78. Ang Gaan ng Pakiramdam Nang Maalis ang Aking Pagbabalatkayo

Ni Xiaomei, Tsina

Noong Marso 2021, responsable ako sa gawaing pang-video. Sa simula, pakiramdam ko ay marami akong pagkukulang. Kung mayroon akong hindi naiintindihan, madalas akong nagtatanong sa mga lider o sa ibang mga kapatid. Isang beses, nagkataong nakita ko ang isang liham na isinulat ng mga lider para sa iba. Nakasaad doon na bagama’t hindi pa ako matagal na gumagawa ng tungkuling ito, mayroon akong kaunting kakayahan, at medyo mabilis ang aking pag-usad sa paggawa ng mga video. Isa akong angkop na kandidato para linangin. Binanggit din sa liham ang mga problema ng ibang mga kapatid. Ako lang ang tanging taong pinuri. Nagkaroon ng ilang banayad na pagbabago ang lagay ng isipan ko. Naramdaman kong mas mahusay ako kaysa sa ibang mga kapatid, at, bukod pa roon, isa akong superbisor. Kaya sa hinaharap, kung magtatanong sila ng anumang katanungan tungkol sa mga teknik sa video, kakailanganin kong malutas ang mga iyon. Isang beses, pinag-uusapan namin ang gawain. May isang sister na nagtanong, pero hindi ko ito malutas. Naisip ko, “Kung sasabihin kong wala akong alam dito o hindi ko ito maunawaan, mamaliitin kaya nila ako? Iisipin kaya nilang hindi naman ako ganoon kahusay, at hindi naman talaga ako mas magaling kaysa sa kanila?” Kaya, tinanong ko ang ibang mga kapatid kung mayroon silang anumang ideya. Habang nagsasalita ang mga kapatid ko tungkol sa kanilang mga sariling opinyon, dali-dali akong naghanap ng mga materyales. Nang matapos silang magsalita, nagdagdag pa ako ng ilang solusyon na hindi nila nabanggit. Pagkatapos ko pa lang magsalita, sinabi ng ilang sister, “Kung hindi tayo nag-usap tungkol dito, talagang hindi namin maiintindihan ang aspektong ito. Sa sandaling nakipag-usap ka sa amin, mas naging malinaw na sa amin.” Kalaunan, sa tuwing may problema o paghihirap ang sinuman, gusto nilang talakayin ang mga iyon sa akin. Sobrang saya ko. Naisip ko, “Hinahangaan na nila akong lahat ngayon. Tiyak na iniisip nilang talagang karapat-dapat akong superbisor. Dapat akong gumanap nang mahusay. Hindi ako puwedeng pumalya.”

Isang beses, ipinasa sa akin ng isang lider ang isang video. Ginawa ito ni Sister Xiao Ran, at may ilang isyu ito. Nag-alala ang mga lider na hindi sapat ang mga teknikal na kasanayan ni Xiao Ran para i-edit ang video, kaya hiniling nila sa aking i-edit ito kasama niya. Nang makita ko ang mga problema sa video, nagkaroon ako ng ilang ideya para sa mga pag-e-edit. Gayumpaman, hindi ko pa gaanong gamay ang ilang teknik, at talagang wala akong kumpiyansa kung paano ito ie-edit nang maayos. Naisip ko, “Kung hindi ko ito mai-edit nang maayos, ano na lang ang iisipin sa akin ng mga lider? Dati, napakaganda ng impresyon nila sa akin. Kung hindi ko magagawa nang maayos ang pag-e-edit ng video na ito, iisipin kaya ng mga lider na wala akong tunay na kasanayan, at hindi ako kasinghusay ng inaakala nila? Hindi puwede. Hindi ko dapat hayaang magkaroon ng ganitong impresyon sa akin ang mga lider.” Noong oras na iyon, naisip ko, “Tutal, si Xiao Ran naman ang gumawa ng video na ito. Bakit hindi na lang si Xiao Ran mismo ang mag-edit? Kung hindi ito mai-edit nang maayos, problema niya iyon. Kung magtanong ang mga lider tungkol dito kalaunan, sasabihin ko na lang na may iba akong mahalagang trabahong ginagawa.” Gayumpaman, hindi alam ni Xiao Ran kung paano i-edit ang video, at hiningi niya ang opinyon ko. Naisip ko, “Kung sasabihin kong hindi ko rin gamay ang mga teknik na ginamit sa video na ito, ano na lang ang iisipin sa akin ni Xiao Ran? Iisipin kaya niyang superbisor pa naman ako, pero hindi ko man lang ito alam gawin?” Para hindi mahalata ng sister kung ano ang nasa isip ko, binanggit ko lang ang mga ideya ko kung paano ko ito ie-edit. Pero pahapyaw ko lang na binanggit ang mga partikular na teknikal na aspekto kung paano ito gagawin. Habang tinitingnan ang nalilitong mukha ni Xiao Ran, hindi ako nangahas na magtanong pa. Natakot akong kung magtatanong pa ako, at pagkatapos ay magtanong siya ng iba pang mga katanungan na hindi ko masasagot, hindi ko malalaman ang gagawin. Sinabi ko na lang sa kanya na manalangin sa Diyos nang madalas at umasa sa Diyos. Kalaunan, hindi pa rin nagawa ni Xiao Ran ang mga pag-e-edit. Wala nang ibang puwedeng gawin. Nilakasan ko na lang ang loob ko at in-edit ito kasama niya. Para hindi makita ni Xiao Ran na hindi ko rin alam kung paano ito gawin, palihim akong nagsaliksik ng mga mapagkukunan at nanood ng mga tutorial. Abalang-abala ako na nahilo na ako, punumpuno ang isipan ko, at pagod na pagod din ang puso ko. Sa huli, tumagal nang halos isang buwan bago natapos ang pag-e-edit ng video na ito.

Kalaunan, binigyan kami ng mga lider ng ilang materyales sa pag-aaral tungkol sa mga teknik sa video, para mapag-usapan namin ang mga ito at matuto nang magkakasama. Hindi ko pa nasubukan ang ganitong uri ng bagong teknik sa video dati, at hindi ko naintindihan ang ilan sa mga materyales sa pag-aaral. Gayumpaman, ayaw kong magbukas ng puso ko sa aking mga kapatid at talakayin ito. Dahil dito, lalo akong nahirapan sa pagbabasa ng mga materyales sa pag-aaral. Isang beses, pinag-uusapan namin ang isa sa mga materyales sa pag-aaral. Tinanong ako ni Li Xin kung ano ang mga teknik, prinsipyo at kahingian para sa paggawa ng isang partikular na uri ng rendering. Noong oras na iyon, hindi ako masyadong sigurado. Nag-alala ako kung ano ang iisipin sa akin ni Li Xin kung wala akong masabi, kaya nagkunwari akong kalmado at nagbigay ng pabasta-bastang sagot. Habang tinitingnan ang ekspresyon ni Li Xin na tila hindi lubos na nakakaunawa, alam kong hindi malulutas ng sagot ko ang kanyang problema, kaya dali-dali akong nagtanong ng ibang katanungan para ilihis ang kanyang atensyon. Pagkatapos ay nakipag-usap na sa akin si Li Xin tungkol sa ibang mga isyu. Bagama’t noong oras na iyon ay nakaramdam ako ng kaunting paninisi sa sarili, at alam kong hindi angkop ang pagkilos sa ganitong paraan, hindi ko ito gaanong pinag-isipan at pinalipas ko na lang. Minsan, kapag may lumilitaw na mga problema, gusto kong tanungin ang mga lider tungkol sa mga iyon, pero naisip ko, “Kung iniisip ng mga lider na, batay sa aking kakayahan, dapat kong malutas ang problemang ito, pero sumulat ako ng liham para magtanong, ano na lang ang iisipin sa akin ng mga lider? Iisipin kaya nilang hindi sapat ang kakayahan ko at wala akong pag-usad? Na wala akong ipinagkaiba sa ibang mga kapatid?” Nang maisip ko ito, hindi na ako dumudulog sa mga nakatataas para humingi ng patnubay kapag nakararanas ako ng hirap. Sa halip, iniisip ko kung paano ko malulutas ang mga isyu nang mag-isa. Naantala ang pag-usad sa ilang video dahil hindi ako makaisip ng solusyon. Ang pamumuhay sa ganitong kalagayan ay nagparamdam sa akin ng labis na panlulumo, na para bang tinalikuran na ako ng Diyos. Walang liwanag kapag binabasa ko ang mga salita ng Diyos, at minsan ay labis na nasusupil ang puso ko kaya gusto kong umiyak. Gusto kong magtapat sa aking mga sister at makipagbahaginan tungkol sa aking kalagayan, ngunit nagbago ang isip ko: “Lahat sila ay maraming paghihirap sa kanilang mga tungkulin, at lahat sila ay medyo negatibo. Kung magiging negatibo rin ako, hindi ba’t lalo silang magiging negatibo? Ako ang superbisor. Ako ang nangunguna sa pangkat na ito. Puwedeng maging negatibo ang iba, pero bilang superbisor, kailangan kong magpakatatag anuman ang mga kahirapang maranasan ko.” Nang maisip ko ito, hindi na ako makapagsalita. Kinailangan kong pilitin ang sarili kong magbulalas ng ilang mga salita at doktrina para palakasin ang kanilang loob, ngunit kahit sa akin ay parang walang kabuhay-buhay ang mga iyon. Noong panahong iyon, labis na nagdadalamhati ang puso ko, at pakiramdam ko ay masyadong mahirap gawin ang tungkuling ito. Minsan, napapaiyak ako habang nagbibisikleta, at minsan kapag bumibisita sa bahay ng mga kapatid, nagtatago ako sa banyo para umiyak. Pagkatapos kong umiyak, pinupunasan ko ang aking mga luha at tumitingin sa salamin. Paglabas ko ulit, pinipilit kong magpanggap na parang walang nangyari. Noong panahong iyon, palagi kong sinusupil ang aking kalagayan at mga kahirapan. Labis na nanlulumo ang puso ko. Hindi ko alam kung sa anong tiwaling disposisyon ako namumuhay na naging sanhi nito. Isang araw noong Marso 2022, dumating ang isang liham mula sa mga lider, tinatanong ang eksaktong dahilan kung bakit matagal nang walang naibubunga ang aking mga tungkulin. Dahil ba sa maling landas ang tinatahak ko? Saka lamang ako nagsimulang magnilay sa sarili ko. Paulit-ulit kong ginunita sa aking isipan ang bawat eksenang nangyari mula pa noong naging superbisor ako. Isang salita ang lumitaw sa aking isipan: pagbabalatkayo.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Mayroong karaniwang problema sa tiwaling disposisyon ng mga tao, isang karaniwang problema na umiiral sa pagkatao ng bawat tao, isang napakatinding problema. Ang karaniwang problemang ito ay ang pinakamahina, pinakanakamamatay na bahagi ng kanilang pagkatao, at sa kanilang kalikasang diwa, ito ang pinakamahirap na hukayin o baguhin. Ano ang problemang ito? Ito ay na ang mga tao ay palaging nagnanais na maging katangi-tangi, superhuman, perpektong tao. Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kapabilidad sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kapabilidad, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, ‘Malapit na, malapit na!’ Pero sa kanilang puso, naiisip nila, ‘Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ko puwedeng isiwalat ang sekreto, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!’ Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o magagaling. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pagkaunawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay mga nilikha, at hindi makakamit ang pagiging makapangyarihan sa lahat. Ni hindi posibleng makamit nila ang kasanayan sa lahat ng bagay at maunawaan ang lahat ng bagay. Gayumpaman, kulang sa kaalaman sa sarili ang mga tao, at iniisip nilang sila ay kahanga-hanga sa sandaling matuto sila ng kaunting bagay. Pinagtatakpan nila ang kanilang sarili at nagbabalatkayo bilang isang dakilang tao na kayang gawin ang lahat. Kahit na mayroon silang mga depekto at kakulangan, nagsisikap sila nang husto para magbalatkayo para walang makakita. Ito ay sanhi ng mga mapagmataas na disposisyon ng mga tao. Naalala kong noong sandaling nakatanggap ako ng kaunting papuri mula sa mga lider, inakala kong mas mahusay ako kaysa sa ibang mga kapatid ko. Bukod pa rito, isa akong superbisor, at pakiramdam ko ay dapat kong malutas ang lahat ng problemang binanggit ng aking mga kapatid. Kaya nagsimula akong magpanggap na nauunawaan ko ang lahat. Anuman ang mga kahirapan o kapintasang mayroon ako, ayaw kong ipaalam sa mga tao ang tungkol sa mga iyon. Hiniling ng mga lider sa amin ni Xiao Ran na i-edit ang video. Ayaw kong ilantad ang aking mga kakulangan at depekto, kaya ipinasa ko ang mga problema kay Xiao Ran. Nang hingin niya ang aking mga opinyon, nagpanggap akong naiintindihan ko, at niloko ko siya sa paraang pabasta-basta. Sa huli, noong wala na akong ibang pagpipilian saka ko lamang in-edit ang video kasama niya. Nagresulta ito sa isang buwang pagkaantala ng video bago natapos ang pag-e-edit. Tinanong ako ni Li Xin tungkol sa isang mahirap na katanungan na may kaugnayan sa mga propesyonal na kasanayan na malinaw na hindi ko naiintindihan. Gayumpaman, nag-aalalang mamaliitin ako ng aking sister, nagbigay ako ng ilang pabasta-bastang salita bilang sagot. Kalaunan, nang muling magtanong ang aking sister, natakot akong mabisto, at gumamit ako ng panlilinlang para ilihis ang atensyon ng aking sister. Hindi ako nagtanong sa aking mga nakatataas kapag may mga bagay akong hindi naiintindihan sa aking tungkulin. Palagi kong nararamdaman na kung gagawin ko ito ay magmumukha akong walang kakayahan, kaya pinagtatakpan ko ito para hindi malaman ng mga lider. Nagpanggap ako para magmukhang nauunawaan ko ang lahat. Nagresulta ito sa ilang problemang matagal nang hindi nalulutas, at direktang nakaapekto sa pag-usad ng paggawa ng video. Sa katunayan, kasisimula ko pa lang gawin ang tungkuling ito. Bagama’t nagkaroon ako ng kaunting pag-usad, may ilang teknik na hindi ko pa nasubukan dati, kaya lubos na normal na may ilang bagay akong hindi naiintindihan. Sinumang may kahit kaunting katwiran ay alam na hindi sila perpekto at imposibleng maunawaan ang lahat ng bagay, kaya kailangan nila ang gabay at tulong ng iba kapag ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at kapag may mga katanungan sila, magkukusa silang magtanong sa ibang tao, at ito ay lubos na normal. Gayumpaman, ito ang naging pinakamalaki kong problema. Hindi ko kayang harapin ang sarili kong mga depekto at kakulangan, at ayaw kong maging isang normal na tao, na may mga kapintasan. Palagi kong gustong magpanggap at maging isang perpektong tao. Nagbabalatkayo ako sa bawat pagkakataon. Inakala ko pa ngang ang pagtatanong sa iba kapag nahihirapan ako ay isang pagpapahayag ng kawalan ng kakayahan, at magbibigay sa iba ng pagkakataong maliitin ako. Talagang napakayabang at napakamapagkunwari ko! Nang umabot sa puntong ito ang aking mga pagninilay, kinapootan ko ang sarili ko sa loob-loob ko. Naramdaman kong talagang kasuklam-suklam ang mga bagay na nagawa ko.

Kalaunan, nagnilay rin ako sa sarili ko. Bakit palagi akong nagbabalatkayo at nagkukunwari? Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na mas nagpasigla at nagpaliwanag ng aking puso. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang kanyang bahagi na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang mapanatili ang kanyang banidad at pride, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya ay lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan kaninuman; sa halip, makikipagkompetensiya siya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko. … ipinapakita ng mga anticristo na sila ay matatag, malakas ang loob, may kakayahang tumalikod at magdusa, mga taong walang kapintasan at walang anumang mga kamalian o problema. Kapag ipinapaalam ng isang tao ang katiwalian at mga pagkukulang ng mga anticristo, tinatrato sila nang pantay, bilang isang normal na kapatid, at nagtatapat at nakikipagbahaginan sa kanila, paano nila tinatrato ang bagay na ito? Ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, para patunayan na tama sila, at sa huli ay ipakita sa mga tao na wala silang mga problema, at na sila ay perpekto at espirituwal na tao. Hindi ba’t puro pagpapanggap ito? Sinumang nag-iisip na ang sarili nila ay walang kapintasan at banal ay mga impostor lahat. Bakit Ko sinasabi na lahat sila ay mga impostor? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang sinumang walang kapintasan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? Mayroon bang sinuman na tunay na banal? (Wala.) Tiyak na wala. Paano mawawalan ng kapintasan ang tao samantalang labis siyang nagawang tiwali ni Satanas at, maliban pa riyan, hindi niya likas na taglay ang katotohanan? Diyos lang ang banal; lahat ng tiwaling sangkatauhan ay may dungis. Kung magpapanggap ang isang tao bilang isang banal na tao, sasabihin na wala siyang kapintasan, ano ang taong iyon? Siya ay isang diyablo, isang Satanas, isang arkanghel—siya ay magiging tunay na anticristo. Isang anticristo lang ang magsasabing siya ay walang kapintasan at banal na tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay parang sinaksak ang puso ko. Itinuturing ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan bilang mas mahalaga pa kaysa sa buhay mismo. Partikular silang mahusay sa pagbabalatkayo at panlilinlang. Gumagawa sila ng isang perpektong imahe para sa kanilang sarili, na walang mga kahinaan o pagkukulang, at walang anumang bahid ng katiwaliang lumalabas. Ginagawa nila ito para makamit ang kanilang layon na sambahin sila at hangaan ng iba. Katulad lang ako ng mga anticristong inilantad ng Diyos. Gustong-gusto ko ring ipakita ang aking malakas at maluwalhating katangian sa iba, at gusto kong pahalagahan at hangaan ng iba, at magkaroon ng katayuan sa puso ng iba. Maging ang mga lider man na humihiling sa aking i-edit ang isang video o ang aking mga kapatid na nagtatanong sa akin, palagi akong nagbabalatkayo at nagpapanggap na nakaiintindi ako kahit hindi. Niloko ko pa nga at iniligaw ang aking mga kapatid. Kapag nagtatanong ang aking mga kapatid at hindi ko naiintindihan, bakit hindi ako makapagsabi nang tapat at totoo? Hindi ba dahil natatakot akong makita nila ang aking mga kakulangan, at maniwala silang kasing-ordinaryo lang nila ako, at hindi na ako hahangaan o titingalain pa? Para protektahan ang aking imahe bilang isang superbisor, hindi ako nangahas na magtanong tungkol sa mga bagay na hindi ko naiintindihan sa aking tungkulin. Natakot akong isipin ng mga lider na hindi ako ang taong may mahusay na kakayahan na sinasabi nila dati, at hahamakin nila ako. Nagdadalamhati na ako dahil sa pagkakaharap sa mga paghihirap nang walang landas pasulong sa aking mga tungkulin at buhay pagpasok, ngunit mas gugustuhin ko pang umiyak nang palihim nang mag-isa kaysa ilantad ang aking pagkanegatibo at mga kahinaan sa iba. Takot na takot akong mabisto ng aking mga kapatid ang tunay kong tayog at kakayahan, at hindi na ako hangaan pa. Talagang napakamapagkunwari ko at napakahusay magpanggap! Lahat ng nilikhang tao ay may mga kapintasan at kahinaan. Gayumpaman, hindi ko matanggap ang sarili kong di-kasakdalan, at nagpanggap ako para itago ang lahat ng aking mga kakulangan at kahinaan. Palagi akong nakatakip ng pagbabalatkayo, at nagkukunwaring parating malakas at puno ng pananalig. Ang layon ko rito ay magkaroon ng katayuan sa puso ng iba, at hangaan at tingalain ako ng mga tao. Buong araw, pinipiga ko ang utak ko para sa sarili kong reputasyon at katayuan, at nababalisa sa makukuha o mawawala, ngunit wala akong gana pagdating sa gawaing tunay na may kinalaman sa aking mga pangunahing tungkulin. Hindi ako makagawa ng anumang tunay na gawain. Dahil natatakot akong mapahiya kung hindi ko ma-edit nang maayos ang video, nagpaliban ako at hindi nangahas na i-edit ito. Nakaapekto ito sa pag-usad ng paggawa ng video. Bilang isang superbisor, ang pangunahing gawain ko ay lutasin ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa pagganap ng aming mga tungkulin kasama ang aking mga kapatid, at tiyakin ang maayos na pag-usad ng paggawa ng video. Gayumpaman, hindi ko tinupad ang sarili kong mga responsabilidad, at palagi akong nagbabalatkayo. Masyado akong walang pagkatao! Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Ang mga tao ay hamak. Talagang hindi nila makakamit ang pagiging makapangyarihan sa lahat. Sa madaling salita, ang aking asal ay isang pagtatangkang gawin ang sarili kong isang makapangyarihan sa lahat, perpektong tao. Bilang isang tiwaling tao, maghapon kong iniisip kung paano magiging makapangyarihan sa lahat. Talagang napakabuktot ng aking kalikasan!

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung, sa iyong puso, malinaw sa iyo kung anong klaseng tao ka, kung ano ang diwa mo, kung ano ang iyong mga kapintasan at kung anong katiwalian ang inilalantad mo, dapat mo itong hayagang ibahagi sa ibang tao, upang makita nila kung ano ang tunay mong kalagayan, kung ano ang mga saloobin at opinyon mo, upang malaman nila kung ano ang kaalaman mo sa gayong mga bagay. Anuman ang gawin mo, huwag kang magkunwari o magpanggap, huwag mong itago ang sarili mong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nang sa gayon walang sinumang makaalam sa mga iyon. Ang ganitong uri ng huwad na pag-uugali ay isang hadlang sa iyong puso, at isa rin itong tiwaling disposisyon at mapipigilan nito ang mga tao na magsisi at magbago. Dapat kang magdasal sa Diyos, at itaas para mapagnilayan at mahimay ang mga huwad na bagay, tulad ng papuri na ibinibigay sa iyo ng ibang tao, ang karangalang ibinubuhos nila sa iyo, at ang mga koronang ipinagkakaloob nila sa iyo. Dapat mong makita ang pinsalang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo. Sa paggawa niyon ay masusukat mo ang iyong sarili, magkakamit ka ng pagkakilala sa sarili, at hindi mo na makikita ang iyong sarili bilang isang superman, o kung sinong dakilang tao. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kamalayan sa sarili, magiging madali na sa iyong tanggapin ang katotohanan, tanggapin sa iyong puso ang mga salita ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, tanggapin ang pagliligtas sa iyo ng Lumikha, matatag na maging isang pangkaraniwang tao, isang tao na matapat at maaasahan, at para magkaroon ng normal na ugnayan sa pagitan mo—na isang nilikha, at ng Diyos—na ang Lumikha. Ito mismo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ay isang bagay na talagang kaya nilang makamit. … Ang kailangan lang ninyong gawin ay isagawa ang pamamaraang inilatag Ko. Maging isang ordinaryong tao, huwag magbalatkayo, manalangin sa Diyos, at matutuhang ilantad ang iyong sarili sa isang simpleng paraan at magsalita sa iba nang mula sa puso. Natural na magbubunga ang gayong pagsasagawa. Unti-unti, matututuhan mong maging isang normal na tao, ang pamumuhay ay hindi na magiging nakakapagod para sa iyo, hindi ka na mahahapis, at hindi na masasaktan. Ang lahat ng tao ay ordinaryong mga tao. Wala silang pagkakaiba, maliban sa magkakaiba ang kanilang mga personal na kaloob at maaaring magkaiba-iba ang kanilang kakayahan. Kung hindi dahil sa pagliligtas at proteksyon ng Diyos, lahat sila ay gagawa ng kasamaan at magdurusa ng parusa. Kung maaamin mo na ordinaryo kang tao, kung makakalabas ka mula sa mga imahinasyon at hungkag na ilusyon ng tao at kaya mong hangaring maging isang tapat na tao at gumawa ng matatapat na gawa, kung kaya mong magpasakop sa Diyos nang ayon sa iyong konsensiya, hindi ka magkakaroon ng anumang problema at ganap mong maisasabuhay ang wangis ng tao. Ganoon ito kasimple, kaya bakit walang landas?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). “Dapat matuto kang magsabi ng, ‘Hindi ko kaya,’ ‘Higit ito sa aking kakayahan,’ ‘Hindi ko ito matarok,’ ‘Hindi ko pa naranasan ito,’ ‘Wala akong anumang nalalaman,’ ‘Bakit napakahina ko? Bakit wala akong silbi?’ ‘Gayon kababa ang kakayahan ko,’ ‘Napakamanhid at napakapurol ng isip ko,’ ‘Napakamangmang ko na anupa’t aabutin ako ng ilang araw bago ko maunawaan ang bagay na ito at maasikaso ito,’ at ‘Kailangan ko munang kausapin ang iba tungkol dito.’ Dapat matutunan mong magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang panlabas na palatandaan ng pagtanggap mo na isa kang normal na tao at ng hangarin mong maging normal na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, nagsimula akong mag-isip-isip. Sa katunayan, dati, noong pinupuri ako ng mga lider, dahil lang iyon sa medyo aktibo ako sa pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan noong panahong iyon, at nakagawa ako ng ilang video at nagpakita ng kaunting pag-unlad. Katulad ng isang bata sa elementarya na nasa unang baitang, na nakinig nang mabuti sa klase sa loob ng ilang araw at pagkatapos ay pinuri ng ilang beses ng mga guro, hindi ito lubos na nangangahulugan na mas mahusay ang bata kaysa sa kanyang mga kaklase. Ni hindi rin ito nangangahulugan na natutunan na nila ang lahat ng kaalaman mula sa lahat ng libro. Ang mapuri ng mga lider ay hindi nangangahulugang eksperto na ako sa mga teknik sa video at wala nang magiging anumang problema pa. Sa katunayan, isa pa rin akong baguhan, na hindi pa lubos na nauunawaan ang mga teknik. Marami pa rin akong depekto at kakulangan. Marami pa ring dapat matutunan at kabisaduhin. Dapat kong itrato nang tama ang sarili ko, at magkaroon ng malinaw na pananaw sa tunay kong tayog at tunay na antas. Kung lalaki ang ulo ko dahil sa isang papuri mula sa iba, sa huli ay magiging isa lamang akong mapagmataas na tao, na kulang sa lahat ng katwiran. Dati, palagi kong nararamdaman na dahil isa akong superbisor, ayos lang para sa ibang tao na maging negatibo pero hindi para sa akin. Anuman ang mga problemang lumitaw, kailangan kong magpakatatag at hindi hayaang makita ng ibang tao ang aking kahinaan. Sa katunayan, itinuturing ko ang sarili ko bilang isang superhuman; hindi ito isang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Bagama’t isa akong superbisor, hindi ibig sabihin nito na mas mahusay ako kaysa sa aking mga kapatid: Pagkakaiba lang ito sa tungkulin at mga responsabilidad. Maging sa aspekto ng buhay pagpasok o mga propesyonal na kasanayan, lahat ay may mga kakulangan at depekto. Lubos na normal na hindi ko matarok o maunawaan ang ilang problema. Wala namang dapat ipagtaka. Dapat akong magkaroon ng matapat na saloobin, aminin ang aking mga pagkukulang, at maghanap ng mga materyales para pag-aralan kasama ang aking mga kapatid. Dapat akong magtanong sa aming mga nakatataas tungkol sa anumang hindi namin naiintindihan, para maunawaan namin ang mga problema at hindi hayaang makahadlang ang mga ito sa gawain ng iglesia.

Sa isang pagtitipon, binuksan ko ang aking puso sa aking mga kapatid. Inilantad ko at hinimay ang aking kalagayan ng pagpapanggap at pagbabalatkayo sa panahong ito. Sinabi ko ang aking mga kakulangan at depekto, para makita nang malinaw ng aking mga kapatid ang aking kakayahan at tayog. Kasabay nito, binago ko ang aking saloobin sa aking tungkulin. Kapag wala akong anumang ideya habang gumagawa ng video, hindi na ako nagpapanggap. Sa halip, naghanap ako kasama ang aking mga kapatid. Magsasabi ng isang bagay ang aking mga kapatid, magsasabi ako ng isang bagay, at ilang paghihirap ang nalutas bago pa namin namalayan. Nang alisin ko ang aking maskara ng pagbabalatkayo, nakaramdam ako ng ginhawa kapag ginagawa ang aking mga tungkulin. Hindi na ako gaanong nasusupil o nagdadalamhati. Isang beses, tinanong ako ng isang sister kung paano gumawa ng isang bagong format ng video. Dahil medyo malabo pa sa akin ang mga prinsipyo at kahingian ng video, wala akong anumang ideya kung paano ito gagawin. Naisip ko, “Kung sasabihin kong hindi ko naiintindihan, iisipin kaya ng aking sister kung paano ako naging superbisor, kung hindi ko alam kahit ang propesyonal na kaalamang ito? Mamaliitin kaya ako ng sister?” Sa oras na iyon, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat matuto kang magsabi ng, ‘Hindi ko kaya,’ ‘Higit ito sa aking kakayahan,’ ‘Hindi ko ito matarok,’ ‘Hindi ko pa naranasan ito.’ … Dapat matutunan mong magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang panlabas na palatandaan ng pagtanggap mo na isa kang normal na tao at ng hangarin mong maging normal na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Nang maisip ko ang dati kong napakasakit na karanasan ng pamumuhay sa isang kalagayan ng pagbabalatkayo, ayaw ko nang mamuhay pa nang ganoon. Kinailangan kong baguhin ang aking mga maling intensyon at saloobin tungkol sa paggawa ng aking tungkulin at maging isang normal na tao. Pagkatapos, nagtapat ako sa aking sister, sinasabing, “Hindi ko rin ito naiintindihan, at hindi ganoon kalinaw sa akin ang tungkol sa mga prinsipyo ng paggawa ng ganitong uri ng video.” Pagkatapos, naghanap kami ng mga prinsipyo at mga kaugnay na materyales sa kurso sa larangang ito para makapag-aral kami nang magkasama, at mas naging malinaw sa akin ang direksyon ng paggawa. Nakaramdam ako ng ginhawa at kalayaan sa aking puso. Pagkaraan ng ilang panahon, dumating ang isang liham mula sa mga lider. Nakasaad doon na ilang video na aming ginawa ang nagpakita ng pag-usad, at hinikayat kaming lalo pang pagbutihin. Nang makita ko ang liham ng pagpapalakas ng loob mula sa mga lider, labis akong nasabik, at, hindi ko namamalayan, nagsimulang tumulo ang aking mga luha. Sa isang banda, nahiya ako, dahil ang kalagayan ng pagbabalatkayo at pagpapanggap na naging pamumuhay ko dati ay nakaantala sa paggawa ng video. Sa kabilang banda, naranasan ko ang kabanalan ng Diyos. Nang namumuhay ako sa aking tiwaling disposisyon, na matagal kong hindi binago, hindi ako ginabayan ng Diyos. Nang bumaling ako sa Diyos, at naging handang magsagawa nang naaayon sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang nakangiting mukha ng Diyos. Ngayon, mayroon na akong kaunting pagkaunawa sa sarili kong tiwaling disposisyon, at medyo nagbago na ang kalagayan ko ng pagpapanggap at pagbabalatkayo. Ang mga resultang ito ay nakamit lahat sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos.

Sinundan:  75. Ano ang Sinusubukan Kong Protektahan sa Aking mga Kasinungalingan

Sumunod:  80. Napapaligiran at Inaatake ng Aking Pamilya, Nagdesisyon Ako

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger