tao. Alam mo, may mga anak na hindi gusto ng kanilang mga magulang, at ayaw ng kanilang mga magulang na manirahan kasama sila, subalit inorden ng Diyos na manirahan sila kasama ang kanilang mga magulang, kaya hindi nila magawang maglakbay nang malayo o iwan ang kanilang mga magulang. Makakasama nila ang kanilang mga magulang sa buong buhay nila—hindi mo maitataboy ang mga ito kahit pa subukan mo. Sa kabilang dako naman, may mga anak na may mga magulang na gustong-gusto silang makasama; hindi sila mapaghihiwalay, palagi silang nangungulila sa isa’t isa, ngunit sa iba’t ibang kadahilanan, hindi nila magawang tumira sa kaparehong lungsod ng kanilang mga magulang, o maging sa kaparehong bansa. Mahirap para sa kanila na makita at makausap ang isa’t isa; kahit na labis nang umunlad ang mga pamamaraan ng komunikasyon, at maaari namang makapag-video chat, iba pa rin ito sa pamumuhay araw-araw nang magkasama. Ang kanilang mga anak, sa anumang kadahilanan, ay nangingibang-bansa, nagtatrabaho o namumuhay sa ibang lugar pagkatapos mag-asawa, at kung ano-ano pa, at napakalaking distansiya ang layo nila sa kanilang mga magulang. Hindi madaling makipagkita kahit isang beses lang, at nakadepende sa oras ang pagtawag sa telepono o video. Dahil sa pagkakaiba ng oras o iba pang abala, hindi nila madalas na makausap ang kanilang mga magulang. Sa anong bagay may kaugnayan ang mga pangunahing aspektong ito? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa ordinasyon ng Diyos? (Oo.) Hindi ito isang bagay na mapagdedesisyunan ng mga pansariling kahilingan ng alinman sa magulang o anak; higit sa lahat, nakasalalay ito sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, inaalala ng mga magulang kung makakaasa ba sila sa kanilang mga anak sa hinaharap. Ano ang nais mong asahan mula sa kanila? Ang maghatid ng tsaa at magsalin ng tubig? Anong klaseng pagdepende iyan? Hindi mo ba iyon kayang gawin nang ikaw lang? Kung malusog ka at kaya mong kumilos at alagaan ang iyong sarili, na gawin ang lahat nang mag-isa, hindi ba’t maganda iyon? Bakit kailangan mo pang umasa sa iba na paglingkuran ka? Talaga bang isang kaligayahan na matamasa ang pag-aaruga at pagiging naroon ng iyong mga anak, pati na rin ang paglilingkod nila sa iyo kapwa sa hapag-kainan at sa iba pang gawain? Hindi lagi. Kung hindi ka makakilos, at talagang kinakailangan nilang paglingkuran ka sa hapag-kainan at sa ibang gawain, iyon ba ay kaligayahan para sa iyo? Kung makakapili ka, pipiliin mo bang maging malusog at hindi mangailangan ng aruga mula sa iyong mga anak, o pipiliin mo bang maging paralisado sa kama habang kasama mo ang iyong mga anak sa tabi mo? Alin ang pipiliin mo? (Ang maging malusog.) Hindi hamak na mas magandang maging malusog. Kung mabubuhay ka man hanggang 80, 90, o kahit 100 taon, kaya mo pa ring patuloy na alagaan ang sarili mo. Isa itong magandang kalidad ng buhay. Bagamat tumatanda ka man, bumabagal man ang iyong pang-unawa, mahina man ang iyong memorya, humihina ka mang kumain, mas mabagal man at hindi na gaanong maayos ang paggawa mo sa mga bagay-bagay, at hindi na gaanong komportable ang paglabas, maganda pa rin na kaya mong asikasuhin ang iyong sariling mga pangunahing pangangailangan. Sapat na ang makatanggap ng tawag mula sa iyong mga anak paminsan-minsan para kumustahin ka nila o na umuwi sila at samahan ka kapag may mga okasyon. Bakit ka hihingi ng mas marami pa sa kanila? Palagi kang umaasa sa iyong mga anak; magiging masaya ka lang ba kapag naging alipin mo sila? Hindi ba’t makasarili na isipin mo ang ganoon?” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, bigla kong nakita ang liwanag. Kung matatamasa man sa buhay ng isang tao ang pag-aalaga at pag-aasikaso ng kanyang mga anak, o gaano mang materyal o emosyonal na kaginhawahan ang makukuha niya sa mga anak niya, ay pawang nakadepende sa pagtatakda ng Diyos. Hindi ito nangyayari dahil lamang ginusto natin ito. Halimbawa, ang kuya ko. May lima siyang anak, pero noong may sakit siya, wala ni isa sa kanila ang nandoon para alagaan siya. Sa huli, ang asawa ko ang nag-alaga sa kanya hanggang sa mamatay siya. Sa pagbabalik-tanaw ko, hindi maganda ang kalusugan ko habang ginagawa ko ang tungkulin ko sa nakalipas na ilang taon. Ilang beses akong inatake sa puso, at sa bawat pagkakataon, ang Diyos ang nagprotekta at nagligtas sa akin sa panganib. Minsan, bigla akong nakaramdam ng pananakit sa dibdib, at parang tumigil sa pagtibok ang puso ko. Nahilo ako, hindi talaga ako makakilos, at inakala kong baka mamatay ako. Sa puso ko ay nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, nasa mga kamay Mo ang buhay ko. Kahit na mamatay ako rito ngayon, handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan Mo.” Nang sandaling iyon, bumalik mula sa ibang bayan ang nakababatang kapatid na lalaki mula sa pamilyang nagho-host. Doktor siya at nag-acupressure siya sa akin, at pagtagal-tagal, hindi na masyadong masama ang pakiramdam ko. Nakita ko kung paano isinaayos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa palibot ko para tulungan ako, at alam ko na ito ay kamangha-manghang proteksiyon ng Diyos. Sa pag-iisip ko nito, kahit sa mga pagkakataong kasama ko ang anak ko habang may sakit ako, ganoon pa rin naman ang pagdurusa ko, at kung gusto ng Diyos na kunin ang buhay ko, walang kapangyarihan ang anak ko kahit na kasama ko pa siya. Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko, at ang kalusugan ko ay nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Gayundin, dapat kung pasanin ang responsabilidad para sa sarili kong buhay, hindi ako dapat umasa sa anak ko sa lahat ng bagay, at dapat kong pangasiwaang mag-isa ang buhay nang wala siya. Iyon ang katwirang dapat na taglay ng mga magulang. Matapos mapagtanto ito, mas sumigla ang puso ko.
Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting kabatiran sa pagiging kakatwa ng paghahangad sa magarbong libing at pagkakaroon ng mga anak para lamang maihatid. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Iniisip ng mga tao, ‘Ang pagkakaroon ng mga anak sa tabi mo para ilagay ka sa kabaong, para suutan ka ng kasuotang panglibing, para lagyan ka ng makeup, at maghanda ng isang marangyang libingan ay isang dakilang bagay. Kung mamamatay ka nang walang sinumang maghahanda ng iyong libing o maghahatid sa iyo sa libingan, para bang ang buong buhay mo ay hindi nagkaroon ng wastong pagwawakas.’ Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Sa panahon ngayon, hindi na masyadong binibigyang-pansin ng mga kabataan ang mga ganitong bagay, pero mayroon pa ring mga tao sa mga liblib na lugar at mga nakatatanda na makitid ang pang-unawa, na nagtataglay ng kaisipan at pananaw na malalim na nakatanim sa kanilang puso—na dapat alagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang pagtanda ng mga ito at ihatid ang mga ito sa libingan. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap—ano ang huling kahihinatnan nito? Ang kahihinatnan ay lubos silang magdurusa. Matagal nang nakatago sa loob nila ang tumor na ito, at lalasunin sila nito. Kung huhukayin nila ito at tatanggalin, hindi na sila malalason nito, at magiging malaya na ang kanilang buhay. Ang anumang maling pagkilos ay dulot ng mga maling kaisipan. Kung natatakot silang mamatay at mabulok sa kanilang bahay, palagi nilang iisipin na, ‘Kailangan kong magkaroon ng anak. Paglaki ng anak ko, hindi ko siya pwedeng hayaang masyadong lumayo. Paano kung wala siya sa tabi ko kapag namatay ako? Kung walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko o maghahatid sa akin sa libingan, iyon ang magiging pinakamalaking pagsisisi ko sa buhay! Kung mayroong gagawa nito para sa akin, hindi magiging walang saysay ang buhay ko. Magiging isang perpektong buhay ito. Anuman ang mangyari, hindi pwedeng pagtawanan lang ako ng mga kapitbahay ko.’ Hindi ba’t isa itong bulok na ideolohiya? (Oo, ganoon na nga.) Ito ay makitid na pag-iisip at kababaang-uri, masyado nitong binibigyang-importansiya ang pisikal na katawan! Ang totoo, ang pisikal na katawan ay walang halaga: Pagkatapos maranasan ang kapanganakan, katandaan, karamdaman, at kamatayan, wala nang natitira. Kapag nakamit ng mga tao ang katotohanan habang nabubuhay sila, kapag sila ay naligtas, ay saka lang sila mabubuhay magpakailanman. Kung hindi mo nakamit ang katotohanan, kapag namatay at naaagnas na ang katawan mo, wala nang matitira; kahit gaano pa kabuti sa iyo ang mga anak mo, hindi mo na ito matatamasa. Kapag namatay ang isang tao at inilibing siya ng kanyang mga anak nang nasa isang kabaong, may mararamdaman bang anuman ang lumang katawang iyon? Mapapansin ba nito ang anumang bagay? (Hindi.) Wala itong anumang pandama. Pero sa buhay, masyadong binibigyang-importansiya ng mga tao ang usaping ito, malaki ang hinihingi nila mula sa kanilang mga anak pagdating sa kung maihahatid ba sila ng mga ito sa libingan—na isang kahangalan, hindi ba? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Pagkamatay ng isang tao, umaalis ang kaluluwa niya. Wala nang bakas ng buhay ang katawan niya at nabubulok sa loob lang ng ilang araw. Kahit na magsuot ng damit pangluksa ang mga anak at apo niya at gaano man kagarbo ang libing, wala nang pakiramdam ang katawan niya, at wala na siyang malalaman. Napakahangal na humingi ng isang magarbong libing pagkamatay! Gayumpaman, masyado kong sineryoso ang bagay na ito, at noong mas pinili ng anak ko ang asawa niya kaysa sa akin, nag-alala ako na isang araw ay baka mamatay ako dahil sa malalang sakit, at kung walang maglilibing sa akin, magtatapos ang buhay ko nang hindi perpekto at miserable. Tunay na kakatwa ang mga kaisipan ko na ito! Sa katunayan, sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, nilalayong isagawa ang katotohanan sa mga tao, at sa paghahangad lamang sa katotohanan saka makapamumuhay ang mga tao ng makabuluhan at mahalagang buhay. Itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kung nagtataglay ba siya ng katotohanan. Sa pagkakamit lamang ng katotohanan at pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos saka matatanggap ng isang tao ang buhay na walang hanggan at madadala sa magandang destinasyon. Kung hindi hinangad ng isang tao ang katotohanan o naghanda ng mabubuting gawa sa habang siya ay nabubuhay pa, gaano man kagarbo ang kanyang libing, mapupunta sa impiyerno ang kaluluwa niya. Sa pananalig ko, dapat kong isipin kung paano hahangarin ang katotohanan, kung paano hahangarin ang pagbabago sa disposisyon ko, at kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Tanging kapag nakamit ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos saka siya makapamumuhay ng isang buhay na puno ng halaga at kabuluhan. Gaya ng sinabi ng Diyos: “Ang totoo, ang pisikal na katawan ay walang halaga: Pagkatapos maranasan ang kapanganakan, katandaan, karamdaman, at kamatayan, wala nang natitira. Kapag nakamit ng mga tao ang katotohanan habang nabubuhay sila, kapag sila ay naligtas, ay saka lang sila mabubuhay magpakailanman.” Isa akong mananampalataya sa Diyos, at kung hahangarin ko ang kaluwalhatian pagkamatay ko at aasa ako sa mga bagay na ito para mabuhay, gagawin ako niyon na isang hangal at isang hindi mananampalataya. Kung paano ako tinatrato ng anak ko ay pawang nasa pagtatakda ng Diyos. Kahit na hindi niya ako alagaan hanggang sa kamatayan ko at hindi niya isaayos ang libing ko, dapat pa rin akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwirang dapat ay mayroon ako. Tayo ay nasa isang kritikal na sandali para sa pagpapalawak ng ebanghelyo ng Diyos, at ang dapat kong gawin ay pahalagahan ang oras na mayroon ako ngayon, gawin nang praktikal ang tungkulin ko, sangkapan ang sarili ko ng mas maraming katotohanan at patotohanan ang Diyos, at mag-ambag ng bahagi ko sa pagpapalawak ng ebanghelyo ng kaharian. Ngayong naunawaan ko na ang mga bagay na ito, mayroon na akong tamang layon at direksiyon sa buhay, nararamdaman ko ang kalayaan at paglaya sa puso ko, at hindi na ako naaapektuhan sa tungkulin ko.