70. Pagkatapos Magkaroon ng Leukemia ang Aking Anak na Babae
Noong Nobyembre 2005, noong siyam na buwang gulang ang anak kong babae, biglang na-diagnose ang asawa ko na may acute myeloid leukemia, type M5. Wala pang isang buwan, pumanaw na ang asawa ko. Dalawampu’t tatlong taong gulang pa lang ako noon, at naiwan ako na matinding nagdadalamhati. Napakabata ko pa, nawalan na ako ng asawa. Paano ko makakayanan ang natitirang bahagi ng buhay ko? Para magkaroon ng magandang kapaligirang pampamilya ang anak ko para sa isang malusog na pagkabata, hinimok ako ng aking mga biyenan na makisama sa tiyuhin ng aking anak. Isang taon pagkatapos pumanaw ng aking asawa, pumayag akong pakasalan ang aking bayaw. Noong panahong iyon, nag-aalala ako kung mamamana ba ng anak ko ang sakit ng kanyang ama, kaya kumonsulta ako sa isang eksperto. Sinabi ng eksperto, “May posibilidad na ito ay mamana. Ngunit bata pa ang anak mo, kaya hindi na kailangang suriin ito nang masyadong maaga.” Sobrang nag-aalala ako na baka magkaroon din ng leukemia ang anak ko at iwanan ako tulad ng ginawa ng kanyang ama, kaya palagi akong namumuhay sa pag-aalala at pagkabalisa. Bukod pa riyan, hindi rin mabait sa akin ang biyenan kong babae at madalas siyang magalit. Naramdaman kong walang kabuluhan ang buhay at maraming beses kong naisip ang mamatay. Ngunit para sa kapakanan ng aking anak, pinilit kong mabuhay.
Noong Nobyembre 2008, ipinangaral sa akin ng nanay ko at ng isang sister ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nagsimula akong magsalita tungkol sa kung ano ang nangyari sa aking pamilya. Pagkatapos ay nakipagbahaginan sa akin ang sister, “Lahat ng paghihirap na ito na nararanasan ng mga tao ay dala ni Satanas. Nilikha ng Diyos ang tao, at dahil hindi matiis ng Diyos na makitang nagdurusa ang mga tao, pumarito Siya sa lupa mula sa langit para iligtas ang mga tao at tulungan silang iwaksi ang pinsalang idinulot ni Satanas. Mula ngayon, kung mananampalataya tayo sa Diyos, susunod sa Diyos, madalas na babasahin ang mga salita ng Diyos, at uunawain ang katotohanan, hindi na tayo magdurusa pa. Ang Diyos ang sandigan ng sangkatauhan.” Binasa rin sa akin ng sister ang kabanata ng mga salita ng Diyos na pinamagatang, “Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan.” Nang marinig ko ang mga salita ng Diyos, para akong uminom ng isang tableta na milagrosong nagpakalma sa aking isipan. Ngayon, mayroon na akong sandigan! May awtoridad at kapangyarihan ang Diyos. Kaya Niyang likhain ang mga langit at lupa at lahat ng bagay. Pinamamahalaan ng Diyos ang kapalaran ng bawat tao. Hangga’t nananampalataya ako nang wasto sa Diyos at ipinagkakatiwala ko sa Diyos ang aking anak, poprotektahan siya ng Diyos. Pagkatapos, nagbitiw ako sa aking trabaho at aktibong dumalo sa mga pagtitipon at ginawa ang aking tungkulin. Hindi ako nalimitahan, maging ng anumang hirap ng sitwasyon o ng pag-uusig mula sa aking asawa. Buong puso ko, gusto ko lang gawin nang maayos ang aking tungkulin. Naramdaman kong tiyak na pagpapalain ako ng Diyos kapag nakita Niya ang aking mga pagsisikap at paggugol. Sa mga sumunod na taon, napakaganda ng kalusugan ng aking anak. Halos hindi man lang siya nagkakasipon. Naisip kong napakabuti talagang manampalataya sa Diyos, at lalo pang lumakas ang aking kaloobang sumunod sa Diyos.
Sa isang iglap, katapusan na ng 2014, at sampung taong gulang na ang anak ko. Pagkatapos magdiwang ng Bagong Taon, umalis ako ng bayan para gawin ang aking mga tungkulin. Ilang araw pa lang akong wala nang tumawag ang biyenan kong babae para sabihing may lagnat at sipon ang anak ko na hindi gumagaling. Naisip ko, “Karaniwang sakit lang naman ito. Dalhin lang siya sa ospital para matingnan, at ayos na iyon.” Hindi ko ito masyadong pinansin. Makalipas ang kalahating buwan, biglang tumawag ang biyenan kong babae para hilinging umuwi agad ako. Sinabi niyang dinala nila ang anak ko sa ospital ng bayan para magpa-check-up, at lumabas sa blood test ng anak ko na masyadong mataas ang level ng kanyang mga white blood cell. May posibilidad na leukemia ito, at kailangan niyang pumunta sa ospital ng lungsod para sa karagdagang pagsusuri. Nang marinig ko ang balitang ito, natigilan ako, iniisip na, “Leukemia? Hindi ba’t ito rin ang sakit ng tatay niya? Hindi ba’t katapusan na niya kapag nagkaroon siya nito? Wala pang isang buwan mula nang magkaroon nito ang tatay niya ay pumanaw na ito. Gaano katagal mabubuhay ang anak ko sa sakit na ito?” Nakaramdam ako ng kilabot at matinding takot sa puso ko. Nag-aalala akong baka iwanan ako ng anak ko anumang oras. Mabilisan kong ipinasa ang aking gawain sa sister na kapareha ko, at nagmadaling sumakay ng bus pauwi. Walang tigil ang pag-iyak ko sa bus. Patuloy akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Diyos na protektahan ang aking puso para mapanatag ito at makapagpasakop sa pangyayaring ito. Pagkatapos ay naisip ko ulit, “Kakahalal ko lang bilang lider, at ginagawa ko ang aking tungkulin. Maaaring pagsubok ito mula sa Diyos. Kailangan kong magkaroon ng pananalig sa Diyos. Kapag nakita ng Diyos ang aking pananalig, baka alisin Niya ang sakit ng anak ko. O baka anemia lang pala ito.” Sa puso ko, kinausap ko ang Diyos, “Mahal na Diyos, alam Mong mababa ang aking tayog. Nawa ay protektahan Mo ang aking anak mula sa leukemia. Uuwi ako para ipa-check-up ang anak ko, at pagkatapos ng ilang araw ay babalik ako para gawin ang aking tungkulin.” Pagkatapos manalangin, hindi na gaanong malungkot ang puso ko. Nang makauwi ako, nakita ko ang haggard at maputlang kutis ng aking anak. Walang kulay ang kanyang mga labi, at may nagnanaknak na sugat sa gilid ng kanyang bibig. Sobrang lungkot ko, at inilihis ko ang aking mukha habang pinipigilan ang mga luha. Dinala namin ng asawa ko ang aming anak sa ospital ng lungsod para sa isang pagsusuri. Sa daan, sinubukan ko ang lahat ng aking makakaya para pigilan ang aking mga kaloob-loobang emosyon, sa takot na kung hindi ko mapigilan ang aking mga luha, mawawalan ako ng kontrol. Pagkatapos pumunta sa ospital para sa pagsusuri, sinabi ng doktor na masyadong mataas ang white blood cell count ng anak ko, at masyadong mababa ang kanyang red blood cell count at platelet count. Ang kasalukuyan niyang hinala ay malamang leukemia ito. Ang leukemia ay maaaring acute lymphocytic o acute myeloid, at inirekomenda niyang magsagawa ng bone marrow aspiration para maimbestigahan. Dahil napakahina ng aking anak, hiniling sa amin ng doktor na bigyang-pansin ang sitwasyon sa panahon ng pagsusuri at maging handa sa anumang mangyayari. Nang marinig ko ang sinabi ng doktor, nanghina ang buo kong katawan. Naisip ko, “Hindi ba’t leukemia ito? Isang bone marrow test na lang ang kulang para makagawa ng pinal na konklusyon. Paanong nagkaroon ng ganitong sakit ang anak ko?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagdadalamhati, at hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Patuloy akong nakikipagtalo sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, taos-puso at taimtim akong nananampalataya sa Iyo, at ipinagkatiwala ko sa Iyo ang aking anak. Paanong nagkaroon pa rin ng ganito kaseryosong sakit ang anak ko? Diyos ko, ilang taon pa lang akong nananampalataya sa Iyo, at mababa ang aking tayog. Kung mawawala sa akin ang anak ko, hindi ko ito makakayanan!” Habang naghihintay ako nang may pagdadalamhati at paghihirap, patuloy akong nanalangin sa Diyos, umaasang pananatilihin Niyang tahimik ang aking puso sa harap Niya.
Naalala ko kung paano sinubok si Job, at nawalan ng mga anak nang hindi nagrereklamo sa Diyos. Tahimik kong binuksan ang aking MP5 player at lihim na binasa ang mga salita ng Diyos: “Matapos sabihin ng Diyos kay Satanas na, ‘Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay,’ umalis si Satanas, at matapos noon ay sumailalim na si Job sa biglaan at mababangis na pag-atake: Una, ninakaw ang kanyang mga baka at mga asno at pinatay ang ilan sa mga tagapaglingkod niya; sumunod, sinunog ang ilan sa kanyang mga tupa at mga tagapaglingkod; matapos noon, kinuha ang mga kamelyo niya at pinatay pa ang mga tagapaglingkod niya; sa huli, namatay ang mga anak niyang lalaki at babae. Ang sunud-sunod na pag-atake na ito ay ang paghihirap na dinanas ni Job sa unang tukso. Ayon sa iniutos ng Diyos, ang mga ari-arian at mga anak lamang ni Job ang pinuntirya ni Satanas sa panahon ng mga pag-atake, at hindi niya sinaktan si Job. Gayunman, mula sa pagiging isang mayamang tao na nagmamay-ari ng malaking kayamanan, si Job ay biglang naging isang tao na wala kahit na anong ari-arian. Walang sinuman ang may kakayahang matagalan ang mga kagila-gilalas na biglaang pag-atake na ito o tumugon sa mga ito nang maayos, ngunit si Job ay nagpakita ng kanyang pambihirang kakayahan. Nagbibigay ang Kasulatan ng sumusunod na salaysay: ‘Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba.’ Ito ang unang reaksyon ni Job pagkatapos niyang marinig na nawala sa kanya ang kanyang mga anak at lahat ng kanyang ari-arian. Higit sa lahat, hindi siya mukhang nagulat, o natakot, at lalong hindi siya nagpahayag ng galit o poot. Nakikita mo, sa gayon, na nakilala na niya sa kanyang puso na ang mga sakunang ito ay hindi isang aksidente, o gawa ng kamay ng tao, at lalong hindi dala ng paghihiganti o kaparusahan. Sa halip, dumating sa kanya ang mga pagsubok ni Jehova; si Jehova ang nagnais na kunin ang kanyang ari-arian at mga anak. Napaka-mahinahon at malinaw ng pag-iisip ni Job noon. Ang kanyang perpekto at matuwid na pagkatao ang tumulong sa kanya upang makagawa ng mga makatwiran at likas na tumpak na mga paghatol at pagpapasya tungkol sa mga sakunang dumating sa kanya, at dahil dito, nagawa niyang kumilos nang may pambihirang kahinahunan: ‘Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba.’ Ang ‘pinunit ang kanyang balabal’ ay nangangahulugan na wala siyang suot, at walang pagmamay-ari; ang ‘inahitan ang kanyang ulo’ ay nangangahulugang bumalik siya sa Diyos bilang isang bagong silang na sanggol; ang ‘nagpatirapa sa lupa at sumamba’ ay nangangahulugang dumating siya sa mundo nang hubad, at wala pa ring pag-aari sa ngayon, ibinalik siya sa Diyos na tila isang bagong silang na sanggol. Ang saloobin ni Job sa lahat ng sinapit niya ay hindi maaaring makamit ng anumang nilikha ng Diyos. Ang kanyang pananampalataya kay Jehova ay hindi kapani-paniwala; ganito ang kanyang takot sa Diyos, ang kanyang pagpapasakopsa Diyos, at hindi lamang siya nagpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya, ngunit pati na rin sa pagkuha mula sa kanya. Higit pa rito, nagawa niyang ibalik sa Diyos ang lahat ng kanyang pag-aari, kasama na ang kanyang buhay” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Ang takot at pagpapasakop ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagka-perpekto at ang pagkamatuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, natanto niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkatantong ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos, at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang magpasakop sa Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng kanyang pag-aari, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpakumbaba siya sa harap ng Diyos at sinabi sa Kanya, sa oras na ito, na kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Nakita ko kung paanong nang mamatay ang kanyang mga anak at masamsam ang kanyang ari-arian, hindi kailanman nakipagtalo o nagreklamo si Job. Hindi niya kailanman tinanong ang Diyos, “Nananampalataya ako sa Iyo, kaya bakit nawala sa akin ang aking mga anak at ari-arian?” Naunawaan niyang ang mga pangyayaring ito ay sumapit sa kanya nang may pahintulot ng Diyos, at nagawa niyang tratuhin ang mga ito nang mahinahon. Hindi siya nagkasala sa pamamagitan ng kanyang mga labi, at nagawa pa nga niyang magpatirapa sa lupa at sumamba sa Diyos, sinasabing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Nagpakita si Job ng tunay na pananalig at tunay na pagsunod sa Diyos. Nang malaman kong malamang na malamang ay may leukemia ang anak ko, natakot akong baka iwanan niya ako anumang oras, at nagreklamo akong hindi siya pinrotektahan o pinagpala ng Diyos. Nakikipagtalo ako sa Diyos sa puso ko, dahil ayaw kong mawala ang aking anak. Nakita kong wala akong anumang pagpapasakop sa Diyos. Hindi lang ako nagreklamo tungkol sa Diyos, kundi nakipagtalo pa ako sa Diyos at humingi sa Diyos. Kung ikukumpara kay Job, talagang lubos akong walang katwiran! Dati, pakiramdam ko ay mahal na mahal ko ang Diyos. Nang dumating lang sa akin ang pangyayaring ito saka ko nakita na may mga karumihan sa aking pananampalataya. Gusto kong makamit ang mga pagpapala at biyaya mula sa Diyos, at gusto kong ingatan ng Diyos ang anak ko para hindi niya mamana ang leukemia mula sa kanyang ama. Nakita kong ang pananampalataya ko sa Diyos ay talagang pagsubok na gamitin ang Diyos, makipagtawaran sa Diyos, at linlangin ang Diyos. Hindi ako isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Nang maunawaan ko ito, labis na nabagabag ang puso ko. Nakaramdam ako ng pagkakautang sa Diyos. Nagmadali akong magtago sa isang lugar na walang tao, at nanalangin sa Diyos nang umiiyak, “Mahal na Diyos, nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagpapahintulot Mong mabasa ko ang mga salitang ito. Handa akong tularan si Job, at magpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Kung may leukemia ang anak ko, handa akong tanggapin ito at magpasakop.” Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, mas gumaan ang pakiramdam ko, at handa na akong harapin ang realidad.
Pagkatapos lumabas ng mga resulta ng pagsusuri, sinabi ng doktor na kumpirmadong may leukemia ang anak ko, at hindi ito ordinaryong leukemia, kundi M5 type myeloid leukemia, na napakahirap gamutin. Sinabi ng doktor, “Masyadong matagal nang may lagnat ang bata, at huli na nang dinala sa ospital. Lumala na ang karamdaman, at mapanganib pa ngang magsagawa ng chemotherapy. Kung may pera kayo, maaari naming bigyan ng bone marrow transplant ang anak ninyo, ngunit kahit pa makakuha ng transplant, maaaring hindi pa rin nito mailigtas ang kanyang buhay. Ang sakit na ito ay may survival rate na isa sa isang milyon, at mabubuhay lamang siya nang hanggang tatlong buwan sa pinakamatagal. Bukod pa rito, sa panahon ng chemotherapy, hindi makakakain ang anak ninyo, at susuka siya at malalagas ang kanyang buhok. Napakahina ng anak ninyo, at kung hindi niya makayanan ang chemotherapy, maaaring manganib ang kanyang buhay anumang oras. Kailangan ninyong maging handa sa anumang mangyayari.” Nang marinig ko ang sinabi ng doktor, lubos akong nawalan ng pag-asa. Napakabata pa ng anak ko, at kung masyadong mabigat para sa kanya ang chemotherapy, baka mamatay siya anumang oras. Nagsusumamo akong nanalangin sa Diyos, “Mahal na Diyos, sinabi ng doktor na hanggang tatlong buwan na lang sa pinakamatagal na mabubuhay ang anak ko. Kung hindi niya makayanan ang chemotherapy, maaari siyang pumanaw anumang oras. Mahal na Diyos, nitong mga nakaraang taon, palagi akong wala sa bahay para gawin ang aking mga tungkulin, at hindi ko nakasama ang aking anak. Hindi ako kailanman nagreklamo nang sinubukan akong hadlangan ng aking pamilya o kinutya ako ng aking mga kamag-anak at kapitbahay. Maaari Mo bang hayaang mabuhay pa nang kaunti ang anak ko alang-alang sa aking mga pagsisikap at paggugol para maalagaan ko pa siya nang kaunti at mapunan ang hindi ko naibigay na pagkalinga sa kanya?” Pagkatapos manalangin, napagtanto kong baka hindi ako makatwiran sa paghingi sa Diyos nang ganito. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian,” “upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi.” Sa sandaling walang nakatingin, dali-dali kong binuksan ang aking MP5 player at binasa ang mga salita ng Diyos: “Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang makamtan ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang mga gayong tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Eksaktong inilantad ng mga salita ng Diyos ang aking kalagayan. Labis akong napahiya. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, at buong sigasig kong ginawa ang aking tungkulin hindi para hangarin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, kundi para sa kaligtasan ng aking pamilya at para mapanatiling malaya sa sakit ang aking anak. Pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, napagtanto kong pinamamahalaan ng Diyos ang kapalaran ng mga tao, at kaya ng Diyos na iligtas ang mga tao, kaya itinuring ko ang Diyos bilang aking sandigan, at pakiramdam ko ay nakapasok ako sa isang safe sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Para makamit ang mga pagpapala mula sa Diyos, aktibo kong ginawa ang aking tungkulin, at gaano man ako sinubukang hadlangan ng aking pamilya o gaano man ako kinutya ng aking mga kamag-anak at kapitbahay, hindi ako nalimitahan. Nang sabihin ng doktor na hanggang tatlong buwan na lang sa pinakamatagal na mabubuhay ang anak ko, at na baka mamatay siya anumang oras kung masyadong mabigat para sa kanya ang chemotherapy, sinubukan kong makipagtawaran sa Diyos dahil natatakot akong mawala ang aking anak. Gusto kong bigyan ng Diyos ng mas mahabang buhay ang anak ko dahil sa aking mga pagsisikap at paggugol. Lubusang inilantad ng karamdaman ng aking anak ang aking intensyong magkamit ng mga pagpapala. Nang manampalataya ako sa Diyos at gawin ko ang aking tungkulin, sinusubukan ko lang gamitin ang Diyos at linlangin ang Diyos. Ang mga tao sa relihiyon ay nananampalataya sa Diyos para lamang magkamit ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi nila nauunawaan ang gawain ng Diyos o ang disposisyon ng Diyos, at hindi rin nila kayang magpasakop sa Diyos. Kahit na manampalataya sila hanggang sa wakas, hindi nila kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ngayon, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagdadalisay. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan at hindi ko hahangarin na baguhin ang aking mga disposisyon, bagkus ay gusto ko lang magkamit ng mga pagpapala, hindi ba’t katulad lang ako ng mga tao sa relihiyon? Saka ko lang napagtanto na ginagamit ng Diyos ang pangyayaring ito para dalisayin at iligtas ako. Kung hindi, hindi ko sana kailanman naunawaan ang katiwalian, mga karumihan, at mga satanikong disposisyong nasa kalooban ko. Labis akong namighati, at nagsisi ako sa Diyos. Hindi na ako hihingi pa sa Diyos. Ang aking tungkulin ay isang bagay na dapat kong gampanan nang nararapat. Hindi ako dapat humingi sa Diyos batay sa mga pagsisikap na nagawa ko. Handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang aking anak, at hayaang ang Diyos ang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat at ang magsaayos ng lahat. Araw-araw kong aalagaan ang aking anak hangga’t nabubuhay siya. At kung gaano siya katagal mabubuhay, nasa ilalim na iyon ng pamamatnugot ng Diyos.
Hindi siya sumuka sa panahon ng chemotherapy, at walang anumang masakit na reaksyon. Nakakain siya nang maayos. Samantala, ang ilang pasyente sa paligid niya ay labis na sumusuka, hindi makakain, at nilalagnat. Napakaseryoso ng kanilang mga komplikasyon. Nang makita ko ang lahat ng ito, napagtanto kong ito ang proteksyon ng Diyos sa kanya. Gayunpaman, makalipas ang kalahating buwan, kinamot ng anak ko ang kanyang ilong at naimpeksyon ito. Noong una, sinabi niyang masakit ang kanyang ilong, pagkatapos ng ilang araw, sinabi niyang masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng doktor na mahina ang kanyang resistensya dahil mas kaunti ang kanyang mga white blood cell. Ang impeksyon sa kanyang ilong ay nagdulot ng systemic inflammatory response, na maaaring mag-trigger ng iba pang mga komplikasyon. Ang kanyang sakit ng ulo ay maaaring isang viral infection na umabot na sa kanyang utak. Kung kumalat ang virus sa kanyang utak, napakahirap itong kontrolin. Sa mga seryosong kaso, kakailanganin ang isang craniotomy. Malaki ang gastos dito at may panganib na mamatay ang pasyente. Pagkaalis ng doktor, sinabi sa akin ng asawa ko, “Kung may pera tayo, mabibigyan natin ang ating anak ng ilang cycle ng chemotherapy at mabubuhay siya nang ilang buwan pa, ngunit wala man lang tayong sapat para sa isang cycle ng chemotherapy.” Pagkatapos ay sinisi niya ako sa hindi pagkita ng pera, kung kumikita raw ako ng pera, nakapagbayad sana kami para sa mas marami pang cycle ng chemotherapy para sa aming anak. Nang marinig ko ang sinabi ng aking asawa, labis na sumama ang loob ko. Kung talagang naimpeksyon na ng virus ang utak ng anak namin, kulang ang pera namin kahit para sa isang round ng chemotherapy. Saan kami kukuha ng pera pagkatapos niyon? Kung ititigil namin ang chemotherapy, baka mamatay ang anak namin anumang oras, at hindi na namin siya makikita pang muli. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagdadalamhati. Nitong mga nakaraang taon, mula nang umalis ako sa trabaho, nakatuon ako sa pagdidilig sa mga baguhan at pangangaral ng ebanghelyo, kaya hindi ako nagtatrabaho para kumita ng pera. Kung hindi ako umalis sa trabaho noon, hindi ba’t kumita sana ako ng sapat sa mga taong ito para mabigyan ng mas mahabang gamutan ang anak ko? Sa sandaling ito, napagtanto kong hindi tama ang aking mga iniisip. Hindi ba’t nagrereklamo ako sa Diyos? Tahimik akong nanalangin sa Diyos, nagmamakaawang protektahan Niya ang aking puso. Napagtanto kong kailangan kong basahin ang mga salita ng Diyos. Kung wala ang mga salita ng Diyos, hindi ako makapaninindigan. Sinabi ko sa aking anak, “Magmamadali akong bumalik para ipagluto ka ng pagkain. Isa kang batang Kristiyano: Kung masakit ang ulo mo, dapat kang manalangin sa Diyos.” Sinabi niya, “Nay, handa po akong manalangin.”
Pagbalik ko, binuksan ko ang aking MP5 player at binasa ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dahil hindi alam ng mga tao ang mga pamamatnugot ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagsuway at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais iwaksi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mag-iba ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito, na nagaganap sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, ay nagdudulot ng matinding kirot, at ang kirot na ito ay tumatagos sa kanyang buto, at kasabay nito ay idinudulot nito na maaksaya ang buhay niya. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi masuwerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Sa pangunahin, idinudulot ito ng mga landas na tinatahak ng mga tao, at ng mga paraan na pinipili nilang isabuhay ang kanilang buhay” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong ang kapalaran ng bawat tao ay paunang itinalaga ng Diyos. Bagama’t sa panlabas ay tila namana ng anak ko ang sakit na ito mula sa kanyang ama, ito ay talagang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapalaran niyang magdusa sa ganitong paraan. Gayunpaman, gusto kong gamitin ang sarili kong mga kakayahan para baguhin ang kapalaran ng aking anak. Inakala kong kung may pera ako, makakapagbayad ako para sa mas mahabang gamutan para sa kanya at mapapanatili siyang buhay. Ito ay dahil hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naisip ko ang isang bata mula sa kalapit na nayon na nagkaroon ng leukemia. May pera ang kanyang pamilya para ipagamot siya, ngunit namatay siya pagkatapos lamang ng ilang buwan ng gamutan. Hindi kayang pahabain ng pera ang buhay ng isang tao. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa buhay at kamatayan ng isang tao. Kapag tapos na ang itinakdang haba ng buhay ng isang tao, walang anumang halaga ng pera ang makapagliligtas sa kanya. Naisip ko noong nawalan ng mga anak si Job. Bagama’t nakaramdam siya ng matinding pasakit at kalungkutan, hindi siya kailanman nagkasala sa pamamagitan ng kanyang mga labi at hindi kailanman nagreklamo tungkol sa Diyos. Nagawa niyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Nagkaanak si Abraham sa edad na isang daan. Nang hilingin sa kanya ng Diyos na ialay ang kanyang anak sa Diyos kalaunan, nakaramdam siya ng matinding pasakit at ng kirot sa puso dahil sa pagbitiw. Ngunit nagawa niyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi siya nakipagtalo sa Diyos o nakipagtawaran, at sa huli, inialay niya si Isaac. Sa kanilang mga oras ng pagdadalamhati, nagawa nina Job at Abraham na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sila ay may takot at pagpapasakop sa Diyos, at hindi namuhay ayon sa damdamin. Mula nang magsimula akong manampalataya sa Diyos hanggang ngayon, palagi akong namumuhay ayon sa damdamin. Hindi ako kailanman nagpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos at palagi kong gustong panatilihing ligtas ng Diyos ang anak ko, sinusubukang makipagtawaran sa Diyos. Lubos akong walang katwiran! Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako gaanong nag-alala tungkol sa sakit ng aking anak.
Pagbalik ko sa ospital, sinabi ng anak ko, “Nay, nakita ko po ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Pagkaalis mo po, sumakit na naman ang ulo ko, at nanalangin po ako sa Diyos. Pagkatapos ko pong manalangin, hindi na sumakit ang ulo ko.” Mula noon, hindi na kailanman sumakit ang ulo ng anak ko, at hindi na kumalat ang virus sa loob ng kanyang utak. Paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko. Noong nasa ospital ang anak ko, araw-araw siyang nananalangin sa Diyos, at unti-unti siyang nakaangkop sa chemotherapy. Halos naging matatag na ang kanyang kondisyon. Isang taon ang lumipas sa isang iglap, at hindi lumala ang kondisyon ng aking anak. Sa isang iglap, Abril na ng 2016 at oras na para sa ikapitong round ng chemotherapy ng aking anak. Noong mga oras na iyon, medyo umuubo siya, at nang lumabas ang mga resulta ng pagsusuri, ipinakita nitong bumalik ang virus at naimpeksyon ang kanyang mga baga. Mas malubha ang sitwasyon kaysa sa unang pagkakataon. Nasa panahon na ito ng mataas na panganib, at anumang sandali ay maaaring manganib ang kanyang buhay. Nang marinig ko ito, nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kalungkutan. Napagtanto kong maaaring ito na ang katapusan ng itinakdang haba ng buhay ng aking anak. Nanalangin ako sa Diyos na nawa ay bigyan Niya ako ng lakas na hindi magreklamo tungkol sa Diyos at na makapagpasakop. Medyo mataas ang mga bayarin sa ospital sa pagkakataong ito, at wala na kaming kakayahang magbayad pa. Pinipilit na kami ng mga nars na bayaran ang mga bayarin. Narinig ito ng anak ko at malungkot na sinabi, “Nay, kung ititigil po ang gamot ko, mamamatay po ba ako?” Kalaunan, sumulat siya sa akin ng isang mensahe na nagsasabing, “Bakit po ako nagkaroon ng sakit na ito? Napakabata ko pa po, gusto kong pumasok sa eskwela. Ayaw ko pong mamatay. Hindi ko pa po natatamasa ang mundong ito …” Nang mabasa ko ito, sobrang nanlumo ako na parang dinudurog ang puso ko. Bagama’t alam kong nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ng aking anak, ayaw ko pa ring mawala siya sa akin.
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang pagkamatay ng isang nilalang na may buhay—ang pagwawakas ng isang pisikal na buhay—ay nagpapahiwatig na ang nilalang na may buhay ay pumanaw na sa materyal na mundo at nagtungo sa espirituwal na mundo, samantalang ang pagsilang ng isang bagong pisikal na buhay ay nagpapahiwatig na ang isang nilalang na may buhay ay naparito na mula sa espirituwal na mundo patungo sa materyal na mundo at nagsimula nang gawin at gampanan ang papel nito. Paglisan man o pagdating ng isang nilalang, parehong hindi maihihiwalay ang mga ito mula sa gawain ng espirituwal na mundo. Pagdating ng panahon na dumating ang isang tao sa materyal na mundo, nakabuo na ang Diyos ng angkop na mga plano at pakahulugan sa espirituwal na mundo kung saang pamilya mapupunta ang taong iyon, ang panahon kung kailan sila darating, ang oras ng kanilang pagdating, at ang papel na kanilang gagampanan. Sa gayon, ang buong buhay ng taong ito—ang mga bagay na kanilang ginagawa, at ang mga landas na kanilang tinatahak—ay magpapatuloy ayon sa mga planong ginawa sa espirituwal na mundo, nang wala ni katiting na paglihis. Bukod pa riyan, ang panahon kung kailan magwawakas ang isang pisikal na buhay at ang paraan at lugar kung saan ito magwawakas ay malinaw at nahihiwatigan sa espirituwal na mundo. Pinamumunuan ng Diyos ang materyal na mundo, at pinamumunuan din Niya ang espirituwal na mundo, at hindi Niya aantalahin ang normal na siklo ng buhay at kamatayan ng isang kaluluwa, ni hindi Siya maaaring gumawa ng anumang mga pagkakamali sa mga plano ng siklong iyon. Bawat isa sa mga tagapamahala sa mga opisyal na puwesto sa espirituwal na mundo ay isinasagawa ang kanilang indibiduwal na mga gawain, at ginagawa yaong kinakailangan nilang gawin, alinsunod sa mga tagubilin at mga panuntunan ng Diyos. Sa gayon, sa mundo ng sangkatauhan, bawat materyal na kakaibang pangyayari na namasdan ng tao ay nasa ayos, at hindi magulo. Lahat ng ito ay dahil sa maayos na pamumuno ng Diyos sa lahat ng bagay, gayundin sa katotohanan na ang Kanyang awtoridad ang namumuno sa lahat ng bagay. Kabilang sa Kanyang kapamahalaan ang materyal na mundong tinitirhan ng tao at, bukod pa riyan, ang di-nakikitang espirituwal na mundo sa likod ng sangkatauhan. Samakatuwid, kung nais ng mga tao na magkaroon ng mabuting buhay, at inaasam na manirahan sa magandang kapaligiran, bukod pa sa mabigyan ng buong materyal na mundong nakikita, kailangan din silang mabigyan ng espirituwal na mundo, na hindi nakikita ninuman, na namamahala sa bawat nilalang na may buhay para sa kapakanan ng sangkatauhan, at maayos. Sa gayon, ngayong nasabi nang ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, hindi ba nadagdagan ang ating kamalayan at pagkaunawa sa ‘lahat ng bagay’? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa buhay ng mga tao. Bawat kaluluwa ay may misyon sa pagdating at pag-alis nito, o sa pag-alis para muling dumating. Ang buhay at kamatayan ng isang tao ay isinasaayos nang napakatumpak ng Diyos sa espirituwal na kaharian. Kapag bumabalik ang kaluluwa ng isang tao sa espirituwal na kaharian, nasa mga kamay din ito ng Diyos, na gumawa na ng mga angkop na pagsasaayos. Ang haba ng itinakdang buhay ng bawat tao ay paunang itinalaga ng Diyos. Dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at harapin nang may kapanatagan ang pagkamatay ng aking anak. Nang maunawaan ko ito, nakipagbahaginan ako sa aking anak, “Sa espirituwal na kaharian, ang bawat isa sa atin ay isang namamanglaw na palaboy. Ang Diyos ang nagdala sa atin sa materyal na mundong ito, at pinahintulutan tayong tamasahin ang lahat ng nilikha ng Diyos. Ang hininga natin ay ibinigay ng Diyos. Kung hindi ibinigay ng Diyos ang hiningang ito, kahit na pagkatapos kitang isilang, hindi ka sana nabuhay. Alam mo, may ilang bata na namamatay agad pagkasilang. Kahit papaano, nabuhay ka nang ganito katagal, at natamasa mo ang lahat ng bagay na ibinigay sa atin ng Diyos. Hindi ba’t mas mabuti iyan kaysa sa kanilang buhay? Kaya gaano man tayo katagal mabuhay, kailangan nating magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.” Pagkarinig nito, hindi na gaanong natakot ang anak ko. Pagkalabas sa ospital, nakipaglaro ang anak ko sa kanyang mga kaibigan. Mukha siyang napakamasiyahin. Sinabi niya sa akin, “Nay, bawat araw na pinahihintulutan akong mabuhay ng Diyos, nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng hiningang ito. Kung dumating ang araw na tapos na ang itinakdang haba ng buhay ko, magpapasakop ako.” Makalipas ang dalawang buwan, noong Hunyo 26, 2016, tuluyan na akong iniwan ng aking anak. Dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos, nagawa kong tratuhin nang tama ang pagpanaw ng aking anak, at labis na panatag ang aking kalooban.
Sa mga araw na iyon ng pagdadalamhati, ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin palabas, paisa-isang hakbang, at tinulungan akong tingnan ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga salita ng Diyos, maunawaan ang aking mga nakalilinlang na pananaw na maghangad ng mga pagpapala sa aking pananampalataya, mapagtantong ang buhay at kamatayan ay kapwa paunang itinalaga ng Diyos, harapin nang may kapanatagan ang pagkamatay ng aking anak, at makaahon mula sa aking pagdadalamhati. Tunay kong naranasan kung paanong ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.