72. Ang mga Aral na Natutunan Ko Mula sa Pagdanas ng Pag-uusig at Kapighatian
Noong 2022, nagdidilig ako ng mga baguhan sa iglesia. Sa simula ng Agosto, nalaman kong lahat ng aming mga lider ng distrito ay naaresto na ng CCP. Sa sandaling narinig ko ang balita, nagulat ako. “Paano naaresto ang lahat ng mga lider na ito? Ano na ang mangyayari sa gawain ng iglesia?” Pagkatapos ay naalala ko na noong umaga ng araw ng kanilang pagkaaresto, dalawa sa mga lider ng distrito ang pumunta sa bahay ko at magkasama kaming nagdilig ng mga baguhan. Madalas akong nakikipag-ugnayan sa kanila. Mamanmanan din kaya ako ng CCP? Hindi nagtagal, narinig kong mas marami pang kapatid ang naaresto. Halos lahat ng taong naaresto ay nakapunta na sa bahay ko. Kung hindi sila makapanindigan sa kanilang patotoo at ipagkanulo ako, magiging napakamapanganib ng posisyon ko. Dagdag pa rito, noong una akong nanampalataya sa Diyos, naiulat na ako, kaya sa loob ng ilang taon, patuloy akong hinahanap ng mga pulis. Kung maaaresto ako, tiyak na hindi ako basta-basta pakakawalan ng mga pulis. Nagkaroon ako dati ng kanser at naoperahan na, kaya mahina ang aking kalusugan. Paano ko makakayanan ang pagpapahirap? Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng isang liham. Binanggit sa liham na sinabi ng isang lider na naaresto at kalalaya lang na minamanmanan ng mga pulis ang lugar kung saan ako nakatira, at hiniling sa aking umalis ng bahay at magtago sa lalong madaling panahon. Ang sunod-sunod na balitang ito ay nagdulot sa aking mamuhay sa matinding takot. Nagmamadali kong inayos ang aking mga gamit at lumipat ng tirahan. Naisip ko, “Kailangan talaga akong manatili sa bahay, at hindi na ako puwedeng magpakita pa.” Ngunit napagtanto kong ako ang lider ng pangkat ng pagdidilig. Ngayon, dahil may mga taong naaresto at inusig, kailangan ng mga baguhan ng pagdidilig at pagsuporta. Ang pinakaapurahang gawain sa oras na ito ay suportahan nang maayos ang mga baguhang ito. Gayumpaman, masusubaybayan kaya ako ng mga pulis kapag pumunta ako para diligan ang mga baguhan? Sakop ng pagmamatyag ng CCP ang bawat sulok. Kung maaaresto ako at hindi makapaninindigan sa patotoo, bagkus ay magiging si Hudas, hindi ba’t masasayang lang ang pananampalataya ko sa lahat ng taon na ito? Paano pa ako magkakaroon ng magandang hantungan nang ganoon? Para maiwasan ang pagkaaresto, hiniling ko kay Sister Xiaole, na kasisimula pa lang magsanay sa tungkulin ng pagdidilig, na makipagtipon sa mga baguhan.
Isang beses, bumalik si Xiaole pagkatapos ng isang pagtitipon at sinabing isa sa mga baguhan ang hindi na nangangahas manampalataya pa sa Diyos, dahil sa takot na maaresto. Gayundin, isa pa sa mga baguhan ang nag-alala na ang maaresto ay makakaapekto sa kinabukasan ng kanyang anak, kaya hindi na rin siya nangahas manampalataya pa. Nang marinig ko ito, labis akong nabalisa. Alam kong maikling panahon pa lang nananampalataya sa Diyos si Xiaole at hindi pa siya nakapagdilig ng mga baguhan dati. Hindi niya kayang ganap na lutasin ang ilan sa mga problema at kalagayan ng mga baguhan. Ang mga problema ng mga baguhang ito ay kailangang malutas agad sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan. Kung hindi, nanganganib silang umalis mula sa iglesia. Gayumpaman, kung lalabas ako para diligan ang mga baguhan, maaari akong maaresto anumang oras. Nagkaroon ako ng malubhang karamdaman. Paano ko makakayanan ang pagpapahirap ng mga pulis? Naisip ko ang mga eksena kung saan pinahihirapan ang aking mga kapatid: Ibinibitin ng mga pulis ang mga kapatid at binubugbog sila, binubuhusan ng kumukulong tubig, at kinukuryente, at iba pa. Walang kasuklam-suklam na paraan na hindi nila gagawin. Maraming kapatid ang pinahirapan matapos maaresto. Ang ilan ay naiwang may mga kapansanan, at ang ilan pa nga ay binugbog hanggang mamatay. Kung maaaresto ako at papahirapan ng mga pulis hanggang mamatay, mawawalan ako ng pagkakataon para sa kaligtasan. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong natatakot. Naisip ko, “Marahil ay mas mabuti ngang ipadala si Xiaole para suportahan ang mga baguhan. Hindi naman siya gaanong kilala bilang mananampalataya sa Diyos.” Gayumpaman, nang maisip ko ito, medyo hindi ako mapakali, “Kasisimula pa lang magsanay ni Xiaole sa pagdidilig ng mga baguhan. Hindi niya kayang makipagbahaginan nang masyadong malinaw tungkol sa mga problema ng mga baguhan. Kung hindi nauunawaan ng mga baguhan ang katotohanan, malamang na aatras sila, at magdurusa ng kawalan ang kanilang buhay. Isa pa, responsabilidad ko naman palagi ang mga baguhang ito. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang kanilang mga sitwasyon. Pinakaangkop na ako ang pumunta at sumuporta sa kanila. Kung isasantabi ko sila at hindi sila papansinin dahil sa sarili kong kaligtasan, hindi ba’t pagiging iresponsable ito sa aking tungkulin?” Gayumpaman, natatakot akong maaresto kung lalabas ako. Naiipit sa mahirap na suliraning ito, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako para mapangalagaan ko ang gawain ng iglesia sa kapaligirang ito. Pagkatapos kong manalangin, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong gaano man kalaganap si Satanas, palagi siyang nasa mga kamay ng Diyos. Dapat siyang makinig sa mga tagubilin at utos ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, kahit pa isang patak ng tubig o isang butil ng buhangin sa lupa ay hindi niya magagalaw. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig na lahat ng bagay at pangyayari ay kontrolado ng Diyos. Kung maaaresto man ako o hindi ay nasa Diyos na iyon. Ngayon, ang mga problema ng mga baguhang ito ay kailangang agarang malutas. Hindi ko puwedeng isipin lang ang sarili kong kaligtasan. Napakaimportanteng malutas ang mga problema ng mga baguhan. Sa susunod na may pagtitipon ng mga baguhan, kailangan kong pumunta. Kung talagang maaaresto ako, pinahintulutan iyon ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man kalaganap si Satanas, magiging ligtas ako. Sa araw ng pagtitipon, maaga akong umalis at ilang beses na umikot bago pumunta sa lugar ng pagtitipon. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan tungkol sa pagkaunawang batay sa karanasan sa pagtitipon, naunawaan ng mga baguhan ang layunin ng Diyos at hindi na sila gaanong kimi at takot. Lumitaw ang mga ngiti sa kanilang mga mukha, at nabago ang kanilang mga kalagayan. Nakaramdam din ako ng saya at kapayapaan sa puso.
Noong 2023, sinimulan kong gawin ang tungkulin ng isang lider ng iglesia. Noong hapon ng Hulyo 6, si Sister Gao Li, na katrabaho ko, ay nakikipagtipon sa tatlong baguhan na mga lider at diyakono nang siya ay arestuhin. Nang marinig ko ang balitang ito, kumabog nang malakas ang dibdib ko. “Halos araw-araw akong pumupunta sa bahay ni Gao Li, at madalas kong makita ang tatlong baguhang ito. Ang mga baguhang ito ay hindi pa matagal na nananampalataya sa Diyos at mababaw pa lang ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Makakayanan kaya nila ang pag-uusig ng mga pulis at makakapanindigan sa kanilang patotoo? Paano kung hindi nila makayanan ang pagpapahirap, at maging mga Hudas sila at ipagkanulo ako? May sakit na ako sa simula pa lang, at kung maaaresto ako, paano ko pa makakayanan ang pagpapahirap ng mga pulis?!” Noong mga araw na iyon, madalas akong nakakatanggap ng mga liham na nagsasabing naaresto si Kapatid-na-ganito at si Kapatid-na-ganyan na nakaugnayan ko. Pakiramdam ko ay maaari akong maaresto anumang oras, at hindi ko mapatahimik ang aking puso. Araw-araw akong nababalot ng tensyon. Gusto ko na lang humanap ng lugar kung saan ako makakapagtago at hindi na muling magpakita. Ngunit naisip ko, isa akong lider sa iglesia, at ang pag-aasikaso sa mga kinahinatnan ay aking responsabilidad. Partikular na, pamilyar na pamilyar si Gao Li sa mga bahay kung saan iniingatan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kailangang mailipat agad ang mga libro sa lalong madaling panahon. Gayumpaman, napakasama ng kapaligiran noong panahong iyon, at nasa lahat ng dako ang pagmamatyag. Kung matutuklasan ako ng mga pulis na naglilipat ng lahat ng librong ito, hindi ko lubos maisip ang tindi ng magiging resulta! Bukod pa sa isa akong lider ng iglesia. Kapag nalaman ng mga pulis na lider ako, tiyak na pahihirapan nila ako hanggang sa mamatay. Sa sandaling maisip ko ang mga eksena kung saan pinahihirapan ng mga pulis ang mga kapatid, nanginginig ako sa takot. Kung bubugbugin ako ng mga pulis hanggang mamatay, tuluyan nang mawawala ang pagkakataon ko sa kaligtasan, at masasayang lang ang pananampalataya ko sa Diyos sa lahat ng taon na ito. Gayumpaman, kung hindi makakayanan ni Gao Li ang pagpapahirap at magiging Hudas siya, at hindi maililipat sa tamang oras ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, malamang na mapapasakamay ng mga pulis ang mga ito. Kung gayon, magiging pabaya ako sa aking tungkulin. Isa iyong malubhang pagsalangsang! Hindi maaaring ipagpaliban kahit isang sandali ang paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Noong gabing iyon, maraming beses akong nanalangin sa Diyos, sinuri ko ang aking sarili at nakita kong namumuhay ako sa takot, takot na magpakita, na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ang pagiging kimi at takot ay panlilinlang ni Satanas. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na madalas kong basahin: “Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Sinisiyasat ako ng Diyos sa oras na ito para makita kung makakapagpatotoo ako sa harap ni Satanas, at kung tapat ba ako at mapagpasakop sa Diyos. Ngayon, mapanganib ang kapaligiran at kailangang-kailangang ilipat agad ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Bilang isang lider ng iglesia, dapat ko itong gawin nang walang pag-aatubili. Naisip ko kung gaano kasama, kasuklam-suklam, at puno ng mga pakana ang CCP. Hindi ko alam kung makakapanindigan ba ang mga kapatid na naaresto sa gitna ng mga pagbabanta at panunuhol ng mga pulis. Kailangan kong asikasuhin ang mga kinahinatnan sa lalong madaling panahon. Hindi maaaring maantala kahit isang sandali ang paglilipat ng mga libro. Hindi na ako puwedeng mag-antala pa. Agad kong tinalakay kasama ang mangangaral kung paano ililipat ang mga libro, at nanalangin ako sa Diyos, ipinagkakatiwala ang bagay na ito sa Kanya. Sa ilalim ng proteksyon ng Diyos, maayos naming nailipat nang ligtas ang lahat ng aklat ng mga salita ng Diyos mula roon. Saka lamang ako nakahinga nang maluwag.
Kalaunan, nakatanggap ako ng isa pang liham na nagsasabing naaresto na rin si Sister Li Jie, na may isa pang sister na binugbog hanggang mamatay tatlong araw pagkatapos maaresto, at palaging sinusundan at inaaresto ng mga pulis ang mga kapatid sa iglesia. Nang marinig ko ang mga balitang ito, nagsimula na naman akong mag-alala. Paano kung maaresto ako, pahirapan, at bugbugin hanggang mamatay? Hindi sinasadya, medyo natakot at nangamba ang puso ko. Naisip kong hindi na ako puwedeng lumabas pa, at dapat na akong magtago sa bahay. Napagtanto kong hindi tama ang pagpapakita ng mga ideyang ito, at nagsimula akong magnilay sa sarili ko. Bakit ako namumuhay sa pagiging kimi at takot, at gustong tumakas sa sandaling dumating sa akin ang isang mapanganib na sitwasyon? Nanalangin ako sa Diyos tungkol sa aking kalagayan. Pagkatapos manalangin, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? … Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, ‘Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!’ Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, ‘Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.’ Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na gumawa. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.) Ang mga ganitong tao ay sadyang mahina ang loob, at talagang hindi natin sila maaaring ilarawan bilang mga anticristo batay lang sa pagpapamalas na ito, pero ano ang kalikasan ng pagpapamalas na ito? Ang diwa ng pagpapamalas na ito ay yaong sa isang hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala na kayang protektahan ng Diyos ang seguridad ng mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang pag-aalay ng sarili sa paggugol para sa Diyos ay isang paglalaan ng sarili sa katotohanan, at na isa itong bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Wala silang takot sa Diyos sa kanilang puso; kay Satanas lang sila natatakot at sa mga buktot na partidong pampulitika. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lalong hindi sila naniniwala na sasang-ayunan ng Diyos ang isang taong gumugugol ng lahat para sa Kanya, at alang-alang sa pagsunod sa Kanyang daan, at pagkumpleto sa Kanyang atas. Hindi nila nakikita ang alinman dito. Ano ang pinaniniwalaan nila? Naniniwala sila na kung mahuhulog sila sa mga kamay ng malaking pulang dragon, mapapahamak ang sarili nila, maaaring masentensiyahan sila o manganib na mawalan ng buhay. Sa puso nila, isinasaalang-alang lang nila ang kanilang sariling seguridad at hindi ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga ito? (Oo, ganoon sila.) Ano ang sinasabi ng Bibliya? ‘Ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon’ (Mateo 10:39). Naniniwala ba sila sa mga salitang ito? (Hindi, hindi sila naniniwala.) Kung hihilingin sa kanila na sumuong sila sa panganib habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, gugustuhin nilang magtago at hindi magpakita kahit kanino—gugustuhin nilang maging hindi-nakikita. Ganito kalaki ang kanilang takot. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang sandigan ng tao, na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na kung talagang may mangyayaring hindi maganda o mahuhuli sila, ito ay pinahihintulutan ng Diyos, at na dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop ang mga tao. Ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng ganitong puso, ganitong pang-unawa, o kahandaan. Tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t ang diwa ng pagpapamalas na ito ay yaong sa isang hindi mananampalataya? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Mula nang marinig kong naaresto ang sister na katrabaho ko, namuhay ako sa tensyon at takot. Alam kong isa akong lider ng iglesia, at na kapag dumating sa amin ang isang mapanganib na kapaligiran, kailangan kong protektahan ang mga handog ng Diyos at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos bilang pangunahing priyoridad. Gayumpaman, naisip ko kung gaano kapanganib ang kasalukuyang kapaligiran, at ang pagmamatyag sa lahat ng dako. Kung ililipat ko ang napakaraming libro sa ganitong uri ng kapaligiran, sa sandaling maaresto ako ng mga pulis, hindi nila ako basta-basta pakakawalan. Kung bubugbugin ako hanggang sa ako’y malumpo, o bubugbugin pa nga hanggang mamatay, ganap nang mawawala sa akin ang pagkakataon ko para sa kaligtasan. Nang maisip ko ang mga nakakatakot na kahihinatnang ito, hindi ako nangahas na ilipat ang mga libro. Gusto kong ipasa ang gawain sa mangangaral. Sa mahalagang sandaling ito, ang tanging isinaalang-alang ko lang ay ang personal kong kaligtasan. Puno ang isip ko ng sarili kong mga interes, at talagang hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam, at walang pagkatao! Bago dumating sa amin ang kapaligirang ito, madalas akong nakikipagbahaginan sa aking mga kapatid tungkol sa kung paanong ang malaking pulang dragon ay isa lamang kasangkapan para magserbisyo sa gawain ng Diyos, at ginagamit ng Diyos ang pag-uusig ng malaking pulang dragon para ibunyag at gawing perpekto ang mga tao. Gayumpaman, nang dumating sa akin ang panganib, inilantad ako nito. Buong araw akong namuhay sa pagiging kimi at takot. Natatakot akong pahirapan ng mga pulis hanggang sa mamatay. Wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos. Nakita kong karaniwan, lahat ng ibinabahagi ko ay pawang mga salita at doktrina lang. Wala akong kahit katiting na pananalig sa Diyos. Isa akong hindi mananampalataya na inilantad ng Diyos!
Kalaunan, nagnilay ako sa sarili ko. Bakit palagi kong gustong ipasa ang aking tungkulin sa iba sa sandaling dumating sa akin ang isang mapanganib na kapaligiran? Anong kalikasang diwa ang nagdulot nito? Sa paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. … Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga kasunod na gawain. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong di-tuwirang pagkakanulo sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga kasunod na gawain, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanya ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilantad ng Diyos na ang tanging isinasaalang-alang ng mga anticristo ay ang sarili lamang nilang kaligtasan kapag nasa panganib. Hindi nila isinasaalang-alang kung napipinsala ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nila pinapansin ang kaligtasan ng kanilang mga kapatid. Sobrang makasarili sila at kasuklam-suklam! Nang ikumpara ko ang disposisyong inihayag ko sa disposisyon ng isang anticristo, nakita kong magkatulad ang mga ito. Namumuhay ako ayon sa lason ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Sa mga mapanganib na kapaligiran, inuuna ko ang sarili kong mga interes. Isang taon na ang nakalipas, nagkaroon ng isang mapanganib na sitwasyon sa aming iglesia. Nag-alala akong maaaresto ako at pahihirapan, kaya hindi ako nangahas na lumabas para diligan ang mga baguhan. Nangangahulugan itong hindi nalutas sa tamang oras ang mga problema ng mga baguhan. Nang maaresto ang sister na kapareha ko at ilang lider at diyakono, kailangang-kailangan kong asikasuhin ang mga kinahinatnan. Ngunit natatakot pa rin akong maaaresto ako at pahihirapan, at natatakot akong bugbugin hanggang mamatay, kaya gusto kong ipasa ang aking tungkulin sa iba. Bilang isang lider ng iglesia, may responsabilidad akong protektahan ang mga interes ng iglesia at ang kaligtasan ng aking mga kapatid. Gayumpaman, kapag dumarating sa akin ang isang mapanganib na kapaligiran, palagi kong gustong tumakas mula sa labanan, iniisip lamang na iligtas ang sarili kong balat at ipasa ang aking tungkulin sa iba. Takot na takot mamatay, sakim akong kumapit sa buhay kahit ano pa ang maging kapalit. Sariling laman ko lang ang inalala ko. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam. Wala man lang akong anumang katapatan sa Diyos. Naisip ko kung paanong isinasapanganib ng Diyos ang Kanyang buhay para personal na pasukin ang lungga ng tigre upang lubos na mailigtas ang sangkatauhan mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sumailalim ang Diyos sa walang tigil na pagtugis ng naghaharing partido ng Tsina, ngunit hindi kailanman tinalikuran ang ating kaligtasan, sa halip ay nagpatuloy sa pagsasalita at pagbigkas ng mga salita para gabayan tayo. Napakalaki ng pag-ibig ng Diyos para sa mga tao! Ang mga taong tunay na tapat sa Diyos ay uunahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kahit na kailangan nilang makipagsapalaran, aasikasuhin nila nang maayos ang mga kinahinatnan. Tinamasa ko ang pagtutustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, ngunit hindi ko alam kung paano magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at hindi ko naisip na suklian ang pagmamahal ng Diyos. Talagang wala akong konsensiya at katwiran! Wala akong ipinagkaiba sa isang anticristo: makasarili at kasuklam-suklam, wala kahit katiting na pagkatao. Kung hindi ako magsisisi, matatamo ko ang pagkasuklam ng Diyos at matitiwalag ako. Nang mapagtanto ko ito, dali-dali akong lumuhod para manalangin, “Mahal na Diyos, sa tuwing nakakaranas ako ng mapanganib na kapaligiran, ang sarili ko lang kaligtasan ang iniisip ko. Hindi ko isinasaalang-alang ang mga interes ng iglesia o ang kaligtasan ng aking mga kapatid. Sobrang makasarili ako at kasuklam-suklam! Ang asal ko ay lubhang kasuklam-suklam sa Iyo! Mahal na Diyos, ayaw kong mamuhay sa aking tiwaling disposisyon. Handa akong umasa sa Iyo para magawa nang maayos ang aking tungkulin.”
Kalaunan, hinanap ko ang mga sipi ng mga salita ng Diyos na nauugnay sa aking kalagayan ng palagiang pagkatakot na maaresto at mabugbog hanggang mamatay. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa mga layunin ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga layunin at kahingian ng Diyos. Kung buhay ang magiging kabayaran ng isang tao para magpatotoo sa Diyos, ito ang pinakamataas na uri ng patotoo. Sinasang-ayunan ito ng Diyos. Kapag ibinigay ng isang tao ang kanyang buhay para sa makatarungang layunin, bagama’t namamatay ang laman, bumabalik sa Diyos ang espiritu at kaluluwa. Tulad ng sinasabi ng Bibliya: “Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Ipinako si Pedro nang patiwarik sa krus para sa Diyos at nawala ang buhay ng kanyang laman, ngunit nagpatotoo siya sa Diyos at nagkamit ng buhay na walang hanggan. Gayundin, ang mga kapatid na mas nanaisin pang mamatay kaysa maging si Hudas sa ilalim ng pagpapahirap ng malaking pulang dragon ay namatay upang magpatotoo sa Diyos. Ang ganitong uri ng kamatayan ay inaalala ng Diyos. Palagi akong nag-aalala na maaaresto ako ng mga pulis at bubugbugin hanggang mamatay habang ginagawa ang aking tungkulin: Ito ay kawalan ng pagkaunawa sa kahalagahan ng buhay at kamatayan. Ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan dito; ang mismong hininga sa aking mga baga ay ibinigay ng Diyos. Dapat kong ipagkatiwala ang aking buhay at kamatayan sa Diyos, at magpasakop sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kahit na maaresto ako at mapahirapan ng mga pulis hanggang sa mamatay, magiging mahalaga ito at makabuluhan kung makapaninindigan ako sa aking patotoo sa Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). Ang laman lang ng tao ang kayang pinsalain ni Satanas. Kahit na pahirapan tayo ng CCP dahil sa pananampalataya sa Diyos, at magdusa tayo sa laman o maging mga martir pa nga, dito ay makakapanindigan tayo sa patotoo sa harap ng Diyos. Sinasang-ayunan ito ng Diyos. Sa buhay na ito, pinalad akong tanggapin ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw, at tumanggap ng napakaraming pagtutustos at patnubay mula sa mga salita ng Diyos. Naunawaan ko ang mga hiwaga at kahalagahan ng buhay, at nailigtas ako mula sa pinsala at mga panlilinlang ni Satanas. Nagawa kong mamuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Lumikha. Ang mga bagay na ito ang sukdulang pagpapala. Ngayon, kung sakaling namatay nga ako, sulit naman iyon. Hindi masasayang ang buhay na ito. Pagkatapos maunawaan ito, hindi na ako nalimitahan ng kamatayan sa paraang tulad ng dati. Handa akong manalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, at gamitin ang aking karunungan para asikasuhin ang mga kinahinatnan.
Kalaunan, sinabi sa akin ng isang sister na nalaman na ng mga pulis ang tunay kong pangalan. Nang marinig ko ang balitang ito, naisip kong kailangan kong maging mas maingat pa sa hinaharap. Gayumpaman, hindi nagtagal pagkatapos niyon ay dumating ang isang liham mula sa mga nakatataas na lider, nagsasabing may ilang gawaing kailangang ipatupad agad, at ako lang ang tanging taong makakahanap ng sinumang may alam tungkol dito. Naisip ko kung paanong nalaman na ng mga pulis ang tungkol sa aktuwal kong sitwasyon, at kung paanong bawat sulok ay sakop ng pagmamatyag. Kung lalabas ako at maaaresto at mabubugbog hanggang mamatay, ano ang mangyayari? Sa oras na ito, napagtanto kong hindi na naman tama ang aking kalagayan. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Kung maaaresto man ako o hindi ay nasa Diyos na iyon. Kahit na maaresto pa ako, iyon ang oras ko para manindigan sa aking patotoo. Kahit na bugbugin pa ako ng mga pulis hanggang mamatay, kusang-loob akong tatanggap at magpapasakop. Hinding-hindi ako magiging si Hudas at ipagkakanulo ang Diyos. Dahil sa mga salita ng Diyos na gumagabay at umaakay sa akin, kumalma ang kinakabahan kong puso, at hindi na ako kimi o takot pa. Kaya naman, nagbalatkayo ako at lumabas at naisaayos ko ang mga bagay-bagay nang walang anumang problema. Sa sandaling iyon, napanatag at napayapa ang puso ko. Pagkatapos, bagama’t napakamapanganib pa rin ng kapaligiran, dahil sa mga salita ng Diyos na umaakay sa akin, hindi na ako nakaramdam pa ng pagiging kimi o takot. Sa halip, umasa ako sa Diyos, at ginamit ang aking karunungan para tapusin ang aking gawain, at unti-unting bumalik sa normal ang buhay ng iglesia.
Pagkatapos maranasan ang seryeng ito ng mga kapaligiran, nakita ko ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at personal kong naranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong makasarili at kasuklam-suklam na satanikong kalikasan. Natutunan kong manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos, at naramdaman kong mas naging malapit ang aking relasyon sa Diyos. Ngayon, ang malaking pulang dragon ay galit na galit pa ring nang-aaresto ng mga kapatid, ngunit hindi na ako namumuhay sa isang kalagayan ng takot na maaresto pa. Handa akong magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at gawin nang maayos ang aking tungkulin sa gitna ng mga kapighatian. Salamat sa Diyos!