80. Napapaligiran at Inaatake ng Aking Pamilya, Nagdesisyon Ako
Noong Agosto 2012, ipinangaral sa akin ng isang kamag-anak ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nakita ko na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay pawang katotohanan, at nakilala ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Tuwang-tuwa ako. Hindi ko akalaing masasaksihan ko pa sa buhay kong ito ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Talagang biyaya ito ng Diyos; itinataas ako ng Diyos! Maraming taon na kaming kasal ng asawa ko, at masasabi kong nagmamahalan kami. Kailangan kong sabihin sa asawa ko ang magandang balita ng pagparito ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, para magkaroon siya ng pagkakataong maligtas ng Diyos. Napakaganda kung sabay kaming mananampalataya sa Diyos at papasok sa kaharian! Nang ipangaral ko ang ebanghelyo sa aking asawa, sinabi niyang abala siya sa trabaho at wala siyang oras, pero hindi naman siya tumutol sa pananampalataya ko sa Diyos. Habang mabilis na kumakalat ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos sa buong Mainland China, nagsimula na ring walang pakundangang gumawa ng mga tsismis at paninirang-puri ang CCP, nagtatanim ng ebidensya para siraan Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nakabasa ang asawa ko ng maraming negatibong tsismis sa kanyang telepono. Nang malaman niyang maaari akong arestuhin at sentensiyahan ng gobyerno dahil sa pananampalataya sa Diyos, at maaari pa ngang maapektuhan ang pag-aaral at trabaho ng aming anak sa hinaharap, nagsimula na siyang usigin ako para pigilan akong manampalataya sa Diyos.
Isang hapon noong Marso 2013, ang asawa ko, na nagtatrabaho sa ibang lugar, ay sadyang umuwi ng bahay. Seryoso ang mukha niyang sinabi sa akin, “Pumunta ang mga pulis sa minahan para arestuhin ang isang kasamahan ko dahil sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Kung hindi siya mabilis na nakatakbo, nahuli na sana nila siya. Ngayon, buong araw akong kinakabahan dahil nananampalataya ka sa Diyos. Kung maaresto ka isang araw, ano na lang ang mangyayari sa amin? Napakabata pa ng anak natin—sino ang mag-aalaga sa kanya? Hindi na ngayon pinapayagan ng gobyerno na manampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos. Kung mananampalataya ka, aarestuhin ka nila. Bakit hindi ka maghintay hanggang payagan na ng estado saka ka manampalataya? Pagdating ng panahon, isasama ko ang buong pamilya natin, ang ilang dosenang tao, para sumama sa iyong mananampalataya sa Diyos.” Sabi ko, “Ang CCP ay isang ateistang partido. Talagang hindi ito naniniwala na may Diyos. Paano nito papayagan ang mga taong manampalataya sa Diyos? Payagan mo man akong manampalataya o hindi, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos.” Nang makitang hindi ko gagawin ang sinabi niya, hindi na nagsalita pa ang asawa ko. Pagkaalis niya, naalala ko ang sinabi niyang kung maaaresto ako dahil sa pananampalataya sa Diyos, walang mag-aalaga sa walong taong gulang naming anak. Labis akong nasaktan. Apatnapung taong gulang na ako nang isilang ko ang aming anak, at muntik ko nang ikamatay ang panganganak sa kanya. Mula pa noong bata siya, ako mismo ang nagpalaki sa kanya. Sobra ko siyang pinahahalagahan—pakiramdam ko, kung nasa bibig ko siya, nag-aalala akong baka matunaw siya; kung nasa mga kamay ko siya, nag-aalala akong baka mahulog ko siya. Kung maaresto ako, sino ang mag-aalaga sa kanya? Labis na nagdalamhati ang puso ko nang maisip ko ito, at gusto kong humanap ng lugar na walang tao para umiyak nang husto. Wala akong ganang manalangin, o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Namuhay ako sa isang negatibong kalagayan.
Sa isang pagtitipon, binasahan ako ng isang sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino ang tunay at ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman at nabahahala para sa iyong mga mahal sa buhay? Mayroon ba Akong puwang sa puso mo? Nagsasalita ka pa rin tungkol sa pagpapaubaya sa Aking magkaroon ng kapamahalaan sa loob mo at sakupin ang iyong buong pagkatao—lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kasinungalingan! Ilan sa inyo ang buong pusong tapat sa iglesia? At sino sa inyo ang hindi nag-iisip tungkol sa mga sarili ninyo, kundi kumikilos para sa kaharian ng ngayon?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ng bagay ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Isinasaayos ng Diyos ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay sa perpektong kaayusan, paano pa kaya ang kapalaran ng isang bata? Kung maaaresto man ako at kung magdurusa man ang anak ko, pawang nasa Diyos ang huling pasya. Naaalala ko noong hindi pa ako nananampalataya sa Diyos, ang anak ko, na tatlong taong gulang, ay nabalian ng braso. Noong anim na taong gulang siya, nabundol siya ng kotse at puro sugat ang buong katawan niya. Noong walong taong gulang siya, nabali ang daliri niya nang maipit ito sa pinto ng kotse. Kahit na nasa tabi niya ako, maingat na inaalagaan siya, hindi maiiwasang nakaranas pa rin siya ng ilang sakuna. Mula nang manampalataya ako sa Diyos at nagsimulang gawin ang aking tungkulin sa iglesia, bagama’t hindi ako araw-araw na nasa tabi ng aking anak, lumaki ang anak ko nang ligtas at malusog sa ilalim ng proteksyon ng Diyos. Mas maayos siyang naalagaan kaysa noong nasa bahay ako. Ipinapakita nito na ang mga tadhana ng tao ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Nang maisip ko ito, huminto na akong mag-alala tungkol sa aking anak at mas gumaan ang pakiramdam ng puso ko. Nagpatuloy ako sa paggawa ng aking tungkulin.
Pagkatapos, paulit-ulit akong sinubukan ng asawa kong hikayatin na talikuran ang aking pananampalataya sa Diyos. Nang makita niyang hindi niya talaga ako mahikayat, nagsimula na siyang usigin ako at pigilan. Noong Hulyo, nagbakasyon sa trabaho ang asawa ko ng tatlong buwan. Buong araw siyang laging nakabuntot sa akin, at ipinahayag, “Isusumbong ko ang sinumang mananampalataya sa Diyos na makikita ko at ipakukulong sila!” Hindi ako nangahas na dumalo sa mga pagtitipon, sa takot na mailagay sa panganib ang aking mga kapatid. Sa bahay, sinisimangutan ako ng asawa ko, at buong araw niya akong malupit na minumura, sinasabi kung ano ang pinakamasakit at kung ano ang makapagpapalabas ng kanyang galit. Hinalughog din niya ang buong bahay. Kapag nakakita siya ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, pinupunit niya ang mga ito. Kapag nakakita siya ng MP5 player, binabasag niya ito. Sa panahong iyon, labis-labis ang aking paghihinagpis. Isang imposibleng kahilingan na mapakalma ang aking puso at manalangin sa Diyos o magbasa ng mga salita ng Diyos. Araw-araw, kinailangan kong tiisin ang masasakit na salita at pang-uusig ng aking asawa. Naramdaman kong napakahirap talagang sundan ang bagong gawain ng Diyos. Hindi ako inusig ng asawa ko noong nananampalataya ako kay Jesus sa simbahan, kaya siguro mas mabuting bumalik na lang sa simbahan at manampalataya kay Jesus. Pero talagang hindi mo maririnig sa simbahan ang mga pagpapahayag ng katotohanan ng Diyos sa mga huling araw. Hindi ka dinidiligan at tinutustusan ng mga salita ng Diyos, kaya kahit ilang taon ka dumalo sa simbahan, mawawalang-saysay lang ang lahat; hindi ka maliligtas at hindi ka makakapasok sa kaharian. Naisip ko ang lahat ng taon na iyon ng pananampalataya kay Jesus, ng pag-asa at paghihintay, bago ko nakita sa wakas ang pagpapakita ng Diyos, at nasalubong ang pagbabalik ng Panginoon; kung paanong nagkaroon ako ng pagkakataong tanggapin ang paghatol at pagdadalisay ng Diyos sa mga huling araw, at kung paanong dahil sa pang-uusig at paghadlang ng aking asawa, muntik ko nang talikuran ang aking pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Sobrang ayaw ko na para bang may sampung libo akong puso, na lahat ay sumisigaw ng, “Hindi!” Sa paghihinagpis, nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, ginugugol ng asawa ko ang bawat araw sa paggamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para hadlangan ako at sabihan ako ng masasakit na salita. Sinusundan din niya ako. Wala akong pagkakataong basahin ang Iyong mga salita, at hindi ako nangangahas na lumapit sa aking mga kapatid. Para akong namumuhay sa isang siwang. Labis-labis ang aking paghihinagpis at paghihirap! Mahal na Diyos, napakahirap ng naging paghihintay para sa Iyong pagbabalik, at ayaw kong lisanin Ka. Pakiusap, pakinggan Mo ang aking panalangin at buksan Mo ang isang daan para sa akin.”
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag nahaharap ka sa pagdurusa, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananalig na sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa gusto Niya at maging handa kang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang magtiis ng sakit ng pagsuko sa minamahal mo, at maging handang manangis nang may kapaitan para mapalugod ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananalig. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kaloobang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananalig, at kailangan ka ring magkaroon ng kaloobang maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang personal na magtiis ng mga paghihirap at na magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat ay may kakayahan ka ring makaramdam ng pagsisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga kinakailangang ito, hindi ka magagawang perpekto” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pang-uusig at paghadlang sa akin ng aking asawa ay may pahintulot ng Diyos. Ginawa ito ng Diyos para gawing perpekto ang aking pananalig at ang aking kaloobang magdusa ng paghihirap. Noong una akong nagsimulang manampalataya sa Diyos, at nakita ko ang Kanyang biyaya at mga pagpapala, at maayos ang lahat, masaya ako, at may pananalig akong sumunod sa Diyos. Gayumpaman, nang usigin ako at pagsalitaan nang masakit ng aking asawa, at kinailangan kong magdusa ng paghihirap, nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos at naisip ko pa ngang bumalik sa Three-Self Church. Isa akong duwag, walang kahit katiting na kaloobang magdusa ng paghihirap. Kinailangan kong taimtim na manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at ng kaloobang magdusa ng paghihirap. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko sa isang pagtitipon: “Ang puso at espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito humahawak ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Naunawaan ko na ang lahat ng bagay, may buhay man o wala, ay hawak ng mga kamay ng Diyos, at na ang mga iniisip at ideya ng aking asawa ay hawak din ng mga kamay ng Diyos. Kinailangan kong magkaroon ng pananalig sa Diyos at umasa sa Kanya habang nararanasan ko ang sitwasyong ito. Sa mga sumunod na sitwasyon, binuksan din ng Diyos ang isang daan para sa akin. May ilang panahon na dinala ng asawa ko ang kanyang kumot sa ibang silid para doon siya matulog, at nagawa kong pakalmahin ang aking puso at manalangin sa Diyos. Minsan, kailangang umalis ng asawa ko, at ginagamit ko ang maikling oras na wala siya para hanapin ang aking mga kapatid at i-download ang mga pinakabagong video mula sa sambahayan ng Diyos. Sa sandaling magkaroon ako ng pagkakataon, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos at nanonood ng mga video na ipinadala ng sambahayan ng Diyos. Unti-unti, naging mas normal ang aking ugnayan sa Diyos, at hindi na gaanong pinahihirapan ang puso ko. Pagkatapos ng tatlong buwan, natapos na ang bakasyon ng asawa ko at bumalik na siya sa trabaho. Muli na akong nakadalo nang normal sa buhay iglesia.
Gayumpaman, hindi nagtagal ang magagandang panahong ito. Pagkatapos ng dalawang buwan, nagkaroon ng malaking aksidente sa isang minahan, na nagresulta sa maraming nasawi. Pinilit ng gobyerno ang lahat ng minahan na itigil ang operasyon, kaya nagkaroon na naman ng dalawang buwang bakasyon ang asawa ko. Tulad ng dati, nanatili siya sa bahay, sinusundan ako at minamanmanan. Hindi niya ako pinapayagang pumunta sa mga pagtitipon o magbasa ng mga salita ng Diyos. Isang gabi, nakita kong nag-iinternet ang asawa ko sa kanyang kompyuter. Sinamantala ko ang pagkakataong ito para pumunta sa silid-tulugan, magtago sa ilalim ng kumot, at makinig sa mga sermon at makipagbahaginan tungkol sa buhay pagpasok. Makalipas ang kalahating oras, pumasok ang asawa ko sa silid-tulugan. Likas kong itinago ang aking MP5 player, pero natuklasan ito ng asawa ko at inagaw niya ito na parang nababaliw. Malupit niyang sinabi, “Gusto mo bang mamatay?! Nangangahas ka pa ring manampalataya! Ang lakas ng loob mong makinig! Ang lakas ng loob mong manampalataya!” Habang nagsasalita, inagaw niya ang MP5 player at malakas itong ibinagsak sa sahig. Nadurog ito, at dali-dali akong lumapit para pulutin ito. Pagkatapos ay sinuntok at sinipa ako ng asawa ko, walang tigil na sinasampal ang mukha ko at walang tigil na tinatadyakan ako. Hindi nagtagal, bugbog sarado na ako at puro pasa at maga na ang mukha ko, at dumudugo na ang ilong at bibig ko. Nakatayo sa isang tabi ang aming anak, nanginginig sa takot, at humahagulgol habang nanginginig ang boses na sumisigaw, “Pa, tama na! Huwag n’yo na pong saktan si Mama!” Saka lang tumigil ang asawa ko. Malupit niyang sinabi, “Kung hindi lang dahil sa anak natin, pinatay na kita sa bugbog ngayong gabi! Binali ko na ang mga binti mo para makita ko kung mangangahas ka pa ring manampalataya sa Diyos!” Labis akong nanlamig sa pagtratong ito sa akin ng aking asawa. Naisip ko kung paanong napakaraming taon na naming nagsasama habang ibinubuhos ko ang buong puso ko sa pag-aalaga sa pamilyang ito. Pero dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, binugbog niya ako at gusto niya akong mamatay. Kung hindi nagmakaawa ang anak ko na tumigil siya, hindi ko alam kung ano ang kahahantungan ko sa kanya. Talagang isa siyang diyablo na nagbubunyag ng sarili nito. Pagkatapos, tinawagan ng asawa ko ang kanyang mga nakababatang kapatid. Dumating sila at nakita akong nakahiga sa kama. Walang anumang sabi-sabi, hinatak nila ako, kinaladkad, at itinulak mula sa kama papunta sa sala. Nanghihina akong naupo sa sofa. Malupit na sinabi ng pangalawa niyang hipag, “Wala ka bang magawa? Ano ba ang iniisip mo, isinasantabi ang magandang buhay at nagpupumilit na manampalataya sa kung sinong Diyos?!” Sabi ng hipag niyang pang-apat, “Alam mong inaaresto ng gobyerno ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, pero nananampalataya ka pa rin. Nararapat lang sa iyo ang pambubugbog sa iyo ng kuya ko!” Ang bayaw niya ay nasa gilid lang, nagsusulsol, “Nakikita kong masyadong malumanay si Kuya kapag binubugbog ka. Pareho kayo ng pinaniniwalaan ng tiyahin ko. Sa bawat paglabas niya, binubugbog siya ng tiyuhin ko. Sa bawat pagkakataon, halos patayin siya nito sa bugbog.” Ang pamangkin kong babae, na mahigit sampung taong gulang lang, ay dinuro din ako at malupit na nagsalita, “Tita, ang hangal mo naman. Ilang dosenang tao tayo sa pamilya, at wala ni isa sa amin ang naniniwala rito. Ikaw lang!” Nang makita kong sabay-sabay nila akong inaatake, sunud-sunod ang kanilang mga salita, labis akong nalungkot, “Hindi ako lumabag sa batas sa pananampalataya sa Diyos, at wala akong ginawang masama. Pero tinatrato nila ako na parang kaaway! Kaya ko namang tiisin na atakihin ako ng matatanda, pero heto’t pati pamangkin ko ay dinuduro ako at pinupuna!” Pakiramdam ko’y hiyang-hiya ako, at labis na nalapastangan ang aking dignidad. Naghihinagpis ako, at tahimik akong nanalangin, “Mahal na Diyos, hindi ko alam kung paano haharapin ang ganitong sitwasyon. Hinihiling ko sa Iyo, pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Pagkatapos kong manalangin, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon ng Diyos sa lupa sa katawang-tao ay isang napakasakit na bagay, at walang sinumang nakakaunawa sa Kanya. … Karamihan sa pagdurusang Kanyang tinitiis ay ang mamuhay sa piling ng sangkatauhan na sukdulan ang pagkatiwali, ang pagtitiis ng pangungutya, pag-insulto, panghuhusga, at pagkondena mula sa lahat ng uri ng tao gayundin ang matugis ng mga demonyo at ang pagtanggi at pagkapoot ng mundo ng relihiyon, na nakasusugat sa kaluluwa na hindi magagamot ninuman. Masakit na bagay ito. Inililigtas Niya ang tiwaling sangkatauhan nang may lubos na pagpapasensiya, minamahal Niya ang mga tao sa kabila ng Kanyang mga sugat, at napakasakit na gawain nito. Ang malupit na pagtutol ng sangkatauhan, pagkondena at paninirang-puri, mga maling paratang, pang-uusig, at ang kanilang pagtugis at pagpatay ang nagiging dahilan para gawin ng katawang-tao ng Diyos ang gawaing ito sa kabila ng malaking peligro sa Kanyang sarili. Sino ang makakaunawa sa Kanya habang dinaranas Niya ang mga pasakit na ito, at sino ang maaaring umalo sa Kanya?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Diwa ni Cristo ay Pagmamahal). Ang mga salita ng Diyos ay nagpainit sa aking puso, tulad ng isang mainit na agos. Ang Diyos ay inosente, at nagkatawang-tao sa lupa para iligtas ang sangkatauhan. Ang Diyos ay sumasailalim sa mga pag-aresto at walang basehang tsismis mula sa namumunong partido, sa pagkondena at pagtatakwil ng komunidad ng relihiyon, at sa mga sumpa at paglapastangan ng mga tao sa mundo. Tinitiis ng Diyos ang ganito kalaking pagdurusa, ngunit ipinapahayag pa rin ang katotohanan at ginagawa ang Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Hindi Niya kailanman tinalikuran ang Kanyang pagliligtas sa atin kahit kaunti. Sa kabaligtaran, ako ay isang taong lubhang tiwali. Dahil ako ay itinakwil, binugbog, at minura ng aking pamilya dahil sa pananampalataya sa Diyos, at medyo napinsala ang aking dangal at katayuan, hindi ko ito makayanan. Akala ko ay wala na akong anumang daang pasulong. Napakahina ko at walang kakayahan! Sa pag-iisip tungkol dito, ipinahiya ako dahil sa pananampalataya sa Diyos. Ito ay pag-uusig dahil sa katuwiran. Ito ay maluwalhati. Hindi ito kahiya-hiya o nakakahiya kahit kaunti. Gayundin, ang mismong pang-uusig at paghadlang nila ang nakatulong sa akin na magkaroon ng kaunting pagkilatis sa kanilang diwa, na namumuhi sa Diyos at namumuhi sa katotohanan. Sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin, tinatahak ko ang tamang landas sa aking buhay. Ang ginagawa ko ay ang pinakamakatarungang bagay sa sangkatauhan. Paano man nila ako hadlangan o usigin, dapat akong sumunod sa Diyos hanggang sa wakas. Nang makitang hindi ako umiimik, gumamit ng mas tusong pamamaraan ang kanyang pangalawang nakababatang kapatid. Sinabi niya sa aking asawa, “Kuya, kahit ano pa ang sabihin natin, hindi talaga nakikinig si Ate. Hindi lang siya aarestuhin ng gobyerno dahil sa pananampalataya sa Diyos. Maaapektuhan din nito ang pagpasok ng anak ninyo sa unibersidad o sa trabaho. Wala nang saysay na kausapin pa natin siya. Kumuha ka ng panulat at papel at pasulatin mo siya ng isang liham ng garantiya na hindi siya mananampalataya sa Diyos.” Naisip ko, “Nilikha ng Diyos ang mga tao. Ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at pagsamba sa Kanya ay ganap na likas at may katwiran. Hindi kayo nananampalataya sa Diyos, at sinusunod pa ninyo ang CCP at pinipilit akong sumulat ng isang liham ng garantiya na nagsasabing hindi ako mananampalataya sa Diyos. Imposible!” Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Mahal na Diyos, gaano man ako usigin ng mga taong ito, mas nanaisin ko pang mamatay kaysa isulat ito. Maninindigan ako sa aking patotoo sa Iyo at ipapahiya Ko si Satanas. Hinihiling ko sa Iyo, pakiusap, bigyan Mo ako ng higit na pananalig at lakas.” Madaling araw na noon, pero walang palatandaan na balak na nilang tumigil. Matalino kong sinabi, “Sa hinaharap, sa bahay na lang ako mananampalataya. Hindi na ako lalabas.” Saka lang sila tumigil. Hindi ko kailanman inasahan na makalipas ang ilang buwan, uusigin, papaligiran, at babatikusin ako ng sarili kong pamilya.
Isang araw noong Pebrero 2014, naghahanda akong lumabas para gawin ang aking tungkulin. Palabas na sana ako nang sinunggaban ng asawa ko ang aking kuwelyo at ibinalibag ako sa sahig. Malupit niyang sinabi, “Ngayon, hindi ka pupunta kahit saan. Pupunta tayo sa Civil Affairs Bureau para magdiborsyo!” Nang marinig kong sinabi ng asawa kong gusto niyang makipagdiborsyo, naisip ko, “Mula nang magsimula akong manampalataya sa Diyos hanggang ngayon, palagi mo akong inuusig at hinahadlangan. Hindi lang ako hindi makapamuhay ng buhay iglesia, hindi ko rin magawa ang aking tungkulin. Wala man lang akong mga pagkakataon para sa mga debosyonal o para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Kung hindi tayo magdidiborsyo, hindi ako makakapanampalataya sa Diyos at makakasunod sa Kanya nang maayos.” Kaya sinabi ko, “Kung gusto mong makipagdiborsyo, magdiborsyo tayo. Pumunta tayo sa Civil Affairs Bureau.” Pumunta kami sa Civil Affairs Bureau, pero hindi kami natuloy sa pagdidiborsyo dahil kailangan naming palitan ang anming household registration booklet. Noong hapon na iyon, tinawagan ng asawa ko ang ilan sa aking mga kapatid sa sarili kong pamilya at pinapunta sila. Sabi niya, “Gusto kong makipagdiborsyo sa kanya ngayon dahil ang pananampalataya niya sa Diyos ay tinututulan ng estado. Hindi lang siya nanganganib na maaresto, kundi baka madamay pa kami ng aming mga anak. Kahit ano pa ang sabihin ko, hindi siya nakikinig; gusto niya talagang manampalataya. Ngayon, pinapunta ko kayo rito para subukan ninyong hikayatin siya na huwag nang manampalataya pa sa Diyos at mamuhay na lang nang maayos at normal sa bahay. Bibigyan ko siya ng dalawang pagpipilian: Una, talikuran ang kanyang pananampalataya sa Diyos at mamuhay nang maayos at normal sa bahay. Hindi ko na uungkatin pa ang nakaraan, at lalabas ako para kumita ng pera gaya ng dati. Pangalawa, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya sa Diyos, magdidiborsyo kami at ako ang kukuha ng kustodiya sa aming mga anak. Ang bahay ay mapupunta sa aming mga anak, at lahat ng gamit sa bahay ay mapupunta sa aming mga anak. Aalis siya sa pamilya nang walang anumang pag-aari.” Nang marinig ito ng kuya ko, sinigawan niya ako, “Wala na ang ating mga magulang, at ang nakatatandang kapatid na lalaki ay dapat sundin na parang ama. Anuman ang sabihin ko, kailangan mong gawin! Gaano man kabuti ang iyong pananampalataya sa Diyos, kung hindi ito pinapayagan ng polisiya ng estado, hindi ka dapat manampalataya. Maghintay ka hanggang payagan na ng estado saka ka manampalataya!” Sabi ng pangatlo kong nakababatang kapatid, “Ate, alam mong inaaresto ng gobyerno ang mga nananampalataya sa Diyos, pero nananampalataya ka pa rin. Hindi ka ba parang sumusuong sa bibig ng leon?” Matatag kong sinabi, “Deterinado na akong tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Anuman ang sabihin ninyo ay walang silbi! Napakaraming taon kong nanampalataya kay Jesus, sa wakas ay nakita ko ang pagbabalik ng Panginoon pagkatapos ng mahaba at mahirap na paghihintay. Imposibleng mahimok ninyo akong ipagkanulo ang Diyos!” Ang asawa ko, na galit na galit, ay nagsabi, “Dahil walang sinuman ang makakakumbinsi sa iyo, sige, magdiborsyo na tayo!” Ang aking mga kapatid, nang makitang makikipagdiborsyo na sa akin ang asawa ko, ay nabalisa. Ang nakababata kong kapatid na babae, na umiiyak sa isang tabi, ay nagsabi, “Dati ay matiwasay ang pamilyang ito, at ngayon ay malapit na itong masira. Ano pa ang saysay ng pananampalataya mo sa Diyos?” Ang iba ko pang mga kamag-anak, na sabay-sabay na nagsasalita, ay sinubukang hikayatin akong mamuhay na lang nang maayos at normal sa bahay. Nang marinig ko sila, medyo nabagabag ang puso ko. Tahimik akong tumawag sa Diyos, “Mahal na Diyos, nahaharap ako sa lahat ng mga kamag-anak kong ito na humahadlang sa akin, at nagulo ang puso ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Diyos ko, nawa’y bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Ang mga salita ng Diyos ay nagdulot ng biglaang kaliwanagan sa akin. Ang mga pakana ni Satanas ang nasa likod ng pang-uusig at paghadlang ng aking asawa at pamilya sa aking pananampalataya sa Diyos. Naisip ko noong pinahirapan ni Satanas si Job. Sa panlabas, tila lahat ng ari-arian ni Job ay ninakaw, at ang kanyang mga anak ay namatay sa pagguho ng bahay. Ngunit ito pala ay si Satanas na inaakusahan si Job sa harap ng Diyos. Bagama’t hindi alam ni Job ang tunay na nangyayari noon, hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Sinabi pa nga niya, “Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Nang manindigan si Job sa kanyang patotoo sa Diyos, lubos na napahiya si Satanas at umalis. Nagkamit din ng konsolasyon ang puso ng Diyos. Ngayon, naunawaan ko na bilang isang nilikha, kapag dumarating sa akin ang mga panggugulo at pag-atake ni Satanas, dapat akong manindigan sa aking patotoo sa Diyos at ipahiya si Satanas. Hindi ako hinahayaan ng pamilyang ito na manampalataya sa Diyos, at kung mananatili pa ako rito, mawawala lamang ang pagkakataon kong makamit ang katotohanan at maligtas. Nang maisip ko ito, sinabi ko sa kanila, “Magdidiborsyo na kami!” Natapos na akong magsalita at tatayo na sana ako nang bigla akong malupit na sinampal sa mukha ng pangatlo kong nakababatang kapatid at sinipa ako. Umiiyak siyang nagsabi, “Ate, sira na talaga ang ulo mo! Lahat kami ay sinusubukang hikayatin ka, at wala kang pinakinggan na ni isang salita!” Ang nakababata kong anak na babae, na umiiyak, ay nagsabi, “Ma, huwag po kayong makipagdiborsyo kay Papa. Ano na po ang gagawin ninyo pagkatapos magdiborsyo? Ano na po ang gagawin namin?” Nang marinig ko ito, alam kong isa ito sa mga pakana ni Satanas, at na muling ginagamit ni Satanas ang aking mga damdamin para tuksuhin ako. Nag-isip ako sandali, at pagkatapos ay mahinahon kong sinabi, “Huwag kayong mag-alala sa akin. Pinili ko ang sarili kong landas.” Pagkatapos ay sinabi ko sa aking mga anak na babae, “Aalagaan ng tatay ninyo ang nakababata ninyong kapatid na lalaki. Kayong dalawa ay malalaki na at may sarili nang mga pamilya: kaya na ninyong alagaan ang inyong mga sarili.” Pagkatapos kong magsalita, bumaba na ako.
Habang papunta kami sa Civil Affairs Bureau, inilabas ng asawa ko ang kasunduan sa diborsyo at pinapirma ako. Tinanong din niya ako kung ano ang gusto ko. Sinabi kong wala akong gustong anuman, at pumirma ako sa kasunduan. Sa sandaling natapos akong pumirma, nakaramdam ang puso ko ng labis na paglaya. Hindi pa man nakakarating ang sasakyan sa Civil Affairs Bureau ay nakita ko na ang buong pamilya, na kani-kanina lang ay pinepresyur ako, na nakatayo sa labas ng pinto. Pagkababa namin sa sasakyan, dali-dali silang lumapit para harangan kami. Sinabi ng panganay kong anak na babae na gusto niya akong dalhin sa bahay ng kapatid ko para maiba ang kapaligiran ko. Sinabi ng manugang kong lalaki na yayayain niya ang asawa ko para uminom. Natapos na lang nang ganoon ang gulo tungkol sa diborsyo. Pagkatapos, hindi na muling binanggit ng asawa ko ang tungkol sa diborsyo, at hindi na niya muling hiniling sa akin na sumulat ng liham ng garantiya na nagsasabing hindi ako mananampalataya sa Diyos. Nakita ko na nang umasa ako sa Diyos nang may tunay na puso at nanindigan sa aking patotoo, napahiya si Satanas at nabigo.
Minsan, sa panahon ng aking debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, na nakatulong sa aking mas makilatis ang aking asawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang? … Walang ugnayan sa pagitan ng isang nananampalatayang esposo at ng isang walang pananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga nananampalatayang anak at mga walang pananampalatayang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, ang mga tao ay may mga kamag-anak sa laman, ngunit sa sandaling pumasok sila sa pamamahinga, wala nang magiging anumang mga kamag-anak sa laman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Naisip ko kung paanong, bago ko tinanggap ang bagong gawain ng Diyos, mabuti ang pagtrato sa akin ng asawa ko para alagaan ko ang mga bata at ang bahay para sa kanya, para wala siyang anumang alalahanin sa bahay. Nang manampalataya ako sa Diyos sa kabila ng hindi pagpapahintulot ng gobyerno, nag-alala siya na kung maaaresto ako isang araw, magdurusa ang kanyang pride at mga interes, habang walang mag-aalaga sa aming anak. Kaya naman, gumamit siya ng lahat ng uri ng mga panlalansi at pakana para usigin ako at subukang pigilan akong manampalataya sa Diyos. Una, gumamit siya ng matatamis na salita para hikayatin at tuksuhin ako. Nang hindi ito gumana, bumaling siya sa mga pagmumura at pambubugbog. Tila sabik siyang bugbugin ako hanggang mamatay. Nakipagsabwatan pa nga siya sa kanyang mga kamag-anak para pilitin akong sumulat ng liham ng garantiya bilang pagkakanulo sa Diyos, at sinabing kung hindi ko ito isusulat ay makikipagdiborsyo siya sa akin. Walang sinayang na pagsisikap ang asawa ko at piniga niya ang kanyang utak para hadlangan ang aking pananampalataya sa Diyos. Gaya ng inilantad ng Diyos, wala talagang anumang damdamin ng pamilya sa pagitan ng mga tao, kundi mga relasyon lamang ng interes. Hindi talaga tunay na mabuti ang pagtrato sa akin ng aking asawa. Tanging ang Diyos lamang ang nagbibigay sa mga tao ng tunay na pagmamahal at walang pag-iimbot na pagliligtas. Mas mayroon na akong pananalig ngayon at mas malakas na kaloobang sumunod sa Makapangyarihang Diyos.
Pagkatapos, hindi na ako nalilimitahan ng aking asawa kapag lumalabas para sa mga pagtitipon o ginagawa ang aking tungkulin. Nakita ng asawa ko na hindi niya talaga ako mapipigilan, kaya tumigil na siya sa pakikialam. Tumigil na rin ang aking mga kamag-anak sa pagbanggit ng anumang bagay na may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang gumabay sa akin upang makalaya mula sa madilim na impluwensiya ng aking pamilya. Hindi na ako hinahadlangan at ginugulo ng aking asawa, at nagagawa ko na nang normal ang aking tungkulin. Salamat sa Diyos!